Chapter 34

2186 Words
"Wala ka bang natatandaan na kahit ano kung paano ka napunta doon at bakit nakasuot ka ng damit pangkasal?" seryosong tanong sa akin ni Spiel at umiling ako. "Sigurado ka? Alam mong labag sa batas ang magsinungaling," muli niyang sinabi sa akin pero umiling na lang ako. Hindi na siya nagtanong pa at nagpatugtog na lang ng mahina dahil tulog pa si Denise. May trapiko pa rin ng sandaling iyon kahit madaling araw na. Pilit kong nilalabanan ang antok para masiguro kung makakabalik ba kami sa Batangas. Tumikhim ako at naisip na gumawa ng pwede naming mapag-usapan pero nang makita ko ang itsura ni Spiel at mas pinili kong manahimik na lang. Madaling araw na ng makabalik kami sa Batangas at nahinto kami sa tapat ng isang hospital. "Hindi ka ba pupunta sa hospital para magpatingin? Namamaga ang pisngi mo," sabi niya sa akin at umiling ako. Bumaba na lang rin ako para mabawasan ang pagdududa niya. Inalalayan niya si Denise pababa ng kotse dahil gumegewang pa ito at parang iniinda pa rin ang ginawa ko sa kanya. Nang makababa na siya, tumitig muna siya sa entrance ng hospital at tumingin kay Spiel. "Bakit tayo nandito?" tanong ni Denise at binitawan na siya ni Spiel dahil unti-unti naman siyang nakakabawi ng lakas. "Ipapatingin ko kayo sa doktor para malaman kung may injury kayo o may masakit sa katawan," sagot ni Spiel pero umiling na lang si Denise. Huminga ng malalim si Spiel habang ako naman ay kinakabahan at inuusisa kung may natatandaan ba siya. Binuksan na lang muli ni Spiel ang kanyang sasakyan at sumakay na kami. Muli siyang nagmaneho at nagsabi si Denise na gusto niya na umuwi. Para akong nabunutan ng tinik dahil nahiwalay na si Spiel kay Denise. Nang makauwi na ako, nakita ko agad ang kahon na hiniling ko kay Spiel. Tinulak ko ito papasok at sinarado ko na agad ang pinto. Magulo pa ang pagkkalagay ng mag folder dito kaya nang magawa kong dalahin ito sa tapat ng kwarto. Naupo ako sa tapat ng pintuan at sinimulan kong ayusin ito. Ayon sa taon ang ginawa kong pag-aayos. Naisip kong bukas ko na ito uumpisahan basahin dahil sobrang pagod na rin ako ng oras na iyon. Nagtungo ako sa banyo para linisin ang aking mukha dahil sa makapal na make - up ang nilagay dito tapos ay nagbihis na rin ng pangtulog. Kinaumagahan, tanghali na ako nagising at nakailang tawag na sila Spiel at Denise sa akin. Habang nagluluto ako ng almusal ay tinawagan ko si Denise. "Denise, hindi muna ako makakapasok at masama angpakiramdam ko," sabi ko sa kanya nang tinawagan ko siya. "Sige, sasabihin ko kay Spiel. Ayos ka lang ba talaga?" tanong niya sa akin at binitawan ko muna ang basong hawak ko. "Oo, napagod lang ako ng sobra," sagot ko sa kanya at tinapos ko na ang usapan namin. Napatingin muli ako sa kahon at kinuha ko ang pinakaunang kaso na hinawakan ni Papa. Tungkol sa isang waiter iyon na naglalagay ng pangpatulog sa alak at ang nagiging biktima niya ay mga kababaihan. Kapag tinamaan na ng gamot ang mga ito, nagpe-presinta itong dadalahin sa hospital ang biktima pero lingid sa kaalaman ng mga kapwa niya waiter ay dinadala niya sa talahiban ang babae at doon gagahasain at papatayin. Ang sumunod na kaso ay tungkol sa pamlya ni Genro pero hindi kumpleto ang report na iyon dahil nalipat lang sa kanya ang kaso. Si Spiel ang unang humawak nito. Ang sumunod ay tungkol na sa akin. Gubat pa noon ang lugar kung saan ako natagpuan, base sa litratong nakaipit doon. Walang impormasyon kung paano ako napunta doon pero may nakaipit doon na kagaya ng pinakita sa akin ni Denise noon. Nakatayo kaming dalawa ni Genro sa tapat ng kubo at duguan ang damit ni Genro habang ako naman ay parang basang sisiw. Inisa-isa ko ang bawat litrato at nahagip ng mata ko ang isang anino ng lalaki na parang nagtatago sa isang malaking puno. Nilapit ko pa ng husto ang aking mata sa litratong iyon pero parang puno lang ito kaya hindi rin ako makasigurado kung tao nga ba ito. Ayon sa impormasyon doon, nahanap ni Genro si Papa at tinuro niya kung saan ako mahahanap. Nang makarating si Papa sa gubat ay nakita rin niya ang isang bangkay ng lalaki at Lukas Guillermo ang pangalan ng lalaking iyon. May litrato ang bangkay ng lalaki at kitang-kita doon ang malaking hiwa nito sa dibdib. Nakasaad sa report na iyon, si Genro ang tinuturo nilang salarin pero kung iisiping mabuti, hindi kaya ng isang tatlong taon na bata ang gawin ang bagay na iyon. Tiningnan ko kung sino ang nagsulat ng incident report pero punit na ang laylayan ng papel. Nagduda ako dahil tinanggap ni Papa at Spiel ang ganitong klase ng incident report. Pagkatapos noon ay hindi na ako naging interesado pa sa mga sumunod na kaso ni Papa dahil nakuha na ng atensyon ko ang kaso kung saan may kinalaman ako. Naghanap ako sa mga sumunod na folder ang may koneksyon sa kaso. May folder doon kung saan inaampon umano ni Papa si Genro dahil hindi na nagawa pang mahanap ang magulang ng bata. Sumakit ang ulo ko ng mabasa ko iyon at nagbalik sa isip ko ang batang ako, umiiyak habang nakayakap kay Genro dahil pinagtatanggol ako nito sa isang tao na hindi ko kilala. Boses ng babae ang naririnig kong sumisigaw. Dahil sa kalagayan ko ay hindi ko magawang makilala sa boses ang taong iyon. Hinalungkat ko ang kahon at nagbaka-sakali na bukod sa mga kaso ay may iba pang makikita doon pero puro folders lang talaga iyon. Biglang naaalala ko ang kahon na binigay sa akin ni Denise noon pero ang pagkakatanda ko ay hindi ko nagawang madala iyon sa bahay. Kinuha ko ang aking cellphone at muli kong tinawagan si Denise. "May kailangan ka ba?" tanong niya sa akin at tumikhim ako. "Denise, naaalala ko kasi yung hiningi kong mga gamit sayo sa bahay, diba ay nasa kotse mo iyon? Pwede mo bang dalahin dito?" tanong ko sa kanya at narinig ko ang pagtuktok ng ballpen sa kahoy. "Ah, oo. Sige at mamayang pag-uwi ay dadalahin ko diyan," sagot niya sa akin at nagpaalam na siya. Dahil mamayang pag-uwi niya pa dadalhin iyon ay nakaramdam ako ng pagkabagot kaya binuksan ko na lang ang telebisyon para maibsan ang bagot na nararamdaman ko. "Ilang araw matapos mahuli ang isang serial killer ay sumabog ang kotseng sinasakyan nito kung saan kasama niya ang isang pulis," ang bungad ng tagapagbalita. Napukaw nito ang atensyon ko dahil ganito ang nangyari sa amin noong nakaraan. "Ayon sa imbestigasyon, nawawala ang ilan sa mga katawan ng pasahero doon at hanggang ngayon ay patuloy pa ring hinahanap," dagdag pa nito at pinatay ko na ang telebisyon. Kinuha ko sa kwarto ang aking cellphone at muli ko na naman tinawagan si Denise. "Denise, totoo ba ang balita na hinahanap ako ng mga pulis?" tanong ko sa kanya at narinig kong nagpaalam siya sa kung sino man ang kanyang kausap at narinig ko sa kabilang linya ang katahimikan. "Oo, hinahanap ka nila at kinokonsidera na ngayon na biktima ka ng kidnapping," mahinang sabi sa akin ni Denise at nasapo ko na lang ang aking noo. Dapat pala ay pumasok ako. "Magpapakita ako sa mga tao ngayon," sagot ko sa kanya at pinatay ko na ang tawag. Agad akong nagbihis at pumara ng taxi. Hindi makapagsalita ang driver ng buksan ko ang sasakyan niya na parang nakakita siya ng multo. "Ma'am, kayo po ang nasa balita diba?" tanong niya sa akin at may bahid ng takot ang kanyang boses. Sinara ko na lang ang sasakyan at lumayo na sa taxi niya. Muli akong nagtungo sa gilid ng kalsada para maghintay ng susunod na sasakyan ng makita kong pumara sa tapat ko ang isang sasakyan at si Denise ang nasa loob nito. "Alexa, huwag ka na munang magpunta sa himpilan at magpakita sa mga tao," sabi niya sa akin habang nasa loob. Umirap ako sa sinabi niya at nang makababa na siya, hinila niya ako para maitago sa publiko. "Bakit hindi? Magkakaroon na naman ng kaso ang pamilya nila!" sigaw ko sa kanya pero umiling siya. "Alexa, mas lalabas ang totoo kung sa tingin ng ibang tao ay patay ka na," sabi niya sa akin at labis akong naguluhan. "Anong ibig mong sabihin?" nagmamaang-maangan kong tanong. "Kung iisipin mo, pinipilit ka nila Genro na alalahanin ang nakaraan? Tingin mo bakit?" nanglalaki ang kanyang mata habang nagtatanong sa akin. "Hindi ko alam!" umiwas ako ng tingin sa kanya. "Alexa, oras na maibalita na wala ka na, susuko na rin ang salarin sa lahat ng nangyari sayo. Kung iisipin mo, biktima kayong dalawa ng ama mo!" "Ibig mong sabihin ay patibong ang lahat? Ang pagsabog ng sasakyan nila Genro ay isang malaking patibong?" tanong ko sa kanya at marahan siyang tumango. Halos mamatay na ako kung hindi ko pa nagawang makaalis sa sasakyan na iyon tapos malalaman kong isang patibong ang lahat? Napahawak ako sa aking dibdib dahil doon. Inalalayan naman ako ni Denise pero lumayo ako sa kanya. "Sa totoo lang, hindi ko na alam ang nangyayari sa akin. Una, binugbog ako ng husto na naging resulta ng pagkawala ng aking memorya. Pangalawa, tinatago sa akin ni Genro ang iilan sa mga bagay. Pangatlo, namatay ang aking Ama. Pang - apat, pinipiit naman ako ngayon na alalahanin ang lahat tungkol sa nakaraan ko, tapos ngayon, ginawa akong patibong? Sobrang naguguluhan na ako, Denise! Ano ba ang totoong nangyayari?" sigaw ko sa kanya at napatingin lang siya sa akin. "Hindi ko rin alam, Alexa! Pero sumasabay lang ako sa agos dahil naniniwala ako na lahat ng gulo na nararanasan mo ngayon, magkakaroon rin ng kasagutan iyan balang araw," sagot niya sa akin at lumayo na ako sa kanya saka bumalik sa loob ng aking bahay. Buong araw lang akong nakaupo sa sala, walang gana. Naubos na lang ang oras ko sa pag-iisip kung paano ko pagdudugtungin ang lahat ng bagay. Nakatulog ako sa sofa kakaisip ng araw na iyon. Kumain ako pero kaunti lang ang tinanggap ng aking katawan. Nang pumasok ako sa kwarto, doon ko lang naramdaman lungkot dahil sa nag-iisa na lang ako sa buhay. Patay na ang mga magulang ko at ngayon, wala na rin si Genro sa tabi ko. Nahiga ako sa kama at doon inilabas ang lahat ng sama ng loob ko. Natigil ako sa paghihinagpis dahil sa kalagitnaan nito ay may narinig akong nabasag. Sandali akong nanigas sa pagkakahiga dahil sa takot. Pinunasan ko ang luha sa aking pisngi at dahan-dahang tumayo. Nilibot ko ang paningin ko sa kwarto para maghanap ng pwede kong gawing armas kung sakaling may pumasok sa loob ng bahay. Nakita ko ang isang malaking gunting at hinablot ko iyon agad. Maingat akong naglakad papunta sa pinto at sumandal muna ako para pakinggan kung talagang may tao ba sa labas ng kwarto. Wala akong narinig na kahit anong ingay kaya mabagal kong pinihit ang pinto at binuksan ito. Madilim na s kabuuan ang bahay pero may kaunti pa ring liwanag galing sa buwan ng oras na iyon. "Alexa," pamilyar ang boses ng lalaking iyon at galing sa sala kaya agad akong napalingon. Ang t***k ng puso ko ang tanging ingay na naririnig ko dahil sa kaba. Hinigpitan ko ang kapit sa gunting habang inaaninag kung sino ang lalaking nakaupo doon. Tanging mata niya lang ang nakikita ko. Huminga akong malalim at dahan-dahan na naglakad papunta doon. Nanglabo ang mata ko dahil sa muli ko siyang nakita. Binuksan niya ang ilaw at patakbo na akong lumapit sa kanya at niyakap siya ng mahigpit. "Genro..." bulong ko. Hinawakan ko ang kanyang pisngi at hinalikan sa kanyang labi. Naramdaman ko ang hindi niya pagagalaw dahil sa ginawa ko kaya agad akong lumayo sa kanya. "I'm sorry..." bulong niya sa akin pero umiling lang ako. Wala siyang dapat ihingi ng tawad dahil sa nagawa niyang pagtakas. "Gusto kong tanungin ka sa isang bagay at gusto kong sagutin mo," bulong ko sa kanya at tumitig siya sa akin na parang binabasa na naman ako. "Nang natagpuan tayo sa kubo, may kinalaman ka ba sa pagkamatay ng lalaking Lukas ang pangalan?" tanong ko sa kanya at agad siyang humiwalay sa akin. "Ayokong masaktan ka, pero ang totoong pumatay sa kanya..." Huminga akong malalim dahil sa bigla niyang paghinto at parang gusto niyang pakalmahin na muna ako pero habang ginagawa niya iyon ay mas lalo akong kinakabahan. Mas lumalakas ang t***k ng puso ko habang naghihintay sa kanyang sagot. Tumatagos na ang tingin niya sa akin na parang sinasabing huwag na akong maghanap pa ng kasagutan. "S-sino?" Sabay kaming huminga ng malalim ng sandaling iyon. Ako, para sa sagot na matagal ko ng hinahanap at siya naman ay ang pagbwelo sa sagot niya. Pumikit siya ng mariin bago tuluyang nagsaita. "Si Roger ang pumatay sa kanya..." mahina niyang sagot. Para akong naging bingi dahil sa sinabi niyang iyon. Halos panawan na ako ng ulirat ng sandaling iyon. Kinuha niya ang aking kamay para ibalik ako sa realidad pero hinawi ko ang pagkakahawak niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD