Chapter XI

1744 Words
"Hindi, hindi, hindi totoo iyan!" Rinig kong malakas na pagsigaw ni Proserphine kaya agad ako sumilip sa loob para tignan ang nangyayari. Binigyan kasi namin ng oras at espasyo ang magulang ni Proserphine para sabihin sa kanya ang tungkol sa pagbubuntis niya. At katulad ng aming inaasahan ay hindi niya ito matatanggap. Hindi na kami magtataka kung sakaling saktan niya ang sarili para patayin lamang ang bata sa kanyang sinapupunan. Napatingin ako sa aking kamay nang bigla ko maalala si Ina sa kanyang sitwasyon. Katulad ni Proserphine ay nagbubuntis siya ngayon sa isang bata na naging bunga ng isang pagmamalabis ng ibang lalaki sa kanya kahit sa kasalukuyan ay may nobyo na siya. Alam ko na normal lamang ang naging reaksyon niya sa sitwasyong ito pero gayun pa man ay hindi ko maiwasang maapektuhan. Hindi ko maiwasang mapaisip kung katulad ni Proserphine ay naging ganitong ka-miserable si Ina nang malaman niya ang pagbubuntis sa akin? Dumating rin kaya sa punto na hindi niya ako natanggap at hahangarin na mamatay sa kanyang sinapupunan? Napakuyom ako ng kamay at nakaramdam ng pamimigat sa aking damdamin. Naaawa ako kay Proserphine pero mas naaawa ako sa bata. Ayokong lumaki siyang katulad ko na walang pamilyang tumatanggap sa kanya. Wala siyang kasalanan na mabuhay sa ganoong paraan. Naramdaman ko ang pagtapik sa aking likuran ni Dervis. "Primo, ayos ka lang ba?" Nag-aalalang tanong niya sa akin na tila ba nababasa niya ang tumatakbo ngayon sa aking isipan. Napakagat labi ako saka unti unti napailing ng ulo. "M-Mamasyal muna ako rito sa Cadmia." Pamamaalam ko habang itinatago sa aking likuran ang nanginginig kong mga kamay. "P—Pwede ba?" Pinagmasdan ako panandalian ni Dervis. "Gusto mo ba mag-isa o samahan kita?" Nag-aalala niyang sambit. Iniling ko muli ko ang aking ulo. "G-Gusto ko lang munang mapag-isa, Dervis." Nakikiusap kong sambit sa kanya. Napabuga ng malalim na hininga si Dervis. "Dalawang oras. Kapag wala ka pa ng dalawang oras ay susundan ka na namin." Seryosong tagubilin niya. "S-Sige." Sumasang-ayon kong sambit saka unti unti naglakad palayo roon. Ramdam ko na habol ako ng tingin ng iba naming kasama pero hindi na sila nagsalita o nagtanong kung saan ako papunta sa kalagitnaan ng gabi. Tinahak ko lang ang diretsong daan ng bayan ng Cadmia. Maraming mga pamilya rito ang sama sama na nagkakasiyahan at nag-kwe-kwentuhan. May kakaibang ngiti sa kanilang mga labi na siya kailanman ay hindi ko pa nararanasan. Napatingala ako para tignan ang mga nagningning na bituin sa kalangitan. Umaasa ako na isa roon si Ina na nakikita at ginagabayan ako ngayon. Hanggang sa makakakita ako na tila gumuhit na ilaw sa kalangitan. "I-Isang bulalakaw?" Gulat kong sambit sa aking natunghayan. Naalala ko ang sabi noon ni Ina na kapag nakakita ako ng bulalakaw at ibig sabihin nito ay matutupad ang isa kong kahilingan. Agad ako napatigil sa paglalakad at pinagdaop ang aking mga palad at ipinikit rin ang aking mga mata. 'Sana ay tulungan niyo po na matanggap nina Proserphine ang bata at mahalin nila siya dahil ayoko matulad siya sa akin.' Pagkatapos ng aking taimtim na paghiling ay dahan dahan ko ibinuka ang aking mata. Nagulat ako nang matanaw si Jove na mag-isang nakaupo sa gilid ng isang ilog. Naghahagis siya ng batong mahahawakan roon habang tila malalim na nag-iisip. Hindi ko namalayan na kusang lumakad ang aking paa patungo sa kanya. Nang maramdaman naman niya ang aking paglapit ay agaran siyang napalingon sa akin. "I-Ikaw pala..." Malungkot na sambit niya pero pilit akong nginitian. Sinamantala ko naman ang pagkakataon na iyon at tumabi sa kanyang pagkakaupo sa gilid ng ilog. "Anong iniisip mo?" Pagtatanong ko sa kanya. Ipinatong ni Jove ang kanyang baba sa kanyang tuhod at bahagyang nilingon ako. "Sa totoo lang sa dami nito ay tila sasabog na ang aking ulo." Pag-amin niya. "Parang kanina lang kasi ay labis ang saya ko nang malaman na nakabalik na si Proserphine..." Tumango ako sa kanyang sinabi at hinintay na ipagpatuloy ang kanyang sasabihin. "Pero pagkatapos ko malaman ang nangyari sa kanya sa kapital, ang kanyang kondisyon at ngayon na pagbubuntis niya... H-Hindi ko na alam ang aking dapat gawin para tulungan siya." Nagagalit niyang dagdag at muling napaiwas ng tingin. "H-Hindi ko alam kung anong dapat kong gawin sa oras na ito. Pakiramdam ko ay tila unti unti na ako mababaliw." Kumuha ako ng isang maliit na bato sa aking gilid at ibinato iyon sa ilog. "Sinabi mo di ba na mahal mo si Proserphine at gagawin mo lahat makasama mo lang siya habang buhay..." Pagpapa-alala ko sa kanyang sinabi sa akin. "Dahil ba sa iyong mga nalaman ay nabawasan na ba ngayon ang iyong pagmamahal sa kanya?" Seryosong tanong ko pa sa kanya. Naramdaman ko na natigilan si Jove mula sa aking itinanong. "Tingin ko ay hindi sa ganoon..." Todong pagtanggi niya habang paulit ulit na iniiling ang kanyang ulo saka napakahawak sa kanyang kaliwang dibdib na akala mo may masakit roon. "N-Nasasaktan ako ngayon dahil sa nasasaktan ang taong minamahal ko at wala akong magawa para sa kanya. Gusto ko siyang alagaan, gusto ko siyang yakapin, gusto kong sabihin sa kanya na maaayos rin ang lahat at gusto kong akuin ang bata sa kanyang sinapupunan. Ganoon ko siya kamahal ngunit kada lalapit ako sa kanya ay nanginginig siya sa takot..." Agad ako napalingon kay Jove sa kanyang sinabi. Hindi ko inaasahan na makakarinig ako ng ganoon mula sa kanya. Akala ko magiging katulad rin siya ni Tito Roy na hindi ako kailanman tinanggap bilang anak ni Ina. "Wala naman pala ako dapat ipangamba sa bata." Napapangiti kong sambit at muling naghagis ng bato sa ilog. Nagtataka na napalingon sa akin si Jove. "Huh?" Naguguluhan niyang sambit. "S-Sa bata?" Tumingala muli ako sa kalangitan at malungkot na napangiti. "K-Katulad ng bata sa tiyan ni Proserphine ay naging bunga ako ng paggahasa sa aking Ina." Pagbibigay alam ko sa kanya sa aking kwento. Nanlaki ang mga mata ni Jove sa aking sinabi sa kanya. "A-Ah..." Bulalas niya at tila hindi malaman ang sasabihin sa akin. Napakagat labi ako. "Wala kang dapat sabihin sa akin." Pagpigil ko sa kanya at iniharang ang kanang kamay ko sa pagitan namin. "Sinabi ko lang iyon dahil masaya ako na kaya mong tanggapin ang bata kahit hindi ito sa iyo." Humahangang dagdag ko pa. Napakamot ng ulo si Jove. "Hindi naman ako ganoong kawalang puso para idamay ang inosenteng bata sa galit ko sa taong gumawa nito kay Proserphine." Nakasimangot na sambit niya. "Si Proserphine ang inaalala ko kung kaya niyang tanggapin ang bata." Tumayo ako sa kinauupuan ko at pinagpagan ang aking nadumihang puwetan. "Likas na mabait si Proserphine kaya alam ko na kapag nakita niya ang bata ay lalambot rin ang kanyang puso para sa kanya." Nakakasigurong sambit ko. Tumayo na rin si Jove sa kanyang kinauupuan at ginaya ang aking ginawa. "Tama ka." Umaasa niyang sambit. "Darating rin ang araw na matatanggap ni Proserphine ang bata sa tiyan niya." *** Magkasabay na bumalik kami ni Jove sa bahay ni Proserphine. Naabutan pa nga namin na tila paalis na si Dervis para sundan ako pero nang makita niya ako at si Jove ay mabilis siyang lumapit at pumagitna sa amin ni Jove. "Bakit magkasama kayong dalawa?" Nakakunot at pabulong na pagtatanong sa akin ni Dervis. "Nagkita kaming dalawa sa tabing ilog." Pagbibigay alam ko sa kanya. "Nagkataon na pareho naman kami ng pupuntahan kaya sumabay na ko sa kanya pabalik rito." Napasimangot naman si Dervis sa rason kong iyon. "Pasikat na ang araw kaya aalis na tayo pagkatapos ng kalahating oras." Pautos niyang sambit. "Kaya pumasok ka na sa loob para magpaalam kay Proserphine at sa kanyang magulang." Napatango ako at bahagyang nilingon si Jove na nakikinig sa aming usapan na tila lalong ikinainis naman ni Dervis. Nalilito naman ako sa nagiging reaksyon ni Dervis tuwing napapalapit ako kay Jove. "Sige, pasok lang muna ako sa loob." Paalam ko sa kanila at dali daling pumunta ng pintuan saka sumilip roon para tignan kung maaari na akong pumasok. Nakita naman ako ni Proserphine na nakasilip at mapait na nginitian ako. Kinuha ko ang pagkakataon na iyon na makalapit sa kanya. Nang makalapit ay laking gulat ko na lang nang bigla niya ako yakapin ng napakahigpit. Pagkatapos ng ilang minuto ay nag-angat ng tingin si Proserphine. "P-Primo..." Pagtawag niya sa aking pangalan. "A—Anong gagawin ko ngayon? P-P-Paano pa ako matatanggap ni Jove kung nabuntis ako ng ibang lalaki? Tapos ay kapag lalapit naman siya parang pinagtutulakan ko siya paalis. Paano kung ayawan na niya ako? Paano kung maghanap na siya ng iba?" Hinaplos ko ang kanyang buhok para pakalmahin siya. "Si Jove ang dapat kausapin mo tungkol sa bagay na iyan, Proserphine." Bilin ko sa kanya. "Siya lang naman makakapagsabi ng nararamdaman at iniisip niya ngayon. Naiitindihan ko na hindi mo kaya dahil sa kondisyon mo pero alam ko na darating ang araw na magagawa mo rin siyang harapin muli. Huwag mong madaliin ang iyong sarili. Dalawang taon ka inintay ni Jove, ano pa kaya ngayon ang ilang buwan? Isaisip mo na lang muna ang iyong kalusugan dahil may bata sa iyong tiyan na nabubuhay sa iyo." Sandaling natigilan si Proserphine bago tinango tango niya ang kanyang ulo na tila isinasaisip ang aking mga bilin sa kanya. Napalingon kami sa pintuan ng makita ko ng sumisilip na roon sina Frolan. Marahil ay paalis na kami at tanging ako na lang ang inaantay nila. "A-Aalis na ba kayo?" Tanong sa akin ni Proserphine na sinagot ko ng isang dahan dahan na tango. Unti unti siyang bumitaw ng yakap sa akin. Nangingilid ang luha sa kanyang mga mata. "Nais ko pa sana kayo magtagal rito pero alam ko kung gaanong kalaking abala na ang aking naibigay sa inyo." Malungkot niyang sambit at mahigpit na hinawakan ang kamay ko. "Alam ko kung gaano kadelikado ang kapital kaya ipapanalangin ko lagi ang kaligtasan niyo roon at lagi niyo tandaan na laging bukas ang pintuan ng aming bahay sa inyo. Utang ko ang aking pangalawang buhay na ito sa inyo." Ngumiti ako. "Oo, asahan mo na minsan ay dadalaw kami sa inyo para kamustahin ka at ang iyong anak." Nangangako kong sambit. Napapaiyak na tumango siya at panandalian na niyakap muli ako. Doon ay tuluyan na ako nagpaalam para bumalik sa kapital at harapin ang nag-iintay buhay sa akin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD