Pagkatapos nilang mag-usap, tinawag ulit ni Niccolo ang foreman at binilin kung ano ang gagawin sa hagdan.
Sunod nilang pinuntahan ang likod kung saan ilalagay ang veranda patungo sa master’s bedroom na may hagdan pababa sa backyard kung nasaan ang pool. Sinabihan niya rin ang karpintero na lagyan ng tree house ang malaking puno ng akasya sa likod.
Nakasunod lang din si Daniella.
Niccolo’s POV
Sunod kong tinawag ang in-charge sa landscape at sinabihang lagyan ng mini-garden sa kabilang side ng backyard palibot sa ginawang tatlong gazebo.
“Kung puwede lagyan ng orchids sa mga gilid,” suhestiyon ko. I saw her smirk nang marinig ang binanggit ko.
“Bakla ka talaga ‘no? Ba’t may orchids ka pang nalalaman?” nang-uuyam niyang tanong. Itinaas pa nito ang kaliwang kilay
I just smiled. Para talaga siyang bata. Hindi nalang ako sumagot.
Pagkatapos kong bilinan ang lahat, napagpasyahan na naming bumalik ng opisina.
***
“Why?” naguguluhan niyang tanong nang ihinto ko ang sasakyan sa isang restaurant.
“Lunchtime na, kain muna tayo.” I said with a smile.
“Bakit diyan? Ang mahal!” komento niya.
“Ayos lang ‘yan! Treat ko naman!” kindat ko. Napasimangot naman siya pero sumunod lang din.
Hindi ko alam kung naiinis pa siya kaya ang dami niyang inorder.
“Kaya mong kainin lahat ‘yan?” saad ko pagdating ng order namin. Ngumiti naman siya.
“Masarap kasing kumain pag libre!” Tumawa siya ng mahina. Napailing nalang ako. Tahimik lang siyang kumain. Akala ko matatagalan kami dahil sa dami ng pagkain pero mabilis lang niyang inubos ang order niya.
“Ang bilis ah!” biro ko rito.
“Ganyan talaga sa construction, mabilisan lahat! Para namang hindi ka sanay!” sagot naman niya. Napailing nalang ako sa sinabi niya. Alam ko naman iyon pero siyempre babae pa rin siya. Hindi na lamang ako nagkomento pa.
Pagkatapos ng ilang minuto, magkasunod na kaming bumalik sa kotse.
“What?” tanong nito. Nahuli niya kasi akong sinisipat siya ng tingin.
“Saan mo itinatago diyan ‘yong mga kinakain mo?” biro ko. Ang sexy kasi niya kahit masiba siyang kumain. And I must say she is really beautiful, matangkad, maputi, matangos ang ilong, at deep-set ang mga mata niya.
Tumawa siya.
“Sa mga muscles ko!” saad niya. Napatawa naman ako.
“Tomboy!” biro ko.
“Bakla!” ganting biro niya.
“Pareng Danny!” biro ko ulit habang binubuksan ang pintuan ng kotse para sa kanya.
“Mareng Niccola!” ganting biro niya. Pareho kaming natawa sa aming mga sarili. Para kaming mga bata. Nailing na lang ako habang papunta sa driver’s seat.
Mabilis lang ang naging biyahe namin pabalik ng opisina dahil hindi naman ma-traffic.
Daniella’s POV
Pagdating ng office nagkanya-kanya na kami. Nawala na rin ang pagkainis ko kanina sa kanya. Medyo wala nga ako sa tamang lugar dahil hinusgahan ko siya. Di ko naman kasi akalaing mas senior pa siya sa akin. Pero atleast, wala nang tension sa pagitan namin.
Ipinagkibit-balikat ko nalang iyon at itinuloy na ang trabahong ginagawa ko kanina.
Bandang alas-kuwatro ng lumabas ako ng opisina. Pag Thursday kasi, pizza day namin sa office. Nagpapadeliver si sir Zach ng pizza para sa lahat.
Masaya kaming nagkukuwentuhan kasama ang ilang engineers at architects habang ngumunguya ng pizza nang mapadaan si Niccolo.
“Mareng Niccola, lika pizza tayo!” yaya ko. Medyo napalakas yata ang pagkasabi ko dahil napatingin ang lahat sa akin. Ngumiti naman siya sa akin.
“Sige lang, Pareng Danny! Punta lang ako sa office ni CEO!” saad niya saka tuluyang naglakad papunta sa office ni sir.
Narinig ko naman ang pagtikhim ng ilan sa mga kasamahan ko.
“May tawagan na ah! Nabihag na yata si Engr. Siazon!” komento ni Kaye, isa sa mga babaeng arkitekto. Kabiruan ko kasi ang isang ‘to kaya malakas ang loob na biruin ako.
“Love-at-first day?” biro naman ng isa pang inhinyero.
“Matagal na akong nanliligaw ‘di mo ako sinasagot tapos sa isang ‘yon bumigay ka agad!” segunda naman ng isa pang inhinyero na mukhang tipaklong.
“Of course not!” Napaismid ako. Porke’t basted ito sa akin ganito na magkomento. Haisst!
“Di hamak naman na mas gwapo ‘yon sayo!” kantiyaw naman ng isa pa naming kasama. Napangiti ako dahil hindi na nakapagsalita si tipaklong. Haha!
“Pansin niyo ba ‘yong ngiti ni Engr. Siazon!” singit pa rin ni Kaye. Loko talaga ito, ibinalik na naman ang usapan sa akin.
“Tumigil ka nga! Balik na tayo sa trabaho!” saad ko at naglakad na papunta sa office ko. Natawa nalang din sila. Loko talaga yung mga yun! Binibigyan nila ng kulay ang lahat.