Prologue
Malamig ang umagang iyon dahil nagbabadya ang pagbuhos ng ulan pero nagpatuloy pa rin ang grupo nila Genro sa pagdalo sa seminar. Gabi pa lang ay umalis na sila para hindi malate sa pupuntahan. Madami na rin silang kapwa guro sa venue at agad na silang nagpunta sa entrance ng building.
Lima silang guro na representative ng kanilang paaralan. Si Allan, Bernard, Dan, Brian at Genro. Student teacher lang si Genro at ang iba niyang kasama ay may ilang taon na ring karanasan sa pagiging guro.
Sunod sunod sila sa pila pero iisa lang ang inilagay nilang pangalan. Binigyan na rin sila ng mga sticker kung saan nakasulat ang kanilang mga pangalan. "Guillermo" ang ginamit ni Genro na pangalan dahil ito ang natatandaan niyang pagkakakilanlan niya.
Sinundan na lang nila ang mga palatandaan na nakadikit sa mga pader patungo sa kwarto kung saan sila naka-assign. Itinuro na lang sa kanila ang mga table kung nasaan nakasulat ang pangalan ng kanilang paaralan. Pili lang ang pinapapunta sa seminar na iyon, napasama si Genro dahil siya ang pinakamataas ang score sa lahat ng bagong guro sa kanilang paaralan.
"Genro, kapag nagugutom ka or gustong magpunta sa comfort room, magsabi ka lang samin," sabi ni Allan kay Genro dahil ito ang pinakamatalik niyang kaibigan. Ang iilan sa kasama ni Genro ay mga binabae kaya masaya ang kanilang pag - uusap.