Prologue
Prologue
Lorenzo
3 years ago
“Aling Barbara, ito na po ang tatlong kaing na mangga at dalawang saging na saba. Pasensya na hindi pa puwede pitasin ang strawberry at alanganin pa.”
Pawisan ako na ibinaba ang tatlong kaing na mangga at dalawang sako ng saging sa tindahan ni Aling Barbara, dito sa Holand City. Galing pa ako sa Paraiso sa San Niculas kasama si Bugoy na nakatira sa kabilang bayan. Ulila na ito sa mga magulang, kaya minsan sa bahay ito pumupunta. Labing apat na taong gulang pa lang ito at ako ang nagpapaaral sa kaniya. Ang Lolo niya na lang ang kasama nito sa buhay. Siya ang minsan kong katuwang sa pag-deliver ng mga paninda kong mga prutas dito sa Holand.
“Ito ang bayad, Iho. Nariyan na rin ang kulang ko noong nakaraan na pag-deliver mo rito. Ang bilis maubos ng mangga mo dahil ang tamis kasi. Tapos itong saging may kukuha nito mamaya,’’ sabi ni Aling Barbara sabay abot sa akin ng pera.
“Salamat, Aling Barbara. Iiwan ko muna ang kaing ko at dadadaanan ko na lang mamaya. Pupunta pa kami ni Bugoy sa mall,’’ paalam ko at tinapik ko na si Bugoy sa balikat upang makaalis na kami.
“Tara na Bugoy. Dadaan muna tayo sa mall.” Umupo na ako sa driver seat ng aking pick up at naupo na rin si Bugoy sa aking tabi.
“Anong gagawin natin kuya sa mall? Eh, ang pangit ng suot natin. ‘Di ba, magaganda dapat ang suot kapag pumasok tayo sa mall?” tanong ni Bugoy at tumingin pa ito sa aming kasuotan.
Sobrang luma na ang suot niyang damit at ang short pants niya ay punit-punit pa. Ganoon din ang suot kong damit. Punit-punit din ito at pwede ng gawing basahan. Hindi kasi ako mahilig pumorma kapag nag-deliver ng mga paninda ko. Sinimulan ko na paandarin ang aking sasakyan at pinatakbo. Ginulo ko ang buhok ni Bugoy at ngumiti.
“Kaya, nga pupunta tayo sa mall dahil bibilhan kita ng bagong damit at sapatos. Tapos bumili ka na rin ng mga gamit mo sa paaralan. Bukas may pasok ka na naman, kaya sa sunod na sabado tulungan mo ako mag-harvest ng strawberry,’’ sabi ko habang nakahawak ako sa aking manobela.
“Sige, po, kuya. Magdadala na rin po ako sa paaralan ng puwede ko ibinta,’’ tuwang sagot ni Bugoy.
Tumango-tango lang ako at ilang minuto pa ang nakalipas habang nagda-drive ako ay hindi ko namalayan na may tubig sa dinadaanan ko at natalsikan ko ang isang estudyante na naglalakad sa tabi ng kalsada.
Nakita ko ang pag-pagpag nito ng kaniyang suot na palda at sa palagay ko ay nabasa iyon. Itinabi ko sa tabi ang aking sasakyan at huminto saka bumaba ako para puntahan siya.
“Miss, okay ka lang?’’ nag-aalala kong tanong sa kaniya nang makalapit ako.
Masamang tingin ang iginawad nito sa akin.
“Grrr… Magtatanong ka pa kung okay ako? Eh binasa mo na ang palda ko!” galit nitong sagot sa akin.
“Pasensya na dahil hindi ko naman sinasadya na matalsikan ka. Hindi ko naman alam na may tubig diyan sa dinadaanan ko at nagkataon naman na dumaan ka. May bihisan ka ba? Gusto mo ihatid na lang kita sa inyo para makapagbihis ka,’’ alok ko sa kaniya ngunit parang mas lalo pa siyang nagalit.
“Hindi bale na! Mamaya kidnaper ka pa!’’ irap niyang sabi sa akin.
Napakunot ang aking noo sa sinabi niya. “Mukha ba akong kidnaper, Miss? Dahan-dahan ka sa pananalita mo at mabigat na paratang ‘yan.”
Umikot ang kaniyang eye ball at tinaasan ako ng kilay. Mula ulo hanggang paa ang tingin niya sa akin na parang sinusuri ang buo kong pagkatao.
“Whatever! Diyan ka na nga! Lalo mo lang sinisira ang araw ko!” masungit niyang sabi at tumalikod na.
“Ang malas ko namang, palagi na lang!’’ narinig ko pang sabi niya at padabog na naglakad.
Napapailing na lang ako habang tinitingnan siyang papalayo. Bata pa siya pero maganda siya kahit masungit. Marahil ay may regla iyon kaya masungit. Bumalik na lang ako sa aking sasakyan at pinaandar na iyon.
“Kuya, kilala mo ba ang babaeng iyon maganda siya?’’ tanong ni Bugoy sa akin.
Umiling-iling ako. “Hindi, Bugoy. Bakit crush mo?’’
“Wala lang. Ang ganda niya kasi Kuya. Oo, crush ko siya,’’ nakangiting sabi ni Bugoy sa akin.
“Crush mo?’’
“Bawal ba magkaroon ng crush, Kuya?’’ balik nitong tanong sa akin.
“Hindi naman! Natural lang sa atin na magkaroon ng crush. Pero unahin mo muna ang pag-aaral mo bago ka magkaroon ng girlfriend,’’ turan ko sa kaniya.
“Crush lang naman, Kuya. Crush ko nga si Ate Brethany, eh,’’ nakangiti nitong pag-amin sa akin.
“Hindi naman kita masisi kung crush mo si Brethany. Maganda naman talaga siya at sexy tapos anak pa siya ng Mayor sa bayan natin,’’ sabi ko kay Bugoy habang nagda-drive ako.
“Kuya, hindi mo ba liligawan si Ate Brethany?” tanong pa ng katorse anyos kong kasama.
“Bakit ko naman liligawan si Brethany? Magkaibigan lang kami at wala sa isip ko ang magkaroon ng nobya, Bugoy. Lalo at wala akong balak mag-asawa. Sakit lang ng ulo ‘yang mga babae,’’ saad ko.
Kibit-balikat lang si Bugoy sa sinabi ko. Simula kasi ng mabigo ako sa una kong kasintahan na isang Canadian ay hindi na ako nanligaw pa. Matagal na iyon nangyari pero hindi pa rin iyon mawala sa isip ko. Sa ibang bansa ako nag-aral ng College, pero simula nang magtapos ako sa kursong Business Manager, ay umuwi ako sa Holand para mag-aral ng agriculture. Malaki kasi ang naiwan na lupa ni Daddy sa akin at ayaw kong mawala ito dahil ito lang ang bagay na naiwan sa akin ni Daddy. Kaya, mas pinili ko ang manirahan sa bukid kaysa manirahan sa syudad.
Maliban sa sariwa ang mga gulay ay malinis pa ang hangin sa bukid. Gusto ko simpleng buhay lang at ayaw ko makapag-asawa na laki sa syudad lalo na kapag maarte. Mas naisin ko na lang na tumandang binata kaysa makapag-asawa na sakit lang sa ulo.
Katulad nang naging girlfriend ko noon sa Canada na maarte at gusto ang laging masunod. Tapos hindi pa kuntinto sa akin naghanap pa ng iba.
Naninirahan lang ako mag-isa sa aking bahay sa Paraiso kasama ang mga alaga kong kambing at baka. At kasama ko rin si Metoy; ang aking alagang aso na laging nagbabantay ng bahay kapag wala ako.
Simple lang ang buhay ko sa Paraiso at mayroon din naman akong kapit bahay na malayo nga lang ang bahay nito. Si Tita Zonia na asawa ng kapatid ni Daddy. Patay na rin si Tito at may pinsan ako si Zoey.
Ilang minuto pa ang lumipas nakarating kami sa FGM Mall. Kaso sarado pa ito dahil ang aga namin ni Bugoy. Alas-siete pa lang ng umaga, alas kuwatro kami ni Bugoy nagbyahe galing sa Paraiso sa San Niculas.
“Paano ba ‘yan Bugoy. Medyo matagal pa tayo maghintay,’’ sabi ko kay bugoy habang nasa parking area kami ng mall.
“Kaya, nga, Kuya. Nagugutom pa naman na ako. Umuwi na lang tayo,’’ yaya nito sa akin.
“Hintayin na lang natin. Hali ka maghanap tayo ng restaurant,’’ yaya ko sa kaniya.
Naglakad kami at naghanap ng puwede kainan, ngunit napansin ko na parang hindi komportable si Bugoy sa kaniyang suot na damit.
“Bugoy, huwag mo pansinin ang mga suot natin. Galing tayo sa bukid, eh! Kahit sino puwede naman pumunta dito sa Holand kahit punit-punit at mukhang basahan ang suot natin,’’ paliwanag ko kay Bugoy.
“Hindi tayo sisitahin sa suot natin, Kuya?’’ nag-alala nito ng tanong sa akin.
“Hindi, magtiwala ka sa akin. Hali ka pumasok tayo sa restaurant na ‘yan,’’ yaya ko sa kaniya na pinapalakas ang kaniyang loob. Bihira lang kasi siya pumunta dito sa City, kaya ang akala niya ay para lang sa mayayaman ang Holand City.
Umupo kami bakanteng lamesa na kulay ginto ang upuan. Puro mayayaman ang kumakain dito dahil halata naman sa kilos at pananamit nila.
Lumapit sa amin ang isang waiter at malawak ang ngiti nito sa amin.
“Welcome to RJ Restaurant, Sir. Ano po ang order ninyo?”
“’Yong pinakamasarap ninyong recipe,’’ ngiti kong sagot sa waiter.
“Ibinigay niya sa akin ang menu book at pumili ako sa masarap nilang menu. Marami ang in-order ko dahil alam ko na magugustuhan ni Bugoy ang pagkain dito.
“Ito lang po ba, Sir ang order ninyo?’’
“Yes, samahan mo na rin ng cold water,’’ saad ko.
Tumango ang waiter at tumalikod na upang asikasuhin ang order namin.
“Kuya, ang dami mo pong in-order na pagkain,” ngiting sabi ni Bugoy.
“Kumain ka lang ng marami Bugoy, masarap ang mga pagkain dito,’’ turan ko sa kaniya.
Excited naman na tumango si Bugoy sa sinabi ko. Ilang sandali pa ang lumipas ibinigay na ng waiter ang order kong pagkain.
Kumain na kami ni Bugoy at nag-injoy naman si Bugoy sa mga pagkain na nasa aming harapan. Umabot kami ng ng isang oras ni Bugoy sa restaurant na iyon at nang matapos kami kumain may pumasok na tatlong mga babae na estudyante at nagkatitigan pa kami ng isa.
“Oh, it’s you,’’ taas kilay na sabi sa aking ng babae na natalsikan ko kanina sa daan.
“Ow, do you know that beggar?’’ mapangutyang tanong sa kaniya ng isang kasama niyang babae na parang nandidiri sa amin ni Bugoy.
“No, siya lang naman ang dahilan kung bakit nabasa ang uniform ko,’’ mataray na sagot ng babae.
“Ow, mamaya hindi pa ‘yan magbabayad,’’ pangungutya naman ng isang babaeng kasama nito.
Pinipigilan ko na lang ang aking sarili dahil wala akong oras na patulan sila. Hinusgahan nila ang katulad ko dahil lamang sa suot namin ni Bugoy na damit. Sa halip na pansinin ko sila ay tinawag ko na lang ang waiter.
“Waiter, akin na ang bill namin,’’ turan ko at tumingin sa babae na nabasa ng sasakyan ko kanina.
Umupo sila sa bakanteng upuan na malapit sa amin ni Bugoy. Nagtama ang mata namin ng babae na nabasa ko kanina. Ngunit inirapan niya ako at agad na binawi ang mga mata na nakatingin sa akin.
“Sir, ito ang bill ninyo,’’ abot ng waiter sa bill namin ni Bugoy.
Dumukot ako sa aking bulsa at binilang ang isang bandle ng pera na binayad sa akin ni Aling Barbara. Umabot sa 5,500 ang bill namin ni Bugoy. Kumuha ako ng 6,000 at ibinigay sa waiter.
“Keep the change.’’ Tumayo na ako at si Bugoy. Kumuha ako ng dalawang libo at pabagsak na inilapag sa lamesa ng mga babaeng nagutya sa akin.
“Ito ang pera, Miss. Bayad ko sa pagbasa ng uniform mo. Pero sana kung nag-aaral kayo, mag-aral din sana kayo ng mabuting pag-uugali dahil parang hindi ninyo napag-aralan iyon, eh! Huwag niyo husgahan ang kapwa ninyo sa ano mang itsura o pagmumukha nila kung hindi niyo naman kilala!” taas noo kong sabi sa kanila.
Napaawang ang mga labi nila sa sinabi ko at agad akong tumalikod. Hindi ko na hinintay ang mga ito na magsalita pa dahil baka makalimutan ko na babae sila.
Lumabas ako sa restaurant at nakasunod naman sa akin si Bugoy. Nang medyo malayo na kami sa restaurant ay may narinig akong may tumawag.
“Mr, sandali!”
Lumingon ako at nakita ko ang babae na natalsikan ko ng tubig kanina sa daan. Dali-dali itong naglakad papunta sa kinaroroonan ko.
“Kulang pa ba ang pera na ibinigay ko sa’yo?” pang-uuyam kong tanong sa babae nang makalapit ito sa amin. Kumuha pa ako ng pera sa aking bulsa, ngunit pinigilan nito ang aking kamay.
“Hindi, gusto ko lang ibalik sa’yo ang pera mo. Pasensya ka na kung ano man ang sinabi ng mga kaibigan ko,” hingi ng paumanhin ng babae sa akin.
Marunong din naman pala siya huningi ng pasensya. Kinuha niya ang aking kanang kamay at binuklat ang aking palad at inilagay roon ang dalawang libo na inilagay ko sa kanilang lamesa kanina.
“So, ayaw mo tanggapin itong pera? Bayad ko sana iyan sa uniform mo na nabasa’’ seryoso kong sabi.
“Hindi na kailangan. Pasensiya na sa panghuhusga ng nga mga kaibgan ko. Kung gusto mo pagbalik mo sa restaurant bigyan kita ng voucher para libre ang pagkain niyo roon,’’ sabi nito sa akin. “Ako nga pala si Sha-“
Hindi na niya natapos ang sasabihin niya nang magsalita ako.
“Hindi bale na Miss dahil kaya ko naman bayaran ang kakainin ko. Sige, bumalik ka na sa mga kaibigan mo,’’ sabi ko at tumalikod na. Hindi ko na hinintay na magsalita siya.
Ganiyan ang naiinisan ko sa mga kabataan ngayon. May pinag-aralan pero ang lupit makapanghusga sa kapwa nila.
“Kuya, bakit mo naman sinungitan ang babae? Maganda kaya siya, Kuya” wika ni Bugoy habang nakasunod sa akin.
“Bugoy huwag kang tumingin sa mukha ng babae. Piliin mo ‘yong pangit na hindi matapobre at hindi ka ipagpapalit,’’ turan ko kay Bugoy.
Pumasok na kami sa FGM Mall dahil bukas na ito. Marami ang tumitingin sa amin ni Bugoy na para bang hinuhusgahan kami dahil sa suot namin, ngunit wala akong pakialam sa mga iisipin ng ibang tao.
Pinapili ko si Bugoy ng mga damit at sapatos at binili ko ang mga napili niya. Bumili na rin ako ng para sa akin dahil wala na nga akong panlakad na damit. Bumili na rin ako ng short at sapatos.
Binilhan ko rin si Bugoy ng mga gamit niya sa paaralan at namili na rin ako ng konsumo nila ng kaniyang Lolo na si Lolo Paing. Bumili na rin ako ng para sa akin. Pagkatapos namin mamili ni Bugoy dinaanan na namin ang kaing kay Aling Barbara at nagbyahe na pabalik sa San Niculas sa Paraiso.
Ilang oras bago kami nakarating sa Paraiso. Hinatid ko muna si Bugoy sa bahay nila at umuwi na rin ako sa bahay. Hindi na ako dumaan sa bahay ni Tita Zonia dahil wala naman ito sa bahay niya at nasa bayan siya ng San Niculas nagbibinta ng lugaw. Mag-isa na rin ito namumuhay dahil wala na kaming balita sa anak niya na pinsan kong si Zoey.
Pagdating ko sa bahay ay sinalubong na ako ng aking aso. Excited itong tumatahol at gusto magpabuhat.
“Kumusta na ang baby ko, ha? Wala pang magnanakaw na naligaw dito?’’ kausap ko sa aking alagang aso. Tahol lang ito nang tahol na akala mo ay naunawaan niya ang mga sinasabi ko.
Ibinaba ko siya at inayos ang mga pinamili ko. Maya-maya pa ay tumunog ang aking cellphone at nang tingnan ko iyon ay tawag iyon mula sa Amerika. Naupo ako sa sofa habang napahaba ang aking nguso na sinagot ang tawag.
“Hello, Mom?’’
“Sa wakas sumagot ka rin. Ano ba ang plano mo sa buhay, ha? Hanggang diyan ka na lang ba sa farm mo?’’ galit na naman na sermon sa akin ni Mommy. Doon na kasi ito nakatira sa Amerika, kasama ang kapatid ko sa ina na si Patricia. Kapatid ko ito sa ina dahil nakapag-asawa si Mommy ng isang Amerikano noong limang taon na wala na si Daddy. High school pa lang ako noon at ngayon ay doon na sila sa Amerika nanirahan.
“Mom, hayaan niyo na kasi ako sa gusto ko. Dito ako masaya at nag-i-enjoy ako rito,’’ sagot ko kaya Mommy. Alam kong naiinis ito sa akin minsan dahil mas pinili ko na bumalik sa bansang Maharlika kaysa makasama sila.
“Anak, matanda na ako at paano na ang kompanya? Iaasa mo na lang ba iyon sa kaibigan mo? Paano kung wala si Daniel? Ano na lang ang mangyayari sa kompanya?’’
“Mom, sinabi ko naman sa’yo na hintayin mo na lang makatapos si Patricia saka siya ang pahawakin mo sa kompanya.” Narinig ko ang malalim na buntong-hininga ng aking ina sa kabilang linya. Alam ko na hindi niya gusto ang pangangatwiran ko. May sarili kasi siyang kompanya na pinapatakbo.
“Paano ‘yan at nag-invest pa naman ako sa Magnitic Construction at si Daniel na naman ang pinaasikaso ko. Kailan ka ba magka-interest sa negosyo natin, ha?’’ tanong ni Mommy na halatang napapagod na sa pangungumbinsi sa akin.
“Mom, hayaan niyo na si Daniel ang humawak ng kompanya ninyo. Malaki naman ang naitulong ni Daniel sa kompanya, kaya hindi ko puwede agawin sa kaniya ang posisyon niya sa kompanya ninyo,’’ sagot ko kay Mommy.
“Lorenzo, mahiya ka naman sa kaibigan mo! May sarili rin siyang negosyo na kailangan niyang pagtuunan ng atensyon. Saka ano ang mapapala mo riyan sa probinsya? Saka kailan ka mag-aasawa? Baka mamaya maunahan ka pa ng kapatid mo,’’ sermon nito sa akin.
“Mom, hindi pa naman ako matandang binata. Mahirap mag-asawa sa panahon ngayon. Hindi iyan panghimagas na kung ayaw mo ng lasa o magsawa ka ay puwede mo ayawan at iluwa. Sige, Mom, ingat kayo riyan. Kamusta na lang kay Patricia at Tito Patric,’’ paalam ko na kay Mommy dahil baka kung saan na naman patutungo ang usapan namin. Si Tito Patric ang pangalawang asawa ni Mommy at ama ni Patricia na kapatid ko sa ina.
“O, sige. Alam ko naman na umiiwas ka. Pero sana naman sundin mo rin ang mga payo ko sa’yo, Lorenzo. Malapit ka na mawala sa calendar,’’ pang-aasar pa nitong sabi sa akin.
“Okay, lang na mawala ang edad ko sa kalendaryo, Mom. Huwag lang mawala ang buhay ko. I love you, Mom, bye!
Pinatay ko na ang aking cellphone para hindi na makapagsalita si Mommy sa kabilang linya. Pinipilit niya akong ipahawak sa akin ang kompanya, ngunit hindi naman ako interesado. Gusto ko tahimik na buhay lang dito sa San Niculas. At kung palarin lang ako ay gustuhin ko pang makapg-asawa ng taga rito. Kaso wala naman akong napupusuan na taga rito.
Pagsapit ng hapon nagtungo ako sa mga kambing at pinakain ko sila ng mga kumpay na kinuha ko. Mayroon akong apatnaput apat na kambing at sampo na baka. Ako lang ang nag-aalaga sa kanila. Kung minsan si Bugoy at ang Lolo niya.
Pagkatapos ay pumunta naman ako sa apat na kahon kong palayan. Tanim ko lang iyon para sa konsumo namin ni Tita Zonia at binibigyan ko rin sina Bugoy at Lolo Paing kapag nag-ani na ako. Umuusbong na ang butil ng mga palay. Ilang linggo na lang ay puwede ko na ito gapasin.
Habang nasa pilapil ako ay tumunog naman ang cellphone ko. Si Daniel ang tumatatawag. Malamang nakausap na ito ni Mommy.
Nagbuntong-hininga muna ako ng malalim bago sinagot ang tawag niya.
“Hulaan ko nagsumbong na naman sa’yo si Mommy, ano?’’ agad kong sabi kay Daniel sa kabilang linya.
“Tama ka, Pare. Ano wala ka ba talagang balak na hawakan ang negosyo ninyo? Ano ba ang mayroon diyan sa bukid at gusto mo talaga riyan manirahan?’’ tanong nito sa akin.
“Marami, Bro. Ikaw na muna ang bahala sa kompanya ni Mommy hanggang makatapos si Patricia,’’ turan ko sa kaniya.
‘’Tsss… Aasa ka pa sa kapatid mo, eh wala namang alam ‘yon kundi magpaganda,’’ maktol niyang sumbong sa akin.
“Alam mo naman na laki sa Amerika ‘yon. Saan ka ba ngayon?’’ tanong ko.
“Nandito pa ako sa Amerika. Pero uuwi na rin ako dahil magkaroon ng branch ang IKS Furniture riyan sa Holand at nag-invest na naman ang Mommy mo sa Magnitic Construction. Kaya, kung maari gamitin mo na ‘yang pinag-aralan mo. Saka may gagawin ako riyan sa Holand.’’ sabi pa nito sa akin.
“Pag-isipan ko ang inaalok niyo sa akin ni Mommy Bro. Sige, pupuntahan ko pa ang mga alaga kong baka.” Hindi ko na hinintay ang sagot niya at pinutol ko na ang usapan namin. Nagtungo ako sa aking bakahan at pinakain sila ng kumpay.
Hindi ko maiwan ang lugar na ito dahil maliban sa minana ito sa akin ni Daddy ay mahilig din ako mag-alaga ng mga hayop. Gusto ko ang ganitong lugar, tahimik at malayo sa ingay ng mga sasakyan. Huni ng ibon at insekto lang ang maririnig mo sa lugar na ito.