Job Order 2

1289 Words
"Marunong ka ba maglinis? Magluto? O maghugas?" Mabilis na itinango ni Matilda ang kanyang ulo para kumpirmahin iyon. "Opo ma'am!" buong kompiyansa na pagsagot pa niya, "Kayang kaya ko po ang kahit anong gawaing bahay. Hinding hindi po kayo magsisisi kapag kinuha niyo ko!" Pinakita niya sa kanyang tingin ang pagiging desperada na matanggap sa trabaho na iyon. Ngunit mariin na tinitigan lamang siya ng may-ari na kanyang kaharap. Halatang masinsinan na pinag-iisipan nito kung tatanggapin ba niya siya bilang tagasilbi sa kanilang kainan. Lalo pa na kilalang kilala ang kainan nila sa buong kabayanan. At karamihan sa mga kumakain sa kanila ay ang mga dayo na nagnanais lang matikman ang masasarap na lutuin nila. Kaya sa umuusbong na kasikatan na iyon ng kanilang kainan ay talagang kinukulang na sila ng tao mula sa dami ng kanilang mga parokyano na dumadating sa bawat araw. Ito ang dahilan kaya naglagay sila ng anunsiyo na naghahanap sila ng mga bagong tagasilbi. Gayun pa man ay kabaliktaran ng inaasahan ni Matilda ang naging reaksyon ng may-ari. Nakita niya kasi kung gaano kabilis na natanggap ang ibang babae na nauna na nag-aplay sa kanya. Ngunit nang siya na ang kaharap ng may-ari ay hindi man lang magawang ngumiti nito sa kanya. Pagkatapos pa ng ilang sandali ay biglang iiling iling na inilapag ng may-ari ang iniabot na papel ni Matilda na naglalaman ng kanyang mga impormasyon at kaalaman. Malakas na humugot pa ng hininga ang may-ari bago hinarap ang tingin ni Matilda. "Sa totoo lang ay kailangan na kailangan talaga namin ng tagasilbi ngayon," pag-amin ng may-ari kay Matilda na siyang ikinaasa niya, "Subalit... Sa tingin ko ang hindi nababagay sa iyo ang trabaho na ito, Binibini Matilda..." Labis na nagulat si Matilda sa kanyang narinig. Hindi niya maintindihan kung paano siya hindi nababagay sa trabaho na iyon. Sobrang kompiyansa siya na marunong siya sa mga gawaing bahay para hindi matanggap ng may-ari. "T-Teka lang po... H-Hindi po ako nababagay?" hindi makapaniwala na pag-ulit pa niya, "P-Paano niyo po nasabi iyon? Marunong naman po ako sa lahat ng gawaing bahay. Kaya ano pa po roon ang problema sa akin?" Mapait na nginitian siya ng may-ari ng kainan na iyon. "M-May nakapagsabi na ba sa iyo tungkol sa iyong nakakaintimida na itsura?" kinakabahan na pagpansin nito sa kanyang mukha, "Sa tingin ko kasi kapag tinanggap kita ay baka mabawasan pa ang aking mga parokyano dahil sa matatakot sila sa iyo." Sa narinig na dahilan ay labis na namigat ang puso ng dalaga. Noon pa lang ay alam na niya kung gaano kapansin pansin ang matapang na itsura niya na maihahambing sa mga kontrabida sa nobela. Ngunit wala naman siya ginawang kahit anong kasamaan para katakutan nila. Anyo lang naman ito na siyang hindi niya na kayang baguhin pa. "P-Pero kailangan ko po ng trabaho..." nagmamakaawang sambit ni Matilda, "K-Kahit sa kusina lang po ako... 'Yung hindi po ako makikita ng mga parokyano niyo... N-Nakikiusap po ako sa inyo na tanggapin niyo ko..." Agarang napaiwas ng tingin ang may-ari sa kanya. "Pasensiya na talaga, Binibini Matilda. Buhay ko rin kasi ang negosyo na ito. Marami rin akong mga kalaban na nagnanais na pabagsakin ang negosyo ko kaya baka gamitin ka pa nila bilang oportunidad na siraan kami," pagdadahilan ng may-ari para tanggihan ang minungkahi ko, "Subukan mo na lang na pumunta sa ibang kainan... O kaya sumubok ka na lang ng ibang trabaho... Pero pasensiya na talaga... Hindi ka maaari sa kainan ko." Sa narinig na payo na iyon ng may-ari ay lalong nanlumo si Matilda. Pagkatapos ay nanginginig na kinuha niya ang inilapag na papel nito bago dali dali na lumabas doon. Hindi niya akalain na hindi siya matatanggap dahil lang sa kanyang nakakaintimida na itsura. At katulad ng payo sa kanya ay lumibot siya sa kabayanan para sumubok na mag-aplay muli sa mga negosyo na naghahanap ng mga tauhan. Ngunit lahat ng pinasukan niya ay isa lang ang sinasabi. Hindi nila kaya siyang tanggapin dahil baka ito ang ikasira ng kanilang mga negosyo. Na baka kaysa dumami ang mga parokyano nila ay mawala pa ang mga ito. Kaya pagkatapos ang halos anim na oras na kanyang pag-iikot ay gigil na gigil na napapadyak ng kanyang mga paa si Matilda at galit na napasabunot sa sarili niyang buhok. "Aaaargggh! Bakit ganito ang kinalabasan ng paghahanap ko ng trabaho?!" galit na paghiyaw pa ni Matilda nang makapunta siya sa hindi matao na lugar, "Kasalanan ko ba na ipinanganak ako sa ganitong mukha?! Hindi naman yata tama na hindi nila ako tanggapin nang dahil lang dito!" Ngunit kahit paulit ulit na magreklamo siya ay hindi mababago nito ang kanyang sitwasyon na hindi siya makahanap ng trabaho. Kapag nagpatuloy ito ay paniguradong magugutom ang mga kapatid niya na umaasa sa kanya ngayon. "Hindi kaya isinumpa ako ng mga kamag-anak ko?" hinala pa niya sa nangyayari sa kanya, "Ginagawa ba nila ito sa akin dahil sa hindi ko ibinigay sa kanila ang mga kapatid ko? Gusto nila na sumuko ako sa kanila? Ganoon ba?" Ngunit alam niya na napaka-imposible na mangyari iyon. Talaga lang nawala sa isip niya ang problema niya sa kanyang itsura. Dahil noon ay alagang alaga siya ng magulang niya sa loob ng kanilang mansyon. Iyon ang dahilan kaya mga tauhan ng mansyon lang ang nakakasalamuha niya sa mga nakalipas na mga taon. Idagdag pa na lahat ng ang mga ito ay sanay na sa nakakaintimida na anyo niya para katakutan pa siya. "Mali ba ang naging desisyon ko...?" pagtatanong pa ni Matilda sa kanyang sarili, "Dapat ba hinayaan ko na lamang ang mga kapatid ko sa kanila kaysa magutom sila sa aking pangangalaga?" Hanggang sa hindi na niya napigilan at nagsimula na nga ang pagtulo ng mga luha niya. Mabilis na pinahid naman ni Matilda ang mga ito at pilit na pinigilan na bumagsak. Ipinangako niya sa kanyang sarili na magiging matatag siya. Na gagawin niya ang makakaya niya para sa kanyang mga kapatid. Ang problema kahit anong pagiging desidido niya ay hindi niya naman kayang labanan ang dikriminasyon sa kanya dahil sa kanyang itsura. Hindi naman siya panget o gusgusin na tao. Talagang may nakakaintimida at matapang na anyo lamang siya. Dahil sa wala naman din narating ang paghahanap niya ng trabaho ay naisipan na muna ni Matilda na tumigil at magpahangin sa madadaaan niya na isang tulay. Ilang minuto na nakalumbaba lamang siya roon. Hindi niya tuloy maiwasan na tantiyahin kung gaano kataas ang tulay na kinaroroonan niya. Lalo pa ng matitigan niya ang malalaking bato sa ilalim ng tulay na iyon "Panigurado na kapag nahulog ako rito ay mamamatay ako," pagbulong pa niya. Hanggang sa pumasok sa isipan niya ang ideya na wakasan na lang ang kanyang buhay. Nang sa ganoon ay makawala siya sa lahat ng problema niya. Lubos na kasi siya nahihirapan at gustung gusto na niya na sumuko sa buhay. Kaya mahigpit na napahawak siya sa gilid ng tulay habang tila hinihipnotismo ng ilalim nito na tumalon doon. Kaunti kaunti na lang ay talagang makakasama na niya ang magulang niya sa kabilang buhay. 'Ate Matilda!' Bigla siya napaurong palayo roon nang marinig sa kanyang isipan ang masayang pagtawag ng kanyang mga kapatid. Doon ay muling tumulo ang mga luha niya. "Matilda, ano ba iyang iniisip mo?" pagsermon niya sa kanyang sarili at paulit ulit na binatukan ang kanyang ulo, "Nangako ka sa kanila di ba? Hindi mo sila iiwan na dalawa. Na pro-protektahan mo sila sa iyong mga mapahangad na mga kaanak. Tsaka unang beses ka pa lang naman sumubok na maghanap ng trabaho! Hindi pa ito rason para tuluyan na sumuko! Darating din ang pagkakataon na makakahanap ka ng matinong trabaho! Magtiis ka lang muna! Makakagawa ka pa ng paraan! Maiiahon mo rin sila sa sitwasyon niyo!"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD