Napakahirap mag-adjust sa isang bagay lalo na kung hindi mo talaga kinasanayan simula nang isilang ka. Mahirap ding mapalayo sa pamilya dahil mangungilila ka.
Pero lahat ng iyon ay kakayanin ni Nita para sa pamilya. Akala ng pamilya niya ay tungkol lang ito sa kaniyang pag-aaral pero ginagawa niya rin ito para sa ama. Gagawin niya ang lahat para sa pamilya.
"Tapos ka na bang maghugas ng pinggan?" Tanong ng ginang kay Nita na kalalabas lang ng kusina. Lumapit ito sa ginang at inilapag ang tubig na dala. Alam niyang palaging umiinom ang ginang, kaya pinagdalhan niya ito. "Salamat, Apo."
Ngumiti muna si Nita bago sumagot sa tanong nito kanina. "Opo," ang kaniyang simpleng sagod. Tumango ang ginang bago uminom ng tubig na dinala ng dalaga. Nakaramdam din siya ng uhaw dahil sa init ng panahon na hindi niya nakasanayan. Kahit may kalamigan sa loob ng bahay dahil sa air-conditioned ito, mainit pa rin ang kaniyang nararamdaman. Iba talaga ang klima ng Manila kaysa sa probinsya na kaniyang nakasanayan.
"Kung gano'n, magpahinga ka n lang muna. Alam kong pagod ka rin sa biyahe natin kanina. Bukas ka na gumawa ng kung ano. Wala ka naman na ring gagawin pa kapag natapos na nila Raquel ang mga gawain dito." Sabi pa ng ginang at tinitingnan ang cellphone dahil tumunog ito. Napakunot ang kaniyang noo habang binabasa ang mensaheng pinadala.
"Pero-"
"Huwag ka ng umangal pa, Apo," putol ng ginang sa dalaga. "Magpahinga ka na lang muna at ako'y aalis na. Hindi na pala ako rito matutulog pa. May kailangan akong taposin sa opisina at kailangang umuwi na agad. Nagkaproblema ang hacienda at wala roon si Samuel. Dadaan na lang ako kay Rica mamaya." Tuloy-tuloy na sabi ng ginang na nakuha naman agad ni Nita. Nauunawaan niya ito. Alam niyang hindi ganoon kadali ang maging mayaman, kailangang kumayod upang marating ito.
"Gano'n po ba." Bakas ang lungkot sa mukha ni Nita pero ngumiti pa rin siya para hindi mahalata ng ginang na kinakabahan siya. "Mag-ingat po kayo sa pag-uwi, Lola."
"Oo naman," sagot ng ginang na tumayo na at handa ng umalis. "Magluto ka na lang diyan mamaya para sa hapunan mo. Mag-ingat ka rin dito. Ikaw na lang mag-isa mamaya dahil uuwi rin 'yang sila Raquel." Habilin pa ng ginang.
"Opo. Magsisirado po ako ng buong bahay."
"Good." Tango ng ginang at naglakad na siya. "See you soon, Nita." Habol pa ng ginang.
"Opo." Bulong na lang ni Nita na tinanaw ang ginang na umalis.
Wala na rin siyang gagawin pa. Abala ang tatlo sa pag-aayos ng labas dahil tapos na sila sa loob ng bahay. Malinis na para maglinis pa si Nita, kaya napagpasyahan niya na lang na pumasok sa kaniyang silid at ayosin ang kaniyang mga gamit.
Pagpasok niya sa silid ay naupo muna siya at kinuha ang cellphone. Wala siyang natanggap na kahit anong mensahe, lalo na sa kaibigan. Nakaramdam ng lungkot ang dalaga dahil doon. Ayaw niyang maging ganito sila ng kaibigan, parang estranghero, pero wala na siyang magagawa pa. Hindi niya naman puwedeng ipilit ang bagay na hindi puwede at ayaw ng puso niya.
Napabuntonghininga na lang si Nita. Nilapag niya ang cellphone sa kama at nilapitan ang bag.
May kalakihan din ang bag niyang dala kaya nagkasya ang kaniyang mga gamit. Nilabas niya muna ang mga damit sa bag at nilapag sa kama. May pambahay na siyang mas marami, may ilang panlakad siyang dinala baka sakaling kakailanganin niya, at ilang pantulog na puwede niyang salit-salitan. Underwear ang kompleto sa kaniya, isama pa medyas para sa iisang sapatos niyang dala. May gamit din para sa banyo at iyon ang inuna niyang damputin para madala na sa banyo.
Pagbukas niya ng banyo ay napanganga siya sa lawak nito. Naka-tiles din na kulay puti na may halong kulay asul ang sahig at pati na rin ang pader. Maganda at kompleto na sa gamit na parang sinadya talagang lagyan upang sa oras na may gumamit nitong silid ay mayroon na. May shower, maliit na lababo, at inodoro. May maliit ding kabinet na puwedeng paglagyan ng iilang gamit.
May mga sabon at kung ano pa ang nasa loob. Binaliwala na lang ito ni Nita at isinama na rin ang personal niyang gamit sa mga nandito na. Inayos niya muna iyon bago lumabas.
Lumapit siya sa kabinet na nandoon sa gilid ng pinto ng banyo. Binuksan niya ito at malawak din na kasya ang maraming damit. Malinis naman kaya maari niya ng ilagay ang mga damit. Patong-patong na pinasok ni Nita ang kaniyang mga damit sa loob. Sinama niya na rin ang bag, nilagay niya naman ito sa ilalim.
Maaliwalas ang silid. May ceiling fan na tama lang ang laki kaya hindi mainit. Malaki rin ang bintana na nakaharap sa taniman ng mga orchids at mayroon ding puno ng mangga. Kaya presko ang hangin na umiihip at pumapasok sa loob ng silid.
Ang dalawalang kama ay hindi magkasalungat. Ang isa ay nakaharap sa bintana habang ang isa ay gilid ng bintana. May maliit na lamesa kung saan nakapatong ang TV sa kabilang gilid ng bintana at malapit sa kabinet. Sobrang luwag ng silid kung titingnan.
Pagkatapos titigan ni Nita ang buong silid na kaniyang titirhan pansamantala, napagpasyahan niyang matulog na muna. Tama ang senyora kanina. Nakaramdam siya ng antok at pagod. Hindi niya alam na ganoong kapagod ang magbiyahe ng hindi naman ganoon kalayuan. Malapit lang naman kung tutuusin sadyang unang beses niya pa lang na nakaluwas ng kanilang bayan. Naninibago siya at hindi talaga sanay.
Nahiga siya sa kaniyang napiling kama, ang kama sa tabi ng bintana at sa ilalim nito. Kinuha niya muna ang cellphone at naglagay ng alarm doon. Mag-aalas dos pa lang, kaya puwede pa siyang matulog kahit isang oras lang. Nilagay niya ang alarm sa alas-tres at tinabi ang cellphone kung saan maririnig niya pa rin ito sa oras na tumunog. Sa pagpikit niya, ilang sandali pa ay nakatulog na siya.
Lumipas ang isang oras, kasabay sa paggising ni Nita ay natapos din sa paglinis ang tatlong katulong. Mga house cleaner sila sa isang kompanya na kinontrata na ni Rica para maisaayos ang kaniyang bahay. Matagal na silang nagtatrabaho kay Rica kaya panatag na si Rica na ligtas ang kaniyang bahay sa mga ito kahit iwan niya sila.
Sa paglabas ni Nita sa kaniyang silid, nakita niya agad ang tatlo sa kusina na nagmemeryenda. Sa bahay lang ni Rica sila may libreng meryenda na siyang habilin ng doktora.
"Halika, Nita. Magmeryenda ka na rin," aya ni Berna sa kaniya.
"Salamat po," sabi lang ng dalaga at nakisabay na siya. Mabait ang tatlo kaya nakasundo niya na agad sila. Tinuro nila ang lahat kay Nita.
"Huwag mo ng problemahin ang ilaw sa labas at sa gate, automatic 'yon na umiilaw pagsapit ng alas sais ng gabi at namamatay naman sa umaga. Ang switch ng sa salas ay nandoon lang sa gilid ng pinto. Sa pagpasok mo mula sala, nasa gilid din ng pinto ang sa dining area. Ang sa itaas, sa ilalim ng hagdan sa pader ay may switch naman para roon. Sa hallway papuntang kwarto mo ang nandiyan lang sa gilid." Sabay turo doon sa pader sa labas ng kusina. "Dito sa kusina ay ayan lang din. Sa laundry area naman ay sa gilid lang doon. Makikita mo 'yon agad." Imporma sa kaniyang ni Manilyn habang ang dalawa ay abala na sa pag-aayos ng mga gamit nila dahil uuwi na sila.
"Sige po. Pag-aaralan ko na lang po ang iba pa," nakangiting sabi ni Nita. Malaking tulong na iyon para sa kaniya lalo na't ito talaga ang gusto niyang malaman.
"Ilang taon ka na pala?" Tanong ni Raquel na katatapos lang mag-ayos at naupo sa harap niya ulit. Sa lamesa sa kusina nila naisipang kumain kaya medyo mataas ang upuan para kay Raquel na mas may kaliitan kaysa sa dalawa.
"Bente na po," magalang na sagot ni Nita.
"Naku! Ang bata mo pa pala." Napailing pa ito na parang naghihinayang. Ganoon din ang ekspresyon ng dalawa na kinataka ni Nita.
"Bakit po?"
"Alam mo ba kung bakit walang katulong dito?" Tanong ni Manilyn, ang mas madaldal sa kanila.
"Manilyn!" Galit na saway ni Berna sa kapatid.
"Hayaan mo na. Kailangan niya ring malaman para handa siya." Si Raquel na ang sumabat.
"Ano po ba 'yon?" Mas lalong nalito si Nita sa kailangan niya raw malaman. Parang nagtatalo pa ang tatlo sa tinginan nila.
Napabuntong hininga na lang si Berna at hinayaan ang kapatid na magsalita. "Sabi-sabi kasi, kaya walang katulong dito dahil nagiging babae ng among lalaki. Wala namang sinabing pinipilit niya, basta nagiging babae niya kaya pinapaalis." Sabi ni Manilyn na nagpatanga kay Nita. Alam niyang pogi ang amo batay sa litrato nito, pero wala siyang makapang karisma rito. O para lang sa kaniya.
"Pinalit lang din kaming tatlo dito. Dahil ang unang nagtrabaho rito ay wala na raw ginawa kung hindi ay lumandi kay Sir. Kaya pinalitan," dagdag pa ni Raquel.
"Kaya mag-ingat ka. Lahat ng may butas pinapasok daw no'n." Seryosong sabi ni Berna na seryoso ring nakatingin kay Nita kaya siya'y medyo natakaot rin.
Alam niya ang gustong iparating ng tatlo kaya tumango siya sa mga ito. Hindi niya man lang naisip na ganoon ang asawa ng babaeng may napakamalambing na boses na kaniyang narinig. Hindi naman siya papatol doon kaya hindi iyon problema sa kaniya.
"Salamat po. Tatandaan ko po 'yan." Iyan lang ang sinagot ni Nita.
"Basta kung sobra na ang ginawa sa iyo, umalis ka na kaagad." Habilin pa ni Berna bago ito tumayo. "Paano, aalis na kami, ha. Mag-ingat ka rito."
"Opo."
Lumabas na ang tatlo gamit ang pinto sa gilid ng kusina. Sumunod na agad si Nita para maisirado niya ang gate. Nasa kaniya na rin ang susi ng lahat ng pinto kaya hindi na mahirap iyon. Ang amo niya ay may kaniya na ring duplicate ayon kay Senyora Lucia kaya hindi niya na kailangan pang abangan ito palagi.
"Siraduhan mo kaagad." Habilin pa ni Raquel nang nasa labas na sila.
"Opo. Isisirado ko po agad." Nakangiting kumaway ang dalaga sa tatlong bago niyang kaibigan.
Ikakandado niya na sana ang gate ng may sumitsit sa kaniya. Kaya napatingala siya mula sa pagkakayuko para tinginan kung sino ito. Isang babae na halos kaedad niya lang na nakasuot ng ng uniporme ng isang yaya.
"Bago ka lang ba rito?" Nakangiti nitong tanong.
"Opo. Kararating ko lang kaninang umaga." Sagot niya na hindi gumagalaw sa kinatatayuan. Wala naman ito sa kausap dahil nakikita siya nito mula sa labas dahil parang rehas ang desinyo ng gate.
"Huwag mo nga akong i-po. Magkaedad lang ata tayo. Toni na lang." Nakangiti nitong pakilala.
"Sige, Toni. Nita na lang din."
"Dahil bago ka lang dito, ipakikilala kita sa kasamahan nating katulong dito sa subdivision na kaibigan ko na rin. Nagtitipon kami kada sabado ng hapon. Sama ka sa akin." Aya na agad nito. Napaka-friendly nito na bumagay sa kaniyang mukha na palangiti. Masayahin ito kaya siguradong magiging magkasundo sila ni Nita.
"Hindi pa ako sigurado, e. Pero susubukan ko." Sagot na lang ni Nita. Ayaw niya namang ayawan ang kausap. Kabago-bago niya lang sa lugar na ito, kaya mas mabuting may makilala rin siya.
"Aasahan ko 'yan. Pero kailangan ko ng umalis. Babush! Mag-ingat ka diyan." Kumaway pa ito na tumatakbo sa bahay sa katapat nila Nita. Natawa na lang si Nita dahil dito, mukhang tumakas lang ito sa ginagawa para mapuntahan siya. Pero hindi nakaligtas sa kaniya ang kakaibang tono nito nang sinabi niya ang mag-ingat daw siya. Hindi niya na lang ito pinansin.
Nakangiting kinandado ng dalaga ang gate bago pumasok sa loob. Hindi man lang nila namalayan na alas singko na rin pala. Nag-aagaw na ang liwanag at ang dilim.
Dahil may kaliwanagan pa naman, pumunta muna si Nita sa garden na may maraming pananim. Ito iyong mismong harap ng gate pero tinaniman ito ng mga naka-plot na iba't ibang bulaklak. Namumukadkad na ang mga ito kaya ang gandang pagmasdan. Mabango rin na siyang nagbibigay ng buhay sa paligid. Magandang tambayan dito.
Dumako pa siya roon hanggang napansin niya ang dalawang kahoy na nasa harap. Sa gitna ng dalawang kahoy ay may nakataling duyan. Matibay pa ito na halatang pinasadya. Kung gusto mong mag-siesta ay maaari ang duyan lalo na't lilim ang kinalalagyan nito. Parang nasa probinsya lang din siya kaya napayapa ang puso ni Nita.
Dumako naman ang mata niya sa gilid ng bahay. Gilid na ito ng silid niya at may puno roon ng mangga na katulad ng nakita niya kanina sa bintana. May pader doon at maliit na daanan. Nahinuha ni Nita na daanan iyon sa hallway pa puntang kwarto niya. Maari lang palang lumusot dito.
Naglibot na lang muli si Nita. Nadaanan niya ang fountain na mayroong isda. Sa harap ng pinto na binabaan nila kanina, isang malawak na bermuda grass lang ang nandoon. Malawak iyon na puwedeng pagdausan ng pagdiriwang.
Naglakad pa siya hanggang marating niya ang swimming pool na may bakod. Adult pool ang nandoon at napakalawak din. Tiles ang gilid na mas nagpaganda. May bench na may lagayan ng payong sa gilid. Mayroon ding kubo sa pinakagilid na hindi man lang binigyan pansin ni Nita kanina. Nakadikit din sa pader ang shower room at banyo. Kompleto ito kung baga.
Naupo siya sa upuang nandoon at nagmuni-muni. Iniisip niya ano ba ang gagawin niya mamaya. Hanggang naisip niyang ipagluto ang amo. Gusto niya itong ipagluto bilang umpisa ng kanilang pagsasama bilang mag-amo.
Sa pagtayo niya, namangha pa siya dahil sumabay ito sa pag-ilaw ng buong paligid. Napakaliwanag at napakaganda.
Nakapalibot sa pader ang mapusyaw at may magandang desinyong mga ilaw. Sa harap ng bahay ay napakaliwanag. Kita niya rin mula sa may kalayuan ang fountain na iba ang kulang at nagrereflect ito sa tubig. Kahit ang swimming pool ay may ganoon ding ilaw na mas nagpaganda rito. Kahit saan ay may ilaw. Napangiti siya sa nakikita.
Napagpasyahan na ni Nita na pumasok at magluto. Pinailaw niya muna ang buong kabahayan maliban sa itaas dahil baka mapagalitan siya roon. Sinirado ang mga pinto habang hinihintay na maluto ang kaniyang niluluto.
Nagsaing siya at nagprito ng isda. Pagkatapos ay sinabawan niya ang isda na nilagyan ng itlog. Simple lang pero masarap na para sa kaniya.
"Sana magustuhan ka rin ni Ate Rica." Ang kaniyang nasabi habang hinihiwalayan ng ulam ang amo. Pagkatapos magsandok ay nilagay niya ito sa ibabaw ng lamesa sa kusina at tinakpan.
Naisipan niya na ring kumain. Nakagawian niya ng kumain ng maaga, kaya wala pang alas otso ay tapos na siyang kumain at mag-ayos ng hapag. Nabusog talaga siya sa kaniyang kinain.
Wala na siyang magawa pa lalo na't mag-isa lang siya sa bahay na malaki. Nakaramdam siya ng lungkot habang nakatanaw sa labas at nakaupo sa upuan sa dining. Umiling siya para mawala ang damdaming ito. Napagpasya na lang niyang mag-ayos ng sarili para makatulog ng maaga.
Pagkatapos niyang gawin ang kailangan, pati ang labhan ang damit na ginamit, ay lumabas siya ng kaniyang silid. Maaga pa naman kaya umupo muna siya sa sofa sa salas.
Hanggang napabaling ang kaniyang pansin sa litratong nakadikit sa pader. Solong litrato ni Rica na nakangiti ng malawak. Naka-toga ito at may hawak na certificate na pinapakitang matalino siya.
Hindi alam ni Nita kung ano ang nangyayari. Napasandal siya sa armrest ng upuan at pinakatitigan ito. Nita was hypnotized by the beauty of the beautiful angel. Kakaibang pakiramdam ang naramdaman ni Nita ng oras na iyon.
Ngunit hindi niya iyon binigyan ng pansin. Dahil ang kaniyang nasa isip ay babae ito, siguradong humahanga lang.
Sa kaniyang pagtitig, hindi niya namalayang nakatulog na siya sa ganoong posisyon.
Sa kalagitnaan ng gabi, may isang sasakyan ang tumigil sa harap ng bahay. Tahimik ang naturang sasakyan kaya walang may nabubulabog na kahit sino. Bumaba ang sakay nito at binuksan niya ang gate, sumakay ulit at pinausad niya ang sasakyan papasok bago sinirado ulit ang tarangkahan.
Sa paglingon niya sa bahay, nakita niya agad ang nakabukas na ilaw. Ito'y kaniyang ikinangiti.
Pumasok siya ulit sa sasakyan at pinaandar ito hanggang tinigil niya sa harap ng bahay. Napakatahimik ng kaniyang sasakyan na halos hindi gumagawa ng ingay kaya hindi mo mapapansin na may taong dumating.
Maingat niya sinarado ang pinto ng sasakyan dahil ayaw niyang makadisturbo ng natutulog. Sa kaniyang bawat apak ay sinigurado niyang walang maririnig na tunog kahit nakasapatos pa siya.
Gamit ang kaniyang susi, maingat niya binuksan ang malaking pinto. Sa kaniyang pagbukas, bumugad sa kaniyang paningin ang pigura ng isang babae. Maganda at halatang probinsyana.
Isang ngiti ang namutawi sa labi ng estrangherong dumating habang nakatitig ito sa natutulog na babae. Habang ang dalagang si Nita ay payapa pa ring natutulog.