Kabanata 2

4326 Words
NAKARATING na rin naman sila sa ibaba ngunit nang nasa hagdan na sila sa ikalawang palapag bumulusok paibaba ang kaaway na nakamaskara. Nang hindi nito makuha ang medalyong nasa sahig tinalon niya ito, tinuhod niya ito hanggang sa madala niya ito sa pasilyo. Pagbagsak nito sa sahig habang nasa ibabaw siya nagpalabas ito ng kutsilyo kaya lumayo siya rito. Sa pagbangon nito kaagad niyang sinipa ang hawak nitong kutsilyo't umikot siya sa ere kasunod ang isa pang sipa sa dibdib nito. Dahil doon tumalbog ito't dumulas sa pasilyo palayo sa kaniya. Hindi niya na ito hinintay na bumangon, tinakbo niya ang harang kapagkuwan ay tinalon na lamang ang huling palapag para makababa na siyang paglabas ng dalawa niyang kaibigan sa gusali. Sumunod siya kaagad sa mga ito kaya naabutan niya ang mga itong tumatakbo sa daan. Sa kamay ni Marlo ay hawak nito ang pinulot na medalyon. Nagmadali siyang lumapit sa kotseng ipinarada niya sa tahimik na daan na iyon. Nagpadulas pa siya sa unahan niyon para makarating sa kabila kung saan ang manibela. "Sakay na. Bilisan niyo," aniya sa dalawa nang buksan niya ang pinto sa unahan. Nagtataka man ang dalawa sumakay din naman ang mga ito sa hulihang upuan. "Asan na iyong si Sebastion?" naitanong ni Kenji sa kaniya na hindi na napigilan ang bibig. "Saan mo iniwan?" "Nariyan lang sa likod." Binuhay niya ang makina ng sasakyan kapagkuwan ay pinaharurot sa daan na iyon. Wala na ring nasabi si Marlo pati ang babae sa paglagay niya ng buong atensiyon sa pagmamaneho. Samantalang siya naman ay nanatiling tahimik sa kinauupuan. Nararamdaman niyang magkahihiwalay na sila ng kaniyang mga kaibigan matapos ang gabing iyon. Ngunit hindi niya mahanap ang mga salitang dapat niyang sabihin sa mga ito. Ibinalik niya ang kaniyang atensiyon sa labas dahil sa mga gusaling kanilang nadadaanan. Sa tahimik na daan pa ay umiindap ang mga poste ng ilaw. Pinaliit niya ang kaniyang tingin sa bubongan ng paupahan dahil sa naaninag niyang kung anong nilalang sa ibabaw niyon. Hindi makita ang katawan ng nilalang dahil humahalo iyon sa dilim. Nagkaideya lang siya sa kung ano dahil sa bawat pakli ng liwanag na dala ng mga pagkidlat. Mabilisan iyong lumilipat sa mga tuktok ng mga gusali habang sumasabay sa bilis ng kanilang kinasasakyan. Nang malapit na sila sa salikop ng daan bigla na lamang tumalon ang nilalang mula sa bubong patungo sa kanila. Sa ginawa nito kinabig niya ang manibela na nagtulak sa kotse na marahas na lumiko patungo sa kaliwa habang tinatapakan ang preno, gumawa pa ng usok ang gulong sa aspalto sa tindi ng kanilang paghinto na may kasamang pag-irit, sa nangyari nalayo ang sasakyan sa bahaging lalapagan ng nilalang. Hindi na kailangang magtanong ng mga kaibigan niya kung bakit niya nagawang tabigin ang manibela. Sapagkat lumapag na nga sa daan ang nilalang ilang dipa ang layo sa kanilang kinasasakyan. Malabato ang mabalahibong katawan ng nilalang, sa sobrang laki nito halos higitan nito ang sukat ng kinasasakyan nilang kotse. Wala man itong ano mang suot, ang kalahating katawan naman nito ay nababalot ng makakapal na puting balahibo na siyang tumatakip sa maselan nitong bahagi. Nakakabit pa rin sa kamay nito ang porselas ng kadenang inilagay dito, isang indikasyon na kontrolado ang bawat kilos nito ng humahabol sa kanila. Higit na kapansin-pansin ang mahaba nitong mukha. Hindi rin magpapahuli ang sumasanga nitong sungay. Ibinaba nito ang dalawang mahahabang kamay para maglakad kasabay ang dalawang paa. "Ano iyan Nikolai?!" ang naitanong ng babae na walang ideya kung ano ang nilalang. "Huwag mo na lamang itanong. Wala na akong panahon para ipaliwanag pa sa inyo. Ihanda niyo na lamang ang mga sarili niyo," aniya sa dalawang kaibigan nang tingnan niya ang nilalang. "Siguradong walang matitira sa atin kung makalapit sa atin iyan," komento pa ni Marlo kaya tiningnan ito nang masama ng dalaga. "Huwag ka ngang magsalita nang ganiyan," ang naiinis na sabi ng babae. "Nakadadagdag ka lang sa takot ko. Itikom mo na lang kaya ang bibig mo. Hindi ka naman nakatutulong sa pagdaldal mo." Pinantayan ni Marlo ang sama ng tingin ng babae kaya nilingon niya na ang mga ito. "Mabuti pang pareho kayong tumahimik na dalawa diyan," aniya sabay balik ng atensiyon sa unahan. Atubili ngang sumunod ang dalawa niyang kaibigan kaya yumuko ang mga ito sa likurang upuan na siyang pagpaharurot niya sa sasakyan na ilang dipa lamang ang naitakbo. Hindi nagpaiwan ang nilalang, kaagad itong bumuntot nang matulin para mahabol silang lumalayo, tumatakatak ang pares ng mga kamay at paa nito sa daan sa pag-uunahan ng mga iyon. Walang kahirap-hirap na naabutan nga sila nito, pinigilan nito ang kinasasakyan nila sa pamamagitan ng pagdamba ng mabibigat nitong mga kamay sa hulihan ng kotse. Sa lakas ng hampas nito nayupi ang takip ng kompartamento at umangat ang unahan nang mahigit limang talampakan mula sa daan na ikinasigaw ng dalawa niyang kaibigan dulot ng nangibabaw na takot. Sumabay na rin dito ang pagkabasag ng salamin sa likod na upuan. Ilang segundo ang itinagal ng pagkaangat ng unahan ng kotse sa ere bago ito bumagsak kasabay ng pagpatay ng makina na nagtulak sa kaibigan niyang babae na humawak nang mahigpit sa likuran ng kinauupuan niya. Ang isa nitong kamay naman ay nakahawak sa braso ni Marlo. Hindi tumigil ang nilalang sa panggugulo sa kanila sapagkat hinawakan nito ang ilalim ng puwetan ng sasakyan. Umatungal ito nang malakas na siya ring pagbalibag nito sa kanilang kinasasakyan. Sa lakas ng pagtilapon ng kotse umiikot sila ng ilang beses sa hangin na ikinasigaw ng dalawa na para bang wala nang bukas. Tumama sa kaniyang mukha nang paulit-ulit ang supot bago kumalat ang mga laman niyong binili niyang pagkain, pakiramdam niya pa ay babaliktad ang kaniyang utak, sa likuran ng kotse hindi na naalis ang kamay ng dalawa sa upuan nang makaiwas na masaktan. Tumigil lamang ang kotse nang gumulong na iyon sa daan, bumangga kapagkuwan sa mga basurahan pagkaraa'y dumiretso sila sa pader ng gusali, umugoy nang tuluyang huminto kasabay ng pagbagsakan ng mga nabasag na naiwang mga salamin. Minasahe niya ang kaniyang batok nang umayos siya sa pagkaupo. Ang dalawa niyang kaibigan sa likod naman ay napapaungol dulot ng natamong sakit sa katawan. Nililingon pa ni Marlo ang nilalang na lumapit sa kanila't gumapang nang mabilis paakyat sa kanilang uluhan, kumakalabog ang mga paa't kamay nito sa bubongan na nagbabadya ng kapahamakan. Dahil dito nadagdagan pa ang takot na nararanasan ng dalawa niyang kaibigan na hindi na malaman kung ano ang gagawin. Hindi nga rin naman sanay ang mga ito sa hindi pangkaraniwang-bagay na gumagambala sa mundo. Tumakas muli sa bibig ni Layla ang malakas na sigaw sa pagbaon ng nilalang sa matutulis nitong kanang kamay sa bubong. Niyupi nito kapagkuwan ang bubong hanggang magkaroon ng malaking puwang kung saan kitang-kita sila nito. Inilapit niya ang daliri sa unahan ng kaniyang bibig upang patahimikin ang babae, sumunod din naman ito sa kaniya pati na si Marlo na nakuha pang takpan ng kamay ang bibig. Umuungol nang malalim ang nilalang nang ibaba nito ang ulo sa puwang, nanlalaki ang mata ng babae niyang kaibigan habang nakikita nito sa malapitan ang mukha ng nilalang na walang mata't ilong, bibig lamang ang mayroon ito na matutulis ang ngipin, pinapalabas pa nito ang mahabang dilang mapula kung saan tumutulo ang malapot na itim na laway. Nadilaan pa ng nilalang ang kamay ng babae na nakahawak sa likuran ng upuan kaya impit na naman itong umungol. Siya naman ay pigil ang kaniyang hininga habang maingat na inaaalis ang kawit ng sinturong pangkaligtasan sa seradura nito. Nagawa niya namang maalis iyon na hindi siya sinusunggaban ng nilalang. Binitiwan niya lamang ang sinturong pangkaligtasan nang ipasok pa lalo ng nilalang ang ulo lito, lumingon pa ito sa kaniya mula sa kinauupuan ng babae. Sa naging layo ng mukha nito sa kaniyang pisngi na gahibla lang dinig niya nang malinaw ang malalim nitong pag-ungol, tumulo pa ang laway nitong maitim sa kaniyang balikat galing sa mahaba nitong dila na dumaan sa kaniyang tainga. Sa hindi niya paghinga naguguluhan itong binawi ang ulo. Imbis na umalis sa nawarak na bubongan nanatili ito roon habang nakikiramdam, hinihintay ang kung ano mang tunog na maririnig ng tainga nito. Nakuha pa nga nitong umatungal na nakababasag-tainga upang tawagin ang kung sinong nagpadala rito na nasa malayo. Dahilan para mapatakip ng tainga ang dalawa sa hulihan ng sasakyan, sumasama ang mukha ng mga ito sa pag-alingawgaw ng atungal. Natapos lang ang pag-atungal ng nilalang nang umindap-indap ang kalapit na poste. Bumaba ang nilalang kapagkuwan ay gumapang ito patungo sa poste ng ilaw, nang makarating doon muli itong nakiramdam. Dala ng pagkakataon tiningnan niya si Layla sa sinabi nito. "Ano ang gagawin natin?" pabulong nitong tanong sa nanginginig nitong boses. "Lalabas ako para sumunod iyang nilalang sa akin," saad niya nang ipaling niya ang tingin sa nilalang na patuloy pa rin sa pakikiramdam. "Ano? Hindi mo puwedeng gawin iyan. Mamaya mapahamak ka pa. Hindi pa tuluyang gumagaling ang katawan mo," aligagang sabi ni Marlo. Kitang-kita niya ang pinaghalong takot at pag-aalala na nabuo sa mga mata ng dalawa niyang kaibigan na bahagyang nakaapekto sa kaniya. Inalis ng babae ang sinturong pangkaligtasan para mahawakan siya nito ngunit nahuli na ito. Bumaba siya kaagad ng sasakyan nang mabuksan niya ang pinto, hangin na lamang ang naabot ng nanginginig nitong kamay. "Alam mong hindi kita puwedeng sundin sa pagkakataong ito," aniya sa kaibigang babae. "Mas mainam na umalis na kayo habang sa akin napako ang atensiyon ng nilalang. Huwag niyo na akong hintayin." Ibinuka ni Layla ang bibig para magsalita na hindi na nito naituloy sa pagsara niya sa pinto. Naupo na lamang ito na nakasunod ng tingin sa kaniya sa pag-ikot niya sa sasakyan hanggang sa makatayo siya sa tabi ng mga tumumbang basurahan. Sinipa niya ang isa sa basurahan na siyang gumawa ng ingay. Sa paglingon sa kaniya ng nilalang nagmadali siyang tumakbo. Hindi rin siya nagkamali na susunod sa kaniya ang nilalang dahil nasa likuran niya lang ito. Nalingunan niya ang babaeng kaibigan na lumabas ng sasakyan kaya nahinto ang nilalang. Upang hindi mapansin ng nilalang ang babae nanakbo siya pabalik dito, sa bilis ng kaniyang nga paa mistulang nag-uunahan ang mga iyon. Nakuha pa siya nitong talunin kahit na ilang dipa pa ang layo niya rito na bumubuka nang malaki ang bibig. Sa pananatili nito sa himpapawid sinalubong niya ito nang talon habang nakahanda ang kanang kamay. Nang makadikit na siya rito ubod lakas niyang itinarak ang kaniyang kamay sa dibdib nito, bumaon ang mga daliri niya na pinupunit ang laman ng nilalang, nag-iiwan ng sugat na nilabasan ng maitim na dugo, hindi niya hinugot hanggang sa lumuwa ang kamay niya sa likod nito. Hindi pa man niya naalis ang kamay naglaho na ang nilalang, nasunog ang buong katawan nito mula sa dibdib kawangis ng nasusunog na papel. Tumayo siya sa daan pagkalapag niya na hindi binibigyang-pansin ang tumutulong itim na dugo sa kaniyang kamay. Nakaramdam siya ng inis para kay Sebastian. Alam niyang pinaglalaruan lang sila nito. Nakapako ang mata ni Layla sa kaniya nang sandaling iyon, pinagmamasdan nito ang kaniyang paghakbang. "Nasaktan ka ba?" ang naitanong nito sa kaniya nang makalapit siya sa kotseng yupi-yupi na ang mga gilid. Iniling niya ang kaniyang ulo bilang tipid na sagot dito sa pagsakay niya. Ganoon na rin naman ang ginawa ng babae, nagmadali itong sumakay ng kotse sa inuupuan nito na siya ring pagsara niya sa pinto. "Sa susunod makinig ka sa akin. Mabuti na lang hindi buo ang nilalang," marahan niyang sabi sa babae nang ang pinto sa puwesto nito ay isinara na rin nito. "Sinabi ko na nga sa iyong huwag kang lumabas,", segunda pa ni Marlo kaya nainis naman itong tiningnan ang kaibigang babae. Sa sinabi ni Marlo pinihit na nga niya ang susi sa manibela ngunit hindi rin umandar kaagad. Mabuti na lamang sa ikalawang ulit ng pagpihit sa susi tuluyan na ring umandar ang makina. Kinalimutan ng babae ang takot na nararamdaman kahit na nanginginig ang kamay, pinaharurot na lamang niya ang kotse paalis sa bangkita na higit pang mabilis na umiirit ang gulong sa daan. Nawala lang ang pag-irit nang alisin niya ang paang nakatapak sa preno kasabay ng pagtuwid ng sasakyan. Humalo sila sa ibang mga sasakyan hanggang makarating sa mahabang tulay. Tiningnan niya ang itsura ng kaniyang kamay na nabalot ng itim na dugo, sumusuot pa sa ilong niya ang masangsang na amoy na pinapakawalan niyon. Inabot niya na lang ang kaniyang bag na naglalaman ng ilang pares ng damit sa gitna ng mga upuan habang abala sa pagmamaneho. Naglabas siya ng asul na pang-itaas na siyang ginamit niyang pangpunas sa nadungisang kamay. Pagbalik niya ng tingin sa daan natigalgalan siya dahil sa nakamaskarang usa na siyang humarang sa kanilang dinaraanan, mabagal na naglakad si Sebastian kahit na mayroong ibang sasakyang dumadaan. Sa uluhan nito ay nagliliparan ang kawan ng mga uwak. "Hindi niya talaga tayo titigilan," ang naibulalas ni Layla habang tinitigan nang maigi ang nakamaskara. "Ibigay niyo sa akin ang medalyon. Iyan ang pakay niya," aniya sa dalawa nang ihinto niya ang sasakyan. "Hindi," tanggi ni Marlo. "Alam ko ang binabalak mong pagsakripisyo." Nanlaki ang mata ng dalawa nang magsilaparan ang kawan ng uwak pasalubong sa kanila, hinarangan ng dami ng mga ibon ang liwanag na gawa ng pangunahang ilaw ng kotse. "Anong gusto mo?! Lahat tayo mapahamak?! Kayong dalawa ang mayroong kinabukasan pa kaya dapat kayo ang mabuhay! Ibigay mo na sa akin!" tumaas na ang kaniyang boses. "Hindi nga sabi. Kasalanan namin kaya hindi mo dapat gawin ang naiisip mo." Inilipat ni Marlo ang tingin sa babae sabay balik sa kaniya. "Pasensiya na. Dahil sa amin nahihirapan ka." Nanlaki na lamang ang mata niya nang lumabas ito ng sasakyan kapagkuwan ay tumakbo ito papalayo dala ang medalyon. "Bumalik ka rito Marlo!" ang naisigaw niya sa kaibigan. Hindi naman narinig ng kaniyang kaibigan ang kaniyang pagsigaw dahil sa nagsiliparan ang kawan ng uwak para sundan ito. Pumasok pa ang iba sa sasakyan kaya napapayuko naman ang babae para hindi ito mahagip. Samantalang siya ay pinili niyang lumabas. Nang tingnan niya ang nakamaskara wala na ito sa kinatatayuan nito, matapos mapagtanto ang isang bagay matulin siyang tumakbo para habulin ang kaibigan. Kinailangan niya pang tumalon sa itaas ng kotseng nakasalubong niya nang hindi siya mabangga. Sa pananatili niya sa ere kitang-kita niya ang pagkumpulan ng mga uwak, pinaiikutan ng mga ibon ang kawawa niyang kaibigan na ang ginagamit lang na proteksiyon ay mga kamay. Sa nangyayari nagsitabi ang mga kotseng dumaan, ang iba pa nga ay napahinto, may ilan ding bumangga sa harang ng tulay. Dahil maging sa kaniya ay mahirap na isa-isahin ang mga uwak ginawa niya na lamang ang bagay na pinakaiiwasan niya. Pagkalapag na pagkapag niya nagpalabas siya ng itim na apoy na pumaikot sa kawan ng mga uwak, dinagdagan niya iyon nang dinagdagan sa pagtakbo niya palapit sa kaibigan kahit na nararamdaman niyang maging ang katawan niya ay nagsisimula na ring masunog. Hindi niya tinigilan ang mga uwak hanggang walang matira. Sa laki ng apoy na pinakawalan niya umaabot ang taas niyon sa poste ng tulay at sa dalawang harang sa kaliwa't kanan. Ang ibang mga taong nakasaksi ay nagsitakbo papalayo habang sumisigaw. Nang makitang bumagsak ang kaibigan niyang si Marlo itinigil niya ang pagpapalabas ng apoy. Nilapitan niya ang nanghihina niyang kaibigan. Sa dami ng mga natamo nitong sugat naglalabasan ang maraming dugo rito. "Dapat hindi mo na lamang ginawa," ang malumanay nitong sabi. "Patawad. Hindi kita naprotektahan nang maigi," sabi niya sa unang pagkakataon. Hinawakan niya ito sa likod para maalalayan itong humiga. Tinaaas ni Marlo ang nanghihinanang kamay, hindi rin nakaligtas ang maamo nitong mukha na napuno ng sugat, nagdurugo pa ang kanang mata nitong natuka. Hinaplos nito ang kaniyang kaliwang pisngi. "Huwag mong sabihin iyan. Wala ka namang kasalanan," sabi ni Marlo sa garagal nitong boses. "Huwag mo nang gagawin ulit na magpalabas ng maraming apoy. Maglalaho ka sa ginagawa mo." "Ayos lang." Inalis niya ang mga kamay nito sa kaniyang pisngi, nararamdaman niya ang bigat na dala-dala niyon. "Ang importante ay makaligtas ka." Inilagay nito sa kaniyang palad ang medalyon na naging malamig sa kaniyang kamay. "Mabubuhay nga ako pero hindi kita makikita ulit. Hindi ko gusto ang ganoon," sabi ni Marlo sa pangingilid ng luha nito. "Kunin mo ito. Pakiramdam ko ay makatutulong iyan sa iyo dahil napanaginipan ko nang isang gabi na hawak mo iyan. Kaya nga pumayag din ako sa plano ni Layla." Sa pag-uusap nilang iyon unti-unting nawala ang apoy sa kaniyang uluhan. Naikumyos na lamang niya ang kamay sa medalyon. Inilihis niya ang kaniyang tingin sa mukha nito para makaiwas na maluha, sapagkat nag-iisa lang ang ibig sabihin niyon, indikasyon ng pagiging mahina. Wala na siyang nasabi sa kaibigan dahil sa isang tinig na nagmula sa kaniyang likuran. "Sinabi ko na nga ba mayroong kakaiba sa iyo," saad ng tinig na malalim at buong-buo. Nilingon niya ang pinagmumulan niyon. Lumabas mula sa ilalim ng aspalto si Sebastian. Sa pagtama ng kaniyang mata sa kabuuan nito sumama na ang kaniyang tingin. Nagsisimula na namang kumulo ang kaniyang dugo kaya naikukumyos niya ang kanang kamao. Hindi makita ang mukha nito sa loob ng maskara. "Hindi ka ba talaga titigil?" matapang niyang sabi sa nakabalabal sa kaniyang pagtayo. Tumawa nang masama si Sebastian na masyadong malakas bago ito muling magsalita. "Bakit naman ako titigil?" sabi nito nang mahina. "Kung binigay niyo na lang sana ang medalyon!" dugtong nito nang pagsigaw na puno ng galit. "Hindi sana iyan mangyayari sa kaibigan mo!" "Ano bang halaga ng medalyon para ipahamak mo ang mga kaibigan ko?" "Bakit hindi mo itanong sarili mo?" ang matapang nitong sabi sa lalong paglalim ng boses nito. Hindi naman niya naintindihan ang sinabi nito. Tinaas nito ang kanang kamay patungo sa tabi. Sinundan iyon ng paglitaw ng isang malahiganteng ulupong na maberde ang kaliskis sa likuran nito sa manipis na hangin. Hindi nag-aksaya ng sandali ang nakamaskara, pinasugod nito ang ulupong patungo sa kaniya. Inilapag niya na lang ang kaibigan at humakbang siya nang ilang hakbang palayo sa unahan nito. Mabilis na gumapang ang ulupong na nakabuka ang bibig, kitang-kita ang matatalim nitong pangil. Nang makalapit ang ulupong sa kaniya tinutok niya ang kanang kamay rito, hindi tuluyang nakadikit ang makamandag na hayop sa kaniya sa pagbalot ng maitim na apoy rito. Sa tindi ng apoy kaagad na nasunog ang ulupong bago naglaho na parang nasusunog na papel, naglaro na lamang sa hangin ang naiwang mga mumunting apoy. Ibinaba niya na rin ang kaniyang kamay matapos niyon. "Hindi ko alam kung anong pinagsasabi mo," aniya sa nakamaskarang si Sebastian. "Mukhang hindi mo natatandaan ang tungkol sa medalyon," ang nakalolokong sabi ng nakamaskara. "Mabuti pang umalis ka na kung ayaw mong pati ikaw ay mawala na rin," babala niya sa kaaway. Muli siya nitong tinawanan nang masama. "Sino sa atin ang mawawala?" sabi nito kapagkuwan ay tumawa na naman nang mahina. Naintindihan niya ang ipagkahulugan ng tawan nitong iyon kaya nilingon niya ang kaibigan na si Marlo. Ngunit wala na ito sa likuran niya. Naibalik niya na lamang sa nakamaskara ang atensiyon sa muli nitong pagtawa nang malakas. Mula sa ilalim ng aspalto ay lumitaw si Marlo na hawak sa leeg ng kasamahan ng nakamaskara. "Umalis ka na! Pabayaan mo na ako!" sigaw ng kaibigan niya. Nabalot na ng dumi ang mukha nito na nabahiran ng sarili nitong dugo. Napahakbang siya nang isa na hindi niya naituloy sa pagsigaw ng nakamaskara. "Gawin mong lumapit kung hindi tutuluyan ko ang kaibigan mo!" babala ni Sebastian. Tinutok nito ang maliit na punyal sa kaibigan niya na nagmula sa manggas ng balabal nito. "Pakawalan niyo siya. Ang medalyon lang naman ang gusto niyo, hindi ba?" aniya kay Sebastian. "Pagbibigyan kita kung luluhod ka sa harapan ko," sabi ni Sebastian. Inalis nito ang punyal na nakatutok sa leeg ni Marlo. "Huwag mong gagawin," sabi ng kaniyang kaibigan. "Hindi mo kailangang ibaba ang sarili mo sa katulad nila. Tumakbo ka na. Huwag mo na akong alalahanin." "Pero hindi kita puwedeng iiwan dito," aniya kay Marlo. "Magkikita tayo ulit. Naniniwala ako," saad ng kaibigan niya. "Pakiusap. Iiwan mo na lang ako. Mabuhay ka para sa akin." Hindi nito naituloy ang sasabihin pa nang humigpit ang kamay ng kasamahan ng nakamaskara na nakahawak sa leeg nito. Liban pa roon tinutok pa ni Sebastian ang punyal pabalik sa leeg nito. "Tumahimik ka!" matapang na sabi ni Sebastian sa kaibigan niya sabay baling sa kasamahan nito. "Gawin mo na. Nag-aksaya lang tayo ng panahon dito." Sa sinabi ni Sebastian mabilisang nilaslas ng kasamahan nito ang leeg ng kaibigan niya gamit ang matalas na punyal na hawak nito sa isang kamay. Bumisirit ang dugo sa leeg ng kaibigan niya hanggang sa maputol iyon habang dilat ang mga mata nito. Naitaas pa ni Marlo ang kanang kamay patungo sa kaniya bago bumagsak ang katawan nito sa lupa. Hindi pa nakuntento ang pumugot sa kaibigan niya sapagkat tinapon pa nito ang ulo sa kaniyang kinatatayuan. Gumulong iyon sa lupa habang tumatawa nang masama ang kaniyang kaaway, tumigil lamang sa paggulong ang ulo nang tumama iyon sa kaniyang mga paa. Sa pagtitig niya sa ulo ng kaibigan naputol nang tuluyan ang pising nakabigkis sa kaniyang katauhan, sumabog ang pinipigilan niyang emosyon na siyang naging dahilan kay nagsilabasan na naman ang maitim na apoy sa kaniyang katawan. Maging sa mga mata niya ay lumalabas ang apoy. Nasunog na rin niyon ang ulo ng kaibigan niya na nakatatak na sa kaniyang isipan. "Pagsisihan mo ang ginawa mo," mariin niyang sabi na puno ng galit. Sa kalabisan ng itim na apoy nagsisimula ng masunog ang kanan niyang mukha na parang nasusunog na papel. Hindi niya na alintana ang bagay na iyon. "Mamamatay man ako ngayon pero isasama ko kayo." "Itigil mo iyan Nikolai!" sigaw ng kaibigan niyang babae na nagtungo rin sa dakong iyon ng tulay. Hindi niya pinakinggan ang sinabi nito. Nanlaki pa ang mata niya nang marinig niya ang malakas na pagsigaw nito na dulot ng takot. Nang lingunin niya ang kaibigang babae kitang-kita niya ang pagbulwak ng dugo sa nabutas nitong dibdib. Sa likuran nito ay nakatayo ang isa pang kasamahan ni Sebastian, sa kamay nito ay hawak nito ang puso ng kaniyang kaibigan. Nagsuka pa nga ito nang dugo bago ito bumagsak sa daan, dumagdag lamang iyon sa galit na naipon sa kaniyang dibdib. Hindi rin naman siya nakakilos sa kinatatayuan dahil sa pagbaba ng isang binata mula sa himpapawid. Lumapag ito sa harapan niya ilang talampakan lamang ang layo, nagsitalsikan pa ang mga natibag na bato sa bumitak na lupa. Natatakpan ang kalahati ng mukha nito ng maskara. Nakasuot ito ng ternong itim na inilalabas ang matipuno nitong pangangatawan. Kapansin-pansin ang prominente nitong ilong na hindi magpapahuli, bumagay sa hugis ng mukha nito ang manipis na tabas ng buhok nito. Tiningnan siya nito pababa dahil nga sa naging kalagayan niya. "Tingnan mo nga naman ang pagkakataon!" ang sigaw ni Sebastian na nakatingin sa kanilang dalawa ng bagong dating na binata. Sa balak nitong paglalakad patungo sa kanila ng binata bumaon sa harapan nito ang mga espada na ginintuan ang hawakan. Kung kaya nga napaatras na lang ito ulit. "Hindi ka pa rin nagbabago," panimula ng binata sa baritono nitong boses sa kaniya. "Hinahayaan mo pa rin ang sarili mo na lamunin ng galit." Hindi niya hinintay ang iba pang sasabihin nito dahil hindi niya naman ito kilala. Hindi niya nga naintindihan kung bakit ganoon ang nasabi nito. Tumakbo na lamang siya nang matulin palayo rito na ang tinutumbok ay ang tubig sa ilalim ng tulay. Napapatitig pa siya sa medalyon sa pagliwanag niyon, naalis ang nakabalot na itim kaya lumitaw ang pagiging kumikinang nitong ginto. Sa bilis ng kaniyang pagtakbo nakarating siya kaagad sa harang. Kapagkuwan ay napatigil siya dahil sumagi sa isipan ang mukha ng mga kaibigan na siya ring pagdating ng binatang nakaternong itim. Nilingon niya ito at muling sinalubong ang mga mata nito. Sa pagkakataong iyon itinigil na niya ang pagpapalabas ng apoy ngunit ang pagkasunog ng kaniyang katawan ay hindi nahinto, lalong lumapad ang pagkasunog sa kaniyang mukha kawangis sa nasusunog na papel, kahit ang ibang bahagi ng kaniyang katawan ay ganoon na rin ang nangyayari. Sa lakas ng hangin nadadala ang abo na nagagagawa ng kaniyang nasusunog na katawan. "Hindi ka na dapat nagpunta rito kung sino ka man," aniya sa binata dahil iyon lang ang kaya niyang sabihin dito. Nang humakbang ito nang isa palapit sa kaniya humakbang na rin siya paatras. "Huwag na huwag mong gagawin ang naiisip mo," mariing sabi ng binata sa kaniya. "Bakit naman kita susundin?" Mahahalata ang paghugot nito nang malalim na hininga sa pagtaas ng balikat nito. "Sige. Ituloy mo ang balak mo pero ibalik mo muna sa akin iyang medalyon." Tinaas pa nito ang kamay para ilagay niya roon. Pinagsalubong niya ang kilay sa narinig. "Ano bang mayroon sa medalyon at gusto mo ring makuha?" Pinagmasdan niya ang medalyon na patuloy pa rin sa pagliliwanag. "Ano'ng pinagsasabi mo? Ako ang nagmamay-ari sa medalyon na iyan kaya dapat mong ibalik." Hindi naman niya pinaniwalaan ang sinabi nito. Dahil wala na rin naman ang kaniyang mga kaibigan, namatay dahil lamang sa bagay na iyon wala siyang pagbibigyan niyon. Imbis na pakinggan ang sinabi ng binata umakyat siya sa harang kapagkuwan ay tumalon doon paibaba ng tubig. Sa kalabisan ng pagpapalabas niya ng apoy tuluyan na ngang nasunog ang kaniyang katawan, magmula sa kaniyang mga paa patungo sa kaniyang mukha. Isa lang ang naisip niya nang sandaling iyon, dumating na nga siya sa kaniyang katapusan. Ang tanging pinagsisihan niya ay hindi niya naprotektahan ang dalawa niyang kaibigan. Hindi na siya nakarating sa tubig dahil tuluyan na siyang naglaho kasabay ng paglaho ng medalyon. Naiwan na lamang ang binata na nakatayo sa harang na pinagmamasdan ang abo niyang nagliliwanag na nadadala ng hangin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD