Chapter 7
Lorenzo
“Bro, Puwede bang hawakan mo na ang kompanya ng Mommy mo? Hindi ko na kasi ito masyado maasikaso dahil hinahanap ko pa ang asawa ko,” saad ni Daniel habang nakaupo kami sa isang sulok ng Coffee shop dito sa San Pablo.
Pinapunta niya kasi ako rito sa San Pablo. May pinapatayo siyang building dito. Kumibot lang ang labi ko sa sinabi niya. Ilang araw na rin hindi tumatawag si Mommy sa akin upang pilitin na magpakasal sa gusto niyang ipakasal para sa akin,
“Pag-iisipan ko ang bagay na iyan, Bro. Napamahal na kasi ako sa farm at ayaw kong iwan iyon.” Uminom ako ng kape pagkatapos kong asbihin iyon kay Daniel. “Kumusta ang paghahanap mo sa asawa mo?’’
Humigop muna siya ng kape bago sumagot sa tanong ko. “Iyon na nga ang isa kong problema, Bro. Kailangan kong tutukan ang paghahanap sa asawa ko. Lalo na at may kutob ako na tinatago siya ni Enrico sa akin.” Halata sa mga mata ni Daniel ang pag-aalala para sa kaniyang asawa.
“Kilala ko si Enrico, Bro. Hindi niya magagawang itago si Emerald sa’yo dahil naghahanap rin iyon ng nawawala niyang babae.’’
Kibit-balikat lang si Daniel sa sinabi ko. “Pero malakas pa rin ang kutob ko na alam ni Enrico kung saan si Emerald. Ang isa ko pang kinakaharap na problema ang pagsabog ng DC bus liner, ilang taon na ang nakalipas. Wala na nga kaming problema sa mga pasahero dahil nabayaran ko na ang mga nasawi at ang mga sugatan noon. Subalit hindi pa rin mahanap ng mga pulis kung sino talaga ang master mind na nagpasabog ng sasakyan ko. Kumuha na ako ng private investigator, kahit wala na sa serbisyo dahil ang alam ko magaling iyon mag-imbistiga.”
Tumango-tango ako sa sinabi ni Daniel. Malalim akong napabuntong-hininga. Hindi ko na nga puwede balewalain ang kompanya ni Mommy dahil marami rin itong inaasikaso.
“Siya nga pala, nabalitaan ko na ikakasal ka na raw? Nakita mo na ba ang mapapangasawa mo?’’
Napakibot ako ng aking labi sa tanong niyang iyon. Sabay kami muling napainom ng kape.
“Ewan ko ba kung kailan ako ni Mommy tantanan sa gusto niya. Hindi ako interesado sa inirereto niya sa akin, Bro.” Napapailing na lang ako habang sinasabi ko iyon kay Daniel.
“Ikaw naman ang makapagdesisyon niyan, Bro. Subalit kilala mo naman si Tita. Hindi ka niyang titigilan hanggang hindi ka niya napapayag.”
Totoo ang sinabing iyon ni Daniel. Hindi talaga ako titigilan ni Mommy hanggang hindi ko tatanggapin ang alok niyang pakasalan ang anak ng kaibigan niya.
“Puwes, hindi ako mapapaikot ni Mommy sa mga palad niya. Tatawagan kita kapag napagdesisyonan ko na pumalit sa posisyon mo sa kompanya. Sana mahanap mo na rin ang pasimuno ng pagsabog ng sasakyan mo. Baka isa iyon sa mga pinabagsak mo sa negosyo at gusto lang gumanti sa’yo.”
“Iyon din ang hinala ko, Bro. Malas niya kung bakit pa siya isinilang sa mundo kapag nalaman ko kung sino siya.”
Napabuntong-hininga ulit ako ng malalim sa sinabing iyon ni Daniel. Isang business tycoon si Daniel at wala siyang pakialam kung sino ka man kapag oras na binangga mo siya. Marami na siyang pinabagsak na negosyo kapag kinakalaban siya. Kaya, hindi nagdalawang isip si Mommy na si Daniel ang ginawa niyang CEO sa kompanya nang tanggihan ko ang alok ni Mommy na maging CEO ng kaniyang kompanya. Magaling si Dnaiel maghawak ng negosyo. Kahit isang sentimo hindi makakalagpas sa kaniya.
Inubos ko na ang aking kape at tinapik ang balikat ni Daniel. “Paano, Bro. Kita na lang ulit tayo sa susunod. Kailangan ko ng umuwi dahil ang mga alaga kong hayop doon baka pinakain na ng ampon ko ng damo.”
Tumango lang si Daniel. Nakipag-man hug muna kami sa isa’t isa.
“Sige, Bro. Minsan papasayal din ako sa farm mo kapag hindi na ako masyadong busy,” aniya saka tumayo na rin sa kinauupuan.
Hinatid pa ako ni Daniel sa aking sasakyan, sumakay na rin siya sa kaniyang magarang sasakyan. Dadaan sana ako sa Bayan ng San Niculas, subalit bigla akong nalungkot na wala pala roon ang mga pamangkin ko na sumasama kay Tita at Zoey na magbinta ng mga prutas. Noong nakaraan kinuha na sila ng Daddy nila pati si Zoey. Isa pa lang Harris ang ama ng quadruplets ng pinsan kong si Zoey.
Tuwing nadadaanan ko ang bahay ni Tita Zonia, nalulungkot ako dahil kinuha na ni Mr. Harris ang mag-ina niya. Ilang taon din ako nagpakaama sa mga pamangkin ko. Mula diapers hanggang gatas nila ako palagi ang bumibili sa kanila.
Pagdating ko sa Paraiso agad na akong tumuloy sa bahay. Isang buwan humigit na lumipas na nasa pangangalaga ko pa rin ang babae na napulot ko.
Una para itong walang alam sa mundo, ngunit sa katuturo ko sa kaniya sa gawaing bahay at pag-aalaga ng kambing natuto rin siya. Wala akong dala ngayon para sa ampon ko dahil hindi na ako dumaan sa bayan.
Nag-parking ako ng aking sasakyan sa gilid ng aking bahay. Tahimik ang bahay, iniisip ko na baka tulog si Bulate. Hindi na nga mukhang bulate ang katawan niya dahil medyo tumabataba na ito. Hindi ko alam kung ano na naman ang ipapangalan ko sa kaniya.
May kutob ako na hindi siya na-amnesia at nagpapanggap lang siya upang takasan ang kung ano man iyon. Kaya, hinayaan ko lang siya sa gusto niya dahil iniisip ko na baka ayaw niya bumalik sa pamilya niya, kaya gusto niya muna manatili rito sa Farm.
Pagbaba ko sa aking sasakyan tumuloy ako sa loob ng bahay. Hindi ko nakita si Bantay at ang ampon ko. Sinilip ko rin siya sa silid ko na tinutulugan niya subalit wala rin siya. Inisip ko na baka namasyal ito sa paligid, kaya minabuti ko na lang puntahan ang mga alaga kong manok dahil bukas may buyer na ito.
Pagdating ko sa kinaroroonan ng mga manok nagtataka ako kung bakit wala ang mga tandang sa kulungan nila. Sinilip ko ang kabilang kulungan wala rin ang tandang na nakakulong roon. Ang bawat isang tandang may kaniya-kaniyang bahay. Napakamot ako ng aking ulo dahil imposible naman na ninakawan ako?
“Kuya, Kuya!” humahangos ni Bugoy na tawag sa akin.
“Oh, Bugoy? Sino ang humabol sa’yo at hingal na hingal ka riyan?’’ kunot ang mga noo kong tanong kay Bugoy.
“Kuya, ang mga tandang mo. Nakita ko na pinapaliguan ni Ate Bulate sa sapa. ‘Yong iba po itinali niya sa puno ng bayabas.”
Napahilot-hilot ako sa sinabing iyon ni Bugoy sa akin. Parang biglang sumakit ang ulo ko sa ibinalita niyang iyon.
“Samahan mo ako, Bugoy!’’ Humakbang na ako. Nagtatagisan ang mga ngipin ko sa ginawa ng babaeng iyon. Sino ba ang nagsabi sa kaniya na pakialaman niya ang mga manok ko? Ang sinabi ko lang sa kaniya na pakainin niya lang.
“Makakatikim talaga sa akin ang babaeng iyon!’’ galit kong turan habang mabilis ang mga hakbang namin ni Bugoy patungo sa sapa.
Kitang-kita ko sa itaas ng sapa ang ginagawa ni Bulate sa mga tandang. Tinatalian niya ito saka inilublob sa tubig at sinabunan. Ang iba nakatali sa mga puno ng mga bayabas, kaya nagsasalpukan na ang mga ito.
Huminga ako ng malalim dahil baka ano ang magawa ko sa babaeng ito. Subalit hindi ko na talaga mapigilan ang temper ko, kaya sumabog na naman ang galit ko.
“Bulate!’’ Dumadagundong ang boses ko sa paligid. Nag-e-echo pa ang boses ko nang tinawag ko ang ampon kong walang isip. May isip din naman papalya-palya nga lang minsan.
Tumuwid siya ng tayo nang marinig niya ang boses ko. Buhat-buhat niya ang isang tandang na sinasabunan niya.
“Hi, Lorenzo!’’ Kumaway siya sa akin at may gana pa talaga siyang ngumiti. Kung lalake lang ito ang sarap e-upper cut ang buwesit.
Galit akong lumapit sa kaniya at kinuha ang tandang sa mga kamay niya. “Anong ginawa mo sa mga manok ko, ha?”
Nagpipigil ako ng aking sarili dahil baka makalimutan ko na babae siya.
“Parang naiinitan kasi sila sa kulungan nila, kaya dinala ko sila rito sa sapa para paliguan. ‘Di ba, pinapaliguan mo rin sila minsan?’’ Tinanong pa talaga ako ng walang isip na babaeng ito.
Nainis ako sa kaniya. Masama ko siyang tinitigan. “Hindi ko binilin sa’yo na paliguan mo ang mga manok ko. Sana huwag kang magsariling desisyon kung hindi naman inutos sa’yo. Kapag nagkasipon itong mga manok ko, humanda ka talaga sa akin. Sa labas ka talaga matutulog!’’ bulyaw ko sa kaniya.
Nakita ko ang paghaba ng nguso niya at pagtutubig ng kaniyang mga mata. Subalit galit ako, kaya wala akong pakialam.
“Gusto ko lang naman sana makatulong sa’yo. Sorry kung nakialam ako,’’ garalgal niyang sabi habang pilipilipit niya ang mga daliri niya sa kamay.
“Ang sabihin mo ang katangahan mo ang pinapairal mo! Wala kang naitutulong alam mo ba ‘yon? Pabigat ka na nga sa akin dagdag perwesyo ka pa!” Hindi ko na alam kung ano ang lumalabas sa labi ko. Marahil nasaktan siya sa sinabi ko, kaya patakbo siyang umalis.
Napapapikit na lang ako ng aking mga mata at pinakalma ang aking sarili. Baka tumaas ang dugo ko at hindi ko na mapigilan ang sarili ko na mapagsabihan siya ng masasakit na salita.
“Bugoy, tulungan mo akong ibalik ang mga tandang sa mga bahay nila,” utos ko na lang kay Bugoy na nakatayo at hinihintay lang ang utos ko.
Halos mahigit isang orasa rin namin ni Bugoy naibalik ang mga tandang sa kanilang mga puwesto. Mabuti na lang mainit ang panahon, kaya mabilis silang matuyo. Agad ko rin sila binigyan ng vitamins para hindi sila sipunin o magkasakit. Subalit ang iba nagkasugat-sugat na.
Alas-kuwatro na ng hapon nang umuwi ako sa bahay. Hindi pa nga ako nakabihis. Nadumihan na ang damit ko panlakad. Pagdating ko sa bahay nakita ko ang Bulate na nakabihis. Hindi ko sana siya papansinin subalit hindi ko rin matiis.
“Saan ka pupunta?’’ malamig na tanong ko sa kaniya at naupo ako sa sofa at binuhay ang telebesyon.
“Aalis na po ako. Sorry kung naging pabigat ako sa’yo. Ang gusto ko lang naman sana makatulong sa’yo. Hindi ko alam na magiging perwesyo pa pala sa’yo ang ginagawa ko.” Medyo hindi ko inaasahan ang sinasabi niyang iyon. Humihikbi pa siya habang sinasabi niya iyon.
Sa huli kumibot ang labi kong napatingin sa kaniya. Nakakaawa ang maganda niyang mukha o sadyang pipaawa niya lang talaga ang mukha niya.
“Bakit, nakakaalala ka na? Alam mo ba kung saan ka pupunta?’’ tamad kong tanong sa kaniya at muling tumingin sa telebesyon.
Nakita sa gilid ng mga mata ko ang pag-iling-iling nya.
“Kung aalis ka umalis ka na habang may araw pa. Good luck!’’ Hindi ko na siya pinansin.
Napabuntong-hininga ako nang lumabas siya sa bahay. Nag-alala rin naman ako sa kaniya dahil baka mamaya saan siya pumunta at ano pa ang mangyari sa kaniya. Baka mamay pumunta siya sa kalye at mapag-tripan pa siya ng mga tambay.
Sumilip ako sa bintana at nakita ko si Bugoy na nakipagharutan kay Bantay.
“Pstt!’’ Tinawag ko si Bugoy. Agad naman itong lumapit sa may bintana.
“Bakit, Kuya?’’
“Saan banda pumunta si Ate mo Bulate?” Magkasalubong ang mga kilay kong tanong kay Bugoy.
“Doon po banda, Kuya.” Tinuro naman ni Bugoy ang direksyon ng pinuntahan ni Bulate.
“Sundan mo siya at huwag kang magpakita sa kaniya. Tawagan mo ako kapag lumabas siya ng Paraiso.” Tumango-tango naman ang bata sa inutos ko sa kaniya.
“Sige po, Kuya.”
Umalis na si Bugoy at sinundan na nito si Bulate. Kumuha ako ng alak sa cabinet at binuksan ko ang malaking cheese curls na binili ko noong nakaraang araw pa. Iyon ang pinulutan ko sa alak na iniinom ko.
Nangalahati na ako ng pag-inom, subalit hindi pa rin tumatawag si Bugoy. Madilim na rin ang paligid, kaya nag-alala ako sa inampon ko. Baka mamaya napaano na ito sa daan? Hindi ko natiis, ako na ang tumawag kay Bugoy. Ilang ring pa bago nito sinagot ang tawag ko.
“Saan ka na, Bugoy? Sinabi ko sa’yo tawagan mo ako, ‘di ba?’’ medyo naiinis kong sabi kay Bugoy sa kabilang linya.
“Pasensya na, Kuya. Tinawag kasi ako ni Lolo. Tinali ko po muna ang kalabaw namin.”
Napakamot tuloy ako ng aking ulo sa sinabing iyon ni Bugoy.
“Ano ang balita sa iniutos ko sa’yo? Sinundan mo ba si Ate mo Bulate?’’ naiirita kong tanong kay Bugoy.
“Opo, Kuya. Nasa bahay kubo po siya sa palayan.” Lumuwag ang pakiramdam ko sa sinabing iyon ni Bugoy. Isang shot pa ang ininom ko bago ako lumabas ng bahay upang sunduin ang inampon kong Bulate. Medyo nahihilo ako subalit hindi ko na iyon alintana dahil hindi ko alam kung bakit nag-aalala ako sa bulateng iyon.