Ano ba ang mabisang pampasaya sa isang tao? Pera ba ito? O hindi kaya gamit? Paano kapag bakasyon? O ang makipaglaro, sports man o ng apoy? Maari rin namang babae, hindi ba?
Pero kadalasan, hindi man aminin nino man, ang takbuhan ng tao kapag nalulungkot o naiinis o kahit ano mang emosyon ay iisa lang. Ang pagkain.
Kapag nalulungkot ka, pagkain. Kapag masaya ka, mag-aaya ka na kumain. Kapag naiinis ka, binubunton sa pagkain.
Lahat ay mahilig sa pagkain. Walang sino man ang hindi kailangan ang pagkain.
Kaya naman masaya si Rica na may nakahain na sa lamesa na pagkain noong umagang iyon. Nakakapanibago dahil wala namang naghahanda sa kaniya, but it's for the better. Masaya siya sa pagbabagong ito.
Nasa high school siya noong huling may naghanda sa kaniya ng agahan. Mula kasi noong nagkolehiyo siya ay pagkain sa restaurant, canteen, o sa turo-turo na karinderya ang kinakain niya. Kung pupunta naman siya sa bahay ng asawa, nahahalata niyang hindi siya tanggap ng mga magulang nito. Kaya hindi siya nagtatagal o makikain man lang ay hindi niya magawa.
"Sa akin ba lahat ng ito?" Bakas ang tuwa sa boses ni Rica.
Agahan ito sa isang tipikal na probinsya pero dinagdagan niya ng luto ng ibang pagkain. May sinangag na mayroong maraming bawang, daing na tuyo na prinito at kamatis na hiniwa ng maliit. Mayroong ding niluto si Nita na pritong itlog at hotdog sa isiping baka ayaw ng amo ng tuyo. Ang tuyo ay nanggaling pa sa kanila kaya alam niyang masarap ito. Pero hindi niya na naman aakalaing gusto rin ito ng amo. Nakahanda na rin ang kape sa gilid at tubig.
"Opo," nakangiting sabi ni Nita. Maayos na ito na halatang nakaligo na at parang hindi nagluto.
Naupo na agad si Rica at handa ng sumandok ng napalingon siya sa nakatayong dalaga. Parang wala itong balak na maupo.
"Kumain ka na ba?" Tanong ni Rica na binitawan muna ang kubyertos.
Yumuko muna ang dalaga na nahihiya bago sumagot. "Hindi pa po. Mamaya na lang po ako pagkatapos ninyo."
"That's nonsense. Kumuha ka na ng pinggan mo at nang makakain tayo ng sabay. Mahirap kumain ng mag-isa. Dadalawa nga lang tayo rito tapos hahayaan mo pa akong kumain ng mag-isa." Sa sinabing ito ng amo ay napalingon si Nita rito. Ngumuso pa ito na mas nagpadagdag ng kaniyang kakyutan sa mata ni Nita. Hindi pa ito nakapag-ayos at suot pa ang roba. Pero nandoon pa rin ang ganda nito.
Sa titig na binibigay ni Rica ay hindi niya na mahindian pa ito. Tumango na lang siya at kumuha ng pinggan at kutsara kasama na rin baso sa kusina. Nahihiya man ay naupo na siya sa lamesa.
Kukuha na sana ng pagkain si Rica nang biglang niyang nakita ang pag-cross ni Nita. Napangiwi siyang nakatingin sa babaeng mataimtim na nagdarasal. Hindi naman siya ang taong hindi naniniwala sa Diyos, sadyang hindi lang talaga siya paladasal lalo na at doctor siya; doctors mostly believe in science but some still believe in God and she's one of the latter but not so prayerful. Sanay din kasi siya sa hospital na kailangang mabilis ang kilos. Nakakalimutan niya na rin ang magdasal.
Hinintay siyang matapos ang dalaga sa pagdasal. Noong matapos ito ay doon lang siya sumandok at tumikim sa sinangag.
"Hmm!" napaungol pa siya sa sarap nito. May kakaiba siyang nalalasahan na hindi niya mawari kung ano, pero napakasarap nito. "Magkatulad talaga kayo ng luto ng nanay mo," nakangiting sabi ni Rica.
Hindi na sumagot pa si Nita at kumain na lang din. Masaya siya na nagustuhan ng amo ang kaniyang niluto. Nagawa niya ang hamon nito kagabi. Ngunit hindi pa tapos ang araw para sumaya na siya.
Masagana silang kumain ng umagang iyon. Minsan ay nagkekwento si Nita, na napalagay na ang loob sa amo. Kwento siya ng kwento ng mga bagay na masaya. Sa kadaldalan ni Nita sa amo ay naging masaya ang kanilang agahan na dalawa.
Pagkatapos nilang kumain ay nag-ayos na agad si Nita ng hapag-kainan habang si Rica naman ay bumalik sa silid. Mabilis na gumalaw si Nita kaya sandali lang ay natapos na siya kasama paghugas ng pinagkainan nila.
Halos malinis naman ang buong bahay kaya halos wala na siyang gagawin pa. Pero kumuha pa rin si Nita ng walis at inumpisahang walisan ang sala, papuntang dining area, hanggang nakarating siya sa kusina. Mabilis talaga siyang kumilos kaya tapos na agad ang lahat ng gagawin niya ng hindi pa siya pinagpapawisan.
Maya pa ay bumaba si Rica ng hagdan. Nakaligo na ito pero nakasuot lang ng pambahay, indikasyong walang balak na lumabas ang amo.
"Nita, halika at maglibot tayo. Unang araw mo ngayon dito kaya ililibot kita." Nakangiting aya ni Rica. Napangiti si Nita na nagalak sa isiping malilibot niya ang subdivision.
"Sige po. Isasarado ko lang po ang pinto sa likod." Tumango naman ang amo niya na nauna nang maglakad palabas. Mabilis na tumakbo naman si Nita sa likod para siguraduhing sarado ang lahat bago sila aalis.
Nang ayos na ang lahat, lumabas na si Nita at nakita niya agad si Rica na kausap ang katulong na nakausap niya kahapon. Iyong Toni.
"Andiyan ka na pala." Sabi ni Rica habang si Toni ay kumaway naman kaya sinagot niya rin ito ng kaway.
Sarado ang main gate kaya napalingon si Nita sa gilid kung mayroong maliit na gate, at tama nga siya dahil may nakabukas doon. Hindi niya man lang ito napansin kahapon.
Lumabas siya at lumapit din si Rica sa kaniya para iabot ang kandado para sa pinto. Mabilis niya itong kinandado bago hinarap ang dalawang babae.
"Nakilala mo na raw si Toni kahapon pa?" Tanong ni Rica na kinuha ang inaabot na susi ng dalaga.
"Opo," nakangiting sabi ni Nita na tumingin pa kay Toni.
"Mabuti naman kung gano'n," sabi ni Rica at bumaling kay Toni. "Pakisama naman siya minsan sa mga paglabas-labas ninyo, ha? Ngayon lang 'yan nakaluwas dito kaya sa iyo ko inaasa ang kaligtasan niya, Toni." Sabi na pautos ni Rica sa kaharap na tumango naman at nakangiti pa ng malawak.
"Oo naman po. Ipapasyal ko po siya at isasama. Huwag po kayong mag-alala dahil magiging ligtas po siya sa akin. Pangako!" Inangat niya ang palad na nagpapakita na siyang nanunumpa. Natawa naman si Nita dahil dito, kaya nahawa ang dalawa sa kaniyang tawa.
"Puro ka talaga kalokohan, Toni. Pero ayon nga, iyon lang ang hiling ko." Ulit ni Rica at kinatango naman ni Toni.
"Matanda na rin naman po ako, Ate. Huwag po kayong mabahala." Sabat na ni Nita sa usapan ng dalawa.
"Matanda naman na pala, e. Wala ng problema." Parang siga sa kantong sabi ni Toni na kinatawa na naman ng dalawa. May papitik-pitik pa ito ng kamay na akala mo isang lalaki.
Bago pa man humaba ang kanilang usapan, narinig na nila na may tumatawag sa kay Toni.
"Naku po! Nandiyan na ang dragon." Nakangiwing sabi ni Toni. " Sige po. Happy pamamasyal sa inyong dalawa. See you when I see you." Pamamaalam nito bago tumakbo sa katapat na bahay.
"Hayaan mo siya. Gan'yan talaga siya pero mabait naman." Sabi ni Rica na nauna ng maglakad.
Nakapaskil sa kaniyang labi ang ngiti ng sumagot si Nita. "Alam ko naman po. Makikita ring mabait talaga siya, sadyang makwela lang."
"Tama ka diyan." Sang-ayon na lang ni Rica na lumilinga-linga. Ang sarap kasing maglakad habang hindi pa mainit sa balat ang sikat ng araw. Alas siyete pa lang ng umaaga kaya wala pang katao-tao sa daanan. Kung may makakasulubong sila ay iyong umuuwi na dahil tapos na mag-jogging.
"Mayroon ditong mini-mart, gym, salon, playground, plaza, food court, at lagoon. Pinagawa talaga ang mga iyon para mas madali sa mga nakatira rito." Paliwanag nito kay Nita na nakikinig lang at tumitingin sa paligid. Tinatandaan niya kung saan sila lumiliko para alam niya kung may pupuntahan siya sa susunod.
Ilang kanto ang kanilang dinaanan hanggang lumiko sila sa kanan at bumugad agad sa kanila ang malaking gusali. May dalawang palapag ito na sakop lahat ng mga kilalang shop. Nakikita ni Nita ang pangalan ng mga shop dahil salamin naman ito.
"Mini-mart ang nasa ilalim habang mga salon at food court sa ibabaw. Malapit lang siya, 'di ba? Hindi ka na mahihirapan na pumunta dito." Paliwanag ni Rica habang patuloy sila na naglalakad papuntang mini-mart. Pumasok siya kaya sumunod si Nita sa amo.
Sa loob noon ay parang grocery store na makikita sa isang mall. Kompleto sa lahat ng bilihin na siyang kinamangha ni Nita. Akala niya ang sinabing mini-mart ni Rica ay katulad lang ng maliit na pamilihan katulad sa kanila, iyon pala ay grocey store na. Bagay lang ito para sa mga mayayamang nakatira rito.
Sumunod lang si Nita sa amo na papuntang kuhanan ng cart. Kaya inunahan ito ni Nita at siya na ang nagtulak. Ngumiti lang sa kaniya si Rica bilang pasasalamat.
Nauna itong maglakad ulit at kumuha ng mga paninda na gusto niyang kainin. Kumuha siya ng juice na nasa karton at ilang biscuits. Pumili din siya ng ilang malalaking sitsirya at iba pang inumin para mamaya. She was craving for chocolate, kaya doon siya pumunta at kumuha ng ilang supot ng iba't ibang klase at laki ng tsokolate.
Sumusunod lang si Nita at tinitingnan ang binibili ng amo. Napansin niyang halos hindi naman pangkusina ang binili nito kaya nagtanong na lang siya.
"Ate, puwede po ba akong kumuha ng ibang sangkap para sa kusina?" Paalam niya rito.
"Oo naman. Kumuha ka lang." Pagpayag nito na tumango pa na parang tinuturo na kumuha na siya doon.
Ngumiti muna si Nita bago sumagot, "Sige po." Pagkatapos ay pumunta na siya sa bilihan ng gulay.
Marami pang karne sa bahay pero wala na halos ang gulay. Kahit may dinala sila ng senyora ay hindi pa rin iyon sapat. Kaya naging abala siya sa pagkuha ng kailangan. Iniwan niya ang cart kay Rica na ngayon ay ito na ang nagtutulak papunta sa kaniya.
"Kailangan ba natin 'yang lahat? Baka masira lang iyan." Tanong ni Rica na puno ng pagtataka. Ang dami kasing kinuha ni Nita na mga gulay pero mayroon ding prutas.
Umiling muna si Nita bago sumagot. "Baka kulang pa po ito para sa susunod na araw." Sabi niya at pinasok sa cart ang napiling mga pagkain. Hindi na sumagot pa si Rica. Alam niyang mas may alam ito dahil ito rin naman ang nagluluto sa kanila.
Hinayaan na ni Rica ang abalang dalaga sa pagkuha ng mga paninda na kailangan sa bahay. Kaniya-kaniya silang dampot ng kanilang kailangan habang si Nita na ang nagtutulak ng cart.
Inabot din sila ng halos kalahating oras bago sila nakapila. Hindi marami ang tao pero may iilan na halos ay mga katulong. Marami rin ang mga pinamili ng mga ito para sa pagluluto. May iilang kabataan din pero ang mga bitbit ay hindi masustansyang pagkain.
Ilang sandali pa ang kanilang ginugol sa pagpila hanggang sila na. Umabot din ang kanilang pinamili ng pitong libo. Nanlumo si Nita sa mahal ng binayad ng amo, na siya namang kinatawa ni Rica.
"Huwag kang manlumo riyan. Hindi naman ikaw ang dahilan kung bakit ganiyan kamahal ang babayaran natin. Ang ibang chocolate riyan ay sadyang mahal." Nakangiting sabi ni Rica na napatunayan nang makita niya ang resibo. Mayroong umaabot ng five hundred isang chocolate lang.
Namangha si Nita sa halaga ng mga bilihin. Kung titingnan ay kaunti lang ang kanilang pinamili dahil nagkasya ang lahat sa isang kahon. Pero ang halaga pala nito ay mala-ginto na para kay Nita.
"On-cart po ba, Ma'am?" tanong ng saleslady kay Rica.
"Yes. Pakihatid na lang sa house number thirty-two." Sagot ni Rica tapos ay inabot ang ATM niya. Isang slide lang ay bayad na ang lahat pati ang fee para sa pagpapa-deliver ng kanilang pinamili.
"Thank you, Ma'am." Pasasalamat ng saleslady at inabot muli ang card sa babae.
Tapos na silang magbayad kaya naman ay bubuhatin na ni Nita ang kanilang pinamili pero naunahan siya ng lalaki. Nagtaka siya bakit kinukuha nito ang kanilang pinamili.
"Hala! Bakit mo kinukuha 'yan? Ibalik mo 'yan dito!" Naiinis na sabi ni Nita, may delikadesa pa naman siya kaya hindi niya tinaasan ang boses. Pero narinig siya ni Rica kaya natawa ito at pinigilan siya sa braso bago pa man siya makatakbo para habulin ang kumuha ng kanilang pinamili.
"Nita!" tawag na saway nito sa dalaga. Napatigil naman ito at tumingin sa amo. "Tauhan 'yon ng store. Pina-deliver ko ang pinamili natin sa bahay para hindi na tayo mahirapan pang bitbitin ito." Paliwanag niya sa dalaga na hinihila niya na palabas ng store. Nakakapit siya sa braso nito kaya sumusunod sa kaniya ang dalaga.
Parang doon naliwanagan ang dalaga. Namumula itong napayuko. "'Yon ba ang ibig sabihin ng on-cart?" nahihiya niyang tanong. Napabungisngis si Rica sa inaasta ng dalaga lalo na sa mapupula nitong pisngi. Hindi niya mapigilang huwag itong pisilin.
Pinisil niya muna ito bago sinagot. "Oo, 'yon nga. I don't know why they called it on-cart though. I think because they're using cart to deliver the goods." Ang kaniyang katanungan ay siya ring sumagot. "Hayaan mo na. Basta mai-deliver nila sa bahay. Sa ngayon, akyat tayo."
Doon ay napaangat ng tingin si Nita. Paakyat na pala sila ng hagdan ng hindi niya namamalayan. Kung kanina ay nakapulupot pa ang braso ni Rica sa kaniya, ngayon ay hawak na nito ang kaniyang pulsuhan. Nauuna ng maglakad paakyat ang amo habang siya ay sumusunod kang dito.
"Magpapa-salon po ba kayo, Ate," nagtatakang tanong ni Nita.
"Hindi. Iikot kang kita rito at bibili tayo ng pagkain," sagot nito.
Pagkaakyat nila, doon na napansin ni Nita na hindi lang pala ito simpleng food court. Nakalinya ang kilalang fast-food chain ng bansa. Halos ay nandoon na ang lahat kaya namangha si Nita. Sa probinsya ay iilan lang ang nakikita niya at napapasukan. Hindi naman kasi palaging may pera tapos nagtitipid pa siya.
"Naki-crave ako ng fried chicken ngayon. Halika, doon tayo!" Sabi ni Rica sabay hila ulit kay Nita na nakatunganga na sa pagkamangha.
Maaga pa naman kaya hindi pa ganoon karami ang mga tao. Kung mayroon man, iyong ibang tapos na mag-jogging at kumakain ng almusal. May mga estudyante rin na kumukuha ng take-out.
"Maupo ka muna riyan. Ako na ang o-order," sabi ni Rica na kinailing ng isa.
"Ako na po, Ate. Kayo na lang po ang maupo rito." Hinila niya ang amo sa isang upuang nandoon. Pinaghila niya muna ito ng upuan at sapilitang pinaupo.
"Sigurado ka ba?" Nag-aalala pang tanong ni Rica. Alam niyang matalino ang kaharap pero baka kasi mailang ito.
"Oo naman po. Ano po bang gusto ninyong bilhin?" Determinado talaga ito at nakikita iyon ni Rica. Kaya napangiti siya saka binanggit ang gustong pagkain. Ang hindi niya alam ay naging service crew din si Nita kaya sanay na ito sa ganitong lugar.
"One bucket of fried chicken lang ayos na ako. Dagdagan mo na lang ng iba. Kakain din naman ako mamaya." Nakangiting sabi ni Rica bago inabot ang card niya. Tumango lang ito at pumila sa take-out lane.
Nakatingin lang si Rica sa dalaga habang abala na ito mag-order. Napapangiti si Rica dahil ngayon na lang ulit may nag-effort na bilhan siya. Kadalasan, siya ang pumipila para sa ibang tao, lalo na sa kaniyang asawa. Halos siya ang gumagawa ng lahat para rito simula ng sila'y ikinasal. Pero kahit ganoon, masaya si Ricang pinagsisilbihan ang asawa.
Sa kakaisip ng kaniyang buhay na kasama ang asawa ay hindi man lang niya namalayan ang paglapit ni Nita na dala na ang numero.
"Sandali na lang daw 'yon." Inabot na agad ni Nita ang ATM at na naupo sa harap ng amo, na ngumiti lang bilang sagot.
Nabalot sila ng katahimikan. Abala si Nita sa pagtingin sa paligid habang ang mata naman ni Rica ay napako sa mag-asawang may kasamang anak na babae. Masaya silang nag-uusap at sinusubuan nila ang batang babae. Malawak ang ngiti ng bawat isa. Ang ganitong tagpo ay nakakainggit sa parte ni Rica. Bata pa lang siya no'ng nawala ang kaniyang mga magulang at hindi niya pa rin matatawag na ang buo ang kaniyang pamilya.
"Number three!" Sigaw ng babae sa counter kaya tumayo na si Nita para kunin ang pinamili. Sandali pa ay bumalik din siya sa amo na nakatayo na at handa ng umalis.
"Hindi na kita ililibot pa rito. Doon na tayo tumuloy sa lagoon. Nagutom ako kakalakad natin." Masiglang sabi ni Rica pero nahalata ni Nita na pilit lang ito. Alam niyang may pinagdadaanan ang amo. Hindi naman siya tsismosa para ungkatin ito.
Sumunod na lamang siya ulit sa amo na tahimik na, hindi katulad kanina na turo ito ng turo. Nadaanan na rin nila ang gym at iba pang gusali pero hindi man lang ito nagsalita.
Ilang sandali pa, narating nila ang playground. Mayroon itong iba't ibang palaro para sa bata. Tulad ng seesaw, duyan, 'yong bakal na puwede kang maglambitin, slide, at iba pa. May mga upuan din sa gilid upang pahingahan o upuan ng nagbabantay sa mga bata. Wala pang bata ngayon kaya ang tahimik pa ng playground.
Sa hindi kalayuan, naabot ng paningin ni Nita ang lagoon. Mukhang man-made at napakaganda. May mga upuan at picnic table na siguradong pinasadya rin.
"Doon tayo." Doon na lang napabaling si Nita sa kasama. Tinuturo nito ang picnic table katabi ng lagoon kaya sumunod na lang siya ulit dahil nauuna na naman ito. "Sa kabilang kalsada ay makikita ang plaza. Para itong auditorium kung titingnan sa laki nito. Doon ginaganap ang mga programa ng subdivision. Minsan pa nga ay dito rin dinaraos ang ibang okasyon ng ibang nakatira rito." Paliwanag ni Rica.
Namangha na naman si Nita dahil nakita niya nga ito. Ang laki nga nito. Sa lawak nito ay siguradong kasya na ang apat na bahay.
"Napakayaman naman po ng may-ari nitong subdivision, Ate," puri ni Nita.
"Siguro. Hindi ko pa naman nakikita ang may-ari. Pero ganoon na nga siguro. Buwan-buwan may binabayaran din kami rito para ma-maintain ang mga lugar na ito." Kibitbalikat na sagot ni Rica. Mukhang wala itong interest sa may-ari basta nakatira lang siya rito.
Pagkarating nila sa isang picnic table na may lilim ay nilapag na ni Nita ang dalang mga pagkain. Nauna ng naupo si Rica habang inaayos ni Nita ang pagkain at binibigay sa amo ang binili niya para rito.
Kumuha agad si Rica ng fried chicken at kumain. Napapangiti siya sa bawat kagat niya nito, na hindi nakaligtas sa mga mata ni Nita. Nagtataka siya kung bakit nakangiti ang amo.
Ang naiisip lang naman ni Rica ay ang nakaraan nila ng asawa. Noon kasi nang nanliligaw pa ito, palaging ganito ang dala nito sa kaniya. Hindi chocolate o bulaklak, kung hindi ay pagkain. Masaya siya sa dinadala nito.
Masaya siya noong nanliligaw at naging sila ng asawa. Pero nagbago ang lahat noong kasal na sila. Hindi maisip ni Rica kung bakit sila nagbago. Siya ba ang may gawa at pagkukulang? O ang asawang walang ginawa kung hindi siya ay sisihin sa kasalanang hindi niya naman sinasadya?
"Ate, juice po or softdrink?" Boses ni Nita ang nagpabalik sa kaniya sa kasalukuyan. Nakangiti ito na parang sinasabihan siyang ayos lang ang lahat. Na malalampasan niya rin kung ano man ang kaniyang pinagdadaanan. Sa ngiting iyon ng dalaga, naging maayos na rin ang kalooban ni Rica.
"Juice lang," nakangiti na nitong sagot. Malugod namang binigay ng dalaga ang kaniyang hinihingi.
Masayang kumain ang dalawa. Parang naging hingahan ni Rica ang dalaga kahit wala man siyang sabihin dito. Alam nito kung kailan magsesersoyo at kailan mangungulit. Ngayon nga ay makulit itong nagkukuwento sa amo.
"Bakit naman ayaw mo sa kaniya?" tanong ni Rica.
"Ang baho po kaya ng hininga niya." Nandidiri pang sabi ni Nita kaya natawa ang kaniyang kasama. "Paano kapag makikipag-ano po ako sa kaniya, edi babaho rin ako? Huwag na po." Iling pa ito ng iling. Halata ang disgusto nito sa katrabaho niyang gusto siyang ligawan.
"Puwede naman 'yon solusyonan," giit pa ni Rica.
"Ayaw ko pa rin po. Gano'n na po siya sa akin." Pinakita pa nito ang thumbs down na sign. Napailing na lang ang amo niya.
Sa pag-uusap nila ay hindi nila namalayang naubos na nila lahat ng pagkain. Mainit na rin ang sikat ng araw sa balat. Kaya naman nag-aya nang umuwi si Rica. Tumango lang si Nita na inayos ang kanilang pinagkainan. Tinapon niya ito sa malapit na basurahan.
Nagtatawanang umuwi ang dalawa. Parang nakatagpo sila ng matalik na kaibigan sa katauhan ng bawat isa. Alam ni Ricang mapapagkatiwalaan ang dalaga pero hindi pa panahon para malaman niya ang totoo.
"Ha? Umikot lang po tayo?" Nagtatakang tanong ni Nita ng marating nila ang garahe.
"Oo. Sinadya ko talagang ilibot ka para makita mo ang lahat." Nakangiting sagot ni Rica. Binuksan niya na rin ang maliit na gate sa gilid ng garahe saka sila'y pumasok.
Masaya pa silang noong papasok ng bahay. Ngunit sila'y napatigil noong dumagundong sa buong kabahayan ang boses ng isang lalaking nakatayo sa pinto roon sa kusina.
"Put*angina, Rica! Saan ka na naman galing!?" Sigaw nito na puno ng galit.