Kabanata 5

4172 Words
NAISIPAN niya lang muna na maglakad-lakad sa daan kalapit ng ilog na nagbabasakaling mayroon siyang makitang bakas na siyang magdadala sa kaibigan niya. Hindi niya man maintindihan kung ano ang nangyayari nakaramdam pa rin naman siya ng saya. Sapagkat hindi rin malayong nabubuhay pa ang kaniyang kaibigan na babae na nagngangalang Layla. Sa kasamaang-palad wala naman siyang nakitang bakas kaya napabubuntong-hininga na lamang siya nang malalim. Ang tanging mayroon siya ay ang hawak niyang pana na maari niyang magamit sa paghahanap. Sa klase ng gawain nito sa bayan na iyon pihadong babalik-balik ito. Ang kailangan niya lang ay ang maghintay. Kahit papaano ay hindi siya nawawalan ng pag-asa na muling makita ang kaniyang kaibigan. Nagtataka lang siya kung bakit hindi siya nakilala nito. Pinagmamasdan pa siya ng mga taong nakasasalubong niya na para bang gustong sabihin ng mga ito na mayroong mali sa kaniyang mukha. Dahil doon kinapa niya ang kaniyang pisngi sa pag-aakalang nasunog iyon, inisip niyang iyon ang rason kaya hindi siya matandaan ng kaibigan. Ngunit pagkalapat naman ng kaniyang palad wala rin naman siyang naramdamang kulubot o ano mang peklat, makinis pa rin naman ang kaniyang balat. Gayunpaman hindi pa rin siya nakuntento. Tumakbo na lamang siya patungo sa ilog para maghilamos sa pag-aakalang nababahiran ng dumi ang kaniyang mukha, nagising nga rin naman siya sa ibaba ng bangin na basang-basa ng dugo. Hindi niya alintana ang mabatong dalampasig dahil ang mahalaga sa kaniya ay ang makarating sa ilog. Tumayo siya sa malapad na bato kung saan maabot niya ang tubig na hindi kailangang lumusong ng mga paa. Itinabi niya rin ang hawak na pana nang magamit niya ang dalawa niyang kamay. Kahit naroon na siya pinagmamasdan pa rin siya ng mga naglalakad. Hindi na niya natiis kaya naghilamos na siya nang maalis ang inakalang dumi sa kaniyang mukha. Pinagmasdan niya pa nang maigi ang repleksiyon sa tubig nang makasigurado siyang wala talagang mali sa kaniya. Maayos pa rin naman ang kaniyang balat na walang kung anong peklat, wala pa rin namang nagbago, hindi rin iyon naiwanan ng tanda ng delubyo gawa ng kaniyang paglaki, makakapal pa rin naman ang kilay niya na lumililim sa mapungay niyang mga mata. Marahil kaya hindi siya nakilala ng kaibigan niya dahil mayroon ditong nangyari na hindi maganda na siyang naging dahilan ng pagkalimot nito. Nang makuntento umalis na siya ng tubig matapos bitbitin ang pana. Inakyat kapagkuwan ang pahilig na dalampasig, pagkaraa'y bumalik na siya sa daan. Wala pa siyang ideya kung paano niya sisimulan ang paghahanap sa kaibigan niya. Hindi siya makapag-isip nang matino dahil sa gutom. Iniisip niya pa nga lang kung saan siya puwedeng kumain nagparamdam na ang kaniyang tiyan, kumulo iyon ng pagkalakas kaya nahapo niya nang patahimikin iyon. Nanatili siya sa gilid ng daan na hinihimas ang tiyan na daig pa sa kaniya kung magreklamo. Hindi niya naman malaman kung saan siya puwedeng kumain. Sa kalabisan ng gutom niya hindi niya na kayang tiisin iyon. Sa kagustuhan niyang kumain naghanap na lamang siya ng makakainan kahit wala naman siyang dalang pera. Pihado namang sa katulad niyong bayan hindi mawawala ang mga kainan kung saan madalas nagtitipon ang mga mamayan doon. Balak niya na lamang na maghingi kahit na kaunti maibsan lamang ang nararamdamang gutom. Wala naman siyang perang pangbayad kaya wala siyang magagawa, ni hindi niya nga alam kung anong klaseng pera ang ginagamit sa bayan na iyon. Pagkababa niya ng kamay umalis na nga siya sa gilid ng ilog upang maghanap ng pagkain na magliligtas sa kaniyang pagkagutom. Nakahanap din naman siya ng kainan na nakaharap sa ilog. Hindi pa man siya nakapapasok sa nakabukas namang tarangkahan naglalaway na siya. Mababa lamang ang pader ng kainan kaya nakikita niya ang mga kumakain, sa dami ng mga kumakain pati sa bakuran ay naglagay ng mesa. Naging abala ang babaeng nakapagluto at ang dalawa nitong anak sa pag-sisilbi sa mga parokyano. Labas-pasok din ang mga tao, papalabas ang mga nabusog na't papasok naman ang hindi pa. Mistulang hindi magtatapos ang ingay na ginagawa ng kainan. Hindi siya nagdalawang-isip na pumasok sa tarangkahan habang itinatago sa manggas ng kaniyang suot ang pana. Pinagmasdan siya ng ilan kahit na kumakain pa ang mga ito. Kung pinagmamasdan siya ng mga parokyano siya naman ay ang mga pagkain sa mesa ang tinitingnan. Inisa-isa niya ang mga mesang nasa bakuran para malaman kung ano ang dapat niyang hingin. Sa ginawa niya sumama ang tingin ng mga tao sa kaniya. Lumayo na lamang siya dahil baka pagsimulan pa iyon nang away. Nais niyang huwag maging magulo ang pananatili niya sa bayan na iyon kaya kailangan niyang umiwas sa mga gulo. Kung magkakamali siya ay magiging dahilan iyon para mahirapan siyang hanapin ang kaniyang kaibigan. Nilapitan pa siya ng ginang na may-ari ng kainan kaya nabaling niya ang atensiyon dito. "Kakain ka ba ginoo?" ang naitanong ng ginang habang nagpupunas ng kamay sa kayumangging tapis na siyang tumatakip sa mahaba nitong suot. Sa mga labi nito ay nakaguhit ang manipis na ngiti. Inayos pa nito ang pagkatali ng buhok gamit ang pantaling tela sa paghintay ng kaniyang isasagot. Namumula ang dalawa nitong pisngi. Nag-aalangan siyang sagutin ang ginang dahil nga wala naman siyang pangbayad kung kakain siya roon. Balak niya sanang sagutin na hindi ngunit iba ang lumabas sa bibig niya. "Oo," simple niyang sabi. Trinaydor siya ng sarili niyang bibig. "Mag-isa ka lang ba?" ang naitanong nito na sinagot niya rin naman ng isang tango. "Halika. Mayroon pa kaming bakanteng mesa sapat lang sa isang tao." Nagpatiuna nga sa paglalakad ang ginang patungo sa malawak na sahig, ang mga taong kumakain doon ay nakaupo lamang sa sahig dahil sa mga mababang mesa. Maari rin naman siyang huwag na lang sumunod, umalis na lang kung gugustuhin niya ngunit nanaig sa kaniya na malagyan ng laman ang kaniyang tiyan. Hindi niya muna inisip ang mangyayari hanggang sa matapos siya sa pagkain at malaman ng ginang na wala siyang pangbayad. Dinala siya ng ginang sa sulok ng papag. Hindi niya kailangang umakyat at maghubad ng suot na bota dahil sa pinakagilid lang naman iyon. Hindi niya napigilang pagmasdan ang mga kumakain sa kaniyang pag-upo na magkatagpo ang mga paa. Nabaling niya ang tingin sa kalapit na mesa dahil sa matandang lalaking kumakain ng nilagang manok. "Katulad ng kinakain niya ang gusto kong kainin." Tinuro niya pa ang matandang lalaki nang sabihin niya iyon sa ginang. Natigil pa ang matandang lalaki nang mapansin nitong nakaturo ang kaniya daliri, sinamaan pa siya nito ng tingin kaya naisipan niya na lang na iyuko ang ulo rito bilang pagbati. Hindi na siya binigyang-pansin ng matanda sa ginawa niyang iyon. "Wala na bang iba?" ang tanong ng ginang sa kaniya. "Dagdagan mo na rin ng kanin," aniya na walang sukat dahil wala siyang ideya kung paano ang bentahan doon ng kanin. Matapos nang sinabi niya iniwan na siya ng ginang. Habang naghihintay pinagmasdan niya naman ang mga tao sapagkat ibang-iba talaga ang nakikita niya sa pinanggalingan niyang siyudad. Natigil lang siya sa pagmamasid nang lumapit sa mesa niya ang anak na lalaki ng ginang. Dala nito ang bandeha na naglalaman ng kaniyang sinabing gustong kainin na pagkain. Mahahalata pa rin ang laki ng katawan nito kahit na ang makapal ang suot nito. Pagkatayo ng lalaki sa tabi ng mesang kaniyang kinauupuan mabilis nitong inilapag ang malaking mangkok na naglalaman ng nilagang buong manok kasunod ang kanin na nakasilid naman sa mas maliit na mangkok. Pinagmasdan pa siya nang maigi ng lalaki na animo'y kinilala siya nito nang huli nitong inilapag ang kutsara. Binalewala niya lamang ang tingin na pinupukol nito sa kaniya dahil sa pagkain nakatutok ang kaniyang mata. Umalis na rin naman ito kaagad kaya sinimulan niya na ang pagkain. Sa gutom niyang nararamdaman naging mabilis ang kaniyang paglamon sa manok na kulang na lang pati buto niyo ay lunukin niya rin. Hindi niya pansin ang pakikipag-usap ng lalaki na malaki ang katawan sa kapatid nitong lalaki habang nakatingin sa kaniya. Hindi pa man siya nakatatagal sa pagkain nilapitan siya ng lalaking malaki ang katawan. Sa paghigop niya nang sabaw ng nilagang manok kinuwelyuhan siya nito sabay hila sa kaniya paalis sa harapan ng kainan. Hindi naman siya makapagsalita dahil sa puno ng laman ang kaniyang bibig. Sinundan sila ng tingin ng ibang mga kumakain. Hinayaan lang niya na dalhin siya ng lalaki sa likuran ng kainan kung saan naroon ang kusina't lutuan dahil naisip niyang nalaman ng mga itong wala siyang pangbayad. Naghihintay doon ang kapatid na lalaki ng malaki ang katawan. Binitiwan lang siya ng lalaking malaki ang katawan nang wala ng ibang nakakita sa kanila. Tinulak siya nito kaya napapaatras siya dingding ng kainan. Nagmadali pa siyang maghanap ng maiinom dahil bumara ang manok sa kaniyang lalamunin. Nakainom din naman siya sa malaking bangang kalapit niya gamit ang kahoy na pangsalok, naibuga niya pa iyon nang malasahang hindi iyon tubig kundi alak. Uminom pa rin naman siya para hindi siya mabulunan kaya lalong sumama ang tingin sa kaniya ng magkapatid. Hindi na nakatiis ang lalaking malaki ang katawan. Muli siya nitong kinuwelyuhan kapagkuwan ay marahas na tinulak siya sa dingding na kaniyang ikinaungol nang impit. "Ibalik mo ang pera namin," sabi ng lalaking malaki ang katawan. Nagtataka siyang tumingin dito. "Anong pera ang sinasabi mo?" aniya sa lalaki. "Huwang kang magpanggap na hindi mo alam ang tinutukoy namin!" sabi naman ng kapatid na mas maliit ang pangangatawan. "Ikaw iyong nakalaro namin nang isang gabi sa sugal. Hindi ko makakalimutan ang pagmumukha mo! Mandaraya ka! Kaya ka nanalo kasi nandaya! Akala mo siguro hindi namin malalaman iyon!" Naguguluhan siya sa mga ito dahil kararating niya lang sa bayan na iyon. Imposibleng nagkita sila ng mga ito nang isang gabi. Isa lang ang naisip niyang dahilan iyon ay ang napapagkamalan siya ng mga ito. "Nagkakamali kayo ng taong sinisingil. Hindi ako iyon." Muli siya tinulak sa dingding ng nakatatandang kapatid na malaki ang pangangatawan. "Tumigil ka na! Hindi ka na makalulusot sa amin!" Naamoy niya pa ang mabaho nitong hininga sa lapit ng pagmumukha nito sa kaniya. "Kung pera lang naman ang hinahanap niyo. Wala ako niyon," aniya sa katotohanan. "Ano?! Paano ka naman makakapagbayad sa kinain mo?!" singhal ng lalaking malaki ang katawan. Sinagot niya ito ng kibit-balikat kaya kaagad na sumama ang mukha nito. "Siraulo ka! Matapos mo kaming lokohin nakuha mo pang kumain dito sa kainan namin!" Sa labis na galit nito sinuntok siya nito nang pagkalakas sa tiyan na kaniyang ikinabaluktot sa lupa. Sa laki nito masyadong naging mabigat ang kamao nito. Nang aakma itong sisipain siya bigla na lamang mayroon tumalon na lalaki mula sa pasukan ng kusina, nakasuot ito ng damit na pulang magulang ang kulay. Ang ulo nito ay napuputungan ng malapad na sombrero, sa lakas ng sipa nito sa balikat ng lalaking sumuntok sa kaniya kahit malaki ang katawan nito tumalbog pa rin ito sa mga banga na imbakan ng mga alak. Sa pagbagsak ng lalaking malaki ang katawan nabasag ang mga banga't natapon ang laman niyon. Sa balak na paglapit ng nakababatang kapatid sa bagong dating binunot ng huli ang espada nitong hawak. Tinutok ng lalaking tumulong sa kaniya ang espada sa papasugod ng lalaki kaya napatigil na lamang ito. "Subukan mo't hindi ako magdadalawang-isip na saktan ka," pagbabanta ng lalaking may hawak sa espada. Napalunok na lamang ng laway ang sinabihan, hindi na rin ito nakakilos sa kinatatayuan. "Huwag kang mangialam dito!" mariing sabi ng lalaking malaki ang katawan na bumangon mula sa pagkabagsak. Basang-basa na ang kasuotan nito. Nabaling ng mayroong hawak sa espada ang atensiyon sa lalaking malaki ang pangangatawan. "Wala kang karapatan para sabihin sa akin iyan," anang lalaking mayroong hawak sa espada kaya napapatingin na siya rito. Sa leeg ng lalaking malaking katawan ay tinutok nito ang espada. "Subukan mong mayroong ulit na masabing hindi ko magugustuhan sisiguraduhin kong puputulin ko ang dila mo." Natahimik ang lalaking malaki ang katawan kaya ibinaling na ng bagong dating ang atensiyon nito sa kaniya. Ibinalik nito sa kaluban ang espada sa paghakbang nito papalapit sa kaniya. Napapatingin na lang siya rito nang tuwid nang hawakan siya nito sa braso para alalayan. "Tumayo ka na, Mahal na Prinsipe," anang lalaki sa kaniya nang pabulong sapat lang para lamang siya ang makarinig. "Ipagpatawad mo't hindi kita nahanap kaagad. Maaari mo akong parusahan nang paulit-ulit mapatawad mo lang ako." Sa lapit nito sa kaniya napagmasdan niya nang maigi ang mukhang pinanday ng ilang taon. Makakapal ang mga kilay nito na hindi kaagad mapapansin sa haba ng buhok nito sa harap. Ang likuran ng buhok nito ay natatalian kaya mistulang naging buntot. Ang mga mata nitong nakatitig sa kaniya ay puno ng pag-alala. Nagtataka siyng napapatitig dito na kunot ang noo. "Ano ang pinagsasabi mo?" aniya naman sa kaharap. Inalis niya ang kamay nito't tumayo siya nang mag-isa. "Mahal na Prinsipe naman," anang lalaki sa kaniya na pabulong pa rin. Napapatingin na lang sa kanilang dalawa ang magkapatid na hindi pa rin makapagsalita. "Tigilan mo nga ng kakatawag sa akin nang ganiyan. Hindi nga kita kilala," aniya dahil iyon din naman talaga ang totoo. "Huwag ka namang ganiyan, Prinsipe. Hinanap na nga kita." "Mayroon ka bang nakain na kung ano? Para sabihin ko sa iyo wala akong kilala na katulad mo. Mukha ba akong hindi nagsasabi ng totoo?" Mataman siya nitong pinagmasdan. "Hindi," sagot ng lalaki sa kaniya. "Wala kang alam sa paggawa ng kasinungalingan." "Mabuti naman kung nakikita mo. Maraming salamat na lang sa pagtulong," aniya sa kausap na nanlaki ang mga mata dala ng pagkabigla. "Mayroon ba akong nasabi na hindi mo nagustuhan?" ang naisipan niyang itanong. "Ipagpaumanhin niyo po. Hindi ko lang inasahan na magpapasalamat ka sa akin. Marunong ka rin pala niyon." Nagsalubong na naman ang kilay niya rito dahil sa inis na naramdaman niya bigla. Pakiramdam niya ay hindi niya nagustuhan ang sinabi nito pero ang isip naman niya ay hindi ganoon ang sinasabi. "Nang-iinis ka ba?" aniya sa lalaki. Mabilisan nitong niyuko ang ulo. "Patawad. Hindi na mauulit," ang kaagad nitong bawi. "Nakikita mo siguro sa akin ang kilala mong tao. Pero hindi ako iyon. Naintindihan mo?" Tinapik niya ito sa balikat na nagpapiksi rito. Inakala siguro nitong sasaktan niya ito. "Natatakot ka ba? Wala naman akong gagawin." Binawi niya na lang ang kamay mula sa balikat nito. "Mayroon bang nangyari sa iyo habang mag-isa ka lang?" anang lalaki sa kaniya nang muli nitong iniaangat ang tingin. "Mabuti pa ay sumama ka muna sa akin." "Saan naman?" ang tanong niya rin naman. Mabuti ngang mayroon siyang puntahan nang makapagpahinga at makapag-isip nang maayos kung ano ang mga gagawin. "Sa tinutuluyan namin," ang alanganing sabi nito. "Ayos lang ba sa iyo?" "Oo naman. Mas maganda nga iyang sinabi mo. Wala akong kilala sa lugar na ito. Kailangan ko nang matutuluyan pansamantala." Lumakad na ang lalaki na natigil lang nang magsalita ang nakatatandang kapatid na malaki ang pangangatawan. "Hindi kayo puwedeng umalis hangga't hindi siya nakapagbabayad," ang nag-aalangang sabi ng malaking lalaki. Tumingin dito ang lalaking naka-pulang magulang ang suot. Naglabas ito ng supot na puno ng pera. Tinapon nito iyon sa harapan ng malaking lalaki. "Sapat na iyan. Huwag niyo nang uulitin ang ginawa niyo," anang lalaking hawak pa rin ang espada. Muli siya nitong tingnan kung kaya sa paghakbang nito ay sumabay na siya rito. Hindi na niya tiningnan ang magkapatid na nag-agawan pa sa pagpulot ng supot. Tahimik lamang ang lalaking kasama niya sa kanilang paglalakad paalis sa likuran ng kainan. Hindi nito pinagkaabalahang tingnan ang mga taong nalalampasan sa mga mesa. Ang ginang na may-ari na naglilinis ng inalisang mesa ng kustomer ay hinatid sila ng tingin hanggang sa makalabas sila ng tarangkahan. Hindi sila huminto sa paglalakad nang katamtaman lamang ang bilis. Humarang pa ang lalaki sa harapan niya nang mayroong mapadaang dalawang taong nangangabayo, ang kamay nito ay naging mahigpit ang kapit sa hawak na espada. Napapasunod siya sa ng tingin sa mga nangabayo hanggang sa makalayo ang mga ito. Ipinagpahinga rin naman ng lalaking kasama niya ang espada sa tagiliran sa kanilang pagpapatuloy. Sa pagkakataong iyon hindi na niya napigilang magtanong sa lalaki. "Paano ka naman natutong humawak ng espada?" aniya rito kaya napatingin na naman ito bigla. "Ano na naman?" "Hindi lang ako sanay. Bibihira ka kasing magtanong sa akin ng mga ganoong bagay." Napapakamot ito ng pisngi sa pagkati niyon. "Alam mo matatamaan ka talaga sa akin. Ilang ulit ko bang sasabihin sa iyo na hindi nga ako ang taong kilala mo." "Pasensiya na," anang lalaki sa kaniya. "Bata pa lang sinanay na ako sa paggamit ng mga sandata," dugtong nito bilang sagot sa naging katanungan niya. "Pero mayroon din naman kayong mga baril dito?" ang sumunod niyang tanong sa lalaki. Nagtatakang tumingin sa kaniya ang lalaki. "Ano naman iyong sinasabi niyo?" pag-usisa nito. "Iyong pumuputok kapag pinipindot ang gatilyo," sagot niya naman. Balak niya pa sanang isalarawan ngunit sa nakikita niya rito'y hindi nito maiintidihan kaya hindi na lang niya itinuloy. "Huwag mo na nga lang alamin. Mukhang wala naman kayo niyon dito. Malayo pa ba ang tinutuluyan mo?" "Hindi," anang lalaki sa kaniya sa paghinto nila sa harapan ng malaking tarangkahan na kahoy. "Narito na tayo." Pinagmasdan niya nga ang tarangkahan. Hindi niya makita kung ano ang nasa loob sa taas niyon. "Mukhang masyadong malaki ang tinituluyan mo," komento niya pa sa pagsabay niya rito palapit sa tarangkahan. Ito ang nagtulak sa tarangkahan kaya nakita niya na rin ang bakuran na mayroong mga tanim na halaman. Nakapaikot sa bakuran ang tatlong bahagi ng bahay na magkakarugtong. Nagtuloy-tuloy lang siya nang pasok kaya naiwan ang lalaki, nakuha pa nang lalaki na magmatyag sa labas bago nito sinara ang tarangkahan. Sa kaniyang paghakbang patungo sa bahay pinagmasdan niya ang mga tanim na halaman. Natigil lang siya sa ginagawa nang makita ang isang ginang na mayroong bitbit na mga sapin sa pagtulog. Pagtama ng tingin nito sa kaniya nabitiwan nito ang mga dala kaya nahulog iyon sa sahig. Nagmadali pa itong bumababa ng portiko't hindi mapakaling nagsuot ng sandalyas na sapin sa paa. Hawak nito ang asul na saya na suot nitong damit nang tumakbo ito papalapit sa kaniya. Ang buong akala niya pa ay mayroong itong gagawin sa kaniya. Nagulat na lamang siya nang bigla itong lumuhod sa harapan niya na para bang isa siyang diyos. "Mahal na Prinsipe, patawarin niyo ako sa aking mga kasalanan. Nararapat lang na ako ay iyong parusahan," ang mangiyak-ngiyak na sabi ng ginang sa kaniya na isang punong dama. Niyuko pa nito ang ulo kaya halos humalik na ito sa lupa. Nasapo niya ang kaniyang noo sa narinig niya mula rito. "Tumayo kayo diyan. Bakit kayo lumuhod?" "Hindi. Ganito lang ako hangga't hindi niyo ako napapatawad," anang ginang sa kaniya. Napapabuntong-hininga siya nang malalim. Naibaling niya ang tingin sa lalaki nang tumayo ito sa kaniyang gawing kaliwa. "Sa palagay ko ay mayroong nangyari sa kaniya na ikinawala ng kaniyang alaala," ang naisipang sabi ng lalaki kaya nagkatinginan ang dalawang tagapag-silbi. "Ano? Totoo ba iyang sinasabi mo?" tanong ng ginang na sinagot naman ng lalaki ng isang tango. Doon na binalik ng ginang ang tingin sa kaniya. "Hindi dapat mangyari iyon sa iyo, Mahal na Prinsipe." Tinaas niya ang kanang kamay para sa dalawa nang tumigil ang mga ito. "Sandali nga. Bakit niyo ba ako tinatawag na prinsipe samantalang simpleng tao lang ako," mabilisan niyang sabi kasabay ng pagbaba ng kamay. "Saka paanong mayroong prinsipe pa sa panahon ngayon samantalang presidente na ang namumuno sa bansa." "Dahil prinsipe ka talaga," anang ginang sa kaniya na nakuha nang tumayo. Inalis nito ang kumapit ng buhangin sa suot nito. "Nagkakamali lang kayo. Kamukha ko lang siguro ang taong kilala niyo," pagbibigay niya nang diin. Naririndi na siya sa naririnig na isa siyang prinsipe. Imposible rin naman talaga iyong mangyari dahil nadala lang naman siya sa lugar na iyon. "Hindi kami nagkakamali," sabi naman ng lalaki. "Paano mo naman nasabi?" pag-usisa niya rito. "Dahil sa piklat sa kanang tainga mo," sagot naman ng ginang. ."Nakuha mo iyan nang sampung taong gulang ka pa lang." Kinapa niya nga ang kanang tainga, naramdaman niya nga ang peklat na dapat ay wala siya. "Mabuti pa ay maupo ka na lang muna Mahal na Prinsipe. Baka napapagod ka na," suhestiyon ng alalay. Sa nasabi nito napahakbang din naman siya patungo sa portiko habang nakasunod ang dalawa. Nararamdaman na nga niya ang pagod ng kaniyang katawan. Nang maupo nga siya sa portiko napaisip na naman siya nang malalim. Natatanong niya tuloy sa sarili kung ano nga ba ang nangyayari sa kaniya. Ang alam niya lang na mayroong mga prinsipe ay nasa kasaysayan. Dumagdag lang iyon sa kaguluhan ng kaniyang isipan, hindi niya tuloy mapigilang isipin na bumalik ang kaluluwa niya sa nakaraan. Kung magkamukha sila ng katawan na naigagalaw niya ibig sabihin niyon nabubuhay siya sa nakaraang siya. "Ano bang pangalan ko?" tanong niya dahil mayroon siyang pakiramdam na magkapareho pati pangalan. "Ikaw si Prinsipe Nikolai," simpleng sabi ng lalaki. Nasa harapan niya lamang ang dalawa habang sila ay nag-uusap. Hindi nga siya nagkamali sa naisip kaya napapatango na lamang siya sa nalaman. "Ano ba talagang nangyari sa iyo?" pag-usisa naman ng ginang kaya natigil siya sa pag-iisip Pinagmasdan niya ang mukha nito. Hindi niya malaman kung paano ito sasagutin dahil wala siyang maintindihan. "Hindi ko alam. Nagising na lang ako sa ibaba ng bangin na nagdurugo ang ulo ko," aniya na ikinabagsak ng mga mukha ng mga ito. "Huwag na kayong mag-alala, maayos na ang ulo ko. Pahilom na siya." Nakuha niya pang tapikin ang likuran ng kaniyang ulo para malaman "Sinubukan mo talagang magpakamatay? Mabuti naman nawala lang ang alaala mo. Hindi ka namatay dahil kung hindi pihadong pati kami susunod sa iyo." Nagpahid ang ginang ng nangilid na luha sa mga mata. "Siguro napuruhan ka sa ulo kaya wala kang maalala," saad ng alalaay. Hindi niya naman masabi rito ang tunay na dahilan kaya wala siyang maalala dahil espiritu niya ang nasa katawan ng prinsipe. "Bakit naman ako magpapakamatay kung ako ang ay isang prinsipe?" taka niya namang tanong. "Hindi ko alam. Basta ang nakalagay lang sa iniwan mong sulat ay magpapaalam ka na't huwag ka naming subukang hanapin kasi hindi ka na babalik," paliwanag naman ng ginang. "Naisip naming magpapakamatay ka. Pero naniniwala pa rin naman ako na babalik ka rito." Hindi niya alam kung dapat ba siyang matuwa na sinubukang magpakamatay ang nakaraang siya. Hindi nga malayong tama iyon dahil nagising nga naman siya sa ibaba ng bangin na basang-basa ng dugo. Wala naman siyang ibang maisip na dahilan kung bakit siya nadala sa nakaraan. Sumagi sa isipan niya na mayroon koneksiyon ang medalyon na hindi niya na nahanap sa paglalakbay ng kaniyang kaluluwa. Hindi rin malayong ang medalyon ang nagdala sa kaniya. "Ano bang eksaktong kinalalagyan ng lugar na ito?" ang tanong niya para makasiguradong sa tunay na nakaraan nga siya napunta. "Bakit mo naitanong?" takang tanong ng ginang. "Sagutin mo na lang ako," saad niya natahimik na lamang ang ginang. Inilipat ng alalay ang espadang hawak sa kabilang kamay. "Nasa malaking lupa tayo ng Magayon," pagbibigay-alam nito imbis na pasagutin ang ginang na natamimi. "Anong sabi mo Magayon?" gulat niya rin namang sabi. "Oo." "Ano bang taon na ngayon?" "Ika-300 taon na ngayon ng paghahari ng angkan niyo," sambit ng alalay. "Kaya naman isa akong prinsipe. Kung isa nga akong prinsipe ang ama ko ay isang hari." Nagkatinginan naman ang dalawa na para namang nag-uusap ang mga ito sa pamamagitan ng tingin. "Tungkol naman diyan ay mayroong pagkakomplikado," nag-aalangang turan ng alalay. "Mas mabuti pang huwag mo na lang alalahanin. Kalimutan mo na lang," segunda naman ng ginang. "Malalaman pa rin niya naman kung makabalik tayo sa palasyo," paalala naman ng alalay. "Sabihin mo na lang." "Sabihin niyo na. Gusto ko ring malaman." "Anak ka kasi ng mahal na reyna sa ibang lalaki. Kaya hindi mo talaga ama ang hari," ang mahinang sabi ng ginang. Wala rin namang ibang tao sa bahay na iyon kaya hindi kailangang magbulungan silang tatlo. Hindi na siya nagulat sa narinig dahil madalas rin naman iyong mangyari kahit nang nasa kasalukuyan siya. "Sino ba ang hari ngayon?" ang sunod niyang tanong. "Si Haring Baltazar," tugon naman ng alalay niya. "Iyong mag-isang kinalaban ang tatlong nasyon na nais umangkin sa kaharian ng Magayon?" paniniguro niya nang hindi siya magkamali. "Mabuti naman naalala mo pa ang bagay na iyon," komento ng alalay niyang lalaki. "Medyo. May iba akong natatandaan," palusot niya na lamang nang hindi siya kukulitin ng dalawa. Hindi niya mapigilang isipin na marahil napunta siya sa nakaraan para mabago niya ang buhay ng kaniyang kaibigan. Kung magagawa niya nga rin namang matulungan ang kaibigan niya mataas ang magiging pusibilidad na mabubuhay ito sa kalasalukuyan. Liban pa roon nabubuhay rin siya sa nakaraan na hindi simple lamang na mamayan kaya marami siyang magagawa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD