Binilisan namin ang lakad patungo sa bayan ng Cadmia. Subalit bigla ako naging maalerto habang palapit kami. Nakakapagtaka kasi na napakatahimik at tila walang mga tao nakikita sa labas ng kanilang mga kabahayan. Hindi ito ang karaniwang maging tagpo sa isang bayan.
Biglang tumigil si Dervis at sinenyasan kami manatili sa aming kinatatayuan. Marahil kahit siya ay nababahala sa kakaibang katahimikan ngayon. Hanggang sa may mga pana at malalaking tipak ng bato ang lumipad patungo sa amin.
Binuhat ko naman si Proserphine para makaiwas sa mga pana at bato na patungo sa amin. "Gah!" Gulat na sambit ni Red at hinanda ang sarili sa pakikipaglaban. "Bakit nila tayo inaatake?"
Hanggang sa may mga matatanda at binatang kalalakihan na humarang papasok sa kanilang bayan. May hawak silang mga pamalo at patalim na akala mo sasabak sa isang giyera. Nalilitong napatingin sa akin si Proserphine. Tingin ko ay wala rin siyang alam sa nangyayari ngayon.
"Umalis kayo!" Pagtataboy ng isa sa kanila. "Walang bata o dalaga kayo makukuha muli sa aming bayan!"
Napakunot ang aking noo. Inakala siguro nila na isa kami sa mga sindikatong dumadakip ng mga bata at dalaga sa kanilang bayan.
Akmang susugurin na kami ng mga tao ng bayan ng biglang tumakbo si Proserphine sa aming unahan at ibinuka ang kanyang mga kamay na tila hinaharangan niya ang mga kababayan niya na saktan kami.
"Pakiusap! Huwag niyo siyang saktan!" Nanginginig at umiiyak na pagsusumamo ni Proserphine sa kanila.
Sa malakas na pag-ihip ng hangin ay natanggal ang taklob na tumatakip sa mukha ni Proserphine. Nagulat ako ng biglang may matandang lalaki na hinawi ang mga kasama niya para makalapit kay Proserphine.
"P—P-Proserphine!" Umiiyak na sambit ng matandang lalaki at halos madapa pa sa pagtakbo para mabilis na makalapit sa kanyang anak. "A-Anak ko! N-Nakabalik ka! J-Jusko salamat at ligtas ka!"
Tuluyan na nga nakalapit ang matandang lalaki at dinamba ng yakap si Proserphine na ngayon ay natulos sa kinatutuyuan at bumabalahaw ng iyak. Naramdaman ko na lang na napaiyak na rin ako sa magandang tagpo at pagkikita nilang muli na mag-ama.
"A-A-Ama..." Humihikbing bulalas ni Proserphine.
Humiwalay ng yakap ang kanyang Ama at pinagmasdan ang mukha ni Proserphine. "M-M-Masayang masaya ako na nakabalik ka... A-Akala namin... W-Wala ka na..." Hindi makapaniwalang sambit ng kanyang Ama at halos ayaw ng pakawalan sa kanyang pagkakahawak si Proserphine.
Lumapit naman ang ilang mga mamamayan ng Cadmia para kumpirmahin na si Proserphine nga ang aming kasama. Marami sa kanila at tila nagalak sa magandang balita at umasa na makakabalik rin ang kanilang mga kaanak na nadakip rin ng mga sindikato.
"S-Sila ba ang mga sinasabi mong tumulong sa iyo na makatakas, anak?" Pagtatanong ng Ama ni Proserphine at tumingin sa aming gawi.
Alanganin naman ako ngumiti sa kanilang lahat. Nagulat ako ng hawakan ng Ama ni Proserphine ang aking mga kamay.
"M-Maraming salamat sa iyo!" Taos puso at lumuluha niyang pasasalamat sa akin. "Dahil sa inyo ay ligtas na nakabalik sa piling namin ang aming nag-iisang anak."
"Walang anuman po." Nahihiyang sambit ko.
Nabigla ako ng isama ako hilahin ng kanyang Ama papasok ng kanilang bayan. "E-Eh... T-Teka lang po." Natataranta kong sambit. "Inihatid lang po namin siya at hindi po kami magtatagal rito."
Nilingon ko sina Dervis para humingi ng tulong. May usapan kasi kami na agad aalis pagkahatid kay Proserphine.
Ngunit tila pati sila ay hinihila na ngayon papasok ng bayan ng Cadmia. Hindi naman sila makapalag sa takot na makagawa sila ng kaguluhan rito.
"T-T-Teka..."
***
Dinala kami ni Orpheus, ang Ama ni Proserphine, sa kanilang tahanan. Doon namin nakilala ang Ina ni Proserphine na si Eurydice na naging mahina ang pangangatawan dahil sa labis na pagka-depresyon nang madukot ang kanilang anak. Kaya pumalahaw na naman ng iyak si Proserphine habang kayakap ang kanyang ina.
Lumapit naman ako kay Dervis na nakaupo sa isang sulok. Nakahalukipkip siya at nakasimangot na nagmamasid sa paligid. Mukhang nag-aalboroto siya dahil hindi namin nasunod ang pinaka-plano.
Napabuga ako ng malalim na hininga bago umupo sa kanyang tabi. Hindi niya man lang ako nilingon kaya pinaglaro ko ang aking mga daliri sa aking harapan saka tumikhim ng malakas para pansinin niya ako.
"What?" Nagtatampo niyang sambit. "May sasabihin ka ba sa akin?"
Napasimangot ako at saka napailing ng ulo. Mamaya ko na lang siguro siya kakausapin kapag hindi na mainit ang kanyang ulo.
Nabigla na lang kami nang biglang malakas na bumukas ang pinto at may isang binata na naroroon na tila may hinahanap sa loob ng bahay. Hanggang matigil ang kanyang paningin mismo kay Proserphine na nakayakap sa kanyang Ina.
"P-Prose...p-phine..." Naiiyak na pagtawag niya kay Proserphine ngunit nang akmang lalapit siya sa dalaga ay natatakot at namumutlang napaurong ito palayo sa kanya.
Hindi naman nagpatinag ang binata at pinagpatuloy ang paglapit kay Proserphine na nanginginig ang buong katawan sa takot. Wala ako nagawa kundi pumagitna at ilayo ang binata kay Proserphine.
Nasasaktan naman napatingin sa akin ang binata saka nagpalipat lipat siya ng tingin sa akin tapos kay Proserphine. Humugot muna ako ng malalim na hininga saka hinila ang binata palabas ng bahay para kausapin siya. Naramdaman ko naman ang pagsunod ni Dervis sa amin.
"Teka sino ka ba? Saan mo ko dinadala?" Pagpalag ng binatang hawak ko nang makalabas kami ng bahay ni Proserphine. "Kailangan ko makausap si Proserphine!"
Akmang papasok siya ng harangan ko siya sa kanyang daan. Kita ko ang pagrehistro ng galit sa kanyang mukha dahil sa ginawa ko.
"Umalis ka nga sa daan ko! Sabing kailangan ko makausap si Proserphine!" Pagwawala niya.
Hanggang sa hindi ko inaasahan na malakas na tinulak niya ako balikat na ikinawala ko ng balanse. Malaking pagsasalamat ko na sinundan kami ni Dervis at nagawa niya ako masambot bago matumba sa lupa.
Inayos ni Dervis ang aking pagkakatayo saka biglang hinila ang damit ng binata at sinamaan ito ng tingin. "Bakit mo ginawa iyon sa kanya?" Mapanganib na tanong ni Dervis sa kanya.
Nanlaki ang mga mata ko sa ginagawa ni Dervis. Kaya bago pa niya masuntok ang binata at inilayo ko na siya.
Nakahinga naman ako ng hininga na pakalas ko sila sa isa't isa. Hinarap ko muli ang binata at inalala ang aking dahilan kaya dinala ko siya rito.
"Ikaw ba ang nobyo ni Proserphine na naiwan niya noong dinukot siya?" Pagtatanong ko sa kanya.
"Ako nga." Seryosong sagot niya at tinignan ako na akala mo isang kaagaw sa kanyang babae.
"Anong pangalan mo?" Pagtatanong ko.
Sinamaan niya naman ako ng tingin at umakma na naman papasok sa bahay kaya hinila ko siya pabalik sa kanyang pwesto. Tinapik ko siya sa kanyang balikat ngunit galit naman niya pinalis iyon paalis.
"Ang init naman ng ulo nito! Makinig ka kasi muna sa sasabihin ko..." Nawawalang pasensiya na sambit ko. "Tungkol ito kay Prosephine."
Kunot noo naman siya napabaling ng tingin muli sa akin. "Kay Proserphine? May problema ba sa kanya?" Naguguluhang sambit niya.
Napakagat ako panandalian ng aking labi. Hindi ko alam kung ako ang dapat magsabi sa kanya ng tungkol sa kondisyon ni Proserphine tuwing may lalaking lumalapit sa kanya.
"Mahal mo ba siya?" Biglang naitanong muli.
"Hindi ba halata?! Magkakaganito ba ako kung hindi ko siya mahal?" Pamimilosopo niya sa aking itinanong. "Sino ka ba talaga?"
"Gaano mo siya kamahal?" Pagkukumpirma ko.
Tinignan niya ako na para ba isa akong baliw. "Niloloko mo ba ako?" Hindi nagtitiwala niyang sabi. "Mahal na mahal ko si Proserphine. Oo, dalawang taon siya nawala pero hindi siya nawala rito sa puso ko. Hindi ko magawang humanap ng iba kahit pilit sinasabi ng mga tao na hindi na siya babalik. Tanging siya lang ang gusto ko makasama habang buhay at gagawin ko ang lahat para mangyari iyon."
Nakahinga ako ng maluwag mula sa isinagot niya. Nameywang ako at tinignan siya ng seryoso sa kanyang mga mata.
"Sasabihin ko sa iyo ang lahat at sana pagkatapos nito ay hindi mabago ang pagtingin mo sa kanya."
Pagkatapos ko masabi ang lahat ng mga nangyari kay Proserphine sa kapital ay nakayukong umiiyak lamang si Jove. Idagdag pa ang pagbibigay alam ko sa kondisyon ni Proserphine tuwing may mga lalaking lumalapit sa kanya. Medyo komportable siya sa kanyang Ama pero hindi pa rin sa ibang lalaki.
"B-Bakit... B-Bakit..." Umiiyak niyang sambit at napasuntok paulit ulit sa pader hanggang magdugo ito. "B-Bakit dapat m-maranasan ito ni P-Proserphine? Bakit?"
Napaiwas ako ng tingin sa kanya. Kahit ako ay hindi ko maitindihan bakit may mga tao kailangan makaranas ng ganito sa kanilang buhay. Kung wala lang katulad ni Kaisel at Count Vernon sa mundo ay marahil hindi ito nangyari.
"PROSERPHINE!" Biglang sigaw ng mga magulang ni Proserphine sa loob ng bahay.
Wala kung anu-ano ay agad kami bumalik sa loob para tignan ang nangyayari. Naabutan namin sina Red, Gyro, Blake, Frolan at Zion na nakapalibot kay Proserphine na nakahiga at walang malay sa sahig. Hindi nila malaman kung hahawakan at bubuhatin ba nila ang babae dahil sa kondisyon nito.
"Ano pa ba ang ginagawa niyo?" Sigaw ko sa kanila. "Buhatin niyo siya!"
Dali dali naman sumunod si Gyro at walang kahirap hirap naiangat sa sahig ang babae bago inihiga siya sa isang higaan.
"D-Doktor... K-Kailangan natin ng doktor... Baka mapano siya..." Natatarantang sambit ni Jove nang makita ang walang malay na kanyang kasintahan.
Tinignan naman ni Dervis si Frolan at itinulak palapit kay Proserphine. "I-Isa akong doktor." Pagbibigay alam niya sa magulang at nobyo ng dalaga. "Ayos lang ba na tignan ko siya?"
"Pakiusap ginoo!" Nag-aalalang at umiiyak na pagsusumamo ni Eurydice. "Tignan mo ang aking anak! Bigla na lang siya hinimatay habang umiiyak kanina! Gusto ko malaman kung may mali ba sa kanya!"
Sa pahintulot ng magulang ni Proserphine ay sinimulan ng obserbahan ang kanyang kalagayan ni Frolan. Kinuha niya ang isang kamay at pinulsahan ang dalaga.
Tila natigilan panandalian si Frolan at inulit muli ang pagpulso sa kanya. Napadaop ako ng aking mga kamay dahil sa naging reaksyon ni Frolan na tila may mali kay Proserphine.
Lumingon siya sa magulang at nobyo ni Proserphine na may pag-aalinlangan. "A-Ano ang kalagayan ng aking anak?" Kinakabahang tanong ni Orpheus kay Frolan. "K-Kamusta siya...?"
"W-Wala siyang sakit..." Pagbibigay alam ni Frolan sa kanila na ikinahinga nila ng maluwag.
"Jusko! Salamat at mabuti ang kalagayan ng aking anak." Sambit ni Eurydice at agad na nilapitan ang natutulog na dalaga at hinaplos ito sa buhok.
Napakunot ako ng noo dahil kung wala namang sakit kay Proserphine ay bakit ganoon na lang ang naging reaksyon ni Frolan kanina.
"F-Frolan?" Pagtawag ko sa kanya.
Lumayo si Frolan kay Proserphine at hinarap ang nobyo ni Proserphine. Napakamot pa ng ulo si Frolan na tila nag-aalinlangan kung sasabihin niya ang kanyang nalalaman ngunit sa huli ay napag-desisyunan niya na sabihin rin ito.
"Hinimatay siya hindi dahil sa may sakit siya..." Paglilinaw ni Frolan sa una niyang sinabi. "Iyon ay dahil sa sobra at halo halong emosyon niya ngayong araw. Hindi ito kinaya ng kanyang kalagayan ngayon dahil... b—b-buntis si Proserphine."
Nanlaki ang mga mata ko at napatakip ng kamay sa aking bibig dahil sa isinawalat ni Frolan. "S-Sigurado ka ba sa sinasabi mo, Frolan..." Paniniguro ko.
Tinignan ako ng napakaseryoso ni Frolan. Pinapakita niya na tanging katotohanan lang ang kanyang sinabi.
"B-Buntis siya?" Nanghihinang pag-ulit ni Jove sa sinabi ni Frolan at napaurong ng ilang hakabang palayo. "A-Anak ba ng hayop na g-g-umahasa sa kanya?"
Napanganga ang mga magulang ni Proserphine na wala pa masyadong kaalam alam sa naging kalagayan ng anak nila sa kapital. Ang alam pa lang nila ay iniligtas namin siya pero hindi nila alam kung sa paanong kalagayan namin siya nailigtas.
"Mga hayop! Mga baboy! Mga demonyo!" Galit na galit na pagwawala ni Jove na aking ikinaiyak. "s**t! s**t! s**t! Papatayin ko ang mga hayop na iyon!"
"Jove!" Pagpigil naman ni Orpheus sa kanya at pilit siya pinakalma. "Pakiusap! Kumalma ka! Alam ko masakit sa iyo ito dahil nobya mo siya pero ano sa tingin mo ang magiging damdamin ni Proserphine sa oras na malaman niya ang kalagayan niya? Alam ko na galit ka sa mga bumaboy sa anak ko, ganoon rin ako pero sa ngayon ay mas mahalaga sa akin ang kalagayan ng aking anak. Hindi ko kakayanin na mawala siya muli sa amin."
Doon natigilan si Jove sa kanyang pagwawala at niyakap si Orpheus. "Tayo lang ang makakapitan niya ngayon, Jove..." Umiiyak na sambit ni Eurydice. "Ngayon na ngayon kailangan ni Proserphine ang pagmamahal at pag-aalaga mo..."