Chapter 22:

2305 Words
Hindi mapigilan ni Zeus ang mapangiti habang nakikita ang reaksyon ng magulang ni Kikay. Bahagya rin siyang nanibago nang magtaas si Kikay ng boses, bagay na hindi naman nito ginagawa. Ngunit nang ilapag nito ang pasalubong nito sa magulang ay mas lalo pang nakakatawa ang eksena. "Pasalubong ko talaga ito sa inyo," turan ni Kikay. Bahagyang umaliwalas ang mukha ng magulang nito. Mabilis iyong inabot sa magulang nito. "Inay, itay alam niyo naman sigurong mahal na mahal ko kayo?" dagdag pa ni Kikay. "Mahal na mahal din ka namin anak, alam mo iyan," sagot naman ng kaniyang ina. "Pero bakit ganoon, Inay. Parang may tinatago kayo sa akin?" may himig tampong sabad rito. "Ha? Kami? May tinatago sa'yo? Naku! Anak, wala kaming tinatago sa iyo," kaila ng ina na panay ang iling. Hindi tuloy malaman ni Kikay kung anong atake ang gagawin para mapaamin ang magulang niya. Nagtaas na siya ng boses kanina. Nakitang nagitla ang mga ito pero hindi naman niya kayang magalit sa mga ito. Mabilis na hinawakan ang kamay ng ina, baka kasi kapag nagdrama siyang katulad nang idol nitong si Nora Aunor ay mapaamin ito. "Inay," tawag dito sabay taas sa hawak na kamay nito. Bumubuwelo upang patuluhin ang luha niya. "I—nay," ulit niya. 'Buwisit! Hindi naman ako maiyak?' aniya sa isipan. Imbes kasi na maiyak ay natatawa pa siya sa hitsura ng ina. "Anak, wala kaming sekreto. Binigay namin ang lahat ng pagmamahal namin sa'yo. Alam mo bang, kahit anong hirap sa buhay ay ginapang namin ng Itay mo. Kahit ang pangarap mong makapunta ng Arimeka, kahit tutol ako ngunit pumayag din ako dahil para sa'yo iyan," tulo ng luhang saad ng ina. Na-badtrip siya. Plano niya na siya ang magdrama pero dinaig siya ng ina. Natalo tuloy siya. Muling bumaling kay Zeus. Seryoso ito at nakamasid lang kaya mabilis na siniko ito. "Tulungan mo kaya ako rito para mapadali tayo," bulong dito. Ngumiti si Zeus saka nilabas sa bulsa ang dalawang larawan. Iyon ay ang larawang pinadala ni Xian at ang kuha nila sa engagement party ni Joe. Nanlaki ang mata ni Kikay saka kumindat kay Zeus. Matalino nga talaga ito, bakit hindi niya naisip iyon. Sa pamamagitan ng larawang iyon ay malalaman nilang may kakambal siya. Baka umamin na ang mga ito. Parang barahang nilatag iyon sa mesa. Kapwa nanlaki ang mata ng magulang niya. Nanginginig ang kamay na kinuha ng ina ang larawan at tinitigan ang babaeng kamukha niya. Kapwa nagtinginan ang magulan niya kasabay nang mahabang katahimikan. Nakakabinging katahimikan. Ang kaniyang ama ang unang bumasag sa katahimikang iyon. "Lumen, panahon na siguro na sabihin natin ang katotohanan," pukaw nito. "Pero Karyo—" sawata nito. "Malaki na si Kikay. Anuman ang nagawa natin noon, nasa kaniya kung magagawa niya tayong patawarin. Anak, siguro naman ay naramdaman mong minahal ka namin ng Inay mo. Binigay namin ang lahat ng meron kami. Anak, sana ay mapatawad mo kami," mahabang pahayag ng ama sa kaniya. Sa isang iglap ay tila nasa madramang teleserye si Kikay. Ang masaya niyang pamilya, ngayon ay hilam ng luha dahil sa isang malaking lihim. Lihim ng kaniyang katauhan. "Buhay sila. Buhay sila," agaw ng ina sa eksena ng ama. "Ikaw na ang magkuwento, Lumen," ani ng ama na pinipigilang maiyak. "Ganito kasi iyon anak, alam mo naman siguro kung papaano kami nagkakilala ng Itay mo. Masaya sa bayan namin noon, kapag may pasayaw ang lahat ng dalaga at binata ay masaya. Hanggang sa napansin kong panay ang tingin ng Tatay Karyo mo. Nang minsang isayaw niya ako, halos hindi niya ako bitawan." Halos tumirik ang mata ni Kikay. Alam na alam na niya ang kuwentong iyon dahil iyon ang palaging kuwento nito kapag pinapatulog siya nito. "Tapos ng manligaw ito sa akin ay sinagot ko na kasi bago pa man niya ako ligawan ay crush ko na rin siya," kinikilig pang kuwento ng ina. "Inaaaaayy! Alam ko na po iyan? Pwede bang fast forward na tayo. Doon sa saktong paano ako napunta sa inyo," turan niya rito. Bumuntong-hininga ang ina. "Iyon nga, nagpakasal kami at may nangyari sa amin." "Inaaaayyy?!" awat sa kuwento nito baka ikuwento pa kasi nito kung paano nila ginawa iyon. Agad siyang bumaling kay Zeus. Hindi kapigilan ni Zeus ang mapangiti ng maluwag. Talaga ngang sa mga ito nagmana si Kikay. "Akala ko ba gusto mong malaman kung paano ka napunta sa amin?" gagad na wika ng ina. Wala tuloy nagawa si Kikay kundi ang hayaan ang inang magkuwento. "Hanggang sa magbuntis ako. Sa hirap ng buhay ay hindi kami agad nakapagpa-check up. Nang makapagpa-check up naman kami ay sinabing mas mainam daw na ipalaglag ko ang bata," malungkot na turan nito. "May kondisyon kasi akong-" napatigil ito at tila inaalala ang idurugtong. "May kondisyon kasi akong e—ectopelipsy ba iyon? Ano nga ba iyon Karyo?" baling sa asawa nito. "Hindi ko na rin tanda, tagalugin mo na kasi. Nagbuntis siya sa labas ng bahay bata niya. Kaya payo ng doktor na tanggalin ang bata kung hindi ay maging siya ay mapapahama," turan ng ama. "Oo, ganoon nga anak. Dahil ang trabaho lang namin ng Tatay mo sa Quezon ay magsaka at mangahoy ay wala talaga kaming pera kaya sa hilot o abursuyonista namin pinatanggal. Hindi ko naman alam na delikado, nang halos mamatay na ako sa pamimilipit ay napilitan akong itakbo ng Itay mo sa pagamutan at doon ay naapektuhan daw ang matris ko. Dahil sa impection ay tinanggal iyon dahilan para hindi na kami magkaanak ng Itay mo. Sinabi ko pa noon sa kaniya na pwede na siyang maghanap ng ibang aasawahin dahil hindi ko na siya mabibigyan ng anak," luhaang kuwento ng inay niya. Maging siya ay naiiyak na rin. "Dapat kasi Inay, sa doktor na kayo nagpunta una pa lamang," naluluhang saad. "Sana nga anak, kung alam mo lang," tugon naman nito. "Pero mahal ako ng Itay mo kaya hindi ako iniwan. Tanggap na namin na kailanman ay hindi na kami magkakaroon ng anak pero dumating ka. Dumating ka sa panahong natututunan na naming mamuhay na kami lang mag-isa," anito sabay tigil sa pagkukuwento at tumitig sa kaniya. Hinawakan ang mukha niya. "Anak, natatakot kaming sa malalaman mo ay iwan mo na kami," anito na umiiyak. Umiyak na rin siya. "Inay, hindi. Hindi ko po kayo iiwan. Mahal na mahal ko po kayo, gusto ko lang malaman ang katotohanan tungkol sa aking sarili kung bakit ako may kamukha," luhaang saad. "Anak, hindi ka namin totoong anak," pag-amin ng ina sa kaniya. Sinapo niya ang mukha niya. "Isang araw habang nangangahoy kami sa probensiya namin sa Quezon bigla kaming nakarinig ng malakas na kalabog. Malakas na malakas iyon kaya hinanap namin ng Itay mo kung saang galing. Doon ay nakita namin ang isang owner type jeep na nakabangga sa isang puno sa isang bangin. Mabilis naming pinuntahan ang sasakyan bago pa iyon mahulog. Habang patakbo kami ng Itay mo papunta sa sasakyan ay palakas nang palakas ng palahaw mo. Nang makita ka namin sa isang maliit na basket na nakatali sa upuan katabi ng tunay mong ina na may kalong ding isang sanggol. Suspetsa namin ay kakambal mo habang sa harapang bahagi ay ang isang lalaki na nagmamaneho. Duguan sila ay walang nagalaw, maging ang sanggol ay walang iyak o anuman. Natakot kami ng Itay mo kung ano ang gagawin namin, iyak ka noon nang iyak kaya mabilis ka naming kinuha at dinala sa pagamutan. Naisip naming ikaw na ang bigay ng Diyos sa amin kaya mula sa Quezon ay lumipat kami ng Cavite dahil baka matunton ka ng kapamilya mo," mahabang kuwento ng ina. Tila napagod ito sa pag-alala ng nakaraan kaya nang matapos ito ay napasandal ito sa upuan. "Nang walang naghahanap sa'yo ay naisip naming baka nga patay ang lahat ng pamilya mo kaya nang tanungin ng Sir mo kung may kakambal ka ba ay nabagabag ang iyong ina," pagpapatuloy ng kaniyang ama. "At tama nga ang hinala namin, buhay sila at mukhang pagkakataon na rin ang naglalapit sa inyo. Anak, alam kong masakit ito sa'yo dahil sa ginawa namin pero natakot lang naman kami at sa kagustuhan ka naming alagaan sa panahon na iyon," dagdag pa ng ama. Naiintindihan naman niya. Wala na rin namang magagawa dahil nangyari na ang lahat. Minahal siya ng mga ito higit pa sa anak. Hindi man marangya gaya ng babaeng nasa larawan ay maayos naman. "Wala na po ba kayong nakitang isa pa?" tanong sa mga ito. "Anong isa pa?" tanong ng ina. "Isa pang kakambal ko?" dagdag na tanong. Napakunot ang mga ito saka umiling. "Dalawa lang kayo ng sanggol na kalong ng Mama mo," sabad ng inay niya. "Pero sino po siya, bakit kamukha rin po namin siya?" giit na tanong sa mga ito. Muling hinawakan ng mga ito ang larawan saka pinagkumpara. Gaya nila ay napansin ang nunal sa baba ni Althea. "Iyan ang hindi na namin alam ng inang mo anak," mahinang turan ng itay niya. "Ngayong alam mo na ang katotohanan anak, iiwan mo na ba kami?" ang naiiyak na namang turan ng ina niya. Tumayo siya at umupo sa pagitan ng magulang niya. "Hindi po Inay, mahal na mahal ko po kayo. Kung mahanap ko man po ang totoo kong pamilya. Kayo pa rin ang magulang kong nagmahal sa akin at nagpalaki," garantiyang turan sa mga ito. "Plano mo na bang hanapin ang mga tunay mong magulang?" baling ng ina. Bakas ang pag-aalala. "Alam na po namin kung saan sila matatagpuan. Gusto ko lang pong malaman mula sa inyo mismo ang katotohanan," malambing na turan sa magulang. "Ngayong alam mo, hindi ka namin pipigilan ng Itay mo. Anuman ang mangyari ay nakaalalay lang kami sa'yo anak, lalo na kung ito ang makapagpapaligaya sa'yo," turan ng ina na kinagaan naman ng husto ng kaniyang damdamin. Batid niyang kahit papaano ay hindi na niya masasaktan ang mga ito sa gagawing paghahanap sa katototohanan. Nang matapos ang pag-uusap na iyon ay pumasok ang mga magulang sa silid. Habang siya ay naiwang natitigilan. "Are you alright?" baritonong tinig ni Zeus. Agad siyang nagtaas ng tingin. "Yes. Are you?" maang na balik na tanong dito. Ngumiti ito. "Yeah, not really," anito na kinakunot ang noo niya. "I need the bathroom," turan dito. Kanina ay pasimpleng pinag-aralan ang bahay nila. Ngunit hindi mahanap ang CR ng mga ito. "Ah, pasensiya na Sir. Nasa likod po kasi ang banyo namin." Ang turan ni Kikay. "Halika at sasamahan kita," magalang na turan saka mabilis na kinuha ang flashlight sa loob ng silid ng mga magulang. Paglabas ni Kikay ay hawak na niya ang flashlight. "Wala po kasing ilaw roon," dagdag pa nito. Nakita niyang tila ay natigilan si Zeus. No choice si Zeus. Kailangan na talaga niyang magbanyo. Sumunod siya kay Kikay, sa 'di kalayuan ay nakita siya ng puso at labahan. Sa tabi noon ay isang maliit na sementadong kahon. Batid niyang iyon na ang banyo na sinasabi ni Kikay. "Paano kung gagamit ka sa madaling araw. Lumalabas ka pa ng bahay niyo?" dinig na tanong ni Zeus. Ngumiti siya. "Noong bata ako. Lagi ako nagpapasama kay Itay o Inay. Kapag natatae ako pero kapag ihi lang laging may arenola si inay, pero noong nagdalaga na ako na mag-isa. Safe naman dito, halos magkakakilala kami," katuwiran niya saka bumuntong-hininga. "Kaya nga ako nagsumikap na pumunta sa Amerika. Gusto ko kasi silang mapagawan ng kahit maliit na bungalow na nasa loob na ng CR. Nahihirapan na kasing tumingin sa dilim si Inay," dagdag niya. Napatigil si Zeus sa narinig. Nasa may poso na sila noon. "Saglit lang Sir at titignan ko kung may tubig sa loob," aniya saka mabilis na pumasok. Paglabas ay bitbit ang balde. Nagtungo sa poso pero agad na humarang si Zeus. "Ako na," anito. Natatawa pa siya dahil walang nalabas na tubig sa ginagawa nitong pagbomba. Nakailang taas-baba na ito pero walang mahugot na tubig. Meron konti pero mas malakas pa yata ang ihi ng kambing. "Ganito po kasi, Sir," aniya rito sabay senyas. Kahit sa dilim ay nakitang nagsalubong ang kilay nito. "Call me, Zeus. Ilang beses ko bang sasabihin," anito. Muling tumawa si Kikay. "Okay, Zeus, ganito magbomba," aniya saka nagmuwestra para alam nito. "Ah, okay," anito at tumango-rango. "Okay, let me," anito at muling hinawakan ang bakal ng posong de bomba. Napangiti ito nang makuha nito ang teknik at mabilis napuno ang timba. Binitbit iyon at pumasok sa banyo. Napalunok si Zeus ng makitang madilim ang loob. Na kay Kikay kasi ang flashlight. "Kath?" tawag dito. Nabigla si Kikay sa pagtawag ni Zeus. Hindi iyon normal sa pandinig niya. "Kath," ulit nito. "Bakit Zzz—Zeus," alanganing tawag sa pangalan nito. "Wala ba talagang ilaw dito?" anito. Napangiti si Kikay sa narinig. "Hindi ko kasi makita ang sabitan ng tuwalya," anito. "Saglit lang Sir at papasok lang ako—" aniya sabay tulak sa pinto. "Saglit dahil hu—" putol na turan ni Zeus nang bumukas ang pintuhan. Malamlam ang flashlight dahil paubos na rin yata ng charge ng battery nito pero hindi noon maitatago ang hubad na katawan ni Zeus. Kapwa sila natigilan, halos mabitawan pa niya ang flashlight. "Zeus?!" gilalas niya nang makabawi. "Sorrry! Sorry!" aniya sabay labas. "Heto po ang flashlight," aniya habang ang kamay na may flashlight lang ang nakapasok sa pintuhan. "Sa likod po ng pintuhan ay may sabitan, doon mo na rin po isabit ang flashlight," saad ni Kikay habang sapo ang dibdib sa lakas ng tambol noon. Ngunit sa labi ay napapakas ang matamis na ngiti. Hindi maiwasang kiligin sa ganda ng katawan nito. Biruin mo bang naka-brief lang ito pagpasok niya. "Kath," maya-maya ay hawak nito sa kamay na nakapasok sa banyo. Halos manlamig ang buo niyang katawan. 'Diyos ko, huwag po. Huwag po, baka magahasa ko siya," daing ng kaniyang pilyang isipan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD