ANG BUONG akala niya ay nagpaalam na siya sa mundong ibabaw ngunit naririnig niya pa ang kaniyang paghinga. Ramdam niya ang pagtibok ng puso ng kaniyang dibdib. Liban sa bagay na mga iyon isang nakapupunit na kirot ang pumipintig sa likuran ng kaniyang ulo. Sa kaniyang tainga naman ay nagsusumiksik ang mumunting huni ng mga kulisap.
Hindi niya malaman kung paanong buong-buo naman ang kaniyang katawan, wala siyang natamong pagkasunog sa kaniyang balat.
Pagmulat niya ng kaniyang mata matarik na bangin ang sumalubong sa kaniya, hindi niya makita ang tuktok niyon dahil sa dilim. Sa kalangitan ay tahimik na kumikinang ang mga estrelya.
Natatandaan niyang tumalon siya patungo sa tubig ngunit hindi naman siya napapaligiran niyon, tanging mabatong lupa lamang ang nakapaikot sa kaniya. Sa palagay niya ay napunta siya sa ibang lugar na hindi niya alam ang dahilan, wala nga siyang ideya kung paanong napunta siya roon.
Bumangon siya mula sa pagkahiga sapo ang nanakit na ulo, naramdaman niyang basa iyon nang bahagya. Nang tingnan niya ang kaniyang kamay nakitaan niya iyon ng dugo kaya muli niyang kinapa ang likuran ng kaniyang ulo. Wala naman siyang naramdamang sugat, maging ang kirot ay unti-unti na ring nawala. Ibinaba niya na lamang ang kaniyang kamay habang pinagmamasdan ang mabatong lupa na kaniyang kinatatayuan, hinanap ng kaniyang mga mata ang medalyon na kaniyang hawak ngunit hindi na niya iyon nakita pa, mahahalata sa inalisan niya ang bumahang dugo mula sa ulo niya na kaniya namang pinagtaka. Dapat nga ay patay na nga siya ngunit nabubuhay pa rin siya nang mga sandaling iyon. Sigurado rin naman siyang hindi isang panaginip iyon.
Habang nagtatanong ang kaniyang balintataw kung nasaan siya iniikot niya ang kaniyang paningin para maghanap ng ano mang bagay na magsasabi ng kaniyang kinalalagyan. Ngunit tanging mga matatayog na punong kahoy lamang ang naroon. Napabuntong-hininga siya nang malalim nang mapagtanto niyang nasa loob siya ng kagubatan.
Sa kaniyang paghakbang doon niya lamang napansin na iba ang kaniyang kasuotan. Hindi niya matandaan na isinuot niya ang makapal na mahabang damit na tatlong patong, puti ang pangloob niyon habang kulay asul naman ang panglabas. Nakikita niya lamang ang tradisyonal na damit sa mga palabas, libro at lumang litrato. Muli na naman niyang tinanong kung paanong nangyari iyon. Wala siyang ibang maisip kundi marahil iniligtas siya ng binatang natatakpan ang mukha ng puting maskara at pinalitan ang kaniyang damit matapos mabasa ng dagat ngunit ang tanong niya ay nasaan na ang taong iyon. Basta na lamang siya iniwan sa lugar na iyon habang hindi pa nagigising.
Hindi niya naman malaman kung saan siya pupunta kaya naglakad lang siya nang walang direksiyon. Hindi pa man siya nakararami ng hakbang nagliparan ang mga alitaptap mula sa natatapakan niyang matataas na damo. Ang liwanag ng alitaptap ang nagbigay ng daan sa kaniya kaya naaninag niya ang dinaraanan sa pagitan ng mga nakapaligid sa kaniyang mga punong kahoy.
Huminto lamang siya nang makita niya ang apoy na gawa naman ng siga sa hindi kalayuan. Kapansin-pansin ang siga lalo na nga at nabalot ng kadiliman ang kakahuyan, wala ring ibang bagay na gumagawa ng apoy kaya dito lamang napako ang kaniyang mga mata. Ang liwanag na pinapakawalan niyon ang siyang nagbibigay ng manilaw-nilaw na pamumula sa kalapit na puno't halaman. Isang indikasyon na naroon ang ibang tao maliban sa kaniya, hindi malayong ito ay ang binatang naisip niyang tumulong sa kaniya.
Ang paglalakad niyang walang direksiyon ay nagkaroon nga ng patutunguhan. Hindi niya inalis sa sarili na bigyan pansin ang nadadaanan sa paglapit niya sa siga. Makailang ulit niyang tiningnan ang mga punong kahoy na sobrang dami ang iba na ay magkakadikit na para bang mga kambal-tuko, hindi mahihiwalay kahit na dumating ang masamang panahon. Sa malayo pa lang hindi niya naiwasang pagmasdan ang lumilipad na mumunting baga na nanggagaling sa siga, nadala iyon ng init paitaas bago nawala.
Sa unti-unti niyang paglapit ang una niyang napansin ay ang kabayo sa gawing kaliwa. Bihira na siyang makakita ng kabayo liban na lang kung magtutungo siya sa ibang bansa. Nakatali ang kabayong itim sa isa mga puno ilang dipa ang layo mula sa siga. Huminto siya sa paglapit nang walang makitang tao roon, dahil dito nagtago siya sa likod ng puno na kalapit lang ng siga para makasigurado, pinagpahinga niya ang kanang kamay sa magaspang na katawan ng puno. Hindi niya inalis ang katotohanang naghihintay lang sa dilim ang gumawa ng siga. Naging mas malinaw sa kaniyang pangdinig ang huni ng mga kulisap sa hindi niya paggalaw. Wala namang espesyal sa pagkakataong iyon kaya walang mga gamit sa lupa maliban sa nakasukbit sa puwetan ng kabayo. Ngunit lumipas lang ang sandali na wala namang bumalik sa siga.
Inalis niya ang kanang kamay sa puno't nang aakma na siyang maglalakad patungo sa siga naramdaman niya na lamang ang malamig na talim ng espada sa kaniyang leeg mula sa kaniyang likuran. Bago pa man makapagsalita ang tao sa kaniyang likuran lumayo siya sa talim ng espada kapagkuwan ay nanakbo palayo rito, iniwan niya ito sa dilim. Sa ginawa niya nakita na ang kaniyang kabuuan sa pagtama ng liwanag ng apoy sa buo niyang katawan.
Sinundan iyon ng pagsasalita ng taong may hawak sa espada. "Ano na naman ba ang ginagawa mo rito?" mariing tanong ng binata sa malalim at malamig nitong boses.
Sa narinig napahinto siya sa pagtakbo dahil pakiwari niya ay kilala siya ng nagsalita. Hindi nga rin naman magiging ganoon ang tanong nito kung hindi. Hindi rin mapakali ang puso sa kaniyang dibdib matapos ngang marinig ang boses nito, masyadong mabilis ang pagtibok niyon na hindi niya maintindihan kung bakit.
Unti-unti siyang lumingon sa nagsalita't sumalubong sa kaniya ang binatang nakasuot ng tradisyonal na kasuotan --- kulay pulang panglabas at puting pangloob.
Ibinaba nito ang hawak na espada sa paglalakad nito palapit sa apoy, ang bawat paghakbang nito ay mayroong kasiguraduhan. Kapansin-pansin ang makapal nitong kilay na siyang lumililim sa mapanuri nitong mga mata. Hindi rin magpapahuli ang matangos nitong ilong na prominenteng nakatayo sa itaas ng namulamula nitong mga labi.
Hindi ito kumilos matapos tumayo sa tabi lamang ng siga. Matalim ang tingin nito sa kaniya habang naghihintay sa sasabihin niya kaya napapatitig siya sa mukha nito. Buo ang pakiramdam niya na kailangan niyang magsalita kaya ginawa nga niya.
"Ikaw ba ang nagdala sa akin dito?" tanong niya rito.
Imbis na sagutin nito ng direkta ang naging katanungan niya lalo lamang sumama ang tingin nito.
"Napapagod na ako sa laro mo. Hindi ka ba nagsasawa?" Ibinalik nito ang hawak na espada sa kaluban niyon na hawak nito sa kaliwang kamay, gumawa ng matinis na ingay ang pagkiskis ng talim sa bibig niyon.
"Anong ibig mong sabihin?"
Humugot ito nang malalim na hininga na mahahalata sa pagtaas ng mga balikat nito.
"Bakit ka naman ba sumunod dito? Tumigil ka na sa kabubuntot mo sa akin," saad ng binata na puno pa rin ng pait.
Naikumyos niya ang kamao dahil sa inis na hindi niya alam kung anong pinanggagalingan. "Anong pinagsasabi mo? Hindi nga kita kilala. Bakit naman kita susundan?" ang sunod-sunod niyang sabi. "Iyong tanong ko na lang kaya ang sagutin mo para maging malinaw sa akin ang mga nangyayari."
Pinagmasdan siya nito nang tuwid na nagsasabing hindi ito masaya sa mga nasabi niya.
"Nagpapanggap ka pa para mayroon kang idadahilan sa akin. Nasisiraan ka ba talaga ng ulo?" Humihigpit ang kapit nito sa kaluban na kung hindi nito mapigilan ang galit pihadong matatamaan siya rito.
"Sandali nga." Itinaas niya ang kanang kamay dito para pigilan ang iba pa nitong sasabihin. Hindi na naalis ang talim sa tingin nito dahil nadagdagan pa iyon. Hindi nito inasahan na magagawa niya iyon. "Kilala mo ba ako kaya ganiyan ka kung magsalita?" aniya nang ibaba niya ang kanang kamay. Siya naman ang naghintay sa magiging sagot nito ngunit wala rin naman siyang nakuha. Nanahimik na lamang ito habang nag-iisip. "Magsalita ka kaya diyan."
Binigyan niya ito ng pagkakataon para sagutin siya kaya lang hindi naman nangyari. Napagdesisyunan niya na lamang na umalis na lamang dahil wala rin naman siyang makukuha sa binata. Inalis niya ang tingin dito't tinalikuran niya na ito.
Hindi naman siya nakahakbang sa sumunod nitong sabi.
"Hindi kita dinala rito kung iyon ang gusto mong malaman," sabi nito nang maupo ito sa katawan ng kahoy na nagsilbing upuan.
Ibinalik niya ang atensiyon dito na siya ring paglapag nito ng espada sa lupa. Doon niya nasabing hindi ito mag-iisip na saktan siya, mayroon din siyang pakiramdam na hindi siya dapat matakot dito.
"Pero kilala mo ba ako kaya ganoon ang pinagsasabi mo?" Tinitigan niya ito nang maigi para kilalanin. Ngunit wala siyang matandaan na nagkita sila dati pa para masabi niyang nagkakilala nga sila. Maging ito ay nakatitig sa kaniya kaya naghintay na naman siya kaya lang nanahimik na naman ito. "Hindi mo ba ako balak sagutin? Sasabihin ko na sa iyo nagkakamali ka lang sa mga naisip mo. Hindi talaga kita kilala. Kaya malabong sumusunod ako sa iyo. Akala mo siguro ako iyong taong kakilala mo."
Naglabas ito nang punyal mula sa loob ng manggas ng suot nito kasunod ang isang mansanas.
"Ano bang binabalak mo? Maglalakad ka nang gabi?" Idiniin nito ang talim ng punyal sa mansanas kaya nahiwa hanggang sa gitna, pinangalawahan nito ng paghiwa kaya nagkaroon ng patatsulok na piraso ng mansanas.
"Oo," simple niyang sabi.
"Nagtatapang-tapangan ka pa. Dapat kang matakot sa gagawin mo."
Inilapit nito ang hiniwang mansanas sa bibig kapagkuwan ay marahang nginuya.
"Ano naman ang kakatakutan ko sa gabi? Mayroon ba ritong mababangis na hayop?"
Natigil ito sa pagnguya at lumunok. "Nagpunta ka rito na hindi mo alam na maraming mabangis na hayop rito."
"Sa totoo lang hindi ko alam. Hindi ko nga alam kung paano ako napunta rito," aniya sa binata kaya sumalubong na naman ang dalawa nitong kilay. "Nasaan bang lugar tayo?"
"Kahit iyon hindi mo alam?" panunuyam nito sa kaniya.
"Tama ka riyan kaya nga ako nagtatanong."
"Ang dami mong hindi alam. Hindi ka na lang dapat lumabas sa silid mo. Nanatili ka na lang sana roon."
Hindi siya sigurado kung bakit ito nagkakaganoon ngunit nakasasakit pa rin ang mga naging salita nito. Gayunman binalewala niya lamang ang mga iyon.
"Ano ba ang malapit na bayan dito? Sabihin mo sa akin nang makaalis na ako't maiwan na kitang mag-isa. Mukhang gusto mong mapag-isa," aniya sa binata.
"Ilaya."
"Saan namang direksiyon?" sumunod niyang tanong.
Marahan nitong tinuro ang punyal patungo sa kanluran na sinundan niya rin naman.
"Kung nagbabalak kang maglakad patungo roon huwag mo nang ituloy. Aabutin ka nang umaga sa gagawin mo." Muli naman itong naghiwa ng mansanas.
Hindi nga rin magandang maglakad sa gabi lalo na't hindi pamilyar sa kaniya kung nasaan siyang lugar. Hindi malayong maligaw siya sa kagubatan na iyon. Mas mainam na hintayin niya na lamang ang umaga.
"Yaman lang din na sinabi mo iyan, hindi mo rin naman siguro mamasamain na samahan kita rito hanggang mag-umaga. Sa oras na magliwanag aalis na ako kaaagad," aniya sa binata kaya sinalubong nito ang kaniyang tingin. "Hindi ba puwede?"
"Wala naman akong sinabing hindi."
"Mabuti naman." Naupo siya sa lupa sa kabila ng siga kasalungat ng binata. "Maraming salamat," dugtong niya kaya pinakatitigan siya ng binata. "May nasabi ba akong hindi maganda? O mayroon kang sasabihin?"
"Ano bang nangyari sa iyo't puno ng dugo ng suot mo?" ang naisipang nitong itanong.
"Nahulog ako sa bangin. Tumama ang ulo ko sa bato," aniya sa binata't balak sanang sabihin dito na naghilom na ang sugat niya sa ulo. Ngunit nang maisip na baka mahiwagaan ito hindi niya na lang tinuloy. "Pero ayos na rin naman. Maliit na sugat lang. Hindi ko lang kaagad napigilan ang pagdurugo kasi nakatulog ako."
Wala na rin naman itong ibang nasabi dahil mukha namang naniniwala sa kaniya. "Ito kainin mo baka nagugutom ka," sabi nito sabay tapon ng kalahating mansanas sa kaniya.
Nasalo naman niya iyon nang walang kahirap-hirap bago pa tumama sa kaniyang mukha. "Pupunta ka ba sa bayang sinabi mo kinabukasan?" tanong niya sabay kagat sa mansanas. Nang malasahan niya ang katas kumulo ang kaniyang tiyan kung kaya sinunod-sunod niya ang pagkagat.
"Bakit mo tinatanong?" Tumayo ito patungo sa kabayo't kinuha ang mga pangsapin.
"Gusto kong sumabay kung puwede," aniya nang bumalik ito sa puwesto nito.
"Ikaw ang bahala. Walang problema."
Inubos niya ang mansanas sa dalawang kagatan lang. Hindi pa man niya nalulunok iyon tinapon ng binata ang damit na nakaipit sa pangsapin nito. Tumama ang mga iyon sa kaniyang kandungan.
"Para saan naman ito?" taka niyang tanong.
"Magpalit ka."
Napatango-tango siya narinig. Doon niya nga naramdaman ang lagkit na nagawa ng dugo dahil sa sinabi nito.
Una nga niyang inalis ang panglabas na habang nakatingin lang sa kaniya. Hindi naman siya nakararamdam ng pagkaasiwa. Ngunit naramdaman niya ang labis na lamig na nanunuot sa kaniyang balat. Inilapag niya sa lupa ang hinubad.
"Bakit ba ganito rito ang kasuotan?" aniya nang hubarin niya ang pangloob na puti na mahaba ang manggas. Natigil siya dahil napansin niyang kakaiba na ang tingin ng binata sa kaniya. "May problema ba?"
Imbis na sagutin siya nito inilatag na lang nito ang sapin sa lupa. Hindi niya rin naman ito binigyang-pansin sa pagtuloy niya sa pagpapalit ng damit. Nakuha niya pa ngang punasan ang mga dugong kumapit sa kaniyang balat sa gawing itaas ng kaniyang katawan mula sa ulo paibaba ng likod.
"Ilang araw ka na ba rito?" ang naitanong nito sa pag-upo nito sa inilatag na sapin nang magkatagpo ang mga paa. Inilipat pa nito ang espada sa tabi ng magiging higaan nito sa kagubatang iyon.
Naibalik niya ang tingin dito sa pagbitiw niya sa maruming damit ng pinangpunas niya.
"Sa totoo lang hindi rin ko alam," sabi niya na posible rin naman. Hindi niya nga rin naman alam kung gaano katagal na wala siyang malay-tao.
"Wala ka na bang ibang maisagot?"
"Ano bang gusto mong marinig? Iyon naman talaga. Hindi ko nga alam kung paano ako napunta rito." Isinuot niya ang binigay nitong mahabang tradisyonal na damit na kulay berde.
Itinali niya nang maayos ang tali niyon sa gawing dibdib nang hindi bumukas.
"Ano?" ang nag-aalangang nitong sabi. "Huwag mong sabihing mayroong kumuha sa iyo kaya nagkasugat ka."
"Posible iyang naisip mo. Hindi rin ako sigurado," aniya sa binata. "Ang naalala ko tumalon ako sa tulay. Pagkatapos nagising na lang ako sa ibaba ng bangin."
"Kung anu-ano ang sinasabi mo. Huwag ka ngang gumawa ng kuwento para maniwala ako," hirit ng binata sa kaniya nang mapagisipan nitong mahiga na lamang imbis na makipag-usap sa kaniya.
"Huwag kang maniwala. Hindi naman kita pinipilit."
Sinamaan siya nito nang tingin sa muli nitong pag-upo. "Ayusin mo nga iyong tono ng pagsasalita mo," sabi nito.
"Ano ang aayusin ko? Sa tingin ko wala namang mali sa pagsasalita ko," ganti niya sa binata.
Nasapo nito ang noo dala ng inis sa kaniya. Sumuko na rin naman ito sa huli. "Kung balak mong matulog kunin mo iyong isang sapin sa kabayo. Mayroon din tubig kung nauuhaw ka."
"Bakit mo ba ako tinutulungan? Masyado kang nagiging mabait," komento niya sa binata.
"Masama ba?" banat naman nito sa kaniya.
"Hindi naman."
"Para sabihin ko sa iyo wala akong tiwala sa iyo. Pero hindi kita puwedeng balewalain dahil nasisiraan ka ng ulo."
"Mabuti naman. Malinaw na sa akin." Hindi niya binigyang-pansin ang huling sinabi nito.
"Huwag na huwag ka ring gagawa ng kung ano habang natutulog ako," paalala nito sa kaniya. "Kung ayaw mong maghalo ang balat sa tinalupan."
"Isasaisip ko iyang sinabi mo."
Wala na itong sinabi sa kaniya't nahiga na nga ito nang nakatagilid patalikod sa kaniya. Ginawa nitong unan ang nakabaluktot na kaliwang kamay. Hindi niya maiwasang pagmasdan ang ayos nito. Hindi niya maintindihan kung bakit nga siya napunta sa lugar na iyon. Sigurado na siyang hindi lang basta nagsuot ang binata ng tradisyonal na kasuotan matapos ang kanilang naging pag-uusap. Masyadong makatotohanan ang kilos nito't mga salita, hindi lang basta nagpapanggap lamang. Muli niya na namang naitanong ang sarili kung nasaan nga ba siya habang iniikot ang paningin sa kakakahuyan.
Sa pagbaling niya ng tingin sa siga hindi niya mapigilang tingnan ang nagniningas niyong apoy. Naglalaro sa isipan niya ang mukha ng dalawa niyang kaibigan. Wala siyang ibang masisi sa nangyari kundi ang kaniya lamang sarili. Hindi sana siya pumayag sa kagustuhan ng mga ito para hindi tumuloy kaya lang hinayaan niya ang mga ito. Kung hindi dahil sa kaniya nabubuhay pa sana ang mga ito pagkahanggang sa mga sandaling iyon.
Dinagdagan niya ng kahoy ang siga nang lumiit ang apoy nito. Pati ang hinubad niyang damit inilagay niya rin nang masunog iyon, madaling natupok ang damit kaya ang itim na usok na inilalabas niyon ay humalo sa apoy bago naglaho. Habang tahimik ang paligid hindi niya malaman kung ano ang dapat gawin. Noon pa man wala na talagang direksiyon ang kaniyang buhay, nagkakakulay lang ang bawat araw niya dahil sa mga kaibigan niya. Dahil sa wala na ang mga ito mukhang babalik siya sa dati niyang buhay kung saan madalas lang siyang mag-isa't walang pakialam sa nangyayari sa paligid. Isang bagay lamang ang naisip niya para makabawi siya sa mga kaibigan, iyon ang ipaghiganti ang mga ito sa pumatay sa mga ito. Ang naiisip niyang dahilan kaya siya nabubuhay pa ay para magawa ang mga iyon. Ngunit hindi niya alam kung nasaan naroon si Sebastian na pumatay sa kaibigan niya, kailangan niya munang alamin kung nasaan nga siyang lugar para makapagsimula sa paghahanap dahil mukhang malayo siya sa siyudad.
Natigil lang siya sa pag-iisip nang magsalita ang binata.
"Siyanga pala huwag mong hahayaang humina iyang apoy," paalala nito sa kaniyang nang humarap ito sa pagkahiga sa kaniya. Ang ginawa naman nitong unan ay ang kanang kamay.
"Bakit?"
Tiningnan siya nito, ang apoy ng siga ay naglalaro sa balintataw nito.
"Hayaan mong mawala ang apoy para malaman mo." Ipinikit nito ang mga mata't muling nanahimik.
Ang mukha nitong madalas blangko kapag nagsasalita ay naging kalmado habang nakapikit.
"Palagay ko kaya mo ako hinayaang manatili rito para tagalagay mo ng kahoy," aniya sa binata na hindi naman siya nakakuha ng sagot. Napabuntong-hininga siya nang malalim. Hindi na rin niya masyadong inisip pa bilang ganti sa pagpayag nitong sumabay siya rito patungo sa bayan at ang pagbigay nito sa kaniya ng maisusuot na damit.
Hindi niya talaga balak na matulog ngunit habang tumatagal siya sa pagkaupo bumibigat ang talukap ng kaniyang mata. Dahil doon tumayo na lamang siya kapagkuwan ay lumapit sa kabayo. Nahanap niya naman doon ang isa pang sapin na sa palagay niya ay magiging kumot sana ng binata. Ngunit dahil sa naroon siya pinaubaya na lang nitong magamit niya. Marahil mabait nga talaga ang binatang natutulog na dahil kung hindi matagal na nga rin siya nitong itinaboy. Hindi niya lang talaga nagustuhan ang unang sinabi nito na para bang nagkakamali siya ng kinausap. Napapabuntong hininga na lamang siya nang malalim na siya ring pag-alis niya sa sisidlan na gawa sa balat ng hayop. Uminom siya ng tubig at binalik ang sisidlan sa pagkasabit. Nang alisin niya ang pangsapin humalinghing pa ang kabayo nang mahina kaya hinapo niya nang makailang ulit ang likod nito. Tumahimik din naman ang kabayo kaya bumalik siya sa harapan ng siga dala ang pangsapin sa isang kamay. Tahimik niyang inilatag ang pangsapin sa lupang mayroong manipis na damo. Sa pagpantay niya rito pakiramdam niya ay mayroong nakatingin sa kaniya kaya iniikot na naman niya ang tingin sa dilim na hindi naabot ng liwanag ng siga. Napatayo pa siya nang tuwid nang makapagmasid nang maigi. Inakala niyang nakasunod sa kaniya ang lalaking pumatay sa kaibigan niya ngunit wala naman siyang nakita. Ginulo niya na lamang ang kaniyang manipis na buhok dahil mukhang pinaglalaruan siya ng kaniyang imahinasyon.
Sa kaniyang pag-upo sa higaaan naibaling naman niya ang mga mata sa mukha ng binata dahil pamilyar talaga ito sa kaniya. Mukhang magkakilala nga sila na marahil hindi niya lang matandaan. Iyon din ang sinasabi ng dibdib niya na hindi pa rin kumakalma sa mabilis na pagtibok.
Hindi niya talaga matandaan kung saan niya nakita ang binata sa dami ng mga nangyari sa kaniyang buhay. Kung kaya't imbis na pakaisipin pa nahiga na lang siya nang nakatihaya, pinagmasdan kapagkuwan ang mga estrelya sa kalangitan na tila nangungusap sa kaniya.
Nang mag-asawa tumagilid na rin naman siya ng higa paharap sa binata, hindi niya mapigilang pagmasdan ulit ang mukha nito. Hindi pa man siya nakatatagal sa pagkahiga bigla na lamang dumilat ang mata ng binata. Ang dating kulay ng mga mata nito ay nag-iba, ang puti sa mga mata ay nawala't napalitan ng purong itim.
Hindi na siya nakapagsalita nang biglang bumangon ang binata kapagkuwan ay sinugod siya habang binubunot ang espada nito sa kaluban. Sa pagtalon nito sa ibabaw ng siga patungo sa kaniya mabilisan siyang tumayo sabay humakbang patalikod nang makailang ulit. Sa pagwasiwas nito ng espada mula sa itaas humakbang siya pakaliwa upang umilag. Sa bilis ng kamay nito kamuntikan siyang madaplisan sa ilong, mabuti na lamang nailayo niya ang kaniyang katawan. Hindi natigil ang binata sa pagsugod sa kaniya sapagkat hindi pa man siya nakababawi sa una nitong pag-atake sinundan nito kaagad iyon. Nang makailag siya rito yumuko naman siya kaya dumaan lang sa likuran niya ang talim ng espada na gahibla lamang ang layo. Nakuha niya pang gumulong nang makaiwas dito. Sa pagtuwid niya nang tayo nasa harapan na naman niya ang binata na itatarak sa kaniya ang espada. Mabuti na lamang nakaiwas din naman siya, nadaplisan lamang siya leeg na gumawa nang manipis na sugat. Pagkaraa'y dumikit siya rito't umikot patungo sa likuran nito, sa ginawa niya'y nagkiskisan ang kanilang mga suot. Pagkarating niya sa likuran nito binalak niyang sikuhin ito sa batok na hindi niya naituloy nang itusok naman nito ang espada nang patalikod. Napatalon na lamang siya palayo mula sa binata lampas sa siga. Hinabol niya ang kaniyang hininga pagkalapag niya sa lupa habang binabantayan ang kilos ng binata. Dahan-dahan siya nitong nilingon na para bang gusto nitong sabihin na kahit anong gawin niya ay hindi siya makatatakas dito. Nanlaki pa ang mata niya nang tingnan nito ang dugo niyang kumapit sa talim ng espada nito, inilabas nito ang mahabang dila sabay nilasahan ang dugo. Hindi siya sigurado kung anong nangyayari sa binata, hindi nga naman malayong sinasaniban ito, hindi naman kaya ay kampon na talaga ito ng kadiliman na nasa anyong tao, naghihintay sa bahagi iyon ng kagubatan upang nakapangbiktima ng taong tulad niya. Matapos nitong matikman ang dugo marahas na nanginig ang ulo nito, sa bilis ng paggalaw nagmumukha na iyong malabong litrato. Tumigil lamang makalipas ang ilang segundo.
Sa huli nitong pagsugod sinipa niya ang siga. Nagsilaparan ang umaapoy na kahoy at baga pasalubong dito dahilan para mapaatras ito nang isang beses. Tumama man ang mga nag-aapoy na kahoy sa binata wala man siyang narinig na pagdaing dito. Hinayaan lang nitong masunog ang kasuotan na siya ring pagbagsak ng mga nag-aapoy na kahoy sa lupa.
Mabilis na kumalat ang apoy sa kasuotan nito na umabot pa sa mukha nito. Hindi nito iyon alintana habang pinagmamasdan siya nito. Kahit ang mga mata nito ay nag-aapoy na rin.
Hindi na siya nakapaghanda nang bigla na naman itong tumakbo, sa isang hingahan nasa harapan niya ito ulit. Hindi niya napigilan pa ang itinarak nitong espada kung saan ang kaniyang puso na marahas na tumitibok. Malabo pang makuntento ang binata sapagkat kahit nakabaon na ang espada sa kaniya tinulak pa siya nito hanggang bumangga ang likod niya sa puno. Impit ang ungol niya nang lalo pa nitong ibaon ang espada hanggang pati sa binanggang puno ay bumaon. Impit ang ungol niya sa nangyari't napaubo siya ng dugo. Sinubukan niya pang alisin ang kamay ng binata sa espada ngunit wala rin namang naging resulta. Sa panghihina niya gawa ng natusok na puso tuluyan siyang sumuko, lumupaypay na lamang ang kaniyang mga kamay habang nakatitig sa kaniya nang masama ang binata.
"Hindi ka na dapat nagpunta rito," mariing sabi pa sa kaniya ng binata.
Marahil nga tama ito sa nasabi pero hindi na rin masamang namatay siya sa lugar na iyon na hindi niya alam kung saan, magkakasama na sila ng kaniyang kaibigan sa kabilang buhay. Nagulantang pa siya nang hawakan siya ng binata sa baba, kapagkuwan ay dinilaan nito ang dugong kaniyang inilabas sa bibig. Hindi ito tumigil kaya naramdam niya pa ang paglalaro ng mainit nitong dila sa balat niya, sumasagi pa nga iyon sa kaniyang bibig na nag-iiwan ng mumunting init na hindi rin naman makatutulong sa kaniya. Sininop nito ang dugo sa paligid ng kaniyang bibig hanggang wala na ngang matira. Sa puntong magsawa ito naipipikit niya na lang ang kaniyang mga mata.
Hinugot pa nito ang espada na kaniyang ikinadilat ng kaniyang mga mata. Imbis na mukha ng binatang mistulang halimaw ang sumalubong sa kaniya ang nakikita niya ay ang kalangitan na napalamutian ng estrelya. Nasapo niya ang kaniyang dibdib sa mabilis na pagtibok niyon. Kapagkuwan ay nilingon niya ang binatang mahimbing pa rin ang tulog.
Nakahinga siya nang maluwag dahil nakaalis siya sa isang panaginip na iyon. Nakadagdag lang sa pagtataka niya dahil ang binata nga ang napanaginipan niya samantalang pagkakita pa lang nilang dalawa. Sa pagtakbo ng isipan niya hindi na siya nakatulog pa nang gabing iyon. Minabuti niyang maupo na lamang at ilagay ang buong atensiyon sa pagpapaapoy ng siga.