Chapter 28

2185 Words
Ilang oras lang ang nakalipas ay pinayagan na akong lumabas ng hospital. Si Denise ang umasikaso para sa lahat ng mga dapat gawin tapos ay hinatid niya ako sa bahay. Nanatili muna ako sa loob ng kotse ni Denise dahil may barikadang kulay dilaw ang nakaharang at may ilang mga ususerang kapit-bahay ang pinagmamasdan ang labas ng bahay namin. Huminga ako ng malalim bago bumaba sa sasakyan. "Ayos ka lang ba? Gusto mo samahan kita dito?" tanong niya sa akin pero umiling ako. May mga pulis na rin naman sa loob ng bahay para kuhaan ng ebidensiya ang ilan sa mga gamit namin. Tumango siya at nagpaalam na sa akin. Nasa isang sulok lang ako habang pinapanood ang mga ito na ginagawa ang kanilang trabaho. May maliliit na karatula at numero ang nakasulat. Nakatapat ito sa lugar kung saan nakaupo si Genro. Mayroon rin sa lamesa na pinaglapagan ng balisong at kung saan-saan pang parte ng bahay. Napansin ko ang isang babae na nakatitig sa akin at may hawak siyang papel. Lumapit siya sa akin at nilahad ang kanyang kamay. "Kung natatandaan mo ako, Shiela ang pangalan ko at naging katrabaho mo ako ng ilang araw," sabi nito sa akin at nagbalik sa isip ko ang pagkakaroon namin ng engkwentro. Nakipagkamay ako sa kanya at ngumiti ng mapait. "May natatandaan ka bang pagkakakilanlan ng suspek?" tanong niya sa akin at humalukipkip ako. Inalala ko ang nangyari ng umagang iyon kahit na mahirap para sa akin ang makaalala ng mga bagay-bagay. "Ang natatandaan ko ay matangkad siya, baritono ang boses at kahit nakasuot siya ng facemask, napansin ko ang kanyang balbas," sagot ko sa kanya at sinulat niya ang lahat ng iyon. "May kilala ka bang nakaaway ng kasintahan mo o kung sino ang maaaring gumawa nito?" umiling ako sa tanong niyang iyon at ilang segundo kaming nagtitigan bago siya tawagin ng isang pulis para magsabi ng ilang bagay tungkol sa pagsisiyasat niya. Pumasok na ako sa kwarto at nagpalit ng suot dahil sa dumi galing sa dugo ni Genro. Nakatitig ako sa salamin at hindi ko mapigilan ang sarili ko na hindi maiyak dahil sa mga nangyayari sa amin. Napayakap ako sa tuhod ko habang pinapadaloy ang mga luha sa aking mata. Nahinto lang ako dahil nagpaalam na si Shiela. Pinahinto muna ni Spiel ang paghahanap ng ebidensiya dahil may lumantad na salarin at kasalukuyan nang nasa himpilan ang lalaking iyon. Nagmadali rin akong lumabas para panoorin sa telebisyon ang sinasabi ni Spiel. Habang nag-aayos ng gamit sila Shiela ay muling tumunog ang kanyang telepono at tumingin sa akin. "Pinapasama ka ni Spiel sa himpilan dahil gusto kang makausap ng suspek," sabi niya sa akin. Muli akong nagtungo sa kwarto dahil damit pangbahay ang sinuot ko kaya kailangan kong magpalit muli. Nang matapos sila, pinasakay na nila ako sa sasakyan at matahimik akong sumama sa kanila. Punong-puno ng medya ang himpilan nila dahil mainit pa ang balitang iyon at tiyak tataas ang rating ng kung sino man ang magkaroon ng pagkakataon na makausap ang mga taong may kinalaman sa kaso. "Makakaalis na kayo," utos ni Spiel sa grupo nila Shiela. Ako, Spiel at Denise na lang ang magkakasama at nagtungo kami agad sa selda. Habang naglalakad kami doon, nagsipagtayuan ang mga preso at nagsisigaw na palayain sila habang naglalakad kami. May iilan pa na hinahampas ang rehas at may ilan ring nagwawala. Nang makarating kami sa dulo, may pintuan doon at binalot ako ng lamig dahil sa kaba na nararamdaman ko. Marahil, matindi ang kasalanan ng taong iyon kaya inilayo siya sa ilang mga preso. Nakalagpas kami sa mga selda na salamin ang nagsilbing rehas nila pero iisang tao lang ang naging preso ng lugar na iyon. Nakatayo ang lalaki habang may magkabilang kadena ang kanyang kamay. Hindi ko makita ang kanyang mukha dahil nas parte siyang madilim. Pagtayo namin sa harap nito, iniwanan ako nila Spiel at Denise at sumenyas sila na huwag akong mag-iingay. Ilang segundo rin akong nakatayo sa harap ng selda hanggang sa kumilos na ang lalaki papalapit sa akin. Umatras ako ng isang hakbang dahil ng makita ko ang kanyang balbas, sigurado akong siya ang lalaking sumaksak kay Genro. Hindi ko kayang banggitin ang pangalan ng lalaking ito at mas gusto kong tawagin siyang demonyo dahil sa mga kasalanan niya. "Ikaw ba ang kasintahan ng anak ko?" tumayo ang mga balahibo ko sa katawan ng marinig ko ang kanyang boses. Sigurado na ako na siya talaga ang suspek sa nangyari kay Genro. "Walanghiya ka! Matapos mong saksakin si Genro ay may gana ka pang tawagin siyang anak?" sigaw ko sa kanya. Napansin ko ang kanyang ngisi at labis akong nakaramdam ng takot dahil sa nagawa niya pa iyon kahit na nag-aagaw buhay ang anak niya dahil sa kagagawan niya. "Maaari ko bang makita ang pagkakakilanlan mo?" tanong niya sa akin at lumingon ako sa pwesto nila Spiel, tumango lang siya sa akin kaya kinuha ko sa aking bag ang isang ID. Nilahad ko iyon para makita niya. "Lumapit ka," utos niya sa akin at lumunok ako at muling lumingin kay Spiel. Tanging pagtango lang ang sinasagot niya sa akin kaya umabante ako ng isang hakbang. "Lapit pa." Humakbang ako uli ng isang beses pa at nagulat ako dahil siya naman ang humakbang at tinitigan ako sa mukha tapos ay ngumisi. Matapos iyon, bumaba ang tingin ng kanyang mata sa ID na pinakita ko. May ilang guhit na ang kanyang mukha at nakita kong malaki ang pagkakahawig niya kay Genro. Parehas silang may malalim at bilugang mata tapos ay magkakulay rin sila. "Alexa Roxas... Ang nag-iisang prinsesa ni General Roxas, kaya pala nagustuhan ka ng anak ko," bulong niya at agad kong binalik ang ID sa aking bag. "Nasaan ang badge mo? Hindi ka na ba isang pulis?" tanong niya sa akin at ngumiti. Nakita ko ang mapuputi niyang ngipin dahil doon. "Nagkaroon ako ng sakit pero babalik rin ako sa serbisyo," matigas kong sagot sa kanya at tumango siya. "Spiel, pwede mo bang paupuin ang prinsesa?" utos nito at agad namang kumuha ng upuan si Spiel saka nilagay iyon sa harapan niya. "Ayokong magpaligoy-ligoy pa, ano ang kailangan mo at gusto mo akong makausap?" diretso kong tanong sa kanya. Pinilit kong maging malakas sa harapan ng lalaking ito dahil batid kong hindi siya basta-basta isang kriminal lang. "Ikaw ang may kailangan sa akin. Sabihin mo, ano ang nalalaman mo tungkol sa anak ko? Ano ang sinabi nila tungkol sa anak ko? Gaano mo kakilala ang taong piangtatanggol mo?" sunod-sunod niyang tanong sa akin at muli kong naaalala ang usapan namin kaninang umaga. Lingid sa kaalaman nila, habang nasa byahe ako papunta dito ay pinakinggan ko ang mga nagawa kong recording tungkol sa tinatanong niya sa akin. "Ang nabasa ko, biktima ng kidnapping si Genro at siya ang naglitas sa akin noon," sagot ko sa kanya at napapikit ang lalaking ito. "May ideya ka ba kung bakit ko ginawa sa anak ko iyon?" tanong niya sa akin at hindi ap rin naaalis sa kanyang mukha ang ngiti. "Dahil may ginawang kasalanan ang anak mo at kailangan niyang pagbayaran iyon?" sagot ko sa kanya kahit wala akong ideya sa tamang sagot. Hinulaan ko lang iyon kung tutuusin. "Tama!" sagot niya at hindi ko na napigilan ang sarili ko na magpakawala ng isang malakas na halakhak. Binalot ng pagtawa ko ang lugar na iyon. "Ang isang kriminal na kagaya mo pa ang may gana sabihin iyan? Ultimo anak mo ay kaya mong patayin. Huwag mo akong patawanin, Mr. Guillermo!" Tumayo ako matapos kong sabihin iyon sa kanya. "Sa tingin mo, ano ba ang kasalanan ng anak ko?" mahinahon niyang tanong sa akin. "Dahil sinundan niya ang landas mo bilang isang kriminal. Walang patutunguhan ang pag-uusap nating ito. Hinding-hindi mo malalaman kung ano ang alam ko. Mas gugustuhin ko pang ibaon sa limot ang mga bagay na iyon," sagot ko sa kanya pero tanging pagpuswit lang ang sagot niya sa akin. Gumawa siya ng tunog sa pamamagitan ng kanyang bibig kaya muli akong napatingin sa kanya. "Alam mo, Alexa. Mas maganda kung aalamin mo talaga ang nakaraan kaysa sa mga bagay na nakikita at naririnig mo," sambit niya sa akin at hindi ko maintindihan kung ano ang ibig niyang sabihin. Maaaring nagbibitaw siya ng mga bagay na makakapukaw sa aking atensyon. "Anong ibig mong sabihin?" tanong ko sa kanya at tumalikod siya. "Bakit hindi mo balikan ang nakaraan, Alexa? Hanapin mo ang katotohanan," sagot niya sa akin at tinitigan ko siya ng ilang segundo pero hindi na siya humarap pa sa akin. Lumapit na ako kay Spiel at Denise at nagsimula na kaming umalis sa lugar na iyon. "Anong ibig niyang sabihin, Spiel? May alam ka ba?" tanong ko sa kanya pero umiling lang siya sa akin at naisip kong may nalalaman ang lalaking iyon na hindi maaabot ng isip ni Spiel. "Maaari ko bang makita ang mga lumang kaso na hinawakan ng aking Ama, simula noong mhanap niya ako?" tanong ko kay Denise at nagkatinginan sila ni Spiel bago siya sumagot. "Sige," sagot ni Spiel at nang makarating na ako sa bahay, magulo ang mga gamit ko doon. Muli akong nagpalit ng damit para maumpisahan kong linisin ang bahay. Binalik ko sa tamang lalagyan ang ilan sa mga gamit at sinunod kong kunin ang mga mantel at basahan na may bahid ng dugo ni Genro. Dinala ko iyon sa banyo para doon ibabad at kuskusin. Napaupo na lang ako sa sahig dahil naaalala ko kung paanong sinaktan si Genro ng kanyang sariling Ama. Sa sobrang galit ko, kinuha ko ang eskoba at isang basahan para doon ilbas ang lahat ng nararamdaman ko. Kinuskos ko itong maigi habang lumuluha at nang hindi natanggal ang mantsa, binato ko ang eskoba at naupo ako sa tiles ng banyo. Inayos ko ang sarili ko at kailangan kong pakalmahin ang sarili. Hindi kailangan pairalin ang emosyon dahil ito ang makakasira sa lahat. Nagtungo ako sa sofa at binuksan ko na lang ang telebisyon. Naging laman pa rin ng balita ang lalaking iyon. "Isang serial killer ang kusang sumuko sa kapulisan at kasalukuyang nakakulong sa isang mahigpit na selda," sambit ng isang babaeng nagbabalita at pinakita pa ang video kung paano siya sumuko sa kapulisan. Pinatay ko na lang ang telebisyon dahil isang walang kweantang balita ang naririnig ko ng sandaling iyon. Nang tingnan ko ang oras, alas sais na pala ng gabi. Naisip kong puntahan si Genro at doon magpalipas para mabantayan ko siya. Inayos ko sa kwarto ang mga damit ko at agad akong pumara ng taxi para magpahatid sa hospital. Napansin ko ang maraming pulis doon at marahil, si Genro ang binabantayan nila. Si Denise ang nasa tapat ng ward kung nasaan si Genro. Agad niya akong hinarang ng papasok na ako sa loob. "Pinagbabawalan ka munang pumasok dito," bulong niya sa akin at agad ko siyang sinamaan ng tingin. "Bakit hindi? Kasintahan ko ang nasa loob!" sigaw ko sa kanya at nagpumilit akong pumasok sa loob pero hinila niya ang braso ko papunta sa gilid ng pader. "Biktima ka ng pamilya nila," bulong niya sa akin pero hinawi ko ang kapit niya at pumasok sa loob. Nang alisin ko ang kortina, kumot at unan na lang ang nakita ko doon. Napalingon ako sa bintana at bukas na ito. Tumakbo agad ako palabas ng ward. "Wala siya dito!" sigaw ko at tumakbo papasok ang mga pulis. Ginala ko ang paningin ko sa kabuuan ng ward na yon at nakita ko ang isang nurse na may kasamang doktor na nasa loob ng elevator. Kumindat pa ito kaya agad akong napatakbo dahil alam kong si Genro at Eva iyon. Hindi ko na sila naabutan kaya tumakbo ako papunta sa fire exit dahil nagbabaka-sakaling maabutan ko sila pero nang makarating ako sa lobby ay wala na akong napansin na kakaiba. Hingal na hingal ako ng makarating sa ground floor pero pinilit ko pa ring hanapin sila Genro sa abot ng aking makakaya. Napakaraming tao sa lobby ng sandaling iyon dahil sa medya at kapulisan na nagbabantay, idagdag pa ang mga sibilyan, nurse at doktor na nandoon. Imposible nang mahanap pa sila dahil maaaring humalo na silang dalawa dito. Nanatili na lang akong nakatayo sa lobby para bawiin ang lakas ko dahil sa pagbaba ko nang ilang baitang sa hagdan hanggang sa maabutan ako nila Denise. May isang pulis na lumapit sa amin at dala ang uniporme ng nurse at doktor. "Galing ito sa elevator," sabi ng babaeng pulis at hinablot agad iyon ni Denise tapos ay nagmura ng malutong dahil sa pagkabigo niyang mabantayan si Genro. Napailing na lang ako sa nangyari, sa dami ng bantay ay nagawa nilang takasan ang mga ito. "Hindi sila sa bintana dumaan. Nagkunyari silang isang nurse at doktor," usal ko kay Denise. Tumawag siya sa himpilan para i-report ang nangyari. Nang mapansin ng medya na mga pulis sila, nagsimula silang lumapit sa kanila kaya agad akong lumayo kung saan sila kinumpol ng mga ito. Napagtagpi-tagpi ko ang lahat. Si Eva ang kapatid ni Genro at sinadya ni Aero na saktan ang kanyang anak dahil iyon ang magiging paraan para makatakas ito sa batas.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD