"MANIWALA ka sa 'kin, matapos kong iwan si Maurice sa 'yo, walang araw… w-walang gabing lumipas sa buhay ko nang hindi ko siya iniisip," umiiyak na sabi ni Maureen matapos niyang isalaysay ang lahat ng pangyayaring naganap sa buhay niya mula noong malaman niyang buntis siya sa kaniyang anak sa murang edad. "Kapag m-may oras ako… sinisilip ko siya doon sa condo mo… pinapanood ko kayo sa malayo… noong… n-noong binyag niya ay naroon ako. Gustong-gusto kong lumapit ngunit alam kong wala akong mukhang maihaharap sa 'yo matapos kitang tanggihan sa alok mo. Mahal na mahal ko si Maurice—" "Hindi na Maurice ang pangalan niya," walang emosyon na sabi ni Simon James at diretsong nakatingin sa kaniya. Mula nang magsimula siyang magkwento, ganoon na ang reaksiyon ng lalaki habang nakikinig sa kaniya.