Chapter VII

2022 Words
Bumungad sa aking paningin ang isang pamilyar na mukha. Naramdaman ko ang panginginit ng aking pisngi at bumilis ang pagtibok ng aking puso nang mapansin na buhat buhat niya ako ngayon na parang bagong kasal. "D-Dervis, ibaba mo na ako..." Nahihiyang sambit ko at tinapik siya sa balikat. Matalim na tinignan naman ako ni Dervis bago dahan dahan na ibinaba para makatayo muli. Naramdaman ko na lang na may sunud sunod na bumatok sa akin. Paglingon ko ay napag-alaman ko na nanggaling iyon kina Red at Blake. Mukhang nasaksihan rin pala nina Dervis at Blake ang buwis buhay na ginawa ko. "Tss. Oo, sinabi ko na gawin niyo ang paraan na gusto niyo para mapatumba ang mga kalaban pero hindi sa ganitong paraan ang ibig kong sabihin, Primo." Hindi nasisiyahang sambit ni Dervis at malakas na pinitik ako sa noo. "Huwag mo ng uulitin iyon!" Nagbabantang dagdag niya. Napakamot naman ako ng batok saka napangiwi. "Err sorry. Spur of moment lang. Maganda naman ang kinalabasan di ba?" Pagdadahilan ko sa kanila. Napailing iling ng kanyang ulo si Blake saka naghalukipkip ng kanyang braso. "Ngayon lang hindi nagproseso ang utak ko." Seryosong sambit ni Blake at katulad ni Dervis ay binigyan niya ako ng matalim na tingin. "Ngayon lang ako nakakita ng taong gumawa noon ng walang plano kung paano siya lalapag." Biglang nahagip ng aking paningin si Klaus kasama si Kaisel na papatakas na ngayon mula sa kaguluhan. Doon ko lang napansin na kakaunti na lang pala ang natira nilang tauhan at halatang halata na ang pagkatalo nila. Hindi maaaring makatakas sila saka hawak pa ni Klaus ang susi ng kulungan ng mga bihag na babae. Mawawalang saysay lang rin ang ipinunta namin rito kung sakali. "Tumatakas na sila!" Natatarantang sigaw ko habang nakaturo sa isang direksyon para ibaling atensyon nina Dervis. Mabilis naman nagsikilos sina Dervis at Red para maabutan silang dalawa. Gamit ang kanilang kakaibang bilis ay nagawa nilang dambahin saka buong bigat na dinaganan paharap sa sahig sina Klaus at Kaisel. Sinubukan nilang manlaban pero mahigpit na ang hawak sa kanila ngayon nina Dervis. "f**k! Let me go!" Hiyaw ni Kaisel habang nagpupumiglas sa pagkahawak ni Red. "Pakawalan niyo ko! Hindi niyo ba ako nakikilala?" "Kaisel Vernon." Bagot na sagot naman ni Blake sa kanya. "Ikaw ang panganay na anak ni Count Vernon di ba?" Tila nabuhayan naman si Kaisel sa sinabi ni Blake. "Mabuti na lang ay nakikilala niyo ko." Nakahingang sambit niya. "Pakawalan niyo ko at pangako bibigyan ko kayo ng napakalaking halaga!" Umaasang dagdag niya habang tinitignan sa mga mata ang kasama ko. Naupo naman si Blake sa harapan ni Kaisel. "Ganyan na lang ba ang tingin mo sa mga tao?" Seryosong sambit niya. "Tingin mo ba lahat ng bagay ay kayang bayaran na lang ng pera?" "Bakit mayroon bang hindi kayang bilhin ng pera? Pagmamahal at kapurihan nga ng tao kayang bilhin." Nag-uuyam na sambit ni Kaisel kay Blake. Isang mapanganib na halakhak ang pinakawalan ni Blake. "Akala mo siguro nautakan mo ko 'no?" Nakangising sambit ni Blake at nilabas sa kanyang bulsa ang isang patalim at idinikit iyon sa pisngi ni Kaisel."Alam mo ba na hindi kayang ibalik ng pera ang buhay ng isang tao?" Dagdag niya na ikinaputla ni Kaisel. "Gusto mo bang subukan natin iyon sa iyo?" Nanginginig na ngayon sa takot si Kaisel saka nilingon si Klaus para humingi ng tulong. "D-Dervis!" Naggagalaiting at puno ng poot na sambit ni Klaus habang pilit kumakawala sa mahigpit na hawak ni Dervis. "Akala mo ba makakawala ka pa ngayon kapag dinamay mo ang anak ni Count Vernon? Huh! Kahit hindi man kita nagawang tapusin ngayon ay paniguradong ang palasyo ang gagawa sa akin ng trabahong iyon. Magkikita tayong lahat sa impyerno!" Lalong hinigpitan ni Dervis ang pagkahawak niya kay Klaus. "Palagay mo hindi namin alam ang tungkol roon?" Mapang-asar na sambit ni Dervis sa kanya. "Huwag mo kami itulad sa inyo na hindi nag-iisip. Ang dami dami niyo pero natalo lang kayo ng pitong katao." Kita sa mukha ni Klaus ang pagkagigil sa sinambit ni Dervis. Walang kung ano ano ay dinuraan niya si Dervis sa kanyang pisngi saka mayabang pa rin na ngumisi sa aming harapan. "Boss!" Gulat na sambit nina Gyro at Frolan na nakita ang nangyari dahil palapit na sila ngayon sa aming kinaroroonan. Pinunasan naman iyon ni Dervis bago binali ang magkabilang braso ni Klaus. "Aaaah! s**t!" Umalingawngaw ang napakalakas na nasasaktang hiyaw ni Klaus. Binalingan muli ng tingin ni Dervis si Kaisel na namumutla at pilit pa rin kumakawala mula sa pagkakahawak ni Red. "Boss, anong gagawin natin sa kanila?" Pagtatanong ni Red kay Dervis. Saglit na tinignan ako ni Dervis bago ibinalik muli ang tingin kay Red. "Kill them." Seryosong utos ni Dervis sa mga kasama na malakas kong ikinasinghap. "Magiging problema lang kung bubuhayin pa natin sila tapos ay babalikan nila tayo." Tinapik ako sa balikat ni Blake at inilagay niya sa aking kamay ang susi para sa kulungan ng mga babae na hawak hawak ni Klaus. "Ikaw na ang bahala umasikaso sa mga bihag at kami na ang bahalang maglinis rito." Seryosong sambit ni Blake sa akin at bahagyang tinulak pa ako sa likuran patungo sa direksyon ng hagdanan. Saglit na nilingon ko sila bago sinunod ang inuutos niya sa akin. Nang makarating pa lang ako sa ikadalawang palapag ay umalingawngaw ang sunud sunod na putok ng baril at malalakas na hiyaw nina Kaisel at Klaus. Kahit hindi ko man tignan o silipin ay alam ko kung ano ang ginawa nila kina Klaus at Kaisel. Napabuga na lang ako ng malalim na hininga at pinagpatuloy ang hangarin na mailigtas ang mga binihag na mga dalaga. Naalala ko na hubad ang mga babae kaya saglit na kumuha muna ako ng mga kumot at kurtina na makikita ko sa ikatlo at ikaapat na palapag bago nagtungo sa kanila sa ikalimang palapag. Nang makarating ako ay nakita ko ang pagiging maalerto nilang lahat dahil sa binubuksan ko ang kanilang kulungan. Nang tuluyan kong mabuksan ay nanginginig na nagsiupuran silang lahat palayo sa rehas. "P-Pakiusap! G-Gusto na namin umuwi!" Umiiyak na pagsusumamo ng isang babae. "M-Marahil hinahanap na kami ng aming pamilya!" Inihagis ko ang mga nakuha kong kumot at kurtina sa kanila. "Suotin niyo ang mga iyan." Seryoso kong sambit. "Makakaalis na kayo rito." Nanlalaki ang mga mata nila na pinagmasdan ako. Marahil inaalam nila kung nagsasabi ba ako ng katotohanan na maaari na silang makaalis sa impyernong lugar na ito. Napakamot ako ng batok dahil hindi ko alam ang dapat gawin para pagkatiwalaan nila. Hanggang sa naalala ko na isa akong babae. Napahugot ako ng malalim na hininga at inangat ang aking damit. "Babae rin ako katulad niyo pero sa atin na lamang ang tungkol rito." Nahihiyang pag-amin ko sa kanila at ibinababa na muli ang damit. Agad naman sila nagsikilos at nag-agawan sa mga dala kong kumot at kurtina. Nang makasiguradong may suot na ang lahat ay unti unti ko na sila pinalabas sa kulungan na iyon at pinababa dahil nag-aantay ang mga kasama ko sa baba subalit nagtaka ako na may isang babae na nanatiling nakaupo pa sa loob ng kulungan at mahigpit na nakayakap sa kanyang mga tuhod. "May problema ba?" Nag-aalalabg pagtatanong ko sa kanya at nilapitan siya. Napayuko siya ng ulo at pinaglaro ang kanyang mga daliri. "H-Hindi ko alam kung may b-babalikan pa ba ako sa labas." Malungkot niyang sambit. Natigilan ako sa narinig at naupo ako katapat ng kanyang mukha. "W—Wala ka na bang mapupuntahan?" Nag-aalalang pagtatanong ko muli sa kanya. Iniling niya ang ulo. "May pamilya pa naman ako kaso halos dalawang taon na rin mula ng madukot ako at dinala rito." Naiiyak niyang pag-amin. "Marahil sa mga panahong nandito ako ay may kanya kanya na silang buhay ngayon. Kahit siguro ang nobyo ko noon ay baka may iba na ring kapiling ngayon. Sabagay, sino pa ba ang tatanggap sa katulad kong binahiran na ang puri di ba?" Napatikom ako ng bibig. Ramdam na ramdam ko ang hirap ng kanyang sitwasyon. Napakaraming masasakit na karanasan ang nangyari sa kanya sa loob ng dalawang taon. Ngayong nakalaya na nga siya ay wala naman kasiguraduhan sa kanyang panibagong buhay. Ipinatong ko ang aking kamay sa kanyang kamay. "Ang mga mapait na karanasan ko ay hindi maitutumbas sa naging mapait na karanasan mo pero may mga pagkakataon na kailangan pa rin nating harapin ang kasalukuyan." Payo ko sa kanya. "Ito ang pagkakataon na iyon. Subukan mong bumalik sa pamilya mo pero kung hindi ka nila tinanggap sa kabila nang nangyari sa iyo ay hindi naman ibig sabihin nito na katapusan na iyon ng buhay mo. Bata ka pa naman kaya maaari ka pa maglakbay para magsimula ng panibagong buhay at humanap ng mga taong tatanggap sa iyo di ba?" Nagulat ako ng bigla siyang pumalahaw ng iyak at yumakap sa akin. Tinapik tapik ko lang siya sa kanyang likuran para ilabas ang lahat ng bigat ng kanyang damdamin. "S-Salamat sa iyo!" Umiiyak niyang pasasalamat. "H-Hindi mo lang ako iniligtas ngayon... T-Tinutulungan mo rin ako na magkaroon ng lakas na loob na harapin ang pamilya ko... Napakabait mong tao! Hinding hindi kita makakalimutan! Utang ko sa iyo ngayon ang buhay ko!" Napangiti lang ako sa kanyang sinabi. Nang mahimasmasan ay pinahid niya ang tumakas na mga luha sa kanyang mga mata. "Handa ka na bang umalis?" Pagtatanong ko sa kanya na sinagot niya ng isang tango. Inalalayan ko naman siya makatayo sa sahig at isinabay siya sa aking pagbaba. Nagulat pa nga ako ng bumungad sa amin ang mga nag-aalala kong mga kasamahan. "Primo, bakit ang tagal mong bumaba?" Nagtatakang tanong ni Red sa akin. "Aakyatin ka na sana namin!" Naramdaman ko naman ang mahigpit na pagkapit ng babae sa aking damit at nagtago siya sa aking likuran. Tingin ko ay hindi siya komportable ngayon na makisalamuha sa mga kalalakihan. "Who's that?" Tanong ni Frolan at pilit sinisilip ang babae na nagtatago sa aking likod. Tinulak ko naman palayo si Frolan. "Nakaalis na ba ang ibang binihag?" Tanong ko kay Gyro habang nililibot ang tingin sa paligid. Napangiwi sila na tila may nangyari habang wala ako. "Oo." Hindi nila masayang sagot. "Nang makita nila kami ay bigla na lang sila nagsitakbuhan paalis na akala mo nakakita ng mga halimaw." Napatapal ako ng noo at nakalimutan ko na mga lalaki sila. Hindi na nakakapagtaka kung napinsala ang pagtitiwala ng mga babaeng biktima sa mga kalalakihan. Sana lang ay makabalik sila ng ligtas sa kanilang mga pamilya. "Anong gagawin natin diyan sa kasama mo?" Tanong ni Zion sa akin habang may pasak ng sigarilyo sa kanyang bibig. Nilingon ko saglit ang babae saka hinarap muli sila. "Balak ko sana na ihatid siya sa kanyang pamilya." Desididong sambit ko na ikinahigpit lalo ng pagkahawak sa akin ng babae. "Game ako diyan!" Nakataas kamay na sambit ni Red. Tinignan ko naman ang iba naming mga kasama para alamin kung pumapayag ba sila na tulungan ang babae. "Wala naman akong gagawin kaya ayos lang." Kibit balikat na sambit ni Frolan. "Saan ba siya muna nakatira?" Tanong naman ni Blake at nagpamulsa. "Eh... Sa..." Mautal utal na sambit ko saka napakamot ng batok dahil nakalimutan kong itanong iyon sa babae bago magdesisyon na ihatid siya. Nag-aalala naman ako nilingon siya. "S-Sa bayan ng C-Cadmia." Pagsagot niya sa katanungan ni Blake. "Bayan ng Cadmia?" Pag-ulit ni Red. "Di ba iyon ang unang bayan sa labas ng kapital?" Dahan dahang tumango ang babae. Nilingon ko si Dervis para siya ang magdesisyon kung papayag ba siya na lumabas kami ng kapital para ihatid ang babae. Nakipagtagisan naman ng tingin si Dervis sa akin. Hindi naman ako nagpatalo sa kanyang tingin dahil sa aking labis na kagustuhan na maihatid ang babae sa kanyang bayan. Makalipas ang halos isang minuto ay pinutol ni Dervis ang kanyang tingin saka napabuga ng malalim na hininga. "Fine, ihahatid natin siya." Seryosong seryoso na pagpayag niya. "Pero agad rin tayo babalik rito sa kapital."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD