"Ate Matilda!" masayang pagsalubong sa akin nina Yulian at Yulie nang makauwi ako sa mansyon pagkatapos ng maghapon na pagsabak ko sa paghahanap ng trabaho.
Binigyan ko pa sila ng malawak na ngiti nang sa ganoon ay mapagtakpan ko ang matinding pagod na nararamdaman. Ngunit unti unti napawi ang ngiti na iyon nang mapansin na unti unti pumapayat ang mga kapatid ko. Dalawang buwan na rin kasi ang nakalipas magmula na magsimula ako na maghanap ng trabaho sa kabayanan. Subalit hanggang ngayon ay bigo pa rin ako na makahanap ng trabaho. Tanging bumubuhay na lang sa amin ay ang pagbenta ko ng mga natitirang alahas ko. Ngunit alam ko na sa susunod na buwan ay wala na talaga kami mapagkukunan pa ng pera para maipambili ng aming pagkain.
"Hahaha! Inintay niyo ba ako rito? Tamang tama may dala akong tinapay," nakangiting pag-abot ko pa ng dalang supot sa kanila.
Nagkatinginan ang mga kapatid ko at tila mga nag-aalangan na kuhanin ang supot sa akin. Kahit mga bata pa lang sila ay alam ko na nahahalata na nila ang aming sitwasyon.
"A-Ate... Busog pa naman kami eh..." pagsisinungaling sa akin ni Yulian, "Di ba, Yulie?"
Mabilis na itinango naman ni Yulie ang ulo niya para sang-ayunan ang sinabi na iyon ni Yulian.
"Oo, ate! Mga busog pa kami!" buong siglang sambit pa ni Yulie sa akin, "Sa iyo na lang iyan!"
Ngunit biglang malakas na tumunog ang mga tiyan nila. Doon ay agarang napaiwas sila ng tingin sa akin habang mga mamumula ang mga tenga.
Lihim na napahagikgik na lang ako sa ginawa nilang iyon. "Paano ba iyan hindi umayon ang mga tiyan niyo. Sige na, kainin niyo na ito," tumatawang pagpupumilit ko sa kanila na kainin ang dinala kong tinapay.
Doon ay parehong napanguso sila bago napipilitan na kinuha ni Yulian ang inaabot kong supot. Ngunit nang masilip niya na dalawa lamang ang tinapay na laman nito ay agarang tiningala niya ako.
"Ate, hati kami ni Yulie sa isa. Sa iyo na itong isa," nag-aalalang sambit pa niya, "Mga bata pa naman kami! Hindi namin kailangan ng maraming pagkain!"
Iniling ko naman ang ulo ko. "Hindi sa inyo iyan. Kailangan niyo rin kumain ng madami para mabilis kayo na mga lumaki di ba?" agarang pagtanggi ko, "Huwag niyo ko isipin. Kumain na ako bago umuwi."
Hindi naniniwalang tinignan naman ako ng dalawa kong kapatid. Ngunit alam nila na hindi ako aamin kahit alam nila ang katotohanan na hindi pa nga ako kumakain mula kahapon.
"A-Ate..." nag-aalangan na pagtawag sa akin ni Yulie.
Muling nginitian ko sila bago nagkunwari na humikab. "Pasensiya na, Yulian, Yulie. Doon muna ako sa kwarto ko para magpahinga," pagpapalusot ko bago pa ipilit nila ibigay sa akin ang isang tinapay, "Medyo napagod ako sa pagbisita sa bayan. Gisingin niyo na lang ako mamaya."
Doon ay napipilitan na tumango silang dalawa bago hinayaan ako na magtungo sa aking kwarto. Pagpasok ko naman sa loob ng kwarto ko ay bumungad ang tanging karton na siyang nagsisilbing kama ko. Halos nalimas kasi ang mga kagamitan namin sa bahay para lang may maibayad kami sa bangko. Kaya maswerte pa kami na naiwan ang mansyon sa aming pangangalaga. Iyon nga lang ay aanhin namin ang ganitong kalaking mansyon kung wala naman kami mga kagamitan dito. Gusto ko man ibenta ito pero hindi ko naman ito magawa gawa. Iyon ay dahil ito na lamang ang tanging naiwan na alaala ng aming magulang. Ayoko naman na pati ito ay bitawan ngayon.
"Pero kung hindi pa rin ako makakahanap ng trabaho sa mga susunod na linggo ay baka mapilitan ako na ibenta na lang ito," malungkot na pagplano ko pa.
Kasi mas mabuti na ibenta ko na lamang ito kaysa hayaan na patuloy na magutom ang mga kapatid ko. Maaari ko rin magamit ang perang makukuha ko sa pagbenta nito sa pagpunta sa ibang bayan para maghanap doon ng trabaho. Baka sakali kasi naroroon ang swerte ko at hindi sa bayan na ito.
*growwwwwwl*
Agarang napahawak ako sa aking tiyan dahil sa malakas na pagtunog nito. Ramdam ko pa ang panginginit at p*******t ng aking sikmura dahil sa matinding pagkagutom. Kaya nanghihina na humiga na lamang ako sa ibabaw ng karton at ginamit ang aking braso bilang unan. Ilang beses pa ako napabuntong hininga habang iniisip ang gagawin para makakuha ng trabaho.
"Kung gupitan at kulayan ko kaya ang buhok ko? Hmmm... Lagyan ko rin ng pangdikit ang talukap ko para maiba ang porma nito? Kung ahitin ko rin kaya ang kilay ko?" sunud sunod na pagplano ko para mabago ang aking nakakaintimida na itsura, "Pero kapag ginawa ko iyon at baka mas lalo lang magmukha ako kontrabida sa mga nobela nito," problemadong dagdag ko pa.
Doon ay nagbaling baling ako ng higa habang nag-iisip pa ng ibang paraan para matanggap sa inaaplayan na mga trabaho. Ngunit anong isip ko ay isang gawang isip lang ng mga nobela na may kakayahan na baguhin ang anyo ng isang karakter. Wala talaga ganoon sa realidad.
"Mukhang kailangan kong tanggapin na hindi magiging madali sa akin ang paghahanap ng trabaho," nanlulumo na bulong ko pa, "Kailangan ko na lang umasa na may mabait na tao na tatanggap sa akin bilang empleyado."
*klak klak klak klak*
Sa narinig na ingay na iyon ay agarang napabangon ako mula sa pagkakahiga. Hindi ako maaaring magkamali na mga tunog iyon ng karwahe na siyang paparating sa aming mansyon. At ang tanging naisip ko ay baka dumating na naman sina Tito Victor para subukin muli na kuhanin ang mga kapatid ko mula sa akin.
"Sina Yulie at Yulian!" maalerto hiyaw ko at dali dali na lumabas ng aking kwarto.
Halos madapa pa nga ako sa aking pagtakbo. Labis labis ang takot ko na baka bigla na lamang dakpin nina Tito Victor ang kapatid ko kapag nakita nila na wala ako para protektahan sila roon.
"Yulian! Yulie!" malakas kong pagtawag sa kanila.
Binuksan ko ang mga kwarto nila ngunit lalo ako nangamba nang makita na wala sila roon. Doon ay muling tumakbo ako para hanapin sa aming mansyon ang mga kapatid ko.
"Yulian! Yulie! Nasaan kayo?" sobrang kabado na pagtawag ko, "Sumagot kayo! Pakiusap!"
"Ate!" kinakabahan na pagtawag naman sa akin nina Yulian at narinig ko ang nagmamadaling pagtakbo nila patungo sa kinaroroonan ko.
Nang makita ko sila ay agarang niyakap ko sila nang mahigpit. Nanginginig ang mga kamay ko sa pag-aakala na makukuha na sila mula sa akin.
"A-Ate..." kinakabahan na pagtawag sa akin ni Yulie, "S-Sila ba ang mga dumating? K-K-Kukunin ba nila kami?" naiiyak nilang pagtatanong sa akin.
Mabilis na iniling ko ang ulo ko. "Hindi. Hindi nila kayo makukuha sa akin," mariing sambit ko, "Magtungo kayo sa kwarto niyo. Huwag na huwag kayo lalabas hanggang sa hindi ako ang tumawag sa inyo. Naiintindihan niyo ba?"
Mabilis na itinango ng dalawa ang kanilang mga ulo. Pagkatapos ay tumakbo sila pabalik ng mga kwarto nila para sundin ang inutos ko. Hinintay ko muna na makapasok sila sa kanilang mga kwarto bago ako humakbang patungo sa pinto at alamin kung sino ang bisita na dumating sa oras na ito.
"Hindi ba talaga nila kami titigilan," hindi ko pa matutuwang bulong habang hinahanda ang sarili sa mga sasabihin nila.
Nang makahulma na lao ay doon ko lakas loob na binuksan ang pinto. Ngunit sa pagbukas ko ay bumungad sa akin ang isang magarang karwahe.
"H-Ha?!" gulat kong bulalas at kunot noong pinagkatitigan ito.
Wala ako maaalala na may kamag-anak kami na may ganitong karwahe. Hanggang sa lumapit sa akin ang isang matandang lalaki at magalang na yumuko sa aking harapan.
"Binibini, pasensiya na pagpunta namin na walang paalam," paghingi niya ng paumahin sa akin, "Ikaw po ba si Matilda Ursula?"
Napataas naman ako ng kilay dahil sa kilala niya ako. "Oo, ako nga," maalertong tanong ko, "Sino ka? Ano ang pakay niyo sa akin? Mga pinadala ba kayo ng mga kamag-anak namin?"
"Binibini, huwag kang matakot sa amin," pagpapakalma sa akin ng matandang lalaki, "Nandito kami dahil nais ka kausapin ng aming amo."
"A-Amo?" kunot noong pag-ulit ko.
Doon ay nagsimula na bumukas ang pinto ng karwahe at lumabas doon ang isang babae. Halos mapanganga pa ako nang makita kung gaano kaganda ang babaeng iyon. Kulang na lang ay ihambing ko ang ganda niya sa isang anghel.
"Nagagalak ako na makilala ka, Binibini Matilda," buong elegante na pagbati niya sa akin, "Ako nga pala si Ammarah Soleia."