SEVEN

3277 Words
DIANA POINT OF VIEW "Philie, 'wag kang lalabas. Isara mo lagi itong pintuan!" sigaw ko. Abala na naman siya sa kung ano sa gilid ng bahay. Sinilip ko siya habang nagpupusod ng buhok. "Philie, ano na naman 'yan?" Kunsumido kong tingin. "Mommy." Huminto siya sabay takip pa ng bibig. Ang arte niya talaga. "Nanay, 'wag kang mag-alala. Ipapabenta ko lang ito kina Jose at Ban diyan sa park." "Ayoko ng lumalabas ka. Delikado." "Opo," sagot niya lang habang abala sa paggawa ng sampaguita. Matigas ang ulo niya parang daddy niya lang. Ginagawa kung ano ang gusto. "Late na ko sa work. Asaan na ang kiss ko?" Tumalungko ako malapit sa kanya sabay mostra. Ngumiti siya at hinalikan ako sa pisngi. "'Wag mong kakalimutan isara itong pinto." Muli ko siyang tinignan bago tuluyang umalis ng bahay. Ayoko sanang danasin niya ang ganitong buhay pero wala akong magagawa. Mas gusto ko siyang mabuhay. Hindi matanggap ng pamilya ni Sebastian na nabuntis ako. Sinubukan nilang gawing aksidente ang pagpapalaglag kay Philie pero hindi ako pumayag. Lumaban ako para sa anak ko. Sino sila para patayin ang anak ko? "Last day mo na bukas. Late ka pa rin," bulong ni Candice. "Wala kasi kong mapag-iwanan kay Philie. Inasikaso ko muna." Waitress lang ako ngayon kung maitatanong niyo. Iniwan ko ang marangyang buhay, mali. Tinalikuran ko ang dati kong buhay para sa anak ko. Para mabuhay siya. Tumakas ako. Naubos ang laman ng wallet ko para makauwi sa pilipinas. Naunahan kasi ko ng pamilya ko sa mga account ko sa bangko. Wala silang karapatan sa lahat ng 'yon pero kinuha nila ang pinaghirapan ko. Sinusumpa ko silang lahat. Wala sa aking kumampi kahit na si Kuya Berry. Itinakwil niya rin ako na para bang kasalanan na mabuntis ako ng taong mahal ko talaga. Bumalik ako sa pilipinas para kay Phillip pero wala na siya. Hinanap ko siya kay Will pero hindi niya rin alam kung nasaan na siya. Bigla na lang daw 'yon lumilitaw at nawawala. Hindi ko na sinabi na nagdadalang tao ko. Wala na rin naman. Tapos lumabas pa ang kwento tungkol sa pagkamatay ko. Nilatag nila ang death certificate ni Diana Ramirez. Kaya ginamit ko ang aplido ng totoo kong papa. Ako na ngayon si Diana Pascua. Diana Pascua, na walang yaman. Ang tanging yaman ko na lang ay si Philie. Makita ko lang siyang nakangiti, ayos na ko. Kahit pa maliitin ako ngayon ng mga nakakakita sa akin. "Philie?" Taas kilay akong napatitig sa maliit naming lamesa. Ang daming pagkain. "Philie!" sigaw ko na. "Mommy, bakit po?" Sumilip siya mula sa pintuan ng maliit naming kwarto. Puro uling na naman ang katawan. Sinabi ko na sa kanyang hindi niya kailangang magpaitim para tanggapin siya ng mga tigarito. "Saan galing 'to? 'Di ba ang sabi ko sa'yo, huwag kang tatanggap ng kahit ano sa mga nanliligaw sa akin?" Nagpamewang ako at mas pinalapit pa siya. "Nag-usap na tayo tungkol dito. Ayokong lumalapit ka rin sa kanila." "Mommy! Kinita ko po 'yan sa sampaguita! May natira pa nga po ako dito!" Pasaway siya talaga. Binaba niya ang damit niyang nakabalot kanina at maraming nahulog na barya. "Philie..." Pinaningkitan ko na siya ng mata. "Lumabas ka ba ng bahay?" "Hindi po." "Sinong bumili nito?" "Sila Jose?" Nagsisinungaling siya. "Sinabi ko naman sa'yo na nagtatrabaho ko para sa'yo. Hindi mo kailangan magbenta ng sampaguita. Ano ka ba? Hindi kita pinapalaki para maging batang kalye lang!" napipikon kong sigaw at nagsimula na siyang umiyak. "Alam kong nahihirapan ka sa buhay natin. Pero babawi ako sa'yo." Niyakap ko siya. Kung hindi lang pina-banned ang pangalan ko sa mga magagandang kumpanya. Sigurado naman kaya kong makapasok sa magandang posisyon. Bwisit talaga 'yang Ramirez na 'yan. Kapag ako nakabangon! Babalikan ko talaga sila! "Last day ko na bukas. Mababantayan na kita," panimula ko habang pinapaypayan na siya. Wala rin kasi kaming bintilador. Noong una, hirap na hirap ako. Ang init-init pero sa limang taong ganito kami. Nasanay na ko. "Mie, wala ka ng trabaho? Edi magtitinda ka na lang din ng sampaguita?" "Meron akong napasukan. Panggabi na. Kaya ayos lang ba sa'yo kung iiwan kita habang natutulog?" Kinakabahan ako pero mas mababantayan ko siya sa maga. "Sabi ng kapitbahay nating chismosa. Sumagot ka na lang daw ng mayaman mong manliligaw para hindi na tayo maghirap." "Philie, sinabi ko nang 'wag kang lalabas. Tingnan mo 'yang mga natututunan mo. Salita pa ba 'yan ng bata?" "Ayaw naman ako kalaro nila." Ngumuso siya at mas hinigpitan ang yakap sa akin. "Pero kanina, mommy. Alam mo ba? May nakilala kong mamang pogi. Siya ang nagbigay sa akin ng pera," nadulas niyang kwento sabay takip ng bibig. "Philie, saan ka pumunta kanina?" "Sa park po," bulong niya. "Sinong kasama mo?" "Wala po." "Napakatigas talaga ng ulo mo! Paano kung masagasaan ka doon?! Gusto mo ba kong mamatay kakaiyak kapag nangyari 'yon?!" Sumasakit na ang ulo ko. "Sorry na po." Iiyak na naman siya. "Paano na lang kung kidnapper 'yon? O kaya r****t? Paano na ko no'n, Philie?!" Umupo ako sa pagkakahiga dahil sa paninikip ng dibdib. "Sorry na po." Umiiyak lang siya nang umiiyak kaya napapikit ako nang madiin habang naluluha. Ano bang nangyayari sa buhay ko? Hirap na hirap na ko. Gusto ko nang magpahinga pero hindi pwede dahil kay Philie. Gusto kong mawala sa mundo pero siya ang laging nasa isip ko. "Mie, sorry na. Huwag ka nang umiyak." Pinunasan niya ang luha ko at para bang may magic ang yakap niya. Gumagaan lagi ang pakiramdam ko pero lalo akong naiiyak. Kinabukasan, lakas loob ko siyang ibinilin kay Manang Rosa. Sa kabilang bahay lang siya pero mukhang hindi siya gaanong nakikinig sa akin. Tango lang siya nang tango habang nagbabaraha. Muli akong bumalik sa bahay para tingnan kung gising na siya. Lagi lang akong nag-iiwan ng pagkain sa mesa. Matalino naman si Philie, kahit sa murang edad. Hindi na siya alagain at talagang nakakaintindi. "Sinabi niya 'yon?" tumatawang sabi ni Candice. "Baka naman naghahanap na ng daddy 'yang si Philie. Bakit kasi hindi ka pa nga sumagot sa mga manliligaw mo? Ang dami namang gwapo at mayaman pa." Hindi ako sumagot habang nag-iisip. Ayoko kasing maranasan ni Philie ang naranasan ko. Para lang mabuhay ako ni Mommy, nagpakasal siya sa bwisit na Ramirez na 'yon. Lahat sinunod ko sa kanya pero kinuha niya pa rin sa akin ang lahat. Lahat ng pinaghirapan ko sa mahabang panahon. At ang pinakamasakit, hindi ako kinampihan ni Mommy. Gusto nilang mawala si Philie? Asa sila. "Don't tell me na hindi kapa move on sa daddy ni Philie?" Siniko niya ko at muling nagpunas ng lamesa. "Siya lang ang minahal ko," proud kong kwento. "Kalimutan mo na 'yon. Hindi para sa sarili mo, para ito kay Philie. Humanap ka na ng lalaking mabait, mayaman at kung gusto mo gwapo." Tinapik niya ko bago lumakad pabalik ng counter. Sa panahon ngayon, mahirap humanap ng gano'n. Alam ko namang itsura at katawan ko lang ang habol ng ibang nanliligaw sa akin. Siguradong kapag sawa na siya, itatapon niya na lang kami ni Philie. Parang laruan na kapag pinagsawaan itatapon na lang. "Binili po ito sa akin ni Daddy Philip?" rinig kong sabi ng bata kaya napabaling kaagad ako ng tingin. Phillip... "Anong gusto mong kainin?" "Kahit ano po ako," bibong sagot ng bata. Lumingon siya sa likuran at mabilis na tumakbo sa isang lalaki. "Daddy!" Hindi siya si Phillip ko. Bumuga ko ng hangin dahil sa sobrang kaba. Nasaan na ba kasi siya? Huling kita ko sa kanya ay noong sinundan ko siya buong araw. Buong araw niya ring kasama ang babae na 'yon. Masayang-masaya sila habang nag-uusap at kung minsan ay magkahawak pa sila ng kamay. Isang araw pa lang kaming hiwalay pero sila na kaagad. Sabi niya, 'wag akong magseselos doon dahil may iba 'yong gusto. Pero hindi naman pala totoo. Lagi na lang sumasagi sa isip ko na baka sila ang nagkatuluyan. Baka masaya na siya ngayon kasama ang babae na 'yon. May mga anak at maginhawang buhay. Oras na rin siguro para pumili na ko. Tama sila, kailangan ko ng pumili para kay Philie. Para magkaroon na rin siya ng magandang buhay. "Wala na naman siya." Napapikit ako nang madiin sa sobrang kunsumi. Hinagilap ko siya sa buong bahay pero wala. Tinignan ko sa labasan, sa park at sa mga kalaro niya pero wala. Talagang ang tigas ng ulo niya. Naiiyak na ko sa sobrang kaba. Paano kung may nangyari ng masama sa kanya? "Mommy?" Mabilis akong humarap sa pintuan. "Saan ka galing?!" inis kong sigaw habang nagpipigil. Ayoko siyang saktan kahit na damping palo lang. Pero napakatigas na ng ulo niya! "Bumili lang po ako ng candy. Gusto mo?" Inalok niya pa ko. Lalo akong nakukunsumi sa kanya. Gusto kong mainis pero kapag ngumiti na siya ay unti-unti na ring nawawala ang galit ko. Natigilan ako dahil sa malinis niyang katawan ngayon. Nakasuot siya ng kulay blue na dress at sandals. "Philie, halika dito," mahinahon ko siyang inaya. Lumuhod ako sa harapan niya at pilit na humihinahon. "Kanino galing 'yang suot mo?" Mukhang nagulat siya at bumaling pa ng tingin sa suot niya ngayon. "Gusto mo na ba talaga ng daddy? May napili ka naba sa kanila?" Pinagmasdan ko ang dress na suot niya at napangiti. "Bagay sa'yo." "Hindi ka galit, mommy?" makulit niyang sabi kaya ngumiti lang ako at tumango. "Sayang! Ang dami niya pang binili sa akin," papahina niyang sabi habang umiiwas ng tingin. "Oh? Bakit hindi mo kinuha?" "Natatakot kasi ko sa'yo, mie." Ngumuso siya at nagpamewang. Parang daddy niya lang kung gumalaw siya. "Sayang talaga, may mga chocolates pa ko doon." "Edi kunin mo sa kanya." Tinawanan ko siya at tumayo na. "Ayos lang po? Hindi ka talaga magagalit, mie?" "Philie, siya ba ang gusto mo sa kanilang lahat?" tanong ko. "Napag-isipan ko kasi ang sinabi mo kagabi. Gusto ko, ikaw ang mamili ng lalaki para sa ating dalawa," dahan-dahan kong paliwanag para hindi siya gaanong mag-react. Matalas din kasi ang dila niya. "Gusto ko siya pero ayaw niya kong pakasalan." "Ano?!" gulat kong tanong. Para kasing proud na proud pa siya sa sinabi niya. "May crush na po ako!" Napatawa ko nang malakas at bumusangot naman siya. "Totoo 'yon, mie! Kaso lang hindi raw siya pumapatol sa bata. Kaya sabi ko irereto ko siya sa'yo." Todo ngiti siya. "Sige, nasaan na siya?" "'Yan na nga po ang problema." Mukhang kunsumido ang mukha niya kaya hindi ko mapigilan ang pagtawa. "Ayaw niya raw mag-girlfriend. Sayang, pogi pa naman siya." "Bagay ba kami?" biro ko. "Mommy, crush ko nga po siya." "Kako bagay ba kami?" "Syempre po, magaling ako pipili," mayabang niyang sagot kaya ginulo ko na lang ang buhok niya at nagpaalam na magbibihis na ko. "Sino 'yon?" Gulat kong baling sa pintuan. "Hindi na si Mommy tumatanggap ng manliligaw!" mataray niyang sigaw sabay bato ng bulaklak na binigay sa kanya. Ang taray ng anak ko. Hindi naman ako gano'n. Kay Phillip niya kaya namana 'yon? "Philie, 'wag kang ganyan. Bad 'yan." "Pasok po kayo," bigla niya namang mabait na sabi kaya nagulat ako. Hindi ko naman sinabing papasukin niya ang mga 'yon. Tuloy-tuloy naman silang pumasok at mga ngiting aso pa. "Bakit mo sila pinapasok?" bulong ko nang buhatin ko siya papuntang kwarto. "Sabi mo po papasukin sila." "Hindi ko sinabi 'yon." "Nakita ko kasi si Kuya Pogi sa labas. Mukhang pipila rin." "Philie..." "Bakit po? Sabi mo gusto mo siyang makilala. Mabait 'yon, mie. Lumibot nga po kami kanina sa mall." "ANO?!" sigaw ko habang nanlalaki ang mga mata. "Bakit ka sumama doon?! Paano kung hindi ka na niya binalik?!" "Ayan ka na naman po. Nandito na nga po ako sa bahay." "Philie, 'wag kang sumagot sa akin nang ganyan." Tinuro ko ang bibig niya. "Basta papapasukin ko siya!" Inirapan niya ko na para bang gustong-gusto niya talaga 'yon. "Subukan mo," pahabol kong salita. "Mie, pogi 'yon. Magbihis ka po ng magandang damit." Ngumisi siya habang nakasilip sa pintuan at muling umalis. "Tapos mie, magpaganda ka po para magustuhan ka niya." Bakit parang ako pa ang manliligaw ngayon? Napakurap-kurap lang ako habang sobra ang ngiti niya. Ngayon ko lang siya nakitang ganyan kasaya. "Pero wala naman akong magandang damit," naalala kong bulong. Puro luma na at mga kupas. "Mommy, nasa sala na po siya. Kaso nagagalit silang lahat kasi isiningit ko po siya sa pila." Bumusangot siya. "Edi takutin mo," sagot ko habang namimili sa kahon ng damit. Wala kaming kabinet kaya kahon lang ang damitan namin. Dinadaga na nga. Hay. "Mie, ang tagal mo naman. Baka mainip si Kuya Pogi. Dinala niya lang daw po ito. Magpakita ka na po baka umalis na siya." Kanina pa siya silip nang silip kaya mas lalo akong natataranta. Mukhang gustong-gusto niya talaga 'yon. "Paano na?" irita kong bulong sa mga damit ko. "Mie, mayaman 'yon baka mamaya po may butas pa ang isuot mo." Kabado rin siya kaya napatawa ko nang mahina habang nakatalikod. "Mommy! Ang tagal mo!" Wala na siyang galang. Tinignan ko siya nang matalim na ikinatakot niya naman. "Sorry po, pakibilisan po." Ang cute ng anak ko. "Pwede bang sa susunod na lang? Sabihin mo sa kanila na umalis na," kinakabahan kong sabi sa kanya. Bumusangot naman siya habang tumatalikod kaya nakonsensya ko. Ano bang itsura ng lalaking 'yon? Ang lakas ng kapit niya sa anak ko. Lumabas na ko pero hindi ako makatingin sa kanila. Nahihiya ako. Paano kung akitin ko na lang siya? Para kay Philie naman. Hay, Diana. Bakit kasi hindi ka marunong lumandi? "Philie, palayasin mo na sila," dismayado kong sabi. Siguradong magagalit sa akin si Philie. Ipagluluto ko na lang siya ngayon ng paborito niyang itlog na may sardinas. Tama, mayaman at gwapo lang ang lalaking 'yon. Ako pa rin ang mommy niya. "Diana," bulong ng isang lalaki malapit sa tainga ko at yumakap pa sa akin. Kinabahan akong bigla. Lumakas ang t***k ng puso ko kaya mabilis kong nabitawan ang sandok kong hawak. "Kuya Pogi, yari ka talaga kay Mommy!" sigaw ni Philie na mukhang bitbit niya. Mabilis ko silang hinarap nang pumiglas si Philie at bumaba. Umalis din siya ng pagkakayakap kaya nakaharap ako nang mabuti. Nakatingin lang siya kay Philie habang nakangiti. "Phillip," bulong ko na para bang bigla akong nanghina. Kusang tumulo ang luha ko habang nakatitig sa mag-ama ko. "Mommy! Hindi ko inutos sa kanya 'yon! Si Kuya Pogi po ang may gawa no'n! Ayan! Napaiyak mo si Mommy!" Galit na si Philie kaya mabilis kong pinunasan ang luha ko. "Ahm, ano, gusto mo ba ulit ng yakap?" Nagkagat labi siya habang nakatalungko pa rin sa harapan ni Philie. Mukhang nakikiramdam din siya kaya napangiti ako. "Pwede ba?" tanong ko. Tumango naman siya at minostrahan akong lumapit kaya mabilis ko siyang niyakap nang mahigpit. "Mommy." "Sorry," bulong niya kaya tinignan ko siya at umiling. "Bakit ka nagso-sorry?" "Hindi ko alam." Tumutulo rin ang luha niya kaya pinunasan ko 'yon. "Mommy." Pangungulit ni Philie habang nagpapapansin kaya bumaling na ko sa kanya. "Bakit?" Tumalungko rin ako. "Kilala mo si Kuya Pogi?" "Ikaw si Kuya Pogi niya?" Tinignan ko si Phillip na nakangiti na ngayon habang tumatango. "Nandito ka ba para manligaw?" "Pwede ba?" "Liligawan mo na ang mommy ko? Sabi mo kanina, ayaw mo!" Tinuro siya ni Philie. "Sabi mo sa akin irereto mo ko sa mommy mo!" Nagharap na silang dalawa kaya nalito ko. Nagpamewang si Philie habang si Phillip, mukhang nakikisabay lang. Napangiti lang ako. "Oo nga, pero bakit mo niyayakap ang mommy ko?!" "Siya rin naman niyakap ako!" "Eh, kasi pinaiyak mo siya!" Ang sakit na nila sa tainga. "Pinaiyak ba kita? Ako rin naman pinaiyak mo." Bumaling sa akin si Phillip. "Gutom na ba kayong dalawa?" Pagbago ko sa usapan. Tumayo na ko at nagpunas ng natitirang luha sa mata ko. Hindi ko mapigilan ang mangiti. "Pwede ba tayong mag-usap?" bulong ni Phillip. Bumaling muna ko kay Philie bago tumango sa kanya. "Ngayon na." "Mamaya na." "Ngayon na." "Phillip, nagugutom na ko." "Edi kumain tayo sa labas. Tapos doon tayo mag-usap," aya niya. "Lalabas tayo ulit? Sasama ka, mie?!" "Ang lakas ng tainga mo pagdating sa gala, 'no?" Nilagay ko sa ulo niya ang kamay ko habang mahina siyang tinatawanan. "Ikaw ba ang kasama niyang lumabas kanina?" "Oo?" "Bakit patanong?" "Papagalitan mo ba ko?" "Bakit mo siya nilabas?" tanong ko. Nakatingala lang sa aming dalawa si Philie na parang nagtataka. Gusto kong sabihin pero baka mabigla silang pareho. "Wala lang." "Nilabas mo ang anak ko tapos wala lang?" "Kasi ang totoo niyan. Naaliw kasi ko sa kanya kaya nilibot ko siya kanina. Siya na lang ulit ang nagpapatawa sa akin simula noong umalis ka," papahina niyang sabi at bumaling kay Philie ng tingin. "Bakit? May girlfriend ka naman na, 'di ba?" lakas loob kong tanong pero ang totoo, sobra na ang t***k ng puso ko. Napakahigpit na nga ng kapit ko kay Philie. Kinakabahan ako dahil gustong-gusto kong sabihin sa kanya na anak niya 'tong nasa harapan niya. Pero paano kung may pamilya na siya, 'di ba? Siguradong makakagulo lang kami ni Philie. Ngumiti siya. "Oo," sagot niya. Kumirot kaagad ang puso ko. "Ah, kala ko—" "Kapag sinagot mo ko," biglang dugtong niya kaya mabilis akong bumalik ng tingin. "Wala ka namang boyfriend, 'di ba?" Tumango lang ako. "So, pwede na?" "Pwede ng ano?" "Pwede ba kitang mahalin? Ulit." "Phillip." "Sagutin mo lang 'yan. Mamahalin na kita." Napayuko ako nang maalala ang mga 'yon. Ako ang nagsabi no'n dati sa kanya. "Kapag napapayag mo siya." Tinuro ko si Philie. "Payag 'yan sa akin," mayabang niyang sagot. "Kapag hindi ka sumagot ngayon. Si Philie na lang ang pakakasalan ko." "Ha?" gulat kong tanong. "Parehas niyo kong gustong pakasalan, e." Nagpamewang siya. "Mommy, sabi ko sa'yo crush ko si Kuya Pogi," angal ni Philie. "Anong crush?! Siya ang daddy mo!" wala sa loob kong sigaw kaya natigilan ako. Tulala lang si Philie sa akin at tumingin din kay Phillip. "Ano, ahm..." pilit kong paliwanag pero nakakain na ko ng kaba. Mas umatras pa ko para matignan sila parehas habang kabang-kaba. Nanginginig na yata ang kalamnan ko. "Nagugutom na ko. Tara na?" aya ni Phillip kay Philie na parang walang narinig kaya napatitig akong lalo. "Mommy, ang dami mong sinasabi. Nagugutom na po ako." Humawak siya sa kamay ni Phillip at iniwan nila kong dalawa. Pinatay ko kaagad ang kalan na umuusok na at mabilis na sumunod sa kanilang dalawa. Pinagbuksan ni Phillip ang anak niya ng pinto at muling bumaling sa akin. "Sasama ka ba?" parang naiinip niya pang tanong kaya mabilis akong tumakbo palapit. Sumakay ako sa harapan at bumaling kay Philie na kumakain ng chocolate sa likod. "Ang dami mong damit." "Mie, eto nga ang binili sa akin ni Kuya—" Huminto siya at tinignan si Phillip na tumingin din sa kanya. "Daddy." Biglang bago niya at malawak na ngumiti. "Saan niyo gustong kumain?" "Daddy, gusto ko sa masarap. Mayaman ka naman, 'di ba?" Nilambing siya ni Philie at mas lumapit pa sa pwesto namin. "Oo naman, ikaw pa ba?" Para silang magkabarkada at nag-apir pa. "Bakit parang hindi kayo nagulat?" nalilito kong tanong. "Ah, binu-bully kasi namin kanina 'yong mga nanliligaw sa'yo." "Hindi po ako, mie. Si Daddy lang." "Luh, bakit tumitiklop ka kapag mommy mo na ang kaharap mo?" Yumakap siya kay Phillip. "Masungit siya," bulong niya na narinig ko naman. "Hindi, takot sa akin 'yan," mayabang niya namang sagot sa anak namin kaya napailing na lang ako. Tinignan nila kong dalawa nang sabay kaya tinaasan ko sila ng kilay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD