PHIL POINT OF VIEW
Hindi ako nagkakamali. Nandito nga siya at mukhang kanina niya pa ko sinusundan. Makikipagbalikan ba siya? Pero parang hindi naman.
"Phil, ibig sabihin dito ka rin lumaki?" Napabalik ako sa realidad dahil kay Cindy. Bumaling ako sa kamay ko habang inaalalayan siya. Siguradong magseselos si Diana.
"Oo, ikaw din?" sagot ko at nakangiti naman siyang tumango. Ngayon ko lang nalaman na parehas pala kami ng bayan. "Saan kayong banda? Kami, doon pa sa looban. Alam mo ba 'yung nasirang mansion? Sa amin 'yon," kwento ko habang pasimpleng tumitingin sa pwesto ni Diana.
Mukhang hindi niya naman kami naririnig. Napakalayo niya. Hanggang diyan na lang ba talaga siya? Gusto niya bang lapitan ko siya?
Huminto kami sa isang puting nitso. Binaba ko ang bulaklak at nagsindi ng kandila. Marami siyang sinasabi pero wala na kong marinig. Magulo na ang isip ko. Gusto kong tumakbo para yakapin si Diana pero hindi ko magawa. Napanghihinaan ako ng loob.
Ang sikip na ng dibdib ko. Mas pinili ko na lang sumandal sa pader at pumikit para kumalma. "Tapos ka na?" Kanina pa siya nakatitig. Siguradong pag-iisipan niya na kami nang masama. "Tara na at baka mamaya may humarang pa sa atin dito. Mahirap na." Palusot ko.
"Edi uupakan natin sila," biro ni Cindy kaya napangiti ako. Malakas na babae si Cindy. Actually, bago dumating si Diana ay siya talaga ang gusto ko. Kaso ang dami kasing nagkakagusto sa kanya at ayoko ng mga gano'ng komplikasyon. Away, selos at gulo lang ang ihahatid sa akin no'n.
Pero sino nga ba ang makakapagsabi ng tadhana, 'di ba? Hindi ko inakala na mararanasan ko rin pala 'yon dahil kay Diana. Mas masakit pa nga dahil hindi sa selos kami naghiwalay. Dumating siya sa buhay ko nang biglaan at pinili niya ring 'di magtagal.
Pagkatapos niyang sabihin sa akin na kaya niyang maghintay, na mahal niya ko, na sabihin ko lang na gusto ko siya . . . pero iniwan niya pa rin ako.
Nahinto ako sa pag-iisip nang magbago ang mukha ni Cindy. "May problema ba?" tanong ko.
Umiling naman siya at mukhang iniisip si Sean, ang napangasawa niya. Napasabak kasi kami sa malaking gulo noong nakaraan. Sa tiyan ang naging tama ko pero si Sean, ang dami niyang naging tama ng baril. Pagkagising niya, hindi na niya maalala si Cindy.
Sabi nila Will, nagsisinungaling lang siya. Natatandaan niya si Cindy pero nagpapanggap siyang hindi. Hindi ko ma-gets kung ano man ang katwiran ni Sean. Kung ako 'yon, susulitin ko ang oras na kasama ko siya.
"Two years lang ang tanda ko sa inyo, 'di ba?" Pagbasag ko sa katahimikan.
"Twenty two na ko. Ikaw ba?" Ngumiti siya. Ang ganda ng ngiti niya. 'Yan dati ang nagustuhan ko sa kanya.
"Twenty five," sagot ko.
"Edi three years." Nagbilang pa siya sa kamay kaya napatawa ko.
"Birthday ko ngayon," nakangiti kong sagot kahit pilit lang. Pinipilit kong maging okay para kay Diana. Nakasunod pa rin kasi siya at mukhang gusto niya lang tingnan kung okay na ko.
Bigla niya kong hinila kaya napatingin ako sa side ni Diana. Nakatingin pa rin siya. Para siyang multo sa isang gilid na sumusunod sa amin. Dinala ko ni Cindy sa peryaan. Sumisikip ang dibdib ko.
"Ako ang bahala sa'yo. Libre ko," masaya niyang aya.
"Ayoko." Gusto ko pero parang hindi tama.
"Ang arte mo naman. Birthday mo ngayon kaya dapat special."
"Cindy, hindi ako nagce-celebrate ng birthday."
"Bakit? Ako nga gusto ko may pa-surprise pa."
"Umuwi na tayo, ayoko talaga."
"Bakit muna?" Pangungulit niya.
Huminto ako sa paglakad at hinarap siya. "Fine, birthday ko noon nang mamatay sila." Totoo 'yon pero ginamit ko lang na dahilan para hindi magselos si Diana. Puro na lang ako si Diana, iniwan niya na nga ako tapos siya pa rin.
Ayan na si Cindy sa harapan mo, Phil. Diana pa rin?
"Uy, sorry. Hindi ko alam." Humabol siya na hindi ko na pinansin. Dumiretso ko papuntang playground at malakas na napabuntong hininga bago maupo sa swing. Ayoko na sa ganitong pakiramdam. Naaawa ako sa sarili ko na gusto ko siyang lapitan pero hindi ko magawa.
"Ayos ka lang?"
"Kaya ako pumunta ulit dito kasi." Huminto ako sabay yuko. "May lead na ko kung sino ang may gawa no'n sa pamilya ko." Pagsisinungaling ko.
"Madalas ako dati dito, ikaw ba?" Bigla niyang binago ang usapan kaya napatingin ako. Ngumiti siya na para bang gets niya ang nararamdaman ko.
"Oo, kaso binawalan nila kong bigla at pinatayuan ako ng sariling playground." Pag-alala ko.
"Wow, yaman." Natawa kaming parehas. Ang sarap balikan ng nakaraan. "Bakit ka nila binawalan? Porke't anak mayaman, bawal nang makisalamuha sa kagaya namin? Si Sean nga iyakin pa diyan dati."
"Si Sean?" Nangiti ako sa gulat. "Ibig sabihin dito kayo nagkakilala? Hindi ba magkababata raw kayo?"
"Oo," sagot niya.
Natigilan agad ako nang magbago ang ekspresyon niya. Mukhang mali na binanggit ko pa 'yon. Pinakiramdaman ko muna ulit siya, parehas lag naman kaming may dinadamdam na problema.
"Dati kaya binawalan nila ko dito kasi may nanununtok daw na batang babae dito." Pagbalik ko sa kwentuhan namin kanina.
"Batang babae?"
"Haha Oo, sinuntok niya 'yung kalaro ko dati," kunyaring natatawa kong kwento para mahawa siya sa pagtawa. Pero salit na tumawa siya parang natigilan pa siyang lalo kaya napakagat na ko ng labi. Ano bang nasasabi kong mali?
"Bakit parang natigilan ka? Alam mo rin ba 'yong kwento ng batang babae na 'yon? Miss Devil nga ang tawag sa kanya sa pagkakatanda ko," subok kong dugtong.
"Nasuntok din ba kita?"
"Ha?"
"I mean, nasuntok ka ba dati?"
"Hindi, ah. Edi inupakan ko siya." Tumawa siya nang malakas na ikinagulat ko. "Bakit ba? Kilala mo ba siya?" nakatawa kong angal.
"Ako 'yon, e," mayabang niyang sagot na ikinatigil ko. Siya si Miss Devil? Bakit iba ang naaalala ko?
"Iyakin ka ba dati?" tulala kong tanong.
"Hindi, ah. Nanununtok nga ako dati tapos iyakin?"
"Saan ka na nga ulit nakatira? May sinabihan ka ba dati na gusto mo siyang pakasalan?" tuloy-tuloy kong tanong.
"Ha? Wala. Doon kami sa malapit sa peryaan."
"Ano pangalan ng mommy mo? Daisy ba?"
Mahina niya kong tinawanan habang umiiling. "Elsie ang pangalan ni Mama. Pwede na rin, muntik ka nang tumama."
"Hindi ikaw ang naaalala ko. Sure kang ikaw si Miss Devil?" Paninigurado ko.
"Okay, Phil. Bakit bigla kang naging interesado?" Naniningkit na ang mga mata niya.
"Sorry, magulo lang sa isip ko. Dati kasi may kalaro rin akong batang babae. Miss Devil ang tanda kong pangalan niya. Pinipilit niya kong pakasalan ko siya." Nangingiti kong pag-iisip habang nagkukwento.
"Luh, hindi ako 'yon. Si Sean lang ang madalas kong kasama dati. Hindi kita natatandaan." tumatawa niyang sagot kaya tumigil na ko.
Ilang araw pa ang lumipas, mas naging komplikado ang lahat. Tinulungan ako ni Cindy sa paghahanap ng lead tungkol sa nangyari sa aksidente pero wala kaming mapala. Sinubukan ko ring kalimutan si Diana pero napakahirap.
Ang totoo, sinubukan kong halikan, hindi mali. Hinalikan ko si Cindy kahit alam kong mali. Pero ang ending, noong pumikit ako si Diana pa rin ang naiisip ko. Wala na siya pero hindi ko makalimutan.
Mag-isa kong nakahanap ng mas malaking clue tungkol sa aksidente. Pero masyado ng malakas ang kalaban. Hindi ako makasariling tao. Lalo na't alam kong malapit na ring magkabalikan sina Cindy at Sean. Ayoko nang tumulong pa si Cindy at mapahamak sa kaso ng mga magulang ko.
Ako mismo ang gumawa ng ikasisira ng sarili ko para lang lumayo si Cindy at hindi na tumulong pa sa plano kong paghihiganti. At ngayon? Galit na galit sa akin si Will.
"Tangina talaga." Kanina pa siya nagmumura. "Pinababa mo ang tingin nilang lahat sa'yo lalo na si Sean! Aagawin mo si Cindy?! May asawa na 'yong tao!"
Huminga na lang ako nang malalim habang nakapikit.
"Gago ka ba? Akala ko ba sineryoso mo si Diana? Paano kung malaman niyang kumabit ka?" Nang gagalaiti pa rin siya. Dumilat ako dahil sa pagbanggit niya sa pangalan ni Diana. "Pre, alam kong kinakalimutan mo siya. Pero doon ka naman sa walang asawa."
Hindi na ko kumibo at hinintay na lang din siyang matapos. Masaya na ngayon si Will, may sarili na siyang bahay at minamahal. Ayoko na siyang idamay pa sa mga plano ko. Sigurado kasi kong hindi siya papayag kapag sinabi ko sa kanya 'to.
Baka katulad din siya ni Cindy. Sasabihin na suicide ang gagawin ko. Pero mamatay man o hindi, ayos na rin siguro 'yon. Matatahimik na ko sa lagay na 'yon.
Kaya heto ko ngayon, lumayo na lang muna. Kaya ko 'to. Noong bata nga ako kinaya kong mag-isa. Ngayon pa kaya? Tsaka mukhang masaya na rin siguro si Diana. Nabalitaan ko ang pag-alis nila ng bansa kila Patrick. Ginagago nila ko dahil nawala raw ang tapang ko dahil kay Diana.
Naiwan akong mag-isa.
"Papatayin kita o magsasalita ka?" Tinutok ko sa kanya ang baril na hawak ko. "Ayusin mo ang pagsasalita mo kasi baka mainis ako at mapabilis 'yang buhay mo." Inis na inis na ko, kanina pa garalgal ang boses niya.
"Boss, 'wag naman ganyan. Ituturo ko sa'yo ang mismong mansion nila pero 'wag mo kong ituturo," nanginginig niyang sagot.
"Tara," madiin kong sagot. Tumayo ako nang maayos habang minomostrahan siya gamit ang baril.
"Hindi pwede ngayon! Mas marami silang gwardiya lalo na ngayong gabi."
"Ano naman?" Tinaasan ko siya ng kilay.
"Kung gusto mong magpakamatay. Ikaw na lang. May pamilya pa ko," parang galit niya pang sabi kaya idiniin ko ang baril sa kanya. "May pamilya ko, 'wag naman."
"Sana inisip mo 'yan bago ka pumatay ng inosente," madiin kong bulong. "Ngayon, tara na dahil kung hindi? Ipuputok ko na 'to."
Sumunod siya at sumakay kami nang tahimik sa isang taxi. Tinago ko sa jacket ko ang baril habang nakabantay sa kanya. May tinuturo siyang daan pero parang may mali. Habang lumalayo ang takbo lalong nagiging liblib ang lugar.
"Niloloko mo ba ko?" inis kong bulong sabay lapit sa kanya ng baril sa loob ng jacket ko.
"H-hindi, boss. Dito talaga ang mansion nila," takot niyang sagot kaya muli ako tumingin sa daan.
"Oras na malaman kong niloloko mo ko. Hindi ako mag-aalinlangan," banta ko.
Bumaba kami sa isang maluwang na lote na may malaking gate. Hindi ako makapaniwalang ganito 'to kalaki. Mukhang tama sila, suicide nga 'tong ginagawa ko. Kung sabagay, wala namang iiyak kapag nawala ako.
"Lakad." Tinulak ko siya.
"Boss, hanggang dito na lang ako. Maawa ka naman na sa pamilya ko." Lumuhod siya habang nakataas ang kamay kaya napatigil ako. "May sanggol pa kong anak. Kapag nalaman nilang ako ang nagturo sa pagpatay. Siguradong pati ang pamilya ko papatayin nila," tuloy-tuloy niyang sabi at nagsimula na siyang umiyak.
"Ngayon lang ako nakakita ng gunman na umiiyak," sarkastiko kong salita. "Naawa ka ba noong binaril mo ang sinasakyan namin?" Inis kong tutok ulit ng baril sa kanya. Gusto kong iputok pero hindi ko magawa.
"Tatakutin ko lang talaga ang mga magulang mo no'n. Nagkaroon lang ng konting pagkakamali."
"Konti?! Namatay sila tapos konti?!" bulyaw ko sabay putok ng baril. "Takbo na." inis kong utos. Hindi ko talaga siya kayang patayin.
"Akala mo talaga tatakbo ko?" Tinutukan niya ko ng baril mula sa likuran. Rinig ko ang pagkasa niya kaya natigilan ako habang nanlalaki ang mga mata. Sa mga oras na 'to, bakit si Diana pa rin ang naiisip ko?
Hinarap ko siya at nagulat nang maraming putukan ng baril ang kumawala. Napapikit ako nang madiin nang mapasaldak ako sa lupa.
Tinakpan ko agad ang mga tainga ko sa sobrang sakit. Tumingin ako sa paligid at nagulat. "Nasaan ako?" Lalo kong sinuyod ang paligid. Nasa isa kong elegante na kwarto na punong-puno ng mga lumang paintings. Naka-dextrose rin ako.
"Gising na po siya." May narinig akong boses ng babae kaya napatingin ako sa pintuan.
Bumungad kaagad sa pintuan ang isang matandang babae. Inutusan niya 'yong babae sa pintuan na kumuha ng pagkain kaya lalo akong nagtaka. Paano ba ko napunta dito?
"Naririnig mo ba ko?" mahinahon niyang tanong habang nauupo sa kama malapit sa akin.
"Nasaan ako?"
Ngumiti siya nang malambing at hinawakan pa ang kamay ko na mabilis ko namang inilayo. "Hindi mo ko kilala?"
"Hindi."
"Ako ang lola mo."
Tumitig lang ako habang natatawa nang mahina. "Lola." Tumango siya kaagad. "Hindi mo ko maloloko. Wala akong amnesia para sabihin mong lola kita."
"Phillip," tawag niya sa pangalan ko. "Kaya kong ipaliwanag sa'yo ang lahat. Ang gusto ko lang ngayon ay magpahinga ka muna at mukhang malayo ang naging byahe mo."
Nalilito ko sa mga sinasabi niya. Mabilis akong tumayo para tumingin sa malaking bintana ng kwarto. Nandito ko sa loob ng mansion. Buhay ako at sila ang tumulong sa akin.
"Kinabahan kasi ko noong makita kita sa labas. Mahina na ang puso ko at hindi ko kayang mawalan ng apo ngayon." Muli siyang nagsalita kaya bumaling ako ng tingin sa kanya habang nanlalaki ang mga mata.
"A-ano bang sinasabi mo?"
"Tulad ng sinasabi ko, magpahinga ka muna at magpapaliwanag ako sa'yo sa susunod na araw." Ngumiti siya at tumayo na.
"Teka, hindi. Pinapatay niyo ang mga magulang ko," madiin kong salita. "Ang lakas ng loob niyong buhayin ako. Akala mo ba hindi kita kayang patayin?"
"Sa lalaking may baril nga, hindi mo nagawa. Sa katulad ko pa bang matandang babae?" Sarkastiko niyang ngiti habang umiiling.
"Kaya ko. Pinatay mo ang mga magulang ko."
Nagbuntong hininga siya na para bang hindi na siya natutuwa sa sinasabi ko. "Sumunod ka," utos niya lang.
Sinuyod ko ng tingin ang paligid. Napakaluwang ng mansion nila at ang daming mga bantay sa paligid. Kahit patayin ko siya ngayon, hindi rin ako makakalabas ng buhay.
"Hindi ako ang nagpapatay sa magulang mo. Si Felipe ang may gawa no'n," panimula niya kaya nakinig na lang ako. "Hindi mo ba ko tatanungin kung sino si Felipe?" Sumulyap siya sa 'kin bago lumabas ng mansion.
Umupo siya sa isang maluwang na upuan, sa tabi ng mga bulaklak at minostrahan akong tumabi. Wala naman akong magagawa kundi sumunod.
"Sino si Felipe?" Umayos ako ng upo sabay tingin ulit sa pwedeng labasan.
"Kapatid ng daddy mo."
"Kapatid? Walang kapatid si Daddy."
"Anak ko ang daddy mo. Matagal na siyang patay." Umiwas siya ng tingin. "Hindi ito tungkol sa pamilya mo, Phillip." Hinawakan niya na naman ang kamay ko. Inaalis ko 'yon pero mas hinihigpitan niya pa. "Tungkol 'tong lahat sa'yo," dugtong niya.
"Tama na nga, binibilog mo ba ang ulo ko para hindi ako makapagsumbong sa pulis?" Tinawanan ko siya nang mapait at pilit na nagmamatapang.
"Hindi mo ba talaga naiintindihan?" Sumabay siya sa pagtawa ko at may minostrahan na isang bantay niya. "Ipakita mo sa kanya ang badge mo," utos niya na mabilis namang sinunod ng lalaki.
"Pulis ka?" Gulat kong tingin.
"Pwede mo na kong isumbong ngayon sa kanya," mayabang na sabi ng matanda. Napatameme ako habang sumasandal. Ano bang nangyayari? Litong lito na ko.
"Paano bang tungkol sa 'kin ang lahat?" walang magawang tanong ko. Nanghihina na ko at parang malapit na kong maniwala sa kanya.
"Apo kita, nag-usap na kami ng mommy mo tungkol dito. Pero hindi pumayag ang asawa niya. Nagkaroon tuloy ng pagkakataon si Felipe para ipapatay ka."
Nanlulumo akong napatingin sa kanya.
"Wala na si Felipe. Ako mismo ang nagpakulong sa kanya." Paninigurado niya sa 'kin. "Etong mga bantay ko, dahil sa kanya 'to. Ang tagal kitang hinahanap pero ayaw kang ituro ng kapatid mo."
"Paano niya ko ituturo? Pinalayas niya ko."
"Ikaw na lang ang nag-iisa kong tiga-pagmana. Alam ni Felipe na ikaw ang gusto kong pamanahan ng lahat kaya inuunahan niya ko. Pero ngayong nandito kana. Oras na malipat ko sa pangalan mo lahat. Wala na siyang magagawa." Lumiliwanag ang mukha niya na para bang tuwang tuwa.
"Parang sure na sure kang apo mo ko. Ayaw mo ng DNA test?" Tinawanan ko siya nang mapait. Mukhang nasisiraan na kasi siya ng bait. Pinakulong niya ang sarili niyang anak para sa 'kin?
"Phillip, hindi ko kailangan ng DNA test para lang malaman kong apo kita. Ako ang mismong nagpangalan sa'yo." Natigilan ako sa sinabi niya. "Hindi ko kayang ipagkatiwala ang lahat sa iba. Sa'yo lang." Tinapik niya ko habang nakangiti kaya napatitig lang ako.
"Madam, ito na po ang mga pagkain." Ang ganda niya.
"Kung gusto mo ng patunay. Mamaya umikot ka sa mansion. Phillip? Nakikinig ka ba?" Tumingin siya doon sa naghain ng pagkain at tinignan ako nang malisyosang tingin. "Pwede ka nang umalis." Pinaalis niya 'yon kaya bumalik ako ng tingin sa kanya.
"Huwag kang nagtitiwala kaagad," bulong niya.
"Hindi ko siya type."
"Bakit gano'n mo siyang tingnan? Para kang si David."
"Sino naman si David?"
"Ang totoo mong ama." Ngumiti siya at inabutan ako ng pagkain. "May painting kayong dalawa na magkasama sa itaas. Kapag umikot ka makikita mo 'yon."
"Bakit siya namatay?" curious kong tanong. Malapit na kong maniwala basta huwag lang ako malason dito sa mga binibigay niya.
"Pinapatay siya ni Felipe." Nagbago ang itsura niya pagkasabi no'n at uminom kaagad ng tsaa. "Hindi ko sinasadyang mapalaki sila nang gano'n. Hindi ko alam na malaki ang inggit niya kay David. Pinatay niya ang nag-iisa niyang kapatid."
"Teka lang, ha? Pwede pa ba kong mag-back out dito? Para kasing ang komplikado ng buhay mo." Tumayo na ko. Walang humarang sa 'kin nang umalis ako kaya lalo akong nagtaka.
Nakahinto lang ako sa labas ng gate at may dugo pa rin sa lupa. Pumikit ako sandali bago bumalik ulit sa loob. Wala pa ring humaharang sa 'kin. Nakaupo pa rin siya doon sa labas at nakatingin lang.
Umakyat ako at umikot para makita ang picture na sinasabi niya. Nahinto ako nang makita ko 'yon. Hindi siya nagsisinungaling. Kasama namin sa litrato si Mommy. Mukhang masaya silang dalawa pero bakit sila naghiwalay?
"Binalikan ng mommy mo ang una niyang asawa matapos mamatay ni David," kwento niya. "Sa mundo na 'to, apo. Wala kang dapat pagkatiwalaan."
"Pero pinagkakatiwalaan mo ko?"
"Ikaw lang." Tinusok niya ang darili niya sa dibdib ko habang ngumingiti.
"Masyado naman ang trust issue mo, lola," biro ko sabay ngiti.
"Sa bahay na 'to. Wala kang pagkakatiwalaan. Marami pa ring tauhan dito si Felipe. Hindi ka ligtas," mahina niya na namang sabi. Nakaka-stress ang buhay niya.
"Bakit hindi ka umalis?" sarkastiko kong tanong.
"Nandito ang alaala ng lolo mo at ang papa mo. Bakit ako aalis? Isa pa, bahay ko 'to," matapang niyang sabi habang nakatitig sa malaking painting. "Oras na isalin ko lahat sa'yo ang pagmamay-ari ko. Paaalisin ko na silang lahat at maninirahan ako ditong mag-isa."
"Kaya mo?"
"Kaya ko."
"Paano ko? Sa 'kin mo isasalin ang problema?"
"Apo, ikaw ang magmamana ng lahat ng ari-arian ng pamilya Delos Santos. Anong problema ang hindi mo kayang bilhin?" Mayabang niyang ngisi.
"Bakit ikaw? Hindi mo nabili." Umiwas ako ng tingin.
"Basta simula ngayon, igalang mo naman ako. Para kang nakikipag-usap sa bata."
"Malay ko ba kung nagsisinungaling ka." Ngumuso ako. Mukhang napipikon na ang matanda. Umirap siya sa 'kin at tahimik na lumabas ng pintuan.
"Ipapaayos ko na kaagad ang papel mo. Nga pala, hindi mo na gagamitin ang Santiago. Simula ngayon, ikaw na si Phillip Delos Santos."
"Teka! Lola? Hindi ba parang bumaho naman ang pangalan ko?" reklamo ko.
"Gusto mong magpalit ng pangalan?" Tinaasan niya ko ng kilay.
"Pwede rin." Nginisihan ko siya. "Kaya mo ba?"
"Sinabi ng igalang mo ko."