NAGTUNGO ang binatang prinsipe sa pagawaan ng mga banga na ginagamit mula sa maliit na klaseng pangdekorasyon hanggang sa imbakan ng mga pagkain. Nakabuntot pa rin siya rito na para bang isa siya nitong alipin. Gusto niya sana itong takasan ngunit sa klase ng tingin nito sa kaniya pihadong kapag ginawa niya sisiguraduhin nitong hindi na nga siya makalalabas pa ng palasyo kailanman. Kung kaya nga mas pinili niya na lamang na maging sunod-sunoran dito. Mainam na nga rin iyong napupuntahan niya ang ibang lugar sa kabisera nang maging pamilyar sa kaniya sa pananatili niya roon.
Labas-pasok ang mga tao sa tatlong gusaling pinapagitnaan ang malawak na lupa dala ang katatapos lamang na mga gawang banga. Iniiwan ng mga ito ang mga banga sa labas nang mabilad sa init ng araw. Hindi lang suot ng mga manggagawa ang nabahiran ng ginamit na putik dahil maging mukha ng bawat isa ay narumihan na rin niyon. Hindi rin nawawala ang ingay ng iniikot na konkreto na siyang pinapatungan ng luwad ng mga tagamolde.
Kinusot niya ang kaniyang ilong sa pagsuksok ng matapang na amoy ng luwad habang nakatingin siya sa mga nakabilad na bagong gawang mga banga.
"Ano bang gingawa nating rito?" ang naitanong niya sa binatang prinsipe nang ibaba niya ang kaniyang kamay. "Huwag mong sabihing ipapasok mo ako dito."
"Gusto mo ba?" paghahamon naman nito sa kaniya.
Hindi ito sa kaniya nakatingin kaya hindi niya masabi kung tunay ngang nagbibiro ito. "Siyempre hindi," saad niya habang kumakamot ng ulo.
"Kakausapin ko lang ang isang tao na ang balita ko ay dito na nagtratrabaho." Iniikot nito ang paningin sa mga manggagawang naroon.
"Bakit isinama mo pa ako kung mayroon ka rin lang naman pa lang kakausapin," daing niya rito nang malaman nitong hindi niya nagugustuhang magtungo roon.
Sa puntong iyon pinagmasdan na siya nito. "Ginusto mong sumama kaya tumulong ka na lang sa paghahanap," mariing sabi ng binatang prinsipe sa kaniya.
Itinaas niya ang kaniyang kanang kamay dito indikasyon ng kaniyang pagsuko.
"Sino ba ang hinahanap mo?" ang nasabi niya na lamang dito. "Bigyan mo kaya ako ng ideya kung ano ang itsura para alam ko."
Bumuntonghininga nang malalim si Dermot na mahahalata sa pagbagsak ng balikat nito. "Malalaman mo kaagad na siya ang hinahanap ko dahil sa bulag niyang kaliwang mata. Sa oras na makita mo huwag na huwag mo siyang alisin sa paningin mo," ang nasabi sa kaniya ng binata.
Hindi na niya hinintay na masabi pa nito ang iba pang sasabihin kahit na hindi naging malinaw sa kaniya ang huling pangungusap na nabanggit nito. Lumakad na lamang siya patungo sa gusaling nasa kanan kaya naiwan ito na nakasunod ng tingin sa kaniya.
Pinagmasdan niya ang mga manggagawa roon kaharap ang kontretong mabilis na umiikot na kinapapatungan ng luwad, nakapisil ang mga daliri sa luwad na siyang nagtutulak para makagawa ng hugis. Napapalingon pa ang ilan sa kaniya na ang mga mukha rin naman ay nalagyan ng kayumanging putik. Halos kasingkulay na ng mga luwad ang mga balat ng mga ito, nanilaw na rin ang mga palad na maalis din naman sa sandaling maghugas na ang mga ito ng mga kamay. Wala rin naman sa mga taong una niyang nakita ang hinahanap ng binata na bulag ang isang mata.
Hindi niya na lamang pinansin ang pinupukol na tingin ng mga tao sa kaniya sa kaniyang pagpapatuloy sa paghahanap Naisipan niya pang lingunin si Dermot na naroon nga sa kabilang gusali na naghahanap din naman na mahigit sampung dipa ang layo sa kaniya. Maging ang binatang prinsipe ay napalingon sa kaniya, mayroong nagtulak sa kaniya na kumaway dito na ikinakunot ng noo nito pagtama ng mata nito sa kaniyang nakataas na kamay. Maging siya rin naman ay napakunot ang noo nang mapagtanto niyang itinaas niya ang kamay na wala sa kaniyang sarili, ibinaba niya na lang din ang kamay na kunot ang noo. Nakuha niya pa ngang hampasin iyon na para bang nakagawa iyon ng malaking kasalanan.
Sa kaniyang paghakbang humarang sa kaniyang harapan ang isang ginang sa bulaklaking damit, hawak nito ang pulang abaniko na kasingkulay ng suot nito. Nang magtama ang kanilang mga mata sumama ang tingin nito sa kaniya dahil sa galit. Lumingon siya sa kaniyang likuran sa pag-aakalang mayroong ibang tao itong tinitingnan ngunit wala rin namang nakatayo sa likuran niya kaya sigurado na siyang sa kaniya ito galit. Hindi niya naman maintindihan kung bakit ito nagagalit gayong tumitingin lang naman siya sa mga manggagawa. Naisip niya pang pinagbabawal ang bagay na iyon ngunit sa itsura naman ng pagawaan nakikita niya namang puwedeng tumingin-tingin ang mga mamimili kaya nakadagdag lamang iyon sa kaniyang pagtataka.
Nabigyang-linaw lamang ang gumugulo sa kaniya nang sandaling iyon sa nasabi nito.
"Ikaw na naman. Sinabi ko sa iyo na hindi ka puwede rito," ang sabi ng babae na mayroong galit sa boses nito. "Malulugi na naman ako dahil sa iyo. Balak mo na naman bang sirain ang negosyo ko?"
"Hindi ko alam kung paano niyo nasasabi iyan. Kapupunta ko pa lang dito," paliwanag niya sa ginang.
Ibinuka ng ginang ang hawak na abaniko kapagkuwan ay mabilis na nagpaypay. "Huwag kang umaktong nakalimutan mo ang nangyari nang nakaraang buwan lang," mariin nitong sabi sa pagtiklop nito ulit sa hawak.
Tinuro pa ito iyon sa kaniya na para bang isa siyang taong makasalanan.
Idinikit niya ang kaniyang daliri sa harapan ng kaniyang bibig.
"Kung nangyari nang nakaraang buwan hindi ko talaga matatandaan," paliwanag niya sa ginang. Napatango-tango pa siya sa pagbaba ng kamay dahil nga ang prinsipe nga naman ang nakaharap nito. "Nakalimutan ko talaga," dugtong pa niya.
"Talagang kinalimutan mo talaga."
"Hindi naman sa gusto kong kalimutan. Nawala lang talaga sa alaala ko." Itinaas niya ang kaniyang balikat kasabay ng kamay para ipakita rito ang pagkawala ng kaniyang interes sa bagay na sinabi nito.
Hinampas ng ginang ang hawak na abaniko sa palad na gumawa ng basag na tunog.
"Sinabi ko na ngang mababa ang mga kalidad ng banga ko, nakuha mo pang basagin." Inilagay nito ang dalawang kamay sa tagiliran.
Sa narinig nalaman niyang minsang iba rin ang takbo ng utak ng prinsipe, naging ugali na nitong mangmaliit para makabawi sa nangyayari sa loob ng palasyo. Ibinubunton sa ibang tao sa labas.
"Kung ganoon ipagpaumanhin niyo na ang nagawa ko. Sigurado namang nabayaran ko rin naman, hindi ba?" sabi niya nang maisip na kahit iyon na lamang ay nagawa rin ng prinsipe.
"Binayaran mo nga pero hindi kita pa rin tatanggapin dito kahit na marami kang salapi." Itinuro nito ang abaniko sa huling pagkakataon.
"Kumakalam lang kayo." Tinaas niya ang dalawa niyang kamay para sa ginang. "Mayroon lang akong hinahanap."
"Kung sino man ang hinahanap mo wala siya sa lugar na ito."
"Lumabas ka na habang mabait pa ako. Kung hindi ka naman makikinig ipapakaladkad kita palaabas nang madala ka," paalala nito sa kaniya.
Tiningnan nito ang dalawang lalaking nagbubuhat ng mga banga palabas. Isinenyas nito ang hawak na abaniko sa mga ito kapagkuwan ay itinuro sa kaniya kaya ibinaba ng mga ito ang mga dalang banga. Humakbang ang mga ito patungo sa kaniyang kinatatayuan na nilalampasan lamang ang ginang.
Sa punto ring iyon napadaan sa likuran ng ginang taong bulag ang isang mata na hinahanap ni Dermot. Bitbit nito sa dalawang kamay ang maliliit na timba na naglalaman ng mga luwad, natatabunan ang ulo nito ng putong, ang suot nito ay hindi rin nakaligtas sa mga putik.
Nang balak siyang hawakan ng dalawang lalaki sa balikat na nakalapit sa kaniya lumusot siya sa ilalim ng mga kamay nito nang nakayuko. Dumaan siya sa pagitan ng mga ito patungo sa lalaking bulag. Dinaanan niya lang din ang ginang na lalong sumama ang tingin sa kaniya. Sa paghabol niya sa lalaking bulag nakabuntot din sa kaniya ang dalawang lalaki.
"Manong, sandali!" tawag niya sa pansin ng lalaking bulag.
Narinig naman siya nito kaya lumingon ito patungo sa kaniya. "Ano ba ang kailangan mo?" ang naitanong pa nito.
Hindi na niya ito nasagot nang ibagsak nito ang mga dala habang nanlalaki ang mga mata sa nakita nito sa kaniyang likuran. Nang lumingon siya sumalubong sa kaniya si Dermot na mabilis na naglalakad patungo sa kanila. Naibalik niya na lamang ang tingin sa lalaking bulag nang kumaripas ito ng takbo sa pasilyo ng gusali, maging ang binatang prinsipe ay napapatakbo na rin na nilalampasan pa siya.
Sumunod na rin siya ng takbo kay Dermot lalo na't mahahawakan na naman siya ng dalawang lalaki na tauhan ng ginang.
Sa paghabol ng binatang prinsipe sa lalaking bulag, ginugulo ng bulag ang mga nakatabing mga banga. Ibinibagsak niya sa daan na ikinabasag ng mga iyon na nagpasigaw sa ginang. Samantalang ang mga manggagawang nasa tabi ay napapatigil habang nakatingin sa kanilang mga tumatakbo.
"Pigilan niyo sila! Bilisan niyo!" ang naisigaw pa ng ginang na napapahawak na sa ulo nito.
Wala rin namang naitulong ang pinanghaharang na mga nabasag na banga dahil tinalon lamang iyon ni Dermot upang makadaan. Samantalang siya naman ay lumabas ng pasilyo nang lumiko ang lalaking bulag papalabas ng gusali. Nang ibalik niya ang tingin sa lalaking bulag inakyat nito ang mga patong-patong ng dayaming parisukat para makaakyat sa bubong. Sa likuran pa rin nito ang binatang prinsipe na nakabuntot pa rin.
Sa pag-akyat ng lalaking bulag sa bubog nahawakan pa ito ni Dermot. Dahil doon nadapa ang lalaking bulag sa bubongan na mayroong kasamang pagdaing. Binato pa nito ng mga nakuha nitong laryo ang binatang prinsipe na naiilagan naman. Umabot pa ang mga ibinatong laryo sa kaniya, kamuntikan pa siyang matamaan sa mukha. Mabuti na lamang nakayuko siya kaya ang natamaan ay ang isa sa mga lalaking sumusunod sa kaniya. Napadaing na lamang ang lalaki nang matamaan sa dibdib.
Sa kaniyang pag-akyat sa patong ng mga parisukat na dayami nabitiwan pa rin ng prinsipe ang lalaking bulag nang sumipa ito. Ginawa iyon ni Dermot nang hindi matamaan ang guwapo nitong mukha.
Matapos ngang makalaya ang lalaking bulag patakbo itong bumangon sa bubongan na siya ring nagtulak sa binatang prinsipe na bilisan ang pag-akyat. Samantalang naiwan naman siya sa dayami nang mapigilan siya ng isa sa mga lalaking tauhan ng ginang sa kaniyang mga paa. Hinila siya nito paalis ng dayami, nakuha niya pang humawak sa dayami nang hindi siya tuluyang mahila ng mga ito ngunit hindi rin naman nangyari iyo bumagsak pa rin siya sa lupa na kaniyang ikinaungol. Nabagsakan pa siya sa ulo ng hinila niyang dayami sa pagkaputol ng taling nakatali sa mga ito.
Kinaladkan siya ng lalaking mayroong hawak sa kaniyang paa palayo sa bubongan. Sa balak na paghawak ng ikalawang lalaki sa kaniyang mga kamay, iniikot niya ang kaniyang katawan kaya lumuwag ang kapit ng unang lalaki sa kaniyang mga paa. Sinundan niya kaagad iyon ng sipa ng likod ng kaniyang mga paa kaya sa mukha ng lalaking kumakaladkad sa kaniya kaya napahakbang ang unang lalaki pakaliwa. Pagkaraa'y pinatid naman niya sa paa ang ikalawang lalaki kaya bumagsak ito sa lupa nang patagilid.
Sa kaniyang pagbangon humarang sa daraanan niya ang lalaking nasipa niya nang hindi siya makatagbo patungong bubongan, hawak pa nito ang nasaktang pisngi. Tumabi pa nga rito ang kasamahan nito pagkatapos na bumangon. Gayunman hindi pa rin naman siya nagpapigil sa mga ito. Tumakbo na lamang siya patungo sa mga ito kapagkuwan nagpadulas sa ilalim ng unang lalaki para makalusot. Nang aakma lilingon ang mga ito bumangon na siya kapagkuwan ay tumalon sa tambak ng dayami. Itinapon niya pa patungo sa mga ito ang nahawakang dayami, nabuwag din ang mga iyon sa pagkaputol ng tali na siyang humarang sa mukha ng dalawang lalaki.
Habang inaalis ng mga ito ang dayami sa kanilang mga mukha, inakyat niya na ang kaniyang sarili sa bubong. Kumapit siya nang mahigpit sa gilid niyon na naalisan ng laryo kapagkuwan naupo roon. Nang hindi siya makasunod pinagsisipa niya ang nakatambak na mga dayami kaya kumalat iyon sa ibaba. Wala na ngang nagawa ang dalawang lalaki kundi ang tumingala sa kaniya sa kawalan ng maakyatan ng mga ito.
Nang sandaling iyon lumapit sa gawing iyon ng pagawaan ang ginang na nagpupuyos na sa galit, mahahalata ang mahigpit nitong kapit sa pula nitong abaniko. Samantalang ang ibang mga manggagawa roon ay nanatiling nanonood na walang pakialam sa nangyayari.
"Bumaba ka riyan kung ayaw mong ipahuli kita!" pagbabanta sa kaniya ng ginang.
"Huwag mo nang gagawin. Aalis na rin naman ako," ang nakuha niyang sabihin sa kaniyang pagtayo sa bubongan. "Saka hindi ko kasalanan kaya marami na namang nabasag na banga. Singilin mo ang kasama ko. Mababayaran ka niya."
"Paano ko magagawa iyon kung wala siya rito?!" singhal ng ginang sa kaniya.
"Huwag kang mag-aalala sasabihin ko sa kaniya."
Itinaas niya ang kaniyang kamay bilang tanda ng pagpaalam dito. Lumakad na siya sa bubongan nang maabutan niya pa si Dermot na hinahabol ang lalaking bulag. Naibato na lamang ng ginang ang abaniko sa lupa sa kaniyang pag-alis habang tumitili ito sa galit.
"Huwag na huwag kang babalik dito! Dahil kung hindi makikita mo ang hinahanap mo!" ang huling sigaw ng ginang na kaniyang narinig. Pinalusot niya lamang iyon sa isang tainga't inilabas sa kabila.
Maingat siya naglakad sa bubongan sa makarating siya sa kabila niyon. Habang nasa itaas pinagmasdan niya ang mga taong naglalakad sa daan habang hinahanap ng kaniyang mata ang binatang prinsipe. Nakita niya naman ito sa gitna ng daan na iniikot ang paningin sa paligid. Nang magtama ang tingin nito sa kaniya tumalon na siya paibaba ng hagdanan.
Napapatingin na lamang sa kaniyang paglapag sa lupa ang ibang napapadaan. Hindi niya binigyang-pansin ang mga ito sa kaniyang paglapit sa binatang prinsipe na patuloy pa rin sa paghahanap.
"Iyong mga nabasag niyong banga sa pagawaan kailangan mong bayaran," pagbibigay alam niya kay Dermot.
Nakapako pa rin ang mata nito sa mga nagkalat na tao kanilang paligid. "Hindi ko kailangang bayaran ang mga bangang mababang uri naman ang kalidad," sambit nito sa kaniya.
"Sigurado ka ba diyan?" ang naitanong niya rito.
"Gumagamit lamang sila ng luwad mula sa ilog na hindi magandang gamitin para sa paggawa ng mga banga. Marami na silang naloko pero ganoon din kadami ang naniniwalang maganda ang kanilang gawa kaya hanggang nakatayo pa rin iyan," paliwanag sa kaniya ni Dermot. "Hindi siya naipapasara dahil wala rin naman silang ginagawang hindi naayos sa batas."
"Kung ganoon hindi rin naman pala nagkamali ang prinsipe," ang naisatinig niya kaya napalingon sa kaniya si Dermot.
"Sinong prinsipe ang sinasabi mo?" pag-usisa nito sa kaniya.
"Huwag mo na lang itanong," aniya na hindi itinatangging nagkamali siya sa nasabi. "Ano pa bang ginagawa mo rito? Akala ko ay hinahabol mo pa rin ang lalaking iyon."
"Ganoon nga ang ginagawa ko. Nagtatago lang siya. Hinihintay kong kusa siyang lumabas dahil alam kong nakikita niya ako sa pinagtataguan niya. Wala siyang ibang madadaanan kundi dito lamang sa daan."
"Ibig mong sabihin kapag buong araw siyang nagtago buong araw ka ring tatayo rito." Inikot niya ang kaniyang paningin nang mapagmasdan ang mga taong naglalakad at ang mga ilan na nagtitinda sa tabi ng daan.
"Hindi siya magtatagal sa pagtago. Hindi siya makatitiis. Ganoon ang paguugaling mayroon siya," wika ng binatang prinsipe.
Hindi pa natatapos sa pagsasalita si Dermot nang biglang lumabas ang lalaki sa pinagtataguan nito sa ilalim ng mesang pinaglalagayn ng mga panindang palamuti sa katawan. Ang babaeng nagtitinda roon napasigaw na lamang. Hindi rin siya nagulat nang hawakan siya ng lalaki sa leeg mula sa likod kasabay ng pagtutok ng kutsilyo sa ilalim ng kaniyang baba. Sa higpit ng pagkahawak nito para na siya nitong sinasakal kaya hindi siya makahinga nang maayos. Hindi naman magawang makalapit sa kanila ang ibang mga tao roon na mahahalata ang takot sa mukha.
"Pabayaan mo na ako kung ayaw mong butasin ko ang leeg nitong kasama mo," banta ng lalaking bulag sa binatang prinsipe.
Tiningnan siya ni Dermot na walang kung anong pag-alala sa mukha nito. Pakiramdam niya tuloy wala itong mararamdamang awa sa kaniya kahit masugatan pa siya. Pinatunayan pa niyon nang sumunod nitong sinabi.
"Gawin mo. Hahayaan pa kita," udyok pa ni Dermot na ikinakunot ng kaniyang noo.
"Seryoso ka?!" ang naiinis niyang sabi sa binatang prinsipe.
"Ano sa tingin mo?"
Pumanting ang tainga niya sa narinig mula kay Dermot. Sa nagsisimulang lumabas na inis sa kaniyang sarili, mabilisan niyang inalis ang kamay ng lalaking nakahawak sa kaniyang kapagkuwan ay binalibag ito. Pagbagsak nito sa lupa pinilipit niya kaagad ang kamay nitong may hawak sa maliit na kutsilyo kasabat ng pagtapon sa patalim sa tabi ng daan.
"Sa susunod hindi mo dapat ginagamit ang mga taong mahihina kung tingnan nang hindi na maulit ito sa iyo," sabi niya pa sa lalaki habang tinutuhod ito sa leeg.
Naalis niya lamang ang atensiyon dito nang magsalita si Dermot.
"Kailangan mo pa talagang itanong sa akin samantalang alam natin parehong magiging madali lang sa iyong mapatumba siya," anang binatang prinsipe sa kaniya sa paglapit nito sa lalaking bulag. "Alis na," pagtaboy pa nito.
Kunot ang kaniyang noo na tumayo siyang tuwid.
Hinawakan ni Dermot ang lalaking bulag sa likuran ng suot nitong hinila paalis ng daan.
"Ano bang kailangan mo!? Bitiwan mo!" sigaw pa ng lalaking bulag. Pilit nitong kumawala sa kamay ng binatang prinsipe ngunit lalo lamang binibilisan ni Dermoy ang paghila dito.
Napasunod na lamang siya nang dalhin ni Dermot ang lalaki sa esknita sa pagitan ng dalawang bahay malayo sa tingin ng mga tao sa daan.
"Sasagutin mo ang mga tanong ko nang totoo. Dahil kung hindi alam mo na ang mangyayari sa iyo." Binalibag ni Dermot ang lalaking bulag kaya bumangga ang likuran nito..
Bumaluktot ang lalaking bulag dahil sa takot sa binatang prinsipe.
"Wala akong ginagawang masama," sabi ng lalaking bulag. "Tahimik na akong nabubuhay bakit mo pa ako dinadamay."
"Bakit mo sinasabi ang ganiyan? Gayong wala pa naman akong sinasabi?" mariing sabi ni Dermot.
Tinapakan ng binatang prinsipe ang dibdib sa pagkasandig nito sa dingding bahay kaya napapangiwi ito sa akin. Doon niya nasaksihan na mayroong pagkamarahas ngang tunay si Dermot. Hindi niya akalain na sa pagkakataong iyon pa niya malalaman. Isa lang ang tumimo sa kaniyang isipan kung gugustuhin nitong saktan siya magagawa nga nito. Napapaisip tuloy siya kung ano ang nagpipigil dito para magawa iyon dahil ilang ulit niya na itong ginalit. Sa pagtakbo ng kaniyang isipan napahawak siya sa kaniyang tainga nabungi, ito nga rin naman ang may gawan niyon.
"Wala akong ginagawang masama," pag-ulit ng lalaki sa nauna nitong sinabi.
"Huwag ka nang magsinungaling. Hindi mo ako mapapaniwala. Isang malaking pagkakamaling pinalaya ka."
"Pero wala talaga akong ginagawa," pagtatanggol nito sa sarili.
"Kung wala sabihin mo sa akin kung ano ang nalalaman mo." Inilipat nito ang paa sa leeg ng lalaking bulag kaya nahirapan nitong huminga.
Sa nakikita niyang paghihirap ng lalaking bulag hinawakan niya si Dermot sa braso na ikinalingon nito sa kaniya. Iniling niya ang kaniyang ulo para hindi nito idiin pa ang paa sa leeg ng lalaking bulag.
"Kausapin mo na lang kaya siya nang maayos," aniya sa binatang prinsipe.
Inalis nito ang paang nakaipit sa leeg kaya nakahinga nang maluwag ang lalaking bulag kasunod ng pag-ubo nito.
"Ang mga katulad niya'y hindi madadaan sa mabuting usapan," ang matapang na sabi sa kaniya ng binatang prinsipe.
Bumuntonghininga siya nang malalim sa narinig. "Ako na ang kakausap sa kaniya," aniya kay Dermot. "Tungkol ba saan ang gusto mong malaman?"
Nag-usap sila sa pamamagitan ng kanilang mga mata. Bumuntonghininga ito nang malalim makalipas ang ilang sandali indikasyon ng pagsuko nito.
"Subukan mo pero kung wala kang makuha tatamaan ka na rin sa akin," saad nito na kaniyang ikinabikit-balikat. "Itanong mo sa kaniya kung ano ang kinalaman niya sa nangyayari sa palasyo."
"Iyon ba talaga ang gusto mong itanong." Tiningnan niya ang lalaking bulag na takot na takot. "Mukha naman wala siyang ibang kayang gawin kundi ang gumawa ng mga banga."
"Huwag kang magpaloko sa itsura niya. Minsan na niyang pinagpalit ang kaluluwa ng asawa niya sa demonyo kapalit ng marangyang pamumuhay. Liban pa roon nagawa niya ring guluhin ang palasyo. Wala lang naniniwalang mayroon siyang kinalaman dahil pinaniniwalaang naloko lang din siya. Nagiging malaya siya dahil sa kapangyarihan ng isang opisyal. Maloloko niya ang lahat pero hindi ako," pagbibigay-alam ni Dermot. "Ano? Tingin mo pa ba sa kaniya ay hindi gagawa nang masama?"
Nagkibit-balikat siya sa narinig mula sa binatang prinsipe. "Hindi ko alam kung maniniwala rin ba ako sa mga salita mo. Pero tanungin ko na rin siya tutal wala rin namang mawawala," aniya sa binatang prinsipe kapagkuwan ay ibinaling niya ang kaniyang buong atensiyon sa lalaking bulag.
Humarap nga siya sa lalaking bulag kapagkuwan ay pinakatitigan niya ito samantalang nakabantay lang ai Dermot. Sa itsura nitong nangingitim ang ibaba ng mga mata mahahalatang hindi ito nakatutulog nang maayos. Pinakatitigan pa siya nito ngunit wala na ang takot sa mga mata nito. Yumukyok siya nang makausap niya ito sa malapitan.
"Lumayo ka sa akin," ang matapang na sabi sa kaniya ng lalaki.
Nasinghot pa ang mabahong amoy na inilabas ng pagsasalita nito.
"Hindi ako lalayo hanggang hindi mo sinasabi ang totoo," aniya sa lalaking bulag. "Kung ako sa iyo magsasalita na ako dahil kung hindi masasaktan ka talaga ng kasama ko," dugtong niyang pabulong dito.
"Gawin niyo. Mas gugustuhin ko pa ang ganoon."
Nasapo niya ang kaniyang noo sa narinig habang pinaliit ang tingin sa lalaki. "Huwag kang ganiyan. Sagutin mo lang ano ang alam mo sa nangyayaring paglabas ng mga nilalang sa palasyo pagkatapos makaalis ka na. Ako na ang bahala sa kasama ko basta sabihin mo lang ang kailangan namin."
Pinakatitigan siya nito nang mariin. "Bakit ako ang tinatanong mo samantalang ikaw ang mas marami ang alam sa bagay na iyon," saad ng lalaking bulag. Gumuhit pa ang manipis na ngisi sa mga labi nito.
Nagsalubong ang dalawa niyang kilay dahil hindi niya nagugustuhan kung saan papunta ang pagtatanong niya rito.
"Ano ang pinagsasabi mo?" ang naitanong niya sa lalaking bulag.
"Ikaw ang puno't dulo ng lahat," sumunod na sabi nito.
Hindi siya makapagsalita sa bagay na iyon dahil hindi rin naman alam kung ano ang ginawa ng prinsipe bago siya mapunta sa panahon na iyon.
"Huwag kang magsalita ng ganiyan. Nagkakamali ka lang." Tumayo siya nang tuwid nang mapag-isipan niya ang mga narinig.
Lumayo pa nga siya rito nang ilang hakbang dahil bigla siyang nakaramdam ng pamamanhid ng kaniyang mga kamay. Napapatitig na lamang sa kaniya ang binatang prinsipe.
Ibinaling ng lalaking kalbo ang tingin kay Dermot. "Siya dapat ang tinatanong mo dahil siya lang naman ang nag-utos sa akin para ikalat ang mga demonyo sa loob ng palasyo," ang nakalolokong sabi ng lalaki.
Dahil doon sumama ang tingin sa kaniya ng binata. Iniling niya ang kaniyang ulo para sa binatang prinsipe.
"Huwag kang maniwala sa kaniya," aniya kay Dermot. "Wala akong kinalaman sa nangyayaring pagkalat ng mga nilalang sa palasyo."
Wala rin namang sinabi si Dermot sa kaniya. Nanatiling masama ang tingin nito.
"Sa tingin mo dahil sa nawala mong alaala makaliligtas ka, nagkakamali ka. Hindi mo maibubunton sa akin ang kasalanan mong magawa. Mamamatay muna ako bago mangyari iyon," sunod na sabi ng lalaking bulag.
Nawindang siya sa mga naging salita nito. Hindi nga naman malayong tama ang mga sinabi nito. Iyon nga lang hindi naman talaga nawala ang alaala ng prinsipe dahil siya ang pumalit sa katawan nito. Nasapo niya ang kaniyang ulo dahil sa kaguluhan sa kaniyang isipan. Minsan pa ay naitanong niya sa sarili kung ano nga ba ang ginawa ng prinsipe bago siya mapunta roon.
"Paano mo nalaman na nawala ang alaala ko?" ang naitanong niya dahil sa pagkakaalam niya kaunti lang naman ang nakaalam sa bagay niyon.
"Ano pa ba? Dahil sa kilala mo ako. Sinabi mo sa akin bago mo ako ilagay sa pagawaan ng mga banga."
Nasapo niya ang kaniyang ulo nang makaramdam siya ng pananakit niyon. Naibaba niya lang ang kaniyang kamay nang hawakan siya ni Dermot sa kaniyang suot. Nagpupuyos ang galit nito na tumingin sa kaniya.
"Ganiyan ka na ba talaga kadespirado para lang magkasama tayo?" ang mariin nitong sabi.
"Ano ang pinagsasabi mo?" tanong niya rito. "Mas naniniwala ka pa sa kaniya kaysa sa akin. Ako dapat ang paniwalaan mo."
Tinaas nito ang kamao para sana suntukin siya. Hindi naman nito naituloy nang salubongin niya ang nag-aapoy nitong mga mya sa galit.
"Tumigil ka na! Kailan ka makukuntento! Plinano mo pa talaga lahat! Kulang ba talaga sa pag-iisip?!" ang nanggagalaiting sabi sa kaniya ng binata. "Kaya naman pala alam mong mayroong demonyo sa aklatan at sa bulwagan. Pagkatapos gusto mo pang iligtas ang matandang lalaki sinaniban. Wala nga rin namang magiging katawan ang demonyong tinawag mo mula sa ilalim ng lupa papunta rito sa ibabaw.
Marahan siya nitong binitiwan kaya napaupo siya sa lupa. "Maniwala ka sa akin, hindi siya nagsasabi nang totoo. Hindi ko magagawa ang sinasabi niya," ang tanging nasabi niya para ipagtanggol ang sarili dahil hindi niya rin naman talaga alam ang tunay na nangyari.
"Huwag mo nang itanggi! Magagawa mo ang sinabi niya. Makakaya mo dahil ikaw iyan! sa kang nahihibang!" Napahawak na rin ito sa ulo sa pag-akyat ng galit nito roon.
Hindi na siya nakapagsalita nang biglang kumaripas ng takbo papalayo sa kanila ang lalaking bulag. Hindi naman ito nakalayo dahil sa iilang hakbang pa lamang nito bigla na lamang sumabog ang ulo nito. Tumalsik ang mga laman nito, utak at dugo sa paligid, natamaan pa nga sila pareho ng binatang prinsipe. Sa nangyari lalong sumama ang tingin ni Dermot sa kaniya. Nang sandali ring iyon dumating ang dalawang kawal na tumatakbo. Pinakita kaagad ng binatang prinsipe ang medalyon mula sa likuran ng suot nito nang hindi ito paghinalaan ng mga bagong dating na ito ang pumatay sa lalaking bulag.