Kabanata 24

4320 Words
BUMANGON siya mula sa pagkaupo na pinapagpag ang kumapit na buhangin sa kaniyang suot at mga kamay. Sa ginawa niya naglaro ang alikabok sa hangin sa kapal ng buhangin. Pinunasan niya kapagkuwan ang kaniyang mukha ng likuran ng manggas nang mabawasan ang tumalsik na mga dugo roon. Hindi niya binigyang pansin ang masamang tingin sa kaniya ni Dermot sapagkat hindi mahalaga sa kaniya nang mga sandaling iyon kung ano pa man ang iniisip nito patungkol sa kaniya. Alam niyang walang ginawang anong masama ang prinsipeng siya, iyon ang tanging sinasabi ng kaniyang kutob na para bang nakikita rin ng prinsipe ang nangyayari kung saan man naroon ang kaluluwa nito. Sinasabi nitong magiging maayos ang lahat sa pamamagitan ng kaniyang kalooban. Pinunasan ng binatang prinsipe ang sariling mukha gamit naman ang panyong inilabas nito mula sa likuran ng suot nito bago nito ibinaling sa opisyal na naghihintay. Pinagmasdan niya na lamang ang katawan ng lalaking bulag. Kung hindi niya nasaksihan ang pagsabog ng ulo nito hindi niya ito makikilala sa kawalan nito ng mukha. Minsan pa ay naitanong niya sa kaniyang sarili kung sino ang salarin sa nangyari sapagkat mabigat na bagay ang pumatay ng tao lalo na sa ganoong paraan. Wala naman siyang napapansin na kung anong senyales sa ibabaw ng dalawang bahay para masabi niyang doon nanatili ang pumatay sa lalaking bulag para magawa nito ang balak na nangyari nga. Nagtatanong ang kaniyang tingin nang ibaling niya iyon sa binatang prinsipe ngunit wala rin naman itong sinasabi sa kaniya habang kausap ang opisyal na hindi niya naman marinig sa layo ng mga ito mula sa kaniyang kinatatayuan. Sa likuran ng mga ito ay naroon ang mga taong bayan sa bukana ng eskinita. Pinagmamasdan ng mga ito ang bangkay na wala na ngang ulo. Hindi naman niya nakitaan ng kung anong takot ang mukha ng mga ito kundi pagkagulat lamang. Pakiwari niya ay hindi na bagong nangyayari ang ganoong bagay sa lugar na iyon. Namatay na nga lang ang lalaking bulag na nag-iwan pa ng kaguluhan hindi lang isipan niya kundi na rin pati sa binatang prinsipe. Hindi niya nga malaman kung paanong sumabog ang ulo nito. Mayamaya'y lumusot sa dagat ng mga tao ang taong hindi niya inasahang magtutungo sa eskinita na iyon. Lumayo ang mga taong nakaharang nang mabigyan ng daan ang papasok na si Santi na mabibilis ang naging paghakbang. Hindi pa man ito nakalalapit sa kinatatayuan ni Dermot napako ang tingin nito sa bangkay ng lalaking bulag na nasa harapan niya lamang. Panandalian lang itong tumingin sa bangkay kapagkuwan iniangat patungo sa kaniya. Pagtama ng mga mata nito sa kaniyang nagmadali itong lumapit sa kaniya na nilalampasan lamang ang binatang prinsipe. "Ano bang nangyari? Nagpunta ako kaagad dito matapos kung marinig ang balita," ang naitanong kaagad nito sa kaniya. Naglabas ito ng bughaw na panyo sa likuran ng suot nitong robang kulay-rosas. "Tingnan mo nga ang itsura mo. Nagkalat ang dugo sa buhok mo't leeg." Inilapit nito ang kamay na may hawak sa panyo para punasan siya. Bago pa man iyon makadikit sa kaniyang mukha pinigilan niya kaagad. Hinawakan niya ang kamay nito't kinuha na lamang ang panyo. "Bigla na lamang sumabog ang ulo ng lalaking iyan. Kinakausap lang namin siya," aniya na ang tinutukoy ay ang lalaking bulag. Pinunasan niya ang kaniyang baba gamit ang panyo ni Santi. "Tungkol naman saan?" pag-usisa naman ng tagasuri. Tumayo ito sa tabi ng bangkay na nakatutok ang mata sa buong katawan. "Sa pagkalat ng mga nilalang sa palasyo," ang mahina niyang sabi sa tagasuri nang ito lamang ang makarinig. "Hindi ko naman alam na iyon ang itatanong ni Dermot sa lalaki. Nalaman ko na lang nang habulin na nga niya. Mayroon ngang alam ang lalaki sa pagkalat ng mga nilalang." Inilipat nito ang paningin sa mga nagkalat na laman sa paligid. Kahit na ang mga dugong tamalsik sa dalawang dingding ng bahay pinagmasdan nito nang maigi. "Nakita ko na ang ganitong pangyayari sa labas lang ng kabisera. Inaalam ko nga kung sino ang mayroong kagagawan," pagkuwento ng tagasuri sa pagbalik nito ng atensiyon sa kaniya. Tumayo na ito nang tuwid. "Masasabi kong mayroong koneksiyon ang dalawang pagkamatay na ibig sabihin kung sino ang may gawa sa nangyari sa labas ng kabisera ay siya ring mayroong pakana sa pagkalat ng mga nilalang." "Sana nga ay ibang tao ang gumawa sa nangyayari at hindi ako," ang naisatanig niya sa pagsagi sa kaniyang isipan ng mga nainig mula sa lalaking bulag. Nag-aalalang tiningnan siya ng tagasuri. "Bakit mo naman nasabi ang ganoon?" tanong nito sa pagharap nito sa kaniya. "Iyon ang sabi ng lalaki bago siya mamatay. Ako raw ang puno ng lahat," pagbibigay alam niya kay Santi sa pagpunas niya ng panyo sa kaniyang leeg. Sinunod niya na rin ang kaniyang buhok dahil nararamdaman niya na ang lagkit ng dugong kumakapit sa kaniyang anit. "Naniwala ka naman?" paniniguro nito sa kaniya. "Hindi. Kilala ko kaya ang sarili ko kahit na wala akong maalala," ang naisatinig niya kapagkuwan ay lumapit pa sa kausap sa pagtigil niya sa pagpunas. "Pero si Dermot hindi naniniwala. Nagalit nga siya sa akin kanina matapos niyang marinig ang sinabi ng lalaki," dugtong niyang pabulong sa tagasuri. Lumayo na rin naman siya rito nang maisipang niyang ipangtabon ang panyo sa leeg ng lalaking kalbo. Napapasunod na lamang ng tingin sa kaniya hindi lang ang tagasuri kundi na rin ang binatang prinsipe. Pinagsaklop pa niya ang kaniyang dalawang kamay para sa bangkay kapagkuwan ay muli siyang tumayo nang tuwid. "Hayaan mo siya. Naniniwala rin naman akong hindi mo magagawa ang nangyayari sa palasyo," saad ni Santi na puno ng katiyakan ang tinig. Ibinaling niya ang tingin dito sa nasabi nito. "Paano ka naman nakasisirugado diyan?" ang naisipan niyang itanong. "Dahil kilalang-kilala kita. Ni hindi mo nga magawang pumatay ng insekto." "Sana nga ganiyan din ang iniisip ni Dermot. Pakiramdam ko ipapahamak niya pa ako. Baka maisipan niyang pasamain ang pangalan ko sa mahal na hari para ako ay maparusahan. Kung mangyayari nga naman iyon ibig sabihin nalutas na ang problema kahit hindi naman," aniya naman sa tagasuri. "Alam mo sa loob ang kulo niyan kaya aakalain mo mabait pero hindi naman pala." "Huwag kang mag-aalala. Sisiguraduhin kong ipagtatanggol ka," sabi nito sa kaniya nang guluhin nito ang kaniyang buhok. Pinagsalubong niya ang dalawang kilay sa ginawa nito kaya ginantihan naman siya nito ng isang manipis na ngiti. Hindi na sila nakapag-usap na dalawang sa paglapit sa kanila ng binatang prinsipe na malalaki ang naging paghakbang. Ang opisyal na kinausap nito ay umalis, naglakad sa daang ibinigay ng mga nakikiisyosong taong bayan. Hindi na nga natigil ang bulungan ng mga ito kaya mistulang naging mga bubuyog na bulong nang bulong. Mataman siyang pinagmasdan ng binata pagkatayo nito sa harapan nila ng tagasuri. "Bumalik na tayo ng palasyo," ang matigas na sabi sa kaniya ni Dermot. Nawalan naman siya ng pagkakataon para makapagsalita dahil kay Santi. "Magtungo na lang muna kayo sa bahay para kapaglinis kayo ng mga sarili niyo," suhestiyon ng tagasuri. Ibinaling ng binatang prinsipe ang atensiyon kay Santi. "Hindi namin kailangang magpunta sa inyo. Babalki na kami ng palasyo ngayon na mismo. Hindi na iyon makapaghihintay," sabi naman ni Dermot. Sinalubong ni Santi ang matapang tingin ng binatang prinsipe. "Iyon ba talaga ang dahilan? Baka naman gusto mo lang pahirapan si Nikolai agad-agad. Magagawa mo nga rin naman iyon kapag nagawa niyo nang bumaik ng palasyo," hirit ng tagasuri. Nadagdagan ang sama ng mukha ni Dermot dahil sa narinig mula sa tagasuri. Nagsalubong na ang mga kilay nito't naging mabigat ang bawat paghinga nito. "Ano ang pinagsasabi mo?" tanong naman ng binatang prinsipe. Napapatingin na lamang siya sa dalawa sa nagiging pag-uusap ng mga ito. Pinaglipat-lipat niyaa ng kaniyang tingin. Pakiramdama niya kung hindi pa titigil ang mga ito tuluyan nang sasabog ang binatang prinsipe na magiging hudyat ng pag-aaway. "Sinabi sa akin ni Nikolai na mas pinaniwalaan mo ang lalaki," sambit ng tagasuri sa malumanay na boses. Mahahalatang kalmado lamang ito sa pagsasalita samantalang ang binatang prinsipe ay tiim na ang mga bagang. "Totoong magagawa niya ang nangyayari sa palasyo." "Pakiramdam ko ay gusto mo lang isisi sa kaniya ang mga nangyayari dahil hindi mo mahanap kung sino ang may gawa. Mula't sapol na ipinanganak kayong dalawa hindi na maganda ang pakikitungo mo sa kaniya." Kinumyos ng binatang prinsipe ang kamao. "Hindi mo ako dapat kinakausap nang ganiyan na para bang ako ang may mali rito. Isang tagasuri ka lamang na itinalaga ng aking ama," paalala ni Dermot. "Bakit hindi puwede? Gagamitin mo ba ang pagiging maharlika mo? Pareho nating alam na hindi mo magagamit iyon laban sa akin. Kung iniisip mo namang parusahan talaga ako dahil lang nagsasabi ako ng aking mga opinyon, ang mahal na hari ang kailangan mong kausapin patungkol sa bagay na iyon para mangyari." "Huwag kang mangialam," ang nasabi na lamang ni Dermot dala ng galit nitong nararamdaman. "Oo nga't sabi mo ay tagasuri lamang ako. Pero nakalimutan mo atang trabaho ko ring alamin ang nangyayari na ganito hindi lang sa loob ng palayso na utos ng mahal na hari. Kaya kung hindi ka talaga mapipilit na magpunta sa bahay kailangan mong dalhin ang katawan ng lalaki nang matingnan ng mahal na hari." "Sa tingin mo hindi ko alam ang bagay na iyan," hirit naman ng binatang prinsipe. Magkasabay silang tumingin sa bukana ng eskinita nang magsitabi ang mga taong nakaharang doon. Nalaman niya na lamang kung bakit nang pumasok sa eskinita ang dalawang opisyal hila ang isang kariton na mataas ang kahon. Hindi tumigil ang mga ito sa paghila hanggang sa tabi ng katawan ng lalaki. Napapatingin na lamang siya sa dalawang opisyal sa pagkuha ng mga ito sa banig sa loob ng kariton, maging ang dalawa na tahimik na nagkainitan ay sa dalawang opisyal na rin nakatitig. Inilatag ng dalawang opisyal ang banig sa lupa kapagkuwan ay binuhat nila ang katawang walang ulo, ang isang opisyal ay humawak sa suot ng lalaki sa gawing balikat na puno ng dugo, ang ikalawa naman ay sa paa nakahawak. Inilipat ng mga ito ang bangkay sa banig at ibinalot kapagkuwan. Nang matapos na ang mga ito sa pagbalot ng banig binuhat naman nila ang bangaky patungo sa kariton. Naunang umakyat ang opisyal na hawak ang bangkay sa balikat kasunod ng lalaking nakahawak naman sa paa. Marahang inilipag ng mga ito ang katawan sa karito. Matapos niyon naglakad ang isang opisyal patungo sa harapan ng kariton. "Nasa labas na rin ang kabayo ninyo," sabi nito habang iniyuyuko ang ulo. Sa sinabi ng opisyal ibinaling ni Dermot ang tingin sa kaniya. "Labas na," sabi nito sa kaniya. "O baka gusto mong itali na naman kita. Mamili ka?" Napabuga siya nang mainit na hangin sa nasabi nito sa kaniya. Tiningnan niya ang tagasuri sa paghihintay sa kaniya ng binatang prinsipe. "Lalakad na kami," aniya dahil pakiramdam niya maiiwan na ito roon. Hindi rin naman kasi pumayag si Dermot, wala siyang narinig mula rito na hinahayaan niya ang tagasuri sa gusto nitong mangyari. Sinimulan niya ang paghakbang sa paglalakad ni Dermot ngunit natigil sila pareho dahil sa tagasuri. "Sasama nga ako sa inyo ngayon," sabi naman ni Santi. Nilingon ni Dermot ang tagasuri. "Kung sasama ka maglalakad ka lang. Wala akong panahon para bigyan ka ng masasakyan," saad ng binatang prinsipe. Hindi niya masabi kung kumalma na ito kaya nasabi nito ang mga salitang iyon. "Sasabay na lang ako mga opisyal. Nakahihiya namang paghintayin ko kayo para kumuha lang ng kabayo sa bahay. Liban pa roon inilalagay sa magandang kondisyon ang mga kabayo namin." "Mabuti naman alam mo," ang huling nasabi ni Dermot sa pagpapatuloy nito sa paghakbang. Nilampasan na lamang nito ang dalawang opisyal na naghihintay kaya napapasunod na lang siya rito. Bumuntot din naman sa likuran niya ang tagasuri hanggang sa makalabas sila ng eskinita. Hindi na naalis ang tingin sa kanila ng mga taong bayang naroon pa rin at hindi makuhang umalis. Naroon nga sa daan ang sinakyan nilang kabayo na hawak ng isang opisyal pa ang mga lubid. Sa paglapit niya sa sinakyang kabayo tiningnan niya ang tagasuri. "Makisakay ka na lang sa akin," aniya kay Santi nang sumagi sa isipan niya ang bagay na iyon. "Baka mapagod ka sa paglalakad. Mayroon kalayuan pa man din naman." Hindi kaagad nakapagsalita ang tagasuri dahil naunahan ni Dermot. "Sino ang may sabi sa iyo na puwede kang magpasakay ng ibang tao sa kabayo ko? Lalo na mga katulad niyang hindi naman dugong bughaw?" ang matapang nitong sabi sa kaniya. Kinuha nito ang inabot na lubid ng nagbabantaya na opisyal. "Kung gagawin mo rin naman maglakad ka na lang din. Hayaan mong maglakad nang mag-isa ang kabayo." Inalis nito ang tingin sa kaniya't umakyat na ito ng siya ng kabayo. Ibinukaka nito ang paa nang makaupo ito nang maayos sa likod ng alagang hayop. "Maglalakad lang ako Nikolai. Huwang kang mag-aalala. Sanay naman ako sa lakaran," sabi ng tagasuri sa kaniya karugtong ang manipis na ngiti. Bumuntonghininga siya nang malalim. "Ikaw ang bahala. Wala rin naman kasi akong magagawa," aniya sa tagasuri nang kunin naman niya ang lubid. Matapos nga niya makuha iyon umalis na ang opisyal para tumulong sa paghila sa kariton na inilalabas na ng dalawang opisyal sa eskinita. "Maglakad na rin kaya ako," dugtong niya nang maisip niya ang bagay na iyon. Sa nasabi niya lumapit na lamang sa kaniya si Dermot sabay hinablot mula sa kamay niya ang lubid. "Sige maglakad ka kung iyan ang gusto mo," mariing sabi sa kaniya ng binatang prinsipe. "Tamang-tama para maisip mo ang ginawa mong kasalanan." Nailing na lang siya ng ulo para sa binatang prinsipe dahil hindi niya talaga maintindihang ang takbo ng isipan nito. Pinagmasdan niya na lamang nang masama ng likod nito habang naglalakad ang dalawang kabayo. Sa pananatili nilang nakatayo nalampasan na sila ng kariton na bumuntot sa binatang prinsipe na pinagtulungan ng dalawang opisyal dahil ang ikatatlong opisyal ay nagpaiwan. Ang isang opisyal ang humihila sa unahan at ang panghuli naman ay tumutulong sa pagtulak sa likuran ng kariton. Hindi na rin naman sila nagtagal pa ng tagasuri sa kanilgn kinatatayuan. Sinimulan na rin nila pareho ang paglalakad, halos nagkakasabay ang kanilang paghakbang na dalawa. "Sigurado ka ba? Hindi ka sanay sa lakaran. Mapapagod ka lang. Kausapin ko na lang si Prinsipe Dermot nang mapahiram sa iyo ang kabayo," ang nasabi sa kaniya ni Santi. Hindi na niya ito tiningnan sapagkat nakapako lang ang kaniyang mga mata sa kariton na nasa kanilang unahan. Pinaikot niya ang kaniyang kamay na pinangsuporta niya sa kaniyang pagbagsak matapos itulak ni Dermot sa eskinita. "Inakyat ko nga ang pitong bundok. Sisiw lang sa akin itong paglalakad na ganito," aniya sa tagasuri. "Mukha man akong mahina pero hindi naman ako ganoon. Malaki na ang pinagbago ko." "Kailan naman nangyaring umakyat ka ng bundok? Hindi ba't bihira ka namang makalabas ng palasyo. Pagkatapos umakyat ka pa ng bundok, imposible namang pinayaga ka," pag-usisa ni Santi sa kaniya. Sa mga nasabi ng tagasuri doon na siya napatingin dito. "Sa panaginip lang naman. Masyado ka namang paniwalain," pagbawi niya na lang sa naunang nasabi. "Hindi pa rin naman pala nawawala ang biro mong mga ganiyan. Ang buong akala ko ay hindi na tayo makakapag-usap nang ganito dahil nawala ang alaala mo," ang makahulugang sabi ni Santi na malayo ang naging tingin. Sinundan niya ang direksiyon ng tingin nito. Tumama ang mga iyon sa mga paru-parong kulay itim na lumilipad sa ibabaw ng mga tumubong bulaklak sa gilid ng daan. "Mukha ngang hindi magandang ang araw na ito," dugtong pa nito. "Paano mo naman nasabi?" ang naitanong niya rito. Tinuro nito ang kamay sa nadaanang mga itim na paru-paro na hindi nilingon niya rin naman kahit nakita na niya. "Naglabasan ang mga itim na paru-paro," sabi nito sa kaniya nang ibaba nito ang kamay. "Kung mas maraming mga itim na paru-paro, marami rin ang mangyayaring hindi maganda." "Naniniwala ka pala sa bagay na ganoon," ang naisatinig niya sa pinaniniwalaa nito sa buhay. "Siyempre naman. Ikaw kaya ang nagsabi sa akin ng bagay na iyon," paalala naman nito sa kaniya. Napatango-tango siya narinig kapagkuwan ay nabaling ang tingin sa binatang prinsipe na binagalan ang paglalakad ng kabayo hanggang makasabay sa kanila. Pinagmasdan nito silang dalawa ng tagasuri habang patuloy lang ang kariton sa kanilang unahan. "Wala kayo sa pasyalan. Masyadong mabagal ang paglalakad niyo. Bilisan niyo," sabi nito nang malakas kapagkuwan ay pinatakbo na nito ang dalawang kabayo para makapaglakad na naman sa unahan ng kariton. Nagkatinginan na lamang sila ni Santi sa inasal ng binatang prinsipe. Nagtatanong ang mga mata ng tagasuri sa kaniya kaya sinagot niya na lamang ng isang kibit-balikat. Minabuti niya na lamang na biisan nang kaunti ang paglalakd nang maiwasang sumabog sa galit si Dermot. Sumasabay na rin naman sa kaniya ang tagasuri kaya nakahahabol na sila sa kariton. SA IBANG tarangkahan sila dumaan papasok ng palasyo malayo sa pangunahing tarangkahan kung saan sila lumabas. Nais niya mang magtanong kung bakit doon pinili ni Dermot na pumunta nanahimik na lamang siya. Sa itsura nitong hindi na naalis ang galit sa mukha pihadong kahit anong lalabas sa kaniyang bibig na mga magiging masama na rito. Iwinaglit niya na lamang sa kaniyang isipan ang katanungan sa kanilang pagpasok nga ng tarangkahan. Hindi gaanong malaki ang tarangkahan sa dakong iyon, sapat lamang ang lapad niyon para makapasok ang kariton. Ang taas naman niyaon ay mahigit dalawang ato lamang, ginawa ng rin naman iyon para lusotan lamang ng mga taonng naglalakad o nangangabayo, hindi ng mga karwahe. Natatago ang tarangkahan na iyon sa likuran ng mga matatayog na puno. Naunang nakapasok ang binatang prinsipe na hindi na sila tinitingnan, sumunod naman dito ang karito na pinagtutulungan nga ng dalawang opisyal. Ang pinakahuling nakapasok ay silang dalawa ni Santi. Naiipit na lamang ng kanilang mga paa ang mga tuyong dahong nagkalat sa harapan ng tarangkahan. Pansin niya ring hindi iyon ang unang pagkakataon na nakapunta ang tagasuri dahil tahimik lamang itong naglalakad. Samantalang siya naman ay hindi mapigilan na pagmasdan ang paligid. Sa taas ng pader na kinakakabitan ng tarangkahan hindi niya magagawang maabot ang tuktok niyon sa isang talunan lamang. Kakailanganin niya ng magagamit na mga punyal na siyang ibabaon niya sa pader kung saan siya maaring kumapit. Hindi pa man niya alam kung ano ang mangyayari sa kaniya sa likuran ng tarangkahan naiisip niya ang paraan na iyon upang siya ay makatakas. "Ano ang naiisip mo?" ang naitanong sa kaniya ng tagasuri sa pagpasok nila ng tarangkahan. Hinarap niya ang tingin nito dahil hindi niya inasahang magtatanong ito nang ganoon sa kaniya. Marahi naiintindihan nito kung ano ang tumatakbo sa isipan niya kahit wala pa man siyang sinasabi. Sa paraan ng pakikipag-usap nito sa kaniya mukhang madalas itong makausap ng prinsipe. Binalik niya rin naman ang tingin sa harapan. "Wala naman," simple niyang sabi. "Nagsisinungaling ka," ang naisatinig ni Santi. Tumatalbog ang kanilang mga salita sa pader para bumalik lamang sa kanilang mga tainga sa kahabaan ng tarangkahan. "Kahit pagsisinungalang ko alam mo," aniya na lamang dahil hindi niya naman kailangang itangging tama ito sa nasabi. Sumilay na naman sa mga labi nito ang isang ngiti. "Sabihin na nating alam ko ang pag-uugali mo kaya nalalaman ko kung nagsasabi ka nang totoo o hindi," paliwanag nito sa kaniya na kaniyang ikinatango. "Huwang kang mag-alala makatarungan naman ang mahal na hari. Huwag mo na lamang pakaisipin ang mga sinabi sa iyo ni Dermot. Ganooon na talaga siya. Masyado siyang mapanghusga. Magbabago lang siya marahil sa sandaling mamatay na siya." "Hindi ko naman inaalala ang bagay na iyan," aniya sa tagasuri. "Mabuti naman. Pero ano nga ang naiisip mo?" Humugot siya nang malalim na hininga sa paglapit nila sa katapusan ng tarangkahan. "Kung ano ang gagawin ko para maakyat ang pader sakaling maipit ako," ang makatotohanan niyang sabi kay Santi. "Makakaya mo bang akyatin kung sakali?" sabi naman nito na hindi nagtataka kung bakit ganoon ang nasabi niya. Hindi niya maalis sa isipan na ginagawa lang nito iyon dahil tingin nito ay hindi niya magagawang makaakyat sa pader. Nagtatanong lamang ito nang hindi masaktan ang kalooban ng prinsipe kung pilit nitong ibahin ang desisyon niya. Ang hindi nito alam walang imposible sa katulad niya kung gugustuhin niyang mangyari. "Oo. Magagawa ko. Bigyan mo lamang ako ng mga punyal." Hindi na nadungtungan pa ang pag-uusap nila ng tagasuri sapagkat nakarating na sila sa dulo ng tarangkahan. Sumalubong sa kaniya ang mga matataas na kawayang tuwid, luntian ang katawan niyon kasingkulay ng parihabang mga dahon. Binaybay nila ang daan sa gitna ng mga kawayan na sinusundan ang kariton na umiirit ang gulong na kahoy habang nahuhulog ang mga tuyong dahon sa patuloy na pag-ihip ng hangin sa ibabaw. Hindi niya maiwasang pagmasdan ang mga kawayan sapagkat pakiramdam niya ay mayroong nakatingin sa kanila na nagtatago sa likuran ng mga ito. Wala naman siyang nakita na ano kaya binalewala niya lamang ang nararamdaman. Inisip niya na lang na ganoon ang nararamdaman niya dahil masyadong tahimik sa lugar na iyon. Nababasag lamang ang katahimikan dahil sa maliliit na huni ng mga ibon na kaagad din namang nawawala. Tumama pa ang ilang mga nahulog na daan sa kaniyang ulo, pumaibaba kapagkuwan sa kaniyang balikat, pagkaraa'y tuluyan na ring nahulog paibaba, humalo sa iba pang mga tuyong dahon na siyang bumalot sa lupa. Nagulo lamang ang mga nanahimik na tuyong dahon dahil sa kanilang mga nagpunta roon. Sa hindi nila pagtigil sa paglalakad ni Santi nakarating sila sa katapusan ng daan kung saan nakatayo ang isang gusaling katamtaman lamang ang laki. Hindi naman nabubulok ang gusali kahit nasa loob iyon ng mga kawayan. Buong-buo pa rin ang bawat sulok nito na para bang mayroong nagpapanatili ng tibay niyon kahit na wala naman. Hindi naiiba ang mga bintana nito sa karamihang mga gusali ng palasyo --- gawa ang mga bintana sa maliit na parisukat na persyana na natatakpan ng maputing papel. Ang bubongan ito ay gawa sa laryo kung saan nagkalat din naman ang mga tuyong dahon. Malayo pa man siya napansin niya ang ibon na nasa dulo niyon na katamtaman lamang ang laki. Dilaw ang dibdib ng hayop na lumilipad at itim ang mga pakpak. Sa tuka nito ay nakaipit ang hibla ng tuyong dahon na siyang gagamitin nito sa paggawa ng pugad para sa mga magiging supling. Tumingin pa ito sa kanilang mga nasa ibaba na itinatabingi ang ulo kaliwa't kanan bago ito lumipad paitaas ng kalangitan. Hindi rin mawawala sa gusali ang hagdanang limanng baitang lamang. Pinahinto ni Dermot ang kinasasakyang kabayo kasabay ng kabayong hila sa gilid ng gusali. Pinagmasdan nito nang maigi ang gusali bago ito kumilos paalis sa likuran ng hayop. Iniangat nito ang kanang paa habang nakasuporta ang kaliwa sa siya kapagkuwan ay bumaba na nga sa lupa nang nakatayo. Nakuha pa nitong himasin nag leeg ng kabayo na napapalingon sa kanila ni Santi na kahihinto pa lamang sa paglalakad. Inalis din naman kaagad nito ang tingin sa kanila ng tagasuri sa pagtali nito ng mga lubid sa nakatayong kahoy na sadyang inilagay doon para nga sa mga kabayo. Kapansin-pansin ang mahigpit na pagbuhol nito sa lubid kahit na hindi nama kailangang ganoon. Hindi naman umaalis ang kabayo ng kanila lang dahil sa naging pagsasanay nito sa mga iyon bago mailabas ng mga kuwadra. Hindi naman nagkaroon ng problema ang kariton kaya nadala iyon ng dalawang opisyal sa harapan ng gusali. Huminto sila sa tapat lamang ng hagdanan. Sa puntong bumitiw ang mga kamay ng mga ito sa kariton tumakas ang malalim na hininga sa kanilang mga bibig sa pagluwag ng kanilang mga dibdib. Napapapunas ng tumatagatak na pawis ang opisyal na nasa unahan samantalang ang nasa huli ay napaupo sa giid ng kariton habang hinahabol ang hininga, wala itong pakialam kahit nasa likuran lamang nito ang paa ng bangkay. Tumayo lamang nang tuwid ang mga ito sa paglapit nang binatang prinsipe. Pinagmasdan ni Dermot ang dalawang opisyal bago ito magsalita. "Magpunta ang isa sa inyo sa mahal na hari. Ipagbigay alam niyo ang nangyari," utos ng binatang prinsipe. Nagkatinginan ang dalawa sa naging utos ng binatang prinsipe. Wala rin namang nakapagsalita sa mga ito. Inunahan ni Santi ang mga ito para magawa iyon. "Ako na ang pupunta," pagbulontaryo ng tagasuri kaya napapatingin siya rito. Tiningnan siya ni Dermot sa simula na para bang mayroong naiwang dugo sa kaniyang pisngi. Nang makuntento inilipat na nito sa tagasuri kung kaya nga nagkasubukan ang dalawa sa pamamagitan ng tingin. Magkalayo man ang mga ito ngunit nararamdaman niya pa rin ang tensiyon sa pagitan ng dalawa. "Kapag mayroon kang ibang intensiyon sa pagsundo kay ama alam mo ang mangyayari sa iyo," paalala ni Dermot sa tagasuri. Hindi na naalis ang ngiti sa labi ni Santi. "Alam ko naman iyon. Kung mayroon man hindi ka naman maapektuhan niyon," anang tagasuri kay Dermot. Hindi na rin gumanti ang binatang prinsipe na para bang nagsawa na ito sa pakikipag-usap. Matapos ng mga salitang iyon sa kaniya naman nito ibinalang ang atensiyon. "Aalis muna ako. Babalik din naman kaagad na kasama ang mahal na hari na siyang makapipigil sa galit ni Prinsipe Dermot." Tumango siya bilang sagot sa tagasuri. Nakuha niya pang iwasiwas ang kamay para lumakad na ito. Nakangiti na lamang nito mabiis na naglalakad papasok ng mga kawayan. Tanging paghatid ng tingin na lamang dito ang nagawa niya hanggang sa makapasok na nga ito ng mga kawayan. Naisip niya pa kung paano ito makararating kaagad sa hari gayong wala naman itong dalang kabayo. Hindi naman siya makahanap ng ibang sagot kundi marahil malapit lang doon ang bulwagan kaya magiging madalig makapunta kahit na maglalakad lamang. Naibaling niya lamang ang tingin sa binatang prinsipe nang mayroon itong masabi sa kaniya. "Huwag mong isiping matutulungan ka ng tagasuring iyon. Sisiguraduhin kong hindi nang mapagbayaran mo ang pinaggagawa mo," ang mariin nitong sabi na kaniyang ikinabuntong-hininga nang malalaim.

Read on the App

Download by scanning the QR code to get countless free stories and daily updated books

Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD