Chapter XII

2803 Words
Isang linggo na ang nakalipas mula nang makabalik kami sa Cadmia. Naabutan namin kalat na kalat na ang balita sa buong kapital ang pagkamatay ng anak ni Count Vernon kaya nang dumaan kami sa sikretong daan ay binalaan kami Cronus na mag-ingat dahil naraming kawal ang pinakalat ngayon sa buong kapital para hulihin kami ayon sa kanya. Sa tulong ng mga taong pinoprotekhan ng grupo ni Dervis at ang malawak na koneksyon ng grupo ni Cronus ay nagagawa naming mailigaw ang mga kawal para hindi nila kami mahanap. Ngunit hindi namin sigurado kung hanggang kailan magiging epektibo ito. Alam namin na darating ang araw na mahahanap at makakaharap rin namin sila. "Kumikilos na si Count Vernon." Seryosong seryoso na sambit ni Blake pagkatapos niya manggaling sa labas para mangalap ng mga impormasyon. "Malaki ang posibilidad na siya na mismo ang humuli sa atin dahil hindi niya hahayaan na malaman ng palasyo ang dahilan ng pagkamatay ng kanyang anak at madudumi niyang gawain. Balak niyang patahimikin tayo sa ating nalalaman bago tayo makuha ng mga tao ng palasyo." Nagbuga ng usok mula sa kanyang bibig si Zion. "Mukhang umaayon sa ating plano ang lahat, boss." Nakangising komento niya na sabay sabay na ikinangisi rin nina Gyro, Red at Frolan. Napahalukipkip ng braso si Dervis at tila hindi masaya sa ibinalita ni Blake sa amin. "Nagiging madali yata ang pagpapalabas natin sa kanya sa kanyang lungga. Hindi ito ang aking inaasahan dahil kilala si Count Vernon sa pagiging tuso." Hindi kampanteng sambit ni Dervis sa aming lahat. "Maaaring may ibang pinaplano si Count Vernon." Inayos ni Blake ang suot niyang salamin. "Tama ka, boss. May ibang pinaplano si Count Vernon maliban sa paghuli at pagpapatahimik sa atin." Pagsang-ayon niya sa sinabi ni Dervis. "Nalaman ko rin na iniipon ni Count Vernon ang mga gang na may mga matitinding galit sa atin." Pagbibigay ng dagdag na impormasyon ni Blake. "Isang malaking labanan ang nais nilang mangyari." Napahawak sa kanyang batok si Dervis na tila hindi iyon inaasahan dahil makakapukaw lang iyon nang mas malaking atensyon mula sa palasyo para gawin ni Count Vernon. "Kung gagawa siya ng malaking gulo sa kapital ay malaki ang posibilidad na malaman agad ang palasyo ito at pumagitna sila sa kaguluhan." Naguguluhang sambit ni Dervis. "Akala ko ba ay sinisiguro niya na hindi malalaman ng palasyo ang kanyang mga masasamang gawain?" Tinignan ni Blake ang bawat miyembro ng gang bago may nilapag na mga poster na naglalaman ng kanilang mga larawan. Napasinghap ako na makita ang malalaking halaga na ipinatong sa kani-kanilang mga ulo. Mukhang sobrang desidido ang palasyo na mahuli sila para magbigay ng ganitong kalalaking pabuya sa makakahuli man sa kanila ng buhay o hindi. "Naks! May patong na ang ating mga ulo! Bigatin na tayo!" Hindi makapaniwalang sambit ni Frolan at isa isa tinignan ang mga poster nila. "Walang picture si Primo." Nakangusong pagpansin naman ni Red sa mga poster. "Ang daya!" Binatukan ni Gyro si Red. "Malamang bagong miyembro lamang si Primo kaya imposibleng mapasama siya diyan." Pagdadahilan niya. Nakatanggap naman si Frolan ng malalakas na batok kina Blake at Zion. Hindi nila kasi alintana ang pagiging panganib ng kanilang sitwasyon ngayon at naisipan pang magsaya dahil binigyan sila ng patong sa kanilang mga ulo. Inabot naman ni Dervis ang mga poster na iyon at napakunot ng noo na tinitigan iyon. "Balak ba niyang kuhanin ang mga pabuya sa oras na matagumpay siyang mapataob tayo? Gusto ba niya magpakitang gilas sa harapan ng mga kawal na nagawa niya tayo mahuli pero hindi sila?" Seryosong pag-sapantaha niya sa binabalak ni Count Vernon. "Kung iyon nga ang binabalak niya..." Nakasimangot na sambit ni Gyro. "Makukuha na niya ang pabuya at gaganda pa ang posisyon niya sa palasyo." "What a greedy man." Komento ni Zion bago inapakan ang sinding sigarilyo sa kanyang paanan. "Tila wala lang sa kanya ang pagkamatay ng anak ay mas inisip na gamitin tayo para sa sarili niyang ikabubuti." Namayani ang mahabang katahimikan sa aming paligid. Tila lahat sila ay nag-iisip ng gagawin para hindi magtagumpay si Count Vernon. Ngunit kung totoo nga na kumukuha ng tulong at suporta si Count Vernon sa mga kalaban nilang gang ay hindi ito magiging madali katulad ng ginawa namin kina Klaus at Kaisel. Galit na sinuntok ni Dervis ang aming ginagamit na mesa. "Mukhang naisahan tayo ni Count Vernon." Naggagalaiti niyang sambit. "B-Boss..." Nag-aalalang bigkas ni Red habang nakatingin kay Dervis. "Malalakas naman tayo! Kaya kahit gaano karami ang kalaban na dalhin niya ay hindi nila tayo matatalo!" Napailing ng ulo si Gyro na tila sinasabi niya na walang kasiguraduhan ang sitwasyon na manalo sila sa labanan. "Alam niya na kahit gaano tayo kalakas ay may limitasyon pa rin ang ating mga kakayahan kaya humanap siya ng maraming mga tauhan na papantay sa ating lakas para kalabanin tayo. Wala tayong abilidad na hindi mapagod at iyon ang sasamantalahin ni Count Vernon sa gitna ng labanan." Pagpapaliwanag ni Gyro kay Red ng sitwasyon. "Kung sakaling magtagumpay tayo na matalo sila ay hindi naman tayo sigurado kung makakatakas tayo sa mga kawal ng palasyo." Napalunok ako. Unti unti ko na nakikita ang hirap ng sitwasyon. Anumang gawin ay wala kaming takas. "Ano na ang ating plano ngayon, boss?" Tanong ni Frolan kay Dervis. Humugot ng malalim na hininga si Dervis at seryosong tinignan niya kami isa isa sa aming mga mata. "Lalaban, patayin si Count Vernon at siguraduhing mananatiling buhay na makakatakas." Maikling utos niya sa aming lahat. "Maasahan ko ba kayo roon?" Sumaludo silang lahat kay Dervis. "Yes boss!" Nakangising pagsagot nila. Sa mga nagdaang araw ay tulung-tulong kami mga nagsanay sa kuta. Marami ring mga hinandang pampasabog si Frolan at mga kani-kanilang mga gamit sina Gyro at Zion bilang paghahanda sa labanan. Lagi rin kami naka-alerto sa anumang oras na pwede sumalakay si Count Vernon. Hanggang sa kalagitnaan ng aking tulog ay naalimpungatan ako dahil sa malakas na pagyanig ng kinaroroonan naming bodega. Mukhang may mga nakaapak sa mga bombang itinanim ni Frolan sa paligid ng aming kuta. "Nandito na sila." Maalertong sambit ni Dervis na tila nagising rin sa ingay ng sunud sunod na pagsabog sa labas. Agad na nagsitayuan kaming lahat sa pagkakahiga at mabilis na mga kumilos ang aking mga kasama para kuhanin ang kani-kanilang mga armas. Sinenyasan naman ako ni Dervis na magtago sa likurang bahagi ng bodega. Napipilitan at nakasimangot naman ako sumunod sa inuutos niya. Gusto kasi nila na hindi ako mangialam sa labanan at binilinan pa na kapag nakita ko na natatalo at dehado sila ay tumakas na ako palayo roon. Pakiramdam ko ay walang kwenta rin ang pagsasanay ko sa kanila kung hindi naman nila ako pinapayagan na makisali sa labanan. Nirarason kasi ni Dervis na walang kasiguraduhan kung may iba pang binabalak si Count Vernon. Saka hindi naman rin ako kilala pa na miyembro ng kanilang gang kaya mas mabuti na hindi ako makisama sa kanila. Ewan ko ba kung ano ang nakain nitong si Dervis ng mga nakaraang araw. Pakiramdam ko kasi naging sobra sobra ang pagprotekta niya sa akin na hindi na karaniwan sa iba. Minsan nga ay inaaway niya pa si Gyro tuwing nasasaktan niya ako sa sparring namin. Pero sa tuwing nagkakaganoon siya ay hinahayaan naman siya ng mga kasama namin at kinukunsinti pa sa kanyang mga kalokohan. Nakakapagtaka na talaga... Hindi naman ganoon niya ako itrato noong una. Naputol ang aking pag-iisip sa kakaibang akto ni Dervis dahil biglang lumipad ang pintuan ng aming kuta mula sa panibagong pagsabog at napuno ng usok ang buong loob ng aming kuta. Gamit ang kadiliman sa aking pwesto ay nakamasid lang ako sa maaaring mangyari. Kinakabahan ako napatitig sa makapal na usok na tumatakip sa aming mga paningin at pinakinggan ang mga yabag ng paa para alamin kung nasaan ang aming mga kalaban. Hanggang sa biglang umalingawngaw ang sunud sunod na putok ng baril na tila ba pinauulan ito sa amin. Dali dali ako nagtago sa likuran ng mga tambak rito para makaiwas sa mga ligaw na bala na hindi ko sigurado kung saan nagmumula ngayon. Unti unti nawala ang usok sa aming kapaligiran at doon rin natapos ang pagpapaputok ng aming mga kalaban. Sa aking pagsilip muli sa may pintuan, pumasok mula roon ang halos na hindi mabilang na dami na mga kalaban. "Engrande naman ng pagpasok niyo sa aming kuta." Maangas na pagsalubong sa kanila ni Dervis at nakapamulsa na pumagitna. Sumunod naman sina Gyro at walang katakot takot na tumayo sa likuran ni Dervis. Nagtagisan ng tingin ang dalawang grupo at wala yata niisa sa kanila ang may gustong kumurap. "Dervis huh." Nag-uuyam na sambit ng medyo may katandaang lalaki na nangunguna sa mga kalaban. "Kayo pala ang pumatay sa aking panganay na anak." Napalunok ako nang mapansin na lahat sila ay naglabas ng mga tinatagong armas at unti unti na pumalibot sa grupo ni Dervis. Mukhang hinaharangan nila ang lahat ng direksyon na pwedeng takasan nila. Wala talaga silang balak na paalisin sila ng buhay rito. "Kami nga." Pagkumpirma ni Dervis sa sinabi ni Count Vernon. "Nagustuhan mo ba ang aming munting iniregalo sa iyo?" Hinimas ng matanda ang kanyang baba at maiging tinitigan si Dervis. "Sa totoo lang ay wala akong pakialam kay Kaisel. Hinayaan ko lang siya gawin ang gusto niya gamit ang aking pangalan." Walang kagatol gatol na sambit ni Count Vernon na tila hindi man lang naghinagpis sa pagkawala ng kanyang panganay. "Subalit dahil may nalalaman kayo na hindi nararapat ay kailangan ko umaksyon para patahimikin kayo ngayon. Hindi ko hahayaan na mahila ako ng pagkakamali ng aking anak kaya lilinisin ko ang kanyang kalat." Sa isang pitik niya ay unti unti naglapitan ang mga tauhan niya kina Dervis. "Kikikiki! Hindi ba masyado sobra sobra ito, Master Vernon." Maangas na sambit ng isa sa mga kasama niya. "Anim lang sila at napakarami namin. Ako lang ay sapat na para tapusin ang trabahong ito." Dagdag niya at dinilaan pa ang kanyang dalang patalim na akala mo sabik na sabik na makatikim ng sariwang dugo. "Huwag kang mayabang, Xerus." Pagkontra ng katabi niya. "Bago ka lang kaya hindi mo alam kung gaano kalakas ang grupo ni Dervis. Baka nga wala ka pa sa kalingkingan ng kakayahan nila." "Hinahamon mo ba ako, Gecko?" Naasar na sambit ni Xerus. "Gusto mo ba ang dugo mo ang unang dumanak rito?" Malakas na pinukpok ni Count Vernon ang kanyang tungkod sa sahig para patahimikin ang kanyang mga kasama. "Tumahimik kayo." Pautos na sambit niya. "Hindi ko kayo dinala rito para magyabangan ng inyong mga kakayahan. Ayoko ng salita lang. Ipakita niyo kung talagang may mga ibubuga kayo. Binayaran ko kayo ng malaking halaga para tapusin sila kaya iyon ang pag-ukulan niyo ng atensyon." Napipilitan naman naglayo sa isa't isa sina Xerus at Gecko. Halatang napipilitan sila na sundin ang inuutos ni Count Vernon kung hindi lang siguro sa malaking halaga na ibabayad sa kanila. Malakas na humalakhak si Dervis. "Wala ka rin pala pinagkaiba sa iyong anak, Count Vernon." Buong galit na sambit ni Dervis. "Kung ano nga ang puno, siya rin ang bunga." Napakunot naman ng noo si Count Vernon sa kahulugan ng sinambit ni Dervis. Ramdam na ramdam kasi sa tono niya ang pagkamuhi kay Count Vernon. "Interesting." Nakangising sambit ni Count Vernon. "I can feel your bottomless grudge towards me. Ginawa mo iyon sa anak ko para makahiganti sa akin di ba? Isa ka ba sa mga pamilyang pinagbagsak ko? Pasensiya na dahil sa dami ay hindi ko na matandaan kung saan kang pamilya napapabilang. Medyo tumatanda na rin ako kaya humihina na ang aking memorya." Humakbang muli ang mga tauhan ni Count Vernon palapit kina Dervis kaya naghanda sina Gyro sa magiging madugong labanan. "Hindi mo na kailangan alalahanin pa kung sino ako, Count Vernon. Dito na kasi magwawakas ang iyong buhay." Kompiyansang sambit ni Dervis at inilabas ang kanyang dalawang espada. Pagkasambit na pagkasambit ni Dervis ng mga salitang iyon ay ang simula ng salpukan ng dalawang magkalabang panig. Umalingawngaw ang tunog ng mga baril, hiyaw ng mga nasaktan at pagtatama ng mga patalim. Nabalutan ng kulay pulang likido ang sahig ng aming kuta. Maraming mga katawan ang nagkalat at hindi ko sigurado kung buhay pa ba ang mga ito. Habang nakamasid sa labanan ay kapansin pansin na nakakasabay kina Dervis sina Xerus at Gecko. Mukhang may dahilan ang kanilang mga kayabangan dahil sa galing nilang makipaglaban. Lumipat ako sa aking pinagtataguan na mas malapit sa kanilang lahat. Pagapang ko pa iyon ginawa dahil kabilin bilinan sa akin ni Dervis na huwag na huwag magpapakita sa kanilang mga kalaban. Hanggang sa makita ko na mapatumba ni Xerus si Red. Napatakip ako ng kamay sa aking bibig nang masaksihan ang masaganang dugo na nagmumula kay Red ng madali siya ng patalim ni Xerus sa kanyang tiyan. Ngayon ay nakaporma na si Xerus para tuluyang tapusin ang buhay ng batang miyembro. "f**k!" Galit na galit na hiyaw ni Gyro at iniharang ang katawan niya para protektahan si Red. Kita ko na lang na nakabaon sa katawan ni Gyro ang dalawang hawak na mahabang patalim ni Xerus. Sinubukang hugutin niya iyon pero laking gulat niya nang hindi niya iyon magawa at nakatanggap ng napakalakas na suntok mula kay Gyro kaya tumalsik siya patungo sa isang haligi ng aming kuta at bumagsak na umuubo ng dugo. "G-Gyro... R-Red..." Naiiyak kong bulong nang makita na parehong malubha ang kanilang mga lagay. Gustung gusto ko silang puntahan ngayon pero inaalala ko ang bilin sa akin ni Dervis na huwag mangialam sa kanila. Nanghihinang hinugot naman ni Gyro ang mga patalim na nakabaon sa kanyang katawan. "Gyro, Red." Pagtawag ni Frolan sa kanila at sinubukan ampatan ang dumudugo nilang mga sugat. "Kaya niyo pa bang lumaban?" Pinalis nilang pareho ang kamay ni Frolan palayo sa kanila. "G-Galos lang ito 'no!" Maangas na sambit ni Gyro. "K-Kaya ko pang lumaban!" Dahan dahan naman bumangon si Red sapo ang sugat niya sa tiyan. "Pasensiya na. Nadulas lang ako." Pagpapalusot niya bago sinubukang tumayo muli ng tuwid. Napailing ng ulo si Frolan sa kagustuhan pa rin ng dalawa na magpatuloy na makipaglaban. "Basta siguraduhin niyo lang hindi kayo mamamatay! Ako ang papagalitan ni boss dahil hinayaan ko kayo." Pagpayag ni Frolan sa kanila. Wala siyang nagawa kundi hayaan na tumulong muli sina Gyro at Red sa pag-ubos ng kanilang mga kalaban. Ngayon ay halos nasa kalahati na lang ang bilang nila at hindi nila kakayanin kung mababawasan sila ngayon. Pagewang gewang na tumakbo muli sina Gyro at Red para sumali uli sa labanan. Pinagdaop ko ang aking mga palad habang nanunuod sila. Nakatamo na rin ng mga malalim na sugat sina Zion at Blake pero hindi nila iyon ininda. Kung magpapatuloy ito ay wala na siguraduhan ang binabalak na pagtakas nila. "Gecko! Xerus!" Naiinip na sambit ni Count Vernon. "Anong ginagawa niyo? Akala ko ba ay kaya niyo ang grupo nila?" Tila hindi nagustuhan ni Gecko ang tono ni Count Vernon sa kanya pero gayun pa man ay sinunod niya ito. Biglang nagsuot ng gas mask sina Gecko at Count Vernon bago may tinapon na kung ano sa gitna ng labanan. Biglang may kumalat na kulay berdeng usok sa loob ng bodega. Unti unti napaluhod at natumba ang mga nakalanghap ng usok na iyon kasama na sina Dervis. Mabuti na lang ay nasa malayo ako at hindi inabot ng berdeng usok na iyon. "Bwahahaha! Tignan natin ang kaya niyo ngayong paralisado kayo dahil sa special gas na ginawa ko." Nagmamayabang na sambit ni Gecko at inalis ang gas mask niya nang tuluyan na mawala ang usok. Pumalakpak si Count Vernon sa ginawa ni Gecko. "Magaling Gecko!" Papuri naman niya bago malakas na sinipa at kinaladkad si Dervis na hindi makagalaw sa kanyang pagkakahiga. "Dahil rito ay magiging mabilis na lang ang pagtapos sa buhay nila. Tamang tama! Marahil parating na rin ang mga kawal." Dagdag niya at inagaw ang espadang hawak ni Dervis. Sinubukan naman gumalaw ni Dervis ngunit napaub-ob muli siya ng sipain muli sa sikmura ni Count Vernon at madiin na inapakan sa likuran. Napahugot ako ng hininga dahil hindi makalaban sina Dervis. Inilibot ko ang tingin at nakita ang isang baril na tila naibato ng kalaban malapit sa aking kinaroroonan. Maingat ako gumapang patungo roon at maingat na inaabot ang baril. "Ito na ang katapusan mo, Dervis." Nakangising sambit ni Count Vernon at tinutok ang espada sa leeg ni Dervis. "Maling mali na ako ang kinalaban mo dahil pinaaga mo lang ang kamatayan mo dahil rito." Nang tuluyang makuha ko ang baril ay nanginginig na itinutok ko ito sa direksyon ni Count Vernon. Bago pa niya magawang mailapat ang espada sa leeg ni Dervis ay pikit matang ipinutok ko ng tatlong beses ang baril na hawak ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD