Chapter Four
"Ate, ang dami naman nito." Galak na galak na ani ni Vicky habang sinisiyasat ang mga pinamili ko.
"Vicky, itago mo sa kwarto ang mga iyan. Maglagay ka lang ng dalawang delata sa lagayan. Iyong asukal ay 1/4 lang ang ilagay mo. Huwag mong punuin ang lagayan. Baka kapag nakita ni tatay na marami ang laman ay pakapihin n'ya ang buong barangay."
"Opo, ate." Sarili naming bahay pero kailangan pa ring magtago ng mga ganitong bagay. Masyadong generous ang tatay ko to the point na madalas kami ang nakukulangan. Kapag si Vicky ang inutusan ay walang problema.
Pero kapag si Vella... mapapatid na ang pasensya mo sa kasasalita ay balewala lang. "Ate, saan nga pala ito galing? Hindi ba't kaswesweldo mo lang? Sumahod ka po ulit?"
"Muntik akong mabangga kanina. Binigay no'ng driver sa akin iyan."
"Po? Ayos lang po ba kayo?"
"Oo naman. Itago mo rin iyang isang latang gatas ni Via. Lagyan mo lang din iyong lagayan n'ya ng pang-ilang timplahan." Bilin ko. Saka ko inabot kay Via ang saging na pinabalatan nito.
"Opo."
"Nasaan nga pala si Nanay?" curious na tanong ko. Si Vicky lang ang inabutan kong nagbabantay rito kay Via at sila lang dalawa ang narito.
"May meeting daw sa school ni Vella. Pagme-meeting-an iyong tungkol sa JS prom nila."
"Naki-meeting pa? Wala naman tayong pambayad sa ganyan."
"Sinabi ko na rin kay Vella iyan, ate. Ako nga hindi na sumali noon kasi mahal din ang bayad. Tapos gown pa. Heels pa. Makeup pa. Magastos iyon, ate."
Pangarap ko namang maranasan ng mga kapatid ko iyong mga bagay na hindi ko naranasan noon. Naranasan ni Ate Veronica... pero hindi ko naranasan. Kaso kasi ay hindi kasi talaga kaya. Iyong ipanggagastos sa gano'n bagay ay rito na lang sa bahay gamitin. Mas mabuti pa.
"Malamang sa malamang ay hindi na naman iyon makikinig sa atin." Pareho pa kaming napabuntonghininga nito.
"More." Dinig namin ang maliit na tinig ni Via na naubos na agad ang saging na ibinigay ko. Agad naman akong kumuha ulit at inabutan ito nang mabalatan ko iyon. "Thank you po." Malawak ang naging ngiti ko. Alis ang pagod talaga kapag nakikita ko itong batang ito. Umupo ako sa tabi n'ya. Saka bahagyang pinisil ang pisngi nito. "Saan mama ko?" natigilan ako't napatingin kay Vicky.
"Nasa school ni Ate Vella. Mamaya lang nandito na si mama." Mabilis na sagot ni Vicky.
"Okay. Ate Vee, sarap po nito."
"Mabuti naman at nasarapan ka. Huwag lang masyadong marami ang kainin kasi kakain ka pa ng kanin mamayang hapunan." Bilin ko rito.
"Oo nga pala, 'te. Alam mo bang inutang ni Ate Veronica iyong 50 na nasa cabinet ko?"
"Inutangan ka pa rin? Kinuha na nga n'ya iyong 50 ko kaninang madaling araw. Iyon talagang ate mo na iyon." Medyo inis ako. Ako lang din naman ang nag-aabot kay Vicky. Habang nasa trabaho ako ay ito ang tumatayong ate rito sa bahay. Pero ang mas focus nito ay ang pag-aalaga kay Via dahil madalas ay wala rin naman dito si mama.
"Hinayaan ko na lang, ate. Wala raw siyang pamasahe pabalik kasi raw 50 lang din ang ibinigay mo. Ewan ko kay, Ate Veronica. Nagtratrabaho. Pero mas madalas na ikaw pa rin ang nagsho-shoulder pati sa kanya."
"Tsk. Hayaan mo na. Magsaing ka na d'yan, ha." Bilin ko rito.
"Opo. Ako na pong bahala." Binuhat ko si Via saka ito dinala sa sala.
"Via ko, isukat mo nga itong binili ni Ate Vee para sa 'yo." Excited na ani ko rito. Bistida lang naman iyon na tag-50 na nabili ko kanina. Dalawang piraso. Masyado akong na-cute-an. Kaya naman binili ko na. Agad nitong isinubo ang tirang saging saka dali-daling nagpababa.
"Akin po iyan?"
"Opo, sa 'yo po ito. Maganda ba?" bulaklakin iyon na kulay dilaw at kulay pink. Maputi si Via kaya naman alam kong babagay sa kanya ang mga ganitong kulay.
"Opo. Thank you." Ang lambing talaga. Humalik pa sa pisngi ko at yumakap sa akin. Paulit-ulit itong nagpasalamat.
Isinukat ko iyon sa kanya.
"Wow! Bagay na bagay." Tuwang ani ko.
"Ang pretty ni Via." Puri nito sa sarili.
"Tama. Ang pretty ni Via." Malawak ang ngiti na hinaplos ko ang pisngi nito. Sa tuwing tumititig ako sa mga mata nito ay para akong nalulunod. Napakaganda ng bilugang mata nito. Parang anak ng foreigner eh.
"Good girl din po."
"Alam ko. Alam kong mabait ang bebe namin na iyan."
"Ate, aral na ako?"
"Oh, gusto mo na? Malapit na. Mag-iipon si ate nang pambili mo ng bag at uniform. Tapos bibilhan din kita no'ng lunch bag... iyong may princess. Tapos magbabaon ka ng kanin at itlog. Favorite mo iyon, 'di ba?"
"Opo." Galak na ani nito. Saka hinawakan ang magkabilang gilid ng damit at umikot-ikot. Pinigilan ko lang dahil mukhang hilo na ito.
Nang iangat naman nito ang dalawang kamay para sana umulit ulit ay pinigilan ko na siya. May nakita kasi ako.
"Via, anong nangyari rito?" takang tanong ko sa kili-kili nito. "Bakit may sugat? Nasabit ba? Anong nangyari rito, be?"
"Ah, kurot ako. Kurot ako ni Ate Vella."
"Anong sabi mo?" sabay na react namin ni Vicky. Agad na lumapit si Vicky na mukhang tapos na sa pinagagaqa ko sa kanya.
"Kurot ako Ate Vella. Sorry naman po siya. Huwag daw po sabihin." Mukhang wala na nga iyon sa bata. Pero sa akin .. hindi ko iyon magagawang balewalain. Saktong dumating si Nanay at kasama nito si Vella.
"Vicky, si Via." Utos ko. Agad na binuhat ni Vicky si Via at ipinasok sa kwarto. Saka ako tumayo at dalawang hakbang lang at nakalapit na ako kay Vella na takang-taka sa ginawa kong paglapit.
"Anong problema mo, ate?" saka ito nagtago sa likod ni nanay.
"Vee, anong problema? Sa itsura mo'y parang gusto mo nang sapakin si Vella. Kadarating lang namin. Parang ang init na agad ng ulo mo---"
"Mainit talaga. Nay, alam n'yo ba ang ginawa ni Vella?" inis na tanong ko rito.
"Anong ginawa n'ya? Kararating lang ng kapatid mo. Anong ginawa?" naguguluhan tanong nito.
"Kinurot n'ya si Via sa kili-kili. May sugat iyong bata---"
"Para iyon lang, Vee. Pero iyong reaction mo ay parang papatay ka na." Balewalang ani ni nanay.
"Nay, naman! Nagkamali iyang paborito mong anak. Pagsabihan mo naman---"
"Binabastos mo ba ako, Vee Morietta?" inis na tanong nito.
"Hindi, 'nay. Pero maging fair naman kayo."
"Ang kulit kasi ni Via, Ate Vee. Hindi ko napigilan. Pero hindi naman masakit iyon---"
"Punyeta ka!" akmang susugod pa ako pero nakaharang ang nanay namin.
"Tama na! Tama na iyan! Sumasakit ang ulo ko sa inyong dalawa." Sigaw ni Nanay. Sinubukan kong kumalma. Baka kung hindi ko gawin ay masabunutan ko na ito at makaladkad palabas. Inis na nasipa ko pa ang gilid ng upuan. Saka ako nagtungo sa kusina.
"Ikaw naman kasi, Vella!" dinig ko si Nanay na sigaw nito kay Vella. "Ginalit mo iyong ate mo. Paano ka pa magsasabi sa kanya na kailangan mo nang pambayad sa JS prom? Paano na iyong isusuot mo? Nagpalista ka pa naman na kanina." Inis na napatayo ako. Iyong basag na Plato sa gilid ng kalan ay dinampot ko. Gusto kong naglabas ng frustration ko kaya ibinato ko iyon sa gilid na ang dingding doon ay yero. Malakas iyong kumalampag.
Putanginang buhay ito. Ate na naman!
Agad silang sumilip. Nanlilisik ang mata ko na tinignan ang mga ito.
"Walang sasali sa JS prom na iyan."
"Ate!" agad na maktol ni Vella. "Gusto ko pong sumali. Gusto ko pong maranasan iyon. Bakit n'yo ako pinipigilan?"
"May pera ka?" tanong ko. "Itigil mo iyang kaartehan mo, Vella. Wala kang pera."
"Ano pang silbi na nagtratrabaho kayo ni tatay?" asik nito.
Hinawakan ni nanay ang braso nito at waring pinipigilan ito.
"Wala na akong trabaho. Natanggal ako sa trabaho." Natahimik ang lahat. "Muntik na akong mamatay kanina dahil sa sasakyang humahagibis. Nawalan ako ng malay at na late sa palengke. Tinanggal ako ng boss ko sa palengke. Wala na akong trabaho, Vella."
Ngayong nalaman na nila... naghihintay ako na may magtanong kung okay lang ba ako. Pero wala akong narinig na gano'n.
"Ayos lang iyan, Vee. Masipag ka. Alam kong makakahanap ka agad ng trabaho. Sa hardware store. Baka kailangan nila ng tindera roon. Mag-apply ka. Maghanap ka agad. Alam mo naman. Ikaw lang ang inaasahan namin dito sa bahay." Malumanay namang sinabi iyon ni Nanay. Pero ramdam ko ang bigat ng responsibility na nakapatong sa balikat ko sa pamilyang ito. Gusto kong umiyak. Gusto kong magwala. Pero pinigilan ko. Para pa nga akong nanlulumong napaupo sa monoblock chair.
"Ate," agad lumapit si Vella sa akin. Maluha-luha. "Gusto kong sumali. Maghanap ka agad ng work, 'te. May dalawang linggo pa. S-asali ako sa practice ng sayaw. Gusto kong maranasan iyon." Iyak nito. Wala. Hindi ko tiyak kung may mahahanap agad akong trabaho. Saka sa dalawang linggo? Hindi ako makakaipon ng gano'n. Para sa fee. Sa gown. Sa sapatos. Sa makeup n'ya.
"Vee, baka nagawaan ng paraan. Kakausapin ko rin ang tatay n'yo. Hindi mo naman isho-shoulder ang lahat. Pwede kayong maghati ng tatay mo." Panghihikayat nito.
"'Nay, hindi. Hindi natin kaya iyan. Kulang pa nga rito sa bahay ang kinikita namin ni tatay. Awa na lang, oh. Unawain n'yo sana ang sitwasyon." Saka ako tumayo at iniwan na sila sa kusina. Narinig ko pa ang pagngawa ni Vella.
"'Nay, gusto kong sumali. Iyong mga friends ko kasali. Gusto ko ring mag-gown, 'nay. Gusto ko ring maging maganda."
Pumasok ako sa silid. Si Vicky ay agad napatingin sa akin. Nakita pa nito nang punasan ko ang luha ko.
"'Te? Okay ka pa?"
"Hindi ko na alam, Vicky. Napapagod na akong maging ate rito." Amin ko.