CHAPTER 13

1636 Words
"Hindi 'to pwede!" Nanlaki ang mga mata ko habang mabilis na bumabangon sa pagkakahiga sa couch. Kadarating lang namin ni Sebastian at alas otso na ng gabi. Si Dan! "Ayaw pa ring gumana." Napakagat na ko sa darili ko. Sinubukan kong paganahin 'yung cellphone ko, kaso ayaw na talaga at may tumutulo pang tubig. Kailangan ko siyang puntahan. "Ariel, saan ka pupunta? Gabing-gabi na!" Pinagmasdan ako ni Sebastian, tumatakbo ako nang mabilis palabas ng mansion. "Sandali lang ako!" tumatakbo kong sigaw. "Pahiram sandali ng kotse!" Pinatakbo ko 'yon nang mabilis papunta sa pinag-usapan naming lugar. Pagka-park, bumaba agad ako at tumakbo ulit papasok sa sinehan. Nagulat ako nang makita siyang nakaupo pa rin sa isang gilid. Kinakain na ang popcorn na hawak habang sumusulyap-sulyap sa kanyang relo. "Sorry," hingal na sabi ko, naghahabol pa rin ng hininga. "Ayos ka lang ba?" "Tumakbo ako‐" Huminga ulit ako. "Papunta rito." Tinawanan niya ko. "Sorry talaga." "Ayos lang. Three hours ka palang late." Tumingin siya sa relo niya at muli akong tinawanan. "Naubos ko na 'yung popcorn. Bumili na lang ulit tayo." "Pero pasara na rito." Turo ko. "Ahm, sayang naman 'to." Pagpapakita niya sa dalawang ticket. "Sorry talaga ha? Medyo nagkaproblema kasi kanina." Naglangoy kasi ko ng sobrang layo kasama 'yung isda kanina. "No, it's okay. 'Wag ka ng mag-sorry nang mag-sorry diyan. Siguro, bumawi ka na lang. Libre mo ko ng hapunan." Kumapit siya sa braso ko na parang bata. Tinignan ko 'yon at alangan na lang na ngumiti. Sa 24 hours fastfood kami napunta. Wala ng gaanong bukas na restaurant dahil nine na at kung meron man pasara na. Pinagmasdan ko siyang umo-order ngayon sa counter. Napakatiyaga niyang maghintay. Kung ako 'yon, baka ten minutes pa lang siyang late ay umalis na ko. Gwapo si Dan, maganda 'yung mga mata niya, may mahahabang pilikmata, matangos ang ilong at maninipis ang mga labi. Pero mas gwapo si Sebastian, hamak gwapo ng ilang paligo. "Ba't iniisip mo siya?" Tinapik ko agad ang nuo ko. "Sinong kausap mo?" Mapang-asar siyang tumingin sa paligid bago nakatawang binaba ang tray na hawak. "Babawi na lang ako sa'yo sa ibang araw. Lagi ka namang hindi busy, 'di ba?" Ngumiti ako at kinuha ang inaabot niyang pagkain. "Niyayaya mo kong mag-date?" Sarkastiko akong natawa sa biro niya. "Babawi lang kako ako." "Kaya nga. Gano'n na rin 'yon, 'di ba? Ibig sabihin may pag-asa." Lalo siyang ngumiti. Kumain na lang ako. Masyado siyang mabilis mag-isip. Hindi pa nga nahuhulog 'yung loob ko sa kanya tapos ganyan na siya. Tsk. Tsk. Marami pa siyang dapat matutunan sa panliligaw. "Nga pala!" Gulat niyang tinakpan ang bibig niya. Natawa ko. "Bakit? Ano 'yon?" Kinagat ko 'yung fries bago siya tingnan ulit. "Wait lang." Tumayo siya at biglang tumakbo palabas. From: Sebastian . Ano 'to? Naningkit ang mga mata ko. Tuldok? Pinagbabantaan niya ba kong umuwi na? Maya-maya pa, natawa ako habang nakasandal at nakatingin sa cellphone. Nag-sent si Sebastian ng sticker. Isang bear na galit at nakatingin sa relo niya. Ang cute. "Teka nga. Bakit na naman siya ganito? Napakapa-fall!" Umirap ako sabay lapag ng cellphone at mabilis din 'yong kinuha nang tumunog ulit. This time, nag-sent siya ng puso then– From: Sebastian Wrong send. Napanganga ko. "Para sa'yo." Mabilis akong napabalik sa realidad dahil kay Dan. May hawak siyang bouquet at hingal na hingal na nakatayo ngayon. "Thank you.." "N-nakalimutan ko kanina sa sinehan. Buti hindi nawala." Siya naman ang hingal ngayon. "Tinakbo mo mula rito 'yong sinehan?" "Oo." Kumamot siya sa ulo niya. "Nakalimutan kong may kotse kong dala sa pag-aapura." Umupo na ulit siya sa upuan. Ini-straight niya agad 'yung coke at saka ako nginitian nang alangan. "Huminga ka." "Humihinga ko." Parehas kaming natawa. Twelve na noong nakauwi ako. Yakap ko 'yung bouquet habang pasimpleng sumusulyap-sulyap sa paligid na parang akyat bahay. "Mabuti na lang. Mukhang tulog na siya," natutuwa kong bulong pagkapasok ng kwarto. Dahan-dahan kong sinara ang pinto para hindi na siya magising. "Anak ka ng isda! Sebastian!" angal ko sabay hawak sa dibdib ko. Para siyang multo na bigla na lang sumusulpot kung saan. Nakaputi pa siyang bathrobe kaya lalo akong natakot. "Anong oras na, Ariel?" Nakahalukipkip siya habang nakatayo ngayon sa harapan ko. "Twelve?" Kunyari akong tumawa at mas hinigpitan ko ang hawak sa bouquet nang tingnan niya 'yon. "Ano.. Na-nakipagkita kasi—" "Nakipag-date ka?" Tinaasan niya ko ng kilay. "Bampira ba 'yang ka-date mo at gabi kayong lumalabas?" "Hoy, 'wag ka nga! Ikaw kaya ang may kasalanan nito! Muntik ko na siyang hindi abutan kanina!" "Ako?" Sarkastiko siyang tumawa habang nakaturo sa sarili. "Oo, 'no! Paglangoyin mo ba naman ako nang sobrang layo! Pakiramdam ko nga busog pa rin ako sa dami ng nainom kong tubig dagat!" madrama kong reklamo para magkabaliktad ang sitwasyon. "Kung gano'n dapat pala naiwan ka na lang doon," mataray niyang sagot. Natigilan ako habang umaayos na. Wala talaga akong laban sa kanya. "Kung hindi kita niligtas baka nasa ilalim ka na ngayon. Pinag-fie-fiestahan ng mga pating." Siya pa itong parang galit. Lumabas siya sa pinto at sinara 'yon nang sobrang lakas. Napanganga na lang ako habang naiiling-iling. Sumaldak agad ako sa kama at inis na tumingin ulit sa pinto. "Bakit ba ko nagkakagusto sa kanya? Ang sama-sama ng ugali! Totoo namang kasalanan niya 'yon." Kinabukasan, sa office lang kami naglagi. Marami siyang meetings kaya naman naging busy kaming pareho. Hindi niya rin ako pinapansin na para bang kasalanan ko talagang naglangoy kami nang sobrang layo kahapon. "Ms. Lea, pa-cancel muna ng business trip ni President sa Hong Kong. May mas importante kasi siyang lakad next week." "Okay, sige. Itatawag ko." Ngumiti ako bago lumabas sa office niya. Dumiretso ko sa maliit na coffee shop sa ibaba ng building para mag-relax kahit five minutes lang. To: Dan Ite-text na lang kita ha? Hindi pa rin ako pwede ngayong araw. Mukhang tatanda akong dalaga nito. From: President Cancel my meeting for next week with Mr. Elion. To: President Okay, sir. From: Dan Pwede naman ako kahit nine ulit :) From: President Make sure everything goes according to plan. To: President Okay, date tayo mamaya. "Bwisit!" Mas lalo kong nilapit ang cellphone ko sa akin. Nabitawan ko 'yung straw ng iced coffee ko dahil sa sobrang taranta. "Paano na 'to?" Sa kanya ko ba talaga nai-send?! Nagta-type pa lang ako nang mag-reply siya kaya napapikit agad ako. Ayokong tingnan. From: President Where? "Anong where?! Payag siya?!" To: President Wrong send lang 'yon.. :D Natauhan lang ako sa paghihintay sa reply niya nang maubos ko 'yung kapeng iniinom ko. Um-order pa ko ng isa pa at muling tumitig sa screen habang naghihintay ng reply. "Bakit hindi na siya nagre-reply?" "Ms. Cruz." "Ay! Sorry!" "Miss, mag-iingat ka naman. Muntik mo na ko." "Ms. Cruz, anong ginagawa mo?" Lapit ni Sebastian. "President," nagulat namang sabi ng babaeng muntik ko ng matapunan ng kape. "Sorry, ma'am. Hindi ko alam. Bago lang po ako." Yumuko na siya nang yumuko sa akin. "H-hindi! Ako ang may kasalanan! Muntik na kitang matapunan.." At mabilis na siyang tumakbo palayo. "Ms. Cruz." "Yes po." Ngumiti muna ko bago siya harapin. "May kailangan po kayo, President?" "To my office.." Tumingin siya sa paligid. "Now," dugtong niya at tinalikuran na ko. Kinakabahan ako. Siguradong pagagalitan niya ko dahil sa wrong send na 'yon. "President, nandiyan po ngayon si Mr. Wang." Huminto siya sa paglakad dahil sa sinabing tao ni Ms. Lea. Taka siyang tumingin sa akin. "Bakit daw, Ms. Lea?" Ako na ang nagtanong at lumapit. "Walang sinabi sa akin pero kanina pa siya diyan naghihintay," bulong niya, tinatansya si Sebastian. "Asan siya?" "Ikaw na ang sumama, Ariel. Iwan na ko," bulong niya ulit. "Okay, sige." "President, nasa lobby po siya ngayon." "Galing ako do'n." Bumalik ulit kami ni Sebastian sa elevator. "Sure kang haharapin mo siya?" tanong ko. "Why not?" "Ahm, kasi siya 'yung boyfriend ni Vanessa ngayon?" "So what?" Sinusungitan niya na naman ako. Hinayaan ko na lang. Maporma niyang inayos ang suot na jacket bago lumabas sa elavator. Mukhang tatarayan niya si Liam. "Good afternoon," nakangiting bati nito kay Sebastian bago ako sulyapan. Mabait naman siyang tingnan kaso balita ko isa rin 'tong mayabang, maiinitin ang ulo at nagpapatalsik din agad ng empleyado. Kagaya ni Sebastian. Mukhang ganyan ang tipo ni Vanessa. "What do you need?" walang paligoy-ligoy na tanong ni Sebastian. "Nandito ko para imbitahan ka sa engagement party namin ni Vanessa." Nananadya ba siya? Aba, mayabang ding ngingisi! "Nandito ka for what?" Tumawa nang sarkastiko si Sebastian habang binubulsa ang mga kamao. He needs to keep his image. Kahit halatang napipikon siya ngayon. "Bingi ka rin pala." Mayabang niyang hakbang palapit kay Sebastian. Nakipagmataasan siya rito at saka mapang-asar na tumawa. "See you there." Nag-salute siya habang lumalakad palayo. "Ang yabang," inis kong bulong sa hangin. Tinignan ko agad si Sebastian na pikon na pikon. "Ayos lang 'yon. 'Wag kang magpapadala." "Alamin mo kung kailan 'yon. Pupunta tayong dalawa," utos niya saka tinalikuran na rin ako. Isasama niya ko? Parehas lang kaming magmumukhang tanga doon parang noong party nina Noah at Natalie. Oo, medyo-medyo lang akong naging mukhang tanga no'n dahil sinamahan niya ko pero! Ano namang magagawa ko para sa kanya? Wala akong mapagmamayabang bukod sa baliw ako minsan. "And Ms. Cruz." Bumalik siya. "Kung lalabas tayo mamaya. Mag-out ka ng maaga. Pupunta tayo ng Batangas." "Po?" "Anong po?" Tinaasan niya ko ng kilay. "Sabi mo mag-date tayo, right? Tama naman ang basa ko." Tinignan niya ulit 'yung phone niya. "Oo, p-pero sabi ko rin‐" Dumungaw ako doon. Bakit wala 'yung huling text ko? "Sa parking lot na tayo magkita mamaya." "T-teka!" Mabilis kong nilabas ang cellphone ko. "Anong unsent?! Ang tagal kitang tinitigan!" Totoo ba 'to? Makikipag-date talaga siya sa akin mamaya?! Sa akin talaga?! Tapos akong babae ang nag-aya?! "Masisiraan na ko ng bait."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD