Kabanata 18

4193 Words
HINDI pa man sila nakatatagal sa daan sa pagitan ng mga bahay sa baryo na iyon kapansin-pansin na ang naging katahimikan na bumalot sa paligid. Wala na silang makitang mga tao na nang magtungo sila roon ay abala sa kanikanilang mga gawain. Hindi na rin niya nakita pa ang matandang lalaki na ang anak ay hindi maganda ang kalagayan. Hindi na ito nakabalik sa bahay nito na ilang hakbang na lamang ang layo mula sa kanilang kinalalagyan. Dahil sa bagay na ito kapwa sila natigil sa harapan ng bahay ng matandang lalaki upang pagmasdan nang maigi ang kalagayan nito. Tumingin siya kapagkuwan sa kaliwa't kanan para manigurong wala na ba talagang tao roon. Nang wala naman siyang napansin na isang taong napapadaan tinutok niya ang tingin sa pinto ng bahay. Napalitan ang dating kulay nitong kayumanggi. Nangitim na iyon katulad ng dingding na kinakabitan niyon. Ibinaling niya sa binatang prinsipe ang tingin sa balak niyang pakikipag-usap tungkol sa nangyayari. Hindi niya lamang naituloy nang mapagtanto niya ang isang bagay sa pananatili nila sa labas. Ibinalik niya ang tingin sa daan sa pag-aakalang naroon lamang ang puting aso ngunit maging ito ay naglaho na parang bula. "Iyong alaga mong aso nawawala," pagbibigay-alam niya sa binatang prinsipe. "Hindi mo ba balak na hanapin?" "Hayaan mo siya. Kaya niya ang sarili niya." Bumaba na ito ng kinasasakyang kabayo. Napasunod na lamang siya ng baba sa parehong kulay ng kabayong kaniyang kinasasakyan. Sa paglingon-lingon ng binata lumapit siya sa pintuan. Marahan niyang binuksan iyon na bumukas din naman dahil hindi naisara sa loob. "Mukhang hindi lang simpleng panggugulo ang nangyayari rito a. Pumasok na tayo dahil dito nagsimula ang lahat," aniya sa binatang prinsipe nang itulak niya ang pinto na yumayangitngit pa. "Napaglalaruan tayo." "Paano mo naman nasabi? Samantalang ang sabi mo kanina'y hindi lang basta-basta ang nangbiktima sa babae," ang nasabi ni Dermot nang ibalik nito sa atensiyon sa kaniya. Nagpatiuna siya sa paghakbang papasok habang nanatili namang nakasunod ang binatang prinsipe. Binabantayan ang kaniyang ikinikilos. Sa katahimikang nakabalot loob dinig na dinig ang kanilang paghakbang. Natatapakan pa nila pareho ang mga kumalat na basura na wala nang unang pumasok sila sa bahay na iyon. "Tama rin naman ako sa bagay na iyon. Ang hindi ko lang inasahan ay ang nangyayari ngayon," aniya sa binatang prinsipe. "Hindi malayong narito pa sa loob ang demonyo na salarin." "Kung nariyan pa nga ang demonyo ano ang gagawin mo?" ang sumunod na tanong ni Dermot pagpasok nila sa maikling pasilyo ng bahay. "Paano kung masyado siyang makapangyarihan para sa iyo? Dapat kang matakot dahil kaya niyang gumawa ng ilusyon." "Bakit ako matatakot kasama naman kita." Sa puntong iilang dipa na lamang sila silid nanunuot sa kaniyang ilong ang masangsang na amoy na naiwan sa loob ng bahay. Imbis na takpan ang ilong tiniis niya lamang iyon sa kanilang tuloy-tuloy na paghakbang. "Masyado namang mabaho rito," reklamo pa ni Dermot sa kaniyang likuran. "Ano pa bang aasahan mo? Hindi malayong patay na talaga ang lahat ng mga tao rito," paliwanag niya naman sa pagsilip nito sa nadadaanang nasirang kuwarto. "Diretso na tayo sa kuwarto ng babae." "Mauna ka na," pagsangayon naman ni Dermot nang alisin nito ang atensiyon sa nadaanang kuwarto. Hindi pa man sila nakararating sa kuwarto ng babae nakaramdaman na siya ng lamig na hindi gawa ng hangin. "Kung susuwertehin tayo mapupuksa natin ang demonyo," aniya sa binatang prinsipe nang nasa kalagitnaan na sila ng hagdanan. "Paano kung mamalasin?" pag-usisa naman nito. Napapatingin siya sa dingding dahil sa mga ugat na umakyat paitaas ng bubongan. "Kamatayan ang pupuntahan nating dalawa." "Mistulang ibang tao ang kausap ko kung nagsasalita ka nang ganiyan," ang naisatinig ni Dermot kaya naisip niyang nakikita na nito marahil na hindi nga siya ang prisipe. "Sino ako kung hindi ako ito?" banat niya naman dito. "Hindi mo lang matanggap na mayroon akong alam na akala mo ay wala." Sumama ang mukha nito dahil sa nasabi niya. "Mabuti pang huwag ka nanag tumuloy." "Narito na ako sa loob, papaatrasin mo pa ako," paalala niya naman dito. Ilang mga hakbang pa nga ay nakarating na sila sa kuwarto ng babae. Umuugong ang pumapasok na hangin sa hindi niya pagdadalawang isip na humakbang papasok kaya napapasunod na lang ang binatang prinsipe sa kaniya. Wala namang makikita doon na kung ano man na mapapakinabangan kundi nga naiwang nangingitim na nasunog na kagamitan lang. Tinutok niya ang kaniyang mata sa kisameng nangingitim para pagmasdan iyon nang maigi. "Ano naman ang ginaagawa mo?" naisatinig ni Dermot sa pagpasok din naman nito ng kuwartong iyon..Pinagmamasdan nito ang natupok na tukador. "Naghahanap lang ng palatandaan kung saan nagtatago ang demonyo." Inalis niya ang kaniyang tingin sa kisame kapagkuwan ay binaling sa bintana. Tumayo siya sa roon kapagkuwan ay dumungaw. Kapansin-pansin ang pag-ihip ng hangin sa mga punong tumubo sa gawing likuran niyon na tila bumubulong. Naalis ang kaniyang atensiyon dito nang makaramdam siya ng mabigat na puwersang lumitaw sa kuwartong iyon kung kaya nga napalingon siya sa pintuan. Hindi rin naman doon nanggaling ang nararamdaman niya kundi mula sa madilim na sulok ng kisame. Sumalubong sa kaniya ang pares ng mata na namumuti sa dilim. Mabagal na gumalaw ang nagmamay-ari niyon sa kisame hanggang sa napagmasdan na niya sa ilalim ng liwanag na pumapasok sa bintana. Ngumisi pa ang matandang lalaking nakausap nila ni Dermot nang matalim sa kaniya bago ito magsalita. "Umaayon sa akin ang suwerte," ang makahulugang sabi ng matandang lalaki sa garalgal nitong boses na pinaghalong maraming tinig. Pinakatitigan siya nito nang maigi mula sa kisame na para bang sinisigurado nito na hindi ito nagkakamali sa nakikita. "Hindi ka na dapat nagtungo rito sa ibabaw. Bumalik ka na lamang sa pinanggalingan mo kung gusto mo pang mabuhay," paalala niya sa demonyo na siyang mayroong hawak sa katawan ng matanda. "Sino ka naman para sundin ko?" ganti naman nito sa kaniya. "Ang katulad mo ang pinakaiinisan ko. Wala kang karapatan para sabihan ako ng ganiyan. Isang tao ka lang na nabubuhay pagkahanggang ngayon dahil sa tulong ng tulad ko." "Kung hindi ka makikinig sa akin wala na akong magagawa roon. Pinaalalahanan na kita. Huwag mo na lamang hintayin na may iba pang magpunta rito. Huwag mo na ring dagdagan ang biktima mo." "Nasisiraan ka na ba ng ulo?! Kaya nga ako narito sa mundong ibabaw para pumatay! Huwag kang magpatawa mortal!" "Uulitin ko sa iyo. Kamatayan lang ang pupuntahan mo kung mananatili ka rito." "Malabong mangyari matapos kong maangkin ang katawan mo," saad ng demonyo sabay tawa nang malakas na silang dalawa lamang ni Drmot ang nakarinig. Tumulo pa ang maitim na laway mula sa bibig nitong mayroong matatalim na ngipin. "Pinagbibigyan na ka na naming makaalis sa katawan ng matandang lalaki kaya huwag mo nang ituloy ang balak mo," sabi niya na naman dito. "Pigilan niyo ako kung kaya niyo. Hindi ako natatakot sa inyo. Ikaw ang dapat matakot sa akin." Mabilisan siya nitong tinalon na na nakahanda ang dalawang kamay. Alam niya ang kahulugan niyon, mapapahamak siya kung hindi siya tatakbo. Ang tanging ginawa niya ay umatras nang ilang hakbang kaya natulak lang siya ng matanda sa balikat na kaniyang ikinabagsak sa sahig. Pagtama ng kaniyang likod sa maruming sahig umikot ang buong kuwarto habang hawak pa rin siya ng matanda. Napalingon pa siya sa binatang prinsipeng nanatili lamang na nakatayo't walang ginagawa para matulungan siya. Pakiramdam niya ay ginawa siyang pain ni Dermot. Kasabay din niyon ang pagbabago ng paligid, magmula sa solidong mga dingding unti-unting iyon nabalot ng dilim. Pagkaraa'y naramdaman niya na lamang na nahuhulog siya. Nang tumingin siya sa ibaba napagtanto niyang babagsak siya sa sahig na binaha ng pulang-pula na dugo. Naisipan niya namang sipain ang matanda sa dibdib kaya nabitiwan siya nito ngunit nahulog pa rin naman siya. Impit ang ungol niya nang tuluyan siyang bumagsak kasunod ng nabitiwan niyang pailaw. Nang ibalik niya ang atensiyon sa matanda sa kaniyang pagbangon nakalapag na rin ito sa dalawang paa't kamay nito. Umatungal pa nga ito sa kaniya na umalingawngaw sa kinahantungan na kawalan. Kahit saang dako siya tumingin sa paghahanap ng madadaanan ang nakita niya lamang ay mga hanay ng matataas na parisukat na poste. Ni hindi abot ng kaniyang mga mata ang pinakatuktok na purong kadiliman ang pumalit. "Walang magiging halaga kung angkinin mo pa ang katawan ko dahil sa oras na sumanib ka sa akin hindi maganda ang maidudulot niyon sa iyo," ang nakuha niya pa ring sabihin. Umungol ang matanda sa nasabi niya na naging tawa. "Huwag kang gumawa ng kung anong bagay para paniwalain ako. Kahit ano pang sabihin mo hinding-hindi ako maniniwala. Makakabuti sa akin kung katawan mo ang makukuha ko." "Ano bang nangyayari sa iyo?" ang sumunod niyang tanong. "Pakiramdam ko may iba ka pang dahilan kaya narito ka sa mundong ibabaw liban sa pagpatay." "Tama ka sa naging obserbasyon mo." Tumayo ito sa dalawang paa na tumutunog ang mga buto sa katawan. Nagpakawala pa ito ng hininga nang maayos na nga itong nakatayo. Ngumisi ito nang ibalik nito ang atensiyon sa kaniya. Sa paghakbang nito patungo sa kinatatayuan niya umatras na siya kapagkuwan ay kumaripas ng takbo. Tumalsik ang baha ng dugo sa paghahabulan ng kaniyang mga paa. Samantalang ito ay hinabol siya sa muli nitong paggapang sa dalawang kamay at paa. Pagkaraa'y nagtago siya sa likuran ng poste na habol ang hininga. Hindi siya nagtagal doon dahil lumipat siya sa iba pa nang hindi siya makita nito. Huminto siya sa ikatatlong poste dahil wala siyang narinig na pagkagulo sa baha ng dugo na dapat ay naroon kung kaya nga sumilip siya. Iyon nga pagkasilip niya hindi na niya nakita ang matanda. Inikot pa niya ang kaniyang paningin sa paligid upang makasigurado. Hindi pa rin niya ito nahanap kundi bahang dugo lang. Nang makarinig siya nang malalim na ungol tumingala siya kasabay ng pagpatak ng maitim na laway sa kaniyang kanang pisngi. Naroon nga ang matanda sa ibabaw ng pinagtataguan niyang poste na mabilis na gumagapang paibaba. Dahil doon muli na siyang tumakbo para makatakas dito. Sa kasamaang-palad hindi pa man siya nakadadami ng hakbang tinalon siya nito. Tinapakan siya nito sa kaniyang likod na kaniyang ikinadapa. Ang mga kamay nito ay kumapit sa kaniyang ulo na sobrang nipis ang tabas ng buhok kung kaya nga nakalublob sa dugo ang kalahati ng kaniyang mukha. Nahirapan siyang huminga dahil doon. Pinilit niyang iangat ang kaniyang ulo para makapagsalita. "Pakawalan mo ako. Wala ka talagang mapapala sa akin," paalala niya sa matanda. Idiniin pa rin naman ng matanda ang kaniyang ulo kaya bumalik ang kaniyang mukha sa paghalik sa dugo. Wala itong kahirap-hirap na pigilan siya kahit sa nangangayat na katawan. Ibinaba nito ang mukha papalapit sa kaniyang tainga sabay bumulong. "Ako lang ang makapagsasabi kung wala kang magiging pakinabang," saad nito sa garagal na boses. Sa ikalawang pagkakataon natuluan naman siya ng laway nito ngunit sa tainga naman. "Hayaan mo na ako," ang naisip niyang sabihin. "Gusto ko pang mabuhay." Sa nasabi niya tumawa ito nang malakas. "Nakatatawa ka bata. Hindi mo dapat na hilingin na mabuhay pa dahil mas lalong gugulo ang mundo niyo. Mas mabuting hindi mo na masaksihan iyon," turan pa nito bago siya nito hinawakan sa bunbunan kasabay ng pag-alis nito sa kaniyang likod. Dahan-dahan siya nitong iniangat. Napapangiwi na lang siya sa diin ng mga daliri nito, bumaon pa ang matulis nitong kuko. Tumulo sa kaniyang suot ang kumapit na dugo sa kaniya at bumalik sa sahig. Iniangat nito ang malayang kamay na nakatuwid ang matulis na daliri upang ibaon nito sa kaniyang dibdib. Hindi naman nito naituloy ang pagtarak ng kamay dahil sa binatang prinsipe na bumulusok mula sa ibabaw. Sa kamay nito ay isang espadang ginintuan ang hawakan. Sa bilis ng pagbulusok nito nakarating ito kaagad sa kanila ng matandang lalaki. Nagmadaling umatras ng talon ang matanda na may hawak sa kaniya upang makaiwas sa pagsugod ng binata. Naging dahilan iyon kaya nakaladkad siya nito, ang mga paa niya'y dumausdos kapagkuwan ay napaupo siya sa paghinto ng matanda. Sa punto ring iyon nakalapag na ang binatang prinsipe na winasiwas ang hawak na espada patungo sa kaliwa. Tiningnan pa nga siya nito nang sinubukan niyang alisin ang kamay ng matanda sa kaniyang ulo. Hindi pa rin niya nagawa ang bagay na iyon. Nang magkasalubong ang kanilang tingin ng binata prinsipe doon niya nasabi na hindi niya talaga maiintindihan ang takbo ng isipan nito kahit ano ang pilit niyang gawin. Maging ito ay nakatitig sa kaniya. Naalis lang nito ang atensiyon sa kaniya nang magsalita ang matanda. "Paanong nakasunod ka rito?" ang nasabi ng matandang lalaki. Ang isang kamay nito ay nakalublob sa baha ng dugo. Pinagmasdan ng binatang prinsipe nang tuwid ang matanda bago ito may nasabi. "Hindi mo na dapat tinatanong ang mga ganoong bagay." Nagtataglay iyon ng maowtoridad na tono lalo na't may buong pagmamalaki kung ito ay magsalita. "Hindi ako naniniwala sa iyo. Hindi madaling makapasok sa kawalan na ito para sa mga mortal. Sa palagay kay gumamit ka ng pandaraya." Tinuro nito ang dulo ng hawak sa espada sa matandang lalaki. "Ang katulad mo ang madalas na mandaya kaya huwag mo akong igaya sa iyo. Ibang-iba ako sa kahit na sino. Mabuti pang pakawalan mo na siya." "Bakit naman kita susundin?" mariin na sabi ng matanda sa binata. Bumitiw na lamang siya sa kamay ng matanda na hindi niya naman maalis. "Makinig ka sa kaniya. Huwag mo akong idamay," ang naisatanig niya para pakawalan na siya nito. "Tumahimik ka," anang matanda sa kaniya. "Pakawalan mo na ako," ang huling nasabi niya rito bago ito tumalon kapagkuwan paatras habang hawak pa rin siya upang makalayo sa binatang prinsipe at nang maangkin na nito ang kaniyang katawan. Naantala ang balak ng matanda dahil bago pa man ito makalapag matuling lumitaw sa ilalim ng kamay ng binatang prinsipe ang kadenang ginto. Inihagis iyon ni Dermot patungo sa kaniya, pumulupot ang dulo niyon sa kaniyang kanang paa. Hinila siya nito nang marahas na walang sabi-sabi kaya napakawalan siya ng matanda. Sa puwersa ng paghila tumilapon siya sa paanan nito na siya ring paglapag ng matanda sa mga kamay at paa nito mahigit sampung hakbang ang layo sa kaniya. "Ibalik mo siya sa akin kung ayaw mong pagsisihan mong nagtungo ka pa rito," singhal ng matands sabay umungol na naman. "Ibibigay ko siya sa iyo kung magagawa mong kunin siya sa akin," paghahamon naman ng binata. Ang inilabas nitong kadenang ginto ay naglaho katulad ng mga mumunting ilaw sa gabi. Sa narinig tiningnan niya ang binata. "Nasisiraan ka ba? Kita mong aangkinin niya ang katawan ko pagkatapos ibibigay mo ako. Hindi ba't sumunod ka rito para tulungan ako?" paalala niya kay Dermot nang tumayo siya sa kaniyang dalawang paa. "Hindi kita tinutulungan," saad ng binatang prinsipe nang sulyapan siya nito. "Kasalanan mo kaya ka nalagay sa sitwasyon na ganito." "Sa tingin mo ginusto ko?" Nagkasalubong ang kilay ng binatang prinsipe sa kaniya. Humugot pa ito nang malalim na hininga. "Umatras ka na lang," matigas nitong utos. "Nakagugulo ka lang." Humakbang ang binatang prinsipe patungo sa matandang lalaki na nakahanda na naman ang hawak na espada. Dahil dito naging alerto ang matanda lalo pa nitong ibinaba ang katawan, ang mga kamay at paa nito ay humugis ng parisukat. Hindi rin naman ito nakatiis kaya ito na ang sumugod sa binatang prinsipe. Samantalang si Dermot ay mabagal pa rin ang paghakbang na hindi umiiwas sa pagharap sa matanda. Sa pagtagpo ng dalawa tumalon ang matanda, ang binatang prinsipe naman ay inihampas nito ang espada. Sinalo ng matanda ang talim ng sandata gamit lamang ang kanang kamay nito. Kumalatong pa nga iyon dahil sa labis na diin ng pagkiskis. Nanatili pa ang matanda sa ere sa loob lamang ng ilang segundo, tinutulak ang espada para umatras ang binatang prinsipe na hindi naman nangyari. Sapagkat higit na lamang ang lakas ng binatang prinsipe kaya naitaboy nito ang matanda. Tumalbog ang matanda sa sahig kaya tumilamsik na naman ang dugo. Lumapit ito ng talon kapagkuwan sa kalapit na poste upang kumuha ng buwelo. Nakuha nitong gawin ngunit nakaharap pa rin ito ng binatang prinsipe. Mabilis na pinihit ni Dermot ang katawan kasabay ng paglipat nito sa anggulo ng espada. Itinarak nito iyon sa papasugod na matanda. Hindi nakaiwas ang matanda kaya natamaan ito sa kaliwang balikat na ikinaatungal nito nang malakas. Hindi nakuntento ang binatang prinsipe na ganoon lang dahil ibinaon pa nito lalo ang espada kasabay ng paghakbang. Lumusot sa likod ng matanda ang dulo bago iyon bumaon sa matigas na batong poste na siyang nagpatigil dito. Kumawag ang matanda na may kasamang pag-ungol sa panunuot ng sakit sa sugat nito sa balikat. Sinubukan nitong alisin ang pagkabaon ng espada na wala rin namang naging resulta, hindi pa rin ito makakakilos dahil doon. Umatras ang binatang prinsipe nang isang hakbang sa nakikita nitong paghihirap ng matanda. Nagpalabas ito ng panibagong espada mula sa manipis na hangin. Naging dahilan iyon para lumapit siya rito. "Ano bang gagawin mo?" ang mabilisan niyang tanong kay Dermot. Nilingon siya nito na matalim ang tingin. "Hindi ka na dapat nagtanong kung alam mo naman ang sagot," mariin pa nitong sabi sa kaniya. "Alam kong tatapusin mo ang demonyo pero hindi mo puwedeng basta na lang saktan ang katawan ng matanda. Hindi tama iyon kung ako ang tatanungin mo. Malay mo hindi talaga siya namatay kaya naangkin ng demonyo ang katawan niya." Sa lumabas sa kaniyang bibig kinuwelyuhan siya ng binatang prinsipe sabay lapit ng mukha nito sa kaniya. "Wala kang alam kaya tumahimik ka na lang kung ayaw mong masaktan," sambit nito. Sa lapit ng mukha niya rito naamoy niya ang hininga nitong hindi rin naman mabaho, mainit din iyon na dumampi sa kaniyang pisngi. Malakas siya nitong tinulak kaya bumagsak na naman siya sa sahig at napagulong. Natigil lang nang tumama ang likod niya sa poste. "Konektado na ang kaluluwa ng matanda sa demonyo kaya wala ng saysay kung bubuhayin pa siya. Mamamatay pa rin ang katawan ng matanda sa oras na umalis ang demonyo. Naintindihan mo?" "Paano ka nakakasigurado diyan?" banat niya naman sa binatang prinsipe sa kaniyang pagtayo. Inihawak niya ang kaliwang kamay sa poste upang kumuha ng suporta roon. "Hindi mo pa nga sinusubukang iligtas ang katawan niya." Lalo lamang sumama ang tingin nito sa kaniya. "Huwag kang magsalita na parang alam mo ang lahat ng nangyayari sa mundo." "Hindi ko kailangang malaman ang lahat dahil sa nakikita ko matutulungan mo pa siya." "Naghahanap ka talaga ng sakit sa katawan. Pinapakulo mo ang dugo ko," ang mariin na saad ni Dermot sa kaniya na binalewala niya lamang. Naputol ang pag-uusap nila dahil sa malakas na atungal ng matanda. Naginig ang katawan nito habang kumaluskos ang mga buto sa katawan. Sa mga kamay nito ay pumintig-pintig ang maitim na ugat na umabot hanggang sa leeg. Ang mga mata pa nito ay halos lumuwa na. Huminto rin naman iyon nang ngumanga ang matanda na nakatingala. Mula sa bibig nito ay matuling lumabas ang demonyong walang hugis na sumibad ng lipad paitaas. Hindi kumilos si Dermot at pinagmasdan lamang ang paglaho ng demonyo, humalo ito sa kadiliman sa ibabaw kaya hindi ito mapapansin. Lumupaypay ang katawan ng matanda sa pagbalik ng kulay ng kompleksiyon nito, iyon nga lang wala itong malay-tao. Inalis na lamang ni Dermot ang nakabaong espada sa balikat nito kaya bumagsak ito sa sahig. Hindi nito binigyang-pansin ang matanda at binaling ang buong atensiyon sa paligid. Siya na lamang ang lumapit sa walang-malay tao na matanda sa paghakbang ng binatang prinsipe. Nakuha pa nga siya nitong tingnan nang itinihaya niya ang matanda. Hinubad niya ang huling patong ng kaniyang suot sabay diin sa sugat, umasa siyang mababawasan niyon ang pagdurugo ng matanda kahit papaano hanggang sa makaalis sila sa lugar na iyon. Pinagmasdan niya si Dermot na nakatayo lang habang naghihintay na mayroong mangyari. "Puwede, pakibilisan. Kailangang madala sa manggagamot itong matanda Maraming dugo na ang nawala sa kaniya," aniya rito. Naunawaan naman nito kung ano ang gusto niyang sabihin. "Ano bang ginagawa mo? Kung magsalita ka kanina parang ikaw na ang pinakamalakas. Pagkatapos ngayon hindi mo naman mahanap iyong demonyo. Hanggang salita ka lang naman pala." Wala naman siyang balak na galitin pa ito lalo. Nais niya lang ipaalala rito ang naging ugali nito nang kumilos na ito. Sa inis ng binatang prinsipe sa kaniya inihagis nito ang isang espada na mas maliit patungo sa kaniya. Humaging iyon sa kanan ng kaniyang leeg at nadaplisan siya sa tainga bago iyon bumaon sa sahig. Naramdaman niya man ang pagkirot ng sugat hindi siya nagkaroon ng reaksiyon sa bagay na iyon. "Hindi ko gusto iyang tabas ng dila mo ngayon," ang nasabi nito sa kaniya bago nito binalik ang buong atensiyon sa pakikiramdam sa demonyo. Sa unti-unting pagkawala ng alingangaw ng atungal nagbalik ang katahimikan, maririnig pa ang pagpatak ng dugo na hindi malalaman kung saang bahagi ng kawalan nagmula. Imbis na magtungo sa ibabaw ang binatang prinsipe tumayo lamang ito habang inaangat ang kanang kamay sa tabi. Pumikit pa ito sandali kasunod ng paglabas ng mga iba't ibang matutulis na sandata sa bandang likuran lamang nito na puro ginintuan ang mga hawakan. Sa sobrang dami ng mga iyon hindi na nasundan ng kaniyang mga mata. Hindi rin naman nag-aksaya ng sandali ang binatang prinsipe, ibinaba na nito ang kanang kamay upang pakawalan ang mga sandata. Maya-maya nga ay nagsiliparan ang mga iyon patungo sa itaas kasingtulin ng liwanag, nagkalat sa iba't ibang direksiyon papasok sa kadiliman. Napatingala na lamang siya nang masaksihan ang paglipad ng mga sandata na mistulang naging mga talang umiindap. Hindi rin nagtagal narinig na lamang ang pag-atungal ng demonyo. Hinanap niya ang pinanggalingan niyon. Nalaman niya naman kung saan banda sapagkat nagpakita ang demonyo na bumaba sa poste, sinundan nito ang kahabaan niyon. Sa nangyari dito dinala ng binatang prinsipe ang mga sandata patungo sa demonyo. Nakaiiwas naman ang demonyo na matamaan pa kahit na sa walang hugis na anyo ito. Bumaon lamang ang mga sandata sa matigas na poste na ikinabasag niyon. Sunod-sunod na nahulog ang mga tibag ng bato sa baha ng dugo dahil doon. Nang ilang dipa na lamang ang layo ng demonyo sa binatang prinsipe umalis na ito sa poste na tuluyan na ngang nawasak, hinarap nito ang binatang prinsipe na nakahanda rin naman. Sa tulin ng demonyo kinain lang nito ang pagitang distansiya kaya nakalapit ito kaagad sa binatang prinsipe. Iniangat ng binatang prinsipe ang hawak na espada nang matagpas ang demonyo ngunit hindi nito inasahan ang sumunod na pangyayari. Maging siya ay hindi niya inasahan sapagkat nag-iba ng direksiyon ang demonyo, lumipad ito na ang tinutumbok ay kung saan siya nakatayo. Naintindihan niya nang sandaling iyon kung bakit nilisan ng demonyo ang katawan ng matanda dahil balak nitong kunin ang kaniya. Hindi na siya nakalayo pa ang nang balutin siya ng demonyo, nawala ang liwanag na taglay ng kawalan. Nakita pa nga niya si Dermot na papatakbo sa kaniya sa naiwang kaunting butas na nagsara rin naman. Pag-ikot niya ng kaniyang paningin purong kadiliman na lamang ang sumalubong sa kaniya, kahit ang mga kamay niya ay hindi niya makita. Naramdaman niya na lamang na nahihirapan na siyang huminga na sinundan ng pagpasok ng demonyo sa kaniyang bibig. Napahawak siya sa kaniyang lalamunan sa pagsikip niyon. Sa unti-unting pagsanib sa kaniya ng demonyo nawawala na ang kadiliman, nagbalik ang liwanag. Tuluyan siyang napaluhod nang makapasok ang demonyo nang buo-buo sa kaniyang katawan na siya ring pagkapit ng binatang prinsipe sa kaniyang kuwelyo. Sa kung ano mang balak ng binatang prinsipe kusang kumilos ang kaniyang mga kamay, nawalan siya ng kontrol dito. Tinulak niya ang binatang pronsipe kaya tumalsik ito papalayo. Hindi naman ito natumba dahil nakatayo pa rin naman ito kahit na nangyari iyon. Nang tingnan niya ito nabalot ang kaniyang mga mata ng itim, sinundan iyon ng init na naglakbay sa kaniyang buong kalamnan. Sa pagnginig ng kaniyang katawan naibaba niya ang kaniyang kamay sa sahig, maging ang kaniyang ulo ay marahas na kumawag-kawag na para bang matatanggal iyon sa kaniyang leeg. Nang balikan siya ni Dermot ang init na kaniyang nararamdaman ay naipon sa kaniyang tiyan. Kapagkuwan ay inilabas niya ang demonyong sumubok na sumanib sa kaniya. Dahil doon natigil ang binatang prinsipe upang pagmasdan ang pagsuka niya sa demonyo na naging maitim na likido. Hindi natigil ang pagsuka niya hanggang sa naalis ang demonyo sa kaniyang katawan. Sumalubong na lamang ang mga kilay ng binatang prinsipe habang nakatayo pa rin ito sa kaniyang harapan. Ang demonyo namang nagbago ang anyo ay humalo sa dugo kaya mahirap na naman itong hanapin. "Ano buong akala ko ay katapusan ko na," ang naisipan niyang sabihin kay Dermot. "Pinagloloko mo ba ako?" hirit pa nito. Naisip niyang nalalaman nitong nagpapanggap lamang siya. Pinahid niya ang kaniyang bibig gamit ang likod ng kaniyang kamay. "Ako na nga itong muntikan ng masaniban pagkatapos ganiyan ang sasabihin mo. Ano ang akala mo sa akin?" dagdag niya nang mas maging kapanipaniwala siya at maalis ang kung ano mang hinala nito sa kaniya na nabuo sa utak nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD