"Hay! Bakit ba ko nagpadala sa galit?!" kunsumido na sabi ko sabay sipa nang malakas sa isang bato.
May pang-taxi ko pero wala namang taxi na dumaraan. Malas talaga. Para tuloy akong basang sisiw na lumalakad.
Huminto ako at natauhan nang may malakas na liwanag akong makita. Nang gagaling ito sa likuran ko kaya mabilis kong hinarap 'yon. Nakakasilaw na kailangan ko pang takpan ang itaas ng mga mata ko at sipatin ang tinitignan ko.
May astig na bumaba sa loob nito. Isang sobrang tikas na lalaki. Para siyang nasa action scene sa isa sa napanood ko dati. 'Yung tipong kapag susugod na 'yung bida sa kalaban. Gano'n na gano'n ang tingin ko ngayon sa kanya. Samahan niyo pa ng mayabang niyang pagpagpag ng suot na jacket. Hinawakan niya 'yon sa bandang laylayan at saka hinawi patalikod. Napanganga ko habang palapit siya.
"I'm sorry." Parang pilit dahil sa mga mata niyang hindi makatingin sa akin. "Umuwi na tayo." Ngumiti siya na muling nagpatibok nang malakas sa puso ko. Nilahad niya sa akin ang isang kamay niya at minostrahan akong kuhanin na 'yon.
Napalunok ako, pinipilit kong umayos pero heto na naman ako at naa-attract sa kanya. Siguro nga, effective ang pagbabasa niya ng maraming libro para maging isang perpektong lalaki na magugustuhan ng lahat. Kasi pakiramdam ko, lubog na lubog na ko at kapag hindi niya ko sinagip ay malulunod ako.
"Ariel, ano? Lalakad ka na lang diyan?"
Binalikan niya ko. Binalikan ka niya kaya 'wag ka ng umarte diyan. Okay lang, hindi naman mataas ang pride mo.
"Sorry din." Umiwas ako ng tingin pagkahawak ko sa kamay niya. Ngumiti siya at hinila na ko papunta sa passenger seat.
Niliko niya ang sasakyan na ikinagulat ko. Napatingin ako sa paligid bago siya tingnan.
"Saan tayo pupunta?" tanong ko.
"Uuwi na."
"Pe-pero‐" Tumuro ako sa tinatahak kong daan kanina.
"Anong pero?"
"Hindi ba doon 'yung daan?" mahina kong tanong na tinawanan niya na may pagkasarkastiko.
"Mukhang ligawin ka, Miss Cruz."
"Madilim lang." Umiwas ako ng tingin.
"Sa susunod, kahit galit ako. 'Wag ka ng bababa. Hassle lang para sa akin. Ito na 'yung pangalawang beses na hinanap kita kung saan-saan."
Kumabog ulit 'tong dibdib ko. Pakiramdam ko nag-init bigla ang pisngi ko dahil sa sinabi niya. Yumuko na lang ako at bahagyang tumingin sa kabilang direksyon para hindi niya makita.
"Sorry sa mga nasabi ko kanina. Medyo sumobra ko."
"Anong medyo?" bulong ko.
"Okay, fine. Sumobra ko. Happy?"
Nilaro ko muna ang darili ko sa seatbelt. Nahihiya ko siyang sinulyap-sulyapan bago ako nakahugot ng lakas ng loob.
"Sorry din. Ikaw naman kasi ang nanguna," mabilis na sabi ko sabay iwas ulit ng tingin nang sulyapan niya ko. Tumawa siya at tinapik ako. Nagulat ako kaya napatingin agad ako sa kanya.
"Okay lang 'yon. Actually, nakakatuwa nga, e." Biglang umaliwalas ang mukha niya. "Ito ang unang beses na nag-date tayo tapos away agad." Mas lumakas ang pagtawa niya. "See, Ariel? Hindi talaga tayo pwede. Baka araw-araw kung magkakarelasyon tayo, may away."
"Paano mo nasabi?" wala sa kamalayan kong tanong.
"Kasi first date pa lang natin tapos ganito na. Bakit ikaw? Ano bang sa tingin mo?"
"Well.." Kunyari akong nag-iisip. "Hindi pa kasi kita gusto. Iba ko kapag gusto ko 'yung tao."
"Hmmm, so may hidden talent ka pala."
"Hindi 'yon talent," reklamo ko. "Gano'n talaga kapag magmamahal ka. Mas ginagawa mong better 'yung sarili mo para sa taong mahal mo."
"Hmmm." Tumango-tango siya na para bang hindi sang-ayon.
"Bakit ganyan 'yang reaksyon mo? Sa lahat ng tao kahit pa sirena, ikaw dapat ang lubos na makakaintindi sa sinabi ko. Binago mo 'yung sarili mo para kay Vanessa."
"Ariel." Hininto niya ang sasakyan sa tapat ng isang restaurant.
"Kakain ba muna tayo?" taka kong tanong at natigilan nang maharap ako sa direksyon niya. Nakatitig lang siya ngayon sa akin nang diretso. Napatitig din ako.
"Binago ko ang sarili ko para sa akin," seryoso na sagot niya. Nailang tuloy ako. "Mahirap mabuhay sa mundo niyo. Maraming taong mapanakit, mautak at magbababa sa'yo."
"Oo na, binabalik mo na naman 'yang issue ko."
Umiling siya. "Sinasabi ko sa'yo kung anong naging buhay ko dati. Mahirap pero, Ariel . . . hindi ko hinayaan 'yung sarili ko na apakan lang nila."
"Edi ikaw na ang matapang." Umiwas na ko ng tingin kaso hinawakan niya ang baba ko at pinaling ulit ang mukha ko sa kanya.
"You can do it too." Nginitian niya ko.
Kusang gumalaw ang katawan ko. Nakapikit ko siyang niyakap nang sobrang higpit. Ilang minuto rin bago ko siya pakawalan. Humugot ako ng malakas na paghinga bago umayos para bumaba ng kotse. Wala siyang kibo. Titingin-tingin lang at ngumingiti kapag nahuhuli niya ang pagsulyap ko.
Mahinhin akong umupo nang magdasog siya ng isang upuan.
"Salamat." Binigyan ko siya ng magandang ngiti bago siya umikot papunta sa katapat kong pwesto.
"Waiter," tawag niya.
Nakakailang...
Bakit ko ba siya niyakap kanina? Para saan 'yon? Nababaliw ka na talaga, Ariel.
"Anong gusto mo?" Nakangiti siyang tumingin sa akin.
"Ahm, kahit ano," mabilis kong sagot saka ko kunyaring pinagpag ang panyo na nakalagay sa plato.
"Kahit ano raw."
"Kahit ano po?"
Napatingin ako sa waiter na tinitignan ako ngayon.
"Kahit ano na lang na specialty niyo. Ikaw na ang bahala," alangan kong sagot sa pagtingin niya.
"Okay po," magalang nitong sagot at umalis na.
Tinawanan lang ako ni Sebastian habang nilalagay niya 'yung napkin sa hita niya.
Kung hindi lang ako naiilang. Makikipagtalo na ko ngayon sa kanya.
Pagkatapos naming kumain, dumiretso na rin kami sa mansion niya. Tahimik lang ako sa buong byahe habang siya naman ay ngingisi-ngisi sa hindi ko malamang dahilan.
Nasa bucket list niya bang paiyakin ako? 'Yung tipong lalandiin pero ilulunod lang sa feelings at hindi sasagipin.
Tulala tuloy ako buong araw. Iniisip ko 'yung ginawa kong pagyakap sa kanya.
"Ms. Cruz."
"Yes, sir!" taranta kong sigaw.
Nilakihan niya ko ng mata nang tumakbo ko palapit. Pasimple siyang tumingin sa mga nakasunod sa aming member ng board at ilang empleyado.
"Marami ka bang nainom na kape, Ms. Cruz?" madiin pero pabulong niyang tanong. Inayos niya ang damit niya bago ngumiti paharap sa mga kasama namin. "Okay na ko mula rito. Pwede na kayong umalis." Pinatigil niya agad ang paglilibot sa bagong building niyang pinapatayo.
"Excuse me, Ma'am Ariel."
"Yes?"
"Gusto po sana kayong kausapin ni Architect Pascual. May mga ilang disenyo raw po kasing nabago," bulong niya.
"Nasaan siya?" sabat naman ni Sebastian na ikinatakot niya.
"H-hindi pa raw po kasi final–" "Kinder ka palang ba?"
"Sir, ako na lang po muna ang kakausap kay Architect Pascual," mabait na sabi ko para hindi na matakot 'yung babae.
"No, gusto kong ako ang kausapin niya." Pagmamatigas niya. "Ikaw." Turo niya sa babae. "Tawagin mo siya ngayon or you're fired. Nagkakaintindihan ba tayo? Ayoko sa lahat 'yung uutal-utal."
"Y-yes, sir."
Nautal ulit siya kaya mabilis ko siyang minostrahan na umalis na.
"Ilan pa bang meeting ang meron ako ngayong araw?"
"Dalawa na lang po."
"Anong po?"
Bakit ang sungit niya na naman?
"Po?" Pagmamaang-maangan ko. "Anong po?" saka ko pa inulit.
"Ariel." Yumuko siya palapit sa mukha ko. Hindi ko mapaliwanag pero sa tuwing tatawagin niya 'yung pangalan ko. Parang may mga paru-parong hindi mapakali sa loob ng tiyan ko.
"Y-yes, sir?"
"Bakit ka nauutal? Nakakahawa ba 'yan?"
"Bakit kasi ganyan kang makalapit?"
"Ang ganda mo kasi ngayong araw." Ngumiti siya nang gulat ko siyang titigan.
Ang hirap naman nito. Sabi niya 'wag akong mahuhulog dahil ayaw niya kong saktan pero siya naman 'tong nangunguna.
"Nandito po sila, archi."
Mabilis kaming naglayo ni Sebastian. Umayos siya ng tayo at muling nagseryoso ng mukha.
Nakahinga ako nang maluwag. Pakiramdam ko, may nabunot na tinik sa dibdib ko noong lumayo na siya sa akin.
Ano ba 'to?
"Ariel, wooohooo! Ariel?"
"Dan!"
"Wow, parang nagulat ka pa sa presensya ko kahit kanina pa tayo magkasama. Sure ka bang okay lang na mag-date tayo ngayon? Para kasing hindi ka okay."
"Oo naman, busy ka ba ngayong araw?"
"Hindi, nag-aalala lang ako sa'yo. Pwede naman din ako bukas, linggo."
"Magkasama na tayo. Aatras ka pa?" biro ko saka kunyaring tumawa.
"Ahm, wala pa naman sa 'yong nanliligaw na iba, 'di ba?" Lumakad siya paharap sa akin. Tumigil ako.
"Alam mo ayoko sa mga ganyang style. Gusto ko sa lalaki 'yung sumasabay lang sa agos."
"Agos?"
"Oo, enjoyin mo munang makipag-date sa akin. Hindi mo pa nga alam kung gusto kita, e." Nilampasan ko siya at nauna kong pumasok sa amusement park.
Agos talaga ang ginamit mong term, Ariel? So, gusto mo ng isda?
"Hay, talagang plano ko yatang saktan ang sarili ko." Bumuga ko ng hangin bago lingonin si Dan na sumisigaw ngayon na nakasakay sa roller coaster.
Wala akong maramdamang impact kahit na gwapo rin siya tapos mabait pa. Dati parang meron pero nagbago 'yon noong nahalikan ko na si Seb, nayakap at naka-date.
Hindi pa nga 'yon totoong date. Kasi kailangan ko pang bumawi sa kanya. Dapat pala pinagsabay ko sila ni Dan. Para malaman ko agad kung sino ba talaga ang gusto ko. Ayokong makipaglaro, kapag siya na, siya na talaga hanggang sa pagtanda. Kaso hindi naman ako magugustuhan ng isdang 'yon.
"Isang babae lang ang pwede naming mahalin." Panggagaya ko sa sinasabi niya lagi. Napairap ako at napasaldak sa bench malapit sa merry-go-round.
"Burger at fries lang ang nabili ko." Umayos na ko nang dumating si Dan. Nakangiti niyang inabot ang pagkain na para sa akin at umupo na rin sa tabi ko.
"Salamat. Pero 'di ba dapat libre ko?"
"Ha? Ako ang lalaki. Dapat ako ang gagastos. Bawing-bawi ka naman na. Nag-enjoy ako sa mga rides."