SA TAYOG ng mga punong kahoy sa kagubatan na iyon hindi gaanong umaabot sa lupa ang sinag ng araw, ang nakahahalik lang sa mamasa-masang lupa gawa ng hamog ay ang mga nakalulusot sa makakapal na dahon. Nakuha niya pa ngang isangga ang palad sa isa sa mga sinag na tumatama sa kaniyang kawawang mata habang nakaupo pa rin siya sa inilatag na higaan. Ninamnam niya ang init hanggang sa ilalim ng kaniyang balat. Pinaglaro niya pa ang kaniyang mga daliri na para bang mahuhuli niya ang sinag. Hindi na siya umalis sa kinauupuan kahit na kumukulo ang tiyan. Kahit maghanap pa siya ng makakain wala pa rin siyang mahahanap dahil sa hindi naman namumunga ang mga punong kahoy na nakapaligid sa kaniya.
Ibinaba niya ang kaniyang kamay nang marinig niyang umungol ang binata indikasyon na magigising na ito. Ang siga sa pagitan nilang dalawa ay tumigil na sa pag-apoy, umuusok na lamang iyon nang bahagya dahil sa mga kahoy. Dahil sa liwanag ng umaga napagmasdan niya nang maigi ang mukha ng binata. Hindi rin siya tumigil kahit nang iminulat nito ang mga mata, pinagmasdan pa nga siya nito kasabay ng pagkunot ng noo.
"Mabuti naman nagising ka na. Aalis na sana ako kaso hindi pa ako nakapagpapasalamat sa iyo nang mabuti kaya hinintay muna kitang magising," aniya sa binata nang itiklop niya ang inilagay na sapin. "Maraming salamat ulit. Tatanawin kong utang na loob ang pagpayag mo kagabi. Ano nga pala ang pangalan mo para naman kapag nagkita tayo kung sakali mayroon na akong itatawag sa iyo."
Inabot niya rito ang katatapos niya lang na tupiing pangsapin. Tinanggap naman nito ng kanang kamay habang humihikab, tinakpan nito ng malayang kamay.
"Himalang wala kang ginawang masama sa akin," saad nito sa kaniya.
"Ano? Bakit ko naman gagawin iyon? Ikaw ata ang nasisiraan ng ulo sa ating dalawa," aniya sa binata. Hindi niya nagustuhan ang sinabi nito. "Wala ka bang sasabihin na maganda? Nauntog ka ba nang bata ka kaya iba ka kung mag-isip?" Hindi naman nito sinagot ang mga naging tanong niya. "Mabuti pang lumakad na ako. Wala namang saysay na makipag-usap sa iyo nang ganito kaaga. Paano, salamat na lang ulit."
Tinalikuran niya nga ito kapagkuwan ay humakbang na papaalis. Hindi pa man siya nakalalayo napahinto siya sa narinig niya mula sa binata.
"Ano naman ba ang gagawin mo matapos mong makarating sa Ilaya?" sabi nito kaya ibinalik niya ang tingin dito
Pinagmasdan niya ang pagtupi nito sa pangsapin. "Bakit mo tinatanong?"
"Sagutin mo na lang." Tinapos nito ang pagtupi sa pangsapin kapagkuwan ay isinanib sa ginamit niya.
Naglakad na rin ito patungo sa kabayo.
"Hindi ako sigurado sa gagawin ko. Aalamin ko muna kung paano umuwi," aniya sa binata nang makatayo ito nang tuwid. "Siyanga pala. Hindi ka ba nanaginip kagabi?" Hindi ito tumugon kaya pinagpatuloy niya ang pagsasalita. "Ako nanaginip nang masama. Alam mo kung ano? Pinatay mo lang naman ako sa panaginip ko." Sa sinabi niya iyon hindi nito naituloy ang paglalakad palapit sa kabayo, hindi niya gustong isipin na nanigas ito. "Kaya aalis na ako baka maisipan mong gawin nga."
Hindi niya na nilingon pa ang binata na hindi niya nalaman pa ang pangalan sa paglalakad niya sa pagitan ng mga punong-kahoy. Dahil nga sa umaga na nakikita niya na nang maayos ang paligid, ang ibaba ng mga puno'y nabalot ng mga lumot. Ang lupang natatakpan ng mga tuyong dahon ay nag-iingay dahil sa nababaling tuyong mga sanga na kaniyang natatapakan.
Tuloy-tuloy lang siya ng lakad hanggang sa makalayo na nga siya sa kinalalagyan ng binata, hindi niya alintana kung eksakto nga ba ang ibinigay na direksiyon ng binata. Sa paglampas niya sa isang puno nagsiliparan ang mga ibon mula sa sanga, nang tingalian niya ang sangang isang dipa lang ang taas mula sa kaniya nalaman niya kung bakit. Naroong gumagapang ang malaking ahas na kulay berde, nagpalambitin pa nga iyon sa balak niyong pagtuklaw sa kaniya. Mabuti na lamang naging mabilis siya sa pag-iwas patungo sa kaliwa kaya hangin lang ang natuklaw ng ahas, lumayo na siya kaagad dito bago pa man maulit ang pagtuklaw ng makamandag na hayop. Hinayaan niya lang ang ahas na nagpalambitin dahil katulad niyang tao nararapat din nga naman itong mabuhay. Hindi na rin naman bago sa kaniya na makaharap ang kung anu-anong hayop dahil lumaki nga rin naman siya kagubatan, umalis lamang siya tinitirahan niya kasama ang inaama niya nang tumungtong siya ng kolehiyo kung saan niya nakilala ang dalawa niyang kaibigan.
Hindi siya tumigil sa paglalakad hanggang sa makarating na siya sa paanan ng mababang bundok kung saan nagkalat ang mga bato. Wala pa rin siyang makitang palantandaan na tama ang kaniyang tinatahak na direksiyon. Kung hindi siya nagkakamali dapat mayroong kahit maliit na daan na nagawa ng paulit-ulit na pagdaan ng mga tao, ngunit wala siyang makitang kayang abutin ng kaniyang mga mata, tanging mga puno't bato ang sumasalubong sa kaniya. Doon sumagi sa kaniya na hindi malayong nagsinungaling ang binata't mali ang direksiyon na ibinigay nito. Nasabi niya tuloy sa kaniyang sarili na hindi siya dapat naniwala sa sinabi ng binata.
Napagdesisyun niya na lamang na akyatin ang mataas na bato, maingat siyang umakyat makarating lang sa tuktok niyon. Bahagya siyang hiningal pagkarating niya sa tuktok, hindi pa man siya nakatatayo natanaw na niya sa hindi kalayuan ang kalaparan nang bayan ng Ilaya. Tumayo siya nang tuwid para mapagmasdan niya iyon nang maigi, sa layo niya mga bubong lamang na gawa sa laryo ang nakikita niya.
Sa pananatili niya sa tuktok ng bato umiihip sa kaniya ang malamig na simoy na hangin, isinasayaw niyon ang kaniyang kasuotan.
Inalis niya rin naman ang tingin sa bayan na iyon at pinagmasdan ang pahilig na lupa kasunod ng kabatuhan. Sa pinakadulo ng pahilig na lupa ay ang sumisilip na kalsadang hindi sementado. Napagtanto niyang namali siya ng lakad, hindi dapat siya dumiretso lamang, naisipan niya rin sanang lumiko nang kaunti. Gayunman bumaba pa rin naman siya sa mga bato nang makarating sa pahilig na lupa. Bahagya siyang natagalan dahil kailan niya pang maglipat-lipat sa mga malalaking bato, naroong tumatalon siya't kumakapit sa ilan, hindi rin naman niya sinukuan ang bagay na iyon. Sa huli nakaabot siya sa katapusan ng kabatuhan na hindi nagagasgasan. Kinailangan niya pang tumalon sa huling batong tinayuan niya nang makatayo sa pahilig na lupa. Pagkalapag nang paa niya sa lupa naglakad siya nang mabilis paibaba, nakuha niya pa ngang tumakbo habang umiiwas sa mga puno nang makapaglakad siya kaagad sa kalsada.
Nang malapit na siya sa kalsada nakarinig siya nang pagtakatak ng kabayo kaya hindi siya huminto nang maabutan niya ang ingay. Kumunot na lamang ang noo niya pagkatigil niya sa kalsada na habol ang hininga sapagkat kilala niya ang paparating sakay ang itim na kabayo, ang binata iyon na blangko naman ang tingin sa kaniya.
Inakala niyang lalampasan lang siya nito ngunit iba ang nangyari. Pinahinto nito ang kabayo sa paghila sa tali nito, humalinghing ang kabayo sa pagtigil nito sa pagtakbo na mayroong dalang alikabok. Natakpan niya ang kaniyang ilong nang hindi siya makasinghot.
Sa pagtitig ng binata sa kaniya itinaboy niya ito. "Mauna ka na," sabi niya rito na isinenyas ng isang beses ang kanang kamay patungo sa bayan.
Imbis na pakinggan nito ang nasabi niya, nanatili ito sa harapan niya sakay ng kabayo.
"Saan ka ba dumaan?" ang naitanong nito sa kaniya.
"Hindi mo ba nakikita?"
Ibinaling nga nito ang tingin sa pahilig na lupa. "Bakit ka diyan dumaan? Mayroon namang mas madali. Siguro diretso ka lang ng lakad."
"Sinabi mo sana na mayroon pang ibang madaraan. Direksiyon lang naman ang nasabi mo."
"Hindi ka naman nagtatanong," simple naman nitong sambit kaya hindi niya maiwasang makaramdam ng inis dito.
Sinalubong niya ang mapanuri nitong tingin. "Ano pang ginagawa mo? Umalis ka na."
Napabuntong-hininga ito nang malalim bago ito inilapit sa kaniya ang kamay. Hindi niya kaagad naintindihan ang gusto nitong mangyari kaya tinitigan niya lang iyon at pinalo kapagkuwan nang hindi nito inalis.
Gumuhit din naman sa mukha ng binata ang inis dahil sa ginawa niya. Kahit na ganoon inulit pa rin naman nitong ibigay ang kamay.
"Bilisan mo. Kunin mo na't makasakay ka na," sabi pa lang nito kaya doon niya na ito naintindihan.
"Linawin mo kasi."
Tinanggap niya nga ang kamay nito. Sa pagdaop ng kanilang palad nakaramdam siya ng init mula rito na sumalamin sa kaniya. Bago pa man siya makapagsalita hinila na siya nito patungo sa likuran nito. Nakaupo rin naman siya sa kabayo na hindi siya nadudulas kung kaya binitiwan din naman siya ng binata.
Pinatakbo nito kapagkuwan ang kabayo na walang sabi-sabi kaya napakapit na lamang siya sa balikat nito nang hindi siya mahulog. Tumalon-talon siya sa pagkasakay kaya mahihirapan siya kung wala siyang mahawakan.
"Alisin mo nga iyon ang kamay mo," utos nito sa kaniya na nabiharan ng inis na saan daan nakapako ang tingin.
"Saan mo ako gustong humawak?" aniya sa binata.
"Problema mo na iyon. Basta huwag mo akong hahawakan," mariin nitong sabi.
"Makapagsalita ka para ka namang ginto. Para sabihin ko sa iyo kahit ginto nababago kaya hindi katangitangi ang katawan mo."
Inalis nga niya ang kamay sa balikat nito katulad ng kagustuhan nito. Sa tali na lamang ng siya kumapit nang mabawasan ang kaniyang pagtalon-talon sa likod ng kabayo. Nahirapan man siya nang kaunti ngunit nakatulong pa rin naman. Sa pagsakay niya sa likuran nito nanunuot sa kaniyang ilong ang amoy nito na nadadala ng hangin, matapang na bango na siyang nagpapakati sa kaniyang ilong, kung isasalarawan niya iyon para iyong natuyong dahon na nahaluan ng halimuyak ng rosas. Dahil sa kati ibintiw niya ang isang kamay sa tali ng siya, ang inalis niya ang siyang pinangkusot niya sa kaniyang ilong.
"Matapos mong makarating sa Ilaya siguraduhin mong umuwi ka na," paalala nito sa kaniya sa patuloy na pagtakbo ng kabayo.
"Iyon talaga ang gagawin ko."
"Mabuti. Pihadong hinahanap ka na ng mga kasama mo."
"Paano ako hahanapin samantalang patay na sila," ang mabagal niyang sabi sa pagsagi ng mga mukha ng kaniyang dalawang kaibigan sa isipan.
Sa lumabas sa kaniyang bibig bigla na lamang pinatigil ng binata ang kabayo na humalinghing pa sa huli. Dahil dito napadikit ang kaniyang katawan sa likod ng binata, tumama ang kaniyang mukha sa balikat nito kaya lalo niyang nasinghot ang amoy nito. Siya na ang kusang lumayo para hindi na siya nito pagsabihan, hindi niya nagugustuhan ang pakiramdam na nagagawa ng naaamoy niya.
"Tama ba ang narinig ko?" Nilingon siya nito na mabigat ang tingin. "Ano ba talagang nangyari sa iyo?"
"Huwag mo na lang kayang itanong. Hindi ko gustong balikan."
"Sa susunod kasi huwag kang lalabas. Ipapahamak mo ang sarili mo para lang magpapansin," sabi ng binata nang ibalik nito ang tingin sa harapan.
Sumama ang mukha niya sa narinig dahil sa nagtataka siya sa pinagsasabi nito. Naguguluhan siya sa gusto nitong iparating, wala pa ngang isang araw nang magkita sila pagkatapos kung umasta ito alam nito ang pag-uugali niya.
Pinapitik na nito ang tali kaya bumalik sa mabilis na pagtakbo ang kabayo.
Hindi niya talaga maintindihan kung bakit magaan ang loob niya rito kaya nadadalian siyang kausapin ito.
Hindi na siya nakaganti sa binata nang makarating sila sa sumikong daan. Sa malayo ay mayroon siyang naririnig na kung anong ingay.
Imbis na tumuloy sila inalis nito sa daan ang kabayo kapagkuwan ay ipinasok sa talahiban. Nalaman niya na lang kung bakit nang marinig niya na nga nang malinaw ang paparating na sigawan na sinasabayan ng malakas na pagtakbo ng kabayo.
Sa pagbaba ng binata sa hayop napapasunod na lamang siya ng tingin dito, dumulas lang ang katawan nito paalis sa likuran ng kabayo na hindi siya nasisipa.
"Bakit ba tayo nagtatago?" ang naitanong niya sa binata.
Tiningnan siya nito nang mataman. "Mga bandido ang mga iyan. Hindi magandang makita tayo," pagbibigay-alam nito na kaniya rin namang ikinatango-tango.
"Sa tingin ko naman kaya mo silang harapin."
"Kung gagawin ko ang gusto mo, ano ang mangyayari sa iyo?"
Sa taas nga rin naman ng talahib hindi sila mapapansin doon liban na lang kung pumasok ang mga bandido o hindi naman ay gumawa ng ingay ang isa sa kanilang dalawa.
"Kaya ko ang sarili ko. Pero ganito ba talaga rito? Mayroong mga bandido pa rin. Huling-huli na ang lugar na ito," ang nakuha niyang sabihin. "Madali nang mapigilan ang mga tulad nila ngayon kung gugustuhin ng mga namamahala. Masyado ba itong malayo sa siyudad kaya hindi matuunan ng pansin."
"Ano iyang mga pinagsasabi mo? Bumaba ka na nga riyan," mariin nitong sabi sa kaniya sa lalong paglakas ng ingay.
Hindi niya inasahan ang paghila nito sa kamay niya na hindi niya napaghandaan. Sa pagdulas ng katawan niya mula sa likuran ng kabayo nawalan siya nang balanse't dumiretso sa harapan ng binata pagkahulog niya. Nakuha rin naman siya nitong saluhin nang hindi sumalubsob sa maruming lupa, ang mga kamay nito'y napapigil sa kaniyang balakang.
Tinulak pa siya nito nang malakas sa inis nito kaya napaatras siya nang ilang hakbang sa kabayo. Naisandig niya ang likod sa kabayo kaya nagulat ang hayop, napatakbo ang kabayo dahil doon. Bago pa man makalayo iyon hinila ng binata ang tali kaya natigil ito. Siya namang biglang nawala ang sinandigan niya kaya nawalan ulit ng balanse sa ikalawang pagkakataon. Hindi niya naman kailangan ng tulong dahil kaya naman niya namang kontrolin ang pagtumba niya nang hindi matuloy ngunit ang binata ay hinuli pa rin ang isa niyang kamay. Itinayo siya nito kapagkuwan nang maayos na blangko ang mukha, pagkaraa'y binitiwan na rin siya. Pinakalma na lamang nito ang kabayo sa paghimas nito sa leeg.
"Matanong nga kita. Saan ba ang eksaktong lugar na ito. Sa anong malalaking pulo ng bansa? Sa Visayas ba?" ang naisipan niyang sabihin pero nang mapagtantong masyadong malayo iyon sa Maynila iniba niya lamang. "Sa norte ba?" dagdag niya.
Hindi naman natutuwa sa kaniya ang binata. Sumama na naman ang mukha nito para sa kaniya. Ipinagpahinga na lamang nito ang kamay mula sa paghimas sa leeg ng kabayo.
"Nagsisimula ka na naman. Kung anu-ano na naman ang lumalabas sa bibig mo kaya ka nasasabihan ng nasisiraan ng ulo."
"Ikaw nga diyan ang may nasasabi. Simple lang naman ang tanong ko. Wala kang ideya sa mga nasabi ko, hindi ba? Kasi maging ako ay nagugulat na mayroon pa ring ganitong lugar kung saan masyadong makaluma."
Hindi niya naituloy pa ang ibang sasabihin nang takpan nito ang kaniyang bibig sa kaniyang pagsasalita, pinanlakihan pa siya nito ng mata para pagsabihan siyang huwag mag-iingay.
Ang kaninang ingay na gawa ng mga bandido ay dumoble pa sa pagdaan ng mga ito sa talahiban ng kanilang pinagtataguan. Sa dami ng bilang ng mga bandido tumagal ang ingay na gawa ng mga ito. Nanahimik din naman siya nang hindi sila mapasubo, wala siya sa kondisyon para makipaglaban kaya mabuti ngang hindi siya gumawa ng kung anong ingay na magsasabi sa mga bandido na naroon silang nagtatago sa talahiban. Hinawakan niya na lamang ang kamay ng binata at inalis iyon sa pagkatakip sa kaniyang bibig. Siya na ang gumawa dahil nakikita niyang wala itong balak na gawin. Binaba na rin naman nito ang pinangtakip na kamay kasabay ng pagpunas niyon sa suot kahit hindi naman niya ito nalawayan.
Inilihis niya ang atensiyon sa binata at ibinaling niya sa daan. Sinubukan niyang silipin ang mga dumadaang bandido sakay ng mga kabayo na mabibilis ang takbo, karamihan sa mga ito ay nakasuot ng balabal na gawa sa mga balahibo at balat ng hayop. Sa bilis ng mga iyon nakalampas kaagad ang mga ito, sa puntong iyon lumabas na siya ng talahiban habang nakasunod ang binata sa kaniya na hila-hila ang kabayo sa tali nito.
Pinagmasdan niya pa ang kahabaan ng kalsada kung saan naglalaro ang makapal na alikabok na iniwan ng mga bandido. Samantalang ang binata ay umakyat na sa kabayo nito.
"Ano pang ginagawa mo diyan?" ang naitanong sa kaniya ng binata kaya inalis niya na ang tingin sa kalsada.
Inilahad pa rin nito ang kamay nito para alalayan siya sa pag-akyat.
"Naisip ko lang bakit hindi natin ipagbigay alam sa kinauukulan na mayroong mga bandido rito," sambit niya sa binata. "Hindi magandang pabayaan na lang sila."
"Iyan ang gagawin ko pagkarating sa bayan." Ipinagpahinga nito ang kamay dahil hindi niya tinatanggap iyon.
"Mabuti naman. Akala ko ay ipapagsawalang-bahala mo lang ang nakita mo."
"Bilisan mo," mariin nitong sabi.
Muli nitong nilahad ang kaliwang kamay na pinalo niya lang kapagkuwan ay umakyat siya sa likuran ng kabayo. "Sige, umalis na tayo," sabi niya sa paghawak niya ng isang kamay sa tali ng siya. Nakuha niya pang tapikin ito sa balikat.
Matapos nga ng sinabi niya mabilis na pinatakbo ng binata ang kabayo nang mas matulin pa kaya napapakunot ang kaniyang noo. Pakiramdam niya ay sinasadya nitong bilisan para mahulog siya. Sa kabutihang-palad hindi naman nangyari dahil kapit na kapit na ang kaniyang kamay sa tali ng siya't naiayos niya ang sarili sa pagtalon-talon nila sakay ng kabayo. Ang mga nadaanan nilang mga puno't halaman sa magkabilang ibayo ay mistulang naging malabong litrato, mayroon pa ngang puno na ang mga maninilaw na dahon ay nilipad ng hangin, tumama ang ilan sa kanila na kaagad din namang naalis sa pagtakbo ng kabayo. Nakatayo ang punong iyon sa gitna ng dalawang sumangang kalsada, kinuha ng binata ang direksiyon patungo sa kanan para makarating sa bayan.
Makalipas ang maraming sandali na hindi ipinagpapahinga ng binata ang kabayo natanaw niya na rin ang bayan na hindi napapaikutan ng pader. Bago sila makapasok dumaan muna sila ng tulay kung saan umaagos ang malinaw na tubig sa ilalim niyon. Sa dakong iyon pinalakad na lamang ng binata ang kabayo kaya nagkaroon siya ng pagkakataon na tanawin ang ilang mga taong naliligo sa ilog, naroon ding naglalaba ang ilang kababaihan.
Nagtuloy-tuloy ng lakad ang kabayo hanggang sa makalampas sa unang bahay na gawa sa purong kahoy, ang hindi lang madaling masunog na materyales ay ang ginamit sa bubongan na mga parihabang laryo. Hindi niya mapigilang pagmasdan ang mga nadadaanang mga tao na puro tradisyonal ang kasuotan. Naroon pa nga sa daan ang mga batang naglalaro ng habulan, umiikot pa ang mga ito sa kinasasakyan nilang kabayo habang tumatawa. Umalis din naman ang mga ito bago pa man magalit ang binata. Hindi nagbabago ang disenyo ng mga bahay, pareho-pareho ang mga iyon, nagkakaiba lang sa lawak at laki.
Ilang mga bahay pa ang kanilang nalampasan bago nila marating ang pamilihan sa isang kalye kung saan nagmumula ang ingay ng karamihan ng mga tao. Nakapuwesto ang mga nagtitinda sa tabi ng kalye gamit ang inilagay nilang mga mesa kung saan nakalatag ang mga paninda. Nagsisigaw ang mga ito sa mga mamimili para magkaroon ng kita. Pakiramdam niya tuloy nasa nakaraan siya't hindi lang basta nasa ibang lugar.
"Huminto ka," aniya sa binata na may kasabay na pagtapik sa balikat nito.
Nahagip ng kaniyang mata ang isang lalaki na lumang-luma ang suot, mayroon pang nga punit ang panglabas nito. Nakatayo lamang ito sa tabi ng nagtitinda ng mga prutas habang pinagmamasdan ang matandang babae na may-ari na nakipapag-usap sa nagtitinda ng tela. Hindi naman dahil sa balak nitong gawin kaya siya tumingin kundi dahil sa mukha nito, ang kaibigan niyang iyon na si Marlo. Hindi niya naiwasang makaramdam ng galak na nakikita niyang buhay pa ito. Buong akala niya ay siya lang ang nadala sa lugar na iyon. Habang hindi nakatingin ang mag-ari ng tindahan ng prutas mabilisang naglagay ng mansanas ang lalaki sa dala nitong sisidlan na gawa sa tela. Kung kaya nga nang binalik ng may-ari ang tingin sa puwesto nakarami na ito.
"Magnanakaw! Magnanakaw!" sigaw ng may-ari sa paglapit nito sa lalaki.
Sa kasamaang-palad naging mabilis ang lalaki sa paglayo. Kumaripas ito ng takbo habang kagat pa ang isang mansanas, dumaan pa nga ito sa kanila ng binata kaya nagkatinginan pa silang dalawa nang mata sa mata. Sinubukan pang humabol ng may-ari na hindi nito naituloy sa paghabol nito ng hininga habang hawak ang dalawang tuhod ilang hakbang ang layo sa kabayo. Ang ibang mga taong naroon ay tuloy lang sa paglalakad na para bang walang nangyari.
Nang sandali ring iyon mayroong lumapit sa may-ari na dalawang opisyal sa kulay asul na uniporme, napuputungan pa ang mga ulo nito ang malapad na sombrerong mayroong kulay asul ding malahibo.
"Saan siya dumaan?" ang tanong ng opisyal na namumula ang mukha gawa ng nainom na alak.
Tinuro na lamang ng tindera ang direksiyon na kinuha ng magnanakaw dahil hindi ito makapagsalita.
"Mabuti pa ay ako na ang hahabol. Ikaw na ang bahala sa kaniya," sabi naman ng pangalawang opisyal na mas maayos ang itsura kaysa sa una.
Tumango ang unang opisyal sa sinabi ng kasama kaya tumakbo na rin ang pangalawa nang mahabol ng magnanakaw. Sa paglayo ng ikalawang opisyal doon na siya bumababa ng kinasasakyang kabayo.
Nang balak niyang tumakbo bumaba rin kaagad ang binata ng kabayo, pinigilan siya kapagkuwan sa likuran ng kaniyang suot. Nakaisang hakbang lamang siya't natigil sa ginawa nito.
"Saan ka naman pupunta? Sasama ka sa akin," saad nito sa kaniya na hindi nito inaalis ang kamay sa kaniyang suot.
"Bakit naman ako sasama sa iyo?" aniya sa binata na nagpasalubong naman sa dalawa nitong kilay. "Gawin mo ang gusto mo't gagawin ko rin ang gusto ko." Pinilit niyang alisin ang kamay nito na naalis niya rin naman. "Maraming salamat ulit," ang huli niya pang sabi rito na may kasamang pagsaludo.
"Bumalik ka rito," ang matigas nitong sabi na pinalusot niya lamang sa dalawa niyang tainga.
Hindi na niya hinintay pa ang iba pa nitong sasabihin. Mabilisan na rin siyang tumakbo na nilalampasan ang opisyal na inalalayan ang may-ari ng tindahan na mawawalan na ng malay-tao. Umiwas siya sa mga taong nakasasalubong na hindi nililingon ang binata. Natanaw niya ang pagpasok ng opisyal sa isang kalye palayo sa pamilihan. Dinadagdagan niya ng bilis ang pagtakbo hanggang sa makarating sa kalyeng iyon. Pagkaliko na pagkaliko niya kitang-kita niya ang pagbagsak ng opisyal sa lupa gawa ng sinipa ito ng magnanakaw. Hawak nito ang dibdib sa pagbangon nito. Wala naman siyang ibang nakikitang posibleng madaanan sa kalyeng iyon dahil sa mga batong bakod ng bahay. Kung kaya nga tumingala siya sa mga bubongan. Nang tingnan siya ng opisyal tumakbo na siya patungo sa bakod. Pagkadikit niya sa bakod itinapak niya ang paa para makakuha ng buwelo, sa pagtalon niya ay nakuha niya rin namang maabot ang bubongan. Dahil doon nagkaroon siya ng pagkakataon na makatayo kung saan nakita niya na ang magnanakaw na tumatakbo pa sa bubongan. Sa muli nitong pagbaba sa lupa tumakbo na rin siya sa gitna ng mga bubongan, nang makarating siya sa binabaan nito tumalon na rin siya. Lumapag siya sa likurang bakuran ng isang bahay na napapaikutan ng pader, nakasampay doon ang mga puting kumot. Sa pinakagilid siya ng mga nakasampay, pinagmasdan niya nang maigi ang mga kumot. Nang makita niya ang paang tumatakbo sa likuran niyon tumakbo na rin naman siya papasok.
"Sandali," aniya nang makita niya itong nakatayo sa likuran ng isang kurtina. "Paano ka napunta rito?"
Imbis na sumagot ang magnanakaw sinipa siya nito mula sa likuran ng pinagtataguan nitong kurtina. Alam niya rin namang gagawin nito iyon kaya hinawakan niya ang paa nito sabay hila na ikinatumba nito sa lupa. Bumangon din naman ito kaagad na mayroong kasunod na sipa, nailagan niya naman iyon sa pagyuko niya, sumamasabay sa kanila ang mga kalapit na kumot.
Hindi pa nakuntento ang magnanakaw dahil sinuntok pa siya nito na sinalo niya lang ng palad.
Pilit pa nitong binabawi ang kamao na hindi niya pinapakawalan.
"Sino ka ba? Ano bang kailangan mo?" ang matapang na sabi ng magnanakaw sa kaniya. Puno ng galit ang marumi nitong mukha.
"Ako ito. Ang kaibigan mo. Ano bang nangyari sa iyo? Akala ko ay patay ka na. Hindi ba't nagpaalam ka na sa tulay."
"Nagpapatawa ka ba? Nahihibang ka na. Pati ako dinadamay mo sa kabaliwan mo." Hindi nga kita kilala. "Wala akong kaibigan na katulad mo." Pinagmasdan siya nito nang masama kapagkuwan ay sumigaw nang malakas. "Ngayon na!"
Hindi niya alam kung sino ang sinigawan nito kaya pinakawalan niya na lamang ito. Nang mapalingon siya sa kanan papatama sa kaniya ang isang matalim na pana galing sa bubongan. Bago pa man iyon tumusok sa kaniyang leeg nahawakan niya iyon, kasabay niyon ang muling pagtakbo ng magnanakaw na kamukha ng kaniyang kaibigan. Tumalon ito sa dalawang taong taas na pader na hindi na siya binigyan ng huling tingin. Sumunod din naman siya kaagad, nang makaakyat siya sa pader hindi na niya naabutan ang magnanakaw. Walang ibang bahay matapos ang pader na iyon kundi daan lang at ang umaagos na ilog. Wala naman siyang makitang pagtataguan ng magnanakaw dahil kahit ang mga puno sa tabi ng daan ay kitang-kita ang mga sanga. Wala ring makakapal na halaman. Ang naisip niya lang ay nanakbo ito sa kakahuyan sa kabilang ibayo ng ilog, ngunit kung iyon nga ang ginawa ng magnanakaw naabutan niya sana dahil ilang dipa din naman ang layo niyon mula sa pader. Kahit anong bilis ang pagtakas ng magnanakaw makikita niya pa rin sa pagbuntot niya rin naman. Napapabuntong-hininga na lang siya nang malalim dahil sa hindi siya nakilala ng kaniyang kaibigan. Minabuti niyang bumababa na lang bitbit ang pana na ginamit ng kasama nito, hindi gawa sa bato ang talim niyon kundi matigas na bakal na kulay itim.