Chapter Nine
"Vee!" humahangos na huminto ang tricycle ni Jay-r. Tagaktak ang pawis nito, larawan ito ngayon nang pag-aalala. Agad akong napatayo na inabot na ng hapon sa paghihintay rito sa gilid ng kalsada. Naghihintay ng driver na pwedeng mabudol. Alam ko namang masama iyon. Pero kasi malaki ang bigayan, eh.
"Mahal, bakit?" takang tanong ko kay Jay-r. Lumapit ako rito.
"Sakay. Dalian mo." Hindi man nito nasagot ang tanong ko kung bakit ay tumakbo na ako patungo sa sidecar ng tricycle nito. Saka pinausad agad nito paalis. Tinahak ang daan pauwi sa amin. Ang lakas nang kabog ng dibdib ko. Lalo't hindi sinasagot ni Jay-r ang tanong ko.
Nang huminto ang sasakyan ay agad akong bumaba. Tumambad sa akin ang kaguluhan na halos ikanginig ng kalamnan ko sa galit.
Nakita ko si Von. Hindi nagpapaawat kay nanay at tatay. Nagwawala ito habang hawak ang isang dos por dos na kahoy. Paulit-ulit nitong hinampas ang harapan ng sasakyan ni Manang Isidra.
Parang umakyat ang lahat ng dugo sa utak ko. Nai-imagine na agad ang kalalagyan ng kapatid ko dahil sa ginagawa nitong pagwawala.
"Von!" malakas na hiyaw ko. Nabitin sa ere ang balak sana nitong paghampas ulit sa hood ng sasakyan.
Humangos akong lumapit at dala na rin nang matinding galit ay malakas ko siyang nasampal.
"A-te?" bulalas ni Von na parang natauhan.
"Ipasok n'yo iyang putanginang iyan sa loob." Galit na galit na utos ko. Saka lang nakuhang pwersahin ni Nanay at tatay ang kapatid kong lalaki. Nanlalambot ang kalamnan ko.
"Hoy, Vee!" sigaw ni Manang Isidra na nasa likod ko na. Dahan-dahan pa akong lumingon at nang humarap na ako ng tuluyan ay galit na galit na mukha na nito ang tumambad.
"Wala talaga kayong kwenta. Mga dukha na pati tamang asal ay hindi naituro ng magulang."
"M-anang."
"Tignan mo!" sabay turo sa sirang hood ng sasakyan n'ya. "Tignan mo ang ginawa ng inutil mong kapatid. Sinira n'ya. Napakabobo talaga. Parating na Ang pulis. Titiyakin kong mabubulok ang kapatid mo sa kulungan. Hindi na lang bente mil ang kakailanganin para maayos ang lahat ng sira ng sasakyan. Ipapakulong ko siya." Galit na galit ito. Talsik pa nga ang laway nito sa mukha ko. Ramdam na ramdam ko ang galit nito, at pakiramdam ko'y kahit wala akong kasalanan ay possible n'ya pa rin akong saktan dahil sa galit n'yang iyon.
Napakarami nang nanonood sa munting eksena rito.
"Manang, idaan po natin ito sa mahinahong pag-uusap. Huwag n'yo pong ipakulong ang kapatid ko." Bumagsak ang ilang butil ng luha ko. Hindi kakayanin ng puso ko kung makukulong ang kapatid kong lalaki.
"Ipakukulong ko siya! Dapat siyang makulong! Perwisyo sa buhay ng mga tao rito sa Santa Clarabelle. Dapat mabulok siya sa kulungan."
"Huwag po! H-uwag! A-ko na lang."
Gano'n ko kamahal ang mga kapatid ko... ang kapatid ko. Kaya ko talagang magmakaawa para rito. Kaya kong akuin ang kasalanang nagawa nito. "Ako na lang po ang ipakulong n'yo, Manang Isidra. Parang awa mo na po."
"Isa ka pa, Vee! Kunsintidor ka eh. Dapat magbayad ng kapatid mo sa kasalanan n'ya... pero gusto mong akuin. Putangina n'yo talaga. Mga hayop kayo. Perwisyo kayo rito sa bayang ito. Ipakukulong ko iyang kapatid mo. Mabubulok iyan sa kulungan."
"Manang Isidra, huwag! Parang awa mo na po. Gagawa ako ng paraan para mabayaran kayo. Ipapaayos ko po ang sasakyan n'yo." Dali-dali kong kinuha ang pera sa wallet ko. Nasa anim na libo pa iyon. "Ito po. Pauna muna ito. Tanggapin n'yo po muna ito. Gagawa po ako ng paraan para mabayaran namin kayo."
"Naku! Baka kahit magbenta ka ng kidney ay walang tumanggap, Vee." Pasaring naman ni Manang Guadalupe. "Mag-abroad ka na lang. Baka sakaling makaipon ka pa ng pera para mabayaran iyang si Isidra." Natawa pa ito.
"Sige po. Manang Guadalupe, tulungan n'yo po ako para makapag-abroad. Manang Isidra, mag-a-abroad po ako para mabayaran ko kayo. Huwag na po kayong magpapunta ng pulis dito. Huwag n'yo na pong ipakulong ang kapatid ko." Desperadang pagmamakaawa ko rito.
Parang nag-isip ang matanda.
"Manang, pagkatiwalaan n'yo po ako. Ako na po ang gagawa ng paraan. Bigyan n'yo lang po ako ng time para maayos ko ito." Luhaang ani ko pa rito.
"Sige. Bibigyan kita ng tatlong buwan. Singkwenta mil ang kailangan mong ibayad sa akin. Mula sa sira ng sasakyan ko, sa gasgas sa tagiliran, at sa panggugulo ng kapatid mo. Oras na hindi mo nabayaran ang perang kailangan ko ay ipakukulong ko ang kapatid mo."
"T-atlong buwan? S-ige po. Gagawaan ko po ng paraan iyan, Manang Isidra."
"Gagawa tayo ng kasulatan. Kung hindi mo natupad iyon ay malalagot ka rin sa akin." Wala na akong nagawa pa. Sumunod na lang ako sa gusto n'ya.
--
Hindi nila ako makuhang tignan. Lahat sila ay nakayuko pagpasok ko. Dumeretso ako nang lakad patungo sa kusina. Lahat ng mga gamit na nakapatong sa lamesa ay dinampot at ibinato ko.
Baso, kutsara, plato.
Pati iyong takip ng kaldero na nakakalat ay itinapon ko.
"Anak!" luhaang tawag ni nanay sa akin. Pagod na pagod na tinignan ko ito.
"Mag-a-abroad ako, 'nay. Magpapatulong ako kay Manang Guadalupe at Kateren para makaalis ng bansa." Pinunasan ko ang luha kong bumasa na sa mukha ko. "Huwag kayong mag-alala. Magtratrabaho ako sa ibang bansa para makabayad tayo kay Manang Isidra. Singkwenta mil iyon. Hindi makukulong si Von." Lumapit si nanay sa akin at niyakap ako. Pero nagpumiglas ako.
Lumapit ako sa lababo. Iyong mga hugasing nakatambak doon ay isa-isa kong ibinato. Binasag. Tahimik lang ako, iyong ingay ng mga ibinabato kong gamit lang ang lumilikha nang nakakatakot na tunog.
"T-ama na iyan." Iyak ni nanay. Pero tuloy lang ako sa ginagawa ko.
"Putanginang buhay ito. Nakakapagod." Mahinang bulalas ko. Pati iyong planggana ay naibato ko na. "Pinipilit ko namang ayusin ang buhay natin. Pero hindi pa rin sapat. Walang mga pakisama. Nakakapagod." Iyak ko. "Kulang na lang ay ibenta ko ang katawan ko, eh. Pasan ko ang lahat ng responsibility sa bahay na ito. Pagod na pagod na ako. Ang kailangan n'yo lang naman sanang gawin ay magtino. Pero wala. Pati iyang mga pesteng mga ugali na iyan ay kailangan ko pa ring tiisin at unawain."
"T-ama na, Vee." Nang wala na akong maibato ay tumigil naman na ako.
Lumakad ako at nilagpasan si Nanay. Dinaanan ko ang sala kung saan naroon silang lahat. Pumasok ako sa kwarto at mas piniling manatili roon. Tahimik akong lumuha. Sobrang sama ng loob ko.
"Ate Vee, I love you." Naramdaman ko ang pagdagan ng bunso namin sa akin saka pinupog ako nang halik sa pisngi. "I love you, ate. Love po kita." Paulit-ulit nitong bulong dahilan para piliin kong humiga nang maayos saka siya niyakap. Nakapatong na siya ngayong sa dibdib ko. "Huwag ka na pong umiyak. Love po kita."
"M-ahal na mahal din kita, Via. Mahal na mahal ka ng ate." Pinunasan ko ang luha nito. Naiiyak din pala ito.
"Nasa-sad po si Via kapag sad kayo."
"Oh, Sige. Hindi na sad si ate. Sorry." Bulong ko rito. Niyakap ko lang ito hanggang sa makatulog ito. Kung aalis ako ng bansa... itong yakap ni Via ang isa sa mami-miss ko. Parang may magic kasi ang yakap ng batang ito. Kayang-kayang alisin ang pagod at bigat sa dibdib ko.
"Vee? Gising ka ba? Nandito si Manang Guadalupe. Gusto kang makausap."
"Opo, 'nay. Lalabas na po." Walang ganang sagot ko. Maingat na iniayos ko ng higa si Via. Bago ako lumabas ng silid. Wala na ang mga kapatid ko sa sala. Si Manang Guadalupe na lang at si Nanay Susan.
"Vee, natawagan ko na si Kateren. Nasabi ko na sa kanya na gusto mo na ring mag-abroad." Malawak ang ngising ani ni Manang Guadalupe. "Pwede ka raw n'yang pautangin para sa mga requirements. Kokontakin din daw n'ya ang agency n'ya para matulungan kang makaalis ng bansa."
"Gano'n po ba. Salamat po, Manang Guadalupe." Walang ganang sagot ko.
"Vee, isipin mo na lang na gagawin mo ito para sa pamilya mo. Kapag nag-abroad ka ay maipapaayos mo na itong bulok n'yong bahay. Mapapaaral mo na rin sa kolehiyo ang mga kapatid mo. Si Vicky... hindi ba't pangarap n'yang maging doctor? Oh, pwede mo na siyang mapaaral." Kitang-kita ko ang galak ni nanay habang naririnig iyong mga sinasabi ni Manang Guadalupe. Para itong nae-excite na mabago ang buhay namin sa planong pag-a-abroad ko. "Itong nanay mo ay hindi na rin kailangan maglabada sa mga kakilala n'ya. Pwede na siyang umupo-upo at magdonya-donya lang dito sa bahay n'yo habang nagbibilang ng dolyar." Mas lalong na excite ang aking ina.
"Ano, 'nak? Tutuloy ka ba?" tanong ng aking ina.
"Tutuloy, 'nay. Mag-a-abroad ako para makabayad kay Manang Isidra."
"Tara sa bahay. May computer doon. Kailangan mo ng appointment para makakuha ka ng passport. Asikasuhin na natin lahat para mabilis kang makaalis ng bansa." Mas excited pa rin itong ginang. Nagmamadali.
"Eh, anong bansa ba ang mapupuntahan ni Vee?"
"Sa middle east, Susan. Kapag itong pag-a-abroad ni Vee ay natuloy ay talagang mababago ang buhay ng pamilya ninyo."
Mas lalo lang nakumbinsi ang nanay ko. Pero ako... sobrang bigat sa dibdib ko.
--
"Mag-a-abroad ka?" tanong ng nobyo kong si Jay-r. Gabi na ako nakaalis sa bahay ni Manang Guadalupe. Dito ako dumeretso sa bahay nila Jay-r. Napalinga ako sa pamilya ni Jay-r na narito sa balcony ng kanilang bahay at alam ko namang nakikinig sa usapan namin ng lalaki.
"Labas muna tayo, mahal. Sa labas tayo mag-usap." Yaya ko rito. Sinubukan kong abutin ang kamay nito pero iniwas lang n'ya iyon. Saka siya lumakad palabas sa kanila. Humabol naman ako. Habang iyong mga kaanak nito ay nakaangat ang kilay sa akin.
Hindi ko na lang pinansin at humabol na ako kay Jay-r.
Nakarating kami sa tricycle n'ya. Agad siyang lumulan, kaya sumakay na rin ako. Dinala n'ya ako sa isang parke. Sa parkeng madalas naming pasyalan.
"Oo, mahal. Mag-a-abroad ako." Iyon ang sagot ko sa tanong ng lalaki kanina. Kumuyom ang kamao nito.
"Hindi mo ba tatanungin kung okay lang sa akin?" inis na tanong nito.
"Kailangan kong gawin ito, Jay-r. Sana'y maunawaan mo. Ayaw kong makulong ang kapatid ko."
"Kaya pati relasyon natin ay isasakripisyo mo? Mahal na mahal kita, Vee---"
"Mahal din kita!" sagot ko.
"Kung mahal mo ako ay balik aalis ka? Alam mong ayaw ko. Pero iiwan mo ako?" disappointed ito. Galit pa nga, eh.
"Jay-r, para ito sa pamilya ko. Gagawin ko ito para sa kanila. Mahal kita, pero kailangan ako ng pamilya ko." Naluluhang ani ko rito.
"Hindi mo ako kayang piliin."
"Mahal kita. Please, hirap na hirap na ako. Huwag mo naman akong papiliin." Hinawakan ko ang kamay nito at hindi iyon binitiwan kahit na sinusubukan nitong kunin iyon.
"Huwag kang umalis, Vee. Gawaan na lang natin ng paraan dito iyang problema mo. Kung gusto mo ay ibenta na natin iyong tricycle ko para may maipambayad ka kay Manang Isidra."
"H-indi. Hindi kita idadamay sa hirap na dinaranas namin. Alam kong importante sa 'yo at sa pamilya mo ang tricycle na kabuhayan ninyo. Aalis ako, Jay-r. Pero pangako ko sa 'yo na babalikan kita. Babalik ako. Sa pagbalik ko ay pwede na siguro tayong bumuo ng sarili nating pamilya. Pangako ko iyan sa 'yo."
"Hindi ko alam." Pagod na sagot ng lalaki.
"Jay-r, huwag mo akong susukuan. Parang awa mo na. Mahal na mahal kita, eh. Kung pati ikaw ay bibitaw... paano na ako?" ani ko rito.
Tinanggap ako ng lalaki kahit ganito ang kalagayan ng buhay namin. Nirespeto ako nito. Minahal ako nito. Kaya hindi ko kayang mawala ito sa akin.
"Mahal, mag-a-abroad lang ako. Pwedeng habang nasa abroad ako ay buuin natin iyong ibang pangarap natin. Hindi ba't pangarap mong magkaroon ng sariling talyer? Mag-iipon ako roon para magkaroon ka rin ng puhunan. Mahal, basta ipangako mo na hihintayin mo ako." Pakiusap ko rito. Hindi ito umimik. "Aasikasuhin ko na iyong pag-a-abroad ko. Nakausap ko na kanina iyong boss sa agency na tumulong kay Kateren para makaalis ng bansa. Hiring nga raw at kailangan ng mga taong paaalisin sa susunod na buwan. Kailangan kong makompleto ang requirements. Iyon ang pagkakaabalahan ko, mahal ko."
"Sige, umalis ka. Pero hindi ko maipapangako sa 'yo na mahihintay kita." Parang piniga ang puso ko. Ang sakit palang marinig iyon.