Chapter 30

2219 Words
Habang nasa byahe, napansin kong naging abala si Aero at Genro sa kanilang cellphone. Si Eva ay hiniwalay nila sa akin dahil may pupuntahan pa daw itong ibang lugar. Tirik na ang sikat ng araw habang nasa byahe kami. Naisip kong pinaghiwalay talaga nila ang mga sinakyan nilang sasakyan dahil may posibilidad na masundan sila ni Spiel. Napansin ko na nasa Tagaytay na kami at dumaan sa isang sikat na simbahan doon. Sarado ang pinto ng simbahan pero may naririnig akong himig galing doon. Nagsimula na silang bumaba kaya sumunod na rin ako sa kanila. "Tara?" pag-aaya sa akin ni Genro at hinawakan ang kamay ko papasok sa simbahan. May maliit na pinto sa gilid nito at doon nagpupunta ang mga tao para mag-asikaso ng binyag o kaya naman ay kasal. Kinutuban na ako sa maaaring gawin namin dito kaya humiwalay ako sa pagkakahawak ni Genro. "Bakit?" tanong nito sa akin at bumalik ako palabas pero hinila niya ako. Gulat na gulat pa rin siya pero nakita ko ang bahid ng galit sa kanyang mukha. "Ano bang gagawin natin dito? Hindi pa ako handang magpakasal," sambit ko sa kanya at nanglumo siya sa sinabi ko. "Masyado pang magulo ang buhay natin. Ayusin muna natin ito at lutasin ang lahat ng problema," dagdag ko sa kanya pero umiling lang siya at muli akong hinawakan pero hindi na ako hinila papasok. "Pwede rin naman natin gawin iyon kapag natapos na ang kasal," sagot niya sa akin. Tama naman siya dahil kahit anong araw, bago o matapos ang kaso ay magpapakasal pa rin naman ako. "Hindi mo ba gustong makasal sa akin habang maaga pa?" tanong niya at natahimik na lang ako. Nakita ko na lang ang sarili ko na sumusunod na kay Genro. Pumasok kami sa opisina at nakita namin ang mga matatanda na nakaupo sa kanilang desk. "Magandang tanghali, ano pong maipaglilingkod ko sa inyo?" bati nito sa amin. Si Genro ang kumausap dito at sa tuwing titingin sa akin ang matandang babae ay ngumingiti lang ako. "Willing po ba ang lahat para matuloy ang kasal? Ikaw hija, bakit tahimik ka?" tanong niya sa akin at tumikhim ako bago nagsalita. "Hinayaan ko lang po ang boyfriend ko dahil mas mahiyain po ako," sagot ko sa kanya at tumango naman ito. Napansin kong nakumbinse naman siya sa sagot ko at pinagpatuloy ang pagpapaliwanag. Sinabi niya ang araw na kailangan naming bumalik dala ang mga requirements na ipapasa. Nagpaalam na kami ni Genro at muling nagtungo sa sasakyan. Ang pakiramdam ko ng mga oras na iyon ay sobrang lutang. Pansamantala kong nakalimutan ang lahat ng problemang kinakaharap namin. Nakita ko sa mukha ni Genro ang saya dahil matutuloy na ang isa sa mga plano namin. "Masaya ka na?" sarkastikong sabi ni Aero sa kanya pero umirap lang si Genro sa kanya at pinasakay na ako sa sasakyan. "Paano ko makukuha ang mga requirements ko, pinalabas niyo na sa lahat na na-kidnap ako," tanong ko kay Genro at nagtaka siya dahil sa sinabi ko. "Anong ibig mong sabihin?" Tinaas ko ang laylayan ng aking damit at pinakita sa kanya ang paso na kanina ko pa tinitiis. Sumama ang tingin ni Genro sa kanyang Ama at tinaas lamang nito ang kanyang dalawang kamay para humingi ng tawad. "Hindi kasi agad nahila si Alexa ng pinasabog ko ang sasakyan," natatawa-tawang sagot ni Aero at inayos ko na muli ang aking damit. "Gagamutin ko iyan mamaya," bulong sa akin ni Genro at nilagay ang ulo ko sa kanyang balikat. Pumasok ang sasakyan sa isang masukol na gubat. Walang katao-tao sa paligid at puro puno ang nasa gilid ng daan. Naisip ko kung sakaling tatakas ka ay hindi ka pa makakarating sa bungad ng kalsada ay nahabol ka na agad ng mga salarin. "Bahay - bakasyunan namin ito," sabi sa akin ni Genro at natanaw ko na ang malaki pero lumang bahay. Malinis naman ang paligid nito at hindi kagaya ng ibang bahay na punong-puno na ng dahon sa paligid. Isa-isa ng bumaba ang mga lalaking kasama ni Genro at muli kong nakita si Eva. Nakasimangot siya ng makita ako at agad nagtungo sa loob ng bahay. Alam kong hindi rin talaga magaan ang loob sa akin ni Eva at walang problema sa akin iyon. Inakbayan na ako ni Genro at pagpasok namin, nakahanda na ang ilang mga putahe at doon ko nakita ang dalawang babae na naghahanda. Humalik sa kanila si Eva at inutusan na rin itong tumulong sa kanila. Sa isang upuan naman ay may lalaking nakaupo at karga ang isang batang lalaki. Sa sala naman ay may dalagang nakaupo doon at abala sa kanyang cellphone. "Marga, ano ba! Nandito ang mga pinsan at Tito Aero mo!" saway ng maputing babae at padabog na tumayo ang dalaga saka nagmano ito kay Aero. Yumakap naman ito kay Genro at humalik sa pisngi ni Eva tinitigan niya lang ako at bumalik na siya sa kinauupuan niya. "Halika, papakilala kita." Hinila ako ni Genro papunta sa hapagkainan. Nahihiya pa ako sa mga sandaling iyon kaya naman nakayuko lang ako nang iharap ako ni Genro. "Ma, Tita at Tito, si Alexa po," sabi niya hinawakan ang balikat ko tapos ay hinila ako papunta sa kanyang harapan. Hindi ako handa sa ginagawa niya kaya kumaway na lang ako sa kanila. Bnitawan naman ng dalawang babae ang hawak nilang lagayan ng pagkain tapos ay pinunasan ang kanilang mga kamay. "Siya na ba ang balak mong pakasalan?" tanong ng isang morenang babae at nilahad naman ng maputing babae ang kanyang kamay sa akin. Tumango ako at malugod akong nakipagkamay sa kanya. "Ma, aalis muna ako at maghahanap ng trabaho. Pa, magpapahatid ako sa bungad ng gubat," sabi ni Eva at umirap lang sa akin. Napangiti na lang ako at inisip na natural sigurong masungit si Eva at ang pag-irap ang paraan niya para magpaalam sa akin. "Ako nga pala si Genesis at ito naman ang kapatid kong si Rion. Mama ako ni Genro," pagpapakilala sa akin at yumakap na siya sa akin. "Kamusta? Hindi ka ba nahirapan papunta dito?" makahulugang tanong sa akin kaya nanglaki ang mata ko. "Ma! Kausapin mo si Papa tungkol diyan!" sagot ni Genro. Hinila niya ako papalayo sa kanila. "Pagpahingahin mo muna ang bisita mo!" narinig kong sigaw ng isang lalaki at nagtawanan ang lahat dahil doon. Nang makalayo kami ng ilang hakbang lang papasok, makikita ang kusina. Bago makarating sa kusina ay mapapansin ang hagdan sa kaliwang bahagi at hinila ako ni Genro paakyat doon. Malawak ang second floor na iyon at may limang kwarto. May mga pangalan ang bawat isa kaya hindi ka maliligaw kung may gusto kang puntahan na kwarto. Sa unang pinto ay ang kwarto ng mga magulang niya at sa pangalawa naman ang kwarto ni Genro at dulo ay kay Eva. Magkatapat ang kwarto ni Marga at Eva tapos ay kay Rion at Genro naman. Light blue ang motif ng kwarto ni Genro at sobrang nakaka-relax itong tingnan. May maliit na kama at isang cabinet. Pang binata ang disenyo ng kwarto. Kumpleto sa gamit. May kinuha siyang isang kahon sa cabinet at umupo sa kama niya. Tinapik niya ang tabi niya para sabihin na maupo ako doon. Sumunod naman ako sa kanya at ramdam ko ang init ng kanyang hininga at naamoy ko ang kanyang pabango. "Hubad," utos niya sa akin at napaatras ako. Nagtataka kung bakit. Hinawakan ko ang laylayan ng aking damit para higpitan ang kapit dito. "A-ano" sagot ko at bigla niyang hinawakan ang kamay kong nakakapit sa damit. Nang magawa niyang iangat ang damit ko, binuksan niya ang box at sinimulan niyang gamutin ang sugat ko. Para akong tanga sa kung ano ang tumatakbo sa isip ko. Nang matapos siya lagyan ng paunang lunas ang sugat ko ay pinitik niya ang aking noo at tumawa. "Nami-miss mo lang dahil ilang araw na tayong hindi nakakagawa," bulong niya sa akin at nilapit ang kanyang labi sa leeg ko. Ramdam ko na ang kanyang hininga at ang pagbilis ng t***k ng puso ko. Totoo ang sinabi niya. "Huwag ngayon," bulong ko sa kanya at ako mismo ang umiwas sa ginagawa niya. Hindi naman ako gano'n kasabik para maramdaman ang init ng katawan niya. Inayos ko ang aking damit at tumitig sa kanya. "Maiba tayo, paano ang gagawin mo sa kasal?" tanong ko sa kanya pero nakarinig kami ng ilang yabag kaya binuksan ko ang pinto at nakita ko si Marga na nakasilip sa pinto ng kwarto. "Kuya, kumain na daw po muna kayo sabi ni Mama," tawag sa amin ni Marga at agad kaming tumayo para sumunod sa kanya. Pagbaba namin, nakaayos na ang lahat at nagsisimula na silang kumain. Naunang lumapit si Genro sa hapagkainan at hinila ang isang upuan para sa akin tapos ay tumabi naman siya sa akin. "Alexa, kain lang ha, huwag mahihiya sa amin." Iniabot ni Genesis ang plato ng kanin sa akin at kinuha ko naman agad iyon. Napakaraming handa pero iilan lang naman silang nandoon. "Masarap ang luto ni Mama sa menudo at si Tita naman ay sobrang galing gumawa ng Maja," sabi ni Genro sa akin at sinandukan niya ako ng ulam. "Tingnan mo nga naman, hindi ko akalain na may ugaling mambobola rin pala itong anak ko," masayang sabi ni Genesis at nagtawanan silang magkapatid. "Sayang at umalis agad si Eva, magkasundo ba kayo ng unica hija ko?" biglang tanong sa akin ni Genesis at napalingon ako kay Genro para humingi ng sagot sa kanya. "May inaasikaso lang si Eva," sagot ni Genro at peke siyang ngumiti. Nagsimula na akong kumain at pinakikinggan lang ang mga pinag - uusapan nila. Nakita kong sobrang saya ni Genesis at naisip ko, paano niya nakaya ang mahalin ang isang kriminal at nalipat ang tingin ko kay Rion, alam niya bang ang mga kasama niya ay record ng krimen? Nang matapos kaming kumain, inutusan nila si Marga na alagaan ang kanyang kapatid na lalaki at umakyat sa kwarto nila. Kaming tatlo naman ang naglipit ng pinagkainan namin. "Aero, dalahan mo naman muna ng pagkain ang mga tauhan mo!" sigaw ni Genesis at sumunod naman agad ang lalaki. Nagpatulong na lang siya kay Genro para dalahin ang ilan pang mga gamit at ang ibang natira, kusa na itong kinuha ng asawa ni Rion. Hindi pa nababanggit sa akin ang pangalan nito pero ng tawagin siya ni Rion, doon ko lang nalaman na Grant ang kanyang pagkakakilanlan. Habang nasa kusina kaming tatlo, masayang nag-uusap ang magkapatid pero nagulat kami ng tawagin siya ni Marga dahil hindi mapatahan ang kanyangkapatid kaya umalis na muna si Rion doon at pinuntahan ang kanyang anak. Nagsasalin ng tubig sa takure si Genesis at nagsimula na siyang magsabon sa mga plato nang makita niyang nakatitig ako sa kanya. "May dumi ba sa mukha ko?" tanong ko sa kanya at hinugasan ang kamay niyang may sabon at pinunasan ang kanyang pisngi at baba. "W-wala naman," sagot ko sa kanya at inayos ko na lang ang ilang mga kaldero para sunod-sunod na lang na hugasan ito ni Genesis. "Paano mo nagawang tanggapin... na isang serial killer ang taong mahal mo?" nahihiya kong tanong sa kanya at natigil siya sa ginawa. "Noong nakilala ko siya, hindi ko matanggap nung umpisa pero naisip ko, mas hindi ko matatanggap kapag nagkamali ako at hindi sundin ang t***k ng puso ko. Walang perpektong tao, Alexa. Lahat tayo nagkakamali. Oo, mahirap dahil noong una, nagtatago lang kami, pero ang kapalit ng pagtatago namin ay tahimik na buhay." Pinatay niya ang kalan at nilagyan ng mainit na tubig ang mamantikang pinaglagyan ng menudo at ilang ulam. "Bakit mo naman naitanong? Nagdadalawang-isip ka ba kung papakasalan mo ang anak ko?" bulong niya sa akin pero umiling ako. "Lumaki akong may alam sa batas, kaya naghahati ang prinsipyo na kinalakihan ko at ang t***k ng puso ko. Mahal ko si Genro, dahil nagawa niya akong tanggapin kahit ganito ang kalagayan ko," sagot ko sa kanya at ngumiti siya ng matamis. "Huwag kang mag-alala, hindi masamang tao ang anak ko. Kahit isang taon pa lang simula ng makita ko siya muli, alam ong mabuti siyang tao. Kaya sobrang nagpapasalamat ako sa iyong Ama dahil pinalaki niya ang anak ko na may alam sa tama at mali," sagot niya sa akin at naluha ako ng banggitin niya si Papa. "Gusto ko pong humingi ng tawad sa inyo. Ayon sa sinabi sa akin ni Aero, nadamay ang pamilya niyo dahil sa pagkakaligtas sa akin ni Genro noon," malungkot kong sabi sa kanya pero umiling lang siya sa akin. "Wala kang kasalanan. Biktima ka rin ng pangyayaring iyon," sagot niya at nang bumalik na si Rion sa kusina ay tumalikod ako agad at pinunasan ang mga luha sa pisngi ko tapos ay kinuha ko ang mga malinis ng gamit para punasan ito. "Bakit natahimik kayo? Mukhang nagkakausap ng masinsinan ang bagong mag-biyenan," masayang sabi ni Rion. Siya ang naglalagay ng mga napunasan kong gamit sa tamang kinalalagyan nito. "Ate, bukas, gusto ko sana gumala naman tayo dito sa Tagaytay kahit isang araw lang. Sa susunod na linggo, uuwi na rin kasi tayo ng probinsya. Gusto ko lang makakita naman ng tourist spot di Marga eh," hiling ni Rion at tumango naman si Genesis. "Sama ka ba sa amin, Alexa?" tanong niya at hindi ko pinag-isipan ang sagot ko, basta na lang ako tumango sa tanong niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD