Chapter Three
Maaga pa lang ay gising na ako. Habang lahat ng mga tao rito sa bahay ay naghihilik. Ako naman ay naghahanda na para pumasok sa palengke.
Ingat na ingat pa ako sa kilos ko kahit antok na antok pa. Kailangan ko nang maghanapbuhay ng ganitong oras. Sinilip ko pa ang bunsong kapatid at inayos ang kumot nito. Saka ako lumabas. Pero gising na pala si Ate Veronica. Humabol ito sa akin sa tarangkahan. Nasa labas na si Jay-r. Tuwing madaling araw ay matiyaga n'ya akong inihahatid sa palengke. Tuwing alas-12 ay sinusundo rin n'ya ako para naman ihatid pauwi.
"Bakit?" tanong ko kay Ate Veronica. Lunes. May pasok na rin ito.
"Pautang ako ng pamasahe. Ibabalik ko na lang pag-uwi ko." See, sa akin pa rin hihiram kahit na lahat na ng pera ko ay napupunta sa bahay.
"W-ala, 'te."
"Anong wala? Grabe! Hiram naman. Babayaran ko naman sa 'yo. Hindi ako makakapasok kung wala akong pamasahe, Vee. Dali na." Pangungulit nito.
Napilitan akong kunin iyong singkwenta na nasa bulsa ng jacket ko. Iniabot ko iyon dito. Galing pa iyon kay Jay-r.
"Papalitan ko ito. Parang ang sama pa ng loob mo." Hinablot nito iyon saka bumalik na sa bahay. Ako... naiwan akong nakanganga dahil sa labis na gulat.
Attitude!
"Halika na, palitan ko na lang." Yaya ni Jay-r. Kaya naman lumabas na ako. Saka sumakay sa likod na pwesto. Yumakap din ako sa bewang nito bago umusad ang tricycle.
"Nag-almusal ka ba, mahal?" tanong nito.
"Hindi, mahal. Wala namang bahaw sa bahay."
"Ihatid kita sa palengke. Tapos bibili ako ng lugaw na almusal mo."
"Ha? Huwag na." Tanggi ko.
"Tapos ano? Hindi ka na naman mag-aalmusal? Papaabutin mo na naman ng tanghalian?" masungit na ani ng lalaki.
Nakarating kami sa bayan.
"Sige na pala, mahal. Hintayin ko iyong lugaw. Punta na ako sa pwesto." Humalik pa ako sa pisngi nito. Saka ako naglakad. Medyo malayo pa ang pwesto rito sa binabaan ko. Tatawid pa ng kalsada. Hindi kasi pwede iyong pampasaherong sasakyan sa parte papasok ng palengke. Iyong daan ay roon sa kabila pa.
Nakalayo na ang tricycle ni Jay-r nang magpasya akong tumawid ng kalsada. Hindi ko na napansin pa ang sasakyan matuling tumatakbo patungo sa direction. Nakapagpreno naman agad ito, pero gahibla na lang ang layo sa akin.
Sa sobrang shock ko'y nanlambot ang tuhod ko. Hindi ako na bangga. Pero nawalan ako ng malay. Bumigay talaga ang aking katawan sa labis na takot.
Nang magising ako'y agad akong napabalikwas nang bangon.
Nasa isang magarbong silid ako. Agad akong bumaba ng kama. Nakita ko ang tsinelas ko sa sahig kaya naman agad kong isinuot iyon. Base sa orasang nasa bedside table ay nakita kong 5:00 am na.
Shit! Late na ako sa trabaho ko sa palengke. Agad kong binuksan ang pinto. Pero malakas lang akong bumungo sa pader... I mean sa taong akma sanang papasok pero parang pader sa tigas ng katawan kaya sa lakas nang pagbunggo ko'y napaupo ako sa sahig.
"A-ray!" reklamo ko dahil nasaktan ang pwet ko dahil sa pagpabagsak.
"Mabuti naman at gising ka na." Dahan-dahan pa akong napatingala dahil sa tinig ng lalaki. Nakita ko ang isang gwapong lalaki na salubong ang kilay. Natural na mapula ang labi. May kaunting balbas at ang buhok ay alon-alon.
"Sino ka?"
"Hindi ako sinuka, miss. Ako iyong naabala mo kanina."
"Naabala ko kanina?" parang nagising ang pagkakatipunera ko. Agad akong tumayo kahit masakit ang pwet ko. "Ikaw iyong nang-abala! Dahil sa 'yo ay muntik na akong mamatay. Anong tingin mo sa kalsada? Racing field? Hindi ka ba marunong magmaneho? Gawa ba sa recto ang lisensya mo?" singhal ko rito. Hindi ako katangkaran. Hanggang balikat lang ako nito. Pero sa tapang kong ito ay hindi ko man lang naisip na kapag ito ang nagalit ay baka isang sapok lang sa akin ay mana-knockout ako nito.
"Kung hindi ka tanga-tangang tumawid ay siguro'y nahabol ko iyong target ko."
"At kung hindi ka reckless na driver ay nasa palengke na sana ako."
"It's not important kumpara sa ginagawa ko." Nakasimangot na ani nito.
"Ewan ko sa 'yo." Hinawi ko ito't tumakbo na ako paalis. Late na ako. Ayaw na ayaw pa naman ni Manang Nela na nale-late ako. Dahil kami lang talaga ang tumatao sa pwesto n'ya.
Pero pagdating ko sa malaking pinto ay natigilan ako.
"Nasaan ako, manong?" malakas na tanong ko sa lalaking nakasunod sa akin.
"M-anong?" tanong ng lalaki sabay turo sa sarili n'ya. Mukha namang na siyang matanda, baka hindi na katanggap-tanggap para rito na tawagin ko siyang manong. Baka angkol na lang.
"Angkol, nasaan tayo?" tanong ko rito.
"Woman." Sa gwapo nitong mukha na nakakaputangina ay hindi ko maiwasang mapatitig. Nakakaputangina dahil iyong may-ari ng mukhang iyon ang dahilan kung bakit late na late na ako.
"Saan ba kasi ito? Malayo ba roon sa palengke?"
"Yes. Malayo ito sa palengke."
"Ihatid mo ako, angkol."
"Miss, stop calling me that. Hindi kita maihahatid---"
"Eh 'di sana'y iniwan mo na lang ako sa gilid ng kalsada. May utak ka ba?" napaawang ang labi nito sa tanong ko. Hindi ba siya marunong mag-isip?
"Tapos ako? Magmumukhang hit and run?" ani nito. Ah, takot naman pala.
"Kung hindi mo ako maihahatid ay bigyan mo na lang ako ng pamasahe. Magta-taxi ako. Late na ako sa trabaho ko." Giit ko rito. Agad namang dumukot sa wallet ang lalaki. Magbilang ng pera nito. Limang libo. Ang dami naman no'n. Samantalang kahit bente ay tatanggapin ko para lang may pamasahe ako.
"Here. Sa susunod ay huwag kang tanga-tanga sa pagtawid."
Tinanggap ko agad ang limang libong inabot nito.
"Salamat dito, angkol. Sa susunod din ay huwag kang magpatakbo nang mabilis." Saka ko na siya nilayasan. Limang libo na iyon, baka matauhan ito't bawiin pa. Lakas-lakas ako kahit na medyo madilim-dilim pa.
Iyong limang libong iyon ay nai-imagine ko nang maibibili ko ng isang latang gatas si Via. Tapos bigas at ulam para sa bahay. May maiaabot din akong baon kay Vella. Tapos itatabi ko iyong iba.
Pero sa ngayon ay kailangan ko munang maghanap ng sasakyan dahil late na late na ako.
Naiisip ko na iyong itsura ni Manang Nela. Mabait naman siya. Huwag lang pasasakitin ang ulo n'ya. May delivery pa naman ngayon. Tiyak na matatalakan ako nito.
May taxi naman paglabas ko.
"Manong, magkano pamasahe?"
"Saan ka, ineng?"
"Sa palengke lang po ng Santa Clarabelle."
"Aba'y malayo iyon. Limang daan ang biyahe ko kapag doon." Saan po ba itong lugar na ito?"
"Ineng, nandito ka na sa kabilang bayan. Bayan ng Santa Dominga ito."
"Ay, sige po! Pahatid po ako sa palengke ng Santa Clarabelle." Kung magbu-bus pa ako'y baka pagdating ko sa palengke ay batuhin na ako ng talong ni Manang. Bago ako lumulan ng taxi ay tumingin pa ako sa malaking bahay na pinanggalingan ko. Bago ako sumakay ng taxi.
"Ariba na tayo, manong! Late na po ako."
Agad naman nitong pinatakbo ang sasakyan.
Mahigit isang oras na biyahe. 6 am na.
Lakad-takbo na ang ginawa ko pagbaba ko ng taxi.
Sa sobrang bilis ko'y nakarating agad ako roon kahit siksikan na. Buhos na ang lahat ng mga namimili.
Pagdating sa pwesto ay agad akong binato ni Manang Nela nang nadampot nitong kamatis. Ang dami na ring tao sa pwesto at namimili ng mga bibilhin nila. Nakita ko rin doon si Jay-r na nakaguhit sa mukha ang labis na pag-aalala.
"Mamaya tayo mag-usap, lintik ka." Inis na inis na ani ni manang. Nahiya man ako lalo't maraming tao na nakakita nang batuhin ako nito at nakarinig nang sinabi n'ya. Mas pinili ko na lang tumango at nagsimula na ring magtrabaho. Sinenyasan ni Jay-r ang lugaw na isinabit n'ya sa pako. Saka ito umalis.
Mamamasada pa ito.
"Suki, b-ili na kayo." Malakas na ani ko para tawagin ang atensyon ng mga dumaraang mamimili.
Mabilisan na ang kilos. Mas binilisan ko pa ang kilos ko. Para magpakitang gilas kay Manang Nela. Para makita rin nitong gusto kong bumawi.
Pagpatak ng 8 am ay kaunti na lang ang tinda naming gulay. Paisa-isa na lang ang lumalapit sa amin. Kaya naman may pagkakataon na akong umupo. Kinakabahan ako sa expression ni Manang Nela. Parang naghihintay lang itong matapos ang oras namin sa palengke tapos ay ilalabas na n'ya ang sungay n'ya. Iba ang pananahimik n'ya, eh. Nakakakaba talaga.
Hindi nga rin ako inalok ng pagkain eh. 9 am kasi ito nag-aalmusal. Kaya kinain ko na lang iyong lugaw na binili ni Jay-r para sa akin.
Ako na rin iyong humihinto-hinto sa pagkain sa tuwing may customer.
Pagsapit ng tanghali. Bihira na talaga ang taong lumalapit sa pwesto ay nagsimula na kaming nagligpit ni Manang.
"Vee, kunin mo na iyong mga iginilid kong gulay d'yan. Iuwi mo na sa inyo."
"Opo, Manang." Sagot ko rito.
"Pati iyong gamit mo na nasa ilalim ng papag." Natigilan ako't dahan-dahang nabitawan iyong inaayos kong talong. Saka ako tumingin dito. "Tanggal ka na sa trabaho. Ito iyong 150. Sahod mo mula kaninang alas-6 hanggang ngayon."
"M-anang?" iyong iniabot pa n'ya sa akin ay naka-plastic na tagpipiso.
"Kukunin mo o hindi?" inis na ani ng matanda.
"K-ukunin ko po. Pero pwede po ba akong magpaliwanag?" tanong ko rito.
"Hindi!" sigaw nito. Dahilan para mapatingin iyong mga tao sa kabilang pwesto at iyong ibang palakad-lakad na mamimili. "Hindi ko kailangan nang paliwanag mo. Ang buti-buti ko sa 'yo, Vee. Ultimo panty mo ay binibili ko para lang sipagin ka sa trabaho. Tapos tatamad-tamad ka? Magpapa-late ka pa? Aba'y ang galing mo rin eh!" sigaw nito. Walang pakialam kung napapahiya na ako dahil sa sigaw n'ya.
"M-untik po akong mabangga kanina---"
"Wala akong pakialam! Hindi ko kailangan ng tauhan dito sa pwesto na akala mo'y boss na ayos lang kahit late. Wala rin akong pakialam kung natuluyan ka nga. Lumayas ka na rito. Hindi kita kailangan dito."
"Eh 'di sige po! Sana'y makahanap ka pa ng tauhan na papayag sa 200 pesos na nagtratrabaho sa 'yo mula alas-4 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali." Hindi ko na rin napigilang sigaw dahil sa labis na inis ko. Hindi makaunawa. Ngayon lang din naman ako na late, iyong late ko kanina ay wala pa iyon sa mga overtime ko na hindi naman binabayaran ng ginang. Kinuha ko iyong mga gamit ko sa ilalim. Ilang t-shirt lang naman iyon. May sapatos na sira na at toothbrush.
"Iyong gulay!" sigaw na naman nito kahit na pwede naman na n'yang sabihin nang mahinahon sa akin.
"Sa 'yo na iyan! Lamunin mong mag-isa. Binabahayan na ng uod pinamimigay mo pang matanda ka."
"Aba!" ani ng matandang mas lalong nanggalaiti. Nang lumayas ako sa pwesto nito ay pinagtitinginan ako ng mga tao.
Na-late lang... may paliwanag naman ako sa nangyari. Tapos tanggal agad? Tangina n'ya. Hirap na hirap na ako sa buhay tapos dumagdag pa siya. May umagos ng luha sa mata ko. Pero siyempre hindi ko pa rin nakalimutan mamili ng mga kailangan sa bahay.
Sinundo ako ni Jay-r sa tagpuan namin. Nagulat pa nga ito na marami akong bitbit.
"Parang umiyak ka?" puna nito sa akin.
"Hindi lang parang. Umiyak talaga ako. Tinanggal ako ni Manang Nela sa trabaho."
"Ano ba kasing nangyari? Saan ka galing?"
"Muntik akong mabangga kanina. Nawalan ako ng malay." Iginilid ni Jay-r ang sasakyan. Saka siya bumaba at tumayo sa harap ko.
"May masakit ba sa 'yo?" ani nito. Bakas sa mukha ang labis na pag-aalala.
"W-ala. Nahimatay lang ako dahil sa labis na nerbiyos. Pero okay lang ako. Huwag kang mag-alala."
"Mabuti naman. Hayaan mo na. Sasamahan na lang kitang maghanap ng bagong trabaho."
"Napapagod na ako." Mahinang anas ko.
"Alam ko. Alam kong pagod ka na. Kaya nga gusto ko ng asawahin ka. Ialis sa bahay n'yo at magsama na tayo. Pag-isipan mo naman na kasi, Vee."
"Paano ang pamilya ko---"
"Puro ka pamilya. Eh 'di iwan mo sila. Matututo iyang mga iyan kapag wala ka na sa bahay n'yo."
"Saan naman tayo titira kung magsama tayo?"
"Sa bahay namin." Tangina. Apat na pamilya iyong nasa bahay nila. Tapos idadagdag n'ya rin ako roon? Pass. Baka kapag doon kami'y pati iyong pamilya nito ay pasanin ko rin. Hindi na lang muna.
"Tara na. Hatid mo na ako. Baka nagugutom na si Via." Pag-iiba ko na lang nang usapan. Hindi pa talaga ako handang lumagay sa tahimik dahil alam ko rin namang hindi ko kayang pabayaan ang pamilya ko.