"Halika na! Maglibot tayo sa buong bahay. Siguradong hindi pa luto ang pananghalian natin." Aya ng ginang pagkatapos nilang mag-usap ng masinsinan.
Kung ano pa kasi ang hinabilin ng ginang na gagawin ni Nita. Pati kung paano siya mako-contact nito, silang mag-asawa. Bakas na rin ang saya sa mukha ng ginang kaya napangiti na lang si Nita na sumunod sa matanda.
Bago pa man sila makaalis, tiningnan muna ni Nita ang salas. May sofang kulay kayumanggi at may desinyo na embroidery. Halatang malambot ang sofa at samahan pa ng mesang maliit sa gitna. Mayroon ding naka pasong pananim sa gilid na nagbigay kaaliwalasan sa paligid. Sa kabilang banda ng pader ay makikita ang nakahilirang mga litrato ng mag-asawa. Sa pinakasulok ay doon naman makikita ang hagdan na napakamaharlika ang datingan, may red carpet sa gitna at kulay ginto ang hawakan. Makikita mo ang chandelier na kumukuti-kutitap dahil sa crystal nito. Makikita mo na rin ang ikalawang palapag ng bahay na halatang magara.
Namangha si Nita sa nakita dahil napakamoderno ng lahat na ito. Isa pa, hindi masakit sa mata ang desinyo na napili ng mag-asawa. Kaya naman nakaramdam siya ng excitement sa susunod niyang makikita. "Sige po," nakangiting sabi ni Nita na sinabayan pa ng tango. Natawa naman dito ang ginang at masayang hinila si Nita sa kaliwa niya. May pintuan doon, at sa pagpasok nila napanganga si Nita sa pagkamangha. "Wow!" Hindi niya mapigilang huwag humanga.
"Ito ang dining area. May kaliitan lang ang mesa rito kaysa sa amin pero tama lang ito para sa mag-asawa." Tumango lang si Nita at nilibot ang paningin sa buong dining area. Magarbo ito kung titingnan pero ayon nga lang ay may kaliitan ang mesa. Mas maraming kabinet at kung akong nakasabit sa pader. Kasiya lang talaga para sa bagong mag-asawa at kung may kaunting bisita.
May pahabang lamesa na mayroong walong upuan na nakapalibot. Gawa ito sa kahoy at ang ganda ng pagkakadesinyo, may salamin din ang lamesa. Sa gitna ay may nakalaylay na chandelier ulit, malapit na itong sumayad sa lamesa pero mas nakadagdag naman ng ganda at elegante. Floor-to-ceiling ang bintana kaya kita ang maaliwalas na bakuran sa labas ng bahay. Makikita mo rin agad ang swimming pool na malaki.
"Halika! Doon naman tayo." Pagpukaw ng senyora sa diwa ni Nita. Nawili na siya kakatingin sa buong kabahayan, kahit dalawa pa lang ang nakikita niya, kaya hindi na mapuknat ang ngiti sa kaniyang mga labi.
Hinila siya ng senyora at naglakad sila ng diretso lang hanggang marating nila kusina. Pero sa daan kanina ay may daan siyang nakita papuntang kaliwa at kanan niya. Malawak ang buong bahay kaya hindi niya alam kung saan patungo ang dalawang daan na iyon.
Sa pagpasok nila, doon niya lang nahinuha na sa kusina sila tumuloy. Mas napanganga siya sa dami ng gamit sa kusina. Abala ang tatlong nakasuot ng uniporme ng katulong sa pagluluto ang naabutan nila. Naamoy rin ni Nita na masarap ang kanilang niluluto kaya nakaramdam na naman siya ng gutom pero hindi niya lang pinahalata.
"Hindi masyadong nagluluto ang apo ko pero marunong siyang magluto. Kaya naman pinasadya niya talaga 'to," nakangiting sabi ng senyora. Para itong may naalala sa pagtitig sa mga gamit na nandoon lalo pa't natatawa ito habang tinitingnan iyon. Hindi na lang pinansin ni Nita ang pagngiti ng ginang at nagpasyang pagmasdan na lang ang magiging bago niyang tirahan.
May island counter na siyang nakaharang bago ka makakapasok ng tuluyan sa kusina. Lumiko sila sa kaliwa ni Senyora kaya nakapasok sila sa loob. Doon niya mas nakita ng maayos ang lahat. May stool na rin para kung gusto mong maupo at uminom ay maayos. May iilang gamit sa ibabaw ng island country na nandoon, na hindi na pinagkaabalahan pa ni Nita na tingnan.
Sa gitna ng malawak na kusina ay mayroong malaking lamesa. Maraming mga gulay na nahiwa na ang nakapatong doon, ito ang gulay na lulutuin na lang. May lababo rin na siyang pinaghuhugasan ng gulay. May kabinet rin ang ilalim ng lamesa kaya siguradong marami itong laman. Hindi rin nawala ang chandelier dahil mayroon din dito pero hindi kasing laki ng sa salas o hapag-kainan. Mas maliit lang ito pero nagbibigay naman ng maliwanag na liwanag.
Sa kanan niya ay doon niya lang napansing mahaba pala ang island counter na lumiko at may puwang na maliit para makapasok sa isang kabinet. Maraming nakalagay sa loob ng kabinet pero ang karamihan ay baso na pang-wine at nga bote ng alak.
"Pinagawa 'yan ng kaniyang asawa." Walang ganang sabi ng ginang bago ito nagtanong muna sa katulong para sa kanilang pananghalian at hinayaan niya si Nitang magmasid.
Sa harapan ni Nita ay may malaking bintana. Doon ay may nakapatong na mga flower pot at laman ang ornamental na mga halaman. Ang halamang ornamental ang nagbibigay ito ganda sa paligid. May kabinet din na maliit sa ilalim. Mukhang lagayan naman ito ng iba pang gamit. May nakasabit din na litrato sa magkabilang gilid ng bintana, litrato ng prutas at gulay.
Sa kaliwa naman niya ay ang lababo at kalan na gawa sa modernong teknolohiya. Sa ibabaw nito ang mga kabinet na mukhang pinsadya pa dahil sa desinyo nito. May iba't ibang appliances at isa na roon ang refrigerator na dalawa pa nga. Mayroon ding iba't ibang gamit sa pagluluto na hindi pa alam ni Nita kung paano gamitin pero gusto niyang matutunan.
Moderno ang desinyo ng buong kusina na sadyang nakakamangha lalo na kay Nita. Nakakita naman siya ng mga lutuan sa kaniyang pinagtrabahuan ngunit kakaiba pa rin itong nakikita niya ngayon. May iba pang gamit na nakasabit at ang mga nakasabit na ito ay nagpadagdag ng lamig at sarap sa mata kaya gaganahan ka talagang magluto.
Namamangha pa siya nang walang pasabi na hinila na naman siya ng ginang. Dahil lumabas na sila ng kusina kung saan sila pumasok kanina, ang kanilang daang sa kaliwa ay nasa kanan niya na, at doon sila pumunta. Bumungad sa harapan ni Nita ang malawak na bermuda grass. Hindi kalayuan ay matatanaw ang may kalakihang swimming pool. May bakod ang paligid na halatang pinasadya dahil napakasosyal ng bakod. Sa gilid ay may kubo pa na masarap tambayan.
"Kapag may party sila, diyan nila dinaraos lalo na kung marami ang bisita. At kaya may harang 'yan para hindi magkalat ang mga tao." Paliwanag ng ginang at tumango lang ang dalaga. "Sana nga sunod niyang party ay dahil may apo na ako," natatawa pa nitong sabi. Alam ni Nitang nagbibiro lang ang ginang ngunit alam niya ring ito ang gusto ng matanda. Sabik na ulit itong makahawak ng apo.
Hinayaan na lang ni Nita ang sinabi ng matanda. Nasa likod na sila ng bahay at nakita rin ni Nita ang maliit na driveway. Nahinuha niyang doon dumaan ang driver kanina. Sa dulo naman ay ang garahe na malawak, puwedeng magkasya ang limang sasakyan sa nakikita ni Nita.
"Iyang garahe, may pinto rin yan sa gilid para mas mapadali ang paglabas ng sasakyan. Tigdalawahan kaya kasya ang sampung sasakyan diyan." Paliwanag pa ng ginang na kinamangha ni Nita. Malawak pala ito kaya siguradong marami ring sasakyan ang nandoon. "Hindi mo kailangan linisin lahat ng 'yan. May tagalinis diyan ang apo ko," nakangiting sabi ng ginang.
Pagkatapos ay hinila na naman ng ginang ang dalaga papasok. Nagpatangay na lang si Nita at walang reklamo na maririnig dito. Pumasok ulit sila at tuloy-tuloy na naglakad. Nadaanan nila ang kusina at dining area, hanggang tumigil sila sa isang hagdan na naman pababa.
"Private part na rito ng mag-asawa, ang basement. Sa baba niyan ay nandoon cinema room, play room, at kung anu-ano pa nila. Hindi na kita dadalhin doon at ang apo ko na ang bahala. Gaya nga ng sabi ko, private room nila ang palapag na iyan." Tumango naman si Nita sa sinabi ng ginang. Naiintindihan naman niyang mayroon talagang hindi puwedeng pasukin at ginagalang niya ito.
"Diyan na lang po tayo?" tanong ni Nita at tinuro ang isa pang daan.
"Oo, dahil nandiyan ang magiging silid mo." Nanguna na naman na maglakad ang ginang bago tumigil sa isang pinto na kulay puti. Ordinaryo lang ang pinto kaya masasabing hindi naman ganoon ka importante ang nasa loob. "Itong unang pinto ay mga lagayan ng kubrekama, kumot, unan at punda, kurtina, at iba pang kailangan dito sa bahay. Diyan lahat nilalagay."
"Sige po," sagot ni Nita sa sinabi ng senyora. "Ilang silid po ba ang nandito?" dagdag pa niya.
"Dalawa lang. Sa dulo ang magiging silid mo." Naglakad ito at tumigil ulit pagkatapos maglakad ng ilang metro lang. "At ito ang magiging silid mo," sabay bukas dito.
Namangha pa si Nita sa silid. Ang lawak kasi nito na parang hindi silid ng isang katulong. May dalawang kama na double-deck at may lamesa rin. May TV din sa isang banda at may kabinet para sa mga damit. Sa dulo ay may maliit na silid na siguradong banyo. May malaking bintana na nagpaaliwalas ng silid lalo na ang hangin na pumapasok rito.
"Walang gumagamit nito pero palagi siyang malinis. Kahit saan ka matulog ay ayos lang." Ngumiti pa ang ginang. Napangiti rin si Nita, dahil napakakomportable ng titirhan niya. Pansin niya rin na nandoon na ang kaniyang bag nakapatong sa isang kama. "Ano sa palagay mo, Apo?" tanong ni Senyora.
"Malaki na po ito sa akin. Salamat po, Lola." Natawa naman ang ginang sa sinabi ng dalaga. Napaka-cute kasi nito habang tumitingin sa paligid.
"Naku, ikaw talaga. Halika na sa labas at aakyat pa tayo sa ikalawang palapag. Wala namang masyadong makikita roon, basta makita mo lang." Pero sa paglabas niya ng silid ay tumigil siya at tinuro ang isa pang pinto sa pinakadulo ng maliit na daanan. "Sa dulo nandoon ang labahan nila. May maliit na bahay-bahay riyan para hindi mabasa ang maglalaba kahit umuulan. Mayroon ding mga gamit pang laba at sampayan. Katabi rin nito ang garden ni Rica. Alam ko mahilig ka rin mananim, kaya pwede mo 'yon pakialaman. Tingnan mo na lang bukas."
"Sige po."
Pagkatapos ay bumalik sila sa salas at gamit ang magarang hagdan ay umakyat sila sa ikawalang palapag. Iisa lang ang hagdan kaya kailangan talaga nilang umikot pa para makaakyat.
"Dito naman sa taas ay may apat na silid. Silid ng mag-asawa itong pinakauna at pinakamalaki." Turo ng ginang sa silid na madilim na pula ang pintura ng pinto. "Ang dalawa ay guest room at ang isa ay opisina ng mag-asawa at library na rin." Tumango si Nita at sinilip-silip ang mga daan. Nakaramdam siya ng kuryusidad kaya hindi na nga siya makatiis pa.
"Hindi po ba tayo puwedeng pumasok sa mga silid?" Natawa ang ginang sa kaniyang sinabi.
"Si Rica na lang ang bahala sa bagay na 'yon. Bahay niya ito kaya siya lang ang may parapatan." Paliwanag ng ginang na kinatango naman ni Nita.
"Okay po, Lola." Nakangiting sabi ng dalaga at nilibot pa ang kaniyang paningin sa buong kabahayan. Naisipan niyang libuting ang buong bahay bukas para alam niya kung ano ang gagawin.
"Balik na tayo sa baba. Siguradong luto na ang niluluto nila. Nakaramdam na ako ng gutom." Nakangiting tumango si Nita, kahit siya ay nakaramdam na rin ng pagkagutom.
"Sige po." Sabay silang bumababa habang si Nita ay inaalalayan ang ginang.
Tamang-tama lang ang baba nila para sa pananghalian dahil nakahanda na ang tatlong babae. May mga edad na rin ang mga ito, nasa trenta na rin mahigit kaya mahahalatang sanay ng magbanat ng buto.
"Pakitawag si Robin, Apo. Kayo naman ay makisabay sa amin." Aya ng ginang na naupo na sa kabisera ng hapangkainan.
"Naku, Senyora. Hindi na po." Pagtanggi ng isa sa kanila. Naiilang sila na makisabay lalo na dahil mayaman ang senyora.
"Huwag na kayong mahiya. Ang lungkot kumain ng mag-isa kaya sumabay na kayo." Aya pa ulit ng ginang. Kaya wala na silang nagawa kung hindi ay makisabay na.
Dumating na rin ang dalawa kaya nanalangin muna sila bago sabay na kumain. Nasa kanan ng ginang si Nita na katabi naman si Robin habang nasa kaliwa ng ginang ang tatlo.
"Ano po pala ang pangalan ninyo?" tanong ni Nita na siyang bumasag sa katahimikan. Nahihiya kasi ang tatlo kasi akala nila masungit ang ginang. Napatingin pa sila rito bago sumagot pero nakangiti lang ito sa kanila na nagpapahiwatig na ayos lang na magsalita sila.
"Ako si Raquel," sabi ng babaeng maiksi ang buhok.
"Berna po," ang may hanggang balikat na buhok.
"Ako naman po si Marilyn at kapatid ko po si ate Berna." Ito naman ang mukhang bata pa at may kahabaan ang buhok na nakaterintas.
Purong Filipino ang tatlo kaya may bilogang mata at hindi katangusan na ilong. Pero masasabi mo pa ring maganda sila ng kabataan nila. Hanggang ngayon ay nandoon pa rin ang ganda.
"Kinagagalak ko po kayong makilala," nakangiting ani Nita. "Ako naman po si Nita. Kilala n'yo naman po sila." Tumango naman ang tatlo at pinagpatuloy ang pagkain.
May tatlong putahe sa hapag na siyang nagpabusog sa kanila. Masaya silang kumain lahat sa hapagkainan. Nagkekwentuhan sila kaya mas nakilala niya pa ang tatlong babae. Sila pala ang naglilinis sa buong bahay ng dalawang beses sa isang linggo. Kaya alam ni Nita na mapapadali ang kaniyang trabaho sa tulong ng tatlo. May nabanggit din sila tungkol sa labandera na siyang nakatuka sa usaping labahin.
Nakakapanibago ang lahat para kay Nita ngunit umpisa pa lang ito, at alam niyang marami pa siyang kailangang alamin.
Sa hindi niya alam, maraming magbabago sa kaniyang tatahaking daan sa pagtira niya sa bahay ng isang Rica Lacson. Hindi mo talaga mahuhulaan ang bukas kung hindi pa ito dumarating.