HINDI mapigilang mapasigaw si Lynn dahil sa lalaking nasa harap niya. Hindi rin nakalampas sa kanya ang kakarampot na boxers kaya naman mas naalarma siya. Napahawak siya sa kanyang sarili. Mabuti na lang at kumpleto pa ang damit niya pero bukas na ang harapan ng kanyang blusa. Kaya naman ay agad niyang itinakip roon ang hawak na kumot.
Pero si Hyun? Bakit ganoon lang ang suot nito? At anong ginagawa nito sa kwarto niya?!
“Bakit ka nandito?!” direktang tanong niya rito. Hawak-hawak pa rin niya ang kumot at pilit tinatakpan ang hindi nakabutones niyang blusa.
“Ikaw ang dapat kong tanungin. Anong ginagawa mo rito?”
“Natutulog ako, obvious ba? Ikaw, paano ka nakapasok sa kwarto ko?”
“Anong kwarto mo? Kwarto ko ‘to. Ikaw ang hindi dapat nandito!”
“A-ano?” Agad niyang sinipat ang paligid at ganoon na lang ang gulat niya dahil may basehan nga ang sinasabi ni Hyun. Hindi iyon kwarto ng condo niya. It must really be Hyun’s freaking room!
“P-pero paano ako napunta rito? And why are you…” Napadako ang mga mata niya sa katawan ni Hyun. Kanina pa kasi siya distracted sa anim na pandesal na naroon. Parang gusto tuloy niyang magkape.
Hoy, Lynn! Gumising ka na. Nananaginip ka na naman. Hindi iyan ang dapat mong pansinin!
“Hindi ko alam kung paano ka napunta rito sa kwarto ko. Tulad mo, nagulat din ako kung bakit nandito ka. Pinayagan kitang magpalipas ng gabi sa bahay ko. But this is not the guestroom. Sigurado ka bang hindi mo alam kung paano ka nakapasok?” tanong ni Hyun na humupa na ang gulat pero halatang nalilito pa rin.
“Ewan ko. I can’t remember anything.” Maging siya ay wala ring idea kung paano siya nakarating roon. Ang huling naaalala niya ay nasa bar area siya ng bahay at umiinom. Muli sana siyang magtatanong kay Hyun nang ‘di maiwasang mapadako muli ang tingin sa katawan nito. “Uhm…pwede bang… magsuot ka muna ng damit?”
Napatingin si Hyun sa sariling katawan at mukhang noon lang nito napansin ang kahubdan. Mabilis nitong hinila ang kumot na nakatakip sa kanya. Parang isang reflex ay hinila niya pabalik ang kumot dahilan para ma-out balance si Hyun at mahulog sa kama. At hindi lang sa kama kung hindi ay sa ibabaw niya!
Shems!
Ang gwapo pala ng mga mata ni Hyun sa malapitan. Singkit ang mga iyon pero mahahaba ang pilik mata. Matangos ang ilong nito at ang labi naman ay manipis. Siguradong mahihirapan siyang makalimutan ang paglalapit ng kanilang mga katawan at kung gaano kagwapo ng mukha nitong nakatunghay sa kanya.
Naririnig niya ang isip na nag-uutos na dapat na niya itong itulak palayo. Pero bakit ‘di niya magawa?
Tatlong segundo lang at tatapusin na niya ang kabaliwan.
Three…
Two…
One…
“Happy birthday, Hyun!”
Sabay silang napalingon ni Hyun sa pinto ng kwarto. Doon ay may isang may edad na babae na nakatayo at nakatitig sa kanila. Hindi maikakaila ang pagkasorpresa nito nang makita silang dalawa ni Hyun sa ganoong ayos.
Napatingin siya kay Hyun. Para itong namutla nangmakilala ang babae.
“Mama?”
M-mama?!
NANAY, mother, ina, mudra ni Hyun ang nakatayong babae sa may pinto ng kwarto. Titig na titig sa kanila ang ginang na tila ba natuklaw ng ahas.
Kilala naman niya ang ginang dahil nagpupunta siya dati sa bahay ng mga ito sa Mapayapa. Pero medyo matagal na panahon na rin kasi niyang hindi ito nakikita kaya hindi niya agad ito nakilala kanina. Pero bilib siya sa pag-aalaga ng ginang sa sarili. Maganda pa rin ito kahit na nadagdagan ang edad.
Sabay silang napatayo ni Hyun at nag-share na lang sa kumot na kanina’y pinag-aagawan nila. Hindi naman halos maipinta ang mukha ni Hyun dahil sa gulat. Sigurado siyang hindi niya inaasahan na magpakita roon ang ina nang masyadong maaga. Pero kung ganoon ang hitsura ni Hyun, ano na lang kaya ang sa kanya? Bukod sa pamumutla ay hindi pa siya nakakapagsuklay.
“Ma, anong ginagawa niyo rito? Akala ko nasa Seoul kayo?” tanong ni Hyun sa ina.
Pero imbes na sagutin ang tanong ay lumapit pa nang bahagya sa kanila ang ginang at saka siya tinitigan.
“Are you dating my son?”
Halos atakihin na siya sa puso sa tanong ng ginang. Hindi siya tanga para hindi mabasa ang takbo ng isip nito. Ano naman ang gagawin ng isang babae sa kwarto ng isang lalaki kung hindi niya iyon boyfriend?
At sa ganoong ayos pa!
Pero hindi niya hahayaang isipin iyon ng ginang. Kailangan niyang ilugar ang sarili. Kailangan niyang magpaliwanag.
“Kasi po Tita—”
“Oh my! I know you,” anas nito habang nakatitig pa rin sa mukha niya. “Hindi ba’t taga-Mapayapa ka rin?”
“Opo, taga-Mapayapa po ako. Pero tungkol sa—”
“Hindi ba’t ikaw ‘yong kapatid ni Mikael? Lynn, right? Lynn Parcon.”
Shems! Kilala pa rin pala siya ng nanay ni Hyun. At bakit naman hindi? Maliit lang ang Mapayapa. Magkakakilala ang mga tao roon. Bukod no’n ay mukhang friends pa yata sila sa f*******:.
Kailangan na talaga niyang ipaliwanag ang sarili sa ginang. Hindi pwedeng maniwala ito sa maling akala. Pero bago pa man niya maibuka ang labi ay bigla na lang siya nitong niyakap nang mahigpit.
“Finally na meet ko na rin ang babaeng pumipigil sa anak kong tanggapin ang blind dates na hinanda ko sa kanya.”
Oh no! ‘Yon na nga’t napagkamalan na siyang girlfriend ni Hyun. Kung meron lang sanang basehan lahat ng sinasabi ng ginang ay malugod niya iyong aaminin. Kaso wala!
“Tita, it’s not like what you think. I’m not—”
“Iwan niyo muna kami, Ma. Mag-uusap muna kami,” pakiusap ni Hyun sa ina sabay hila nito sa kanya palayo.
“Teka, Hyun. Ipapaliwanag ko lang sa Mama mo ang lahat.”
“Not yet. Mag-usap muna tayo.” Pagkasabi ay pinuntahan ni Hyun ang ina at inakay ito palabas ng silid.
“Okay, okay! Lalabas na ako. Bilisan niyo lang kung ano pa man ang hindi niyo pa natapos at nang makapag-agahan tayo. I’ll cook breakfast for you two,” magiliw na paalam ng ginang. Kumaway pa ito sa kanya bago tuluyang lumabas ng kwarto.
Nang maisara na ni Hyun ang pinto ay saka na niya ito sinugod. “Bakit hindi mo agad in-explain sa mama mo na mali ang akala niya? You should’ve just let me explain.”
Umiling si Hyun. “I don’t want her to think that we’re just friends with benefits. Kilala ko si Mama. She jumps into conclusion at mahirap siyang i-persuade lalo na’t may nakita na siyang ebidensya.”
“Pero hindi naman totoo diba? Let’s just tell her the truth. Maiintindihan naman siguro niya iyon.”
Hindi pa man nakakasagot si Hyun ay may narinig niyang tumunog ang kanyang cellphone. Sininyesan niya si Hyun na maghintay muna habang tinutungo niya ang kama at kinapa sa ilalim ng mga unan at kumot ang kanyang cellphone. Nang mahanap iyon ay doon lang niya nalaman na si Rea pala ang tumatawag. Pero hindi ba’t nasa airport na ito ngayon at malamang ay pa-boarding na sa eroplano?
“O napatawag ka? Hindi ba’t paalis na kayo?” tanong niya sa kaibigan nang sagutin ang tawag.
“Dapat ko nang pinatay ang cellphone ko pero ‘di ko matiis. Hoy babae! Ano ‘tong post sa f*******: at naka-tag ka pa?”
“Anong post?”
“P-in-ost ng mama ni Hyun. Na-meet na raw niya ang girlfriend ng kanyang unico hijo! Ano ‘to? Kayo na ba ni Hyun? Agad-agad? ‘Di man lang ako na-inform?”
Pakiramdam ni Lynn ay lumobo ang kanyang ulo. My god! Mas mabilis pa sa kidlat kung makapag-post ang nanay ni Hyun tungkol sa kanila.
Pinahintay niya si Rea sa linya at mabilis na binuksan ang f*******: app sa cellphone. At totoo nga! May naka-tag sa kanyang post.
Camille Olivares is feeling happy with Lynn Parcon and Hyun Olivares.
Just met my son’s girlfriend, Lynn.
Welcome to the family, my dear! Can’t wait to go girlbonding with you.
Gusto niyang maglupasay sa nabasa. May ten likes na kasi ito in just two minutes. Ibig sabihin ay may nakabasa na noon maliban kay Rea!
“Lynn!”
Narinig niyang boses ng kaibigan. Hindi pa rin pala napuputol ang tawag nito.
“Hello, Rea. ‘Yong nabasa mo, it’s not true!”
“Anong it’s not true? Welcome to the family na nga raw! Explain yourself…wait…oo mahal, nandiyan na.”
Base sa naririnig nya sa background ni Rea ay tinatawag na ito ng kuya Mikael niya. Malamang ay pa-boarding na ang mga ito sa eroplano. Pagkatapos ay narinig niya muli ang kaibigan. “I’ll call you again. Ihanda mo ang sasabihin mo dahil excited na ako! Sige na, bye!”
Iyon lang at pinutol na ni Rea ang linya. Muli niyang binuksan ang f*******: at binasa ang post. My goodness. May 15 likes na ito! May nag-comment pa ng ‘Congrats!’
Naramdaman niyang tumabi sa kanya si Hyun.
“What’s wrong?” tanong nito sa kanya.
Hindi na siya sumagot bagkus ibinigay na lang rito ang cellphone niya. Pinagmasdan niya ang mukha ni Hyun. Naloloka man siya sa sitwasyon ay hindi pa rin nakalagpas sa kanya ang paglaki ng singkit na mga mata ng binata. Ang cute lang tingnan.
Agad niyang pinilig ang ulo. Heh! Umayos ka Mary Lynn Parcon! Hindi ito oras para sa cute-cute na iyan.
“I’m sorry, Lynn. I don’t know what to say. Sabi ko naman sa’yo ganoon si Mama.” Ramdam niya ang pag-aalala sa boses ni Hyun nang isauli ang cellphone sa kanya.
“Let’s just ask her to delete the post pagkatapos nating i-explain sa kanya ang totoo.”
Hindi agad sumagot si Hyun at bahagya siyang tinitigan. “What if…”
“What if ano?”
“What if… panindigan na lang natin ‘to?”
Para siyang binuhusan ng tubig sa narinig. “N-nasisiraan ka na ba?!”
Umiling si Hyun. “No. Ang ibig kong sabihin ay hayaan na lang natin si Mama na isipin iyon. Just for one week or even less. Hangga’t sa makaalis lang siya.”
Siya magiging pretend girlfriend ni Hyun for a week para sa nanay nito?Ano ‘yon? Para siyang naghahanap ng malaking bato na ipupukpok sa ulo? Gulo lang ang maidudulot ng pagkukunwari.
“I think it’s too much. Wala namang masama kung itatama natin ang iniisip ng mama mo. Sabihin na lang natin sa kanya ang totoo.”
“Pagod na kasi ako sa tuwi-tuwinang pagtatanong niya sa akin kung may girlfriend ako. Pagod na rin ako sa mga blind dates na sini-set up niya para sa akin. I just want her to be happy even for a brief moment. At mangyayari lang ‘yon kung may ipapakilala ako sa kanyang girlfriend.”
“Pero bakit ako? Marami ka namang pwedeng kuning iba. Sa playboy mong ‘yan, maraming kang mahahanap!”
“Uy! Hindi ako playboy ha? At saka ikaw ang nakita ni Mama na kasama ko ngayon dito sa kwarto. Kaya wala tayong choice.”
Uminit na naman ang kanyang pisngi sa narinig. Naalala na naman kasi niya kung paano siya nagising nang kayakap ang binata.
“Pero ano namang mapapala ko diyan? Lugi naman yata ako.”
“I’ll do anything you want. Pumayag ka lang.”
Sandali siyang natahimik. Ano nga bang mapapala niya kay kung papayag siyang maging fake girlfriend ni Hyun?
Tinitigan niyang muliang lalaki. Pero isang bagay lang talaga ang pumasok sa isip niya. Bagay na bagay itong maging…
No Lynn! Hindi pwedeng gawing date si Hyun sa high school reunion.
Isang ideal man si Hyun. Gwapo, matalino, mabait at mayaman at higit sa lahat ay pwedeng-pwedeng ipang-display sa mga gathering. Trophy boyfriend nga naman ito. Siguradong maraming kaklase niya ang mainggit sa kanya. Pero ganoon nga lang ba kadali iyon?
“May high school reunion ako this weekend. And I needed someone to pretend to be my partner. Kung tutuusin ay perfect ka para sa role na iyon. Kaso kilala tayong pareho sa Mapayapa. Masyadong magiging komplikado.”
“Okay lang sa akin! Walang magiging problema!”
Namilog ang mga mata niya. “Seryoso ka ba? Ang liit ng Mapayapa. Magkakilala ang lahat ng mga tao. Ang dami nilang pwedeng itanong sa’yo.”
“So what? I can answer all sorts of questions.”
“Sabihin nang malulusutan natin ang mga classmates ko. Paano sina Mama at Papa? Anong sasabihin ko sa kanila? Kay Kuya? Gulo ito sigurado.”
“Ako na ang magsasabi sa kapatid mo. Pero sandali lang naman ‘to. Baka nga hindi pa nakakabalik ang kapatid mo galing France ay aalis na si Mama. It’s up to you kung sasabihin mo sa mama at papa mo. But if you really need to, sasamahan kita.”
Napaisip siya sandali. Kung ilang araw lang naman ay walang magiging problema. Hindi na lang niya sasabihin sa mga magulang niya. Isa pa, she’s a grown woman at kaya naman niyang panindigan ang mga desisyon niya. Bukod pa doon ay hindi naman marunong mag-f*******: ang mga magulang niya. Sa sobrang busy ng mga iyon sa sariling negosyo ay siguradong hindi na nakakapag-internet. Si kuya lang naman niya ang magiging problema. Pero kung tutulungan siya ni Rea ay hindi naman na iyon malalaman ng kapatid.
OMG! Talaga bang tatanggapin na niya ang proposal ni Hyun? Pero sayang din naman talaga ang tsansa. Talaga namang ayaw lang niyang magpunta sa reunion dahil wala siyang madadalang kasama. Ayaw niyang makita siya ng mga dating nambu-bully sa kanya na mag-isa siya. Pero kapag isasama niya si Hyun ay magiging pabor sa kanya ang sitwasyon.
Bukod pa doon ay kitang-kita niya kung gaano kasaya si Tita Camille nang makita siya. Mukhang gustong-gusto na nga nitong magkaroon ng girlfriend ang anak. At kung papayag siya ay mabibigyan niya ng kaunting kaligayahan ang ginang.
Ilang araw lang din naman ang pagkukunwari nila. Kapag nakuha na nila ang mga gusto nila ay magiging masaya sila pareho.
Fine! Para sa reunion ay papayag siya!
Sinulyapan niya si Hyun at saka huminga nang malalim. “Huwag mo na lang banggitin kay Kuya. Ayokong maistorbo ang bakasyon niya dahil dito. Ilang araw lang naman kaya sa tingin ko walang magiging problema. At saka ako na ang bahala kina Mama at Papa hindi na nila kailangang malaman ang bagay na ito.”
“Ibig sabihin ba nito ay tinatanggap mo na ang deal?”
Marahan siyang tumango. “For your mom at sa reunion na rin, pumapayag na ako. Anyway, it’s just a few days.”
Tinitigan siya ni Hyun at saka ngumiti. “Yes. Just a few days.”
Tama lang naman ang desisyon niya. Parehong magiging pabor sa kanila kung magpapanggap sila. Ilang araw lang naman. Pagkatapos ay babalik na sa normal ang lahat.