KINAUMAGAHAN nagising na lamang si Nikolai sa kaniyang higaan, pagkamulat niya ng kaniyang mga mata kisame ang unang bumungad sa kaniya. Hindi niya matandaan na nakatulog siya sa tabi ni Dermot. Pagdalaw ng bangungot sa binatang prinsipe ang tangi niyang naalala, kung paano niya hawakan ang mga kamay nito katulad ng ginagawa ng kaniyang ama.
Sa pagsagi ng tagpong iyon sa kaniyang isipan napabangon na lamang siya nang upo. Nilingon niya ang hinigaan ng Dermot para makita ito habang kinukusot ang kaniyang mga mata. Ngunit wala na ito roon kahit na ang hinigaan nito, bakanteng sahig na lamang ang naiwan. Naitatanong niya tuloy sa sarili na marahil panaginip lamang na naroon na natulog si Dermot. Maging ang pula na roba nito ay wala sa sabitan. Sa naisip niya hindi na siya nagtanong pa sa sarili kung alin ba ang totoong nangyari.
Pinaniwala niya ang kaniyang sarili na hindi nga nagpunta ang binatang prinsipe dahil wala nga ito roon pagkagising niya. Matapos niyang humikab nakuha niya pang mag-unat ng kamay kapagkuwan ay tuluyan na siyang tumayo. Hindi siya kaagad umalis ng silid dahil tiniklop niya pa ang ginamit niyang higaan. Lumabas lamang siya nang maitabi niya na iyon sa tukador. Nagtungo siya ng pinto na kamot ang kaniyang tiyan.
Sa labas maliwanag na ang kapaligiran dahil sa nagsisimulang pumaitaas na araw.
Nagiging maganda na ang tulog niya sa pananatili niya sa panahon na iyon kaya inuumaga na rin siya nang gising.
Hindi pa man siya nakalalabas sa pinto naririnig niya na ang ingay na gawa ng espadang inihahampas sa hangin. Naisip niyang maagang nagsasanay ang kaniyang alalay na si Arnolfo para mainat ang masel sa katawan kaya hindi na niya pinagtakhan. Ngunit nang buksan niya ang pinto ibang tao ang sumalubong sa kaniya na naroon sa bakuran hawak ang matalim na espada.
Napatigil sa pagwasiwas ang binatang prinsipe sa espada nang malingunan siya nito. Doon niya napagtantong nangyari ngang doon natulog ang binatang prinsipe.
"Mabuti naman gising ka na," sabi nito sa kaniya na para bang iyon ang pinakalikas na masasabi nito pagkagising sa umaga.
Nakasuot lamang ito nang sandaling iyon nang puting pangloob nito.
Itinigil niya ang pagkamot sa kaniyang tiyan at inalis niya ang kaniyang kamay sa loob ng kaniyang suot.
"Ano pa bang ginagawa mo rito?" ang naitanong niya sa pagkamot niya sa pisngi sa pagkati naman niyon.
"Sabi ko na nga sa iyong magsasanay ka. Ganitong umaga mo na lang gagawin dahil hindi na puwede sa tuwing gabi. Marami nang umaaligid na mga nilalang," paalala nito sa kaniya. "Kunin mo na iyang espada."
Itinuro nito ang hawak na espada sa isa pang espada kaya napalingon nga siya, naroon nga iyon sa tabi lang ng portiko.
Ibinalik niya ang tingin dito. "Ayaw ko nga," pagtanggi niya naman.
"Bilisan mo riyan," pagbibigay diin naman nito.
"Wala ka bang ibang gagawin? Ako ang nakikita mo?" maktol niya sa binatang prinsipe. "Sinabi ko nga sa iyong hindi ako magsasanay."
"Gusto mong kaladkarin pa kita paibaba diyan?" paghahamon nito sa kaniya.
"Gawin mo nga," banat niya naman dito. Hindi pa rin naman ito kumilos sa kinatatayuan. "Hindi mo naman pala kayang gawin."
"Hindi mo ba talaga gusto?" paniniguro nito sa kaniya.
"Oo. Kailangan ko pa bang ulitin?"
"Kung ganoon hindi kita isasama sa paglabas ko ng palasyo. Alalahanin hindi ka puwedeng lumabas kung hindi mo ako kasama."
"Kaya ko namang lumabas na ako lang."
"Hindi ka na makalalabas kahit tumakas ka pa. Bantay sarado na ang mga tarangkahan at pader dahil sa nangyayari rito sa loob."
Sinalubong niya ang tingin nito kaya nagkasabukan sila sa pamamagitan ng kanilang mga mata. Sa huli sumuko na lamang siya at kinuha ang nakatabing espada habang isinusuot ang sapatos niyang inilagay doon ng dama nang magamit niya sa paglalakad niya. Pinalo niya nang makailang ulit ang espada sa hangin sa paglapit niya sa binata nang hindi mabigla ang kaniyang braso sa gagawin nilang pagsasanay.
"Hindi ko maintindihan kung bakit kailangang gawin mo pa ito," ang naguguluhan niyang sabi nang makaharap niya ang binata.
Mataman siya nitong pinagmasdan. "Sinusunod ko lang ang utos sa akin ng aking ama," pagbibigay alam nito sa kaniya.
Bumuntonghininga siya nang malalim sa pag-aakalang mayroon pa itong ibang dahilan kaya pinipilit nitong sanayin siya.
"Kaya naman pala," ang tinatamad niyang sabi. Itinaas niya ang hawak na espada nang mapagmasdan niya ang haba't talim niyon. Kumikinang ang talim niyon sa tumatamang sinag ng araw, napapalamutian pa ang hawakan niyon ng mumunting diyamante.
"Ihanda mo ang sarili mo," utos nito sa kaniya.
Itinigil niya ang pagtitig sa hawak na espada dahil sa narinig. "Puwede naman sigurong maya-maya na lang. Kagigising ko lang kaya," ang naisipan niyang sabihin.
Hindi niya gustong mapagod at pagpawisan nang maaga.
"Walang pinipiling pagkakataon o panahon ang pagsasanay. Umulan man o bumagyo maari mo pa ring gawin," pangaral ng binatang prinsipe sa kaniya. "Hindi pa rin naman nagbago ang gagawin mo. Kailangan mo lang ulit akong matamaan nang isa kahit na masugatan pa ako para ihihinto ko ang pagsasanay."
"Totohanin mo ang sinabi mo. Wala nang bawian. Baka mamaya ibalibag mo ako sa lupa." Hinigpitan niya ang kapit sa hawakan ng kaniyang dalang espada.
Inilagay niya sa kaniyang harapan ang espada sa pagharap niya sa binatang prinsipe, ang mga mata niya ay nakatutok lamang sa katawan nito. Tuwid lamang itong nakatayo na nakababa ang hawak na sandata, tumatama ang dulo niyon sa lupa. Hindi pa man siya nakakapaghanda sinugod naman siya nito na walang sinasabi kung magsisimula na ba o hindi. Sumunod sa paggalaw ng katawan nito ang maliliit nitong masel hanggang sa dulo ng mga daliri.
Itinaas nito ang kamay na mayroong hawak sa espada nang kainin ng mga paa nito ang naiiwang distansiya sa pagitan nilang dalawa. Mabilis na pumaibaba ang kamay nito nang inihampas na nito iyon patungo sa kaniya. Sinubukan niya pang maging alerto ngunit sadyang higit na mas sanay ang binatang prinsipe sa paghawak ng sanda. Kasabay ng pagtibok ng kaniyang puso nasa uluhan na niya ang matalim na espada na kung hindi niya maiilagan pihadong masusugatan siya niyon, masyado pa namang makatotohanan kung magsanay ang binatang prinsipe, walang puwang dito ang pag-aalangan dahil madalas tiyak ang bawat galaw.
Nang maisalba niya ang sariling mapahiya sa harapan nito na gusto nitong mangyari sa kaniya, walang pag-alinlangang isinangga niya ang hawak na espada kahit na malapit na iyon sa kaniyang mukha. Sa pagtama ng talim ng dalawang sandata pinatabingi niya ang kaniyang ulo nang hindi iyon madaplisan na nangyari rin naman ngunit kasabay niyon ang paglingangaw sa tainga niya ng pagkiskisan ng mga talim sa lapit ng mga iyon. Hindi pa huminto ang binatang prinsipe sapagkat idiniin pa nito lalo ang espada kahit kanang kamay lang ang pinangtutulak nito. Wala na siyang nagawa kundi itulak pabalik ang espada nito gamit ang isinangga niyang sandata. Napapigil siya sa paghinga habang ginagawa niya iyon hanggang sa malapit ng dumikit ang dalawang espada sa kaniyang balikat. Nararamdaman niya na ang pagbaon ng talim sa kaniyang kaliwang kamay na kung hindi siya titigil masusugatan na siya. Pinadulas niya na lamang ang nakaharang na espada sa talim ng hawak nito paibaba sa hawakan niyon. Kapagkuwan ay inalis niya ang isang kamay kasunod ng pagtusok ng hawak sa braso ng binatang prinsipe. Hindi naman niya ito nagawang matamaan dahil nakaatras ito kaagad na siya ring paghampas nito ng sariling espada sa hawak niya. Dahil sa magaan lang ang pagdala niya sa espada nabitiwan niya naman iyon sa lakas ng hampas ng binatang prinsipe, nahulog na lamang iyon sa lupa kasabay ng pagkalatong.
"Iyan ba ang hindi kailangan ng pagsasanay?" panunuyam ni Dermot sa kaniya. Ang mga mata nito ay nakatitig lamang sa kaniyang mukha. "Ni hindi mo nga mahawakan nang maayos ang espada. Pangalawang beses mo na nang nabitiwan iyan. Sa digmaan mahalagang sigurado ka sa kapit mo sa ano mang espada. Paano mo mapangangalagaan ang sarili mo kung wala ka niyon."
"Masyado mong sineseryoso ang bagay na ito," puna niya nang pulutin niya ang nabitiwang espada.
"Paanong hindi ko seseryosohin gayong nagsisimula na naman ang gulo."
"Kaya ko naman pangalagaan ang sarili ko kahit wala ito." Itinaas niya ang hawak na espada.
"Sabihin na nating kaya mo nga. Paano naman ang mga taong nakapaligid sa iyo? Hindi ka na lang basta umasa sa kakayahan mo bilang isang manggagaway. Dahil mayroong pagkakataon na hindi mo siya magagamit," paalala nito sa kaniya.
Sumagi sa kaniyang isipan kung paano namatay ang kaniyang mga kaibigan sa kasalukuyan. Sa pagkasunog nga ng kaniyang katawan wala na siyang iba pang nagawa para mailigtas ang kanilang mga buhay. Aminin niya man o hindi sa harap nito tama rin naman ito sa nasabi.
"Habang tumatagal nagmumukha ka nang lumang tao sa paningin ko. Hindi bilang isang prinsipe." Sinukat niya ang haba ng hawak na espada. Lumampas lamang ang dulo niyon sa sa kaniyang siko.
Pabaliktad niya na lamang na hinawakan ang espada na ikinakunot ng noo ng binatang prinsipe.
"Ayusin mo ang paghawak sa espada," pansin nito sa kaniya. "Hindi dapat ganiyan. Dapat nakaturo ang espada sa langit habang sakop nang buo ng palad mo ang hawakan."
Hindi niya inintindi ang sinabi nito, pinalusot niya lamang sa isang tainga kapagkuwan ay inilabas sa kabila. Nakuha pa nitong ipakita kung paano ang tamang paghawak.
"Susubukan ko lang nang ganito. Hindi naman masama, hindi ba?" Tinaas niya iyon kapantay ng kaniyang balikat para malaman kung kaya ng kamay niya ang bigat. Nakahinga siya nang maluwag nang naitaas naman niya iyon na hindi gaanong nangangalay ang kaniyang kamay.
"Bahala ka. Isa lang ang sasabihin ko sa iyo, mas lalong hindi mo ako matatamaan kung ganiyan ang pagkahawak mo."
Hindi na niya hinintay na sumugod pa ito sa kaniya. Siya na ang kusang tumakbo papalapit dito na winawasiwas ang hawak na espada. Nakailang ulit siya nang wasiwas ngunit naihahampas naman nito ang espada kaya nagtatagpo lamang ang talim ng mga iyon. Sa paghampas nito sa espadang hawak mula sa itaas pinaikot niya naman ang hawak niya sa ilalim ng kaniyang mga kamay kalapit ng dibdib nito, dahil doon hindi na nito naituloy ang balak gawin. Umatras na lamang ito nang hindi niya ito mahiwa. Sa pagtigil ng umikot na niyang espada sinundan niya iyon ng pagtusok naman sa dibdib nito habang nakahanda naman ang kaliwang kamay kung sakaling magawang mapigilan nito ang espada.
Hindi niya naman naituloy ang balak nang hawakan nito ang kamay niyang may dala sa espada. Hinila siya nito palapit na kaniyang ikinabangga sa matigas nitong dibdib. Binitiwan na rin nito ang espada't pinangpigil niya ang isa nitong kamay sa kaniyang kaliwa. Sa lapit ng kanilang katawan hindi na makalusot ang hangin. Nang sandali ling iyon lumabas ng portiko ang dama dala ang kanilang mga almusal, napapatingin na lamang ito sa kanilang ayos ng binatang prinsipe.
Nagkatitigan pa silang dalawa habang naghahalo ang kanilang mga inilalabas na hininga.
"Muntikan ko nang magawa," sabi niya nang lumayo siya sa binata. "Bakit ka tumigil?"
Binitiwan nito ang mga kamay niya. "Panalo ka na," sabi nito nang pulutin nito mula sa lupa ang ginamit na espada.
Tinalikuran siya nito sa paghakbang nito patungo sa portiko. Napapasunod na lamang siya rito na kunot ang noo.
"Hindi pa nga kita natatamaan," paalala niya rito.
"Hindi na mahalaga iyon," sabi nito sa pagkatalikod nito sa kaniya. "Salita ko pa rin ang masusunod."
Nagtataka siyang tumingin dito lalo nang maupo ito sa gilid ng portiko katabi ng mababang mesa kung saan nakalagay ang magiging almusal nila. Umatras naman ang dama matapos nitong maihanda iyon.
"Nagugutom ka na ba?" ang naitanong niya rito dahil iyon ang tanging nakikita niyang dahilan kaya ito tumigil.
Inilapag nito ang hawak na espada sa portiko. "Kumain ka na lang. Huwag na masyadong magtanong." Kinuha nito ang malaking tasang laman ang tsaa.
Lumapit na lang din siya sa portiko kapagkuwan ay naupo roon. Binitiwan na rin niya ang espadang pinagamit nito sa kaniya. Naupo siya sa kabilang bandan ng mababang mesa.
"Bakit hindi mo na lang aminin? Tao ka lang naman. Likas na sa tao ang magutom." Kinuha niya ang manipis na tinapay nang unahin iyong kainin. "Naiisipo bang pagtatawanan kita? O hindi naman kaya para sa iyo ay pagiging mahina na sabihin sa akin na nagugutom ka."
Kumagat na siya sa hawak na tinapay na walang kung ano mang palaman. Ngunit nalasahan niya naman ang tamis niyon na nanunuot sa kaniyang dila.
"Kung iyang kadaldalan mo ginamit mo nang mabuti mataas na sana ang posisyon mo ngayon sa konseho ng aking ama." Sumimsim ito ng tsaa sa pagtitig nito sa kalapit na punong tumubo sa tabi ng pader.
"Paano naman ako naging madaldal?" ang naitanong niya rito dahil iyon ang unang pagkakataon na mayroong nagsabi sa kaniya niyon.
"Isang pangungusap lang ang nasasabi mo kapag kaharap ako. Pero ngayon nakararami ka na hindi mo napapansin."
"Lahat ay nagbabago," saad niya kahit na mayroong laman ang kaniyang bibig.
"Ginamit mo sana ang pagbabagong sinasabi mo para umunlad ka." Kumuha na rin ito ng tinapay na siyang kinagat nito.
"Hindi ko naman kailangang umunlad. Hindi ko nga alam kung hanggang kailan ako mananatili rito. Baka isang araw bigla na lamang akong bumalik sa panahon kung saan ako galing." Sa pagsasalita niyang iyon mayroon sumabit sa kaniyang lalamunan.
Kinuha niya ang tasang mayroong tsaa na para sa kaniya Uminom siya niyon bago pa siya mabulunan.
Napatitig sa kaniyang mukha ang binatang prinsipe dahil sa mga salitang lumabas sa kaniyang bibig. "Ikain mo na lang iyan. Kung anu-ano na naman ang lumalabas sa bibig mo," sabi nito na hindi niya binigyang pansin.
Huminto ito sa pakikipag-usap sa kaniya sa paglagay nito ng buong atensiyon sa pagkain ng almusal. Sa namagitang katahimikan sa pagitan nilang dalawa tanging ang maririnig na lamang ay ang pagsisim nila sa tsaa. Maging siya ay sa pagkain ng tinapay nabaling ang tingin kung kaya mas lalo niyang nalasahan ang tinapay. Sa punto ring iyon umihip nang banayad ang hangin na siyang dumampi sa kanilang mga mukha, pinikit niya ang kaniyang mata nang mas lalo niyang maramdaman ang lamig niyon. Napapatingin na lamang sa kaniya ang binatang prinsipe. Iminulat niya lamang ang kaniyang mata nang marinig niya ang pagtakatak ng mga kabayo na pumasok sa tarangkahan.
Nang ibaling nga niya ang tingin sa tarangkahan naroong pumasok ang dalawang kabayo, sa unang kabayo nakasakay ang kaniyang alalay na si Arnolfo habang hila ang isa pang kabayo sa tali nito. Huminto ang mga kabayo sa bakuran sa harapan nila mismo, tumalon paibaba ang kaniyang alalay sa puntong humalinghinga ang kabayong sinakyan nito.
"Aalis na tayo?" ang naitanong niya sa binatang prinsipe nang isubo niya ang huling pirason ng tinapay.
Tumayo si Dermot habang pinupunasan ang labi ng panyong nakalagay din sa mababang mesa. "Tapusin mo na ang pagkain mo," sabi nito na hindi direktang sagot sa naging tanong niya.
Nilunok niya ang tinapay sa kaniyang pagtayo kapagkuwan ay inubos ang tsaa sa tasa hanggang sa huling patak niyon. Kasabay niyon ang pagdating ng dama dala ang dalawang simpleng roba na magsisilbing pagbabalot-kayo nila sa paglabas nila ng palasyo.
"Tapos na rin ako," aniy sa binatang prinsipe. "Ano ang gagawin mo sa labas? Mag-iikot ako. Ikaw ba, ano?"
"Sasama ka sa akin. Hindi ka puwedeng humiwalay." Tinanggap nito ang iniaabot ng dama na robang kulay asul.
Ang isa naman ay binigay ng dama sa kaniya na kaniya rin namang isinuot.
"Ano bang balak mong gawin?" Isinuksok niya ang unang kamay sa manggas. Sinunod din naman ang kabilang kamay.
Hindi pa man niya naitatali ang roba bumaba na siya ng portiko't lumapit sa kabayo na hawak pa rin ni Arnolfo sa tali nito. Naiwan saglit si Dermot sa portiko na itinatali ang roba sa gawing dibdib, nagmukha nga silang malalayang tao lamang sa mababang uri ng roba na kanilang suot.
"Malalaman mo rin kapag nasa labas na tayo," sabi naman ng binata sa kaniya nang ito naman ang umalis ng portiko. Naglakad ito palapit sa isang kabayo't umakyat doon kaagad. "Pero bago tayo lumabas kailangan mong tandaan na dapat kang makinig sa akin. Dahil sa oras na hindi ka makinig babalik tayo kaagad dito."
Nang tingnan siya ng binatang prinsipe umakyat na rin siya sa siya ng kabayo habang nanatili sa nakatayo sa tabi niyon ang kaniyang alalay na si Arnolfo.
"Ano pa bang magagawa ko kundi ang makinig na lang?" aniya na wala sa loob. Itinali niya na rin ang roba niyang suot sa gawing dibdib niyon.
NAKABANTAY sa tarangkahan ang mga kawal na lampas ang bilang sa kaniyang mga daliri, nakasuot ang mga ito ng magulang na pulang uniporme na umabot ang haba hanggang sa hita. Iniisa-isa ng mga kawal ang papasok at papalabas ng palasyo kung kaya nga mayroong dalawang hanay ng mga tao roon, sa gawing kaliwa ang papasok ng palasyo habang sa kanan naman ang papalabas kung saan sila ni Dermot pumila.
Wala rin naman siyang ideya sa kalakaran sa lumang panahon kaya ang tanging nagawa niya ay ang bumuntot sa binatang prinsipe. Ito nga rin naman ang maraming alam sa kanilang dalawa.
Sa kanilang mabagal na pag-usad sa pila hindi niya naiwasang pagmasdan ang mga papasok ng palasyo na puro mga alipin. Kung anu-ano ang dala ng mga ito magmula sa hinabing tela hanggang sa pagkaing nakakariton na hila ng dalawang lalaking alipin. Nakaguhit sa mukha ng mga ito ang pagod at higit sa lahat ay ang pagkagutom. Hindi niya tuloy mapigilang itanong sa kaniyang sarili kung ilang araw na bang kumakalam ang sikmura ng mga ito dahil lamang sa paninilbihan sa kanilang mga naging amo.
Isa ang bagay na iyon sa panahon na iyon ang kailangang mabago, dapat mawala ang diskriminasyon sa antas ng pamunuhay ng isang tao, hindi na dapat nagkakaroon ng alipin, maging malaya dapat ang isang tao na mamili kung anong trabaho ang papasukin nito.
Sa naisip niya ibinaling niya ang kaniyang atensiyon mula sa mga alipin patungo kay Dermot. Ipinapakita ng binatang prinsipe ang hawak na ginintuang bilugang medalyon sa tagasuring kawal. Nanlaki ang mata ng kawal pagtama niyon sa medalyon. Pinalampas na sila nito na walang iba pang itinatanong sa kanila.
"Sigurado ka bang magiging hari ka?" ang tanong niya sa binatang prinsipe habang laman pa rin ng isipan ang kalagayan ng mga alipin.
Tumingala siya upang pagmasdan ang ibabaw ng tarangkahan. Iyon ang unang pagkakataon na nakita niya ang tarangkahan dahil nang dalhin siya ni Dermot sa palasyo wala siyang malay-tao.
"Sinusubukan mo ba ako?" hirit sa kaniya ni Dermot .
Hindi nito inalis ang tingin sa daan sa mabagal na paglalakad ng kabayo.
"Hindi naman sa ganoon. Gusto ko lang malaman kung gaano ka kasigurado na magiging hari ka," paliwanag niya rito. "Dahil mayroon akong sasabihin sa iyo."
Bumuntonghininga nang malalim ang binatang prinsipe.
"Magiging hari ako kahit ano pa ang mangyari," ang matapang na sabi nito sa paglampas nila sa malakibg sara ng tarangkahan.
"Kung ganoon dapat kapag naging hari ka alisin mo ang mga alipin sa kinalalagyan nila. Wala nang dapat maging alipin."
Pinagmasdan siya nang mataman nito. "Ano ang pinanggagalingan ng sinasabi mo?" pag-usisa nito sa kaniya.
"Iyon lang ang nararapat," saad niya sa pagtitig niya sa mga taong naroon sa labas.
Nagkalat ang mga tao sa daan na iba't ibang direksiyon ang pupuntahan: mayroong mga buhat na kahon ang iba sa likod; mabagal na naglalakad naman ang iba habang nag-uusap; hindi rin nawawala ang mga nagtitinda bitbit ang kanilang mga paninda sa mahabang patpat na nakasukbit sa balikat; naroon din ang mga batang naglalaro ng habulan.
"Matagal nang mayroong mga alipin," sabi naman sa kaniya ni Dermot.
Ibinalik niya ang tingin dito. "Kaya nga dapat nang mabago. Simulan mo iyon kapag ikaw ang naging hari. Sinasabi ko na sa iyo mawawala rin ang pagiging alipin ng mga tao. Magkakaroon sila ng kalayaan na mamimili kung saan at anong trabaho ang gusto nila."
"Hindi magiging madali ang sinasabi mo," paalala nito sa kaniya sa pagtigil niya sa harapan ng karatula na pinaglalagyan ng mga pahayag. "Mahabang kasaysayan ang kailangan mong palitan," dugtong pa nga nito nang maging mas malinaw sa kaniya.
"Alam ko. Wala namang bagay na madali. Nasa tao na iyon kung gagawin niya ba o hindi. Sabi nga nila ang mayroong ayaw marami ang dahilan. Pero kapag gusto mo naman walang imposible," ang mahaba niyang sabi kaya napatitig sa kaniya si Dermot. Samantalang siya naman ay napatitig sa malapad na papel dahil sa nakasulat doon na naghahanap ng mga panibagong magiging alalay ang konsorte ng hari. "Ano naman ito?" aniya na nakaturo pa sa papel.
Tiningnan din naman ni Dermot ang pahayag kaya kumunot ang noo nito nang ibalik nito ang tingin sa kaniya.
"Nakikita mo namang naghahanap ng mga panibagong alalay. Itinatanong mo pa," mariin nitong sabi sa kaniya.
"Hindi iyan ang ibig kong itanong. Ang ibig kong malaman bakit kailangan pang maghanap ng alalay ang konsorte?" paliwanag niya kay Dermot.
Naintindihan naman nito ang kaniyang itinutukoy. "Lahat ng mga tao sa palasyo kailangan ng proteksiyon. Hindi na naiiba ang konsorte lalo na't maraming tao ang naiinggit sa kaniya," saad naman ni Dermot. "Masyado pang bata ang konsorte pagkatapos nagtataglay pa siya ng ganda."
Napatango-tango siya sa narinig. Napansin niyang iba ang paraan nito sa pagbanggit sa konsorte, mayroong taglay na paghanga.
"Humahanga ka roon sa konsorte, ano? Alalahanin mo konsorte siya ng hari, hindi ng prinsipeng katulad mo."
"Alam ko," matalim nitong sabi sa kaniya.
Pinalakad niya na lamang ulit ang kabayong kinasasakyan. "Humahanga ka nga sa kaniya. Gusto ko na tuloy makilala ang konsorte para malaman ko kung anong klaseng babae ang pumukaw sa interes mo."
"Hindi ako humahanga. Saan mo ba pinupulot ang mga salitang sinasabi mo?" ang naiinis nitong sabi sa kaniya.
Nilingon niya ito dahil sa bagay na iyon. "Alam mo para kang bata na inagawan ng kendi kung makaasal ka ngayon," hirit niya na lalong nagpagulo riyo. Mahahalata iyon sa lalong pagsalubong ng dalawa nitong kilay.
Sa pagbalik niya ng tingin sa daan kaagad niyang napansin ang tagasuri na si Santino na kalalabas lamang sa tarangkahan ng gusaling kilala sa paggagamot gamit ang mga halamang gamot. Dala nito sa isang kamay ang maliit na kahon na nababalot ng kulay-rosas na tela. Nang mapalingon ito sa kinalalagyan nila kaagad itong kumaway na ginantihan niya rin naman. Pinalapit niya ang kabayo rito na hindi nagpapaalam sa binatang prinsipe, napapasunod na lamang si Dermot sa kaniya na masama na naman ang mukha. Umiiwas naman sa kinasasakyan niyang kabayo ang mga taong napapadaan kaya wala naman siyang nabangga. Ilang hakbang pa nga ay nakarating na siya sa harapan ng tagasuri. Nasisinghot niya pa ang usok na nagmumula sa gusali na amoy nasusunog na halamang ligaw.
"Ano ang ginagawa niyo rito sa labas?" ang naitanong sa kaniya ng tagasuri.
Tiningnan niya ang hawak nito. "Hindi ko alam diyan kay Dermot. Wala pang sinasabi sa akin. Hindi ko rin pa naitatanong," aniya kay Santi. "Ikaw naman, ano ang inilabas mo rito?"
Gumuhit ang manipis na ngiti sa labi sa naging tanong niya rito.
"Dito kami sa kabisera nakatira. Hindi sa loob ng palasyo," pagbibigay-alam nito sa kaniya.
"Akala ko naman sa loob ka rin nakatira," sambit niya na siya ring paglapit ni Dermot sakay ng kabayo. "Ano nga iyang hawak mo?"
Hindi na nakuhang batiin ng tagasuri ang binatang prinsipe dahil nga nasa labas ito.
Itinaas ng tagasuri ang hawak na maliit na kahon na nababalot ng kulay-rosas na tela. "Gamot ito sa sakit ng ulo ng ama ko. Hindi na gumagaling sa pag-inom ng tsaa kaya kinailangan ng ibang pangremedyo," sabi naman nito sa kaniya na muli nitong pagbaba sa hawak na kahon.
"Sana naman gumaling na ang sakit ng ulo ng ama mo," sabi niya dahil wala naman siyang maisip na sabihin. "Mahirap nga rin naman gumawa ng gamot sa panahong ito.
"Pero naniniwala akong darating ang araw na hindi na mahihirapan sa paggagamot ang mga tao," ang naisatinig ng tagasuri.
Naituro niya ito sa nasabi nito. "Hindi ka nagkakamali sa bagay na iyan. Iba't ibang gamot ang madidiskubre na kahit malalang sakit kaya nang gamutin," sabi naman niya kaya napatitig sa kaniya ang tagasuri. "Iyon ang naiisip ko. Nakikinita ko na ang mangyayari," dugtong niya na lamang para maitago ang tunay niyang katauhan.
Napatango-tango naman ang tagasuri sa narinig.
"Ano bang gagawin niyo? Bumisita ka na lang sa bahay namin para maipakita ko sa iyo ang aming inani na mga tsaa," ang nasabi bigla nang tagasuri sa kaniya.
Sa pag-uusap nilang iyon sumingit ang binatang prinsipe na kanina pa nakikinig.
"Hindi siya sasama sa iyo," mariin nitong sabi kapagkuwan ay hinila ang tali ng kabayong kinasasakyan niya palayo sa tagasuri.
Naibalik niya na lamang ang tingin kay Santi sabay sabing, "Mamaya bibisita kami. Pupunta muna kami sa pupuntahan nitong kasama ko. Alam niya rin naman siguro kung saan ang bahay niyo. Kung ayaw naman niya magtatanong-tanong na lang ako."
Tinuro niya pa ng hinlalaki si Dermot kaya sinamaan siya nito ng tingin.
"Aasahan ko iyan," ang huling nasabi ni Santi sa kaniya.
Tumuwid na lamang siya nang upo bago pa siya mahulog sa kabayo sa mabilis na niyong paglalakad.
"Hindi ka pupunta sa kanila dahil hindi rin ako pupunta." Bumitiw na ito sa tali kaya hinawakan niya na kaagad.
"Napapansin ko parang mayroon kang galit kay Santi. Magkaaway ba kayo?"
Tumalim lalo ang tingin nito sa kaniya nang lingunin siya nito. "Huwag mo nang itanong kung ayaw mong bumalik kaagad sa palasyo," paalala nito sa kaniya kaya nanahimik na rin naman siya.