BANDANG alas siete na ng gabi nang makarating si Simon James at si Zkat sa bahay ng kanilang kaibigan na psychologist na si Ram. Kung si Simon James ay mechanical engineer, si Zkat ay civil engineer, iba naman ang natipuhan ni Ram Dizon, isa itong veterinarian, hindi nila akalain na 'yon ang matatapos nito. Matapos makapagtapos ay ang pagiging psychologist naman ang p-in-ursue nito.
Natutuwa si Simon James na nakikita niyang matatagumpay na ang mga kaibigan niya sa buhay. Bumubuo na rin ng sariling pamilya at may kaniya-kaniya nang mga buhay.
"Tol!" Nasorpresa si Ram sa kaniyang presensya. Hindi pala sinabi ni Zkat na pati siya ay kasama, kaya naman labis ang pagkabigla nito. Niyakap siya nito nang mahigpit. "Long time no see! Hindi man lang nagbago ang kulay ng mga mata mo!" biro nito.
"Sira!" pabirong singhal ni Simon James. "Hindi na talaga magbabago ang kulay niyan. It's my asset, Ram."
"Ang yabang!" Bumulalas ito ng tawa. "I didn't expect to see you here. Akala ko ay wala ka talagang balak magpakita sa 'kin. Hindi kasi ako nakapunta sa kasal ni Zkat, hindi ko rin naman alam na kasal niya pala 'yon."
"Hindi rin ako magtatagal dito sa Pilipinas," sabi ni Simon James. "Baka sa susunod na buwan o linggo ay babalik rin ako sa Japan. Marami pa akong kailangan asikasuhin doon."
"I see," tatango-tangong sabi ng kaniyang kaibigan. "Oh s'ya. What are we still waiting for? Uminom na tayo para marami ang maubos natin. Mahaba pa ang gabi."
"Tara."
Kinuha ni Ram ang mga alak at si Zkat naman ay binuksan ang ref at kinuha roon ang napakaraming ice cube tyaka inilipat sa malaking lalagyan. Si Simon naman ang kumuha ng mga baso. Doon sila sa balkonahe pumwesto.
"Saglit, ipapakilala kita sa fiancee ko," nakangiting sabi ni Ram sa kaniya. Umalis ito saglit, pumasok muli sa condo, at nang makabalik sa balkonahe, inaalalayan na nito ang isang babae.
"Babe, si Simon James," nakangiting sabi ni Ram. "Siya 'yong ikinukwento ko madalas sa 'yo na kaibigan namin ni Zkat."
Ngumiti si Simon James.
"Nice to meet you," sabi ni Simon James.
"James, si Ayana, fiancee ko."
"Nice to meet you, James," sabi ng babae at ngumiti. "May lahi ka ba?"
"Ha?" Hindi napigilan ni Simon James na matawa nang bahagya sa tanong ng fiancee ng kaniyang kaibigan.
"I'm sorry…" Natawa rin ang babae at naiilang. "Iba kasi ang kulay ng mga mata mo. Maganda."
"Babe, baka paglihian mo pa si James ah, maging kamukha pa ni James ang anak natin."
"Ano namang problema don? Eh ang gwapo ko nga!"
Humagalpak ng tawa si Zkat Aidenry bigla. Kung tutuusin si Simon James ang pinakagwapo sa kanilang grupo noong highschool. Ngunit ang pinakahabulin ng mga babae ay si Zkat Aidenry, si Zkat Aidenry rin ang pinakamahilig sa girlfriend bagaman seryoso rin sa pag-aaral.
"Nakakainsulto ang tawa mo, Zkat Aidenry, ang pangit sa pandinig!" reklamo ni Simon James.
"Eh akala ko kasi nagbibiro ka kaya tumawa ako para di ka mapahiya," tatawa-tawang sagot nito.
Natawa rin si Ayana at Ram bago nagpaalam si Ram na ihahatid niya muna pabalik ang fiancee sa kwarto at babalik lamang ito.
"Maayos din pumili ang kaibigan natin 'no?" sabi ni Zkat sa kaniya bago ininom ang alak na nasa kaniyang baso. "Si Daryl kaya? May asawa na?"
Simon James just shrugged. Hindi niya rin alam, masyadong magulo ang buhay ng kaibigan nilang 'yon.
"Ang swerte niyo…" Hindi naitago ni Simon James ang lungkot sa kaniyang boses bagaman hindi niya sinasadya. "Sa edad niyo ngayon… nakahanap na kayo ng taong makakasama niyo habang buhay. Eh ako? Parang hindi ko na yata mararanasang maikasal."
"Ano ba 'yan? Hindi pa nga tayo nakakaubos ng isang bote, parang may nalalasing na," pabirong sabi ni Ram nang makabalik, marahil narinig niya rin ang sinabi ni Simon James.
Mahinang natawa si Simon James, napatanaw sa malayo. Gabi na kaya unti-unti na ring lumalamig ang ihip ng hangin, ang tanging nagbibigay liwanag sa labas ay ang malaking buwan at isang kulay dilaw na ilaw na naroon sa balkonahe. Natatanaw rin ni Simon James ang ilaw sa mga naglalakihang building sa paligid.
"Makakahanap ka rin ng para sa 'yo, James," sabi ni Zkat. "Pasensya ka na, para sa 'kin talaga si Thamara."
Mahinang natawa si Simon James, sinabayan ang tawa ng mga kaibigan niya.
"Buti na lang naisip mo ang ganoong plot twist, Tol," pakikisakay ni Ram sa usapan. "Kung hindi ay baka tumanda na lang ako, pasyente ko pa rin ang hayop na 'to."
Muli silang nagtawanan nang malakas hindi na alintana kung gaano katindi at kahirap ang pinagdaanan sa nakaraan, ngayon ay ginagawa na lamang nilang biro.
"Hahanapan ka na lang namin ng para sa 'yo," dagdag pa ni Ram. "Gusto mo ba mag-window shopping tayo?"
"Hoy, g*go ka! May asawa na ako!" mabilis na tanggi ni Zkat, hindi nagustuhan ang ideya.
"Tanga, di naman para sa 'yo, mag-blindfold ka habang naghahanap tayo ng babae para dito," sabi ni Ram sabay turo kay Simon James.
Sinalinan naman ni Zkat ang tatlong baso na naroon ng panibagong alak.
Nagpatuloy ang usapan nila at biruan. Nagkwentuhan tungkol sa mga naganap sa buhay nila habang hindi sila nagkakasama. Mahaba-habang kwentuhan ang naganap, hindi na nila namalayan na nakaubos na pala sila ng halos isang dosenang buti ng alak.
Naramdaman na ni Simon James na bahagya na siyang nahihilo, at alam na niyang tama na ang kargada niya.
"Tama na, Tol," awat niya kay Zkat. "Hindi ako pwedeng magpakalasing masyado, wala nang mag-aalalaga sa 'kin," pabiro niya pang sabi.
"Malapit na. Apat na bote na lang 'yan," sabi ni Zkat tyaka kumuha ng pulutan. "Ako ang bahala sa 'yo."
"Sigurado ka?" natatawang tanong ni Simon James. "Wag mong sabihing paaalagaan mo ako kay Thamara?"
"Tanga, hindi!" natatawang sabi ni Zkat. "Basta ako ang bahala sa 'yo."
Tiningnan ni Simon James ang relong pambising, malapit na palang mag-ala una sa umaga. Kaya pala ramdam na niya talaga ang lamig ng gabi.
"Wala ba kayong trabaho bukas?" tanong niya. Pansin niya na rin na hindi na ganoon kalinaw ang mga salita niya, unti-unti na siyang nilalamon ng alak na nainom.
"Nand'yan naman si Maureen. Kaya na niya 'yon," sagot ni Zkat tyaka ininom muli ang alak sa baso tyaka nagsalin ulit.
Saglit na natigilan si Simon James nang marinig ang pangalan ng babae. Wala sa oras siyang napatunggang muli ng alak. Habang tumatagal, pasarap nang pasarap ang lasa ng alak, hindi na nga niya nalalasahan ang mapakla, mapait na maanghang na lasa nito na nalasahan niya kanina, ngayon ay tila tamis na lang ang nalalasahan ng dila niya na para bang umiinom lang siya ng soft drinks.
"Hmm… si Maureen!" bigla niyang sabi matapos uminom. "Ilang taon na siyang sekretarya mo?"
Nagbago bigla ang emosyon sa mukha ng kaniyang kaibigan, ngayon ay tila naging seryoso na.
"Twelve years, more or less… I guess?" sagot ng kaniyang kaibigan.
Uminom siyang muli at mahinang natawa. "You must trust her that much to just let her work without you tomorrow, huh?"
"I swear, James… Maureen is the kind of woman that you'll need to build an empire… efficient, loyal… hardworking… she's… she's great," sabi nito na iginagalaw na ang mga kamay na para bang nangangapa ito ng magagandang salita para ilarawan ang kaniyang sekretarya. "Alam mo bang noong mga panahon na lugmok ako… hindi niya iniwan ang kompanya… hindi niya ninakawan… she's very trustworthy."
Naging seryoso ang tingin ni Simon James sa kaibigan. "How sure are you that you know her too well?"
"Oh?" Natawa na namang muli ang kaniyang kaibigan. Halata na ang epekto ng alak rito at tila hindi na nag-iisip ng tama. This is the state of a person na nalalasing tapos nasasabi na ang lahat dahil wala nang kontrol sa sarili. "Si Maureen? Galing 'yon sa probinsya… she's a promdi girl… with big dreams. Alam mo 'yon, Tol? Pumunta 'yon dito sa Manila para makapag-aral, makapagtapos… sariling sikap."
Natahimik si Simon James.
"She was a working student. Siya na nga nagpapaaral at bumubuhay sa sarili niya dito, nagpapadala pa siya sa pamilya niya doon sa probinsya. Grabe 'no? Nakakahanga."
Umawang ang labi ni Simon James. He's been living a very luxurious life since birth. Wala siyang ibang problema. Lahat ay nakahain na sa harap niya. Lahat ay nakukuha niya kahit gaano pa 'yon kamahal. He was a prince in their organization, a successor. His parents are rich… very rich and successful. Hindi niya naranasan ang hirap pinansiyal sa buong buhay niya.
Kaya naman naisip niya agad kung gaano kahirap ang buhay na mayroon ang babaeng pinag-uusapan nila.
"Noong college kami, Tol, naku! Kahit paglalabandera, waitress, kahit anong raket, pinapasok niya," sabi ni Zkat.
Napatingin si Simon James sa kaniyang kaibigan. Tinitimbang niya kung nagsasabi ito ng totoo. If that is so, the woman was telling the truth that she has no bad intentions for his children. Marahil nga ay nagkataon lang ang mga 'yon.
Winaksi niya na lamang sa isip niya ang babae at nagpatuloy sila sa pag-inom. Nalingunan niya ang isa niyang kaibigan na si Ram, ayon at nakatulog na sa inuupuan nito. Kaya pala hindi na ito nagsasalita, kanina pa pala itong na-knock out ng alak na kanilang iniinom.
Umiikot na rin ang paningin niya. Hindi niya na nga alam kung anong sunod pang mga nangyari. Naramdaman niya na lang na namanhid na ang katawan niya at wala na siyang ibang nakita kundi puro kadiliman. Ang huli niyang naalala ay naubos na nila ni Zkat ang laman ng panghuling bote ng alak na kanilang iniinom, naramdaman niya na lang na bumigat ang kaniyang katawan at wala na siyang malay sa sunod na pangyayari.
KINABUKASAN ay nagising siya na mabigat ang pakiramdam lalo na ang kaniyang ulo na para bang pinopokpok ng kung ano.
Iritado niyang binuksan ang mga mata, sapo ang mukha at naiinis na napadaing dahil sa sakit ng ulo.
"D*mn! I hate having a hangover! Hindi na talaga ako iinom!" inis niyang singhal tyaka pabiglang bumangon at umupo sa kama, tyaka siya natigilan nang makitang nasa loob siya ng kaniyang kwarto sa mismong kaniyang bahay. "What?!"
Nagtataka siyang inilibot ang tingin, kinusot niya pa ang mga mata at napayuko siya habang iniisip kung paano siya napadpad sa bahay niya.
Imposible naman na ipinag-drive siya ni Zkat Aidenry dahil alam niyang mas lasing pa 'yon sa kaniya, mas lalo namang hindi siya inihatid ng kaibigang si Ram dahil nauna pa nga itong makatulog sa kanila.
Napahilot siya sa kaniyang sintido nang makaramdam siya ng pagkirot nun habang pilit na inaalala ang mga pangyayari kagabi.
"Sh*t! Sino bang nagdala sa 'kin dito?!" naiinis niyang tanong. Tyaka niya naalala bigla ang mga anak. Masyado siyang nalasing kagabi, hindi niya alam kung nandito rin ba sa bahay ang mga anak niya.
"Anong oras na ba?!" tanong niya sa kaniyang sarili habang nakakunot-noo tyaka niya kinuha ang cellphone at nakitang malapit nang magtanghalian.
Bumaba rin ang tingin ni Simon James sa kaniyang damit na suot at nagulat nang makitang iba na rin ang suot niya.
"What the—" Hindi niya maituloy ang pagmumura sa gulat nang bigla niyang marinig na bumukas ang pinto kaya doon agad nalipat ang atensiyon niya. At mas lalo lang siyang nagulat nang iniluwa ng pinto ang isang babae—si Maureen, oo, si Maureen, ang sekretarya ni Zkat.
"W-Wait! Wait!" sabi niya. Natigilan naman ang babae. May dala itong isang tray na may mga pagkain. "Stay there!"
Nagtataka naman na huminto ang babae sa kinatatayuan nito sa kasalukuyan.
"Sir?"
"What are you doing here?" tanong ni Simon James na kontrolado ang tono ng boses, pilit niyang pinapakalma ang sarili. Paano ito nakarating dito? Paano nito nalaman ang bahay niya? At higit sa lahat, paano ito nakapasok sa pamamahay niya?!
"Sir… pasensya na po kayo," nahihiyang sabi nito. "Tinawagan ako ni Boss Amo kagabi eh."
"What?!" hindi makapaniwalang tanong ni Simon James sa pasinghal na tono. Tyaka naman nagpaulit-ulit sa pandinig niya ang sinabi nito kagabi na ang kaibigan na raw niya ang bahala sa kaniya.
Ito ba 'yon?
Muling napahilot si Simon James sa kaniyang sintido sa iritasyon at pagkahiya. Nakaabala pa siya ng ibang tao dahil sa pag-iinom niya.
"You changed my clothes?" tanong niya.
"Ay, Sir! Hindi ah!" nakangusong tanggi nito. "Tinawag ko po 'yong driver niyo yata? Or guard? Siya ang pinagbihis ko sa inyo, Sir."
Napabuntong-hininga si Simon James.
"You were the one who drove me here?" tanong ulit ni Simon James, ang tono niya ay para bang nasa isang job interview.
"Hindi, Sir," sabi nito sabay ngiti.
Napapikit si Simon James sa iritasyon. Hindi niya alam kung bakit niya 'yon nararamdaman tuwing naririnig niya ang tawag nito sa kaniya.
"Can you quit calling me Sir? And stop using that 'po' word!"
"Po?"
"D*mn it!" inis niyang singhal.
"Ay! Sorry, Sir— I mean… Mr. De Guzman!"
Humugot ng malalim na buntong-hininga si Simon James upang pakalmahin ang kaniyang sarili. Hindi pa siya tapos sa pagtatanong at masakit pa rin ang ulo niya kaya gano'n na lang siya kabilis mairita.
"Where are my children?"
"Hindi ko po alam, Sir—ay! Mr. De Guzman pala, medyo mahaba kasi kaya nakakalimutan ko," pahina nang pahinang sabi nito tyaka nag-iwas ng tingin. "Ikaw lang po ang iniutos sa 'kin ni Boss Amo."
"At bakit ka niya napapayag?" tanong ni Simon James. "Tyaka… saan ka natulog kagabi?"
Mahinang natawa ang babae sa naiilang na tono. "Hindi pa po ako natutulog, Sir. Sabi kasi ni Boss Amo bantayan kita. Tyaka alagaan, eh ang taas po ng lagnat ninyo kagabi eh, kaya hindi na ako natulog."
Natigilan si Simon James sa narinig. Hindi niya 'yon inaasahan. He couldn't believe that someone sacrificed her sleep just because he has a fever and he needs to be taken care of. Hindi niya napigilan ang sariling mapatitig sa babaeng inosenteng nakatayo doon.
Anong klaseng puso ang meron niya? Inalagaan niya pa talaga ang taong hindi niya naman gaanong kilala at isinakripisyo pa talaga niya ang tulog niya? Tuloy ay napahanga si Simon James at palihim na napangiti dahil kahit papaano ay natuwa siya sa isiping 'yon.