Chapter IX

2346 Words
Magbubukang-liwayway na sa labas nang umalis kami ng kuta para magtungo sa bayan ng Cadmia. Nakasuot kami ng mga pananlob para takpan ang aming mga mukha habang naglalakad sa mga eskinita rito sa kapital. Ang plano ay gagamitin namin ang daan sa isang sikretong butas mula sa harang na pumapalibot sa kapital dahil maaaring harangan kami ng kawal kung sa pinaka-tarangkahan pa kami dadaan. Ang sikretong daang ito ay ginagamit ng mga tao na may illegal na transaksyon. Nagkataon na nalaman ni Blake ang tungkol rito nang minsan na bumisita siya sa black market para mangalap ng impormasyon. "Narinig niyo na ba ang balita?" Tanong ng isang medyo katandaang babae sa bumibili ng kanyang paninda. "Nakita raw ang walang buhay na katawan ni Kaisel Vernon." "Malaking gulo ito!" Komento ng isang nakarinig sa sinambit ng tindera. "Marahil ay galit na galit ngayon si Count Vernon! Baka tayong mga nakatira rito ang pagbalingan niya ng galit!" "Hindi niya iyon magagawa dahil ang mga kawal ang nakakuha ng katawan ng anak niya kaya sila ang nag-iimbestiga sa nangyari." Pagtanggi naman ng tindera. "Eh? Nakilala na ba kung sino ang may gawa noon sa panganay na anak ni Count Vernon?" Rinig ko naman tanong ng kanyang kausap. Natigilan ako sa aking paglalakad dahil sa pinag-uusapan nila. Gusto ko pa sana marinig ang susunod nilang sasabihin subalit nagpatuloy lang ang aking mga kasama na tila hindi narinig ang usapan nila. Wala ako nagawa kundi sumunod at magpatuloy sa paglalakad para hindi nila maiwanan. Nang makarating kami sa sinasabi nilang kamalig na mismong pinagtataguan ng sikretong daan ay naging kapansin pansin ang pagkarimlan ng kapaligiran. Dulong dulo ito ng kapital at kakaunti lamang ang nagagawi sa parteng ito kaya hindi na nakakapagtaka kung bakit walang kaalaman ang palasyo sa kanilang mga gawain. Napalunok ako nang mapansin na mapanganib ang mga tingin na binibigay sa amin ng mga naririto. Pakiramdam ko ay pumasok kami sa lungga ng mga gutom na gutom na leon. At maling salita lang namin ay maaaring dumanak ang aming dugo rito Mahigpit na kumapit sa aking damit si Proserphine nang unti unti silang lumapit at palibutan kami. "Mukhang may naliligaw sa ating teritoryo ah." Nakangising at nakalumbabang sambit nang may katandaang lalaki na nakaupo sa ibabaw ng isang bariles at nagsisilbing lider nila. "Ano ang maipaglilingkod namin sa inyo?" Matapang na humakbang pauna si Dervis at tinanggal ang taklob na tumatakip ng kanyang mukha. "Ako si Dervis ang nagsisilbing lider nila. Nais sana namin makidaan rito palabas ng kapital." Walang katakot takot na paghayag niya ng aming pakay. Naging maalerto naman sila dahil alam namin ang tungkol sa sikretong daan na tinatago at binabantayan nila. Akmang aatakihin kami ng mga nakapalibot sa amin ng biglang sumenyas ang kanilang lider para tumigil. Ngumisi ang lider nila at nakipagtagisan ng tingin kay Dervis. "Magaling dahil nalaman niyo ang tungkol rito." Puri niya kay Dervis. "Pero marahil alam niyo rin na hindi kami basta nagpapadaan rito lalo na sa mga taong walang transaksyon sa amin." Napakunot ako ng noo dahil hindi ko alam kung ano ang hinihingi nila para padaanin kami. Nilingon ni Dervis si Blake at sinenyasan siya na lumapit sa kanya. Tumabi naman si Blake kay Dervis at may tila kinuha siya sa kanyang bulsa at iniabot kay Dervis. "Sapat na ba ito para padaanin kami?" Seryosong sambit ni Dervis at ipinakita ang kakaibang hugis na tila isang barya sa kanyang kamay. Tinitigan naman iyon ng lalaki bago humalakhak nang napakalakas na tila ba hindi niya iyon inaasahan. Nalilito naman kami nagkatinginan nina Red kung bakit bigla bigla na lang siya tumawa na akala mo isang baliw. "Ang bawat sinsilyo ay may kanya kanyang sinisimbolo kung kanino sila nagtratrabaho o napapabilang. At ang baryang iyan ay ang sinsilyo na hawak ng mga Vernon." Nakangising sambit niya pagkatapos mangiyak ngiyak na tumawa. "Maaari ko ba nalaman kung paano napunta iyan sa mga kamay niyo?" Napalunok ako. Mukhang masamang ideya ang aming pagdaan rito. Paano kung isa siya sa mga tauhan ni Count Vernon? Marahil isusumbong niya kami at ipapadakip. "Ninakaw namin ito sa katawan ni Kaisel Vernon." Walang kaabog abog na sagot ni Blake sa kanya at nagbigay ng isang kibit balikat na akala mo nagyayabang. Seryoso ba siya na sasabihin niya ang tungkol roon? Hindi ba niya alam na kumakalat na ang balita tungkol sa pagkamatay ni Kaisel? Parang inamin na rin niya sa kanila na kami ang pumatay sa panganay na anak ni Count Vernon. Napatapal na lang ako ng kamay sa aking noo. Wala na. Mukhang mapapalaban na naman kami. Humawak sa kanyang baba ang lalaki at isa isa kaming pinagmasdan. "Kung ganoon ay kayo ang mga taong pumaslang sa kanya." Natutuwang sambit ng niya. "Ayoko nga sa kayabangan ng batang iyon. Minsan na rin niya ako inalok para mabili ang daang ito." Napangiwi ako nang maalala kung paano nag-alok ng pera si Kaisel para pakawalan lang siya. Biglang tumalon ang lalaking lider pababa sa inuupuang bariles at lumapit kay Dervis saka naglahad ng kanyang kamay. "Ako nga pala si Cronus, ang nangangalaga ng daang ito." Pagpapakilala niya sa kanyang sarili. "Masaya ako na makilala at makatagpo ang tulad niyo sa trabaho kong ito." Narinig ko ang pagsinghap ni Gyro sa narinig at nanginginig pa ang kamay na itinuro si Cronus. "I-Ikaw si Cronus?" Gulat na gulat niyang tanong. "I-Ikaw ba ang dating pinuno ng mga kawal na naninilbihan sa mga Calareta?" Kita ko na biglang sumeryoso si Cronus at tila nadali namin ang bagay na pinakaayaw niyang pag-usapan. "Calareta huh..." Walang kaemo-emosyong pag-ulit niya. "Ako nga ang Cronus na iyon." Napanganga ako dahil ang dating marangal na kawal na naninilbihan sa palasyo at nauwi sa ganitong trabaho. Bakit kaya nandito siya? Ano kaya ang nangyari sa kanya? Tumalikod si Cronus at binuksan ang kurtinang tumatakip sa pintuan ng kamalig saka sumenyas sa amin na sundan siya. Sumunod naman sina Dervis kay Cronus kaya hinawakan ko sa kanyang kamay si Proserphine bago sundan sila. Pagpasok ko sa kamalig ay tinahak naman namin ang isang madilim at makisip na diretsong daan. "Dito rin ba kayo dadaan sa pagbalik niyo?" Tanong ni Cronus kay Dervis. "Oo, wala naman kami ibang pamimilian dahil marahil pinaghahanap na kami ng palasyo." Pagdadahilan ni Dervis sa kanya. Tumango tango si Cronus na tila nauunawaan niya ang aming sitwasyon ngayon. "Maaari ko bang malaman kung bakit naisipan niyong lumabas ng kapital." Pagtatanong pang muli ni Cronus sa amin. "May ihahatid lamang kaming babae sa bayan ng Cadmia." Pag-amin naman ni Dervis sa kanya. Halata na nakuha ni Cronus ang buong tiwala ni Dervis para walang pag-aalinlangan na sabihin sa kanya ang aming pakay sa labas ng kapital. "Ah ang dalawang binibini ba na nahuhuli sa atin ang ihahatid niyo sa Cadmia?" Sambit ni Cronus at bahagyang sumilip sa aking gawi. Nanlaki ang mga mata ko dahil napansin niya na babae ako kahit hindi niya nakikita ang buong katawan at mukha ko dahil sa taklob na suot ko. "Lalaki si Primo at ang ihahatid namin ay ang babae na nakakapit sa likuran niya." Pagkontra naman ni Frolan sa sinabi ni Cronus. Hanggang sa marating namin ang dulo ng kamalig na siyang maghahatid sa amin sa labas ng kapital. May kinuhang susi sa kanyang bulsa si Cronus at buong pwersa na binuksan ang tila napakabigat na pintong bakal. Tinignan niya kami dahil maaari na kami makadaan sa pintong iyon. "Hihintayin ko ang inyong pagbabalik." Nakangising sambit niya. Kumaway naman sina Red at Frolan kay Cronus bago tuluyang dumaan sa pintong iyon. Hanggang sa ako na ang tumapat sa harapan ni Cronus para makadaan. Hindi ko maiwasang mapalunok dahil sa kakaibang titig na binibigay niya sa akin. Naghalukipkip pa siya ng kanyang braso. "Ikaw..." Bigla niyang sambit kaya napatigil ako sa paglabas. "Posible bang kilala kita?" Nalilitong lumingon ako sa kanya. "I-Imposible ang sinasabi mo..." Pagtanggi ko. "Dahil dayo lang ako rito sa bayan na napulot ni Dervis." Tinitigan niya ako na tila inaalam kung nagsasabi ba ako ng totoo sa kanya. "Talaga? Tila napakapamilyar kasi ng iyong presensiya sa akin." Nagtataka niyang sambit. "Pero marahil nagkamali lang ako dahil may katandaan na." Yumuko ako sa harapan niya para magpasalamat saka tuluyang dumaan sa pintuan palabas ng kapital. Sinalubong naman ako ni Dervis na tila nagtataka sa medyo napatagal kong paglabas. *** "Kung lalakarin natin ang pagpunta sa bayan ng Cadmia ay aabutin lang tayo ng kalahating araw." Pagbibigay alam ni Blake sa aming lahat. "Dalawang oras naman kung mag-aarkila tayo ng karwahe." Nagkatinginan sina Frolan at Red saka pinagpag nila ang kanilang bulsa. "Wala kaming pera kaya maglakad na lang tayo." Nakangising pagpili nila. Napakagat labi ako dahil kakaunti na lang rin ang natira sa pera na naipon ko sa pagtratrabaho noon sa manor ni Tito Roy. Palagay ko ay hindi na iyon sasapat para maka-arkila ng isang karwahe. Napakamot naman ng batok si Dervis bago isa isa kami tinignan. "Maglalakad tayo." Pautos na sambit niya na ikinahalakhak nina Blake at Zion na akala mo may nakakatawang sinabi siya sa kanila. Tumabi naman si Red kay Dervis at siniko siko ang tagiliran nito. "Wala ka ring pera 'no, boss?" Nang-aasar na sambit ni Red sa kanya na ikinaiwas ng tingin sa akin ni Dervis sa kanila. Napatakip ako ng bibig para pigilan ang aking sarili na matawa. Ginamit pa ni Dervis ang pagiging lider niya para itago ang kawalan niya ng pera pero hindi ito umubra at nalaman rin naming lahat. "Okay lang iyan, boss." Pampalubag ng loob ni Gyro kay Dervis. "Lahat tayo walang mga trabaho kaya lahat tayo ay walang mga pera." Hindi ko na napigilan at napahalakhak ng malakas na sinundan rin ng iba naming kasama. Pulang pula na kasi ang mukha ni Dervis sa sobrang pagkakahiya. "S-Shut it!" Saway niya sa amin at nagpauna na sa paglalakad para lumayo sa aming pang-aasar sa kanya. "U-Umalis na tayo." Tumatawa pa rin na sinundan namin siya. Nauwi sa kulitan at asaran ang aming paglalakad sa gitna ng magandang kapaligiran. Napapikit pa nga ako ng aking mga mata habang sinasamyo ang pag-ihip ng sariwang hangin sa aking mukha. Ngayon ko lang muli naramdaman ang ganitong pakiramdam. Ang pakiramdam ng isang masaya at malayang pamumuhay. Ang buhay na aking matagal ng pinakaaasam. Naramdaman ko na may tumapik sa aking balikat. "Saan ka nga palang bayan na nagmula, Primo?" Tanong sa akin ni Frolan na punung puno ng kuryosidad. "Hindi mo kasi sinabi ang tungkol roon noon." Dahil roon ay agad kong binuksan ang aking mga mata. "A-A-Ah sa... G-Garnetia..." Mautal utal at napipilitang kong pagsagot sa kanyang tanong. Napahawak sa kanyang baba si Frolan na tila nag-iisip. "Di ba may asawa ang namayapa mong Ina na isang noble?" Pagkukumpirma pa ni Frolan. "Siya ba ang mayor ng Garnetia?" Napamaang ako sa sumunod na itinanong niya sa akin. Binuka ko ang aking bibig pero agad ko rin ito isinara. Hindi ko mahanap ang aking boses para sagutin iyon. Pinag-iisipan ko kung aamin ba ako na siya ang mayor o hindi. Lalo na ayaw na ayaw nila mauugnay ang pangalan nila sa akin. Binigyan ako ng bigyan ng tig-isang batok nina Zion at Blake si Frolan. Marahil ay nahalata nila na hindi ako komportableng pag-usapan ang tungkol sa aking pinagmulan. "Minsan hindi ko alam kung tanga o manhid ka lang, Frolan." Hindi makapaniwalang sambit ni Zion sa kaibigan. "Ikaw pa naman ang doktor ng ating grupo pero ganyan ka." "What?" Nalilitong sambit ni Frolan habang sapo ang binatukang parte ng kanyang ulo. "Parang nagtatanong lang eh..." Nakangusong dagdag niya pa. "Hindi masamang magtanong pero kailangan mo rin maging sensitibo sa mga bagay na gusto mong itanong sa ibang tao." Pagsesermon ni Blake kay Frolan. "May mga bagay na ayaw pag-usapan ng ibang tao. Ihantulad mo ang pakiramdam niya kung tatanungin ka namin ngayon sa dahilan ng pagkamatay ng nakakabata mong kapatid na babae." Natigilan si Frolan nang banggitin ni Blake ang tungkol sa nakakabata niyang kapatid. Kapansin pansin na may rumehistrong galit at pangungulila sa kanyang mga mata. Bigla ako napaisip dahil sa wala akong alam sa buhay at kwento nilang lahat. Katulad na lang kung paano sila mga nagkakilala at bakit sila bumuo ng isang gang para kumalaban sa mga mapagsamantalang opisyales. Ang tanging alam ko lang ay mga pangalan at kung saan sila bihasa sa pakikipaglaban. Gayun pa man, naging kapansin pansin sa akin ang kanilang walang hanggan na galit para sa mga sakim na opisyal ng palasyo. Tila ba handa sila ibuwis ang buhay nila para mapabagsak lamang sila. "Patawad Primo." Seryosong paghingi ng paumanhin ni Frolan sa akin. "Alam ko na sumobra ako at nagtanong ng mga bagay na ayaw mong pag-usapan pang muli." "Ayos lang. Alam ko naman na hindi mo intensyon na gawin iyon." Nauunawaang sambit ko. "Kalimutan na natin ito." Dagdag ko at palarong sinuntok siya sa kanyang braso. Napangiti naman muli siya at nagsimulang makipag-asaran muli kay Red. Habang ako ay inasikaso ko naman si Proserphine at paminsan minsan ay inaabutan siya ng tubig at makakain. Paminsan minsan ay tumitigil rin kami ng kalahating oras sa paglalakad para magpahinga ng sandali. Mga dapit hapon na nang natanaw namin sa hindi kalayuan ang medyo may kaliitang bayan. Nagkatinginan kaming lahat sa isa't isa. Ito na siguro ang bayan ng Cadmia. Naramdaman ko naman ang paghigpit ng paghawak ni Proserphine sa akin habang maluha luhang nakatanaw roon. Alam ko na natatakot siya sa maaaring maging reaksyo ng kanyang pamilya mula sa kanyang biglaang pagkawala at ngayon na pagbabalik. Umaasa ako na taos puso pa rin nila matatanggap ang mabait na dalaga. Sapat na ang pait ng kanyang pinagdaanan at sana naman ay makamit na muli niya ang mapayapang pamumuhay. Nilingon ko si Proserphine at mahigpit na hinawakan ang kanyang mga kamay para bigyan siya ng lakas na loob na magpatuloy na bumalik sa kanyang bayan. "Nandito na tayo, Proserphine." Nakangiting sambit ko sa kanya. "Makakauwi ka na rin sa piling ng iyong pamilya."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD