Chapter 4
Shany
Maayos naman ang paglipad namin ng piloto sa himpapawid nang umalis kami sa mansion. Para akong ibon na nakalaya sa isang kulungan. Habang nasa himpapawid kami panay ang selfie ko hanggang sa nakarating kami sa kalagitnaan ng aming byahe sa himpapawid.
Nagkaroon ng pilot error na naging sanhi upang tumalon ako. Umuusok na ang puwitan ng helicopter at agad naman akong pinasuot ng piloto ng para suit at pinatalon.
Para akong si Darna na tumalon at hindi alam kung paano lumipad. Mabuti na lang napindot ko ang buton ng para suit upang bumukas ito. Kung hindi ito bumukas marahil lasog-lasog ang katawan ko na bumagsak sa lupa. Nagkasabit-sabit pa ako sa mga punong kahoy, kaya nawalan ako ng malay pagbagsak ko sa lupa.
Subalit nagising na lang ako sa isang maliit na silid. Sa paggising ko parang ayaw kong magising kung nanaginip lang ako. Napakagandang tanawin ang nakita ko na hindi ko inaasahan na makikita ko pang muli. Ang lalake na iginuhit ko, nasa harapan ko na.
“Bulate, aalis ako. Bantayan mo rito ang bahay at pakainin mo si Bantay. Baka gabihin na ako umuwi, kaya bahala ka na magsaing at magluto ng kakainin mo. Linisin mo ang loob ng bahay. Saka kung wala kang ginagawa magbunot ka damo ka riyan sa bakuran. Saka paliguan mo na rin si Bantay.’’ Bumalik ang ulirat ko nang lumabas si Lorenzo sa bahay.
Nasa duyan kasi ako at iniisip ang nakaraan. Halos isang linggo na ako rito sa lugar na ito kasama si Lorenzo. Mabait naman siya sa akin subalit hindi ko gusto ang ipinangalan niya sa akin. Sa isang linggo ko rito nagkaroon ako ng peace of mind. Ngayon lang ako inutusan ni Lorenzo, sa isang linggo kong pananatili rito, siya ang gumagawa ng gawaing bahay. Dinadahilan ko na lang na sumasakit ang ulo ko dahil ang totoo wala naman talaga akong alam sa gawaing bahay.
“Sige, ingat ka. Huwag ka mag-alala ako na ang bahala rito,’’ nakangiti ang mga labi ko na tugon sa kaniya. Tumalikod na siya at sumakay sa kaniyang pick up. Hindi ito ang pick up na dati niyang sinasakyan three years ago. May kalumaan na rin ang sasakyan niyang iyon.
Napangiti ako na tumayo at nagtungo kay bantay. “Bantay, dalawa na lang tayo rito naiwan, kaya hali ka na papaliguan na kita bago ako maligo.’’
Parang nakakaintindi naman ang aso at sumunod ito sa akin sa likod bahay. May puso kasi roon at doon ni Lorenzo pinapaliguan si Bantay.
Mabait naman ang aso. Kahit unang beses kong gagawin na magpaligo ng aso nagawa ko naman at hindi ako nahirapan na paliguan si Bantay.
Pagkatapos maligo ni Bantay. Kinuha ko ang lotion ni Lorenzo saka ipinahid iyon sa aso para lumambot ang kaniyang balahibo. Nag-spray din ako ng pabango sa aso para bumango ito. Tuwang-tuwa si bantay na nahiga sa sofa pagkatapos kong patuyuin ang mga balahibo niya.
“Diyan ka lang muna, bantay, ha? Maglilinis lang ako ng bahay.” Hinaplos ko muna ang buhok ni Bantay saka nagtungo ako sa silid ni Lorenzo. Ako ang gumagamit ng silid ni Lorenzo, habang siya sa sofa natutulog.
Pinagpag ko lang ang kama. Hindi ko alam kung paano ko linisin ang buong bahay. Wala namang vacuum dito. Vacuum kasi ang panlilinis ng mga kasambahay namin sa mansion at steamer. Nag-isip ako kung paano ko linisin ang sahig, ang kama, at ang sofa.
Naiinis tuloy ako sa aking sarili. Sana pala tintingnan ko rin kung paano maglinis ang mga kasambahay namin. Ang alam ko lang may steamer silang ginagamit sa sahig at sa kama.
Naisipan ko magpakulo ng maraming tubig sa kaldero. Mabuti na lang nakita ko si Lorenzo kung paano siya magbukas ng kalan, kaya madali na iyon sa akin.
Ang electricpan nakita ko na marumi na. Ang tv may mga alikabok. Pagkatapos kumulo ng tubig dahan-dahan kong ibinuhos sa timba at dinala sa silid na tinutulugan ko.
Kumuha ako ng tabo at ibinuhos ko sa sahig ang tubig na mainit. Patalon-talon ako na umakyat sa kama dahil napapaso ang mga paa ko. Binuhusan ko ng mainit na tubig ang silid ni Lorenzo upang mamatay ang mga bacteria. Ganoon kasi sa mansion, steamer ang ginagamit para mamatay ang mga bacteria.
Nang medyo hindi na mainit ang tubig sa sahig binuhusan ko rin ang kama, pati ang sofa at sa sala. Para sa akin tama ang mga ginagawa ko, para nga mamatay ang bacteria. Ayaw pa naman ni Lorenzo ng maalikabok at marumi. Malinis siya sa loob ng bahay kahit sa labas.
Maghapon akong naglinis. Nilabas ko ang sofa upang maarawan at matuyo. Subalit kay damot ng araw at makulimlim ang panahon. Pati ang kutson inilabas ko rin dahil basang-basa ito. Hirap na hirap pa naman ako na ipalabas ang mga iyon. Dapat pala inuna ko silang inilabas kanina bago ko sila binuhusan ng tubig.
Wala rin akong kinain na kanin dahil hindi ko alam paano magsaing. Mabuti na lang may mangga sa ref at cake. Iyon ang ginawa kong pananghalian. Nakaupo ako sa duyan habang nakasalumbaba na binabantayan ang sofa at at kutson na matuyo.
Kasama ko si Bantay na nakaupo sa duyan. “Paano ‘yan, Bantay. Hindi yata matutuyo ang mga sofa at ang kutson. Wala akong matutulugan mamaya at ganoon din si Lorenzo?’’ Problemado talaga ako, kaya hinaplos ko na lang ang balahibo ni Bantay.
Tumahol si Bantay at napatingin ako sa tinatahulan niya. Isang maliit na kambing ang lumapit sa amin. “Hello, ang cute mo naman!’’ Natutuwa ako na hinawakan ang kambing sa kaniyang ulo.
Umatsing ako nang maamoy ko ang amoy ng kambing. “Ew! Ang baho mo naman. Ilang taon ka siguro hindi naligo. Halika ka nga paliguan kita.”
Walang alinglangan na binuhat ko ang kambing at inilagay sa malaking batya. Pinuno ko ng tubig ang batya, marahil natutuwa ang kambing sa tubig, kaya walang tigil ang tawa nito. Ngayon lang siguro siya nakakita ng tubig, kaya ang ingay niya.
Sinabunan ko ang kambing gamit ang shampoo ni Bantay. Pagkatapos kong paliguan ang kambing pinatuyo ko ito gamit ang malinis na tuwalya.
”Mehehehe” mahinang tunog ng kambing. Hindi na siya maingay katulad kanina. Marahil nalulungkot siya dahil inahon ko na siya sa tubig. Pinasok ko siya sa loob ng bahay para hindi siya marumihan.
Ang iba kong ginagawa hindi ko pa natapos. Pagasapit ng alasingko ng hapon narinig ko ang sasakyan ni Lorenzo.
Sumilip ako sa bintana at nakita ko siyang bumaba. Marami ang supot na mga dala niya. Nakakunot ang noo niya na nakatingin sa sinampay kong kutson at sofa na nasa labas. Sinalubong ko na siya sa pintuan.
“Hi, ano ‘yang mga dala mo?’’ malawak ang mga ngiti ko na tanong sa kaniya.
“Mga pagkain natin sa loob ng isang linggo.” Malamig niyang sagot, subalit iniabot niya naman ang supot sa akin.
“Anong nangyari sa sofa at sa kutson?’’ tanong niya habang ang mga mata niya naroon sa mga sinampay ko.
“Nilinis ko kasi sila. Para matanggal ang mga bacteria at mamatay, binuhusan ko ng mainit na tubig.” Nagusot ang guwapo niyang mukha sa sinabi ko.
Magkasalubong ang mga kilay niya at kumibot ang mga labi na muling tumingin sa akin.
“Are you out of your mind? Ngayon ko lang nalaman na puwedng buhusan ng mainit na tubig ang kutson at sofa!’’ Galit na siya. Pero, hindi man lang nabawasan ang kagwapuhan ng mukha niya.
“Pati ang sahig binuhusan ko rin ng mainit na tubig para patay ang virus.” Napapangiwi ako habang sinasabi ko iyon sa kaniya.
Napaawang ang labi niya at napapailing na lang. Ilang sandali narinig namin ang kambing.
“Meeheheh…”
“What the fvck! Bakit narito ang kambing sa loob ng bahay?’’
Napapakamot siya sa ulo niya at tumuloy sa loob. Inilapag niya ang iba niyang dala sa sahig. Ang iniabot niya naman sa akin ay dinala ko sa kusina. Pagkatapos bumalik rin kaagad ako sa sala. Nakita ko na hawak-hawak na ni Lorenzo ang maliit na kambing.
“Lumapit siya sa amin ni Bantay kanina. Naamoy ko na ang baho niya, kaya pinaliguan ko na rin siya. Tuwang-tuwa nga siya kanina habang pinapaliguan ko. Pagkatapos ko siyang paliguan parang nalungkot siya.”
Napabuga ng hangin sa ire si Lorenzo sa mga sinabi ko. “Gosh! Bulate, ano ba ang tumatakbo sa isip mo? Hindi natutuwa ang kambing kapag pinapaliguan! Nilalamigan sila at ngayon nanghihina ang kambing at hindi nalulungkot!’’
Napakamot na lang ako sa aking ulo nang dalhin niya sa kusina ang kambing at gumawa siya ng apoy gamit ang mga natuyong kahoy sa kalan na para lang sa panggatong.
“Sorry, akala ko kasi pinapaliguan ang kambing.” Kagat ko ang mga koko ko habang humihingi sa kaniya ng pumanhin.
Hindi siya umiimik alam kong galit siya. Nag-iisip ako kung ano ang puwede kong gawin. Natatakot kasi ako na baka palayasin niya ako. Hindi pa ako nag-e-enjoy sa buhay malaya kahit nagpapanggap ako na walang maalala. Mas gustuhin ko pa na tumira sa lugar na ito basta kasama si Lorenzo, kaysa bumalik sa Holand at parang robot na sunod-sunuran lang sa kung ano ang iuutos nila Mommy sa akin.
“Sorry, hindi na mauulit. Gusto ko lang kasi malinis lahat pagdating mo.’’ Muli kong paghingi ng tawad sa kaniya.
“Marunong ka ba talaga magtrabaho sa loob ng bahay?’’ malamig na tanong niya sa akin.
Sunod-sunod naman ang pagtango ko.
“Oo, marunong ako. Syempre may amnesia ako, kaya baka nakalimutan ko na rin,” dahilan ko na lang sa kaniya. “Handa naman ako matuto kapag tinuruan mo ako.”
“Tssst! Alam mo sa lahat ng ayaw ko ang nagsisinungaling. Magsaing ka na lang,’’ malamig niyang utos sa akin.
Agad ko naman kinuha ang kaldero at nilagyan ng bigas.
“Anong ginagawa mo?’’ Wala pa rin expression ang mukha niya sa tanong niyang iyon sa akin.
Napahinto ako sa paglagay ng bigas sa kaldero. “Sabi mo magsasaing ako, kaya naglalagay ako ng bigas sa kaldero.”
“Magsasaing ka nga, pero hugasan mo naman ang kaldero bago mo lagyan ng bigas.”
Tumango-tango ako sa sinabi niya at binalik sa lalagyan ang bigas. Ewan ko ba bakit hindi ko man lang hinugasan ang kaldero. Natataranta kasi ako kapag nasa harapan ko si Lorenzo. Sino ba naman ang hindi mataranta sa klase ng tingin niya sa akin.
Ang suwerte ko naman na nahulog sa langit, este sa helicopter dahil kay Lorenzo ako bumagsak na matagal ko ng crush. Kung dati medyo bata pa siya nang matalsikan niya ako sa daan ng minamaeho niyang sasakyan. Ngayon medyo nag-matured siya, pero mas lalo siyang nakakalaglag panty tingnan.
Nakapilantik ang mga daliri ko habang hinahawakan ang sponge na panghugas sa kaldero. Dinampi-dampi ko sa kaldero ang sponge na may dishwashing liquid.
“Bulate, bitawan mo ‘yang kaldero. Wala ka talagang alam sa gawaing bahay.” Napalingon ako kay Lorenzo sa malamig niyang utos sa akin. Tinaasan niya ako ng dalawa niyang kilay na ibig sabihin bitawan ko na ang kaldero.
Binitawan ko naman iyon at tumabi sa isang sulok ng kusina. Inilapit niya muna ang kambing sa apoy para mainitan.
Lumapit siya sa lababo at kinuha ang sponge at kaldero. “Hali ka, rito. Tingnan mo kung paano ako maghugas ng kaldero.”
Nahihiya man ako dahil wala talaga akong alam sa gawaing bahay. Lumapit ako sa kaniya at tiningnan siya kung paano maghugas. Subalit sa halip na sa kaldero ako tumingin sa guwapo niyang mukha ako napatingin. Mas lalo siyang gumwapo sa paningin ko habang naghuhugas siya ng kaldero.
Hindi ko inaasahan na makikita ko ang lalake na pinapangarap ko makasama sa buong ko.
“Sa kaldero ka tumingin hindi sa mukha ko para may matutunan ka,’’ malamig niyang utos sa akin.
Namanhid ang mukha ko sa sobrang hiya dahil napansin niya pala ang mga titig ko sa kaniya. Napalunok ako ng sarili kong laway at tumingin sa hinuhugasan niyang kaldero.
“Lagyan mo ito ng tatlong takal.’’ Iniabot nya sa akin ang kaldiro matapos niyang hugasan.
Mabilis naman ang mga kamay ko na kinuha ang kaldero sa kamay niya saka nilagyan ko iyon ng bigas.