KINAUMAGAHAN pagputok ng araw dinala siya ng dama at ng kaniyang alalay na si Arnolfo sa silid-aklatan ng palasyo. Hugis pabilog ang silid kung kaya maging ang hanay ng mga matataas na estante ay humugis bilog din. Naroon sa gitna ang nag-iisang mesa na nilagyan ng nag-iisa lang ding upuan kung saan maaring magbasa, naiwan pa ang ilang nakapatong na libro sa ibabaw niyon. Hindi niya maiwasang pagmasdan ang mga libro sa estante dahil sa buong bahay niya doon lamang siya nakakita ng libu-libong libro. Mayroon naman siyang nakitang mga libro ngunit hindi mapapantayan niyon ang bilang na mayroon ang palasyo.
Hindi madilim sa loob dahil sa sapat na liwanag na nakukuha ng silid mula sa sinag ng araw na lumulusot sa nakapaikot doon na mga bintana. Umabot ang sinag ng araw sa mesa kaya nasabi niya sa kaniyang sarili na sinadyang ilagay nga iyon roon.
"Ano bang ginagawa natin dito?" ang naitanong niya nang lumapit siya sa mesa.
Kinuha niya ang nakapatong na libro't marahang binuksan ang pahinang lumang-luma. Naninilaw man ang papel niyon ngunit mababasa pa rin naman ang mga salitang nakasulat kahit na pumupusyaw na ang tintang ginamit. Ang librong hawak niya ay walang ano mang larawan nakaguhit, malayong-malayo sa unang librong nabuklat niya sa aklatan. Mula sa unang pahina ay mahahabang talata ang nadadaanan ng kaniyang mga mata. Sa kapal ng libro kung babasahin niya iyon pihadong aabutin siya ng ilang mga araw bago niya matapos hanggang dulo.
Sa hindi niya pagkilos kalapit ng mesa, humakbang patungo sa kaniyang likuran ang kaniyang alalay na si Arnolfo. Dinig na dinig niya ang mabibigat na yabag nito sa sahig kaya hindi niya ito kailangang lingunin para malamang nasa likuran niya lamang ito.
Dala pa rin nito sa kanang kamay ang espada na ang kaluban ay kakulay ng suot nitong bughaw na damit. Mahigpit ang kapit nito sa sandata na para bang sinasabi niyon na ano mang oras na mayroong mangyayari kaagad nitong mahuhugot iyon.
"Gusto lang namin na matulungan kayo na mayroong maalala nang hindi na kayo mahirapan. Kung mayroon ka nang maalala malalaman na rin natin kung anong nangyari talaga sa iyo bago ka mawalan ng alaala. Nagbabasakaling bumalik ang lahat sa iyo kung pupunta kayo rito," pagbibigay-alam ni Arnolfo na naunawaan niya rin naman. "Kung wala kayong ginagawa madalas dito kayo naglalagi para magbasa ng libro. Nasabi mo pa nga minsan kung puwede lang na dito ka na lang tumira nang hindi ka na aalis dtio. Natutuwa kang sa lugar na ito libro ang nagiging kaibigan mo na wala ka sa buhay mo."
Nangangati siyang sabihin dito na hindi niya kailangang alalahanin ang lahat dahil nga sa hindi siya ang prinsipe ngunit malabo siyang paniwalaan nito kaya hindi na lang niya itutuloy. Para sa mga ito'y imposibleng naglakbay ang kaluluwa niya mula sa kasulukuyan pabalik ng nakaaraan, hindi nga siya pinaniwalaan ng kaibigan niyang si Marlo nang sabihin niya iyon dito. Hindi malayong iisipin nito na nasisiraan na siya ng ulo na hindi isang magandang kondisyon bilang isa siyang dugong bughaw sa panahon na iyon. Kailangan niyang manahimik patungkol sa bagay na iyon nang tumagal siya sa nakaraan habang iniisip kung paano niya mababago ang kaniyang magulong buhay. Alam niyang masyadong makapangyarihan ang mga salita sa palasyo. Isang pagkakamaling salita niya lang pihadong magkakagulo ang lahat lalo na kung ipagsasabi niya kung saan siya galing.
Hindi niya alam kung paano niya ipapaliwanag na wala namang mali sa kaniya't hindi nawawala ang kaniyang mga alaala.
Sinara niya na lamang ang unang hinawakang libro na mayroong kabuntot na pinong alikabok. Pinaypay niya sa kaniyang harapan ang kaniyang kamay nang hindi niya masinghot ang pagliliparan niyon na kitang-kita niya na naglalaro sa sinag ng araw. Wala rin namang nagawa ang paggalaw ng kaniyang kamay sapagkat naubo pa rin naman siya nang makailang ulit.
Balak pa siyang lapitan ng kaniyang dama na puno ng pag-aalala ang mukha. Tinaas niya ang kaniyang kamay para pigilan ito, sumunod din naman ito sa kaniya't nanatiling nakatayo habang naghihintay sa mga sasabihin. Tumikhim siya nang malinis niya ang kaniyang lalamunan na ilang ulit niya ring ginawa.
Nagsalita lamang siya nang wala na siyang maramdaman na sumasabit sa kaniyang lalamunan.
"Hindi naman makatutulong ang pagpunta natin dito para may maalala ako," aniya sa kaniyang alalay.
Ibinalik niya na lamang ang libro sa dating ayos nito. Ipinatong niya iyon sa isa pang libro nang pantay na pantay. Itinuwid niya ang mga dulo niyon nang walang pahinang lumabis sa mga ito. Kapagkuwan ay marahang humakbang patungo sa estante sa gawing kaliwa niya. Napansin niya pa ang manipis na alikabok sa kaniyang palad dahil sa ilang araw na iyong huling pagkakataon na mayroong pumasok doon. Hindi na nagagalaw ang mga libro kaya nabalot nang kaunting alikabok. Pinunas niya ang kaniyang kamay sa ibaba ng kaniyang suot na tradisyonal na damit nang maalis ang dumi.
"Huwag kayong mawalan ng pag-asa, mahal na prinsipe," ang nasabi naman ng kaniyang dama na nakatayo sa gawing likuran ng kaniyang alalay na si Arnolfo. "Naniniwala akong babalik din ang mga alaala mo sa susunod na mga araw. Magiging buo kayo ulit." Inalis nito ang nakatagong kamay sa likuran ng suot nito't siniko ang kaniyang alalay para maghanap ng kakampi rito. "Kailangan niyo lang maghintay."
"Tama nga rin naman si Magdalena, mahal na prinsipe," dagdag na lamang ng kaniyang alalay dahil hindi pa rin natigil sa pagsiko ang dama. Nagtinginan pa ang dalawa upang magtulukan kung sino ang tutuloy sa pakikipag-usap sa kaniya.
Pinagmasdan niya ang gulugod ng mga libro para mabasa niya ang mga titulong nakasulat doon, tinuro niya nang isa-isa nang magkasunod-sunod nang makahanap siya ng pupukaw sa kaniyang interes. Iyon nga lang wala naman siyang nakita kaya ibinaba niya na lamang ulit ang kaniyang kamay. Halos ang nababasa niyang titulo'y patungkol sa buhay ng mga taong hindi niya naman kilala, ang karamihan sa mga iyon ay ang tungkol sa buhay ng mga nagdaang hari ng palasyo.
"Kahit huwag nang bumalik. Maayos na rin naman ako ngayon," ang sabi niya sa mga ito dahil hindi niya naman kailangan ang alaala ng prinsipe. Matutunan niya naman ang lahat tungkol sa palasyo habang nanatili sa katawan nito.
Inalis niya ang kaniyang tingin sa mga libro nang magsawa siya't lumapit sa bintanang kaharap lamang ng mesa. Pinagmasdan niya sa awang na parisukat ng sara ang mga taong naglalakad sa malapad na lupa sa hindi kalayuan patungo sa iba't ibang direksiyon kung saan naroon ang iba pang mga gusaling nakatayo sa loob ng palasyo. Naipikit niya ang kaniyang mata dahil sa sinag nang mapatingin siya sa araw. Ipinangharang niya na lamang ang kaniyang kamay para mapigilan ang pagtama ng sinag sa kaniyang mga mata. Hindi rin nawawala ang mga nakakalat na kawal sa pulang uniporme na nakatayo lamang hawak ang mga matutulis na sibat. Ang ilang sa mga ito ay nakatayo sa mismong mga tarangkahan.
Napako ang kaniyang paningin sa hanay ng mga tagapagsilbi na mahigit sampu ang bilang na kalalabas pa lamang ng malaking tarangkahan. Nakabuntot ang mga ito sa taong nakasuot ng pulang toga na kaagad din niya namang nahulaan kung sino kahit na nasa malayo. Nalaman niya iyon dahil sa palamuting gintong idinisensyo sa toga ng suot nito na kahit sa malayo'y kapansin-pansin. .
Huminto pa ang hari sa paglalakad kasunod ng mga tagapagsilbi. Iniikot nito ang paningin sa paligid na para bang mayroon itong hinahanap hanggang sa tumama ang tingin nito sa kaniyang kinatatayuan. Malinis ang mukha ng hari na walang ano mang manipis na balbas o bigote. Napahakbang siya patalikod nang maisip niyang nakikita siya nito habang nasa loob siya ng aklatan. Nasapo niya pa ang kaniyang dibdib sa pagkabog niyon na alam niya kung ano ang ibig sabihin. Hindi niya gustong isipin na natatakot siya sa hari dahil hindi nga naman niya iyon katawan. Ang naisip niya lang ay ang prinsipe ang takot dito, nararamdaman niya lang ang takot nito dahil siya na ang gumagamit sa katawan nito.
Umalis na lamang siya sa bintana't muling pinagmasdan ang mga libro. Umikot siya sa mga estante't napunta siya sa likuran niyon kaya hindi na siya kita nang buo ng dalawang nanatiil sa gitna ng silid kalapit ng mesa.
"Ano bang gusto niyong basahin ngayon? Hahanapan ko kayo para malibang naman kayo," ang naisatinig ng dama.
"Huwag na," aniya sa kaniyang dama. "Bakit hindi na lang tayo pumunta sa aking inay? Gusto ko siyang makita."
"Hindi kayo maaring basta na lang pumunta, mahal na prinsipe. Kailangan niyong magpadala ng sulat," paliwanag ng dama sa naisipan niyang sabihin. "Saka mahal na prinsipe pinagbabawalan kayo ng mahal na reyna na bumisita sa tirahan niya. Ni minsan ay hindi kayo nakatungtong doon."
"Sayang naman," ang naisatinig niya naman dala na rin ng pagkadismaya.
Hindi na rin naman nagsalita ang dalawa sa muli niyang pananahimik. Tanging paghakbang niya ang pumuno sa kabuuan aklatan.
Aminin niya man o hindi nang nasa kasalukuyan siya minsan na niyang hiniling na mabuhay ang kaniyang ina. Dahil ang totoo ay hindi niya kayang mabuhay na mag-isa, nasanay siyang nakikita niya pa rin ito kahit sipa't suntok ang natatamo niya mula rito sa tuwing makahaharap niya ito. Ngunit kahit anong gawin niyang pagsama sa mga kaibigan niya sa pagbabasakaling makakita ng paraan para bumuhay ng patay wala pa ring naging resulta. Nadala na lamang siya sa nakaraan na iyon na hindi niya aakalain na mangyayari sa kaniya.
Naiinitindihan niya rin naman kung bakit maging ang ina niya sa nakaraan ay galit sa prinsipe. Sa nalaman niya sa dama mukhang pinagsisihan din ng reyna na ipinanganak ang prinsipe dahil nga sa anak sa ibang lalaki nito. Kahit saan siya mapunta nagiging komplikado ang lahat, puno ng kalungkutan na siyang nagpapawala sa kaniyang sigla. Muli na naman niyang naitanong sa kaniyang sarili kung kailan nga ba siya magiging masaya, iyong wala siyang magiging problema't malayang makakagalaw na hindi iniisip ang kaniyang kaligtasan.
Napapabuntong-hininga na lamang siya nang malalim sa pag-alis niya ng librong pula ang balat. Kinuha niya na iyon dahil parang tinatawag siya niyon. Pinagmasdan niya nang maigi ang pabalat dahil walang ano mang sulat na nakalagay doon. Ngunit kapansin-pansin ang pagkapusyaw ng ibabang bahagi dahil sa nabasa iyon. Kibit-balikat niya na lamang na binuklat ang libro't nagsalubong naman ang kaniyang kilay dahil katulad niyon ang librong pinakita sa kaniya ng may-ari ng napuntahang aklatan. Puno pa rin iyong ng mga malalaswang larawan. Ang kinaibahan lang ng hawak niya'y marami ng tanda ang papel na madalas iyong basahin ng kung sinong nagpupunta roon sa aklatan na iyon. Kahit ang ilang bahagi ng papel ay kakitaan ng pagkatuyo dahil sa minsang nabasa iyon. Nang maisip kung anong tumama sa papel ibinalik niya na lamang sa pinagkunan niya ang libro't nagpunas ng kamay sa kaniyang suot.
Pinagmasdan niya na lamang ang iba pang mga libro na naroon. Mayroong librong pumukaw sa kaniyang interes dahil lumangluma na iyon na makikita sa pabalat na tumuklap na. Inabot niya iyon nang nakatingkayad dahil sa mataas na baitang ng estante nakalagay. Hindi na rin naman niya nakuha ang naturang libro dahil nakarinig siya ng kung anong malalim na ungol mula sa madiim na sulok ng silid sa gawing kaliwa niya. Dahil doon napatitig siya rito't pinagmasdan nang maigi ang gumagawa ng ingay.
Sa pagmulat ng pare ng mapuputing mga mata sa madilim na sulok napahakbang na lamang siya nang paatras. Umatungal ang nilalang kapagkuwan ay lumabas ito sa dilim sa pagsugod sa kaniya. Maitim ang katawan nito't wala itong ano mang suot. Mabilis itong gumapang patungo sa kaniya. Nang malapit na ito sa kaniyang kinatatayuan kumuha siya ng libro. Sa pagtalon ng niallang sa kaniya ibinato niya ang libro rito. Nagawa niya namang matamaan ang nilalang ngunit naglaho ito sa maninipis na usok. Bumagsak na lamang ang libro sa sahig na gumawa ng ingay na narinig ng dalawa niyang kasama sa silid.
Hinanap ng kaniyang mga mata ang nilalang sa dalawang estanteng pinapagitnaan siya. Sa puntong iyon lumapit na sa kaniya ang dalawa na mabibilis ang paghakbang.
"Anong nangyari mahal na prinsipe?" ang naitanong ni Arnolfo sa kaniya.
Tiningnan niya ito dahil sa naging katanungan nito. "Mayroon akong nakitang demonyo," pagbibigay-alam niya rito nang pulutin niya ang libro.
Nanlaki ang mata ng kaniyang alalay sa narinig lalo ang ang damang lingon nang lingo dahil sa takot.
"Paanong nakapasok dito ang isang demonyo gayong napapaikutan ang buong silid-aklatan ng mutya," sabi naman nito kaya naintindihan niya kung bakit ito nagulat.
"Baka nakahanap ng butas para makapasok," sabi niya sa kaniyang alalay. "Pero dahil sabi mo ay napapaikutan ng mutya ang buong aklatan. Sa tingin ko ay mayroong naglagay dito."
Inalis niya ang kumapit na alikabok sa binato niyang libro't binalik iyon sa estante. Nag-aalang tiningan siya ng dama dahil sa mga nasabi niya.
"Umalis na tayo prinsipe baka mapahamak ka pa," sabi naman ng dama sa kaniya.
Itinaas niya ang kamay para rito. "Huwag kang mag-alala magiging maayos ako. Kaya ko namang pangalagaan ang sarili ko."
"Huwag niyong sabihin ang ganiyan. Kapag nagsasalita kayo nang ganiyan mas lalo akong natatakot para sa kaligtasan niyo," ang nasabi ng dama. "Dapat sigurong magtawag ako ng tagapagtaboy."
"Tama nga iyang naisip mo. Kasama ko naman si Arnolfo. Saka mukha namang wala na iyong demonyo." Inikot niya ang kaniyang paningin para maghanap ng senyales na naroon pa nga ang nilalang. Wala naman siyang nakita kaya ibinalik na lamang niya ang kaniyang atensiyon sa kaniyang alalay na siya ring mabilis na paglalakad ng dama para magtawag nga ng tagapagtaboy. Maririnig na lamang paglayo ng yabag nito paalis aklatan.
"Paano niyo naman nalaman na wala na rito ang demonyo?" ang naitanong ng kaniyang alalay nang sila na lamang na dalawa ang naiwan sa aklatan na iyon. "Wala akong kakayahan na maramdaman ang ano mang nilalang. Nararamdaman niyo ba?"
"Hindi," simple niyang tugon.
Lumakad siya para lumipat sa kabilang estante kaya napapabuntot na lamang sa kaniya ang alalay.
"Bakit sinabi niyo kay Magdalena na wala na kung narito pa rin iyon sa loob?" nagtatakang tanong nito.
Tumayo siya sa dulo ng kasunod na estante't pinagmasdan ang kahabaan niyon upang magbasakaling naroong nagtatago ang nilalang. Ngunit wala naman siyang nakitang ano mang tanda na lumusot ito roon.
"Para lumakad na siya," sabi naman niya. Pinagmasdan niya pa rin ang kasunod kaya ang kaniyang alalay ay inobserbahan na rin ang mga kalapit ng estante matapos makita kung ano ang ginagawa niya.
Hindi ito gaanong lumayo sa kaniya. Tumitingin man ito sa pagitan ng mga estante nakikita niya pa rin nito.
Binalikan siya nito nang wala itong makitang kakaiba sa estante tiningnan nito. "Hindi ba kayo natatakot?" ang nag-aalala nitong tanong.
Pinaghawak niya ang daliri sa katawan ng estante't pinaglaro ang mga daliri roon habang nakapako ang mata sa sahig. Hindi niya pa rin nagawang mahanap ang nilalang sa bahaging iyon ng aklatan.
"Hindi. Ano naman ang dapat kong ikatakot?" ang nasabi niya sa pagbalik niya sa gitna ng silid. Sumasabay na lamang sa kaniya si Arnolfo. "Nasanay na ako sa kung anong nilalang. Naalis na ang takot ko sa kanila.
Muli niyang iinikot ang kaniyang tingin sa mga nakapaikot sa kanilang mga estante ng libro. Ganoon na din ang ginawa ng kaniyang alalay kahit na naguguluhan sa ikinikilos niya.
"Mabuti naman. Pero kung sakaling lumabas iyong demonyo. Huwag kayong mag-aalala. Dala ko namana ng espad ko. Magagamit natin ito para masaktan ang demonyo na iyon," sabi ni Arnolfo na itinataas pa ang hawak na espada. Pinagmasdan niya iyon nang maigi kaya napansin niyang mayroon ngang kakaiba sa sandata nito. "Nilagyan ito ng orasyon bago maibigay sa akin."
"Kung ganoon dapat na nating mahanap ang demonyo bago pa makalabas iyon dito," sabi niya sa kaniyang alalay. "Tingnan mo sa mga libro. Baka diyan lamang iyon nagtatago't naghihintay ng tamang pagkakataon para makapanakit."
Matapos ng kaniyang sinabi lumapit siya mga estante ng libro. Humiwalay sa kaniya si Arnolfo't sa kabilang ibayo ng silid ito tumingin-tingin.
"Kung sino man ang nag-iwan ng demonyo rito alam niyang wala kayong magagawa para malabanan iyon," ang naisatinig ng kaniyang alalay. "Palagay ko'y kayo ang punterya ng demonyo dahil lumabas ng lumapit ka. Sa mga pumapasok dito ikaw lang naman ang walang kakayahan kaya sigurado akong balak ka talagang saktan ng kung sino."
"Masyado nang malayo ang itinatakbo ng isip mo. Paminsan-minsan talaga ay mayroong naliligaw na demonyo kahit sa lugar na puno ng pangtaboy," sabi niya sa kaniyang alalay na hindi ito tinitingnan. "Saka ang mga ganoong demonyo'y hindi naman gaanong nakakapanakit. Sadyang tinatawag lang upang makapanakot. Huwag mo lang hayaaang mapasok ka dahil kung mahina ang kalooban mo pihadong masisiraan ka ng bait kahit maalis sa iyong katawan."
Napapabuntong-hininga siya nang malalim dahil hindi niya mahanap ang nagtatagong nilalang. Bumalik na lang siya ulit sa gitna ng silid kapagkuwan ay naupo sumandig nang paupo sa mesa habang nag-iisip. Kinakagat pa niya ang kaniyang kanang hinlalaki habang ginagawa iyon.
"Sa paraan ng pagsasalita niyo parang ang dami mong alam tungkol sa ibang nilalang," komento ng kaniyang alalay sa pagtigil na rin nito sa paghahanap sa nilalang. "Iyon ba ang pinag-aaralan mo kapag nagpupunta ka rito?"
Napatitig siya sa kaniyang alalay dahil hindi naman iyon ang tunay na dahilan kaya roon naglalagi ang prinsipe. Hindi niya rin naman masabi rito na ang palagay niya kaya nagtatago roon ang prinsipe ay upang mapaligaya ang sarili sa pagbuklat sa librong mayroong malaswang pangalan. Hindi nga rin naman iyon magagawa ng prinsipe sa sarili nitong silid dahil nakabantay si Arnolfo.
"Ganoon na nga," ang nasabi niya na lamang nang hindi na siya nito usisain pa.
Hindi na nasundan ang kaniyang pagsasalita nang mayroong tumulong kung anong maitim na likido sa kaniyag balikat. Dahil doon napatingal siya sa kisame ng aklatan. Hindi na siya nagulat nang makita roon na nakakapit ang demonyo, tumutulo sa bibig nito ang nangingitim nitong laway. Sa pagpatihulog nito mula sa kisame hindi siya kumilos sa kinauupuang mesa, Ang mga kamay nito'y nakahanda kasabay ng bibig nitong bumubuka nang malaki.
Sa puntong napalingon sa kaniya si Arnolfo ilang dangkal na lamang ang layo ng nilalanlg sa kaniya. Hindi na ito nagtagal sa kinatatayun, mabilis itong tumalon patungo sa nilalang habang binubunot ang espada mula sa kaluban niyon na gumawa pa ng kung anong ingay na umalingangaw sa kabuuan ng silid. Hindi na nga nakadikit pa sa kaniya ang demonyo sa paghampas ni Arnolfo ng espada kampon ng kadiliman na iyon. Nakaiwas man ang nilalang ngunit natamaan pa rin ito sa kamay na ikinaputol niyon. Lumutang na lamang ito papalayo sa kaniyang alalay, naiwang kamay nitong naglalaho na parang nasusunog na papel habang nahuhuog sa sahig.
Sa paglapag ni Arnolfo tumayo ito sa kaniyang harapan nang masangga nito ang nilalang kung sakaling muli itong sumugod sa kanila. Hindi na rin naman sumugod ang nilalang. Nagbago pa ito ng anyo mula sa pagkakaroon ng pisikal na katawan, naging isang purong usok na lamang ito. Sinubukan nitong lumipad papalabas ng pintuan ngunit wala naman itong nagawa. Hind ito nakalampas sa paglabas ng harang na gawa ng mutyang inilagay doon. Umatungal itong naghanap ng madadaanan, lumipad ito sa kung saan-saang direksiyon. Natigil lamang ito nang lumusot ito sa likuran ng estante.
"Dito lang kayo," ang sabi sa kaniya ni Arnolfo sa paghakbang nito patungo sa estante kung saan nagtago ang nilalang.
Hindi naman niya ito sinunod. "Mas mabuting nakadikit ako sa iyo," pagdadahilan niya na lamang para hayaan siya nitong sundan ang demonyo. "Paano kung balikan ako ng demonyo? Ano ang magagawa ko?"
"Kung iyan ang gusto niyo pero dapat sa likod lang kita," sabi naman ni Arnolfo sa kaniya.
Isinenyas niya ang kaniyang kamay patungo sa unahan nang magpatiuna ito sa paglalakad. Humakbang na nga ito bago maglaho na naman ang nilalang na hindi nila napapatay. Nakailang hakbang pa lang ito nang bumuntot siya rito. Pumunta sila likuran ng estante na pinagtaguan na naman ng demonyo. Tininngnan nito nang maigi ang kahabaan niyon ngunit hindi naman nito nakita ang nilalang doon. Pumasok pa nga ito roon na siya ring ginawa niya. Nakarating na ito sa dulo na wala pa rin nitong nasasalubong. Nakuha pa nitong tumingala sa mga libro sa pag-aakalang naroon nga ang demonyo. Nang lalapit na siya sa kaniyang alalay napansing niya ang ibang tunog na ginagawa ng sahig na kaniyang natatapakan, imbis na nababasag na tunog ang narinig niya nagiging buo iyon.
Sa nalaman niyang iyon pinagmasdan niya nang maigi ang sahig sa mismong kinatatayuan niya. Nalaman niyang mayroong natatagong daanan doon kung kaya tinawag niya ang kaniyang alalay.
"Dito siya lumusot Arnolfo," ang sabi niya kaniyang alalay kaya nilingon siya nito.
Nagtataka itong tumingin sa kaniya kaya pinadyak niya ang kaniyang paa sa sahig para makita nito kung ano ang tinutukoy niya. "Hindi ko alam na mayroong lihim na daanan dito," sabi nito nang lumakad ito patungo sa kaniya. "Natatandaan mo ba ito kaya alam mo?"
"Hindi. Nakita ko lang ngayon. Buksan mo na," sabi niya sa kaniyang alalay.
Ginamit nito ang dalang espada para mabuksan ang daanan na walang hawakan. Yumangitngit ang sara nang itaas iyon ng kaniyang alalay. Lumalabas mula roon ang masangsang na amoy kaya parehas nilang natakpan ang kanilang mga ilong. Mayrooon itong hagdanang gawa sa bato kaya sa palagay niya ay sinadyang pinagawa nga ang daanan na iyon. Nakikita naman niya ang ilalim niyon dahil sa liwanag na pumapasok doon mula iisang direksiyon lamang.
"Ako na ang papasok." Bumaba ito ng hagdanan na dala ng espada. "Hintayin niyo na lang dito si Magdalena kasama ang tinawag niyang tagapagtaboy," dugtong nito bilang bilin sa kaniya.
"Hindi ko gustong maghintay dito. Sasama ako sa iyo," sabi niya pa rito nang sumuksok siya sa daanan para makababa ng hagdanan. Inunahan niya pa ito sa pagbaba na ikinailing na lamang ng ulo ng kaniyang alalay.
"Mauna na ako," sabi pa nito kaya napatigil siya sa gitna ng hagdanan. Pinadaan niya nga ito't sinara niya ang sara ng lagusan. Nagulat na lumingon sa kaniya ang alalay. "Bakit niyo sinara?" taka nitong tanong.
"Lihim ang lagusan na ito kaya panatilihin nating ganoon," sabi niya rito kaya lalo itong naguluhan. Gusto niyang itago iyon para kung sakaling gusto niyang umalis sa palasyo mayroon siyang madadaanan. "Lakad na. Ano pang ginagawa mo?" utos niya rito.
"Nagugulat na lang talaga ako sa mga sinasabi mo," pagbibigay-alam nito sa kaniya sa pagpatuloy nito sa pagbaba ng hagdanan na maikli lang din naman.
"Masasanay ka rin."
Humakbang na rin siya paibaba ng hagdanan na walal nang lumalabas sa kanilang bibig.
Hindi sila tumigil hanggang hindi sila nakababa ng hagdanan. Sa katapusan ng hagdanan na iyon ay ang tuwid na lagusan na ang dingding ay matigas na bato. Umaalingawngaw ang kanilang paghakbang sa kahabaan niyon. Sa dulo niyon nagmumula ang liwanag na siyang nagbibigay-tanglaw sa kanilang dinaraanan. Habang papalapit sila sa katapusan ng lagusan lumiliit naman iyon kung kaya kinailangan nilang yumuko nang ulo. Hindi naman sila nahirapan kaya nakalabas din sila't nakarating sa imbornal na daluyan ng tubig.
Naunang lumabas ang kaniyang alalay kapagkuwan ay pinagmasdan ang dulo ng imbornal na nasa gawing kaliwa.
"Mag-ingat kayo dahil madulas ang tatapakan," pagbibigay-alam nito kahit nakikita niya rin naman.
Nilublob niya nga ang suot na bota sa tubi para makatayo na siya nang tuwiid. "Huwag mo nga akong gawing bata na kailangang paalalahan mo pa," maktol niya rito kaya tiningnan siya nito.
"Inaalala ko lang naman ang kalagayan mo," sabi nito nang ipinagpatuloy nito ang paglalakad.
Sumunod siya rito na maingat na naglalakad dahil sa umaagos na tubig. Nakarating naman sila sa dulo niyon na hindi siya nadudulas. Hinawi nito ang nakaharang na gumagapang na halaman para makalabas. Hindi nito binitiwan ang halaman na iyon hanggang hindi siya nakadadaan. Hinayaan niya na lamang ito sa gusto nito't lumabas na rin siya ng imbornal.
Ang sumalubong sa kanila ay ang mga halaman na nabubuhay sa umaagos na tubig na malalapad ang dahon. Sa taas ng mga halaman natatakpan niyon ang bunganga ng imbornal. Muling nagpatiuna ang kaniyang alalay habang nanatili naman siyang nakasunod dito na para bang buntot siya nito. Umalis sila sa loob ng mga halaman hanggang sa makarating sila katapusan niyon. Naunang makalabas ang kaniyang alalay. Siya naman ay nahuhuli ng ilang hakbang. Nang hawiin niya ang huling halaman binati siya ng likurang bakuran ng malaking bahay. Napatitig siya sa portiko ng bahay na nasa harapan nila, sa laki ng tirahan sa tingin niya ay maraming tao ang namamahay doon. Natatamnan din naman ng iba pang halaman ang bakuran na dumagdag sa kaayusan ng lugar.
"Alam mo ba kung nasaan tayo?" ang naitanong niya sa kaniyang alalay.
Pinagmasdan siya nito nang tuwid sa naging katanungan niya. "Hindi," tipid nitong sabi. "Ngayon lang ako nakapunta rito."
"Isipin mo kaya dahil hindi ko alam ang mga lugar dito."
"Sandali," sabi nito't malalim na nag-isip. "Sa pagkakaalam ko nag-iisa lang naman ang tirahan na kalapit ng aklatan."
"Kanino naman?" tanong niya naman.
Hindi siya nito nasagot sa paglaki ng mata nito dahil sa nakita nito sa gawing likuran niya. Sa naging reaksiyon nito napalingon na lamang siya sa tinitingnan nito na salubong ang kilay. Sumama ang tingin niya nang tumama ang kaniyang mata sa binatang si Dermot na mayroong kinakaing mansanas.