MALIWANAG pa sa liwang ng buwan ang pagkailang sa pagitan nila ng dalawa niya pang kasabay sa paglalakad sa pag-uwi. Walang nakapagsabi sa kaniya na bigla na lang sasabay sa kanila ang binatang prinsipe. Hindi naman sa hindi niya gustong kasabay ito dahil parehas na direksiyon lang naman ang pupuntahan nila pero iba pa rin ang pakiramdam niya sa ginawa nito. Pakiwari niya ay mayroon itong gustong ipahiwatig na hindi niya naman mabigyan ng pangalan. Hindi niya talaga mahuli kung paano tumakbo ang isipan nito na nagpapagulo lamang sa kaniya.
Wala pang nagsasalita kaya lalo lang nagpapahirap sa kaniya ang bumabalot na katahimikan. Hindi siya makahanap ng tiyempo upang makapagsalita. Sa pagitan siya ng dalawang lalaki: sa kaliwa niya ang binatang prinsipe na nakalagay pa ang kamay sa likod sa kanilang paglalakad; sa kanan naman niya ang tagasuri hila ang dala nitong kabayo. Sa kabila naman ng kabayo ang kaniyang alalay na tahimik lang na humahakbang bitbit ang pailaw na nakasukbit sa kahoy.
Sa huli hindi rin naman nakatiis ang tagasuri kaya ito na ang bumasag sa katahimikang namamagitan sa kanila. Balak nga rin naman nitong makipag-usap sa kaniya habang siya ay hinahatid patungo sa kaniyang tirahan.
"Hindi ka rin naman ba nahihirapan?" ang unang naitanong sa kaniya ni Santi.
"Saan naman?" ang naguguluhan niyang tanong nang tingnan niya ito.
"Sa araw-araw na buhay mo ngayon. Hindi ba't wala kang maalala," paliwanag naman sa kaniya ng tagasuri.
Hindi rin naman siya nahihirapan maliban sa pakikipagsalamuha sa binatang prinsipe. Wala rin naman siyang dapat maalala kasi hindi naman siya talaga ang prinsipe.
"Maayos naman ako. Wala naman akong nagiging problema," sabi niya naman dito.
"Mabuti naman. Sa nalaman ko lalo lang akong nag-alala sa kalagayan mo." Ginulo nito ang buhok niya kaya inalis niya ang kamay nito.
Hindi niya gustong hinahawakan siya sa ulo. Napapangiti na lamang na ibinaba nito ang kamay samantalang ang binatang prinsipe ay masama na naman ang tingin sa kanila.
"Huwag mo na akong isipin. Kaya ko naman ang sarili ko," ang matapang niyang sabi.
"Alam ko rin naman pero hindi ko talaga mapigilang mag-alala sa iyo. Ano ba kasing ginawa mo sa Ilaya?"
"Hindi rin ako sigurado. Pero sa palagay ko ay dahil gusto kong magpakamatay. Iyon din marahil ang dahilan kaya nasa ibaba ako ng bangin pagkagising ko. Mayroon din naman kasi akong sulat na iniwan," sabi niya na hindi iniisip kung ano ang magiging reaksiyon ng mga makaririnig.
Sa lumabas sa kaniyang bibig ikinatigil iyon hindi lang ni Dermot sa paglalakad maging si Santi ay napahinto rin kaya nauna siya rito nang ilang mga hakbang kasabay ang kaniyang alalay na si Arnolfo. Napalingon lang siya nang mapagtanto niyang wala na ngang taong naglalakad sa kaniyang tabi.
Mahahalata ang pagkagulat sa mukha ng tagasuri sa paglaki ng mata nito.
"Bakit gusto mo namang magkamatay?" ang nag-aalala nitong tanong sa kaniya.
"Hindi ko alam." Nakuha niya pang kumibit-balikat. "Iyon din ang gusto kong malaman. Marahil napagod na akong mabuhay bilang isang prinsipe."
"Hindi rin kita masisi kung nasasabi mo nga iyan," saad naman ng tagasuri na naiintindihan ang posibleng nararamdaman ng prinsipe bago ito mawalan ng alaala.
Nabaling niya ang tingin kay Dermot sa muli nitong paglalakad na masama pa rin ang mukha. Huminto pa nga ito sa kaniyang tabi't tiningnan siya nang mariin. Naunawaan niya naman kung ano ang gusto nitong sabihin kahit hindi nagsasalita kaya pinagpatuloy niya na ang paglalakad. Humabol na rin naman sa kanila ang tagasuri hila pa rin ang kabayo.
"Saan ba ang bahay mo?" ang naitanong niya kay Santi.
"Malayo pa iyon dito," tugon naman nito. "Bakit balak mo ba akong patulugin sa tirahan mo?"
Hindi siya kaagad nakasagot ng hindi puwede dahil naunahan na siya ng binatang prinsipe. "Hindi ka maaring matulog doon dahil ako ang makikitulog," tuwid na sabi ni Dermot.
Kumunot ang noo niyang tiningnan ito Maging ang tagasuri ay napapatingin na rin sa binatang prinsipe.
"Bakit ka naman doon matutulog sa tirahan ko?" ang nasabi niya rito na naguguluhan.
"Nakalimutan mo atang mayroon tayong pagsasanay sa kinaumagahan," sabi naman nito sa kaniya.
Lalo lamang nagsalubong ang dalawa niyang kilay dahil sa narinig. "Hindi naman ako sumangayon sa balak mong iyan," paalala naman niya kay Dermot.
"Hindi ka maaring tumanggi. Para sa iyo ang pagsasanay na gagawin natin," anang binata na mayroong diin sa bawat sa salita.
"Gawin mo na lang Nikolai. Maganda nga iyon para masanay ang katawan mo," pagsangayon na lang din ni Santi sa naiisip ng binatang prinsipe.
Napapabuntonghininga siya nang malalim patungkol sa bagay na iyon. Hindi niya talaga gustong magsanay. Hindi dahil sa kinaiinisan niya kundi dahil hindi na niya kailangan.
"Sabihin na nating pumayag na ako pero hindi mo kailangang sa tirahan ko pa matulog," saad niya sa binatang prinsipe.
"Sigurado akong hindi ka magigising nang maaga kaya dapat doon ako para magawa mo. Huwag ka nang masyadong magreklamo. Wala ka nang magagawa dahil mas mayroon akong kapangyarihan sa iyo bilang prinsipe. Dapat na masunod kung ano man ang sasabihin ko."
Sa inis niya rito sinipa niya na naman ito sa paa na ikinagiwi naman nito. "Ano ngayon kung makapangyarihan kang prinsipe? Ipalamon ko pa sa iyo nang buo iyang titulo mong iyan para matigil ka sa pagmamalaki," maktol niya rito sa pagtuwid niya nang lakad.
Inalis din naman ni Dermot ang pagngiwi ng mukha nito nang hindi gaanong mahalata na nakaramdam ito ng sakit sa pagsipa niya sa paa nito.
"Hindi ko alam na malapit pala kayo sa isa't isa," puna ng tagasuri sa kanila.
Tiningnan ito nang masama ni Dermot sa lumabas sa bibig nito. Maging siya ay napalingon kay Santi. "Hindi kami malapit. Akala mo lang iyon," sabi niya sa tagasuri't ibinalik ang tingin sa daan dahil malapit na sila sa sumangang daan kung saan dapat sana humiwalay na si Dermot. Ngunit dahil sa balak nito naglalakad pa rin siya kasama ito sa daan pabalik ng kaniyang tirahan.
Sa puntong tumapat sila mismo sa sumangang daan huminto ang tagasuri sa paglalakad imbis na ang binatang prinsipe ang gumawa niyon.
"Paano ba iyan kamahalan. Dito na lang ako. Dito ang daan ko sa kabila. Hindi ko na kayo maihahatid hanggang sa tarangakah ng tirahan niyo. May kasama na rin kayo," sabi ni Santi sa pag-akyat nito sa siyahan ng kabayo. "Tutal malapit na rin naman dito na ako hihiwalay."
Nabaling niya ang tingin sa tagasuri sa sinabi nito. "Mag-ingat ka," sabi niya na lang din.
"Maraming salamat. Bibisita na lang ako kapag mayroong pagkakataon," ani naman ng tagasuri sa kaniya kapagkuwan ay ibinaling nito ang tingin sa binatang prinsipe. "Mauna na ako kamahalan," sabi nito kay Dermot.
Hindi naman ito pinansin ng binatang prinsipe kaya inihampas na lamang nito ang tali na siyang nagpatakbo sa kabayo. Nakuha niya pang ihatid ito ng tingin hanggang sa hindi na niya ito matanaw dahil sa dilim.
Pagkaalis nga ng tagasuri inilipat niya ang atensiyon sa binatang prinsipe.
"Umuwi ka na rin sa tirahan mo," sabi niya rito nang magkasalubong ang kanilang mga mata.
Hindi nito binigyang-pansin ang sinabi. Nagpatiuna na lamang ito sa paglalakad patungo sa kaniyang tirahan.
"Sinabi ko na sa iyo na doon ako matutulog sa iyo," pagbibigay diin pa nito sa hindi niya gustong mangyari.
Sumuko na rin siya dahil wala na rin naman talaga siyang magagawa kahit ipagpilitan niya pa. Sa itsura nito nang mga sandaling iyon hindi niya mababali ang napagdesisyunan nito. Wala naman sa kaniya na doon ito matulog, ang hindi niya lang gustong gawin ay ang makisama rito kahit sa paglalim ng gabi. Nais niya na lang matulog na hindi ito nakikita na malabo na ngang mangyari.
"Sige. Doon ka matulog pero huwag mong asahang gigising ako nang maaga dahil wala akong balak na magsanay," hirit niya naman dito na inakala niya pang gagantihan nito nang mariing mga salita.
Pinalusot lamang nito sa dalawang tainga ang huling nasabi niya't iniba ang usapan na hindi niya rin naman pinagtakhan.
"Natuwa ka naman na nakausap mo ang taong iyon?" saad nito.
Hindi niya malaman kung ano ang dapat isipin at maramdaman sa naging tanong nito kaya sinagot niya lamang ito sa kung anong dapat isagot.
"Siyempre naman. Hindi ko alam na mayroon naman pala akong makakausap nang matino. Puro siraulo ang nakakausap ko kaya nakahinga ako nang maluwag nang muli ko siyang makita," sabi naman niya.
Sumama ang tingin ni Dermot sa kaniya dahil alam nito kung sino ang tinutukoy niyang siraulo.
"Sumama ka na lang sana sa kaniya kung natutuwa ka," ang walang buhay nitong sabi.
Sa pagkakataong iyon siya naman ang napakunot ang noong nakatitig dito. "Bakit naman ako sasama sa kaniya?" taka niyang tanong. "Oo. Magkakilala nga kami. Pero ano naman ang dahilan ko para sumama sa kaniya? Alam mo ba kung ano iyang sinasabi mo?"
"Mabuti naman naisip mo ang ganiyan," ang sabi na lamang nito sa kaniya't wala na itong nasabi.
Itinikom na lang din niya ang kaniyang bibig sa kanilang patuloy na paglalakad. Mahahalata ang kanilang malalim na paghinga na lumalabas sa kanilang ilong dahil sa lamig ng gabi. Ilang sandali pa nga ay natanaw na nila ang tarangkahan ng kaniyang tirahan kung saan naghihintay ang dama na si Magdalena. Kinuha nito ang pailaw sa kamay ni Arnolfo nang makalapit na sila rito.
"Magandang gabi sa iyo kamahalan," bati nito sa binatang prinsipe.
"Maghanda ka ng isa pang tulugan dahil dito ako matutulog," utos nito sa dama.
"Masusunod," saad nito't nagpatiuna sa pagpasok sa tarangkahan sa mabibilis na paghakbang.
Pinagmasdan siya ni Dermot kapagkuwan ay muli itong nagpatiuna sa pagpasok sa tarangkahan.
"Kita mo ang taong iyon kung makaasta parang ako pa ang makikitulog at hindi siya," ang naisatinig niya sa kaniyang alalay na si Arnolfo.
"Kung iisipin niyo kamahalan mas mayroon siyang karapatan sa tirahan mo dahil siya ang tunay na tagapagmana ng hari," ang nasabi naman ni Arnolfo.
Uminit lang ang tainga niya sa narinig. "Tama ka rin naman. Pero hindi iyan ang ibig kong sabihin," aniya sa kaniyang alalay sa pagpasok niya na rin ang hagdanan.
Naguguluhang napabuntot na lamang ang kaniyang alalay na si Arnolfo. Nasa unahan niya si Dermot na mabagal lamang ang paghakbang palapit sa portiko. Siya naman ay naging mabilis ang paghakbang dahil gusto na niyang magpahinga dala ng pagod. Naunahan niya pang makalapit ang binatang prinsipe sa portiko. Humiga siya roon na nakalaylay ang dalawang paa.Hindi pa naman siya makapasok sa kaniyang kuwarto dahil naririnig niya pang inihahanda ng dama ang kanilang hihigaan ng binatang prinsipe. Ang binata namang prinsipe ay naupo lang pagkalapit nito sa portiko na tinitingnan na naman ang buwan. Samantalang ang kaniyang alalay na si Arnolfo ay tumayo lang isang dipa ang layo sa kanila.
Hindi niya naiwasang mapatingin sa nagiging maamong mukha ni Dermot sa pagtitig nito sa buwan. Napuna naman nito na nakatingin siya kahit na hindi nito iginagalaw ang ulo.
"Ano ang tinitingin-tingin mo?" sabi nito na walang sigla.
"Wala naman," wika niya nang umalis siya sa pagkahiga't naupo na lamang siya. "Ano bang mayroon sa buwan at kung makatingin ka ay para kang makakahanap ng sagot dito?"
Nilingon siya nito kaya napapatingin na rin siya rito na siyang naging dahilan kaya nagkasalubong ang kanilang mga tingin. Hindi na rin naman siya nito nasagot sa pagbukas ng silid. Lumabas mula roon ang dama kapagkuwan ay paatras na lumayo.
"Maari na kayong pumasok," sabi nito na nakayuko ang ulo. "Ipaghahanda ko na rin kayo ng maiinom na tsaa."
Itinaas ni Dermot ang kamay sa pagtayo nito sa portiko. Umalis nga ang dama para pumunta sa kusina sa paghahanda ng tsaa. Sa kaniya namang pagtayo ay pumasok na ang binatang prinsipe sa silid. Samantalang siya naman ay ibinaling ang tingin sa kaniyang alalay na si Arnolfo.
"Magpahinga ka na rin, Arnolfo. Huwag mo na akong bantayan," sabi niya rito sa paglalakad niya patungo sa pinto ng kuwarto.
"Pero kamahalan," ang nasabi nito.
"Kaya ko ang sarili ko. Saka kailangan mo ring matulog nang maayos. Paano mo ako matutulungan kung mahina ang katawan sa kakulangan ng tulog. Hayaan mo't sisigaw naman ako kapag mayroong mangyaring hindi maganda."
Hindi na niya hinintay na mayroong masabi pa ang kaniyang alalay. Tuluyan na siyang pumasok ng kuwarto na isinasara ang pinto. Nadatnan niya ang binatang prinsipe na naghuhubad ng sapatos kakulay ng suot nitong asul na roba sa gilid ng magkatabing higaan. Lumakad siya patungo sa isang higaan at naupo roon na nakatalikod kay Dermot.Naghubad na rin naman siya ng sapatos nang makahinga ang kaniyang mga paa.
Mabilis niya namang nahubad ang mga sapatos. Sa likuran niya naman ay naghuhubad ng asul na roba si Dermot na iniiwan ang puting pangloob. Nang itinatabi niya na ang sapatos mayroong nasabi sa kaniya ang binatang prinsipe.
"Isabit mo ito."
Nalingunan niya ito na iniaabot sa kaniya ang hinubad na robang asul na isinusuot ng maharlikang tulad nito.
Naintindihan niya naman kung ano ang gusto nitong mangyari kaya napapalingon siya sa sabitan na malapit lang naman sa kanila.
"Ikaw na ang maglagay. Mayroon ka namang mga kamay at paa. Malapit na nga lang iuutos mo pa," hirit niya rito nang alisin niya ang tingin dito.
Sa hindi niya pagsunod sa binatang prinsipe tinapon nito ang roba na siyang tumalukbong sa kaniyang ulo. Naiinis siyang inalis iyon kapagkuwan ay tinapon lang sa gilid kaya sumama ang tingin nito. Pinulot na lamang nito ang hinubad na roba't ito na lamang ang naglagay sa sabitan.
Nang bumalik ito sa higaan pumasok na sa pinto ng kuwarto ang dama na mayroong bitbit na mababang mesa matapos buksan ng kaniyang alalay na si Arnolfo. Sa paglapit ni Magdalena sa kanila sumara naman ang pinto sa likuran nito.
Doon na niya hinubad ang roba ni Santi na nakalimutan niyang ibalik. Hindi pa man niya binibitiwan hinablot iyon ni Dermot na ikinatigalgal niya.
"Sunugin mo," sabi nito nang iabot nito ang pulang roba sa dama na kalalapag lamang sa mababang mesa.
Nag-aalangan namang tinanggap ni Magdalena ang roba't itinabi sa gilid dahil magsasalin pa ito ng tsaa
"Bakit mo susunugin ang damit na hindi naman sa akin," aniya kay Dermot sa pag-upo nito sa gilid ng higaan kaharap ang mababang bilugang mesa.
"Kaya nga dapat mo siyang sinugin dahil hindi sa iyo," hirit naman ng binatang prinsipe sa kaniya.
Pinagsalin na ito ng dama ng tsaa sa maliit na tasa mula sa karamik na takore. Hinintay nito na mapuno kapagkuwan ay ininom na nito iyon. Sa pagbaba nito sa tasa nilagyan ulit iyon ng dama na siya ring paglapit niya para makainom din siya ng tsaa.
Naupo siya sa kanan ni Dermot habang pinagmamasdan ang mababang mesa para maghanap pa ng isang maliit na tasa. Wala naman siyang makitang ibang tasa kundi ang hawak lang ng binatang prinsipe.
"Saan iyong sa akin?" ang tanong niya nang ibaling niya ang tingin sa dama.
"Hindi naman kayo umiinom ng tsaa kamahalan," saad ng dama sa kaniya na hawak pa rin ang karamik na takore.
"Anong hindi? Umiinom ako niyan." Kinuha niyna ang maliit na inuman sa kamay ni Dermot kahit hindi pa man iyon naibaba ng binatang prinsipe.
Natigalgalan na lamang si Dermot sa ginawa niya dahil sa gulat. Inilagay niya sa harapan ng dama ang tasa para lagyan nito ng tsaa. Hinayaan na lamang siya nito imbis na kuhanin pa sa kaniya ang maliit na tasa.
"Sigurado kayo kamahalan? Baka magsuka na naman kayo," ang nag-alalang sabi ni Magdalena.
"Dali na," udyok niya sa dama. "Gusto kong tikman ang tsaa rito."
Tumingin pa ang dama sa binatang prinsipe. "Bigyan mo na para manahimik na siya," utos naman ni Dermot kaya wala na ngang nagawa ang dama't sumunod na lamang.
Pinagsalin nga naman siya ng dama ng tsaa sa maliit na tasa. Sa puntong itingil nito ang paglagay kinuha niya kaagad ang tasa't ininom kaagad iyon sa isang lagukan lang. Nanunuot sa kaniyang dila ang mapait na sarap ng tsaa na siyang nagpaalala naman sa kaniyang nakaraan.
"Masarap," aniya nang ibaba niya ang maliit na tasa sa mesa. "Natatandaan ko nang bata ako madalas akong uminom nito kasi iyong ama ko may-ari dati ng---" Hindi niya naituloy ang sasabihin nang mapagtanto niyang hindi dapat niya sinasabi iyon. "Ang ibig kong sabihin ay pakiramdam ko ang ama ko mahilig din sa tsaa."
Nilagyan ng dama ang naghihintay na tasa ng tsaa. Hindi na niya nakuhang kunin iyon sapagkat inunahan na siya ni Dermot. Napapatingin na lang siya sa paggalaw ng lalagukan nito.
"Mayroon ka bang balak na alamin kung sino ang ama mo?" ang naitanong ni Dermot sa kaniya sa pagbaba nito ng tasa.
"Hindi ko kailangang alamin dahil mayroon akong ideya kung sino. Hihintayin ko na lang na makita ko siya para magkakilala na kami," aniya naman sa binatang prinsipe.
Nang hahawakan niya ang tasa para siya ulit ang makakainom pinigilan ng binatang prinsipe ang kaniyang kamay. "Tama ka na sa pag-inom. Dinala ang tsaa para sa akin, hindi para sa iyo," sabi nito sa pagbuhos ng dama ng tsaa sa tasa.
Sa huling inom ni Dermot kinuha niya ang takore sa kamay ng dama't iyon na lamang ang ginamit niya para uminom. Binuhos niya sa kaniyang bibig habang nakatingala. Hindi niya tinigilan hanggang hindi nauubos kaya napapatitig na lang sa kaniya ang binatang prinsipe kasama na ang dama. Ibinaba niya lamang sa mesa ang takore nang wala nang pumatak sa kaniyang bibig.
"Bukas naman ulit," sabi niya nang punasan niya ang kaniyang labi ng likuran ng manggas ng kaniyang suot na puting pangloob.
Napabuntonghininga na lamang nang malalim ang binatang prinsipe nang ibalik na rin nito ang tasa sa mesa.
"Puwede ka nang umalis. Patayin mo ang ibang ilaw. Iiwan mo lang ang iyang isa na malapit," utos ni Dermot sa pagpuwesto nito sa higaan. Sinipa pa siya nito sa hita para kumilos na rin siya.
Umalis nga siya sa higaan nito't dumapa sa sariling higaan na katabi lang din nito. Samantalang ang dama naman ay pinatay ang ibang mga ilaw, nag-iwan nga ito nang isa na siyang tanging nagbibigay ng liwanag sa kabuuan ng kuwarto. Matapos nitong magawa iyon binalikan nito ang mesa't binuhat iyon habang paatras na naglalakad hanggang sa makarating sa pinto nang walang ginagawang ano mang ingay. Ibinaba nito saglit ang mesa upang mabuksan ang pinto, marahan nitong tinulak ang sara kapagkuwan ay tuluyan na itong lumabas dala ang mesa. Sa huling pagkakataon ibinaba nito ang mesa upang maisara ang pinto.
Sa paglapat ng dalawang sara inalis niya na ang ting sa pinto't ibinaling sa binatang prinsipe na sumuksok sa ilalim ng kumot sa paghiga nito. Siya naman ay padapang nahiga kapagkuwan ay ipinikit ang kaniyang mga mata. Ngunit hindi rin naman siya dalawin ng antok kaya tumihiya na lamang siya. Hindi nakatulong sa kaniya ang nakabibingi ang katahimikan na bumalot sa buong silid.
Nakuha niya pang tingnan si Dermot sa ilalim ng liwanag na pinapakawalan ng naiiwang pailaw. Nakapikit ang mga mata ng binatang prinsipe sa tuwid nitong pagkahiga, ang mga kamay nito ay nakapatong sa bandang tiyan na tumataas at baba sa paghinga nito.
"Gising ka pa?" ang tanong niya sa binatang prinsipe.
Naimulat nga ni Dermot ang mata sa pagsasalita niya't tumitig na lamang sa kisame.
"Ano na naman ba?" ang nasabi nito.
Ipinako niya na rin ang kaniyang tingin sa kisame. "Makatutulog ka ba?"
"Hindi ako sigurado."
"Kung ganoon maglaro tayong dalawa para antukin. Hindi natin mamalayan nakatulog na pala tayo," ang nakuha niyang sabihin. Hindi na niya hinintay na pumayag ito. "Mag-iisip tayo ng tanong na pareho nating sasagutin. Ang mauuna na magtanong ay ako. Tapos sunod naman ikaw," paliwanag niya rito. "Naiintindihan mo ba?" Muli niya itong tiningnan sa tagal nitong sumagot. "Dali na para mayroon din akong maalala," pagdadahilan niya para pumayag ito sa gusto niyang gawin sa paglalim ng gabi.
Narinig niya na lamang ang malalim na paghugot nito nang malalim na hininga indikasyon ng pagsuko nito.
"Simulan mo na nang matapos na," sabi pa nito.
Pinakatitigan niya naman ang kisameng madilim sa pag-iisip niya ng tanong.
"Anong pagkain ang hindi mo gusto?" ang naisipan niyang sabihin. Hinintay niya ang ilang segundo't sumabay na magsalita sa binata. "Palabok," sabi niya naman dito.
"Tsokolate," sabi naman ni Dermot.
"Bakit ayaw mo nang tsokolate?" pag-usisa niya rito nang ilagay niya ang dalawang kamay sa ilalim ng kaniyang ulo.
"Huwag nang maraming tanong. Ano naman iyong palabok?"
"Malalaman mo rin kung ano iyon. Hindi lang ngayon. Ano iyong tanong mo?"
"Sinong tao ang pinakaayaw mo?"
Napaisip siya sa naging tanong nito. "Iyong taong pumatay sa mga kaibigan ko."
Nabinbin sa hangin ang kaniyang naging sagot dahil sa tagal na magsalita ng binatang prinsipe. Hindi niya pansin na tinitingnan siya nito.
"Ikaw naman ang pinakaayaw kong tao," sabi nito nang ibalik nito ang tingin sa kisame.
"Hindi na nakapagtataka. Mas magugulat pa ako kung magiging sagot mo ay ang sarili mo. Ano naman ang sunod kong itatanong?" Pinagtagpo niya ang kaniyang mga braso sa dibdib sa pag-iisip. "Saan mo gustong pumunta?" aniya nang sumagi sa isipan niya iyon.
"Wala akong gustong puntahan."
"Imposible namang wala. Basta ako gusto kong pumunta sa dalampasigan na mayroong mapuputing buhangin. Sa sobrang puti kumikinang na sikat ng araw. Ano sa iyo? Sabihin mo na. Kahit ano lang. Hindi puwedeng wala kang masabi."
"Sa dalampasigan na lang din."
"Gaya-gaya ka naman. Wala bang iba?"
"Huwag mo ngang kinukuwestiyon ang sinasabi ko. Akala ko ba ay laro lang ito't puwede kong sabihin ang kahit na anong sagot."
"Puwede nga. Wala naman akong sinabing hindi."
"Anong bagay ang pinagsisihan mo?" ang nasabi ni Dermot kaya siya napalingon na naman dito nang alisin niya ang kamay sa dibdib. "Sumagot ka na," utos pa nito.
"Hindi man lang makapaghintay. Pinagsisihan ko na hindi ako nakagawa pa ng mga magagandang alala kasama ang mga kaibigan ko."
"Ako naman ang pinagsisihan ko ay iyong araw na pinakawalan ko. Magiging masaya sana ako kaso mas pinili ko ang pagigi kong maharlika."
"Masyadong malalim naman ang sagot mo," komento niya rito. "Ito ang mas madali para magaan lang. Nagkagusto ka na ba sa isang tao?"
"Oo."
"Ako. Hindi pa. Hindi ko pa nararanasan ang ganoong pakiramdam."
Sa sinabi niyang iyon napabangon nang upo ang binata. Hinampas siya nito ng unan bigla na mabuti ay nasangga niya.
"Iniinis mo ba ako?" mariin nitong sabi.
"Anong iniinis? Sumasagot lang ako," pagtatanggol niya sa kaniyang sarili.
Bumalik na lamang ito sa pagkahiga nang nakatihaya hawak pa rin ang unan imbis makipagpalitan pa ng mga salita sa kaniya.
"Ano ang bagay na gustong-gusto mong magkaroon?" ang sumunod na sabi naman ni Dermot.
Labis siyang napaisip sa sinabi nito dahil wala talaga siyang bagay na gusto. Kuntento na siya sa kung ano ang mayroon siya, hindi na siya naghahanap ng iba pa.
"Ang hirap naman ng tanong mo. Wala akong maisip," ang tinatamad niyang sabi. "Ikaw muna. Ano ang sa iyo?"
"Iyong trono. Ano pa ba?" banat naman nito.
"Malaki talaga ang kagustuhan mong maging hari. Wala ka na bang ibang pangalan maliban sa Dermot?" ang nasabi niya nang maalala wala naman siyang matandaan na kapangalan nito na naging hari sa napag-aralan niya sa kasaysayan. "Kung wala ng iba pa, ito na ang masasabi ko sa iyo hindi ka magiging hari. Hindi ko talaga nabasa ang pangalan mo. Hindi naman kaya magiging hari ka pero saglit lang kaya hindi na isusulat sa kasaysayan."
Sa pinagsasabi niyang iyon nahampas siya nito ng isang unan sa dibdib kaya napabangon siya. "Isinisumpa mo na naman ako. Tumigil ka. Magiging hari ako ipapakita ko sa iyo. Maghintay ka," ang sabi pa nito nang bawiin nito ang unan.
Hinapo niya ang kaniyang dibdib sa sakit na nagawa ng paghampas nito ng unan. Kinuha niya ang sarili niyang unan kapagkuwan ay gumanti ng hampas sa dibdib din nito.
"Totoo ang sinasabi ko. Hindi kita isinusumpa. Iyon talaga ang mangyayari," aniya sa binatang prinsipe.
"Kung iyan ang gusto mong paniwalaan bahala ka," ang tinatamad nitong sabi sa muli nitong pagpikit ng mata. "Tigilan na natin ang pag-uusap. Nagsasayang lang ako ng laway sa iyo."
"Para namang ginto ang laway mo," sabi niya't bumalik siya sa pagkahinga.
Hindi na nga niya ito kinausap katulad ng gusto nito't tumagilid siya patalikod dito nang makatulog na rin siya. Hindi siya nagbago ng posisyon sa paglipas ng mga sandali kasabay ng lalong paglalim ng gabi. Nakapikit man ang kaniyang mata ngunit hindi pa rin naman siya nakatutulog. Nang mga sandaling iyon naririnig niya na rin ang malalim na paghinga ng binata. Iyong malalim nitong paghinga ay bumibilis kasabay ng pag-ungol dahil sa nahihirapan sa paghinga. Dahil sa bagay na iyon napabalikwas siya nang bangon kapagkuwan ay pinagmasdan si Dermot na natutulog pa rin naman. Ngunit ang pagtulog nito ay nahaluan ng masamang panaginip kaya gumagalaw ang ulot nito na para bang mayroong sariling pag-iisip.
Sa nasaksihan lumalit siya rito't inalog ito sa balikar ngunit hindi naman ito magising, sinubukan niya ring tapikin ito sa mukha nang makailang ulit pero wala pa rin namang nangyari. Nanatili pa ring nilalamon ang pagtulog nito ng bangungot. Tumagatak na rin ang pawis nito kahit na malamig naman ang gabi.
Wala naman siyang ibang maisip kundi ang hawakan ang kamay nito katulad ng ginagawa ng kaniyang ama nang bata pa siya kapag nakararanas ng masamang panaginip. Hindi pa man niya nilalapat ng lahat ng daliri niya humigpit na ang kapit nito sa kamay niya na para bang iyon ang makatutulong dito para labanan ang nagpapahirap dito. Inilagay niya rin ang kaniyang isang kamay sa noo nito kaya naramdaman niya ang init nitong taglay.
Sa ginawa niya tumahimik din ang pagtulog ni Dermot. Kumalma ang paghinga nito't hindi na ito umuungol. Nang masigurado niyang hindi na ito ulit babangungutin binalak niyang alisin ang kaniyang kamay na hindi na niya nagawa pa dahil ayaw pangalawan nito kahit na tulog.
Napabuntong-hininga na lamang siya nang malalim sa para sa binatang prinsipe. Nanatili siya sa ganoong posisyon hanggang sa hindi niya na namalayang nakatutulog na siya. Napahiga na lamang siya sa tabi nito habang kaniyang ulo ay nakapatong sa balikat nito. Nanatiling magkatagpo ang kanilang mga kamay kahit nang papalapit na ang panibagong umaga. Naging mahimbing pa ang tulog niya kaya pati ang pagyakap sa kaniya ni Dermot ay hindi na rin niya naramdaman.