Chapter Eight
"Natanggal ka sa trabaho kasi?" naghihintay ako ng sagot mula kay Ate Veronica. Umaasang ibubuka naman nito ang bibig para sagutin ang tanong ko. Pero tinitigan lang ako nito.
"Veronica, anong nangyari?" si nanay ay hindi na nakatiis pa.
"Tinanggal ako, 'nay." Labas sa ilong ang tono na sagot ng ate ko.
"Kasi? Magsabi ka ng dahilan, Veronica. Para alam naman namin."
"Ang kulit n'yo, 'nay. Tinanggal ako kasi nagseselos iyong amo kong babae sa akin."
"Veronica, anong sabi mo?" ani ni nanay na hindi makapaniwala sa narinig.
"Nagseselos iyong amo kong babae, 'nay. Tinulungan lang naman ako ng ako kong lalaki na hilutin ang balakang ko. Nadulas kasi ako, 'nay. Saktong dumating si Sir. Tinulungan n'ya ako. Hinilot pa ang balakang---"
"Veronica." May pagbabanta sa tinig ni nanay. Napasimangot lalo ang ate ko.
"Iyon ang totoo, 'nay. Kung ayaw n'yong maniwala ay wala naman akong pakialam. D'yan na nga kayo. Gusto ko nang matulog." Tumayo ito't umalis na. Napatingin si Nanay sa akin. Napabuntonghininga na naman.
"Anak, kailangan mo na talagang makahanap ng trabaho. Mas lalo tayong magigipit kong ang nanay n'yo lang ang kakayod."
"Maghahanap ulit ako ng trabaho, 'nay."
"Salamat, Vee. Pasensya ka na rin sa mga kapatid mo. Lalo na sa ginawa ni Vella. Maglalabada pa ako para mapalitan iyong kinuha n'ya---"
"Huwag na, 'nay. Huwag ka na rin munang maglabada. Pagalingin mo muna ang kamay mo." Seryosong ani ko rito.
"Pero kailangan kong makaipon nalalapit ang JS prom ng kapatid mo. Pangarap n'ya iyon, Vee. Gusto kong maranasan n'ya iyon."
"Ako na po ang bahala."
"Sa pang-rebond n'ya?" biglang nabuhayan ng loob na ani ni nanay. "Kulang na lang naman ng 400 iyon, Vee. Kaya mo kayang gawaan ng paraan?" umaasang tanong nito.
"Oo, 'nay. Ako na po ang bahala roon."
"Salamat, 'nak. Salamat talaga." Tumango na lang ako't nagpaalam nang magpapahinga. Habang ito'y kumilos na rin para magtungo sa kwarto nila ni tatay. Kahit ako ang unang nagpaalam ay mas pinili kong hintayin na makapasok ito roon. Saka ako naupo sa sala. Napatitig sa nangingitim na bubong na ilang parte na rin ang may butas. Tuwing umuulan ay kawawa kami lagi. Ilang pwesto pa nga ng timba, baso, at tabo, ang mga katapat ng butas eh. Tapos kailangan bantayan mabuti, dahil kapag napupuno ay umaapaw sa lupa. Maputik na iyon kapag nabasa.
High school ako no'ng nangarap akong mapaganda ang buhay namin. Kitang-kita ko kasi ang kahirapang dinaranas namin kumpara sa mga kaklase ko noon. Pangarap kong yumaman. Pero sadyang iba ang plano ng tadhana.
Plano yata n'yang habambuhay kaming mahirap. Nagsusumikap naman ako. Kami. Pero hindi talaga iyon sapat. Iyong klase nang kahirapan na parang mas lalo kaming hinihila pababa.
Pero hindi maikakaila na kahit sagad na sagad na ako... mahal ko pa rin ang pamilyang ito. Kung susuko ako... paano sila? Darating naman siguro ang oras na magbabago sila. Titino sila.
Mahal ko sila... kailangan lang talaga nila nang pang-unawa at pasensya.
Sabagay... mahaba naman ang pasensya ko at pati na rin ang pang-unawa ko. Kaya ko pa namang magtiis.
Napasulyap ako sa pinto ng silid naming magkakapatid. Magkakasama kami roon. Bumungad kasi si Via na pupungas-pungas habang dala ang feeding bottle n'ya.
"Bunso?" mahinang tawag ko rito. Nang makita n'ya ako ay agad lumakad kahit na nakapaa siya. Saka sumampa sa kandungan ko at agad inilapat sa dibdib ko ang kanyang pisngi. Nang silipin ko'y nakapikit na ito't nagdedede sa feeding bottle na hawak n'ya.
Naalimpungatan lang ito at ngayon ay tulog na. Pero imbes na kumilos para ibalik siya sa silid ay mas pinili kong manatili na lang kami roon.
Nagising na lang ako kinabukasan na kinukuha na ni nanay si Via.
Matalim ang tingin nito sa akin. Iyong talim na may kasama pa ring takot.
"Ano ka ba naman, Vee! Paano na lang kung nahulog ang kapatid mo sa lupa?" ani nito na yakap-yakap na Via na natutulog pa rin. Wala pa ako sa wisyo kaya napalinga ako. Mag-uumaga na. Napasarap ang tulog ko.
"S-orry po, 'nay." Hingi ko ng tawad dito.
"Tsk. Hindi ka nag-iingat." Sabay layas nito. Nakita ko si Vella na nanggaling sa kusina. Tapos na itong maligo at nakatapis na lang ng towel. Mukhang magbibihis na.
"'Te, may napkin ka ba?" tanong nito sa akin. Ultimo napkin... mukhang ipapaproblema pa nito sa akin. "Kung wala ay pwede kang sumagot ng wala. Hindi iyong parang papatayin mo na ako sa talim ng titig mo sa akin." Inirapan pa ako nito. Pero nawala iyong irap na iyon nang sapukin ito ni Vicky.
"Ito ang napkin. Ang aga-aga ay ang pangit ng ugali mo, Vella. Kung hindi mo ninakaw iyong pera ni ate ay baka mailibre ka pa n'ya ng sampung pack ng napkin." Sarcastic na ani ng kapatid kong si Vicky.
"Ang papangit n'yo!" inis na ani ni Vella saka kami nito nilayasan.
"Ayos ka lang, ate?" tanong ni Vicky sa akin. Tango lang naman ang naging sagot ko rito. Saka ko hinilot ang nangalay na leeg. "Magpahinga ka muna, 'te. Ako na pong bahalang mag-asikaso ng lahat dito sa bahay."
"Hindi, Vicky. Kailangan ko ulit maagang umalis. Maghahanap ako ng trabaho."
"Ate, kahit isang araw lang ay magpahinga ka rin."
"Huwag mo nang alalahanin si ate. Ayos lang ako." Saktong lumabas ng silid si Ate Veronica.
"Good morning mga kapatid." Magiliw na ani nito. Pero hindi namin kayang kopyahin ang masayang ngiti ng isang ito. "Vicky, ipagtimpla mo ako ng gatas."
"Ate Veronica, bakit gatas?" takang ani ni Vicky rito.
"Hindi sanay ang tiyan ko sa kape. Sa mansion ng mga amo ko'y hindi ako nagkakape. Gatas lang. Nakita kong maraming gatas si Via. Kumuha ka roon." Utos nito.
"Gatas iyon ni Via, 'te. Baka maubos iyon---"
"Vicky!" pikon na ani ng panganay naming kapatid. Labag man sa loob ay wala na itong nagawa. Hindi na rin ako kumibo dahil masyado pang maaga para makipag-away sa mga ito.
Nagtungo ako sa kusina. Inaasikaso ni nanay si tatay roon.
"Wala kang pasok, 'tay?" takang tanong ko rito.
"Hindi nakapasok ang tatay mo, Vee. Masama ang pakiramdam. Kailangan n'yang nakainom ng gamot."
"Anong gamot, 'nay? Beer? Bilog? Shembot?" inosenteng tanong ko rito. Natawa si Vella at Von na akmang paupo na sa upuan. Nakabihis na itong si Vella at kakain na lang.
"Anak naman, masama na nga ang pakiramdam ng ama mo." Saway ni Nanay sa akin. Umiling lang ako.
"Kain na ako, 'nay. Baka ma-late ako." Tawag ni Vella kay nanay. Ito namang Nanay namin ay nagkumahog para ipagsandok si Vella.
"Wala ka bang kamay?" iretableng tanong ko sa kapatid.
"Baka mangalay po, ate. Baka hindi ako makapagsulat mamaya kung mapagod dito sa bahay ang mga kamay ko." Malakas kong naipalo sa mesa ang palad ko. Nasaktan iyon dahil sa lakas. Pero mas nangibabaw ang inis ko sa kapatid ko.
"Vee, ang aga pa. Nagagalit ka na naman." Saway ni Nanay. Araw-araw na lang ba akong mapipikon sa maarteng kapatid ko na ito?
Si tatay na masama raw ang pakiramdam ay nagulat din sa ginawa kong pagpalo kanina sa lamesa.
"Ito kasing si Vella, 'nay. Feeling prinsesa. Mahirap lang tayo. Ilagay mo sa lugar ang kaartehan mo." Pikon na ani ko rito.
"Santa Claribelle." Pilosopong sagot ni Vella.
"Sige, Vella. Pilosopohin mo pa si ate. Sa kanya nakasalalay ang pang-rebond mo." Tukso ni Von dito. Para namang natakot si Vella na napaiwas na lang ng tingin.
Kumain kami ng almusal. Mas naunang natapos si Vella, tapos ako. Kaya nang umalis ay halos sabay kaming naglalakad nito.
"Mag-aral kang mabuti, Vella. Bigyan mo ako ng perfect score mamaya. Magbibigay ako sa 'yo ng pera. Pandagdag sa pang-rebond mo." Gusto ko ring i-challenge ito.
Natigilan ito. Akma na sanang sasakay ng tricycle pero napatingin pa sa akin.
"I-challenge mo na lang akong maghugas ng plato, 'te. Kaysa perfect score."
"Bakit?" ani ko.
"Hindi ko kaya iyang hinihingi mo."
--
Sinisipa-sipa ko na lang ang lata para malibang ako. Kanina pa makalayo ang tricycle na kinalululanan ng kapatid ko. Pero ako'y hindi pa sobrang nakakalayo. Lalakad lang ako patungo sa palengke. Idinadaan na lang sa pagsipa ng lata para hindi halatang nagtitipid ako.
"Vee!" agad akong lumingon sa tumawag sa akin. Si Manang Isidra iyon.
Humabol ito sa paglalakad.
"Bakit po?" tanong ko sa ginang. Kumikinang ang leeg nito. Pati na rin ang nakabitin sa tenga nito at sa tatlong daliri sa magkabilang kamay. Suot yatang ito ang lahat ng alahas nito. Saan ang punta n'ya? Kung sa palengke ay kakailanganin n'ya ng bodyguard sa dami ng alahas at baka kuyugin siya ng mga kawatan doon eh.
"Kailan n'yo ba planong magbayad sa nagasgas na sasakyan ko?"
"Kapag may pambayad na po, Manang Isidra. Hindi naman po namin tatakbuhan iyan."
"Hindi nga. Kasi wala naman kayong ibang mapupuntahan bukod dito lang sa Santa Clarabelle. Pero naiinip kasi ako. Baka kapag sobrang tagal at sobrang inip ko ay ipadampot ko na lang iyang kapatid mo sa tropa ng anak ko na pulis."
"Ay, labag po iyon sa batas." Mabilis na ani ko.
"Ano namang pakialam ko kung labag? May pera naman akong pambayad sa kanila. Kaya kung ayaw mong makulong ang kapatid mo ay bilis-bilisan ninyo. Kung hindi ay baka kahit iyang si Von ay hindi n'yo na makita. Perwisyo iyang batang iyan. Dapat d'yan ay pinapatikim ng bala para matauhan." Napairap pa ito.
"Huwag naman po kayong ganyan sa kapatid ko. Hayaan n'yo po at pag-iipunan ko. Babayaran ko po agad iyan."
Nang marinig nito ang pangako ko ay saka na ito pumara ng tricycle.
Napatitig pa nga ako sa papalayong sasakyan, eh.
Saang kamay kaya namin kukunin iyong bente mil? Iyong tirang pera na hawak ko'y hindi ko pwedeng basta bitiwan. Hindi ako tiyak kung makakahanap na ba ako ng trabaho. Pero alam kong kailangan makagawa ako ng paraan para sa 20k na bayad sa gasgas ng sasakyan nito.
Nakarating ako sa bayan. Imbes na kumilos para maghanap ng trabaho ay pasimple akong naghintay. Kung mahal ako ng tadhana ay may darating na magarang sasakyan para makuha kong magpanggap na nabundol. Pero kung hindi aayon ang kapalaran sa akin ngayon ay nganga talaga ako.
Naghintay ako. Umaasang magagawi rito iyong mayamang pogi na dalawang beses na akong muntik mabangga.
Naghintay nang naghintay. Pero wala ang lalaki. Sayang. Walang kita. Wala pang pogi na nakita.