Chapter 21:

2334 Words
Matapos ng halos dalawang linggo na paghahanda ay umuwi na nga sila ni Zeus. Hindi siya nagpasabi sa kaniyang magulang dahil balak niyang surpresahin ang mga ito. Simula kasi noong nagtanong siya tungkol sa kaniyang kakambal ay dumalang na ang mga itong makipag-usap sa kaniya at iwas na iwas pa. "Sure ka bang dito ang daan pauwi sa inyo?" tanong ni Zeus nang mapansing paikot-ikot sila. "Oo naman Sir, saglit lang. Manong iliko mo nga diyan sa may madyungan," utos sa drayber ng taxi na kinalululanan nila ni Zeus. Nang makita ang ina at si Aling Goring ay agad siyang bumaba. Pagkababa ay agad naman siyang napansin ni Aling Goring dahil ito ang deretsahang nakatingin sa daan habang ang ina ay nakatalikod naman sa kaniya. "Oh, Goring, bakit ganyan ng mukha mo at mukhang nakakita ka ng multo?" dinig na tanong ng ina rito. Tinuro pa siya nito na hindi nakapagsalita sa kabiglaan. Lumingon ang inay niya na nanlalaki rin ang mata nito. "Kikay! Ki—kay, ikaw nga?" anito na mabilis siyang tumayo at tinungo ang kinatatayuan niya saka hinawakan ang kaniyang kamay. Mabilis na hinila ang ina at niyakap. "Na-miss ko rin kayo Inay, miss na miss," aniya rito. "Naku, anak bakit hindi ka nagpasabing magbabakasyon ka eh, 'di sana ay nasundo ka namin," anito sabay baling kay Zeus. "Ah, Inay kasama ko pala siya. Sa bahay na muna siya tutuloy," agad na turan sa ina. Nakitang alanganin ang tingin nito kay Zeus "Oh, siya. Tara sa bahay," yakag na nito. Maraming kapitbahay ang nakikiusyuso lalo pa at nakita si Zeus. "Aba! Jackpot yata si Kikay ah, guwapo ang dalang forenjer," turan ng isang ale. "Naku, patay tayo niyan. Wala ng pag-asa si Segundo," anas naman ng isang tricycle driver na katropa si Segundo sa toda sa kanilang bayan. "Si Itay po, Inay?" tanong sa ina para mabaling ang pansin ni Zeus sa kanila. Nakakahiya na kasi ang nga naririnig na bulungan ng mga kapitbahay nila. "Nasa may manukan siya, huwag kang mag-alala ay mamaya nandito na iyon. Hala, pasok muna kayo," anito habang tinutulungan silang magpasok ng mga maleta nila. "Pagpasensiyahan mo na iyong kubo namin, hijo," aling kay Zeus nito. Ngumiti si Zeus. "Okay lang po," tipid na sagot. Maayos naman ang kubo nina Kikay. Masinop at malinis. Gawa iyon sa kawayan pero pulido ang pagkakayari at maganda. May dalawang silid. Masinop din ang maliit nilang kusina. "Dumito na muna kayo, aayusin ko muna ang silid nitong si Kikay at doon ka na muna maglagi, hijo," paalam ng ina. Tumingin siya kay Zeus na tila nakamasid sa buong kubo nila. Ngumiti siya. "Pasensiya na po Sir, matigas po ang upuan namin. Matigas din ang higaan. Pero huwag kang mag-alala magaling akong magmasahe kung gusto mo ng masahe," nakangiting turan. Nakitang sumeryoso ito. "Joke lang! Pinapatawa lang kita Sir, mukha kasing naninibago ka?" dagdag pa. "Stop calling me, Sir. I told you, call me Zeus. Okay lang naman ako, don't worry this is not new to me," ani ni Zeus. "Oh, hijo, pwede ka nang pumasok at makapagpahinga. Alam kong matagal ang biyahe ninyo," sabad ng ina ni Kikay na galing sa silid ng dalaga. Pumasok siya sa nilabasan nito at napangiti nang makapasok sa maliit na silid ni Kikay. Kitang-kita kasi sa dingding nito ang mga larawan nito mula pa noong bata hanggang magdalaga at ganap na dalaga. Mas lalo siyang napangiti noong makita ang nakangiti nitong larawan na naka-frame. Matamis ang ngiti nito habang suot ang uniporme nito. Hahawakan sana niya iyon nang marinig niyang may kumatok. Agad na tinungo ang pintuhan, nakita roon ang nakangiting si Kikay. "Hi! Sorry, nagambala ba kita? May kukunin lang sana ako," anito saka pumasok sa silid nito. Nakita niyang natigilan ito nang makita ang mga larawan nito noong bata ito. Naroroon iyong karga siya ng ina niya noong mga dalawang taong gulang ito. Iyong hawak ito ng ama habang naglalakad at meron din iyong seventh birthday niya. Natahimik si Kikay at masusing tinitignan ang bawat larawan nito sa dingding. Isang matamis na ngiti ang sumilay sa labi saka tinungo ang maliit niyang aparador na pinasadya pa noon ng ama para raw may magamit siya. Nasa karton lang kasi na hiningi sa tindahan ang damitan niya at nang magdalaga siya ay pinagawan nga siya ng ama. Agad na binuksan iyon ay nakita ang nasa maliit na kahon. Agad na binuhat iyon, naroroon kasi lahat ng mga bagay na memorable sa kaniya at maging ang mga naging crush niya noon. Well, crush lang naman dahil tipikal naman siyang kabataan. "Pasensiya na ulit," ulit habang kipkip ang maliit na box. "Siya nga pala, pwede mo nang gamitin ang aparador ko," turo ni Kikay saka lumabas. Pagkaalis ni Kikay ay naupo siya sa kama nito. Maliit lang iyon. May manipis naman iyong kutson pero matigas pa rin dahil gawa lang sa kawayan ang kama. Muling bumaling sa larawan nito sa gilid ng kama. May maliit kasing lamesita doon. Ngumiti rin siya sa larawan ni Kikay na nakangiti. Simple lang ito hindi kagaya ni Althea Robles pero hindi naman matatawaran ang ganda kahit naka-uniporme pa ito. Matapos noon ay kinuha ang katamtamang laki ng maleta niya. Hindi niya kasi alam kung hanggang kailan sila maglalagi ni Kikay sa Pilipinas o maisasama pa ba ito pabalik kapag nalaman nito ang katotohanan sa pagkatao nito. Lumapit siya sa kabinet na tinuro ni Kikay. Pagbukas niya noon ay naagaw agad ng pansin niya sa isang larawan na naiwan sa kung saan binuhat ni Kikay ang dala nitong box. Mas lalo siyang napakunot ng makita na kasama ni Kikay si Segundo. Dinampot iyon at tinignang mabuti. Napakaganda ni Kikay sa larawang iyon, abot tainga ang ngiti at may ningning sa mata nito. Sa lahat ng babaeng naroroon ay ito ang pinakamaganda kahit ito ang pinakasimple ng dress at ayos. Napakaganda ang tuwid na tuwid nitong itim na buhok na binagayan ng simpleng bulaklaking damit nito. Pero nakaagaw pansin ay ang lalaking akbay nito sa larawang iyon. Nalaglag ang larawan buhat sa pagkakahawak. Nang damputin iyon ay nakitang may sulat sa likod. Nadia's 18th birthday Thank Papa G, nakatabi ko ang crush kong si Primero. Ang guwapo niya talaga at napakabait pa. Isasanla ko ang lahat maging akin lamang siya. Napailing siya sa nabasa. "Primero," ulit niya hanggang maalala si Segundo. Maaaring kapatid ito ni Segundo dahil bukod sa kamukha nito ang lalaki ay obviously ay pareho ang pinaghanguhan ang pangalan nila. 'Kaya pala ayaw kay Segundo dahil may Primero,' aniya sa isipan. Nilagay niya sa lamesita iyon saka tinuloy ng kaniyang ginagawa. Matapos ilagay ang kaniyang mga damit sa aparador ay muli siyang umupo sa kama. Hinubad ang suot na tshirt at saka nagpalit ng sando. Maalinsangan din kasi dahil walang bentilador doon. Buti na lamang at presko gawa ng kawayan ang yari ng bahay. Nahiga sa kama saka tumitig sa dingding kung saan nakadikit ang larawan nito. Hindi nga maikakailang lumaki si Kikay sa mga magulang nito at mahal na mahal nila ito. Ganoon naman ito sa magulang kahit hindi sila binigyan ng marangyang buhay. Pagdating ng itay niya ay nagulat din ito. Mabilis na nagmano siya rito kahit pa hindi nakakilos sa kinatatayuan nito. "Itay, musta po?" matamis na ngiting turan. "Anak, ikaw nga! Akala ko ay namamalikmata lang ako. Bakit ang bilis mo namang umuwi?" nasayang turan ng ama ng makabawi. "Pinauwi ka ba ng amo mo? Hindi ba nagustuhan ang serbisyo mo?" sunod-sunod pang tanong. "Oh, nandiyan ka pala pala Karyo? Halika at manghuli ka ng manok mo. Iyong masarap itinola ha, iyong bata pa para hindi makunat. May bisita tayo," awat ni Lumen sa asawa nito. "Aba, bisita ba itong anak natin," nakangiting tugon nito. "May kasama siya. Huwag ka na ngang maraming tanong. Hala, maghuli ka na at makapagluto kami nitong si Kikay," turan pa rin ng ina hindi pa rin nagbabago. "Oh, siya anak, maiwan na muna kita at maghuhuli pa ako. Ilang manok ba Lumen?" tanong nito sa kaniyang ina. "Ikaw, kung gusto mo lahat," pabalang na sagot ng ina na kinakamot naman ng ulo ng ama. "Natural, isa," anito. Tumalima agad ang ama. Napangiti na lamang si Kikay, hindi pa rin kasi nagbabago ang mga ito. Agad siyang sumunod sa ina sa kusina. "Bakit mo nga pala kasama ang boss mo?" pasimpleng tanong nito ng mapansin nitong nakasunod siya rito. "'May aasikasuhin lamang po kami," aniya. Ayaw niyang biglain ang mga ito sa kaniyang pakay sa pag-uwi. Nakitang umilap ang mata nito. "Bakit naman ang tagal ng Itay mo. Hala! Dito ka muna at baka hindi makahuli-huli. Titignan ko lang," anito na halata namang umiiwas. Mabilis na umalis at tinungo ang likurang bakuran nila. Bumuntong-hininga siya dahil mukhang may itinatago ang mga ito tungkol sa kaniyang pagkatao. Nagsimula siyang maggayat ng luya at sibuyas na pansasahog nila sa tinolang manok. Gutom na rin sila at pagabi na rin. Maya-maya ay sabay na pumasok sa kusina ang magulang niya. Mabilis na kinatay ng itay niya iyon habang ang ina ay nagbabalat ng dala nitong papaya na pansasahog nila. "Naku, anak, buti at pinagbakasyon ka agad ng amo mo. Akala ko ba ay dalawang taon ang kontrata mo. Sabagay, mabuti na rin iyon dahil nalalapit na ang kaarawan ng Inay mo. Kung tutuusin ay unang kaarawan sana ng Inay mong wala ka sa amin," ani ng ama niya. Ngumit siya. "Kaya nga po Itay, na-miss ko kayong dalawa," aniya sabay yumakap sa inang tahimik. Maya-maya ay umungol ito at suminghot-singhot. "Oh, tay oh, si Inay. Dinadaig ang idol na si Nora Aunor," aniya nang makitang umiiyak na pala ang ina. Tumawa ang itay niya. "Naku, anak. Mula nang umalis ka ay naging iyakin na ang Inay mo. Kaya nga ako na ang nagsasabing mag-tong-its siya kasi doon hindi siya nalulungkot," saad ng ama na natatawa. "Hey! Magtigil ka nga Karyo. Sabihin mo mas abala ka sa kahihimas ng manok mo kaysa maglagi dito sa bahay," inis-inisang turan ng ina. "Eh, anong gusto mo, ikaw ang himasin ko? Eh, ayaw mo naman buti ang mga manok ko, walang angal," katwiran pa ng ama. "Ikaw, hinimas ka na. Galit ka pa," dagdag pa nito. "Ikaw talagang matanda ka. Siya, dalian mo diyan," sikmat ng ina sa ama dahilan para mapatawa ito. Tumawa na rin si Kikay. Nang maluto ang niluto ng ina ay pumasok siya sa silid ng mga ito at nagpalit ng pambahay. Simpleng tshirt na puti na may hugis puso sa gitna saka shorts na hanggang hati ng hita. Hindi mahaba at hindi ganoon ka-iksi. "Oh, anak, maayos na ang mesa," ani ng ina nang pabalik siya sa mesa. "Tawagin mo na ang boss mo," utos nito na kinatalima naman niya. Nakahilata si Zeus. Hindi siya nakatulog dahil bukod sa namamahay siya ay naririnig niya ang usapan ng mag-anak. Maliit lang ang bahay at yari sa kawayan kaya dinig niya ang mga ito. Hindi niya maiwasang mapangiti sabay iling. Mukhang sa mga ito nagmana ng kakulitan si Kikay. Katok sa pintuhan ang nagpabaling sa kaniya sa kaniyang pagmuni-muni. Agad siyang tumayo at nagsuot ng puting tshirt. Pagbukas noon ay si Kikay na nakatayo. Nabigla pa siya ng makita ito. "Ah, sorry, nagambala ba kita?" alanganing saad nito. "Hindi naman." "Kain na tayo," yaya rito. Sumunod naman ito sa kaniya agad. Kapwa nakamaang ang magulang nang makita silang padulog sa mesang dalawa. "Aheemmmm!" tikhim ng itay ni Kikay. "Magandang araw po, Itay. Kumusta po kayo?" magalang na turan ni Zeus. "Mabuti naman hijo, aba'y buti at bumalik ka agad at dinala mo itong si Kikay namin," anito na very accomodating. Isang sipa ang naramdaman ni Karyo sa ilalim ng mesang kinauupuan. "Ar—" anito sabay tingin sa asawang nasa tabi. Nanlalaki ang mata nito. Pagbaling nito ng mata sa kausap na lalaki na tila nabitin sa sinasabi nang mapadaing. Pinilit ngumiti. "Huwag kang mahihiya, ituring mo na ring bahay itong bahay namin," dagdag nito. Napangiti naman si Zeus dahil mabait ang ama ni Kikay. "Ito, hijo tikman mo itong tinola ng Nanay Lumen mo. Masarap iyang magluto pero mas masarap magluto iyan si Kikay namin," puri ng ama ni Kikay. "Ikaw din Kikay. Alam kong na-miss mo ang luto ni Inay," malambing na wika ng ama na halos ipagsandok siya nito. Bumaling si Kikay kay Zeus. Nakitang nakikiramdam ito. "Huwag ka ng mahiya. Nakain ka naman niyan 'di ba?" tanong dito. "Oo naman," anito saka sumubo. Naging magana ang pagkain nila hanggang matapos silang kumain. Mabilis na ring nagligpit ang mag-ina habang sila Karyo at Zeus ay nasa balkonahe. Mabilis natapos ang mag-ina at sinamahan ang dalawang lalaking halos 'di yata nag-iimikan. Mabilis na kinuha ni Kikay ang kahon ng pasalubong sa mga ito. "Inay, itay," panimula niya. "Alam kong nagtataka kayo sa aking pag-uwi pero may sasabihin po ako sa inyo," kabadong saad niya sa mga ito. Nagtinginan ang magulang. "Buntis ka?" sabayang gilalas ng mga ito. "Naku, hindi po." "Ano, boyfriend mo na itong amo mo?!" ani ng ama niya. "Hindi rin po." turan ulit. Muling natigil ang mga magulang. "Gusto ko lang malaman kung totoo po bang may—" "Anak, saglit lang nata—" "Anak may nakalimu—" sabayang iwas ng mga magulang niya "Inay, huwag mong sabihing natatae ka at kailangan mo ng banyo. Ikaw Itay, natatae ka rin ba?" tumaas bahagya ang tinig ni Kikay. Batid niya kasing umiiwas ang mga ito. Napalunok ang mga magulang niya at bumalik sa kinauupuna. Mabilis na nilapag ang kahon ng pasalubong sa mesa. "Kahon o katototohanan," aniya sa mga ito. "Kahon, anak," turan ng ama na dahilan para batukan ito ng ina. "Anak, alam mong hindi kami mukhang pera. Oo, sugalera kaming magulang mo pero hindi ka namin pinabayaan, hindi ba?" saad ng ina niya. "Pasalubong ko talaga ito sa inyo," nakangiting bawi ni Kikay sa namumuong tensyon sa kanilang lahat. Pagbaling kay Zeus ay nakitang nagpipigil ito ng tawa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD