Malakas na napasinghap ako nang makilala ang kaharap kong dalaga. Kahit sino na nasa sitwasyon ko ay magugulat kapag narinig ang pangalan na iyon.
Iyon ay dahil ang nag-iisang tagapagmana lang naman ng angkan ng mga Soleia ang aking kaharap ngayon. At hindi rin lingid sa kaalaman ko na ang pamilyang Soleia ay kilalang kilala bilang isa sa mga tapat na tagapaglingkod ng palasyo.
"A-A-Ammarah... S-S-Soleia...?" utal ko pa na pag-ulit, "N-Nagagalak po ako na makilala kayo!" dagdag ko pa at mabilis na yumuko ng ulo sa harapan niya.
Malawak na ngumiti naman si Binibining Ammarah. Kinuha ko naman ang pagkakataon na iyon para ayusin ang pagkakatayo at ayusin ang sarili sa harapan niya. Nakakahiya naman kasi na humarap ako sa kanya na hindi man lang nakasuklay o ano. Idagdag pa na sobrang dugyot ko mula sa maghapon na paghahanap ng trabaho sa bayan.
Nang makuntento na sa ayos ko ay muling nahihiya na hinarap ko ang tingin ni Binibining Ammarah. Hindi ko alam pero kanina ko pa napapansin ang paghagod niya ng tingin sa aking kabuuan. Para bang inoobserbahan niya ako sa dahilan na hindi ko naman alam.
"U-Uhmmm..." hindi ko pa malaman na sasabihin sa kanya, "A-Ano..."
Mariing napakagat labi pa ako. Wala kasi talaga akong ideya sa anumang dahilan ng ipinunta ni Binibining Ammarah sa aming mansyon. Hindi naman kami malapit sa isa't isa at ito pa nga ang kauna-unahang beses na nagkaharap kami ng personal.
"Ah... G-Gusto niyo po ba na pumasok muna?" pagyaya ko na lang sa kanila dahil nasa pintuan pa rin sila hanggang ngayon.
Buong galak na tumango naman si Binibining Ammarah. Doon ay iginiya ko siya patungo sa sala ng mansyon. Kaso huli na ng mapagtanto ko na wala nga pala ako maiaalok sa kanila kahit inumin man lang. Idagdag pa na tanging mga matitigas na silya na lang ang mayroon kami sa sala.
"Uhmmm... Paumanhin, Binibini..." nahihiyang sambit ko pa kay Binibining Ammarah, "Kasalukuyan kasi na hindi maganda ang estado ng aming pamumuhay ngayon."
Nauunawaang napatango naman ng kanyang ulo si Binibining Ammarah. Wala rin kaarte arte na naupo siya sa silya na naroroon.
"Wala ka dapat na ipag-alala, Binibining Matilda... Sa katunayan ay alam ko ang sitwasyon ng iyong pamumuhay ngayon," seryosong sambit naman ni Binibining Ammarah, "At may kinalaman dito ang pagpunta ko."
Agarang napakunot naman ako ng noo sa sinasabi na iyon ni Binibining Ammarah.
"Binibini?" nalilitong bulalas ko pa, "A-Ano po ang inyong ibig sabihin?"
Inilibot muna ni Binibining Ammarah ang tingin sa walang kagamit gamit na mansyon namin. Kita pa ang pagkaawa sa mga mata niya nang makita kung gaano kalala ang kinalalagyan ko na sitwasyon.
"Ang totoo niyan ay nandito ako para alukin ka ng isang trabaho," biglang pagbibigay alam ni Binibining Ammarah na labis ko na ikinagulat, "At ang sahod ay sampung beses na mas malaki mula sa karaniwan na sahod."
Napasinghap ako sa narinig. "T-Trabaho?" hindi ko pa makapaniwalang sambit at bahagyang nabuhayan nang marinig kung gaano kalaki ang kikitain ko.
Ngunit agad din ako natauhan ay napaisip ng malalim. Dahil kung isang lihim ang pagpunta na ito ni Binibining Ammarah sa kanilang mansyon ay nangangahulugan lang na hindi ganoon kadali ang trabaho na iaalok niya sa akin. Na maaaring mapahamak pa ang buhay ko sa anumang trabaho na iaalok ng kaharap na dalaga.
Kaya agarang napakuyom ako ng mga kamay pagkatapos ay humugot ng malalim na hininga at hinarap muli ang tingin ni Binibining Ammarah.
"A-A-Anong klaseng trabaho?" pigil hiningang pag-alam ko pa, "Hindi ba ako mapapahamak diyan?"
Sa pagkakataon na ito ay isang pilit na ngiti ang ibinigay ni Binibining Ammarah sa akin. "Marahil alam mo na hindi isang simpleng trabaho lang ang iaalok ko sa iyo," seryosong sambit niya.
Itinango ko ang ulo ko. "H-Hindi naman siguro nais mo na pumatay ako ng isang tao di ba?" umaasa kong pang pagkumpirma.
Natatawang iniling ni Binibining Ammarah ang ulo niya. "Huwag ka mag-alala... Hindi naman ito isang trabaho na kailangan mo na pumatay," pagtanggi niya.
Doon ay nagpakawala ako ng hininga. Kung sakali na ganoon ang trabaho na iaalok niya ay agarang tatanggihan ko ito. Wala naman kasi sa plano ko na maging isang kriminal para lang kumita ng pera.
"Kung ganoon, ano ang trabaho na gusto niyong ialok sa akin?" seryosong pagtatanong ko pa.
Pinagdaop naman ni Binibining Ammarah ang mga palad niya. Mahalalata na kahit siya ay nag-aalangan na sabihin kung ano ang trabaho na iaalok niya sa akin.
"Binibini... N-Nais ko sana na magpanggap ka bilang kaaway ko," medyo mahina na sambit pa ni Binibining Ammarah, "Kung saan aapi-apihin mo ako o aawayin para gumawa ng malaking eksena."
Agarang itinuro ko naman ang sarili sa narinig. "Ha?!?" malakas na bulalas ko, "Kaaway?! Ako? Mang-aapi?!"
Dahan dahan na itinango ni Binibining Ammarah ang ulo niya. "Tama ka ng iyong narinig. Gusto ko na gamitin ang iyong nakakaka-intimida na itsura para magpanggap bilang kaaway ko," pagklaro ni Binibining Ammarah.
Sa pagbanggit niya sa pinaka-problema ko na iyon ay agarang napahawak ako sa magkabilang pisngi ko. Doon ko napagtanto kung titignan kami ngayon ay tila isa akong kontrabida na kaharap ngayon ang bida sa nobela.
"M-Maaari ko ba malaman ang dahilan para gawin ko iyon," pag-alam ko na lang sa rason ni Binibining Ammarah para mag-alok ng ganitong klase na trabaho, "Pasensiya na pero hindi kasi biro ang trabaho na inaalok mo, Binibini. May imahe rin naman ako na dapat na pangalagaan."
Matipid na ngumiti naman si Binibining Ammarah. Kapansin pansin pa ang pamumula ng magkabilang pisngi niya.
"Uhmmm... Aaminin ko na may hindi ako magandang intensyon para gawin ang bagay na ito," nahihiyang pag-amin pa ni Binibining Ammarah, "Ngunit ito lamang ang naisip ko na paraan para mapalapit at mapansin ni Prinsipe Herod."
Nang mabanggit ni Binibining Ammarah ang pangalan ng nag-iisang prinsipe ng kaharian ay doon ko napagtanto ang gusto talaga mangyari ni Binibining Ammarah. Na nais niya magmukhang kaawa awa sa harapan ng iniibig na prinsipe kung saan pro-protektahan siya nito mula sa pang-aapi ng kanyang kaaway.
Ngunit ang kaaway na iyon ay walang iba kundi magiging ako. Maisip ko pa lang ang gagawin ko at nanlulumo ako na napasandal. Nais ko lang naman magkaroon ng trabaho para sa mga kapatid ko. Kaso dahil sa aking nakakaintimida na itsura ay hindi ito naging madali para sa akin. Hindi ko na nga rin alam kung hanggang kailan ko maitatawid ang kumakalam na tiyan ng mga kapatid ko.
Ngayon ay biglang dumating si Binibining Ammarah para alukin ako ng isang trabaho. Ang problema ay gusto niya na gamitin ko ang nakakaintimida na itsura ko para sa kanyang sariling interes. Kaso kung magtagumpay man ako na mapalapit siya kay Prinsipe Herod ay panigurado na ako ang magmumukhang pinakamasama na tao sa buhay ng magiging bagong reyna.
"Alam ko na hindi madali ang trabaho na inaalok ko sa iyo," nakayukong sambit pa ni Binibining Ammarah at nahihiyang pinaglaro ang mga daliri nita, "Lalo pa na imahe at pangalan mo ang nakasalalay dito. Gayun pa man ay lumapit ako sa iyo dahil sa talaga desperada na ako."
Napatapal naman ako ng kamay sa aking noo. "Pasensiya na, Binibini, pero masyado mo naman ako binigla," paumanhin ko pa, "Hindi ko alam ang dapat kong sabihin sa inaalok mo na trabaho sa akin."
Muling napayuko ng kanyang ulo si Binibining Ammarah. "Huwag ka mag-alala, Binibini Matilda... Hindi naman sampilitan ito..." nanlulumo niyang sambit, "Nasa iyo pa rin naman ang huling desisyon."