By Michael Juha
getmybox@h*********m
fb: Michael Juha Full
---------------------------------
Isang linggo pagkatapos ng graduation namin sa high school, pinuntahan ko si Rigor sa ilog. Nakaupo siya sa ilalim ng puno ng talisay. At kahit nakatalikod siya sa akin, ramdaman kong may iniinda siyang mabigat na saloobin. Umupo ako sa tabi niya.
"Tol... hindi na ako makapagpatuloy ng pag-aaral sa college. Aalis na ako bukas tol, papuntang Maynila. Doon ako magtatrabaho sa tindahan ng gulay ng kaibigan ng tatay" ang malungkot niyang sabi.
Pakiramdam ko ay may humataw ng malakas at matigas na bagay sa ulo ko sa pagkarinig sa sinabi niya. "Bakit naman tol... Iiwanan mo ako?" tanong kong ang boses ay tumaas.
"W-wala akong magawa, tol. Iyan ang sabi sa akin ng itay e. Hindi na nila kayang papag-aralin kaming lahat. At dahil tapos na ako ng high school kaya ako ang napagdesisyonan niyang magtrabaho upang makatulong sa aming kahirapan."
Hindi na ko nakakibo pa. Yumuko na lang ako, pilit na nilabanang huwag pumatak ang mga namumuong luha sa aking mga mata. Ngunit sadyang tagos sa aking puso ang dalang mensahe niya kaya hindi ko rin napigilan ang kusang pagdaloy ng aking mga luha. Hinawi ko ang dulo ng aking t-shirt at pinahid ko ang aking pisngi.
At nakita ko na lang na umiyak na rin si Rigor. Nakayuko, hinayaang pumatak ang kanyang mga luha sa buhangin.
Para kaming mga basing sisiw na iniwanan ng kanilang inahin. Pakiramdam ko sa sandaling iyon ay wala kaming kakampi sa mundo. Kung kailan pa sobrang close na namin sa isa't-isa atsaka pa nangyaring paghiwalayin kami. Sobrang sakit talagang maglaro ng tadhana; sobrang napaka unfair ng buhay. Parang gusto kong magmura, magrebelde sa nasa itaas...
Maya-maya, inakbayang ako ni Rigor. "T-tol... huwag ka nang umiyak. Promise kapag nakabili na ako ng cp sa Maynila, palagi kitang ite-text, palagi rin kitang susulatan tol... Promise ko sa iyo, hindi kita pababayaan. Ako pa rin ang tagapagtanggol mo, ako pa rin ang hero ng buhay mo." Ang sabi niya.
Hindi ako kumibo. Patuloy pa rin ang paghikbi ko. Sa loob-loob ko, parang gusto ko nang ibunyag ang lahat ng naramdaman ko para sa kanya, bago man lang kami magkalayo.
Ngunit takot ang namayani sa aking utak. Tiniis ko pa rin ang lahat.
Alas 10 ng umaga noong dumaong sa pier ang barkong sasakyan ni Rigor papuntang Maynila. Als 9 pa lang, nandoon na kaming dalawa. Parang biglang bumaligtad ang mundo. Kung dati ay ang saya-sayaw namin kapag ganoong magkasama kaming dalawa, sa nalalabing sandali na iyon na magkasama kami, parang hindi kami magkakilala. Pareho kaming tahimik, nakatutok ang tingin sa buong lawak ng dagat, malalim ang iniisip, pilit na nilabanan ang matinding pagdurugo ng puso.
"Aalis na ako, Rigor, lalo lang akong nalulungkot e..."
"Ayaw mo na ba talagang papigil?" tanong niya, bakas sa mga mata ang ibayong lungkot.
Umiling lang ako. Dama ko ang namumuong luha sa mga mata ko. "Bye Tol..." ang sambit ko sabay yakap na sa kanya.
Yumakap din siya sa akin at hinalikan ako sa pisngi. "Bye tol, ingat ka palagi, at pakabait ka dito, ha?"
"Kaw din... mag-ingat ka sa Maynila. Marami daw mga masasamang-loob doon. Alagaan mo palagi ang sarili mo tol. M-ma-miss kita. Sobra!" ang salitang lumabas sa aking bibig bagamat ang isinigaw nito ay ang salitang "I Love You!"
"Ma-miss din kita..." ang maiksing sagot niya. Kitang-kita ko ang pamumula ng mga mata nya at ang mga namumuong luha sa gilid noon. At dali-dali na akong tumalikod, pilit na itinago ang mga luhang hindi ko na napigilang dumaloy sa pisngi ko.
Binaybay ko ang kahabaan ng pier na tuliro ang utak sa di maipaliwanag na sakit na naramdaman habang walang humpay naman ang pag-agos ng aking luha. Iyon ang huli naming pagkikita.
Galing sa pier, dumeretso ako sa ilog at sa ilalim ng malaking puno ng talisay, doon ako nag-iiyak, ipinalabas ang lahat ng sama ng loob.
Maya-maya, naisipan kong maligo sa ilog. At sa paglalangoy ko ipinagpatuloy ang pagpalabas ng lahat ng mga hinanakit sa buhay. Bumabalik-balik sa aking ala-ala ang pagsagip ni Rigor sa buhay ko sa ilog na iyon. Bumalik din sa aking ala-ala ang masasayang sandali namin habang tinuturuan niya akong lumangoy.
Pagkatapos kong maligo, naibaling ko ang paningin ko sa inukit niyang pangalan sa puno ng talisay. Parang may malakas na nag-udyok sa utak ko na iukit ang pangalan ko sa blangkong linya sa ibaba ng pangalan niya.
Hawak-hawak ko na ang kutsilyo upang ukitin na ang pangalan ko doon ngunit sumagi rin ang isang tanong sa aking isip. "Paano kung makita ni Rigor ang pangalan ko sa ibaba ng pangalan niya at hindi niya magustuhan ito kasi nahanap na niya ang babaeng mahal niya?
Kaya hindi ko na itinuloy pa ang pag-ukit.
Pagkaraan ng isang linggo, sunod-sunod ang sulat ni Rigor sa akin. Kahit papaano, naibsan ang aking lungkot at pangungulila. Hindi pa kasi siya nakabili ng cellphone at hindi rin marunong mag-internet kaya sa sulat na lang namin ibinuhos ang lahat ng kasabikan namin sa isa't-isa.
Sa paglipas ng panahon, unti-unti ko nang natanggap na malayo na ang minahal kong kaibigan. Noong nasa second year college ako, sinubukan kong magkaroon ng girlfriend.
Agad kong ibinalita kay Rigor ito. Excited ako sa sagot niya bagamat sa isang sulok ng aking utak, umaasa ako na sana ay magpahiwatig siya ng pagsiselos.
Ngunit nadismaya ako dahil natuwa pa siya sa pagkakaroon ko ng kasintahan. "Good luck tol! May mai-ukit ka na ring pangalan sa ilalim ng pangalan mo sa puno ng talisay!" sabi niya sa sulat.
Iyon na rin ang huli niyang sulat at pag-kontak sa akin. Simula noon, wala na akong narinig pa sa kanya. Kahit ang pamilya niya ay hindi na rin daw nakatanggap ng sulat galling sa kanya bagamat tuloy pa rin ang pagpapadala niya ng pera.
Sobrang nalungkot ako. Ngunit inisip ko na lang na nagkaroon na rin siguro siya ng mahal sa buhay at tuluyan na niya akong kinalimutan. "Marahil ay sadyang ganyan talaga ang tadhana... Minsan, darating bigla ang taong magpapatibok ng iyong puso. Hihinto siya sa estasyon ng buhay mo at iisipin mong siya na nga. Ngunit hindi pala dahil sa banda pa roon, may ibang taong siyang tunay na nakalaan para sa kanya..."
Hindi rin nagtagal ang relasyon ng naging kasintahan kong babae. Maraming issues. At ang isang issue ay ang naramdaman kong "kulang" sa aming relasyon. May iba akong hinahanap. At alam ng puso ko iyon – si Rigor.
Noong makagraduate ako ng college, napagdesisyonan kong sa Maynila magtatrabaho. Dahil magna c*m laude ang honors kong natamo sa kursong Accountancy at nakapasa naman agad sa board exams, may nag-alok sa akn ng trabaho doon.
Sa dalawang taon kong paninilbihan sa trabaho, mabilis na umangat ang aking katungkulan. Doon, unti-unting naibsan ang pagkamahiyain ko at natuto akong makisalamuha sa mga tao, sa mga kasamahan sa trabaho. At nagkaroon din ako ng mga piling kaibigan. Natuto akong mag-bar, manood ng shows at macho dancers. Higit sa lahat, naranasan ko na rin ang bumili ng aliw. Doon ko na-realize na ako ay isang certified na bakla.
Sinubukan ko ring magkaroon ng boyfriend. Ngunit kagaya ng naging pakikipagrelasyon ko sa babae, hindi rin tumagal ito.
Isang gabi, maaga akong umuwi galing sa trabaho. Sobrang na-bored ako noon kaya nasumpungan kong maghanap ng aliw. Ang ginawa ko ay tinawagan ang isang call boy na ipinakilala sa akin ng isang kaibigan, Dindo ang pangalan. "Dindo... puwede ka ba ngayon?" tanong ko.
"Sorry, Ryan, naunahan ka. May booking ko e!" ang sagot sa kabilang linya.
Syempre, na-frustrate ako. Atat na atat pa naman akong may makasama, may makausap habang mag-iinum. "Ah... ganoon ba? Sayang naman." ang malungkot kong sabi.
"Pero kung gusto mo, may kaibigan akong bakante ngayon. Sigurado akong mag-eenjoy ka sa kanya. Mabait, matangkad, gwapo... mas guwapo pa kaysa sa akin" ang dugtong ni Dindo sabay bitiw ng pilyong tawa.
Bigla din akong nabuhayan ng loob, napangiti sa kanyang ibinigay na description. "O sige ha. Sigurado kang mabait iyan!" Biro ko. "At mas guwapo kaysa iyo!" dugtong ko rin.
Halos isang oras at may nag-door bell. Tamang-tama, katatapos ko lang maligo. Agad kong tinungo ang pintuan at binuksan ito.
Ngunit laking gulat ko noong tumambad sa aking mga mata ang taong nasa harap ng pintuan. Bigla akong natulala, hindi makapaniwalang ang taong hinahanap-hanap ko ay natagpuan ko rin sa wakas. Pakiramdam ko ay nanginig ang aking buong kalamnan.
(Itutuloy)