PHIL POINT OF VIEW
"Paulit-ulit na lang tayo. Hindi ka ba talaga magsasalita?" Nauubos na ang pasensya ko sa kanya. Itinaas ko ang ulo niya at sapilitan siyang pinaamin sa kabila ng paghiyaw niya. "Kung kanina mo pa sinabi ang nalalaman mo. Edi sana tapos na." Inis ko siyang binitawan nang wala akong mapala.
Mga wala silang kwenta. Kahit sino sa hinarang ko ay walang nasagot sa kahit isang tanong ko. Naiinis na ko na para bang pinaiikot-ikot lang nila ko.
Nawawalan na talaga ako ng pag-asa sa bawat araw na dumadaan.
"Hindi ka pa rin nagbabago."
Tinignan ko lang siya nang seryoso at humigop sa juice na nasa harapan ko.
"Ibang klase, ang tagal na panahon na pero—" "Bakit ba nakipagkita ka?" pikon kong tanong.
"Hindi mo bako na-miss?"
"Sino ka ba?"
"Phillip, 'wag ka ngang ganyan." Malakas niyang pinalo ang lamesa at siya pa itong nahiya sa mga tao sa paligid. "Ako pa rin ang nag-iisang guardian mo. Tinitignan ko lang kung ayos ka pa."
"Guardian?" Napangiti ako nang mapait habang tinitignan siya. "Pagkatapos mo kong paalisin at itapon na parang pusang gala. Tangina, guardian pa ang tawag mo sa sarili mo?"
"'Yang bibig mo, Phillip. Para kang hindi tigapagmana ng Clover Gem Industry."
"Tigapagmana? Tss, pagkatapos mong angkinin lahat? Ano bang nakain mo ngayong araw?" Napipikon na ko sa kanya.
"Hinahanap ka ng attorney ni Mom."
"Ah." Mabagal akong napatango-tango. "May kailangan ka pala," sarkastiko kong bigkas at tinignan siya nang matalim bago tumayo. "Hindi ako interesadong tulungan ka, ATE."
"Phillip!"
Ibang klase talaga siya. Pagkatapos niya kong pabayaan sa batang edad. Nagpalaboy-laboy ako habang siya, kinakamkam lahat ng yaman at ngayon may gana pa siyang magpakita ulit? Para ano? Gamitin ako? Asa siya.
"Buti nakasama ngayon ang King of Flower." Pagpaparinig sa akin ni Carlo.
Kanina ko pa sila hindi pinapansin. Nakapikit lang ako at nakasandal habang umiinom sa hawak kong bote ng beer.
Hindi ko pa rin makita ang pumatay sa kanila. Nakakainis. Ramdam kong malapit na ko pero nawala na naman ang connection.
"Phil, dahan-dahan lang. Para ka namang may problema diyan." Tinapik ako ni Will kaya napadilat ako at tumingin sa kanya.
"Spade, bakit hindi na kayo nagbubukas? Matatalo kayo nitong bar ko." Tinutukoy niya si Will. Pinanuod ko lang sila habang nagsasagutan at nagtatawanan.
"Balak na nga naming magsara. Swerte ka."
"Ano ba 'yan? Kakabukas ko lang. Magsasara na kayo?"
"Psst, kumibo ka naman diyan. Nagkausap naba kayo ni Miss Diana? Binigay ko ang number mo sa kanya."
Gulat akong napabaling sa kanya. "Binigay mo?"
"Oo, bakit ganyan 'yang reaction mo?" Tumawa siya habang inaabutan ulit ako ng beer. "Don't tell me na may iba ka pang nilalabas bukod kay Miss Diana."
"Ang sakit mo talaga sa ulo, Will," inis kong bulong sabay straight ulit sa isang bote ng beer.
"Alam mo, pre. Kung hindi mo siya gusto. Itaboy mo na ngayon pa lang. Mukha kasi siyang seryoso at iyakin na babae."
"Maganda pala talaga siya, 'no?"
"Hindi ka naman papatulan niyan."
"Marami na raw sumubok pero kahit anong yaman nila. Walang pumasa."
"Suplada ba?"
"Walang pinapansin. Tapos napakataray."
"Sino ba ang tinutukoy niyo? Maganda ba 'yan?" Ang lakas talaga ng tainga ni Will pagdating sa babae. Tumuro sila sa gawing dulo kaya lumingon din ako. "Sino ba diyan? Ang daming babae," reklamo ni Will habang umaayos na ng upo.
"Nawala na. Ang bagal mo kasing tumingin." Tinawanan siya ni Martin.
"Ibang klase, tingin mo type niya ko? Pumunta siya dito sa bar ko, e," tuwang-tuwa na tanong ni Patrick habang mayabang na inaayos ang suot na jacket. "Malay niyo, ako pala ang magustuhan, 'di ba?" dugtong niya dahil sa mga titig nila.
"Gwapo ka naman. Try mo," sabat ni Ellyse.
"Maganda ba 'yon, Ellyse? Mas maganda pa sa'yo?" Gago talaga si Will. "Aray! Kung makahila ka naman, Phil!"
"'Wag mo siyang pansinin," nahihiya kong sabi.
"Mukhang type ka ni Phil, Ellyse."
"May magiging Queen of flower na kayo, Will," tumatawang sabat din ni Carlo kaya napatingin sa 'kin si Will. Para niya kong hinuhusgahan sa pagtingin niya ngayon.
"May girlfriend na 'yan."
"Gago." Tinapik ko siya.
"Totoo naman! Isusumbong kita!"
"Ayos lang, mukhang hindi naman seryoso sa kanya si Phil," malanding sabi ni Ellyse habang sapilitan na nakikipagpalit ng pwesto kay Phil. Nagpalumbaba na lang ako at umiwas sa masamang tingin ni Will. "Gusto ko kaya si Phil," proud niyang kwento na ikinasigaw nilang lahat.
Yumakap siya sa akin at, "Yari ka talaga, Phil!" Dinuro ako ni Will habang pinagtatawanan siya ng lahat.
"Oo na," salita ko sabay baling sa kanila. "May girlfriend na ko." Ngumiti lang ako at sumandal.
"Ayos nga lang 'yon sa akin. Basta gusto rin ako ni Phil," malambing na sabi ni Ellyse na lalong ikinatingin ni Will nang masama.
"Will, hayaan mo na! Para ka namang nanay ni Phil niyan, oh!"
"Huwag ka ngang KJ, Will!"
"FYI lang, hindi ako KJ. Nililigtas ko lang si Phil dahil nasa likuran niya ngayon ang girlfriend niya," mayabang niyang sabi kaya natigilan ako habang lumilingon sa likuran. Nakatingin siya nang masama.
"Bro! Mabuti at nakarating kayo!" Binati ni Patrick ang isa sa kasama niyang lalaki.
"Syempre, malakas ka sa akin," sagot lang nito.
Tumaas na ang kilay niya nang bumaling ng tingin sa nakayakap na kamay sa akin ni Ellyse. Tinanggal ko kaagad 'yon at hindi ko alam kung ngingitian ko ba siya ngayon o babatiin.
"Ang sikat na si Diana Ramirez. Masaya kong makita ka sa bar ko," mayabang na bati ni Patrick at bumeso pa sa girlfriend ko. Tinignan ko sila nang matalim.
"Will, siya ang tinuturo namin sa inyo kanina." Inakbayan si Will ni Carlo habang nakaturo kay Diana.
Diana Ramirez, bakit parang pamilyar ang aplido niya?
"Siya ba ang pinag-aagawan niyo?" Tumawa si Will at sarkastikong tumingin sa akin. "Bakit hindi niyo ligawan? Wala naman siyang boyfriend, 'di ba, Miss Diana?" Pinagtulungan na nila ko.
"Magkakilala kayo?"
"Excuse lang, Ellyse, Phil. Dadaan ako." Mayabang niyang hawi sa amin at pumunta kay Diana.
"Hello." Ngumiti siya kay Will at yumakap pa. Tsk. Umalis na lang ako ng tingin sabay inom ng beer. Ano naman kung hindi niya ko pansinin?
"Diana, hindi ko alam na may ka-close ka palang lalaki?" Tinignan si Will ng isang lalaki na kasama niya. Tinignan ko 'yon mula ulo hanggang paa. Hindi naman kagwapuhan.
"Anong tawag mo sa'yo?" Nakipagbiruan pa nga.
"Dito na lang kayo sumama sa amin. Kasya pa kayong apat," alok ni Patrick at todo asog naman silang lahat.
"Hoy, Phil. Umasog ka doon," utos ni Will kaya tinignan ko siya agad nang masama. "Dali na."
"Bakit hindi ikaw ang pumasok sa loob?" Pikon na kong tumayo at binigyan sila ng daan.
"Ikaw na ang mauna, Miss Diana." Pauna niya pa.
"Ikaw na." Tinulak ko siya at tinignan pa ko nang masama, kaya binalikan ko siya nang matalim na tingin. Umupo ako sa tabi ni Will sabay tingin sa kanya na nakatayo pa rin. "Tatayo ka lang diyan?"
"Uy, Phil. Maging gentleman ka naman minsan," sabat ni Martin habang nagpapagwapo sa kanya.
"Sorry, Diana. Masungit talaga 'yang si Phil minsan. Gusto mo dito ka na lang sa tabi ko?" pasikat ding sabat ni Patrick kaya hindi ko maiwasang tumingin sa kanya nang masama.
"Ha? Hindi, ayos lang ako." Umupo na siya.
"Alam mo ba? Nagulat talaga ko nang makita ko si Diana. Ang ganda niya pala talaga sa personal." Tinuro siya ni Patrick habang nakikipagbidahan sa mga kasama niya.
"Naku, 'wag kang magpapansin diyan. Mataray 'yang si Diana. Walang pinapatos 'yan," kwento ng isang babaeng kasama niya. Silang dalawa rin yata ang kasama niya noong may party si Amanda.
"True ba? Parang hindi naman," nakangising asong sabat ni Will. "Wala kang girlfriend, 'di ba? Bakit parang masisira mo na 'yang lamesa?" Pang-iinis niya pang bulong.
"Oo kaya, mataray 'yan sa mga lalaki. Pati nga 'tong si Lucas hindi napansin, e." Tinuro nito ang lalaking katabi. Paano siyang sasagutin? Eh, mukha siyang bakla.
"Hi, Diana." May malandi akong narinig na boses kaya napatingin ako doon. Nakikipagkamay na siya ngayon sa isa pang lalaki na kadarating lang.
"Phil, bitawan mo 'yang lamesa. Bago pa lang 'yan," bulong ni Will.
"Ang tagal nating hindi nagkita. Mga two or three months?" Nakahawak pa rin siya sa kamay ni Diana.
"Hindi ba kadadaan mo lang sa office kahapon?" mahinhin niyang sagot. Nagpalumbaba lang ako at tinitigan siya nang matalim. Sakto naman ang pagtingin niya kaya tinaasan ko siya ng kilay.
"Sorry naman, sa sobrang ganda mo kasi parang dalawang buwan na sa 'kin 'yon," banat pa ng lalaki na 'yon. Ang sarap niyang banatan. Ba't ba ayaw niya pang bitawan ang kamay ni Diana?
"Lakas bumanat!" sigawan nila sa table namin habang nagtatawanan. Mukhang hindi niya pinapansin ang tingin ko at nakikitawa rin siya.
"Phil, pigilan mo ang sarili mo. Alam kong hirap kang magpigil pero 'wag mong puputulin ang kamay niya," bulong ulit ni Phil kaya padabog na kong bumaling sa kanya. Naiinis na nga ako nakikisabay pa siya. "Okay! Tatahimik na ko!" Mabilis niyang taas ng kamay.
"Palit kasi tayo, Will."
"Huwag na, Ellyse. Baka mamaya tumumba na 'tong lamesa," sagot niya doon. Bumaling ulit ako sa kanila pero magkahawak pa rin sila ng kamay. Napipikon na ko.
"Dito na lang kaya ako? Kasya pa ba ko?" Tumingin siya sa pwesto namin nila Will at mukhang pinapadasog pa ko. Sino siya para sundin ko?
"Psst... Phil, dasog." Papansin ni Martin.
"Kasya pa 'yan. Dasog na," utos din ni Carlo. "Will, ikaw na ang unang dumasog."
"Ayoko pang mamatay, Carlo," sagot ni Will.
"Sira ulo ka! Dumasog ka lang!" Nagtawanan silang lahat.
"Kayo ang bahala sa buhay ko mamaya. Tangina kayo. Kanina ko pa kayo binabalaan."
"Nakakatawa ka talaga, Will. Dumasog ka na lang dito." Hinila na siya ni Ellyse kaya sa akin na sila bumaling.
"Tayo," inis kong utos kay Diana.
"B-bakit? Dumasog ka na lang," angal niya pa.
"Tumayo ka. Dadaan ako." Tinignan ko siya nang masama.
"Pagbigyan mo na, Diana. Marami na 'yang nainom. Baka gusto diyan sa dulo." Pagtatanggol sa akin ni Patrick. Tss, hindi na ko natutuwa sa nangyayari. Kung makatingin silang lahat kay Diana. Parang hinuhubaran na nila 'yung girlfriend ko sa mga tingin nila. Sinabi ko na kasing 'wag magsusuot ng maiksi.
"Diana, dito ka na," aya sa kanya kaya tinignan ko agad siya nang matalim.
"Mauna ka na." Hinawakan niya ko sa likuran kaya napangiti ako.
"Doon na siya sa kabila. Hindi kayo kasyang dalawa," sabat pa niya. Inaapuntahan na ko sa kanya. Mamaya tatanggalan ko na siya ng kamay.
"Wala namang problema doon, pre." Pilit akong ngumiti habang nauupo. Pero binawi ko rin kaagad 'yon at muling bumaling kay Diana na nakatayo pa rin. Minostrahan ko siyang lumapit at kumandong na lang sa akin.
Nahihiya na naman siya. Pinasadahan niya muna ng tingin ang paligid bago kumandong. Napangiti ako dahil masunurin siya.
"Tatayo na lang ulit ako. Mukhang naiilang si Diana."
"Bakit hindi ka manahimik diyan bago mo ko mapikon?" madiin kong sabi kasabay ang madiin na pagpigil ko sa balikat niya.
"Phillip!" Pagbawal ni Diana kaya tumigil ako.
"Oh? Magkakilala kayo?"
"Hala, natatandaan kita. 'Di ba nasa party ka ni Amanda?" Pag-alala ng isa sa kasama niyang babae. Ngumiti lang ako at tumango. "Sabi na at parang kilala kita."
"Siya ba 'yon?" Bulungan pa nila.
"Anong meron?"
"Bakit hindi natin ngayon pag-usapan kung paano niyo liligawan ang girlfriend ko?" sarkastiko kong tanong habang pinapasadahan sila ng tingin.
"OMG! Kayo?" Tinuro niya si Diana. Tinignan ko siya at nakangiti naman siyang tumatango. "Ibang klase! May nga pala. Anong pangalan mo pogi?" Nilahad niya ang kamay sa harapan ko.
"Phillip ang pangalan niya." Si Diana ang kumuha no'n at nilakihan ng mata ang kaibigan.
"Ikaw kasi, Ellyse. Muntik pang magkaroon tuloy ng gera." Binalingan ng tingin ni Will si Ellyse na titingin-tingin lang.
"Hi, Diana ang pangalan ng girlfriend ni Phillip kung maitatanong mo lang. Saka kaya kong bumali ng braso lalo na kung kasing payat mo." Napalunok ako nang malalim sa sinabi niya. Ngayon ko lang siyang narinig na magtaray.
"Hay, bagay talaga kayo! Etong isa, kamay nito ang pinagdidiskitahan kanina." Inakbayan ni Will 'yong lalaki at tinuro pa ang kamay nito na nasa lamesa. Lagi niya na lang akong binubuko sa lahat ng bagay.
Nagtawanan naman sila habang titingin-tingin sa kamay kong nakapalupot kay Diana.
"Yari ka sa akin mamaya," bulong niya sa tainga ko kaya mabilis akong napatingin sa kanya. Mataray niya kong tinignan kaya umiwas kaagad ako ng tingin.
Akala ko sa sinabi niyang yari ka mamaya. Mag-aaway kami o kaya sasaktan niya ko pero hindi pala. Iba pala, kabaliktaran pala ang ibig niyang sabihin.
Nandito kami sa condo niya at kanina pa siya. Nakakalimang round na yata kaming dalawa. Ako na ang sumuko habang siya, hindi pa rin. Napapikit na lang ako habang hinihintay siyang mapagod.
Mukhang hindi pala talaga siya dapat umiinom. Ginagawa niyang energy drink ang alak.
"Marunong ka palang magluto," nakangiti kong bati sa kanya sa kusina. Ginising kasi ko ng amoy ng niluluto niya ngayon.
"Good morning." Humarap siya at humalik sa akin. Lagi akong nabubuhayan sa tuwing hahalikan niya ko. Parang ang tamis ng mga labi niya. "Gutom ka naba? Umupo ka muna diyan at mayayari na 'to."
"Bakit suot mo 'yang polo ko?"
Tuwang-tuwa siya doon at umikot pa sa harapan ko. "Wala lang," sagot pa niya. Ang cute niyang tingnan doon. Ang liit niya kasing babae para tuloy siyang bata.
"Nga pala, anong aplido mo?" naalala kong tanong. Nag-iba ang expression niya sa mukha kaya napa-isip ako. "Ramirez ba?" dagdag ko.
"Tapos na, tadaaa!" Hindi niya ko sinagot na para bang may tinatago siya.
"Diana Ramirez, pamilyar talaga sa akin 'yong full name mo." Pinaningkitan ko siya ng mata.
"Kain na."
"May tinatago ka ba?" Hindi ko ginalaw ang pagkain at dumiretso muna ko ng tingin sa mga mata niya. "Diana Ramirez, ayoko sa malihim na tao." Pananakot ko kaso bigla na lang siyang umiyak na ikinataranta ko naman.
Pinatahan ko siya at hindi na ulit nangulit. Ano ba kasing meron sa pangalan niya?
Dumalas pa ang mga paglabas namin pero hindi ko siya napaamin. Naghihinala na ko. Bakit ayaw niyang sabihin sa akin?
Alam ko namang nagsinungaling siya dati noong sinabi niyang mahirap lang siya. Pero wala lang naman sa akin 'yon.
Magaan lang kasama si Diana, mabait at maalaga. Hindi ko rin naman habol ang pera niya kung 'yon ang dahilan niya kung bakit malihim siya sa akin.
May sarili kong pera pero may paggagamitan ako no'n. Gagamitin ko 'yon para makapaghiganti sa mga pumatay sa magulang ko. Pilit kong nililihim ang lahat kay Diana. Ayokong madamay siya sa lahat ng gulo na meron ako.
Pero 'yan ang hindi ko ma-gets sa kanya. Sa tuwing mapapahamak ako, bigla na lang siyang sumusulpot sa hospital. Na para bang alam niya ang lahat ng tungkol sa akin. Pero hindi ko magawang magtanong.
Tuwing nasasaktan kasi ko dahil sa mga gulong pinapasok ko. Siya ang unang umiiyak para sa akin. Iyak siya ng iyak at ayaw niyang tumigil.
"Isasara mo na ang bar mo? Paano na kita makikita?" Sumimangot siya kaya napatawa ko.
"Magpapatayo kami ng restaurant. Kahati ko si Xander. Doon ka na pupunta kapag nagawa 'yon," mahinahon kong paliwanag.
Ang cute niya talaga. Para siyang bata ngayon na tumatango-tango habang may luhang nang gigilid sa mga mata.
"Kalahating taon na tayo, 'di ba? Gusto mong lumabas ngayon? Sagot ko lahat." Nginitian ko siya.
"Gusto mo naba ko?" Ayan na naman ang tanong niya.
"Hindi pa." Pagsisinungaling ko.
Ang totoo, ayoko mang aminin pero gusto ko na siya. Matagal na. Akalain mo 'yon umabot nga kami ng kalahating taon.
From: Witch
Kailangan ko lang ng pirma mo.
"Ayos ka lang, Phillip?" nag-aalala niyang tanong kaya mabilis akong napatago ng phone ko sa bulsa.
Pinilit kong ngumiti at pabiro siyang inagawan ng cotton candy. Hindi siya nagalit at sa halip ay tuwang-tuwa pa siyang kumagat din doon sa kinagatan kong parte.
"Bukas, busy ka ba?" tanong ko.
"Hmm, medyo. Bakit?"
"Parang nag-iba bigla 'yang itsura mo? Anong meron bukas?" Pinaningkitan ko siya ng mata.
"Wala." Ngumiti siya.
"Ang lihim mong masyado. Paano kita magugustuhan niyan?" biro ko.
"Okay lang kahit hindi na," bulong niya kaya napahinto ako sa paglakad. Kunot nuo ko siya tinignan nang humarap siya sa akin. "Bakit? Gusto mo naba ko?" tanong niya ulit.
"Anong meron bukas?" madiin kong ulit. Tumigil siya sa pagkain ng cotton candy at tinapon 'yon sa basurahan. Umiling lang siya at hindi ako sinagot kaya marahan ko siyang hinila. "Sagutin mo ko," angal ko.
"Ahm, ano, kasi..." Hindi pa rin siya makasagot habang yumuyuko at nilalaro ang paa sa daan.
"Bakit parang ngayon lang ako kinabahan?" Mapait akong napatawa kunyari.
"Makikipaghiwalay na ko sa'yo."
"Ha? Pakiulit nga?" Para kong nabingi.
"Phillip, alam kong narinig mo ko." Ngumuso siya at nakaiwas pa rin ng tingin. "Ayoko pa sana kaso nakokonsensya na ko. Mukhang wala naman talaga tayong pag-asa." Pilit siyang ngumiti at mahina akong sinuntok sa dibdib.
"Wala naman akong nakikitang problema sa ating dalawa." Parang unti-unting humihinto ang mundo ko. Ngayon lang sa akin 'to nangyari ulit.
"Ang totoo niyan. Bukas, engagement party na namin ng mapapangasawa ko." Bigla siyang ngumiti pero tumutulo ang luha sa mga mata niya. "Ayos lang ako. Mas maganda 'to kasi mas maaga. Hindi mo pa ko gusto at hindi ka masasaktan." Umatras siya nang hawakan ko siya sa braso.
"Diana."
"Phillip, ayos lang ako. Salamat sa time na binigay mo sa akin."
"Gusto kita," sapilitan kong bigkas na ikinatingin niya. Nanginginig na ang kamay ko. Ayokong magmakaawa sa kanya.
"Phillip naman, pinapahirapan mo pa ko, e." Nagpunas siya ng luha habang tumatawa nang mapait. "Gusto kong malaman mo na seryoso ko sa mga sinabi ko sa'yo. Mahal talaga kita, Phillip. Pero siguro, hindi talaga tayo para sa isa't isa. Kaya kailangan ko nang magpaalam." Lalo siyang umatras.
Gusto kong umabante pero parang ayaw niya nang lumaban.
"Birthday ko bukas." Subok ko pa.
"Alam ko." Ngumiti siya at tumuro sa bulsa ng jacket ko. Kinapa ko 'yon at may kung ano siyang nilagay. "Happy Birthday."
"Ayoko nito. Bawiin mo, lumapit ka dito." Nilahad ko ang kamay ko pero tumalikod na siya. Wala, parang nawalan na naman ako ng mundo. Nawasak na naman. Lagi na lang.
Siguro malas lang talaga ko.
"Mommy, magpakita ka naman sa akin. Ibulong mo kung sino ang gumawa niyan sa inyo. Para matahimik na ko."
Sumandal lang ako sa isang nitso habang nakatitig sa isang papel. Ilang taon na kong pinapaikot-ikot ng mga tanginang lead na 'to. Nalukot ko ang papel sa sobrang inis.
Lahat na lang sila iniiwan akong mag-isa.
"Oh? Phil?"
"Cindy?" Mabilis akong napatayo dahil sa sobrang gulat.
"Bakit nandito ka? Hindi kita napansin kaninang umalis. Kung alam ko lang na may pupuntahan ka rin dito. Sumabay na ko sa'yo," tumatawa niyang sabi kaya napangiti na lang ako at pilit na umayos.
"Binibisita ko lang sila." Tinuro ko sina mommy at daddy. "Ikaw, bakit nandito ka?"
"Dito rin kasi si Lolo. Doon siya.." Ngumuso siya habang nakaturo. Diana? Hinawi ko kaagad ang kamay niya pero mukhang namamalikmata lang ako. "Bakit?" gulat niyang tanong.
"Baka mamatanda ka. Kung makaturo ka diyan, wagas. Halika at sasamahan na kita."
"Eh, paano sila?"
"Kanina pa ko nandito. Ayos na kami."