Chapter 7

2179 Words
Sabado kinabukasan kaya nagkaroon ako ng pagkakataon para mapuntahan ang lugar kung saan maraming kaso ng pagkawala ng mga tao. Mabilis akong nag-ayos para mapuntahan agad ang lugar na iyon dahil ilang oras rin ang byahe nito. Tirik ang araw ng umagang iyon pero hindi ko ininda ang init dahil sa pursigido akong marating ang pakay ko. Pagdating ko sa bayan, ang sabi sa akin ay tanging mga jeep na may dalang gulay ang bumabyahe papunta doon kaya binayaran ko ang driver ng isang jeep para isakay niya ako. Sa tabi na ako ng driver umupo at panay ang kwento niya pero tanging tango at ngiti lang ang sinasagot ko sa kanya dahil si Genro ang tumatakbo sa isip ko. Habang nasa byahe, namataan ko ang pamilyar na sasakyan. Hindi ako maaaring magkamali, sasakyan iyon ni Genro. "Manong, Para!" sigaw ko sa driver at bigla niyang hininto ang kanyang sasakyan. Nagsigawan pa ang ilang mga kargador at matatandang sakay nito pero hindi ko na iyon pinansin. Bumaba ako ng jeep at tinakbo ko ang sasakyan. Sumisigaw pa ang driver kung hihintayin niya ba ako o hindi pero nang nakalayo na ako ay narinig ko na lang ang pag-andar ng jeep. Tinitigan ko pa muna ang jeep at halata sa mga alikabok ng bintana na ilang araw na iyong hindi nalilinisan. Ibig sabihin, matagal nang nandoon ang sasakyan at hindi umaalis. Hindi ko maaaring punasan ang sasakyan dahil maaari na itong maging ebidensya para sa kaso ng pagkawala ni Genro kaya kinuhaan ko na lang ito ng litrato. Tinitigan ko ang lupa para malaman kung may bakas o kung ano man na nahulog malapit dito pero wala akong nahanap. Kusa bang sumama sa kanila si Genro dahil walang bahid ng karahasan o mga patay na damo sa paligid ng sasakyan. Naglakad - lakad ako sa paligid at napansin ko ang isang daan papasok sa loob ng gubat. Wala akong dala na kahit anong armas kaya naman minabuti kong bumalik na lang sa susunod na araw. Pilit kong binubuksan ang sasakyan ni Genro pero naubos na ang oras ko ay hindi ko pa rin ito magawa kaya ng may dumaan na jeep ay agad akong pumara para makasakay. Nang makabalik ako sa bahay ay tiningnan ko muli ang litrato na nakuha ko at inusisa ang bawat detalye nito. Babalikan ko talaga ito at sigurado na ako sa sarili ko na biktima si Genro ng kidnapping. Pagdating ng lunes ay nagulat ako sa reaksyon ng mga kapwa ko pulis nang dumating ako sa loob ng himpilan. Pag nilalagpasan ko sila ay nakakarinig ako ng tawanan at hindi ko maisip kung ano ang mayroon sa ganoong reaksyon nila. "Nandyan na pala ang anak ng General at kaibigan pa ni Spiel!" sabi ng isang pulis at agad kong naisip na isa siyang hambog. Tinitigan ko siya ng masama dahil alam ko sa sarili ko na wala akong ginagawa pero labis rin akong nagtaka dahil sa sinabi nito. Sa pagkakatanda ko, pinakiusapan ko si General Morell na ilihim ang tungkol sa background ng aking pamilya pero paano ito nakalabas? Habang nakatingin sa akin ang lahat, mabagal ang naging paghakbang ko papunta sa aking lamesa habang nakikiramdam sa paligid. Alam kong may hindi maganda sa mga ito. Nandoon na si Shiela at agad siyang lumapit sa akin. Hindi ako sanay sa ganitong sistema ng pagtatrabaho dahil mas gusto kong magpokus sa mga krimen pero pagdating ko ito, tila mas prioridad ng mga tao ang tsismis. "Bakit hindi mo naman sinabi na malalakas pala ang backer mo? Kaya ba nakalipat ka agad dito dahil doon?" tanong niya sa akin. Nakangisi siya ng hinarap ko siya at buong - buo ang kompyansa sa sarili na may makukuha siya sa aking impormasyon. Dahil sa inis ko, hinampas ko ang aking palad sa lamesa at umalingawngaw iyon sa apat na sulok ng kwartong iyon. Nakita ko ang pagkagulat sa lahat ng tao sa loob at pati si Shiela ay napaatras palayo sa lamesa ko. "Sino ka ba para pagkwentuhan ko tungkol doon? Isa pa, wala ka ng pakialam sa kung ano ang meron sa background ko dahil pinaghirapan ko ang lahat ng narating ko para sa kinatatayuan ko!" sigaw ko sa kanya at napahawak pa siya sa kanyang dibdib dahil sa ginawa kong iyon. "Mayabang ka pala!" sigaw ng lalaking hambog na bumati sa akin kanina pagpasok ko. "Oo! Mayabang ako dahil sa narating ko pero lahat ng iyon ay dahil sa pagsisikap ko! Karapatan kong ipagyabang iyon dahil dugo, buhay at pawis ko ang ginamit ko para doon!" pasigaw na sagot ko sa kanya at natahimik silang lahat. "Ngayon, kung uunahin niyo pa ang tsismis at pangbu-bully sa akin, mas mabuti pang sa opisina na ako ni General Morell magtrabaho kaysa makasama ang mga kagaya niyo!" sigaw ko at kinuha ko ang aking bag tapos ay lumakad papalayo. "Anong ibig mong sabihin na mga kagaya namin?" galit na tanong ni Shiela at nilingon ko siya. "Alam mo, kung isa akong sibilyan at nalaman kong ganyan ang ugali mo, iisipin ko talaga na may mga pulis na walang kwenta at puro pagpapalaki lang ng tiyan ang alam!" sagot ko sa kanya at dalawang hakbang lang ay natigil na naman ako dahil humarang sa harapan ko ang lalaking hambog. Hindi ko na naaalala ang pangalan niya pero pakiwari ko ay mayabang talaga siya at puro angas ang alam. Nagkatitigan kami pero hindi ko sinukuan ang tingin ko sa kanya hanggang sa kumurap siya, tinulak ko siya para umalis sa harap ko. Pero nagulat na lang ako ng hawakan ako ni Shiela sa magkabilang braso ko. Pinilit kong magpumiglas pero masyadong mahigpit ang kapit niya sa akin kaya huminga muna akong malalim bago gawin ang plano ko para makaalis. "Kapag hindi mo ko binitawan, makakausap mo si Satanas ngayon dito," sabi ko sa kanya pero ilang segundo lang ay hindi pa rin siya bumibitaw sa akin kaya buong lakas kong inapakan ang kanyang paa at tinulak ko siya hanggang sa makarating kami sa dulo at napasandal siya sa pader. Kinuwelyuhan ko siya at iniangat ko ng kaunti. Nanglalaki na ang kanyang mga mata at nakakapit sa aking kaliwang kamay. "Awatin niyo siya!" sigaw ni Shiela pero wala kahit isa sa kanila ang lumalapit sa akin. Subukan lang nila at alam nilang may mararating sila. "Tama na yan!" sigaw ng isang pulis pero hindi ako nagpaawat at inambahan ko pa ng suntok si Shiela. Nang makita kong napapikit siya at napalingon sa kaliwa ay pinigil ko ang aking kamao. "Hahahaha! Nakakatuwang tingnan na ang isang bully at tsismosang pulis na kagaya mo ay takot naman pala!" Tinapik - tapik ko ang kanyang pisngi at binitawan ko na siya. Inayos ko ang aking uniporme at kinuha na muli ang aking bag tapos ay tuluyan na akong nakalabas ng opisina. Agad akong nagtungo sa opisina ni General Morell at nagulat siya ng pumasok ako. "Sinong nagpakalat ng tsismis tungkol sa akin? Pinakiusapan ko kayo na huwag ipapaalam sa iba," mahina kong sagot sa kanya pero may bahid ng galit ang aking tono. "Si Shiela iyon. Nakipagkaibigan siya sayo dahil ugali niya na talaga ang makipagtsismisan tungkol sa buhay ng kapwa. Di ka ba nagtataka kung bakit sinabihan ko silang pakisamahan ka ng maayos?" tanong niya sa akin at sumimsim sa kanyang kape. Kalmado siya ng sabihin niya iyon pero ako ay labis na nakakaramdam ng inis. "Kaya doon kita ini-assign dahil tiwala ako sayo na mapuputol mo ang sungay ng mga iyon," dagdag niya pa ng hindi ako kumikibo. "Muntik ko ng masaktan si Shiela kanina," sagot ko sa kanya at tumawa siya ng malakas na parang naaaliw sa ginawa ko. Nagtaka naman ako dahil siya ang General pero ihahabilin niya sa akin na manduhan ang mg tauhan niya. "Bakit kailangan pang ako ang mamahala sa kanila, kayo ang mas nakakataas?" tanong ko sa kanya at tumayo siya tapos ay tumingin sa litrato ng Presidente na nasa pader ng kanyang opisina. "Magre-resign na kao sa trabaho, Alexa. Mabuti na lang ay dumating ka dito, saktong - sakto lang din. Gusto kong sayo iwanan ang posisyon ko para mapanatili ang katiwasayan sa loob ng aking himpilan," sabi niya sa akin at nakaramdam ako ng lungkot sa sinabi niyang iyon. Naisip ko, marahil ay nagsasawa na rin siya sa kakasaway at pagbibigay ng marapat na parusa sa mga tauhan niya kaya ganito na lang ang naisip niyang paraan. Ayoko rin naman madungisan ng mantsa ang karangalan ng mga pulis pero kaya nga siya ang inilagay sa ganoong posisyon ay tiwala sa kanya ang gobyerno na kaya niya ang tungkulin. "Pero hindi ako magtatagal dito dahil gusto ko ang lutasin ang kaso ng aking asawa. Biktima siya ng kidnapping at sa totoo niyan, nakita ko sa kalsada ang kanyang sasakyan," sabi ko sa kanya at lumingon sa akin si General Morell na nagtataka dahil sa sinabi ko. "Ang sinabi sa akin ni Roger ay babalik na kayo dito sa Batangas kaya pumayag akong malipat ka dito," sagot niya sa akin. Naisip kong iyon ang ginawang dahilan ni Papa para mapapayag ang taong ito na malipat ako ng himpilan. "Babalik na ako sa opisina," iyon lang ang naisagot ko sa kanya at hindi ko na pinansin ang sasabihin niya pagkalabas ko. Pagpasok ko muli sa opisina namin, napatingin ang lahat sa akin at nakita kong may mga pagkain at kung ano - ano pa ang nasa lamesa ko. "Pagpasensyahan mo na si Shiela, ganyan kasi talaga iyan. Masyadong makati ang dila," sabi ng lalaking tumulong sa akin nung nakaraan at sinabayan ako papunta sa lamesa ko. Tinitingnan ko pa ang lahat hanggang sa makarating na ako sa table at binuksan ko na ang aking desktop computer. Tahimik pa rin silang lahat at iba na ang katabi ko. Nasa bandang unahan na si Shiela at mabuti na rin iyon na magkalayo kami dahil baka masaktan ko talaga siya. Naging matiwasay naman ang araw na iyon at wala ng nanggulo pa sa akin. Kahit na sa pag-uwi ay hindi na ako sumabay sa kanila. Mas nanaisin ko na lang mag-commute kaysa makarinig ng kahit anong usapan tungkol sa ginawa ko ng araw na iyon. Alas-otso na ng makarating ako sa bahay dahil bumili pa ako ng ilang pagkain para sa aking hapunan. Sandali lang ako nakapagluto at naglinis ng aking katawan tapos ay pumunta na sa aking kwarto para makapagpahinga. Nasa kalagitnaan ako ng pagbabasa ng mga balita sa internet ng may marinig akong ingay sa labas ng kwarto. Nakiramdam pa ako sa paligid at tinabi ang aking cellphone. Alam kong sinara ko ang bawat bintana at pinto sa labas kaya nagtataka ako kung saan manggagaling ang ingay. Dito sa lugar na ito, magkakalayo ang mga bahay at walang makakarinig kapag may ingay galing sa bahay. Wala akong mahihingian ng tulong ng mga sandaling iyon kaya kailangan kong protektahan ang sarili ko. Mabagal kong kinuha ang aking baril sa drawer at lumakad papunta sa bintana para silipin kung sakaling may umaaligid sa akin pero wala akong nakita na kahit ano sa lugar na iyon. Patay na ang ilaw sa loob ng kwarto pero ang lampshade lang sa tabi ko ang tanging liwanag na mayroon ako. Dahan - dahan akong lumakad papalapit sa pinto para pakinggan kung ano ang mayroon sa labas. Tanging liwanag na lang galing sa buwan ang nagsisilbing ilaw sa bahay at wala rin akong lakas ng loob na buksan ang ilaw dahil sa takot na bigla akong atakihin ng kung sino man. Nilibot ko ang aking tingin at wala talagang tao sa labas. Bumugtong-hininga na lang ako at baka guni-guni ko lang ang aking narinig kaya lumakad ako papunta sa switch ng ilaw tapos ay ginala muli ang tingin ko sa buong bahay. Sa tapat ng pinto, may nakita akong isang papel at may nakasulat doon pero gamit ang pulang tinta. "UMALIS KA NA DITO AT HUWAG MO NG SUBUKAN MANGGULO!" iyan ang nakasulat sa papel at halos mapunit na ito sa pagkakahawak ko. Pakiramdam ko tuloy ay tinatakot ako ng kung sino man ang gumawa nito. Kinuhaan ko ng litrato ang papel na yon dahil ipapasa ko iyon kay Papa at Spiel. Kakailangan ko siguro ng tulong nila dahil nakakasiguro ako na malaking tao ang may kinalaman sa pagkawala bigla ni Genro. Nang makasiguro akong walang ibang tao sa loob ng bahay, tiningnan ko muli ang lock ng pinto at ang mga bintana. Walang bahid ng karahasan sa mga ito at nakahinga ako ng maluwag. Bumalik na ako muli sa loob ng aking kwarto dala ang papel na iyon para magsilbing ebidensya oras n malaman ko kung sino ang gumagawa nito sa akin. Ito ang unang beses na may gumawa sa akin nito. Kait nasa Maynila pa ako ay hindi ako nakakatanggap ng mga death threats. Mas marami akong naipakulong doon kaysa dito. Naisip kong si Shiela ang gumawa nito sa akin pero alam kong nakakaramdam na siya ng takot kaya hindi na siya gagawa ng isang bagay na maaari niyang ikapahamak. Sa pag-iisip ko kung sino ang gumawa nito sa akin ay tuluyan na akong nakatulog.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD