NAG-AAGAW na ang liwanag at dilim nang makarating sila sa pabilyon kung saan idinadaos ang hapunan na isinasagawa ng hari, matatagpuan iyon sa likuran lamang ng pangunahing gusali ng palasyo. Nagliliwanag na ang mga tulos na isinukbit sa itaas ng bawat poste ng pabilyon na siyang nagbibigay liwanag sa kabuuan niyon. Naroon sa malayong sulok mag-isang nakaupo ang hari habang naghihintay na hawak ang isang pergamino na dinala nito. Tumigil sila ilang hakbang ang layo sa hagdanan paakyat ng pabilyon kung saan nakatayo ang dalawang kawal dala ang mga matatalim na sibat.
"Umakyat ka na kamahalan. Dito lang ako maghihintay," ang nasabi ng kaniyang alalay na si Arnolfo.
Naitindihan niya naman kung bakit nasabi nito iyon sa paglingon niya rito. Hindi nga rin naman ito pinahihintulutan na umakyat sa pabilyon na iyon maliban na lang kung naimbitahan.
Hindi naman siya kaagad nakaakyat dahil sa pagdating ng isang kabayong katamtaman lang ang bilis ng takbo. Sakay niyon ang isang lalaking nakasuot ng pulang roba na sumasayaw sa hangin. Huminto ang kabayo malapit sa kaniyang kinatatayuan bago bumaba ang sakay niyon. Itinali ng bagong dating ang kabayo sa nakatayong kahoy sa tabi kalapit ng pader. Kapagkuwan ay naglakad na ito patungo sa kaniyang kinatatayuan. Inalis nito ang pagkasukbit ng sisidlang silindrino sa balikat at binitbit na lamang.
Napatigil siya sa paraan ng patitig nito sa kaniya sapagkat pakiwari niya ay dapat kilala niya ito. Hindi nga siya nagkamali na kakilala nito ang prinsipe sa pagsasalit nito nang tuluyan na itong makatayo sa harapan niya. Sa lapit na nito doon niya napansing higit na lamang ang edad nito sa kaniyang sariling edad.
"Mabuti naman at naisipan ko nang dumalo sa hapunan. Madalas mong idaing sa akin na hindi mo gustong nagpupunta rito," ang nasabi ng lalaki sa kaniya.
Hindi na naalis ang tingin nito sa kaniya. Naisip niyang dapat siyang gumanti sa sinabi nito kung kaya nga nilingon niya si Arnolfo upang humingi ng tulong dito.
"Sino siya? Siya ba iyong kamaganak ko?" ang bulong niya rito na ipinanghaharang ang isang kamay sa gilid ng kaniyang bibig. "Dapat ko ba siyang matandaan?"
Bahagya pang lumapit sa kaniya si Arnolfo para sumagot sa kaniya nang pabulong din. "Siya si Santi. Hindi siya iyong kadugo mo," pagbibigay-alam nito sa kaniya. "Siya ay isang lihim na tagasuri ng mahal na hari. Dati mo rin siyang guro."
Ibinaling niya ang atensiyon sa tagasuri matapos marinig ang pagkakilanlan nito mula sa kaniyang alalay. Bumuntonghininga siya nang malalim sa pag-iisip kung ano ang dapat niyang sabihin dito sa paghihintay nito sa kaniya na mayroong sabihin.
"Kumusta naman, Santi?" aniya na buo ang kompiyansa sa kaniyang sarili. Buo ang tiwala niya na hindi siya magkakamali sa pakikipag-usap dito. "Matagal tayong hindi nagkita."
Sa pagtitig niya rito bigla na lamang itong natawan nang mahina. Nakuha pa nitong takpan ang bibig ng kamao para pigilan iyon. Kumunot ang noo niya dahil ang alam niya ay wala namang nakatatawa sa sinabi niya.
Nalaman niya na lang na nagkamali nga siya sa muling pagbulong ni Arnolfo.
"Tawagin niyo siyang guro. Hindi lang sa pangalan niya," sabi ng kaniyang alalay.
Sinamaan niya ito ng tingin dahil hindi pa rin ito natigil sa pagtawa. Napansin din naman nito na naiinis na siya kaya tumigil na ito't ibinaba na lamang nito ang kamao pinangharang sa bibig.
"Pagpasensiyahan mo na ako. Nabigla lang akong makita ka rito ngayon," saad niya sa tagasuri. "Ano bang ginagawa mo rito?" dugtong niya nang magkaroon ng mapag-uusapan sa pagitan nilang dalawa.
"Mayroon lamang akong iaabot sa mahal na hari." Itinaas nito ang hawak na sisidlang silindrino para makita niya.
Napatitig din naman siya sa sisidlan na purong itim ang kulay."Ano naman iyan?" pag-usisa niya rito.
Gumuhit ang manipis na ngiti sa labi nito dahil sa naging katanungan niya. Gayunman kita pa rin naman ang mapuputi nitong mga ngipin.
"Hindi ko sasabihin sa iyo. Pero kapag nahulaan mo bibigyan kita ng isang kahilingan," paghahamon nito sa kaniya.
Wala siyang panahon para sundin ang sinabi nito. Liban pa roon wala siyang ideya sa laman niyon lalo na't doon niya lang naman ito nakita. Hindi naman nakatulong sa kaniya ang pagiging tagasuri nito nang malaman niya.
"Huwag na. Sigurado namang hindi ko mahuhulaan," tanggi niya sa balak nitong pagpapahula.
Hindi na naalis ang ngiti sa labi nito dahil lalong lumapad iyon sa patuloy nilang pag-uusap. "Ano ngang nagpabago sa isip mo't nagpunta ka rito?" ang tanong nito sa kaniya.
Hindi niya naman maintindihan kung bakit gusto nitong malaman iyon.
"Wala naman," simple niyang sabi. "Binago ko lang ang aking mga balak. Ganoon lang."
Tumango si Santi na para bang gusto nitong sabihin na naintindihan nito ang huling nasabi niya.
Pinagmasdan pa siya nito mula ulo hanggang paa. "Napapansin kong masigla ka na ngayon. Nagkakakulay na rin ang balat mo. Nakakain at nakatutulog ka na marahil nang maayos. Naiinom mo ba iyong ibinigay kong tsaa sa iyo?"
Sa naging tanong muli niyang ibinaling ang tingin sa kaniyang alalay.
"Nainom ko naman ba?" bulong niya rito habang nakatitig lamang ang tagasuri.
"Hindi mo ininom," paalala ng kaniyang alalay. "Itinapon mo iyong tsaa hindi pa man naabutan ng isang araw sa kamay mo."
Naisip niyang hindi mahilig uminom ng tsaa ang prinsipe kaya ganoon ang ginawa nito. Muli niyang ibinalik ang atensiyon sa tagasuri sa paghihintay nito ng sagot mula sa kaniya.
"Naubos ka naman, guro," pagsisinungaling niya rito. Hindi naman siya nahirapan dahil nga sa nasanay na siya.
"Kung ganoon padalhan na lang kita ulit ng bago. Mayroong bagong ani ang mga magulang ko," ang magiliw na saad ni Santi.
"Kahit hindi na," pagtanggi niya kahit wala namang problema sa kaniya na uminom ng tsaa.
"Dapat tanggapin mo na lang. Minsan na nga lang tayong magkita pagkatapos tatanggihan mo pa," sabi pa nito na mayroong bahid ng pagtatampo.
"Sige na. Tatanggapin ko kung naipala mo na," pahabol niya kaya muli itong ngumiti nang malapad.
Sa puntong iyon kararating lamang ni Dermot sakay pa rin sa palankwin na buhat ng apat na kalalakihan. Hindi naman nabaling ang tingin nila rito dahil sa patuloy nilang pag-uusap. Hindi niya rin naman gustong tingnan ang binatang prinsipe.
"Ano bang nangyari sa iyo't marumi ang suot mo?" puna nito sa kaniyang kasuotan. "
"Mayroon lamang kaming tinulungan na matandang lalaki sa daan. Hindi nakaalis iyong karwahe niyang puno ng uling dahil lumusot sa butas sa daan iyong gulong," pagkuwento niya naman dito.
"Ito isuot mo," sabi nito sa pag-alis nito sa tali ng pulang roba ng kasuotan nito kahit na hawak ang sisidlan. Hindi naman ito nahirapan para magawa iyon. "Hindi ka puwedeng humarap sa mahal na hari na ganiyang ang itsura mo dahil isa kang prinsipe." Nakaramdam siya ng asiwa sa balak nitong gawin na mahahalata sa mukha niyang kumukunot ang noo. "Kunin mo na. Huwag ka nang mahiya. Huwa mo na rin akong isipin."
"Ikaw ang bahal. Tutal ikaw na rin naman ang nagpresinta," pagpayag na lamang niya dahil tama rin naman ito sa mga nasabi. Isa nga rin naman siyang maharlika sa panahon na iyon.
Sa tuluyan nitong paghubad sa pulang roba ay siya ring pagbaba ni Dermot sa palankwin. Hinubad niya na rin ang kaniyang suot na berdeng roba na mayroong dumi sa balikat.
Nagpalitan silang dalawa ng hawak kasabay ng paglalakad ni Dermot patungo sa hagdanan ng pabilyon. Kitang-kita nito ang ginagawa nilang dalawa ng tagasuri.
Mabilisang isinuot ng tagasuri ang berdeng roba na hindi itinatali iyon. Kinain nito ang naiwang distansiya sa pagitan nila nang mayroon itong mapansin sa kaniyang mukha.
"Mayroon ka pang dumi sa pisngi." Pinahid nito ng kamay ang uling sa kaniyang pisngi na kaniyang ikinatigalal sa pagsuot niya sa pulang roba. Naramdaman niya ang unit ng palad nito sa kaniyang balat.
Ang binatang prinsipe naman na katatayo lamang sa simula ng hagdanan ay sumama ang tingin sa kanila.
Tiningnan niya ang kaniyang alalay dahil sa bagay na iyon. "Bakit hindi mo sinabi sa akin?" ang nasabi niya rito na hindi na pabulong nang itinali niya ang roba.
"Hindi ko napansin," ang nahihiyang sabi ni Arnolfo.
Hindi niya rin naman masyadong binigyang pansin iyon. Ibinalik niya na lamang ang buong atensiyon sa kausap.
"Umakyat na tayo," sabi nito nang itali na rin nito ang berdeng roba.
"Mauna ka na, guro," pagtulak niya naman dito.
"Sabay nito," suhestiyon nito't humarap na ito sa hagdanan. Doon lamang nito napagtanto na naroon si Dermot na hindi naalis ang sama ng mukha. "Magandang gabi sa inyo kamahalan," pagbati nito sa binatang prinsipe.
Binalewala lamang ni Dermot ang pagbati ng tagasuri sa tuluyan nitong pag-akyat sa hagdanan na mabibigat ang hakbang. Naihahatid na lamang niya ito ng tingin kapagkuwan ay binalik din naman kaagad sa tagasuri.
"Bakit si Dermot tinatawag mong kamahalan? Samantalang ako, hindi?" ang naitanong niya kay Santi. "Pareho lang naman kaming prinsipe.
Tiningnan niya ang kaniyang alalay para sabihin ditong aakyar na siya kaya ginalaw nito ang ulo para sabihin sa kaniyang nauunawaan nito.
Lumapit na nga siya nang hakbang sa hagdanan kasabay ng tagasuri.
"Nakalimutan mo atang hindi mo gustong tinatawag na kamahalan. Kaya pagdating sa akin hinayaan mo akong tawagin ka sa pangalan lang para makapagpahinga ang utak mo," paalala nito sa kaniya sa paghakbang nito sa unang baitang ng hagdanan.
"Oo nga pala. Buti pinaalala mo," pagbawi niya nang hindi siya mapaghalataan na hindi siya ang prinsipeng kilala nito. "Nakalimutan ko sa mga nangyari sa akin nitong mga nakaraang araw."
"Ano bang nangyari sa iyo?" pag-usisa naman nito.
"Huwag mo na lang itanong," aniya sa pagtuloy-tuloy nila sa pag-akyat sa hagdanan na yumayangitngit sa pinagsamang bigat nilang dalawa.
Sa ikli ng hagdan nakarating sila sa pabilyon kung inihanda ang anim na parisukat na mababang mesa sa dalawang hanay. Nakalagay sa mga mesa ang mga nilutong pagkain, lima sa mga iyon ang walang taing nakaupo. Sa dulo ng mga niyon nakapuwesto ang pinuno ng palasyo na mayroong sariling mesa na abala pa rin sa pagsusuri ng pergamino. Nakaupo sa malapit na mesa sa gawing kanan ng hari ang binatang prinsipe na masama pa rin ang mukha. Hindi na niya pinagtakhan na ganoon naman ang itsura nito dahil madalas naman itong galit.
Kailangan pa nilang maglakad ni Santi nang dalawang dipa bago nakarating sa hanay ng mesa. Pagkaraa'y nagtuloy-tuloy silq ng lakad na wala nang lumalabas sa kanilang mga bibiga sa gawing kaliwa naman ng hari. Pagkalapit nila sa pinuno naupo siya sa mesang paharap sa binatang prinsipe. Samantalang ang tagasuri ay dumiretso sa hari't tahimik na naghintay.
Pinagtagpo niya ang kaniyang mga paa nang makaupo siya sa sahig nang maayos.
"Hindi ka dapat diyan maupo. Hindi iyan ang puwesto mo," sita sa kaniya ni Dermot na mayroong diin sa bawat salita.
Nais talaga nitong ipamukhang nagkamali siya't hindi tamang nangyayari iyon.
Hindi na rin naman siya nakapagsalita dahil ang hari na ang gumawa niyon. "Hayaan mo na siya. Wala na rin namang ibang darating," pagbibigay-alam ng hari sa kanilang nang itiklop nito ang pergamino.
Itinabi nito kapagkuwan ang pergamino at tinanggap ang ibibigay ni Santi na sisidlan.
Pinagmasdan niya ang binatang prinsipe na sinalubong din naman ang tingin niya. Itinuro niya ang kaniyang daliri paitaas sabay dikit sa kaniyang noo nang hindi iyon masyadong halata. Lalo lamang sumama ang tingin nito sa kaniya dahil sa bagay na iyon. Ibinaba niya lamang ang kamay niya sa pagsasalita ng tagasuri.
"Nakasulat na riyan ang mga pangalan ng taong dapat niyong bantayan kamahalan," ang nasabi ni Santi.
Binuksan ng hari ang sisidlan at inilabas ang laman niyon ang papel na kinasusulatan ng mga pangalan ng tao. Matapos niyon binitiwan nito ang sisidlan upang buklatin ang nakarolyong papel. Pinakatitigan ng hari ang papel habang binubuksan nito iyon kasabay ng pagsalubong ng dalawa nitong makakapal na kilay. Nang makuntento ito muli nitong nirolyo ang papel kapagkuwan ay binalik sa sisidlan.
"Mabuti naman nakuha mo ang mga pangalan. Makatutulong siya nang malaki," ang naisatinig ng hari sa pagsara nito ng sisidlan. "Maupo ka na rin nang makakain ka na rin ng hapunan."
"Huwag na kamahalan," pagtanggi ni Santi.
"Hindi ako humihiling sa iyo. Inuutusan kita. Masasayang lang iyang mga pagkaing inihanda kung wala namang kakain.
"Masusunod," tugon na lamang ng tagasuri.
Umalis ito sa tabi ng hari't humakbang patungo sa bakanteng mesa kasunod lamang ng kinauupuan niya.
"Kumain ka nang marami para mabusog ka," ang naisipan niyang sabihin sa tagasuri.
"Ikaw dapat ang kumain nang marami kamahalan. Nangangayat ka," sabi naman nito kaya pinangliitan niya ito ng tingin.
"Akala ko ba'y hindi mo na ako tinatawag nang ganoon," aniya rito.
Inihilig nito nang bahagya ang katawan palapit sa kaniya. "Kaharap natin ang hari at si Prinsipe Dermot. Baka maparusahan ako kapag tinawag lang kita sa pangalan mo," ang naibulong nito na naintindihan niya rin naman kaagad.
Hindi na nasundan ang sasabihin nito sa pagsingit ng hari sa kanilang usapan.
"Hindi ba sapat ang pagkaing napupunta sa tirahan mo Nikolai kaya kaunti lang ang nakakain mo na siyang naging dahilan ng pangangayat mo," ang nasabi ng hari sa kaniya nang ibaling nito ang tingin sa kaniya.
Pinagmasdan niya ito nang mataman, sinalubong ang mapanuri nitong mga mata. "Kumakain na ako nang mabuti ngayon," saad niya sabay hinawakan na ang kutsara kumain ng kanin na sinundan niya ng karneng inihaw maliliit ang hiwa. Sinunod-sunod niya dahil sa nararamdamang gutom.
"Maganda nga iyang ginagawa mo dahil madalas ka nang nasa labas ng tinitirahan mo. Huwag ka na rin kasing masyadong magmukmok," sabi naman ng hari napatitig sa kaniyang pagnguya na puno ang bibig.
Panandalian siyang natigil sa pagnguya sa sumunod na sinabi ng tagasuri. "Hindi akmang nauuna kang kumain. Dapat hinintay mo ang hari na makasubo ng kahit isa bago ka sumunod," paalala sa kaniya nito.
Mabilisan siyang uminom ng sabaw na nakasilid sa mangkok para lamang hindi siya mabulunan.
"Pasensiya na, kamahalan," aniya sa mahal na hari.
"Huwag kang mag-alala. Puwede ka namang kumain na hindi ako iniisip," sabi naman ng hari sa kaniya kaya pinagpatuloy niya na lamang ang pagkain.
Natuwa rin naman siya sa sinabi nito. "Kumain ka na rin," sabi niya pa sa tagasuri. Atubili itong sumunod sa kaniya ngunit kumilos pa rin naman nang makitang sumubo na rin ang hari. Ibinaling niya ang atensiyon sa hari. "Bakit nga ba hindi natuloy ang pagpunta rito ni Inay?" aniya sa mahal na hari.
"Hindi maganda ang pakiramdam niya," tugon naman ng hari sa paghigop nito sa sabaw na nasa mangkok.
"Sayang naman. Minsanan ko na nga lang siya makita. Hindi pa siya natuloy. Iyon ba talaga ang dahilan? O baka dahil sa akin," ang naisip niyang sabihin.
"Bakit mo naiisip na dahil sa iyo?" pag-usisa naman ng hari sa kaniya.
"Dahil kinamumuhian niya ako," ang nasabi niya nagpatahimik sa hari. "Tanggap ko na rin naman na iba ang pakikitungo niya sa akin. Gusto ko lang talaga siyang makita kahit papaano."
"Kakausapin ko siya para makabisita ka sa kaniya," saad ng pinuno na ikinatuwa niya nang tunay.
Nabitiwan niya ang hawak na kutsara't lumuhod sa tabi nito kapagkuwan nagbigay galang dito. "Maraming salamat kamahalan. Hindi ko makakalimutan ang balak niyong pakikipag-usap sa kaniya. Tatanawin ko itong malaking utang na loob. Kaya kung kakailanganin mo ng tulong ko sabihan mo lang ako. Pupuntahan kita kaagad," ang mabilis niyang sabi pananatili niyang nakayuko.
"Hindi mo kailangang gawin iyan. Bumalik ka na roon sa mesa mo," utos sa kaniya ng hari na sinunod niya rin naman. "Ano bang nakain mo't masyado kang masigla?"
Pinagtagpo niya ang kaniyang mga paa sa kaniyang pagbalik sa pag-upo. "Wala naman. Ngayon pa lang ako kumain," aniya sa hari nang muli niyang hawakan ang kutsara. "Natuwa lang ako sa nasabi mo."
Ngumiti ang hari sa kaniya't iniba na ang usapan kasabay ng lalong pagdilim ng paligid. "Ano bang nangyari sa inyo sa pagpunta niyo sa baryo?" ang naitanong ng hari sa kanila ni Dermot.
Hindi natuloy ang balak pagsasalita ni Dermot dahil naunahan niya na ito. "Mayroon isang demonyong kaya gumawa ng ilusyon ang nagpunta sa baryo. Sa simula akala namin ay mababang uri lang ng demonyo ang naroon. Pero nagkamali kami dahil nga roon sa sumanib doon sa matanda. Hindi rin naman namin naalis ang demonyo kaya nakatakas pa rin siya," pagkuwento niya na hindi binibigyan ng pagkakataon ang binatang prinsipe.
Sa nagawa niya hindi na naalis ang sama ng tingin sa kaniya ni Dermot.
"Hindi ko na nagugustuhan ang nangyayari," ang naisatinig ng hari.
Sa balak niyang pagsasalita inunahan naman siya ni Dermot. Kinagat niya na lang ang kutsara sa pakikinig nila rito. "Kaya dapat ama magpakalat ka ng mga manggagaway. Pero kailangang palihim mong gawin dahil siguradong nagmamatyag iyong taong tumulong sa demonyo," ang sabi ni Dermot na buo ang kompiyansa.
Hindi rin naman nagkakamali ang binatang prinsipe sa bagay na iyon dahil hindi nga naman makapupunta sa mundong ibabaw ang isang nilalang kung walang tumulong dito.
"Iyan nga ang dapat kung gawin. Pero kailangan ko pa ring pag-isipan nang walang ibang maapektuhan," ang nasabi na lamang ng hari kapagkuwan ay nag-isip ito nang malalim kaya natigil sa pagkain.
Nabaling ang atensiyon niya sa tagasuri nang mayroon itong nasabi sa kaniya.
"Lumalabas ka para tumulong sa pagpuksa ng mga nilalang? Tama ba ang naririnig ko?" paniniguro nito sa kaniya na sinagot niya naman ng isang tango. "Paanong nangyari iyon? Mapapahamak ka sa ginagawa mong pagsama sa mahal na prinsipe."
"Kahit saan naman ako magpunta mayroon pa rin namang naghihintay na kapahamakan sa akin," ang makatotohanan niyang sabi.
"Akala ko ba ay natatakot ka sa mga ganoong bagay."
"Hindi na ngayon. Nagbago na ako mula nang mahulog ako sa bangin," simple niyang sabi na para bang hindi iyon isang masamang balita.
"Ano? Paanong nahulog ka sa bangin?" ang nagtatakang tanong sa kaniya ni Santi. Hindi na ito nakakain nang maayos dahil sa pakikipag-usap sa kaniya.
"Hindi ko alam. Wala akong maalala. Mayroon sigurong tumulak sa akin," sabi na lamang niya nang matigil na ito sa katatanong sa kaniya.
Naputol saglit ang kanilang pag-uusap dahil sa hari. "Kaya nga kita pinapunta rito Santi dahil sa bagay na iyon. Alamin mo ang mga nangyari sa Ilaya. Isama mo na rin ang pagimbestiga kina Urtun," ang nasabi ng hari.
"Ano naman ang ginawa ni Urtun at kailangan ko siyang bantayan?" pag-usisa ng tagasuri na nakatutok na ang tingin sa pinuno.
"Sinubukan niya lang namang dukutin si Nikolai. Pakiramdam ko ay mayroong koneksiyon ang pagdukot sa kaniya't pagkawala ng kaniyang alaala."
"Ano ang ibig niyong sabihin na nawalang alaala?" ang sumunod na tanong ni Santi na hindi rin naman napagod na sagutin ng hari.
"Katulad ng narinig mo nawala ang alaala ni Nikolai matapos siyang magising sa ibaba ng bangin," pagbibigay-alam ng hari.
Sa narinig ng tagasuri pinagmasdan siya nito na puno ng pag-alala ang mga mata. "Bakit hindi mo sinabi sa akin na mayroon nangyari sa iyo? Nagpanggap ka pa kanina na natatandaan mo ako." Nakuha pa siya nitong hawakan sa kaniyang kamay. Napapatingin siya sa roon lalo na't pinisil-pisil pa nito. "Puwede mo namang sabihin sa akin ang lahat. Mapagkakatiwalaan mo naman ako."
"Tatandaan ko iyang sinabi mo," aniya nang bawiin niya ang kaniyang kamay mula sa tagasuri.
Nabaling ang tingin nila sa binatang prinsipe nang bigla na lamang nitong binagsak ang mangkok matapos uminom ng sabaw. Sa ginawa nito nabasag ang mangkok sa ibabaw ng mesa.
"Ano ang problema Dermot?" ang nag-aalalang tanong ng hari. "Hindi ba maganda ang pakiramdam mo?"
"Dumulas lang ang mangkok sa kamay ko." Tumayo ito mula sa pagkaupo kahit hindi pa natatapos sa pagkain. "Magpapahangin lang ako."
Umalis nga ng mesa ang binatang prinsipe. Naiwan silang hinahatid ito ng tingin sa paglalakad nito patungo sa hagdanan. Hindi niya inalis ang tingin sa binatang prinsipe hanggang sa makababa na ito.
Binalot sila ng katahimikan sa pag-alis ng binatang prinsipe na muling nabasag sa pagsasalita ng hari.
"Naalala niya naman marahil ang nawala niyang ina. Namatay kasi ang kaniyang ina dahil sa parehong tribung pinanggalingan ni Urtun," ang nasabi sa kanila ng hari. Mahahalata rin sa tinig nito ang lungkot kaya nasabi niyang ang ina nga ni Dermot ang tinatangi nito at hindi ang reyna sa kahariang iyon.
Nakaramdam din naman siya ng lungkot para sa binatang prinsipe dahil alam niya kung gaano kasakit mawalan ng magulang. Bago pa siya makapag-isip kusa na lamang gumalaw ang kaniyang mga paa't lumakad na siya patungo sa hagdanan. Iniwan niya ang dalawa sa mga mesa na puno ng pagtataka ang mga mukha.
"Saan ka pupunta Nikolai?" ang naitanong sa kaniya na hari narinig niya lamang sa pagkatalikod niya rito.
"Susundan ko lang si Dermot," pagbibigay alam niya na hindi humihinto.
Sa pag-uunahan ng kaniyang mga paa mabilis siyang nakalapit sa hagdanan. Sa pagbaba niyon hinahanap ng kaniyang mga mata si Dermot na hindi na rin niya naabutan. Nilapitan niya na lamang ang kaniyang alalay na si Arnolfo na tahimik lamang na naghihintay sa harapan ng pabilyon.
"Uuwi na kayo kamahalan?" ang naitanong nito sa kaniya.
Iniling niya ang kaniyang ulo para sa naging katanungan nito. "Hindi pa," saad niya pa. "Balak kong sundan si Dermot. Nakita mo ba kung saan siya pumunta?" aniya rito.
Ngumiti ito nang manipis dahil sa narinig mula sa kaniya.
"Naroon siya," sabi nito na itinuturo ang gilid ng pabilyon kung saan naroon ang makakapal na mataas na halaman.
"Ano ang nginingiti mo diyan?" aniya kaya mabilisan nitong inalis ang ngiti sa labi.
Hindi na lamang niya binigyang pansin pa ang naging ngiti ng kaniyang alalay. Imbis pagalitan pa ito lumakad na lamang siya sa itinuro nitong direksiyon. Hindi naman siya lumusot sa mga halaman para makalampas doon. Dumaan lamang siya sa gilid niyon na iniikot ang mga mata. Nang tumama ang mata niya sa puno kung saan nagkatipon ang mga alitaptap na mistulang mga tala sa lupa tumigil na siya sa paglingon. Tumuloy siya sa kinatatayuan ng puno't nahanap niya nga roon ang binatang prinsipe na nakatingin sa bilog na buwan. Hindi pa man siya nakakalapit sa likuran nito napalingon kaagad ito sa kaniya na masama ang tingin.
"Bakit mo na naman ako sinundan?" ang mariing sabi nito sa kaniya nang makalapit na nga siya sa kinatatayuan nito.
Itinaas niya ang kaliwang kamay para pigilan ito sa iba pa nitong sasabihin sa kaniya.
"Huwag ka ngang magalit diyan." Ibinaba niya ang kaniyang itinaas na kamay. "Naisip ko lang na hindi maganda ang pakiramdam mo. Inaalala lang kita. Alam mo kasi alam ko iyong pakiramdam na mawalan ng magulang."
Nagsalubong ang dalawang kilay nito sa naging paluwang niya rito. "Ano naman iyang pinagsasabi mo?" iritable nitong sabi sa kaniya. Ibinalik na lamang nito ang tingin sa bilog na buwan.
Tumayo siya sa kanan nito sa hindi nito pagtaboy sa kaniya na ang ibig sabihin sa kaniya ay wala ritong problema na makipag-usap siya rito nang mga sandaling iyon.
Ipinako niya rin ang kaniyang tingin sa bilog na buwan.
"Narito ako para maging kausap mo. Hindi naman masamang alalahanin ang masasakit na nakaraan kahit na iyong pagkamatay ng ating mga mahal sa buhay. Pero kapag ganoon kailangan mo ng taong makakausap na maiintindihan ang nararamdaman mo. Parang tayong dalawa, alam ko iyong pakiramdam na mawalan."
"Buhay pa ang magulang mo pero pinapatay mo na," ang nasabi sa kaniya ng binatang prinsipe.
Sa narinig napatitig siya rito. "Buhay pa pati ang ama ko? Hindi ko naisip na posibleng buhay pa nga siya," wika niya kay Dermot.
"Napasukan ka na nga talaga nang masamang hangin."
Binalewala niya lamang ang naging komento nito sa kaniya. "Huwag mong sabihing ama ko rin talaga ang mahal na hari?" sabi niya kaagad nang sumagi sa kaniyang isipan ang bagay na iyon. "Ibig sabihin niyon magkapatid talaga tayo?"
"Kung magiging kapatid lang naman kita. Hindi bale na lang. Mas gugustuhin ko pang nag-iisa lang akong anak."
"Hindi rin kita gustong maging kapatid. Lalo lang akong mahihirapang intindihin ka. Iba ang takbo ng isipan mo."
Sinamaan siya nito nang tingin paglingon nito sa kaniya. "Masuwerte pa rin ako na hindi kita kadugo. Sumasakit din ang ulo ko sa iyo. Akala mo ikaw lang," hirit naman nito pabalik sa kaniya.
Pinalusot niya sa dalawa niyang tainga ang mga nasabi nito. "Sino nga ang ama ko? Sabi sa akin anak ako sa ibang lalaki ng mahal na reyna."
"Walang ibang nakakaalam kung sino maliban sa mahal na reyna at kay ama," pagbibigay-alam nito sa kaniya.
"Ngayong nasabi mo iyan puwede kong hanapin kung sino ang ama ko." Humawak siya sa kaniyang baba habang nag-iisip. "Makita ko lang ang mukha ng ama ko makikilala ko na siya kung hindi ako nagkakamali ng akala."
"Gaano ka naman kasigurado samantalang sanggol pa lang hindi ka na nakita ng ama mo?" paniniguro sa kaniya ng binatang prinsipe.
"Alam ko lang. Nararamdaman ko," aniya sabay iba ng usapan. "Ikaw ba, maganda na ba ang pakiramdam mo? Hindi ka na ba nalulungkot sa pag-alala sa ina mo?"
"Sino naman ang may sabi sa iyo na dahil sa namatay kung ina kaya ako nagpunta rito?" ang naiinis nitong sabi sa kaniya.
"Akala ko naman iyon talaga. Iyon din ang naisip ng mahal na hari. May iba ka pa lang problema. Ano naman? Puwede mong sabihin sa akin."
Imbis sa sagutin siya nito kaagad iniwan lumakad na ito't iniwan siyang nakatayo sa dakong iyon ng palasyo.
"Ikaw ang problema ko," ang naisatinig ni Dermot sa paglayo nito sa kaniya.
Humabol naman siya ng hakbang dahil sa narinig. "Ano ang ibig mong sabihin mo roon?"
Hindi na rin naman siya kinausap pa ng binatang prinsipe sa kanilang paglalakad kahit hanggang sa makabalik sila sa harapan ng pabilyon wala nang lumabas sa bibig nito. Nang sandaling ding iyon paibaba na ng hagdanan ang tagasuri na nakalagay ang mga kamay sa likuran.
"Pauwi na ako kamahalan," sabi nito kaagad ni Santi kahit wala pa ito sa katapusan ng hagdanan. "Ihatid ko na kayo sa inyo."
Sa pangungumbinsi ng tagasuri sumama na naman ang mukha ng binatang prinsipe na hindi gaanong halata dahil sa kaunting liwanag ng tulos na tumama sa kanila.
"Naglakad lang kami," pagbibigay-alam niya sa tagasuri sa pagtigil niya sa paghakbang.
"Mas mainam ngang maihatid ko kayo kung maglalakad lang din kayo pabalik. Sige na para makapag-usap pa tayo habang nasa daan." Tuluyan na itong nakababa sa hagdanan kaya nakaharap na niya ito.
"Ikaw ang bahala. Magpapaalam lang ako sa mahal na hari," aniya sa tagasuri't umakyat ng hagdanan. Naiwan ang binatang prinsipe at ang tagasuri na nagkakasabukan sa pamamagitan ngn tingin. Pagkaakyat niya sa itaas ng hagdanan tinawag niya ang pansin ng pinuno na abala na naman sa hawak na papel na dinala ng tagasuri. "Uuwi na kami!" ang sigaw niya rito.
Naingat ng hari ang tingin patungo sa kaniya dahil sa pagkagulat. Nakuha niya pa ngang ikaway ang mga kamay kaya tumango na ang hari indikasyon na maaari na siyang umalis. Matapos niyon muli nga siyang bumaba ng hagdanan kapagkuwan ay nilapitan ang kaniyang alalay na si Arnolfo at ang tagasuri na si Santi na hawak na sa tali ang kabayo.
"Hindi ka dapat sumisigaw lalo na kung nariyan ang mahal na hari," paalala sa kaniya ng binatang prinsipe.
"Huwag ka namang masyadong mahigpit sa kaniya. Nawala na nga siya ng alala. Siyempre hindi niya matatandaan ang mga tuntuin ng kabutihang-asal dito sa palasyo," pagtatanggol naman sa kaniya ng tagasuri kay Dermot kapagkuwan ay binaling ang tingin sa kaniya. "Lumakad na tayo," dugtong nito habang hila ang puting kabayo.
Hindi naman sila kaagad nakaalis dahil sa biglang pagsasalita ni Dermot.
"Sasabay na ako sa inyo sa paglalakad," anang binatang prinsipe kaya napatitig siya sa mukha nito.