"Ma'am Ariel? Totoo bang magre-resign ka?" bulong ni Jacky. "Ma'am?"
"Y-yes?" Natauhan ako dahil sa pagkalabit niya sa braso ko.
Iniisip ko pa rin 'yung nangyari noong nakaraang linggo. Halos mapudpod na 'yung mga labi namin pero wala pa rin kaming sawa sa isa't isa. Hindi ko pwedeng hayaan ang sarili ko na magpadala sa gano'ng sitwasyon. Ako lang ang masasaktan. Isa lang ang kaya nilang mahalin.
"Kaya uunahan ko na siya.."
"Uunahan? Magre-resign na rin po si Ma'am Lea?!"
Gulat kong tinignan si Jacky na nasa tabi ko pa pala. Masyado kong nadadala sa nangyari.
"Siguradong maraming matatanggal kapag umalis ka," sabat ni Ma'am Morisette na nakatingin ngayon sa monitor ko. Gumagawa kasi ko ng resignation letter at kanina pa nila ko inaabala.
Hindi ko pwedeng magustuhan si Sebastian. Aanhin ko 'yung yaman niya kung masasaktan naman ako sa dulo? May mali sa mga mata niya. Ramdam ko 'yon at hindi niya 'yon makontrol. Ayoko sa ganito. Kailangan kong tumakas kahit maging mahirap na lang ako habang buhay.
"Pero hindi ko siya pwedeng hayaang mamatay.." Inis akong dumukdok habang madiing nakapindot sa delete button.
Wala siyang kasama kapag namatay na siya. Walang maglilibing sa kanya o aalala o iiyak.
"Pero anong pake ko ba kasi sa kanya?!" Inis kong tayo.
"Good afternoon, President." Sabay silang umayos at yumuko.
Nagtama ang mga mata namin ni Sebastian. Kinambatan ako ni Ma'am Morisette na tanggalin 'yon. Lahat natatakot tumitig sa kanya dahil ginagawa niyang miserable ang buhay nila. Pero tumitig man ako doon o hindi, ginagawa niya na rin namang miserable ang buhay ko.
Bukod sa nadadamay na ko sa problema niya, hindi ko pa siya maiwang mag-isa. Masasaktan ako kapag nagpatuloy ako sa pagtatrabaho para sa kanya. Kailangan kong makawala.
"May gusto ka bang sabihin?" Seryoso siyang huminto at nagpamulsa.
Isang tingin niya lang sa dalawa ay mabilis na silang tumakbo paalis.
"Galit ka pa rin ba dahil sa nangyari?" Ngumisi siya. Hindi niya talaga sineseryoso ang mga nangyayari sa amin. "Ikaw ang nanguna. Natatandaan mo ba?" Tinaasan niya ko ng kilay.
"Magre-resign na ko."
Sarkastiko siyang tumawa. "Hindi ka pwedeng mag-resign. May kontrata tayo, Ariel." Mas lumapit siya sa akin at bigla na lang nagseryoso. "Nag-sorry na ko sa'yo. Hindi kita ginalaw."
"Oo, kasi hindi mo naman kaya," matapang kong sagot sabay iwas ng tingin sa kanya. "Hindi 'yon ang dahilan kaya magre-resign ako," dugtong ko habang kunyaring nag-aayos ng mga folder sa harapan ko.
"Don't tell me you're leaving because you like me."
Napatawa ko, hindi makapaniwala sa sinabi niya.
"Kung hindi 'yon ang dahilan. Patunayan mo," seryoso niyang dugtong at dumiretso na sa office niya.
Mahigpit akong napahawak sa folder.
Nang mag-uwian, wala akong paalam na umalis ng kumpanya. Wala siyang karapatang magalit kung hindi ko man ngayon sinasagot ang tawag at text niya. Boss ko lang siya at may sarili kong buhay.
"Hello?" Gusto kong tapikin ang sarili ko nang sagutin ko ang tawag niya. Thirty missed calls and five text. Hindi ako marupok, ha? Nataranta lang ako dahil doon.
"Hindi na ko uuwi diyan. Doon na lang ako sa bahay," sagot ko ulit, hinang-hina na dahil sa mga sinasabi niya. "Asawa ba kita?! Ano naman kung hindi ako umuwi diyan?!" Binabaan ko agad siya ng tawag.
Inis akong kumain ng ihaw-ihaw na binili ko kanina.
"Oh?! Ba't nandito ka?!" Napaatras ako sa gulat. Nalunok ko yata nang buo 'yung bituka ng manok sa bibig ko.
"Binababaan mo na ko ngayon?"
"Pwede bang tigilan mo na ko? Tapos na 'yung office hours. Hindi na kita boss."
"May usapan tayo. Hindi ka pwedeng umatras."
"Kung iniisip mo 'yung magiging burol mo. 'Wag kang mag-alala. Aasikasuhin ko pa rin 'yon."
"Ariel." Ngumiti siya nang mapait kaya natigilan ako. Sa mukha niyang 'yan, para kong may nasabing mali.
"Ano?" Kunyaring pagmamatapang ko.
"Akala ko iba ka."
"Ano ba 'yang sinasabi mo?" Napangiti na rin ako nang mapait habang tinatapon 'yung stick ng ihaw-ihaw sa basurahan.
"Katulad ka rin ni Vanessa," bigkas niya at bigla na lang akong tinalikuran.
"'Wag mo siyang hahabulin," banta ko sa sarili kong paa. "Bwisit! Bakit kasi tinutulad niya ko sa ex niya?! Hoy! SEBASTIAN!" Inis kong habol.
Halatang galit siya dahil sa walang modo niyang paglalakad nang mabilis.
"Hoy, ikaw!" Hingal ko siyang hinarang. "Sino ka para itulad ako sa Vanessa mo?! Ibang iba kami!"
"Parehas lang kayo." Inirapan niya ko at nilampasan ulit na ikinatawa ko na nang sarkastiko.
"Parehas?! Kami?! b***h 'yon, ako hindi!" sigaw ko kahit nakatalikod pa siya.
"Parehas niyo lang akong sinukuan," aniya nang hindi humaharap.
Natigilan ako dahil doon. Nagpatuloy siya sa paglakad hanggang sa makasakay ng kotse.
"Anong ginagawa mo?" Inis niya kong hinarap nang sumakay ako.
"Sabi mo 'di ba, na kahit galit ka 'wag akong magpapaiwan. Kasi hahanapin mo ulit ako." Sinubukan kong ngumiti.
Rinig ko ang malakas niyang pagbuga ng hangin. Hindi pa rin siya nagda-drive kaya naman tinignan ko na siya. Seryoso lang ngayon ang mukha niya, nakatulala sa malayo.
"Sorry na," napilitan na sabi ko. "Tama ka, ako talaga ang may kasalanan no'n. Hindi dapat kita hinalikan." Umiwas agad ako ng pagtingin nang sumulyap siya. "Seb, nagkamali ako. 'Yon ang dahilan ko kaya ako magre-resign. Hindi ko pwedeng hayaang magpatuloy 'yon."
"Hindi ko na ulit gagawin 'yon. Hindi na kita lalapitan kaya naman–" Huminto siya nang magtama ang mga tingin namin. "'Wag ka ng umalis."
"Okay, sige." Bumuntong hininga ko. Oo, siguro nga marupok ako. Wala, e. Lumagapak na ko sa lupa.
"I'm not that kind of person, Ariel. If you think I’m taking advantage of you, you’re wrong."
"Alam ko." Nginitian ko siya.
"May.."
"May mali sa'yo." Pagtuloy ko sa gusto niyang sabihin.
"Hindi ko rin alam kung ano 'yon. May kakaiba kong nararamdaman na ngayon ko lang naramdaman sa buong buhay ko," sabi niya kasabay ng paghawak sa dibdib niya.
"Lust?" alangan kong sabi sabay ubo nang tingnan niya ko nang masama.
"Iba, Ariel. Iba," pikon niyang sagot.
"Bakit? Naisip ko lang naman 'yon." Umiwas ako ng tingin. "Sa tuwing magbu-blue kasi 'yang mata mo. Hinahalikan mo ko. Nangyari na ba sa'yo 'yon dati?" Balik ko ng tingin sa kanya na saktong dahilan ng pagkakalapit ng mga mukha namin.
Napalunok ako nang makita ang pag-iba ulit ng kulay ng mga mata niya.
"Sebastian!" reklamo ko nang akma siyang lalapit. Tinulak ko siya sabay layo. "Ayan ka na naman!"
"Sorry." Siya ngayon ang umiiwas na ng pagtingin.
"Hindi mo ko pwedeng halikan nang halikan tuwing magbu-blue 'yan! Babae rin ako, Seb."
"Alam ko."
"Alam mo naman pala, e! Ikaw na ang nagsabi na 'wag akong mahuhulog sa'yo pero kung gagawin mo 'yan lagi! Paano na lang 'yung feelings ko?!" Bumaba na ko.
"Saan ka pupunta? Hindi ko naman tinuloy, ah!" Paghabol niya at hinarangan ang daan ko.
"Sebastian, ito 'yung problema. Hindi mo pwedeng gawin 'yon lagi sa–" At hinalikan niya na nga ako. Sinipa ko siya sa binti pero walang talab. Mas lalo niya lang akong nilapit sa kanya at mas diniinan ang paghalik. Ang daming taong tumitingin kaya naman mas pinili ko ng pumikit.
Parehas kaming hindi nagpapansinan sa loob ng sasakyan. Pagdating sa bahay, tumakbo agad ako papuntang kwarto. Hindi man siya payag pero aalis na talaga ko.
Palihim kong inayos lahat ng gamit ko sa dalawang maletang nandito ngayon.
"Ayos lang sigurong may maiwan."
Tumango-tango ako at muling nagpatuloy sa pag-eempake.
"Ariel."
Gulat kong dinagnan ng sarili ang mga gamit ko sa kama.
"Aalis ka?" seryoso niyang tanong, nakahawak pa rin sa pinto.
"Look, Seb. Hindi talaga pwede, e. Hindi mo nako-control ang sarili mo."
"Iiwan mo ko?"
"Pwede pa rin naman akong maging secretary mo pero.." Inikot ko ng tingin ang buong kwarto. "Dito.. Mag-hire ka na lang ng sasama sa'yo. 'Yung lalaki."
Pumikit siya na para bang nakukunsumi. Malakas siyang huminga saka dumilat palapit sa akin.
"Anong gusto mo kapalit ng pagtira mo rito? Lahat, kaya kong ibigay."
"Wala." Nakipagtitigan ako sa kanya.
"Kahit ano.. Ibibigay ko sa'yo.." papadiin na sabi niya.
"Seb.. Wala akong gusto na kahit ano.."
"Ano 'yon? Gusto mo lang umalis?"
"Hindi mo pa rin ba naiintindihan?! Hindi nga tayo pwedeng magsama!"
"Nandito ka dahil pumirma ka sa kontrata."
"Wala na kong pakialam doon. Sa'yo na 'yung yaman mo." Binuhat ko 'yung dalawang maleta pababa ng kama. "Hindi baleng maghirap ako. Atleast, naligtas ko ang sarili ko habang maaga pa."
Tinalikuran ko siya habang hila ang dalawang maleta.
"Ano bang gusto mo? Imposibleng wala."
Muli ko siyang hinarap sa huling pagkakataon. "Sorry, pero wala talaga." Ngumiti ako at lumakad na.
"Ako ba?" bulong niya, nakayakap ngayon sa bewang ko. "Ako ba ang gusto mo?"
"Ano ba, Seb?" Pinilit kong tanggalin ang mga braso niya. "Pakawalan mo ko."
"Ayokong mag-isa. Natatakot ako."
Nawala ang reaksyon ko nang masulyapan ang mga mata niya. Blue ulit 'yon. Nakaramdam ako ng kaba at takot. Bakit hindi ako makawala? Kapag hindi ako nakaalis dito ngayon, parang naghukay na rin ako ng sariling libingan ko.
"Sa'yo na ko. 'Wag ka lang umalis," dugtong niyang bulong kaya lalo akong natigilan.
"Isang beses lang kayong pwedeng magmahal."
"Oo."
"Eh, bakit mo sa akin sinasabi 'yan?"
"Samahan mo ko sa huling sandali ng buhay ko."
Nakakainis! Bakit may luhang tumulo sa mga mata ko?!
"Sabi mo ayaw mong saktan ako."
"Pwede bang bawiin 'yon? Ayokong mag-isa." Mas lalo siyang sumiksik sa leeg ko. "Natatakot akong mamatay," nginig niyang dugtong.