Job Order 1
"Waaaaah! Mama! Papa!"
"Huk! Sina mama! Waaaah!"
"Bakit niyo kami iniwan?! Waaah!"
"Mama, papa! Paano na po kami?"
"Waaaah!"
Malakas na umalingawngaw sa buong sementeryo ang pag-iyak ng dalawang bata. Parehong nakasuot sila ng itim na damit habang pilit na nilalapitan ang hukay na siyang kinaroroonan ng dalawang kabaong at unti unti na tinatabunan ng lupa.
Tulala naman pinapanuod ng dalagang nasa harapan nila ang ginagawang pagtatabon na iyon. Walang anumang luha na lumalabas sa kanyang mga mata pero makikita sa kanyang mukha ang labis na pagdadalamhati. Dahil sa isang iglap ay mga naulila sila nang mamatay sa isang malagim na aksidente ang kanilang mga magulang.
Gusto man niya umiyak katulad ng kanyang mga kapatid pero kailangan niya maging matagtag para sa kanila. Siya na lamang ang tanging maaasahan ng mga ito ngayon. Lalo pa na maraming problema ang kakaharapin nila pagkatapos ng araw na ito. Habang inaayos niya kasi ang libing ng kanyang magulang ay natuklasan niya na may malaking pera na inutang ang kanilang ama. Nagkataon na sa isang kilalang bangko nanghiram ang kanilang ama. Nais sana nito gamitin ang pera bilang kapital sa itatayo bagong negosyo. Ngunit sa kalagitnaan ng pagsasaayos ng kanyang ama sa panibagong negosyo na iyon ay bigla naman namatay ito.
Ngayon ay sinisingil siya ng bangko para mabawi ang malaking pera na inutang ng kanilang namayapang ama. Kaya ang tanging magagawa niya ngayon ay ibenta ang kanilang mga alahas, mamahaling damit, magarang kagamitan at ano pang mga bagay na maaaring pagkunan ng pambayad nila. Hindi niya alam kung may matitira pa sa kanila ng mga kapatid niya. Ngunit ito lamang ang solusyon na naisip niya sa oras na ito.
"Matilda."
Seryosong binalingan naman ng tingin ni Matilda ang tumawag sa kanya. Doon ay napag-alaman niya na ito ang kanyang tiyuhin na si Victor. Hindi siya masyadong malapit dito pero alam niya na ito ang nakababatang kapatid ng kanyang ama.
"May kailangan po ba kayo sa akin, Tito Victor?" pagtatanong ni Matilda.
Naging malambot naman ang mukha ng kanyang tiyuhin at nagsimula na mangilid ang luha sa mga mata.
"M-Matilda... Alam ko na masyado ka nabigla sa pagkawala ng magulang niyo ngunit kung kailangan mo ng tulong ay nandito ako," nagmamalasakit na sambit ni Victor, "Sa katunayan ay handa ako na ampunin sina Yulian at Yulie."
Sa narinig na mungkahi na iyon ay agarang kumapit sa suot na bestida ni Matilda ang kanyang mga nakababatang kapatid. Ipinakita nila na ayaw nila mawalay sa kanya at sumama sa kanilang kaharap na tiyuhin.
"A-Ate... Huk..." naiiyak pa nilang pagtawag at nagmamakaawa na tinignan si Matilda.
"Matilda... Nasa hustong gulang ka na... Sa oras na ito ay maaari ka na mag-asawa," dagdag na pangungumbinsi pa ng tiyuhin niya, "At magiging pabigat lamang sa paghahanap mo ng iyong mapapangasawa ang iyong mga kapatid. Ako na ang bahala sa kanilang dalawa."
Mariing tinignan naman ni Matilda ang kaharap niyang tiyuhin. Hindi naman siya mangmang para hindi malaman ang lihim na motibo nito. Dahil kahit bumagsak na ang estado ng kanilang pamilya ay hindi pa rin mababago nito na may mataas na titulo sila mula sa palasyo. At iyon ang nais na makuha ng mga kamag-anak nila. Ang titulo na siyang pinaghirapan ng kanilang ama na makamit.
Malakas na napabuga ng kanyang hininga si Matilda. Hindi na kasi mabilang ng kanyang daliri kung ilang kamag-anak nila ang lumapit sa kanya para kuhanin ang kanyang mga kapatid. Lahat sila ay umaakto na mga nakikisimpatya sa kanila pero ang totoo ay nais lang nila makinabang sa pagkamatay ng kanilang mga magulang. Hindi niya akalain na sariling kadugo pa nila ang gagawa nito.
Iniling iling ni Matilda ang kanyang ulo bago idinikit sa kanya ang mga kapatid. "Hindi na po kailangan, Tito Victor," mariiing pagtanggi niya, "Ayoko po ipasambot sa iyo ang tungkulin sa aking mga kapatid. Hayaan niyo po na ako ang mag-alaga sa kanila hanggang sa sumapit na rin sila sa hustong gulang."
Kita ang labis na pagkagulat sa mukha ni Victor sa pagtanggi na iyon ni Matilda. Dahil alam niya na hindi magiging madali sa dalaga na alagaan ang kanyang mga kapatid.
"Hindi mo alam ang sinasabi mo... Maaaring hindi ka makapangasawa kung ilalaan mo ang iyong oras sa pag-aalaga sa mga kapatid mo," hindi pa rin tumitigil na pangungumbinsi ni Victor, "Pakinggan mo ko. Sa amin mo na lamang ipaalaga ang mga kapatid mo. Sisirain mo lang ang buhay mo sa ginagawa mo."
"Tito Victor, kung hindi man po ako makapag-asawa ay desisyon ko po iyon," pagmamatigas muli ni Matilda, "Hindi ko po ipapaampon kahit kanino ang mga kapatid ko. Mas mabuti na sirain ko na lang ang buhay ko kaysa sirain ko ang mga buhay nila sa inyong mga kamay."
Dumilim ang mukha ni Victor sa sinabi na iyon ng pamangkin na si Matilda. Kaya niya nilapitan ito dahil sa pag-aakala na madali lamang niya makukuha sa dalaga ang mga bata.
"Pagsisisihan mo ito balang araw, Matilda," hindi pa rin nagpapatalong sambit ni Victor, "Darating ang araw na ikaw mismo ang lalapit sa akin para humingi ng tulong."
Ngumisi naman si Matilda at ipinakita na hindi siya natatakot sa pagbabanta na iyon ni Victor. "Hintayin na lang po natin na dumating ang araw na iyon," sambit pa niya, "Iyon po ay kung pagsisisihan ko po talaga ang desisyon na ito."
Gigil na gigil na napakuyom ng kanyang kamay si Victor bago padabog na naglakad palayo. Nang makaalis na ang lahat ng mga nakiramay ay doon nanghihina na napaupo sa kinatatayuan niya si Matilda. Sobrang natakot siya na pwersahan na kuhanin ng mga kaanak nila ang kanyang mga kapatid. Mabuti na lamang ay nagawa niya maprotektahan sila hanggang sa mailibing ang kanilang mga magulang.
Naramdaman naman ni Matilda ang pagyakap ng maliliit na braso ng kanyang mga kapatid. "A-Ate Matilda, hindi mo naman kami ibibigay sa kanila di ba?" umaasang tanong ni Yulie, "Hindi mo kami iiwan katulad nina mama at papa di ba?"
Sa narinig ay malungkot na napangiti si Matilda. Pagkatapos ay inilapat niya ang kanyang mga kamay sa ulunan ng kanyang mga kapatid.
"Hindi ko kayo iiwan," pagbibigay pangako niya sa mga kapatid, "Ako ang bahala sa inyo."
Nangilid ang luha muli sa mga mata ng mga kapatid niya bago siya mahigpit na niyakap ng mga ito.
"Waaah ate!" malakas na pag-ngawa nilang muli, "Salamat ate! Mahal ka namin!"
Naiiyak na niyakap naman pabalik ni Matilda ang mga kapatid. Ito na lang kasi ang mahihiling niya sa mga ito. Ang damayan siya sa anumang pagsubok na darating sa kanilang mga buhay.