Kabanata 8

4258 Words
Mabibilang lamang sa dalawang kamay niya ang mga taong naglalakad sa daang pinasok ng kaniyang kaibigan habang nakabuntot siya rito. Hindi kalaparan iyon na napapagitnaan ng mga bahay na kung pagmamasdan ay tila mga abandunado. Maputik ang lupa dahil sa hindi nawawalang maruming tubig na siya ring dahilan kaya nagkakaroon nang hindi kaaya-ayang amoy ang hangin sa dakong iyon. Nang lingunin siya ng kaniyang kaibigan nagtagpo ang dalawang kilay nito kaya sinalubong niya ang tingin nito. Bumagsak na lamang ang mga balikat nito kapagkuwan ay huminto na ito sa paglalakad. Maging siya ay itinigil ang paghakbang at tahimik na naghintay sa mga gagawin nito. Wala rin namang lumabas sa bibig ng kaniyang kaibigan sa paglingon nito sa kaliwa't kanan ng daan upang magmatyag. Nawala na ang ibang mga taong naglalakad matapos makaalis sa daan na iyon. Dahil doon tuluyan na nitong inakyat ang mababang pader na nababalot ng gumagapang na berdeng halaman. Sumunod din naman siya rito nang hindi siya nito maiwanan sa labas. Maingat niyang inihawak ang kamay sa tuktok ng pader na kapantay lamang ng kaniyang dibdib. Tumalon siya kapagkuwan roon na itinatapak ang mga paa sa gumagapang na halaman. Sa kaniyang pagbaba naglakad na ang kaibigan niya sa bakuran na tinubuan ng matatangkad na damo, patungo ito sa mataas na bahay na nabubulok na ang ilang kahoy na bahagi sa harapan. Marahan man nitong binuksan ang lumang pinto, gayunman yumangitngit pa rin iyon nang bahagya na maririnig sa katahimikan na nakabalot sa bahay na iyon. "Ang buong akala ko ay kung saan ka pa nakatira," aniya sa kaibigan sa paglapit niya sa bahay. "Iniikot ko pa ang buong tingin ko sa kalaparan ng bayan. Dito lang pala. Maganda nga ang naisip mo na dito na lang. Kung titingnan sa labas iisipin ng mga taong napapadaan na walang tao rito sa loob. Hindi rin aakalain ng mga opisyal na naghahanap sa iyo na narito ka." "Hindi nako nakatira rito," saad naman ng kaibigan niya. "Dito lang ako tumatambay kapag nagagawi rito sa bayan. Pero bahay namain ito pati na ang lupa na kinatatayuan." Tuluyan siyang pumasok ng pinto't siya na rin ang nagsara niyon na ibinabalik ang tingin sa labas. "Kung ganoon bakit hindi mo na lamang ipaayos itong bahay?" aniya nang ibaling niya ang tingin sa loob ng bahay. Nabalot ng alikabok ang pasilyo ng bahay. Ang mga dingding naman ay napuno ng agiw na sa sobrang kapal ay nangitim na. "Sa tingin mo sa tulad kong mahirap magagawa kong ipaayos itong bahay?" anang kaibigan niya sa hindi masiglang tono. "Sa laki nitong bahay kakailanganin ko nang malaking halaga." "Tama ka rin naman," pagsangayon niya na lamang dito. "Liban pa roon, inangkin na ng pamahalaa ang titulo ng bahay at lupa." Tiningnan niya ito nang tuwid. "Bakit hind mo binawi?" pag-usisa niya rito. "Puwede mo rin namang makuha iyon kung gugustuhin mo." "Sana nga madali lang. Kahit ano ang gawin ko wala pa ring patutunguhan. Walang boses ang mga mahihirap. Hindi kami maririnig ng palasyon." Inalis nito ang nakaharang na agiw nang hindi iyon tumama sa mukha nito. Tumango siya nang dalawang beses dahil nauunawaan niya rin naman ang sinabi nito. Sa maingat niyang paghakbang sa pasilyo, tumimo sa kaniya ang isang bagay tungkol sa kaibigan niya. Mabibigat ang kanilang mga yabag kung kaya nga yumayangitngit ang kahoy na sahig. Umiwas pa siya sa butas na nasa gitna, humakbang siya patagilid nang isang beses lamang. "Saan na ang magulang mo? Kung narito ka posibleng nabubuhay pa sila. Bakit ka hinayaang mag-isa rito?" "Pareho na silang wala." "Mapait din talaga ang kapalaran mo," aniya nang lingunin niya ang nadaanang bakanteng kuwarto na hindi rin naiiba ang ayos sa pasilyo. "Pati sa panahong ito wala ka ring magulang." Pinakatitigan na naman siya nang mariin ng kaniyang kaibigan. "Kung hindi lang maayos ang suot mo iisipin ko talaga nasisiraan ka na nang bait. Hindi rin naman ako nag-iisa. Mayroon akong mga kasama." "Oo nga pala," aniya nang maalala ang nagpakawala ng pana nang una niya itong sundan. "Saan naman iyong kasama mo?" "Sino ang sinasabi mo?" taka nitong tanong. "Iyong kamuntikan na akong matama ng pana," paalala niya rito. Tumigil ito sa paglalakad dahil sa patong ng mga upuang nakaharang sa kanilang daraanan. "Wala na siya rito. Umalis na," pagbibigay-alam nito sa kaniya. Hindi niya rin masabi kung totoo ba ang sinasabi nito. Tinulungan niya na lamang ito sa pagtabi sa mga upuan kaya natapos iyon kaagad. Sa simula hindi niya maintindihan kung bakit kailangan pa nitong gawin iyon. Nabigyan lang ng kasagutan ang kaniyang katanungan nang matapos na maalis ang mga upuan kumatok nito nang limang beses sa unang pintong nilapitan nito. Nang ibaba nga nito ang kamay na pinangkatok bumukas na ang pinto. Hila ng isang batang lalaki na marungis ang itsura iyon. Sa likuran ng unang bata ay nakatayo pa ay dalawang bata pa na babae't lalaki. Nakakapit pa ang batang babae sa mapusyaw na damit ng katabi nitong batang lalaki. Napatitig kaagad ang mga ito sa kaniya. Sa mapapayat na katawan ng mga ito'y makikita ang tanda ng kahirapan na nararanasan ng mga ito. "Sino naman ang mga iyan?" ang naisipan niyang itanong. "Mga inaalagaan ko," tugon ng kaibigan niya nang ibalik nito ang tingin sa kaniya. "Kahit saan ka talaga mapunta malapit ka sa mga bata." "Nahihiwaagaan ako sa iyo. Parang kilala mo talaga ako." "Iyon naman talaga ang totoo. Hayaan mo't sa paglipas ng maraming taon maiintidihan mo rin. Hindi ka na maguguluhan." "Sa dami ng taong sinasabi mo patay na ako panigurado," ang nasabi ng kaibigan niya. Natahimik siya sa narinig dahil nga sa namatay nga rin naman ito sa kasalukuyan. Hindi na siya nakatugon sa kaibigan niya sa pagsasalita ng unang batang lalaki na nagbukas sa pinto. "Sino siya?" pag-usisa ng batang lalaki. Pinunasan nito ang likod ng kamay sa maruming pisngi, hindi rin naman natanggal ang dumi. "Nakita ko lang diyan sa labas," ang walang ganang sagot ng kaibigan niya. Tinuro pa nito ang hinlalaki pabalik sa kahabaan ng pasilyo. Sa pag-uusap ng mga ito napagmasdan niya nang maayos ang pinagtataguang silid ng mga bata. Hindi man kakitaan ng ano mang gamit sa loob ngunit malinis iyon. Naalis ang mga alikabok at agiw na siyang nagpaparumi sa bahay nang magamit iyon. "Sasama siya sa atin?" ang sumunod na tanong nang batang lalaki. Nanatiling walang-kibo ang dalawa pang bata, nakakapit pa rin ang kamay ng batang babae sa katabing ikalawang batang lalaki na mariin ang tingin sa kaniya. "Hindi," simpleng sabi ng kaibigan nang ibaling nito ang tingin sa kaniya. Nagsalubong ang dalawang kilay niya sa narinig. "Sandali. Akala ko ay dito kayo naglalagi? Pero sa tono ng sagot mo sa tanong ng bata mukha hindi," saad niya nang salubungin niya ang mga mata ng kaniyang kaibigan. "Dito nga. Pero aalis na kami," sambit ng kaibigan niya. Mahahalata sa boses nito na wala talaga itong interes sa kaniya. Hindi talaga siya nito balak dalhin kung saan man ito pupunta. "Pakiramdam ko hindi talaga ito ang tirahan mo," aniya sabay baling sa batang lalaki sa pagsasalita nito. "Sa labas ng bayan kami nakatira," wika nito. "Sa kakahuyan. "Dumito ka na," sabi naman ng kaibigan niya. "Kaya naman dinala mo ako rito dahil iyan lang din ang sasabihin mo." "Hindi ba't naghahanap ka nang matutuluyan. Hindi rin naman siguro problema sa iyo na ganito ang ayos ng bahay dahil saglit ka lang naman dito. "Sasama ako sa inyo. Baka mamaya mamamatay ka sa pupuntahan niyo," pamimilit niya rito. "Alam mo sumusobra ka na," mariinn saad ng kaniyang kaibigan. "Iyong ibang bagay na lumalabas sa bibig mo mapapalampas ko pa. Pero iyong sinasabi mong mamamatay ako ay hindi. Isinusumpa mo ako." "Hindi naman sa ganoon," pagtatanggol niya sa kaniyang sarili. "Kaligtasan mo lang ang gusto ko kaya dapat isama mo ako." "Ikaw ang magdadala ng kamatayan ko. Huwag kang sumunod sa amin. Dito ka lang." Isinenyas nito ang kamay sa mga bata kaya lumabas na ang mga ito ng silid. Nagsilakad ang mga ito sa pasilyo patungo sa likuran ng bahay. Bahagya pang tinulak ng kaibigan niya ang unang batang lalaki sa balikat sa pagtigil nito. "Marahil tama ka. Namatay nga rin naman ang magulang ko dahil sa akin," ang nalulungkot niyang sabi. "Ang mga katulad mo ang dapat kong layuan. Hindi ka lang nasisiraan ng ulo." Sumunod na ito sa mga batang naglalakad. Hindi rin naman siya nagpapigil, bumuntot pa rin siya sa mga ito. "Isama mo na ako. Makatutulong ako sa iyo." "Tumigil ka na bago pa ako magtawag ng opisyal," pagbabanta nito sa kaniya. "Kung gagawin mo iyong makikilala ka na ikaw iyong nagnakaw." SUmama ang tingin nito sa kaniya dahil sa sinabi niyang iyon. "Hayaan mo na lang akong ihatid kayo sa tinitirahan niyo pagkatapos aalis din ako," dugtong niya para sa kaibigan. "Hindi nga puwede," mariin nitong sabi. Pinagmasdan siya nito nang masama kapagkuwan ay pinagpatuloy nito ang paglalakad. Hinabol nito ang mga bata na nakalayo na. Lumiko ang mga ito patungo sa kaliwa. Hindi rin naman niya pinakinggan ang kaibigan sapagkat sumunod pa rin siya rito. Sa pagliko nito sa pasilyo'y siya rin namang mabilis na paglalakad na para bang nag-uunahan ang kaniyang mga paa. Sa pagliko niya sa kaliwa kakalabas lamang ng kaibigan niya sa pinto sa nasirang kusina ng bahay. Yumangitngit pa ang pinto habang gumagalaw matapos na bitiwan ng kaibigan niya. Dinagdagan niya pa ang kaniyang bilis nang maabutan niya pa ang kaniyang kaibigan. Sa likuran ng mataas na bahay ay naroon ang dalawang bahay na magkaharap. Hindi tinapos ang paggawa sa dalawang bahay kaya naiwan ang mga nakatayong mga kahoy na suporta sa paggawa. Wala namang ibang daaan doon kundi ang lupa sa ginta. Binaktas niya iyon hanggang sa makarating siya sa gilid ng unang bahay na inabanduna sa gawing kaliwa. Naabutan niya ang kaniyang kaibigan kasama ang mga bata na huminto sa paglalakad. Nalaman niya na lang kung bakit sa paglapit niya sa mga ito. Nakaharang sa harapan ng mga ito ang mangagaso na nagyaya sa kaniya ng inuman sa aliwan na pinuntahan ng kaniyang kaibigan. Sa kamay nito ay ang paa ng nilagang manok. Pagtama ng mga mata niya rito inilapit nito ang manok sa bibig. Kinain nito nang buo ang naiiwang laman kapagkuwan ay tinapon sa tabi ang buto. "Bumalik na lang tayo sa bahay," ang nasabi ng batang lalaki. Nagtago ito sa likuran ng kaniyang kaibigan kasama ang dalawa pang bata, Ang batang babae naman ay napakapit sa likuran ng suot ng kaniyang kaibigan. "Huwag kayong matakot. Hindi tayo sasakyan niyan," anang kaibigan niya nang ipatong nito ang kamay sa ulo ng batang lalaki. Ginulo nito iyon bago nito ibinaba ang kamay. "Nasaan na ang mga kailangan ko?" dugtong nito. Mabilisang nginuya ng mangangaso ang laman ng manok sa bibig nito. Nilunok kapagkuwan nang makutento. "Huwag kang magmadali," saad naman ng mangangaso. Dinilaan pa nito ang kumapit na katas sa daliri nito. "Ito na," sabi nito sa pagpunas naman nito ng kamay sa sariling suot. Pagkaraa'y sinuksok nito ang kamay sa likuran ng balabal sa dibdib. Inilabas nito ang kayumangging supot na gawa sa balat ng hayop. Tinapon nito ang supot patungo sa kaibigan niya. "Mabuti," dugtong nito sa huli. Kumuukunot ang noo niya sa nakikita niya sa mga ito. Nasalo naman ng kaibigan niya ang supot nang walang kahirap-hirap. "Mabuti," komento pa ng kaibigan niya. Winasiwas ng mangangaso ang kamay patungo sa likuran nito. "Alis na. Sa susunod ulit." "Kung magkikita pa tayo." Itinago naman ng kaibigan niya ang supot sa likuran naman ng unang patong ng suot nito. "Oo naman. Naroon kami kahit saang lugar," ang nakalolokong sabi ng mangangaso. Gumuhit pa ang isang ngisi sa makapal na labi nito. Inalis ng kaibigan niya ang atensiyon sa mangangaso. "Lumakad na tayo para hindi tayo abutan ng gabi sa daan," sabi ng kaibigan niya sa tatlong bata. Nag-aalangang naglakad ang mga bata na hindi na naalis ang tinginis sa mangangaso na nakabantay namana ang mga mata.Nang aakamang hahakbang na ang kaibigan niya pinigilan niya ito sa braso na ikinatigil nito sa paglalakad. "Ano ang ibig sabihin nito?" ang naguguluhan niyang tanong sa kaniyang kaibigan. Nilingon siya nito na matalim ang tingin. "Bitiwan mo nga ako," ang mariing sabi ng kaibigan niya. "Ito na ang huling pagkakataaon na magkikita tayo. Huwag na huwag kang sumunod dahil kung hindi ako mismo ang papatay sa iyo. Masuwerte ka pa rin kung mapupunta ka sa kanila dahil mabubuhay ka pa kahit papaano." Ito na ang kusang umalis sa kamay niyang nakakapit sa braso nito. HInayaan niya na lamang itong makaalis para makasunod ito sa tatlong bata. Dinaanan lang ng mga ito ang nakatayong mangagaso. "Bumalik ka rito, Malo," ang nakuha pa rin niya namang sabihin sa kaniyang kaibigan. Muli siya nitong pinagmasdan nang masama, mas matalim kaysa sa una. "Huwag mong banggitin ang pangalan ko. Wala kang karapatan para gawin iyon," malakas nitong sabi kapagkuwan ay inilagay na ang buong atensiyyon sa paglalakad. "Hindi tayo magkabigan." Napabuntong-hininga na lamang siya nang malalim habang pinagmamasdan ang likuran ng kaibigan niya. Sa tuloy-tuloy na paglalakad nito kasama ang tatlong bata na bumibilis ang paghakbang nakarating ang mga ito sa pangunahing kalye. Ibinaling niya ang atensiyon sa mangagaso nang magsalita ito para sa kaniya. "Ako na ang bahala sa iyo. Nabayaran ka na," anang mangangaso. Hindi naalis ang matalim na ngisi sa labi nito. "Ano ang ibig mong sabihin" naguguluhan niya rin namang tanong. Sinuksok nito ang hinliliit sa tainga kaya napapanngiwi ang mukha nito. Nang mayroong makuha pinagmadsan nito iyon at hinipan. "Ginamit namin si Marlo para madala ka rito," pagsisimula ng mangangaso nang ipagpahing nito ang kanang kamay. "Alam kasi namin na hindi ka namin puwedeng basta kunin lang sa daan dahil maraming mga matang nakatingin. Hindi magandang malaman ng kahit sino na mayroon kaming ginagawa. Tama nga naman siyang hahanapin mo talaga siya kaya hinintay ka talaga namin na mapunta sa aliwan imbis na kami ang maghanap sa iyo." "Ano bang kailangan mo sa akin?" ang naitanong niya sa mga ito. Hindi na siya nagtaka na nangyayari iyon sa kaniya sapagkat nilalapitan nga rin naman siya ng gulo kahit wala siyang gawin. "Bakit mo pa itinatanong? Alam mo naman kung ano ang dahilan." Napapaisip siya sa sinabi nito kaya sumagi sa isipan niyang isa ka naman siyang dugong bughaw sa panahon na iyon. "Puwes para sabihin ko sa iyo, hindi ako isang prinsipe,' aniya sa mangangaso dahil iyon din naman ang totoo. Ang nakaraan siya ang prinsipe at hindi siya mismo. "Hindi mo kailangang magsinungaling," wika nito. "Hindi nagkakamali ang kasama namin." Wala siyang ideya kung sino ang sinasabi nitong kasama dahil kararating nga lang naman niya sa panahon na iyon. "Hindi ako nagsisinungaling. Nagkakamali ka iniisip niyo. Pabayaan mo na ako." Nagkamot ito sa sintedo sa pag-iisip. "Hindi kita mapagbibigyan sa gusto mo. Bayad ka na. Saka kung hindi ikaw ang prinsipe mayroon pa rin naman kaming mapaggagamitan sa iyo." "Paano naman kung hind ako sasama sa iyo?" ang naisipang niyang itanong kahit alam niya na kung ano ang magiging sagot. Gumuhit ang malapad na ngiti sa labis nito na inilalabas ang naninilaw nitong mga ngipin. "Simple lamang ang mangyayari. Masasaktan ka," paalala nito sa kaniya. Inalis nito ang latigo na nababalot ng talim mula sa beywang nito. Pinagmasdan niya nang maigi ang pagkilos nito nang siya ay makapaghanda kung sakaling sugurin na siya nito. Hinawakan nito ang matalim na dulo ng latigo nito, nakuha pa nga nitong idikit ang hinlalaki roon nang maramdaman ang talas. Inalis din naman nito ang tingin sa kaniya at inilipat sa hawak nitong latigo. Sa pagbaba nito ng tingin matulin siyang tumakbo patungo sa gawing kanan upang makadaan siya rito't makalampas. Hindi pa man siya nakakarami ng hakbang inihampas na nito ang latigo patungo sa kaniya nang mayroong kabilisan. Mabuti na lamang naiwasan niya rin iyon kaagad sa pagtalon niya patungo sa mga kahoy na ginagamit sa paggawa ng bahay. Tumama lamang sa lupa ang dulo ng latigo na nagtulak sa mga alikabok sa lupa na maglaro sa ere. Nagdala pa ng kung anong tunog ang hampas ng latigo na para bang sinusugatan ang hangin. Kumapit siya sa kahoy kapagkuwan ay umikot roon, pagkaraa'y tumayo habang ikinakapit ang isang kamay sa kasunod na nakakabit na kahoy. Sa pagbalik ng latigo sa kamay ng manggangaso pinagmasdan niya ito sa ibaba. "Hindi ko maintindihan kung anong balak mo. Wala kang mapapala sa akin. Nagkakamali ka lang talaga ng taong kukunin. Wala akong halaga sa panahon na ito," aniya sa mangangaso nang magkaroon siya ng pagkakataon na makapag-isip ng gagawin. "Huwag mo nang guluhin ang pag-iisip ko. Alam ko ang ginagawa ko. Kami lang ang makapaagsasabi kung mayroon kang halaga o wala. Hindi ikaw." Muli nitong hinawakan ang dulo ng latigo. "Saka sigurado na akong ikaw ang prinsipe dahil gusto mong tumakbo para makatakas sa akin." Hindi na sinundan ng mangangaso ang iba pang sasabihin nito. Sa ikalawnag pagkakataon inihampas na naman nito ang latigo kaya umakyat siya nang umakyat paitaas. Sa talas ng mga talim na nakabalot sa latigo naputol niyon ang mga bilugang kahoy. Sinundan iyon kaagad ng pangangaso ng pagputol naman sa mga nakatayog kahoy na kinakapitan ng inaakyatan niya. Sa nangyari nahulog siya sa inaakyatan kasbay ng bumabagsak ng kahoy. Hindi naman siya napano dahil nakuha niya rin namang makatayo sa gitna ng mga bumagsak na kahoy. Nang ibalik niya ang tingin mangangaso naaninag niya ito sa likuran ng manipis na alikabok. Napayuko na lamang siya nang bilang nahawi ang ulap ng alikabok dahil sa latigo. Iniyuko niya kaagad ang sarili kaya nakailag naman siya, tanging hangin ang nahiwa ng latigo't hindi siya nagalusan man lang. Sa pag-atras ng latigo pumulot siya ng naputol na kahoy na siyang pinanghampas niya sa lupa sa harapan, nadagdagan niyon ang naglalarong alikabok sa hangin. Bago pa man muling makaatake ang mangangaso isinibat niya ang hawak na kahoy patungo rito. Hindi lamang iyon ang itinapon niya sapagkat sinundan niya pa iyon ng ilan pa. Nawawasak naman ng mangangaso ang mga kahoy gamit lang ng pagsiwas sa latigo. Hindi naman niya natamaan ang mangagaso sa pagkaubos ng kahoy na maitataon niya. Ang ginawa niya na lamang ay ang tumakbo patungo rito nang hindi nito magamit ang latigo sa lapit niya dito. Pumasok siya sa mga alikabok na kinakain ang namagitang distansiya sa pagitan nila ng mangangaso. Nang muling ihahampas ng mangangaso ang latigo nasa harapan na siya nito. Hindi na nito naituloy ang gagawin dahil matapos niyang umikot sinipa niya ito sa braso na nagpatalsik dito patungo sa kabilang bahay na hindi tinapos. Sumusunod lamang sa pagkilos niya ang kaniyang kasuotan. Tumama pa ang likod ng mangangaso sa nakakabit na kahoy na ikinabali niyon. Hindi na siya naghintay na makabangon pa ito. Kumaripas na siya ng takbo papalayo rito. Sa kasamaang-palad hindi naman niya nagawang lumayo sapagkat pumulupot ang pinakadulo ng latigo sa kaniyang kanang paa na kaagad niyang ikinangiwi. Naramdaman niya ang talim na pumunit sa kaniyang balat sa paa. Hinila siya nito kapagkuwan kaya napadapa siya lupa. Sa paglapit niya sa mangangaso pinagmasdan niya ito. Nang malapit na siya rito kinuha niya ang nadaanang putol na kahoy. Isinibat niya iyon sa braso ng manganaso. Sa pagkakataong iyon hindi nito naiwasan ang kahoy kaya natamaan nga ito sa braso na hawak ang latigo. Hindi man bumaon ang kahoy nasaktan pa rin naman ito na mahahalata sa pagsama ng mukha nito. Doon na rin ito natigil sa paghila sa kaniya. Hindi na niya ito pinagbigyan na makabawi sa pagbangon niya sa lupa. Hinila niya mula rito ang latigo na tinitiis ang nagawang mga sugat kaniyang mga kamay ng mga talim. Nagawa niya namang maangkin ang latigo kung kaya nga nahawakan niya iyon sa hawakan. Hindi na niya pinatagal pa ang mga sandali. Ginamit niya ang sarili nitong latigo para masaktan niya ito. Nagawa niya namang maihampas iyon ngunit nakailag naman ang mangagaso sa kaniya. Tumalon ito palayo sa kaniya sa gitna ng daan na siya ring paghampas siya sa latigo. Habang nasa ere ito ibinalik niya ang latigo kung kaya nga nang papalapag na ito sa lupa naipulupot niya ang mahabang latigo sa itaas nitong katawan. Bumagsak nga ang manganaso sa lupa nang paluhod. Nang aakma itong tatayo tumakbo siya patungo rito sabay sipa sa balikat nito na nagtulak dito para mapahiga ito sa lupa. Tinapak niya ang kaniyang paa sa dibdib nito nang hindi ito makaalis. "Sino bang nag-utos sa iyo para gawin ito?" sabi niya sa mangangaso. "Nakilala mo na siya sa inuman," sagot naman ng mangagaso na hindi niya inasahan. Binalikan niya rin naman ang mga tagpo sa inuman. Iisang tao lang naman ang tumatak sa isip niya ng magtungo siya roon. "Huwag mong sabihing iyong nakausap ni Marlo." "Nakuha mo," anang mangangaso na para bang wala itong magiging suliranin sa pagsasabi nito niyon sa kung sino ang lider. "Hindi mo dapat sinasabi sa akin ang ganoon. Paano kung isumbong ko kayo sa mga opisyal. Mabubulok ka sa kulungan," aniya sa binata nang matakot ito. "O ang mas malala mapaparusahan ka ng kamatayan," dugtong niya nang maalala ang mga nabasa sa libro sa hinahanarap. "Kung mangyayaring makakatakas ka sa akin," anang mangangaso kapagkuwan ay gumuhit na naman ang matalim na ngisi sa labi nito. Wala na siyang naiganting mga salita sa mangangaso nang magsilabasan mula sa lupa sa ilalim ng katawan nito ang maraming mga alakdan. Mabilis na gumapang iyong sa katawan ng mangangaso patungo sa kaniya. Dahilan para mapalayo siya rito nang hindi siya matusok ng makamandang na buntot ng mga ito. Maging ang latigo ay kaniyang binitiwan dahil gumapang din ang mga alakdan doon. Humakbang siya nang makaialng patalikod sa lalong pagdami ng mga alakdan na kumalat sa lupang kaniyang kinatatayuan. Hindi na siya naisip pa ng gagawin kundi ang tumalon muli sa ikinabit na mga kahoy sa ikalawang bahay. Nang tumayo siya sa kahoy habang nakahawak sa patayong kahoy tumayo na ang mangangaso na inaalis ang nakapulupot na latigo sa katawan nito. Lumalabas ang mga iyon sa ilalim ng kinatatayuan nito. Doon niya nasabing maging sa panahon iyon ay nabubuhay ang mga espiritung bantay. Hindi nga naman siya nagkamali dahil ang kasulukuyang pinanggalingan ka naman niya ay repleksiyon ng nakaraan. "Sino ka ba?" ang naitanong niya rito. "Ang mga katulad mo'y mabuti lang ang maaring gawin. Hindi mo dapat ginagamit sa masama ang kakayahan mong makapagtawag." "Hindi mo ako maaring parangalan," sabi naman ng mangangaso sa kaniya. "Sinasayang mo lang ang ibinigay sa iyo." Pinakatitigan siya ng mangagaso't bigla na lamang itong natawa. "Iyan ba ang itinuro sa iyo? Para sabihin ko sa iyo dito sa labas ng palayso marami ang nangyayari. Hindi ka mabubuhay kung mananatili kang mabuti. Kakalam ang iyong sikmura kung hindi ka magnanakaw. Hindi ka magiging masaya kung magiging sunod-sunod ka lang sa pamamahala ng hari." "Nagkakamali ka," pagtama niya sa mga sinabi nito. "Hindi ako nagkakamali. Wala ako rito ngayon kung tama ka," anang mangangaso sa kaniya. "Akala ko ba'y duwag at mahina ang prinsipeng katulad mo. Sa nakikita ko sa iyo mukhang hindi naman. Sa palagay ko'y nagkamali lang ang kasama ko sa pag-alam sa mga kaya mong gawin. Hindi ba't ang alam mo lang ay ang magpakaligaya sa aliwan. Bakit ka ba nagpapanggap? Sino ang nagturo sa iyo niyon?" Imbis na kausapin pa ang mangangaso umakyat siya nang umakyat sa nakakabit na mga kahoy. Nilingon niya lamang nito nang pagpuputiulin na naman nito ang kahoy. Nang hindi siya mahulog sa ibaba ikinapit niya ang kaniyang kamay sa patay ng tuktok ng dingding ng bahay na paglalagyan ng bubong. Gumawa naman ng makabal na alikabok ang pagsakan ng mga kahoy kasabay ng paglagabog. Nakahinga siya nang maluwag nang magpalambitin siya sa dingding. Doon niya pa lamang nilingon ang mangangaso na ihahampas naman ang latigo patungo sa kaniya. Nang hindi siya mahuli inalis niya ang kaniyang sariling bigat sa paglambitin. Tumayo siya't maingat na tumakbo sa makipo na dingding patungo sa direksyon kung saan naroon ang pangunahing daan. Kamuntikan pa siyang matama ng latigo na inihampas ng mangngaso. Mabuti na lamang ay nakatalon siya't muling tumayo sa dingding. Naibalik niya lang ang tingin sa mangangaso nang marinig niya ang isang sagitsit. Nalaman niya na lang kung ano nang makita niya ang pagsanib ng mga alakdan. Naghalo ang mga iyon hanggang naging isang alakdan na gahigante. Tumalon pa ang mangangaso sa likuran niyono at walang sabi-sabing sinugod na naman siya. Sa laki ng alakdan abot niyon ang taas ng kinatutungtungan niyang dingding na mahigit tatlong dipa rin naman ang layo. Sa lagay niyang iyon hindi niya naman maiwasang isipin kung ano ang dapat gawin. Kung tatakbo siya patungo sa daan pihadong mayroong madadamay na ibang mga tao. Pero kung gagawin niya nga ang naunang naisip mayroong ibang taong makatutulong sa kaniya para mapigilan ang mangangaso. Hindi naman kaya ng konsensiya niya na mayroong madamay na naman dahil sa kaniya. Kahit na hindi niya naman kilala ang mga tao sa bayan na iyon mayroon pa rin siyang pakiaalam sa buhay ng iba. Hindi niya sigurado kung makakaya niya ang alakdan kaya kailangan niya ng tulong. Wala naman siyang ibang maisip na puwedeng hingan kundi ang alalay niya lamang at ang binatang prinsipe. Sa kasamaang-palad hindi niya naman alam kung saan ang mga ito. Naputol ang kaniyang pag-iisip nang maramdaman niyagn mayroong lumapag sa dingding sa kaniyang likuran. Nagmadali siyang lumingon kahit alam niyang paparating na ang alakdan na nakahanda ang matatalim na sipit. Ang dalawa niyang kulay ay nagkasalubong nang makilala niya ang bagong dating.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD