Chapter Two
Iyak na ng iyak si Via. Nagkukumahog akong nagtimpla ng gatas nito. Tatlong taon na siya pero dumedede pa rin sa bote. Kumakain naman na ng kanin, pero naghahanap pa rin ito ng gatas. Pero dalawang beses lang naman sa isang araw.
"Sandali lang, bunso!" pagkatapos kong alugin ay dali-dali akong nagtungo sa kinahihigaan nito at agad na iniabot dito ang kailangan n'ya. Antok na ito kaya sinumpong.
"Tulog ka na. Tapos mamaya ay gigisingin kita at kakain, ha." Bilin ko rito. Saka ako bumalik sa kusina at nagpatuloy sa pagluluto ng hapunan.
Nagsasabing ako... abala pa sa paghahanda ng mga gulay na isasama ko sa sinigang na isda. Para medyo dumami at mabusog naman kami.
"Ate, ang ganda talaga ng hikaw mo. Sa tingin ko ay bagay na bagay rin iyan sa akin. Pwede ko bang hiramin iyan? Malapit na ang JS prom namin." Dinig ko si Vella na nasa labas lang ng bahay.
Habang abala ako rito sa kusina ay naroon lang ang mga kapatid ko't ang sarap ng tambay.
"Pwede naman. Pero siyempre kailangan mong ingatan kapag ipinahiram ko sa 'yo ito. Pinag-ipunan ko ito eh." Dinig kong tugon ni Ate Veronica.
"Oo naman, ate ko. Maingat naman ako sa gamit. Ako pa ba?" pagyayabang nito.
"Akala mo naman makakasali ka?" dinig kong ani ni Vicky. "Ang mahal-mahal kaya ng bayad sa prom. Tapos sino na naman ang hihingian mo nang pambayad? Si Nanay? Si Ate Vee? Hoy! Maawa ka naman."
"Ate Vicky, minsan lang sa buhay natin ang prom! Parte na iyon ng high school life."
"Anong parte? Kahit hindi ka na dumalo roon. Ang hirap-hirap na nga buhay, Vella. Kawawa na nga sina Ate Vee at Nanay."
"Hoy, ako rin!" singit ni Ate Veronica. "Ang hirap-hirap kaya ng trabaho ko."
"Okay na lang ang masasabi ko." Sarcastic na ani ni Vicky. Alam ko kung bakit gano'n. Sa pamilyang ito ay nagkasundo kaming magkakapatid na magtutulungan para hindi masyadong mahirapan sina Nanay at tatay. Isa si Ate Veronica sa inaasahang makatulong, pero madalas ay wala rin itong naitutulong. No'ng nakaraan ang dahilan nito ay nagbayad daw sila ng uniform. Buong sahod daw nito ang ipinambayad n'ya. Tapos na holdap naman iyong sunod. Wala itong naiabot. Baka sa akin pa humingi ng pamasahe nito pagbalik sa bahay na pinapasukan nito.
"Anong ibig mong sabihin d'yan?" ani nito. Mukhang magkakapikunan pa yata ang dalawa.
"Wala." Nang kumulo ang sinaing ko ay dali-dali kong nilapitan iyon. Aapaw kasi ang tubig kapag hindi ko iaangat iyong takip. Sa sobrang pagmamadali ay nakalimutan ko pang gumamit ng basahan. Pagkaangat ko ay nabitawan ko rin.
"Vee, ano ba iyan? Sabihin mo lang kung nagdadabog ka. Ako na ang gagawa." Sigaw ni Ate Veronica mula sa labas. Napairap ako. Kinuha ko ang basahan at ginamit iyon sa pagkuha nang nalaglag na takip. Saka ko hinugasan iyon at ibinalik din sa kaldero. Pero hindi ko tuluyang tinakpan. Aapaw pa rin kasi.
Nagpatuloy ako sa ginagawa ko.
Sinigang na isda ang ulam. Hinihintay ko na lang na maluto iyon nang tawagin ko si Vella.
"Vella, hugasan na iyong plato rito. Malapit na tayong maghapunan. Wala tayong magagamit."
"Mamaya na, 'te!" sagot naman ni Vella. Iyong mamaya nito'y hindi na naman namin mahihintay pa.
"Kikilos ka o sa dahan ng saging tayo kakain?" kalmado pa naman ako. Pero kapag ito ay nagsabi ulit ng mamaya na ay lagot na talaga ito sa akin.
"Wait lang, 'te. Nagmamadali ka ba?" dinampot ko ang takip ng kaldero saka ibinato sa yerong pinto ng kusina. Nagsipulasan ang mga ito na nasa labas lang. Dali-daling pumasok si Vicky na halatang natakot.
"Ate, ako na lang ang maghuhugas." Prisitna nito.
"Hindi. Katatapos mo lang maglaba. Vella!" sigaw kong tawag sa isa naming kapatid. Pumasok ito na nakasimangot. Ginawa ang utos ko.
Kailangan pa kasing magalit bago sila kikilos eh.
"Sige na, Vella. Hugasan mo na ang mga iyan. Baka mamatay na iyong isa d'yan sa sobrang inis kapag may nakikita siyang nakaupo rito sa bahay." Pasaring ni Ate Veronica.
Inirapan pa ako nito saka pumasok sa loob. Mayamaya pa ay naririnig ko na itong nagpapatugtog sa cellphone n'ya. Sinasabayan pa nito iyon ng kanta. Hindi na rin ako nagulat na umiiyak na Ang bunso naming kapatid na si Via.
Nagtungo ako roon at agad na in-off ang phone ni Ate Veronica na natigil sa pagkanta dahil sa ginawa ko. Saka ko nilapitan si Via at binuhat.
"Ang bastos mo ah!" inis na ani nito.
"Hindi mo ba nakita na natutulog iyong bata? Ate, naman!" frustrated na ani ko saka marahang isinayaw-sayaw si Via, baka sakaling makatulog ito.
"Eh, ano naman? Tangina naman, minsan lang umuwi rito sa bahay para ma-relax. Pero stress pa ang nakukuha. Bwisit." Saka ito nag-walk out.
"Ate, iyong ulam. Kulong-kulo na. Ako na po kay Via." Lapit ni Vicky at kinuha sa akin ang bunso naming kapatid. Binalikan ko ang niluluto ko. Si Vella na nasa hugasin ay inabutan kong nakasimangot. Nagdadabog pa ito. Sinubukan ko na lang na palampasin.
Pagod din naman ako. Dapat nga ay pahinga ko ito, dahil dalawa ang trabaho ko ng weekdays. Itong weekend lang sana ang pahinga ko. Pero pagdating dito sa bahay ay halos ako pa ang kumikilos.
Kung hindi sasaluhin ni Vicky iyong ibang gawain ay talagang hindi ko na kakayanin pa.
Nang maluto na ang hapunan ay inutusan ko si Vicky na tawagin na sila nanay.
Nasa kabilang bahay kasi. Sabi ng mga kapatid ko'y nakikipagkwentuhan.
"Ate, mamaya na raw si Nanay."
"Bakit? Gabi na, ah." Takang ani ko.
"Nagto-tong its, 'te." Mariin akong napapikit. Tangina.
Hirap na hirap na sa buhay ay nakuha pang magsugal.
"Oh, baka magalit ka pa. Minsan lang maglibang si Nanay. Binigyan ko siya ng 200 pesos. Baka ikasama pa ng loob mo." Pasaring ni Ate Veronica sa akin. Hindi na ako kumibo pa. Pikon na pikon ako at gusto ko na lang na lumabas muna.
Pero mas pinili kong iayos muna ang hapunan ng mga kapatid ko. Binukuran ko na rin ng kanin at ulam si Nanay dahil baka maubusan ito. Pati na rin si tatay na nagsabi kanina na gagabihin ito.
Kumakain na silang lahat. Balak ko na sanang kumain na rin. Pero pagkatapos kong ayusin iyong mga kailangan itabi, pag-upo ko ay sabaw na lang ang natira.
"Kulang ba iyong isda? Sakto ang bilang ko, ah. Walo. Para tag-iisa tayo." Tinignan ko ang mga plato nila na halos patapos nang kumain.
Nakita ko iyong plato ni Von. Dalawang hiwa ng isda.
"Si Von kasi, 'te. Nagdalawa ng ulam." Sumbong ni Vicky.
"Sumbongero ka." Nakasimangot na ani ni Von.
"H-ayaan na. Sige, kain lang ng kain." Utos ko sa kanila. Natapos sila. Si Vella, Ate Veronica, at Von, ay umalis na ng hapagkainan. Kami ni Vicky ay naiwan. Kalong nito si Via na sinubu-subuan nito.
"Tulungan na kita, 'te." Prisinta nito no'ng nagsimula akong magligpit.
"Ako na. Linisan mo na lang si Via tapos subukan mong patulugin na sa kwarto. Ako na ito. Kaya ko na."
"Sige po." Buhat nito si Via na umalis. Bagsak ang balikat na kumilos ako't nagligpit na.
Walang pagkukusa iyong ibang kapatid ko. Nakakaubos ng pasensya. Pero para hindi na lang mag-away o magkagulo ay madalas pinapalagpas ko na lang.
Halos apat na subo lang ng kanin iyon nakain ko. Tapos sabaw lang at gulay. Uminom na lang din ako nang marami para patirin ang gutom ko.
Hinugasan ko na lang din lahat ng mga plato. Saka ko iniwan ang kusina na malinis na.
Sinilip ko rin si Vicky at Via sa kwarto. Tulog na ang bunso namin na katabi ni Vicky. Kaya naman lumapit ako't humalik pa sa noo nito.
"Aalis ka, 'te?" tanong ni Vicky sa akin.
"Oo. Punta lang ako sa kanto. Nandoon si Kuya Jay-r mo." Si Jay-r ay nobyo ko. Isang taon na kami nito. Kilala naman na siya rito sa bahay. Tanggap din ng nanay at tatay ko.
"Ingat ka po, ate. Ako na po ang bahala kay Via."
"Sige, matulog ka na rin."
Tuluyan na akong umalis ng bahay. Malayo pa lang ay natanaw ko na si Jay-r. Kumaway agad ito sa akin. May hawak na dalawang plastic ng soft drinks. Tapos isang basong kwek-kwek.
Pagkalapit ko rito ay agad akong inabutan nito ng pagkain.
Humalik pa ito sa pisngi ko. Halata sa itsura nitong kagagaling lang sa pamamasada. Tricycle driver ito sa kabilang barangay.
"Naghapunan ka na ba?" tanong nito sa akin.
"Oo, pero bitin. Nagugutom pa ako." Pagod na ani ko. Niyaya ko siyang maupo muna sa tabi para makain ko na ang pagkain na dala nito.
"Pupusta ako... naubusan ka na naman?"
"Hindi naman. May konti namang tira."
"Ano ba naman iyang mga kasama mo sa bahay, Vee? Parang hindi naman kapamilya iyang mga iyan. Sumama ka na kaya sa akin? Magsama na tayo."
"Hoy! Ang bata ko pa. Saka sino ang tutulong sa bahay kung mag-aasawa na ako?" naiiling na pinalo ko pa ang braso nito. "Hindi pa pwede, Jay-r."
Bumuntonghininga ito. 27 years old na ito. Ako naman ay 22 years old. Pwede na itong mag-asawa. Pero ako hindi pa.
Hindi ko kayang pabayaan ang pamilya ko. Kailangan pa nila ako.
"Abusado iyang pamilya mo." Inis na ani nito.
"Hayaan mo na. Matututo rin naman siguro sila."
"Si tatay mo nga pala nadaanan ko kanina."
"Oh, saan?" takang tanong ko.
"Kasama iyong mga kumpare n'ya. Si Onyok at Batang. Pumasok sa isang beer house kanina." Mariin akong napapikit.
Ganito na lang ba talaga ang buhay namin? Kailangan ba sa pamilyang ito ay ako lang ang magsasakripisyo?
Ang dami naming problema... pero nakukuha pa nilang unahin ang mga gusto nila. Kaysa sa kailangan ng pamilya.
Iyong 20k na kailangan bayaran kay Manang Isidra... iyong pagkain namin sa pang-araw-araw? Iyon pang budget sa pag-aaral ni Vella?
Halos parang ako na lang ang nag-aalala kung paano aayusin ang mga iyon, eh. Nakakapagod.